“ Kundi magmapuri sa ganito ang lumuluwalhati, na kaniyang nauunawa, at kaniyang nakikilala ako, na ako ang Panginoon na nagsasagawa sa lupa ng kagandahang-loob, kahatulan at katuwiran; sapagka't sa mga bagay na ito ay nalulugod ako, sabi ng Panginoon. KJV - Jeremias 9:24
“Walang sinumang tao, kung walang tulong ng Diyos, ang makaaabot sa ganitong kaalaman tungkol sa Diyos. Sinabi ng apostol na “hindi nakilala ng sanglibutan ang Dios sa pamamagitan ng kaniyang karunungan.” Si Cristo ay “nasa sanglibutan at ang sanglibuta'y ginawa sa pamamagitan niya, at hindi siya nakilala ng sanglibutan.” Ipinahayag ni Jesus sa Kanyang mga alagad, “sinoma'y hindi nakakakilala sa Anak kundi ang Ama; at sinoma'y hindi nakakakilala sa Ama, kundi ang Anak, at yaong ibiging pagpahayagan ng Anak.” ST April 12, 1910, par. 2
“Sa Kanyang huling panalangin para sa Kanyang mga tagasunod, bago pumasok sa anino ng Getsemani, itiningin ng Tagapagligtas ang Kanyang mga mata sa langit, at sa habag Niya sa kamangmangan ng mga nahulog sa kasalanan, Kanyang sinabi, Oh Amang banal, hindi ka nakikilala ng sanglibutan, nguni't nakikilala kita. “Ipinahayag ko ang iyong pangalan sa mga tao na ibinigay mo sa akin mula sa sanglibutan.” ST April 12, 1910, par. 3
"Pumarito si Cristo upang ihayag ang Diyos sa sanlibutan bilang isang Diyos ng pag-ibig, puspos ng awa, kahabagan, at malasakit. Ang makapal na kadilimang sinikap ipinambalot ni Satanas sa luklukan ng pagka-Diyos ay tinanggal ng Manunubos ng sanlibutan, at ang Ama ay muling nahayag sa tao bilang liwanag ng buhay." ST April 12, 1910, par. 4
"Nang lumapit si Felipe kay Jesus at nagsabi, “Panginoon, ipakita mo sa amin ang Ama, at sukat na ito sa amin,” sumagot ang Tagapagligtas, “Malaon nang panahong ako'y inyong kasama, at hindi mo ako nakikilala, Felipe? ang nakakita sa akin ay nakakita sa Ama; paanong sinasabi mo, Ipakita mo sa amin ang Ama?” Ipinahayag ni Cristo na Siya ay isinugo sa sanlibutan bilang kinatawan ng Ama. Sa Kanyang mataas na pagkatao, sa Kanyang awa at malalim na habag, sa Kanyang pag-ibig at kabutihan, Siya ay tumatayo sa harapan natin bilang sagisag ng banal na kasakdalan, ang larawan ng di-nakikitang Diyos. ST April 12, 1910, par. 5
Basahin ang Awit 33:5, Isaias 61:8, Jeremias 9:24, Awit 85:10, at Awit 89:14. Paano nagbibigay linaw ang mga talatang ito sa pagmamalasakit ng Diyos sa katarungan ?
“ Sa pamamagitan ni Jesus, nahayag sa tao ang awa ng Diyos; ngunit ang awa ay hindi nagpapawalang-bisa sa katarungan. Ipinapakita ng kautusan ang mga katangian ng Diyos, at ni isang tuldok o kudlit nito ay hindi maaaring baguhin upang umangkop sa bumagsak na kalagayan ng tao. Hindi binago ng Diyos ang Kanyang kautusan, kundi inialay Niya ang Kanyang sarili, ni Cristo, para sa pagtubos ng tao. “Sa makatuwid baga'y, na ang Dios kay Cristo ay pinakipagkasundo ang sanglibutan sa kaniya rin”( 2 Corinto 5:19 )... AG 74.2
“Ang pag-ibig ng Diyos ay ipinahayag sa Kanyang katarungan, hindi mas mababa kaysa sa Kanyang awa. Katarungan ang pundasyon ng Kanyang luklukan, at bunga ng Kanyang pag-ibig. Layunin ni Satanas na paghiwalayin ang awa sa katotohanan at katarungan. Sinikap niyang patunayan na ang katuwiran ng kautusan ng Diyos ay kaaway ng kapayapaan. Ngunit ipinakita ni Cristo na sa plano ng Diyos, ang mga ito ay hindi maaaring paghiwalayin; ang isa ay hindi maaaring umiral nang wala ang isa. “Kaawaan at katotohanan ay nagsalubong; katuwiran at kapayapaan ay naghalikan.” ( Awit 85:10 ). AG 74.3
“Sa pamamagitan ng Kanyang buhay at Kanyang kamatayan, pinatunayan ni Cristo na ang katarungan ng Diyos ay hindi sumisira sa Kanyang awa, kundi ang kasalanan ay maaaring mapatawad, at ang kautusan ay matuwid at maaaring sundin nang ganap. Napabulaanan ang mga paratang ni Satanas. AG 74.4
“Ang biyaya ni Cristo at ang kautusan ng Diyos ay hindi mapaghihiwalay. Kay Jesus, nagtagpo ang awa at katotohanan.... Siya ang kinatawan ng Diyos at huwaran ng sangkatauhan. Ipinakita Niya sa sanlibutan kung ano ang maaaring maging kalagayan ng tao kung siya ay makipag-isa sa pagka-Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya. Ang bugtong na Anak ng Diyos ay nagkatawang-tao at itinindig ang Kanyang krus sa pagitan ng langit at lupa. Sa pamamagitan ng krus, ang tao ay inilapit sa Diyos, at ang Diyos sa tao. Ang katarungan ay bumaba mula sa Kanyang mataas at kakila-kilabot na kalagayan, at ang hukbo ng langit, ang mga sandatahan ng kabanalan, ay lumapit sa krus, yumuko nang may paggalang; sapagkat sa krus, ang katarungan ay naisakatuparan. Sa pamamagitan ng krus, ang makasalanan ay hinango mula sa kuta ng kasalanan, mula sa pakikipagkaisa sa kasamaan, at sa bawat paglapit niya sa krus, lumalambot ang kanyang puso at nagsisisi siyang sumisigaw, 'Ang aking mga kasalanan ang nagpako sa Anak ng Diyos.' At sa krus naipapako ang mga kasalanan, at sa pamamagitan ng biyaya ni Cristo, ang kanyang katangian ay nababago. ” AG 74.5
Basahin ang Deuteronomio 32:4 at Awit 92:15. Ano ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa katapatan at katuwiran ng Diyos?
“Maginhawa ang bayan, na nasa gayong kalagayan: maginhawa ang bayan na ang Dios ay ang Panginoon. Awit 144:15 . TMK 127.1
“Magpapasalamat ako sa Panginoon kong Diyos dahil sa Kanyang dakilang kabutihan, awa, at pag-ibig na ipinahayag sa sangkatauhan. Nababagbag ako ng damdamin na dapat nating linangin ang kasayahan; at ano ang nagagawa nito? Ipinapakita nito sa sanlibutan ang kapayapaan at kaaliwang may karapatan tayong angkinin. Hindi natin pinararangalan ang ating Panginoon at Tagapagligtas kung dadalhin natin ang anino ng kalungkutan. Marami ang gumagawa nito....” TMK 127.2
“Ang kahabagan ng Diyos sa Kanyang bayan, ang Kanyang walang tigil na pag-aalaga sa kanila, ang kayamanan ng karunungan sa mga paraang Kanyang ginamit upang akayin sila sa Kanya, ay nararapat lamang na tumbasan ng ating mga handog ng pasasalamat sa pamamagitan ng lubos na debosyon upang paglingkuran Siya nang may buong pagpapakumbaba ng isipan at pagsisisi ng kaluluwa. Ang Panginoon ay mapagbiyaya, at nais Niyang ang Kanyang bayan ay kumatawan sa Kanyang mapagpalang kabutihan sa pamamagitan ng masayang pagpapasalamat sa Diyos. Ang lahat ng nagpapahalaga sa mga pagpapala ng Diyos ay magiging isang masayang bayan.” TMK 127.5
Basahin ang Awit 9:7, 8 at Awit 145:9–17. Ano ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa Diyos?
“Sa Diyos natin utang ang lahat ng ating tinatangkilik at kung ano tayo. Sa Kanya tayo nabubuhay, kumikilos, at nagkakaroon ng pagkatao. Hindi Niya tayo kinalimutan. Sa Kanyang aklat, bawat tao ay may pahina kung saan nakatala ang buong kasaysayan ng kanyang buhay. Walang tigil at walang kapagurang gumagawa ang Diyos para sa ating kaligayahan. Ang mga kayamanang inilagay Niya sa ating abot-kamay ay di-mabilang. Ang Panginoon ay mabuti sa lahat; at ang kaniyang mga malumanay na kaawaan ay nasa lahat niyang mga gawa. Iyong binubuksan ang iyong kamay, at sinasapatan mo ang nasa ng bawa't bagay na may buhay.' Siya ang Ama ng kaawaan at ang Diyos ng buong kaaliwan. Ang mundo ay puspos ng Kanyang kabutihan. Ang buong sangnilikha ay nagpapahayag, sa di-mabilang na tinig, ng pagtitiis, pag-ibig, at habag ng Makapangyarihan. ST Enero 2, 1901, par. 2
“Sa lahat ng panahon, ipinakita ng Diyos sa sangkatauhan ang isang pag-ibig na walang kapantay. Ganoon na lamang ang Kanyang pag-ibig sa tao kaya pinagkalooban Niya ito ng isang handog na hindi matutumbasan. Upang maihayag ang kasaganaan ng Kanyang biyaya, isinugo Niya ang Kanyang bugtong na Anak sa ating mundo upang mamuhay bilang tao sa piling ng mga tao, upang gugulin ang Kanyang buhay sa paglilingkod sa sangkatauhan. Para sa atin, ang Anak ng Walang Hanggang Diyos ay ibinilang sa mga lumalabag sa kautusan. Si Cristo ang naging daluyan kung saan ibinuhos ng Ama sa mundo ang masaganang agos ng Kanyang biyaya. Hindi maaaring magbigay ang Diyos ng kulang sa kapuspusan, ni hindi rin Siya maaaring magbigay ng higit pa rito. “Narito ang pagibig, hindi sa tayo'y umibig sa Dios, kundi siya ang umibig sa atin, at sinugo ang kaniyang Anak na pangpalubagloob sa ating mga kasalanan.” ST January 2, 1901, par. 3
Basahin ang Malakias 3:6 at Santiago 1:17. Ano ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa katangian ng Diyos ?
“ Ang gawain ng Diyos ay pareho sa lahat ng panahon, bagaman may iba't ibang antas ng pag-unlad at iba't ibang pagpapakita ng Kanyang kapangyarihan upang matugunan ang pangangailangan ng tao sa bawat kapanahunan. Mula sa unang pangako ng ebanghelyo, sa panahon ng mga patriarka at mga Hudyo, hanggang sa kasalukuyang panahon, unti-unting isinisiwalat ang mga layunin ng Diyos sa Kanyang plano ng pagtubos. Ang Tagapagligtas na inilalarawan sa mga ritwal at seremonya ng kautusang Hudyo ay Siya ring ipinahayag sa ebanghelyo. Ang mga ulap na bumalot sa Kanyang banal na anyo ay naalis; ang hamog at anino ay naglaho; at si Jesus, ang Manunubos ng sanlibutan, ay hayagang nahayag. Siya na nagpahayag ng kautusan sa Sinai at nagbigay kay Moises ng mga tuntunin ng ritwal na kautusan ay Siya ring nangaral sa Sermon sa Bundok.
Ang dakilang prinsipyo ng pag-ibig sa Diyos, na Kanyang inilagay bilang pundasyon ng kautusan at ng mga propeta, ay isang pag-uulit lamang ng Kanyang sinabi sa pamamagitan ni Moises sa mga Hebreo:
“Dinggin mo, Oh Israel: ang Panginoon nating Dios ay isang Panginoon: At iyong iibigin ang Panginoon mong Dios ng iyong buong puso, at ng iyong buong kaluluwa, at ng iyong buong lakas.” (Deuteronomio 6:4, 5)
“Ibigin ninyo ang inyong kapuwa na gaya ng sa inyong sarili.” (Levitico 19:18)
Iisa ang Guro sa parehong kapanahunan. Ang mga kahilingan ng Diyos ay hindi nagbabago. Ang mga prinsipyo ng Kanyang pamamahala ay hindi rin nagbabago, sapagkat ang lahat ng ito ay nagmumula sa Kanya “na walang pagbabago, ni anino man ng pag-iiba.” (Santiago 1:17)” PP 373.2
Basahin ang 2 Timoteo 2:13; Tito 1:2; at Hebreo 6:17, 18. Ano ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa Diyos?
“ Nagpakababa ang Diyos upang maabot ang tao sa kanyang kahinaan. Ipinangako ng Panginoon ang Kanyang salita upang huwag magkaroon ng pag-aalinlangan at pagdududa. Sinasabi ng Kasulatan:
“Sa pagkaibig ng Dios na maipakitang lalong sagana sa mga tagapagmana ng pangako ang kawalan ng pagbabago ng kaniyang pasiya, ay ipinamagitan ang sumpa; Upang sa dalawang bagay na di mababago, na diya'y di maaaring ang Dios ay magbulaan, ay mangagkaroon tayo ng isang matibay na kasiglahan, tayong nangagsitakas na sumakanlong upang mangapit sa pagasang nalalagay sa ating unahan: Na ating inaring tulad sa sinepete ng kaluluwa, isang pagasa na matibay at matatag at pumapasok sa nasa loob ng tabing.” ST Disyembre 23, 1889, par. 1
“Napakamapagpala at napakamaawain ng ating Diyos upang abutin ang kaisipan ng tao! Tunay na wala nang higit pang magagawa ang Diyos para sa Kanyang bayan kaysa sa Kanyang nagawa na. Ang mga mahalagang pangakong ito ay hindi lamang para sa mga may angking katalinuhan, kundi para sa lahat—mataas man o mababa, malaya man o alipin, mayaman man o mahirap—basta't nagsisikap silang sumunod sa Kanyang mga utos.” ST Disyembre 23, 1889, par. 2
Basahin ang Exodo 32:14 at ihambing ito sa Jeremias 18:4–10. Ano ang masasabi mo sa mga paglalarawang ito ng “pagbabagong-isip” ng Diyos?
“ Nakita ng Diyos sa langit ang lahat ng nangyayari at binalaan si Moises tungkol sa nagaganap sa kampo, na sinasabi, “Ngayo'y bayaan mo nga ako upang ang aking pagiinit ay magalab laban sa kanila, at upang aking lipulin sila: at ikaw ay aking gagawing dakilang bansa. At dumalangin si Moises sa Panginoon niyang Dios, at sinabi, Panginoon, bakit ang iyong pagiinit ay pinapagaalab mo laban sa iyong bayan, na iyong inilabas sa lupain ng Egipto sa pamamagitan ng dakilang kapangyarihan at ng makapangyarihang kamay? Bakit sasalitain ng mga Egipcio, na sasabihin, Dahil sa kasamaan, inilabas sila upang patayin sila sa mga bundok, at upang lipulin sila sa balat ng lupa? Iurong mo ang iyong mabangis na pagiinit, at pagsisihan mo ang kasamaang ito laban sa iyong bayan. Alalahanin mo si Abraham, si Isaac, at si Israel na iyong mga lingkod, na silang iyong mga sinumpaan sa iyong sarili, at mga pinagsabihan, Aking pararamihin ang inyong binhi na gaya ng mga bituin sa langit, at lahat ng lupaing ito na aking sinalita ay aking ibibigay sa inyong binhi, at kanilang mamanahin magpakailan man. At pinagsisihan ng Panginoon ang kasamaan na kaniyang sinabing kaniyang gagawin sa kaniyang bayan.” TM 100.1
Basahin ang Mga Bilang 23:19 at 1 Samuel 15:29. Ano ang itinuturo ng mga tekstong ito tungkol sa kung ang Diyos ay “pagbabagong-isip” o “nagsisisi”?
“Namangha sa mga pahayag na ito, napabulalas si Balaam, “Tunay na walang enkanto laban sa Jacob, Ni panghuhula laban sa Israel.” Sinubukan ng dakilang mahiko ang kanyang kapangyarihan, ayon sa kagustuhan ng mga Moabita; ngunit tungkol sa pangyayaring ito mismo, masasabi tungkol sa Israel, “Anong ginawa ng Dios!”
Habang sila ay nasa ilalim ng banal na proteksyon, walang sinumang tao o bansa, kahit na tinulungan ng lahat ng kapangyarihan ni Satanas, ang makakadaig sa kanila. Ang buong mundo ay dapat mamangha sa kamangha-manghang gawa ng Diyos para sa Kanyang bayan—na ang isang taong determinado na gumawa ng masama ay ganap na napasailalim ng banal na kapangyarihan, kung kaya’t sa halip na sumpa, ang kanyang bibig ay naghayag ng pinakamayaman at pinakamahalagang mga pangako sa wika ng marilag at masidhing panulaan. Ang pagpapala ng Diyos na ipinakita sa Israel noong panahong iyon ay dapat maging katiyakan ng Kanyang mapag-ingat na pangangalaga para sa Kanyang masunurin at tapat na mga anak sa lahat ng panahon. Kapag inudyukan ni Satanas ang masasamang tao upang siraan, pahirapan, at wasakin ang bayan ng Diyos, ang pangyayaring ito mismo ay maaalala nila, at ito ay magpapalakas ng kanilang loob at pananampalataya sa Diyos.” PP 449.1
Basahin ang Mateo 5:43–48. Ano ang itinuturo nito tungkol sa kamangha-manghang pag-ibig ng Diyos? Paano tayo dapat kumilos sa iba ayon sa liwanag ng turong ito ni Jesus ?
“Itinuro Niya sa Kanyang mga tagapakinig ang Pinuno ng sansinukob sa ilalim ng isang bagong pangalan—"Ama Namin." Nais Niyang maunawaan nila kung gaano nahahabag at maibigin ang puso ng Diyos sa kanila. Itinuturo Niya na ang Diyos ay nagmamalasakit sa bawat naliligaw na kaluluwa; na “Kung paanong ang ama ay naaawa sa kaniyang mga anak, gayon naaawa ang Panginoon sa kanilang nangatatakot sa kaniya.” (Awit 103:13)
Ang ganitong pagkaunawa tungkol sa Diyos ay hindi kailanman ipinahayag sa sanlibutan ng anumang relihiyon maliban sa itinuturo ng Biblia. Ang pagano ay nagtuturo sa mga tao na tingnan ang Kataas-taasang Diyos bilang isang nilalang na dapat katakutan sa halip na ibigin—isang malupit na diyos na kailangang payapain sa pamamagitan ng mga handog, sa halip na isang Ama na nagpapadaloy ng Kanyang pag-ibig sa Kanyang mga anak.
Maging ang bayan ng Israel ay naging bulag na sa mahalagang turo ng mga propeta tungkol sa Diyos, kaya't ang kapahayagang ito ng Kanyang pagiging mapagmahal na Ama ay waring isang bagong bagay—isang natatanging handog sa sanlibutan.” MB 74.
“Habang tayo ay hindi pa kaibig-ibig at hindi marunong umibig sa ating pagkatao—“kapoot-poot at napopoot sa isa’t isa”—ang ating Amang nasa langit ay nahabag sa atin. “nang mahayag na ang kagandahang-loob ng Dios na ating Tagapagligtas, at ang kaniyang pagibig sa tao, Na hindi dahil sa mga gawa sa katuwiran na ginawa nating sarili, kundi ayon sa kaniyang kaawaan ay kaniyang iniligtas tayo.” (Tito 3:3-5)Ang pag-ibig ng Diyos, kapag tinanggap natin, ay magpapabago sa atin upang maging mabait at mahabagin, hindi lamang sa mga kaaya-aya sa atin, kundi maging sa mga may kakulangan, sa mga nagkakamali, at sa mga makasalanan. MB 75.1
“Ang mga anak ng Diyos ay yaong mga nakikibahagi sa Kanyang likas. Hindi ang antas sa buhay, ang lahi, ang bansang pinagmulan, o mga panrelihiyong pribilehiyo ang nagpapatunay na tayo ay bahagi ng pamilya ng Diyos; kundi ang pag-ibig—isang pag-ibig na sumasaklaw sa buong sangkatauhan.
Maging ang mga makasalanan, hangga't hindi ganap na sarado ang kanilang puso sa Espiritu ng Diyos, ay tutugon sa kabutihang-loob. Maaaring gumanti sila ng poot sa poot, ngunit gaganti rin sila ng pag-ibig sa pag-ibig. Subalit tanging ang Espiritu ng Diyos lamang ang makapagbibigay ng pag-ibig bilang kapalit ng poot.
Ang maging mabuti sa mga walang utang na loob at sa masasama, ang gumawa ng mabuti nang hindi umaasang may kapalit, ay tanda ng makalangit na pagkahari—ang tiyak na palatandaan na naghahayag sa tunay na kalagayan ng mga anak ng Kataas-taasan.” MB 75.2
“ Ang kamatayan ni Cristo ay patunay ng dakilang pag-ibig ng Diyos sa tao. Ito ang ating katibayan ng kaligtasan. Ang alisin ang krus mula sa Kristiyanismo ay tulad ng pagbura sa araw mula sa langit. Ang krus ang naglalapit sa atin sa Diyos, pinagkakasundo tayo sa Kanya. Sa mahabaging pag-ibig ng isang Ama, tinitingnan ni Jehova ang pagdurusang tiniis ng Kanyang Anak upang iligtas ang sangkatauhan mula sa walang hanggang kamatayan, at tinatanggap Niya tayong Kanyang Minamahal. AA 209.3
“Kung wala ang krus, walang pagkakaisa ang tao sa Ama. Dito nakasalalay ang bawat pag-asa natin. Mula rito ay sumisikat ang liwanag ng pag-ibig ng Tagapagligtas, at kapag ang isang makasalanan ay tumingala sa paanan ng krus upang tingnan ang Isa na namatay upang iligtas siya, siya ay magtataglay nang ganap na kagalakan, sapagkat ang kanyang mga kasalanan ay pinatawad na.
Sa pagluhod nang may pananampalataya sa krus, narating niya ang pinakamataas na kalagayang maaaring maabot ng tao.
Sa pamamagitan ng krus, natutunan natin na iniibig tayo ng ating Amang nasa langit ng isang pag-ibig na walang hanggan. Hindi kataka-taka na napabulalas si Pablo, “Datapuwa't malayo nawa sa akin ang pagmamapuri, maliban na sa krus ng ating Panginoong Jesucristo.” (Galacia 6:14)
Tayo rin ay may pribilehiyong magmapuri sa krus, at may pribilehiyong ialay nang lubusan ang ating sarili sa Kanya na nag-alay ng Kanyang sarili para sa atin. At pagkatapos ay taglayin ang liwanag na nagmumula sa Kalbaryo na sumisikat sa ating mga mukha, maaari tayong humayo upang ipahayag ang liwanag na ito sa mga nasa kadiliman.” AA 210.1