“At sinabi niya sa kanila, Huwag kayong mangagitla: hinahanap ninyo si Jesus, ang Nazareno, na ipinako sa krus: siya'y nagbangon; wala siya rito: tingnan ninyo ang dakong pinaglagyan nila sa kaniya!” - Marcos 16:6
“Datapuwa't magsiyaon kayo, sabihin ninyo sa kaniyang mga alagad at kay Pedro, Siya'y nangunguna sa inyo sa Galilea: doon siya makikita.” Si Jesus ay iniwan ng Kanyang mga alagad, at ang panawagan para sa muling pagtatagpo ay ipinaabot sa kanila. Hindi Niya sila itinakwil. At sinabi sa kanila ni Maria Magdalena na nakita niya ang Panginoon, inulit niya ang panawagan sa pagtatagpo sa Galilea. At sa ikatlong pagkakataon ay ipinadala sa kanila ang mensahe. Pagkatapos Niyang umakyat sa Ama, nagpakita si Jesus sa iba pang mga babae, na nagsasabi, “Mangagalak kayo. At sila'y nagsilapit at niyakap ang kaniyang mga paa, at siya'y sinamba. Nang magkagayo'y sinabi sa kanila ni Jesus, Huwag kayong mangatakot: magsiyaon kayo at sabihin ninyo sa aking mga kapatid na magsiparoon sa Galilea, at doo'y makikita nila ako.” DA 793.3
“Ang unang gawain ni Cristo sa lupa pagkatapos ng Kanyang pagkabuhay na mag-uli ay ang kumbinsihin ang Kanyang mga alagad ukol sa Kanyang hindi nagbabagong pag-ibig at giliw sa kanila. Upang bigyan sila ng patunay na Siya ang kanilang buhay na Tagapagligtas, na Kanyang sinira ang mga gapos ng libingan, at hindi na maaaring dalhin sa kamatayan ng mga kaaway; at upang ihayag na Siya ay may ganoon pa ring puso ng pag-ibig gaya noong Siya ay kasama nila bilang kanilang minamahal na Guro, Siya ay nagpakita sa kanila nang paulit-ulit. Babalutin at bibigkisin silang patuloy ng pag-ibig. “Magsiyaon kayo at sabihin mo sa Aking mga alagad na nangunguna ako sa Galilea: at doon ako makikita, wika Niya.” DA 793.4
Basahin Marcos 15:42-16:6. Ano ang nagaganap dito, at bakit mahalaga ang kuwentong ito sa kwento ng pagkabuhay na mag-uli?
“At nang makaraan ang sabbath, si Maria Magdalena ay nagsiparoon sa libingan pagkaumagang-umaga. Doon siya sasalubungin ng ibang mga babae, ngunit si Maria ang nauna sa libingan. Nagsipaghanda sila ng pabango upang pahiran ang katawan ng kanilang Panginoon. Ang mga babae ay lubhang natakot, at ikinubli ang kanilang mga mukha, sapagkat hindi nila makayanan ang pagkakita sa mga anghel. Ikinubli ng mga anghel ang kanilang kaluwalhatian bago sila makipag-usap sa mga babae. Ang mga babae ay nanginig sa pagkamangha. Sinabi ng mga anghel, “Huwag kayong mangatakot; sapagka't nalalaman ko na inyong hinahanap si Jesus na ipinako sa krus. Siya'y wala rito; sapagka't siya'y nagbangon, ayon sa sinabi niya. Magsiparito kayo, tingnan ninyo ang dakong kinalagyan ng Panginoon.” [ Mateo 28:5, 6 .] 12LtMs, Ms 115, 1897, par. 3
Nang makita ni Maria na nagulong ang bato, “Tumakbo nga siya, at naparoon kay Simon Pedro, at sa isang alagad na iniibig ni Jesus, at sa kanila'y sinabi, Kinuha nila sa libingan ang Panginoon, at hindi namin maalaman kung saan nila siya inilagay. Umalis nga si Pedro, at ang isang alagad, at nagsitungo sa libingan. At nang kaniyang tunguhan at tingnan ang loob, ay nakita niyang nangakalatag ang mga kayong lino; gayon ma'y hindi siya pumasok sa loob.
Dumating naman nga si Simon Pedro, na sumusunod sa kaniya, at pumasok sa libingan; at nakita niyang nangakalatag ang mga kayong lino, At ang panyo na nasa kaniyang ulo, ay hindi kasamang nakalatag ng mga kayong lino, kundi bukod na natitiklop sa isang tabi. Nang magkagayo'y pumasok din naman nga ang isang alagad, na unang dumating sa libingan, at siya'y nakakita at sumampalataya. Sapagka't hindi pa nila napaguunawa ang kasulatan...”[ Juan 20:2, 3, 5-9 .] “Sapagka't hindi mo iiwan ang aking kaluluwa sa Sheol; ni hindi mo man titiisin ang iyong banal ay makakita ng kabulukan.” [ Awit 16:10 .] “Nguni't tutubusin ng Dios ang aking kaluluwa sa kapangyarihan ng Sheol: sapagka't tatanggapin niya ako.” [ Awit 49:15 .]” 12LtMs, Ms 115, 1897, par. 4
Basahin ang Colosas 2:10-12. Ano ang ipinapa-alaala sa Bagong Tipan ng pagkabuhay na mag-uli ni Jesus?
“Namalagi si Cristo sa libingan sa araw ng Sabbath, at nang ang mga banal na nilalang ng langit at lupa ay dumating sa umaga ng unang araw ng sanlinggo, Siya ay bumangon mula sa libingan upang panumbalikin ang Kanyang gawain ng pagtuturo sa Kanyang mga alagad. Ngunit ang katotohanang ito ay hindi itinatalaga ang unang araw ng linggo, at hindi ito ginagawang Sabbath. Si Jesus, bago ang Kanyang kamatayan ay nagtatag ng isang alaala ng pagkasira ng Kanyang katawan at ang pagbuhos ng Kanyang dugo para sa mga kasalanan ng sanlibutan, sa ordenansa ng Huling Hapunan, na nagsasabi, “Sapagka't sa tuwing kanin ninyo ang tinapay na ito, at inuman ninyo ang saro, ay inihahayag ninyo ang pagkamatay ng Panginoon hanggang sa dumating siya.” 1 Corinto 11:26 . At ang nagsisising mananampalataya, na gumagawa ng mga hakbang na kinakailangan sa pagbabagong loob, ay gugunitain sa kanyang bautismo ang kamatayan, paglilibing, at muling pagkabuhay ni Cristo. Siya ay lumulusong sa tubig sa wangis ng kamatayan at paglilibing ni Cristo, at siya ay umaahon mula sa tubig sa wangis ng Kanyang muling pagkabuhay ... upang mamuhay ng isang bagong buhay kay Cristo Jesus. 90 FLB 303.2
“Ang hukbo ng mga anghel ay napuno ng pagkamangha habang minamasdan nila ang mga pagdurusa at kamatayan ng Hari ng kaluwalhatian. Ngunit ... hindi nakapagtataka sa kanila na ang Panginoon ng buhay at kaluwalhatian ... ay wawakasan ang mga gapos ng kamatayan, at lumakad mula sa Kanyang bilangguan, na isang matagumpay na mananakop. Samakatuwid, kung may isang araw man sa mga kaganapang ito na dapat gunitain sa araw ng kapahingahan, ito ay ang pagpapako sa krus. Gayunpaman, nakikita ko na wala sa mga pangyayaring ito ang idinisenyo upang baguhin o ipawalang-bisa ang batas ng Diyos; sa kabaligtaran, nagbibigay ito ng pinakamatibay na patunay ng hindi ito nababago.... FLB 303.3
“Ang Sabbath ay itinatag sa Eden bago ang Pagkahulog, at iningatan nina Adan at Eva, at ng lahat ng hukbo ng langit. Nagpahinga ang Diyos sa ikapitong araw, at pinagpala at pinabanal ito. Nauunawaan ko na ang Sabbath ay hindi kailanman aalisin; ngunit ang tinubos na mga banal, at ang lahat ng hukbo ng mga anghel, ay gaganapin ito bilang parangal sa dakilang Lumikha sa buong kawalang-hanggan. 91 FLB 303.4”
Basahin ang Marcos 16:1-8 at 1 Corinto 15:1-8. Ano ang magkatulad sa mga talatang ito?
“Ang mga babae na tumayo sa tabi ng krus ni Cristo ay naghintay sa paglipas ng mga oras ng Sabbath. At sa unang araw ng linggo, sa pagkaumagang-umaga, sila ay pumunta sa libingan, na may dalang mamahaling mga pabango upang pahiran ang katawan ng Tagapagligtas. Hindi nila naisip ang tungkol sa Kanyang pagbangon mula sa mga patay. Ang araw ng kanilang pag-asa ay lumubog na, at ang gabi ay bumalot sa kanilang mga puso. Habang sila ay naglalakad, inalala nila ang mga gawa ng awa ni Cristo at ang Kanyang mga salita ng kaaliwan. Ngunit hindi nila naalala ang Kanyang mga salita, “nguni't muli ko kayong makikita.” Juan 16:22 . DA 788.1
“Palibhasa'y walang nalalaman sa kung ano ang nangyari noon, sila'y lumapit sa halamanan, na nagsasabi habang sila'y nagsisilakad, Sino kaya ang ating mapagpapagulong ng bato mula sa pintuan ng libingan? Alam nilang hindi nila kayang pagulungin ang bato, ngunit nagpatuloy sila sa kanilang lakad. At narito, ang langit ay biglang nagliwanag ng kaluwalhatian na hindi nagmumula sa pagsikat ng araw. Nanginig ang lupa. Nakita nila na ang malaking bato ay nagulong. At walang laman ang libingan. DA 788.2
“Ang mga babae ay hindi nanggaling sa isang direksyon patungo sa libingan. Si Maria Magdalena ang unang nakarating sa lugar; at nang makitang naalis na ang bato, nagmadali siyang umalis upang sabihan ang mga alagad. Samantala, dumating naman ang ibang mga babae. Isang liwanag ang nagniningning sa paligid ng libingan, ngunit ang katawan ni Jesus ay wala doon. Habang nananatili sila sa lugar na iyon, bigla nilang nakita na hindi sila nag-iisa. Isang binatang nakadamit ng nagniningning na kasuotan ang nakaupo sa tabi ng libingan. Ito ang anghel na nagpagulong sa bato. Nag-anyong tao siya upang hindi matakot ang mga kaibigang ito ni Jesus. Ngunit siya ay nababalot ng liwanag ng makalangit na kaluwalhatian na nagniningning, at ang mga babae ay natakot. Lumiko sila upang tumakas, ngunit ang mga salita ng anghel ay nagpatigil sa kanilang mga hakbang. “Huwag kayong mangagitla: hinahanap ninyo si Jesus, ang Nazareno, na ipinako sa krus: siya'y nagbangon; wala siya rito: tingnan ninyo ang dakong pinaglagyan nila sa kaniya! At humayo kayong madali, at sabihin sa Kanyang mga alagad na Siya ay nabuhay mula sa mga patay.” Muli silang tumingin sa libingan, at muli nilang narinig ang kamangha-manghang balita. Isa pang anghel sa anyong tao ang naroon, at sinabi niya, “Bakit hinahanap ninyo ang buhay sa gitna ng mga patay? Wala siya rito, datapuwa't nagbangon: alalahanin ninyo ang salita niya sa inyo nang siya'y nasa Galilea pa, Na sinasabi, Kinakailangan na ang Anak ng tao ay ibigay sa mga kamay ng mga taong makasalanan, at ipako sa krus, at magbangong muli sa ikatlong araw.” DA 788.3
Basahin ang Marcos 16:1-8. Ano ang nangyari, at papaano muna tumugon ang mga babae?
“Siya ay nabuhay na mag-uli, Siya ay nabuhay na mag-uli! Paulit-ulit na binanggit ng mga babae ang mga salita. Hindi na kailangan ngayon ang mga pabangong inihanda para ipampahid. Ang Tagapagligtas ay buhay, at hindi patay. Naaalala nila ngayon ang mga sinalita Niya na sa Kanyang kamatayan Siya ay muling mabubuhay. Anong kagilagilalas na araw ito sa mundo! Mabilis na umalis ang mga babae sa libingan “na may takot at malaking kagalakan; at sila ay umalis upang sabihin sa Kanyang mga alagad.” DA 789.1
“Hindi narinig ni Maria ang mabuting balita. Pinuntahan niya sina Pedro at Juan na may malungkot na mensahe, “Kinuha nila sa libingan ang Panginoon, at hindi namin maalaman kung saan nila siya inilagay.” Ang mga alagad ay nagmadaling pumunta sa libingan, at nasumpungan ito gaya ng sinabi ni Maria. Natagpuan nilang ngakalatag ang mga kayong lino, ngunit hindi nila natagpuan ang kanilang Panginoon. Ngunit maging ito ay patotoo na Siya ay nabuhay. Ang Kanyang mga suot sa libingan ay hindi itinapon nang walang pag-iingat, ngunit ang bawat isa ay maingat na nakatiklop. Si Juan ay “nakakita, at naniwala.” Hindi pa niya nauunawaan ang kasulatan na si Cristo ay kailangang bumangon mula sa mga patay; ngunit naalala niya ngayon ang mga salita ng Tagapagligtas na naghuhula ng Kanyang muling pagkabuhay. DA 789.2
“Si Cristo Mismo ang naglagay ng mga kasuotang iyon nang may ganoong pangangalaga. Nang ang makapangyarihang anghel ay bumaba sa libingan, siya ay sinamahan ng isa pa, na kasama ng kanyang mga kasamahan na nagbabantay sa katawan ng Panginoon. Nang igulong ng anghel mula sa langit ang bato, ang isa ay pumasok sa libingan, at hinubad ang mga balot sa katawan ni Jesus. Ngunit ang kamay ng Tagapagligtas ang nagtiklop sa bawat isa niyaon, at inilagay ito sa lugar nito. Sa Kanya na gumagabay sa mga bituin at atomo ay walang isang bagay na hindi mahalaga. Ang kaayusan at pagiging dalisay ay makikita sa lahat ng Kanyang gawain.” DA 789.3
Basahin ang Marcos 16:9-20. Ano ang idinadagdag ng mga bersikulong ito sa kuwento ng pagkabuhay na mag-uli?
“Si Maria ay sumunod kina Juan at Pedro sa libingan; nang bumalik sila sa Jerusalem, nanatili siya. Habang nakatingin siya sa walang laman na libingan, napuno ng kalungkutan ang kanyang puso. Pagtingin niya sa loob, nakita niya ang dalawang anghel, ang isa sa ulunan at ang isa sa paanan ng hinigaan ni Jesus. "Babae, bakit ka umiiyak?" tanong nila sa kanya. “Sapagkat kinuha nila ang aking Panginoon,” sagot niya, “at hindi ko alam kung saan nila Siya inilagay.” DA 789.4
“At siya'y lumingon, maging sa mga anghel, sa pag-aakalang makasusumpong siya ng makapagsasabi sa kanya kung ano ang ginawa sa katawan ni Jesus. Isang tinig ang nagsalita sa kanya, “Babae, bakit ka umiiyak? sino ang iyong hinahanap?” Sa pamamagitan ng kanyang mata na napupuno ng luha, nakita ni Maria ang anyo ng isang lalaki, at sa pagaakalang yao'y maghahalaman ay nagsabi sa kaniya, Ginoo, kung ikaw ang kumuha sa kaniya, ay sabihin mo sa akin kung saan mo siya inilagay, at akin siyang kukunin.” Kung ang libingan ng mayamang lalaking ito ay inaakalang napakarangal na libingan para kay Jesus, siya mismo ang magbibigay ng lugar para sa Kanya. May isang libingan na ginawang bakante ng sariling tinig ni Cristo, ang libingan kung saan nahimlay si Lazarus. Hindi ba siya makakahanap doon ng libingan para sa kanyang Panginoon? Nadama niya na ang pag-aalaga sa Kanyang mahalagang katawan na napako sa krus ay magagawang ibsan ang kanyang kalungkutan. DA 790.1
“Ngunit ngayon sa Kanyang sariling pamilyar na boses ay sinabi ni Jesus sa kanya, “Maria.” At ngayon alam na niya na hindi estranghero ang kumakausap sa kanya, at paglingon niya ay nakita niya sa kanyang harapan ang buhay na Cristo. Sa kanyang kagalakan nakalimutan niya na Siya ay ipinako sa krus. Lumalapit sa Kanya, na parang yayakapin ang Kanyang mga paa, sinabi niya, “Rabboni.” Ngunit itinaas ni Cristo ang Kanyang kamay, na nagsasabi, Huwag mo akong hipuin; sapagka't hindi pa ako nakakaakyat sa Ama, nguni't pumaroon ka sa aking mga kapatid, at sabihin mo sa kanila, Aakyat ako sa aking Ama at inyong Ama, at aking Dios at inyong Dios.” Naparoon si Maria Magdalena at sinabi sa mga alagad and masayang mensahe. DA 790.2
Ano ang nangyari sa Marcos 16:14 na walang katuruan kung ang kuwentong ito’y kathang isip lamang?
“Sa pagkarinig sa magiging pagkikitang ito, nagsimulang maala-ala ng mga alagad ang mga salita ni Cristo sa kanila na hinuhulaan ang Kanyang magiging pagkabuhay na mag-uli. Ngunit maging hanggang ngayon ay hindi nila magawang magalak. Hindi nila magawang iwaksi ang kanilang mga pagdududa at pagkalito. Kahit na sinabi ng mga babae na nakita nila ang Panginoon ay hindi naniwala ang mga alagad. Inakala nila na sila ay napasailalim ng isang ilusyon. DA 794.1
“Ang pagkabalisa ay tila nangingibabaw. Sa ikaanim na araw ng linggo ay nakita nilang namatay ang kanilang Guro; at sa unang araw ng sumunod na linggo ay natagpuan nila ang kanilang sarili na pinagkaitan ng Kanyang katawan, at sila ay inakusahan na ninakaw ito para gamitin sa panlinlang sa mga tao. Nawalan sila ng pag-asa na itama ang mga maling impresyon laban sa kanila. Natakot sila sa poot ng mga saserdote at sa galit ng mga tao. Nananabik sila sa presensya ni Jesus, na tumutulong sa kanila sa bawat panahon ng kaguluhan. DA 794.2
“Madalas ay inuulit nila ang mga salitang, “Datapuwa't hinihintay naming siya ang tutubos sa Israel.” Nalulumbay at may kirot sa puso na naalaala nila ang Kanyang mga salita, “Sapagka't kung ginagawa ang mga bagay na ito sa punong kahoy na sariwa, ano kaya ang gagawin sa tuyo?” Lucas 24:21 ; 23:31 . Sila ay nagpulong nang sama-sama sa silid sa itaas, at isinara ang mga pinto, sa pagkaunawa na ang naging kapalaran ng kanilang minamahal na Guro ay maaaring sumapit sa kanila anumang oras.” DA 794.3
Basahin ang Marcos 16:14-20. Ano ang sinabi ni Jesus sa Kanyang mga alagado nang magpakita Siya sa kanila, at ano ang ibig sabihin ng mga salitang ito sa atin ngayon?
“Pagdating sa Jerusalem ang dalawang alagad ay pumasok sa silangang pintuang-daan, na bukas sa gabi sa mga okasyon ng kapistahan. Madilim at tahimik ang mga bahay, ngunit ang mga manlalakbay ay dumaraan sa makikitid na lansangan sa pamamagitan ng liwanag ng sumisikat na buwan. Pumunta sila sa silid sa itaas kung saan ginugol ni Jesus ang mga oras ng huling gabi bago ang Kanyang kamatayan. Alam nila na dito matatagpuan ang kanilang mga kapatid. Bagama't gabi na, alam nilang hindi matutulog ang mga alagad hangga't hindi nila nalalaman nang may katiyakan kung ano ang nangyari sa katawan ng kanilang Panginoon. Natagpuan nila ang pinto ng silid na nakasara. Kumatok sila para makapasok, ngunit walang sumasagot. Lahat ay tahimik. Pagkatapos ay binigay nila ang kanilang mga pangalan. Ang pinto ay maingat na nabuksan, at sila ay pumasok, at ang Isa na hindi nakikita ay pumasok kasama nila. At muli, ang pinto ay nasara upang maiwasan ang mga espiya. DA 802.1
“Nasumpungan ng mga manlalakbay ang lahat sa isang masayang pagkamangha. Ang mga tinig ng mga nasa silid ay sumigaw ng pasasalamat at pagpupuri, na nagsasabi, “Tunay na nagbangong muli ang Panginoon, at napakita kay Simon.” Pagkatapos, ang dalawang manlalakbay, na humihingal pa sa pagmamadali ng kanilang paglalakbay, ay nagsalaysay ng kamangha-manghang kuwento kung paano nagpakita sa kanila si Jesus. Katatapos lang nila itong isalaysay, at sinasabi ng ilan na hindi sila makapaniwala, nang kanilang makita na may ibang Tao na nakatayo sa kanilang harapan. Ang bawat mata ay nakatuon sa Estranghero. Wala silang narinig na ibang kumatok para makapasok. Walang narinig na yabag. Nanggilalas ang mga alagad, at nagtaka kung ano ang ibig sabihin nito. Nang magkagayo’y narinig nila ang isang tinig na walang iba kundi ang tinig ng kanilang Guro. Malinaw ang mga salitang lumalabas sa Kanyang mga labi, “Kapayapaa'y suma inyo.” DA 802.2
“Datapuwa't sila'y kinilabutan, at nangahintakutan, at inakala nila na nakakakita sila ng isang espiritu. At sinabi niya sa kanila, Bakit kayo'y nangagugulumihanan? at bakit nangyayari ang pagtatalo sa inyong puso? Tingnan ninyo ang aking mga kamay at ang aking mga paa, ako rin nga: hipuin ninyo ako, at tingnan; sapagka't ang isang espiritu'y walang laman at mga buto, na gaya ng inyong nakikita na nasa akin. At pagkasabi niya nito, ay ipinakita niya sa kanila ang kaniyang mga kamay at ang kaniyang mga paa.” DA 803.1
“Nang makipagkita si Jesus sa Kanyang mga alagad, ipinaalala Niya sa kanila ang mga salitang sinabi Niya sa kanila bago ang Kanyang kamatayan, na kailangang matupad ang lahat ng bagay na nasusulat sa batas ni Moises, at sa mga propeta, at sa Awit tungkol sa Kanya. “Nang magkagayo'y binuksan niya ang kanilang mga pagiisip, upang mapagunawa nila ang mga kasulatan; At sinabi niya sa kanila, Ganyan ang pagkasulat, na kinakailangang maghirap ang Cristo, at magbangong muli sa mga patay sa ikatlong araw; At ipangaral sa kaniyang pangalan ang pagsisisi at pagpapatawad ng mga kasalanan sa lahat ng mga bansa, magbuhat sa Jerusalem. Kayo'y mga saksi ng mga bagay na ito.” DA 804.2
“Nagsimulang matanto ng mga alagad ang likas at lawak ng kanilang gawain. Dapat nilang ipahayag sa mundo ang kamangha-manghang mga katotohanan na ipinagkatiwala sa kanila ni Cristo. Ang mga pangyayari sa Kanyang buhay, ang Kanyang kamatayan at pagkabuhay na mag-uli, ang mga propesiya na nagtuturo sa mga pangyayaring ito, ang kasagraduhan ng batas ng Diyos, ang mga misteryo ng plano ng kaligtasan, ang kapangyarihan ni Jesus para sa kapatawaran ng mga kasalanan,—sa lahat ng mga bagay na ito, sila ay mga saksi, at dapat nilang ipakilala ang mga ito sa sanlibutan. Dapat nilang ipahayag ang ebanghelyo ng kapayapaan at kaligtasan sa pamamagitan ng pagsisisi at ng kapangyarihan ng Tagapagligtas. DA 805.1
“At nang masabi niya ito, sila'y hiningahan niya, at sa kanila'y sinabi, Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo: Sinomang inyong patawarin ng mga kasalanan, ay ipinatatawad sa kanila; sinomang hindi ninyo patawarin ng mga kasalanan, ay hindi pinatatawad.” Ang Banal na Espiritu ay hindi pa ganap na nahahayag; sapagkat si Cristo ay hindi pa naluluwalhati. Ang mas masaganang pagbibigay ng Espiritu ay hindi pa naganap hanggang sa pagkatapos ng pag-akyat ni Cristo sa langit. Hanggang sa ito ay natanggap ay hindi magampanan ng mga disipulo ang utos na ipangaral ang ebanghelyo sa mundo. Ngunit ang Espiritu ay ibinibigay ngayon para sa isang espesyal na layunin. Bago magampanan ng mga alagad ang kanilang mga opisyal na tungkulin na may kaugnayan sa iglesya, hiningahan sila ni Cristo ng Kanyang Espiritu. Ipinagkatiwala Niya sa kanila ang isang pinakasagradong pagtitiwala, at ninais Niyang maunawaan nila ang katotohanan na kung wala ang Banal na Espiritu ay hindi maisasakatuparan ang gawaing ito.” DA 805.2
“Ang gabi ng unang araw ng linggo ay dahan-dahang lumipas. Dumating na ang pinakamadilim na oras, bago magbukang-liwayway. Si Cristo ay bilanggo pa rin sa Kanyang makipot na libingan. Ang malaking bato ay nasa lugar nito; ang Romanong selyo ay hindi pa napuputol; at ang mga guwardiya ng Roma ay nagbabantay. At may mga hindi nakikitang tagamasid. Ang mga hukbo ng masasamang anghel ay nakapalibot. Kung maaari nga lamang ay nanaisin ng prinsipe ng kadiliman kasama ang kanyang mga tumalikod na hukbo na takpan magpakailanman ang libingan na pinaglalagyan ng Anak ng Diyos. Ngunit pinalibutan ng makalangit na hukbo ang libingan. Ang mga anghel na may napakahusay sa lakas ay nagbabantay sa libingan, at naghihintay na salubungin ang Prinsipe ng buhay. DA 779.1
“At narito, lumindol ng malakas; sapagka't bumaba mula sa langit ang isang anghel ng Panginoon.” Nararamtan ng kasuotan ng Diyos, ang anghel na ito ay bumaba mula sa makalangit na mga korte. Ang mga maningning na sinag ng kaluwalhatian ng Diyos ay nanguna sa kanya, at nagliwanag sa kanyang landas. “Ang kaniyang anyo ay tulad sa kidlat, at ang kaniyang pananamit ay maputing parang niebe: At sa takot sa kaniya'y nagsipanginig ang mga bantay, at nangaging tulad sa mga taong patay.” DA 779.2
“Ngayon, mga saserdote at mga pinuno, nasaan na ang kapangyarihan ng inyong mga bantay? Ang mga magigiting na sundalo na hindi kailanman natakot sa kapangyarihan ng tao ay tila mga nabihag ng walang dalang espada o sibat. Ang mukha na kanilang minamasdan ay hindi mukha ng mortal na mandirigma; ito ang mukha ng pinakamakapangyarihan sa hukbo ng Panginoon. Ang mensaherong ito ang siyang pumuno sa posisyon kung saan nahulog si Satanas. Siya ang nagpahayag ng kapanganakan ni Cristo sa mga burol ng Bethlehem. Ang lupa ay nanginginig sa kanyang paglapit, ang mga hukbo ng kadiliman ay nagsitakas, at habang iginugulong niya ang bato, ang langit ay tila bumaba sa lupa. Nakita ng mga kawal na inaalis niya ang bato na parang isang maliit na bato, at narinig siyang tumawag, Anak ng Diyos, lumabas ka; Tinatawag Ka ng iyong Ama. Nakita nila si Jesus na lumabas mula sa libingan, at narinig Siyang nagpahayag sa ibabaw ng punit na libingan, “Ako ang pagkabuhay na maguli, at ang buhay.” Habang Siya ay lumalabas na may kamahalan at kaluwalhatian, ang hukbo ng anghel ay yumuyuko sa pagsamba sa harap ng Manunubos, at pinasasalubungan Siya ng mga awit ng papuri. DA 779.3
“Isang lindol ang naghudyat ng oras kung kailan inialay ni Cristo ang Kanyang buhay, at isa pang lindol ang sumaksi sa sandaling ito ay Kanyang tinanggap sa tagumpay. Siya na nakatalo sa kamatayan at sa libingan ay lumabas mula sa libingan na may pagtapak ng isang mananakop, sa gitna ng panginginig ng lupa, ng pagkislap ng kidlat, at pag-ungol ng kulog. Sa muling pagparito Niya sa lupa, yayanigin Niya “hindi lamang ang lupa, kundi maging ang langit.” “Ang lupa ay gigiray na parang lango, at mauuga na parang dampa.” “at ang langit ay mababalumbong parang isang ikid” “at ang mga bagay sa langit ay mapupugnaw sa matinding init, at ang lupa at ang mga gawang nasa lupa ay pawang masusunog.” “Nguni't ang Panginoon ay magiging kanlungan sa kaniyang bayan, at katibayan sa mga anak ni Israel.” Hebreo 12:26 ; Isaias 24:20 ; 34:4 ; 2 Pedro 3:10 ; Joel 3:16 . DA 780.1
“Sa pagkamatay ni Jesus ay nakita ng mga kawal ang lupa na nababalot ng dilim sa tanghaling tapat; ngunit sa pagkabuhay na mag-uli ay nakita nila ang ningning ng mga anghel na nagliliwanag sa gabi, at narinig ang mga nananahan sa langit na umaawit nang may malaking kagalakan at pagtatagumpay: Natalo mo si Satanas at ang mga kapangyarihan ng kadiliman; Nilamon mo ang kamatayan sa tagumpay! DA 780.2
“Si Cristo ay lumabas mula sa libingan na niluluwalhati, at ang Romanong bantay ay nakita Siya. Natuon ang kanilang mga mata sa mukha Niya na kamakailan lamang ay tinutuya nila. Sa niluluwalhating Nilalang na ito ay nakita nila ang bilanggo na kanilang nakita sa bulwagan ng paghuhukom, ang isa na pinagputungan nila ng koronang tinik. Ito ang Isa na tumayong hindi lumalaban sa harap ni Pilato at Herodes, ang Kanyang anyo na nasugatan ng malupit na pagpaparusa. Siya na ipinako sa krus, na tinutuya ng mga saserdote at pinuno, na nagsasabi, “Nagligtas siya sa mga iba; sa kaniyang sarili ay hindi makapagligtas.” Mateo 27:42 . Siya na inihimlay sa bagong libingan ni Jose. Pinalaya ng utos ng langit ang bihag. Ang mga bundok na nakatambak sa mga bundok sa ibabaw ng Kanyang libingan ay hindi makahahadlang sa Kanyang pagbangon. DA 780.3
“Nang makita ng mga Romanong bantay ang mga anghel at ang niluwalhating Tagapagligtas, sila ay nahimatay at naging parang mga patay na tao. Nang ang makalangit na luwalhati ay natago sa kanilang paningin, sila ay bumangon, at mabilis na inakay ang kanilang nanginginig na mga paa, at nagtungo sa pintuan ng hardin. Pasuray-suray na parang mga lasing na lalaki, nagmadali silang pumunta sa lungsod, na sinasabi sa mga nakilala nila ang magandang balita. Sila ay patungo kay Pilato, ngunit ang kanilang ulat ay nakarating sa mga awtoridad ng mga Judio, at ang mga punong saserdote at mga pinuno ay nagpatawag sa kanila upang sila ay dalhin muna sa kanilang harapan. Isang kakaibang anyo ang ipinakita ng mga bantay na iyon. Nanginginig sa takot, walang kulay ang kanilang mga mukha, na nagpatotoo sila sa muling pagkabuhay ni Cristo. Sinabi ng mga kawal ang lahat, gaya ng kanilang nakita; wala silang panahon na mag-isip o magsalita ng anuman kundi ang katotohanan. Sa masakit na pananalita ay kanilang sinabi, Ang Anak ng Diyos ang ipinako sa krus; narinig namin ang isang anghel na nagpapahayag sa Kanya bilang ang Kamahalan ng langit, ang Hari ng kaluwalhatian. DA 781.1
“Ang mukha ng mga saserdote ay naging gaya ng mukha ng mga patay. Sinubukan ni Caifas na magsalita. Gumalaw ang kanyang mga labi, ngunit hindi ito nakaimik. Lilisan na sana ang mga bantay sa silid ng konseho, nang may boses na nagpatigil sa kanila. Sa huli ay nagawang magsalita ni Caifas. Sandali, sabi niya. Huwag sabihin sa sinuman ang mga bagay na nakita mo. DA 781.2
“Isang kasinungalingang ulat ang ibinigay sa mga bantay. “Sabihin ninyo, Nagsiparito nang gabi ang kaniyang mga alagad, at siya'y kanilang ninakaw samantalang kami'y nangatutulog.” Dito, makikita ang kalabisan ng mg saserdote. Paano masasabi ng mga bantay na ninakaw ng mga alagad ang bangkay habang sila ay natutulog? Kung tulog sila, paano nila malalaman? At kung ang mga disipulo ay napatunayang nagkasala sa pagnanakaw ng katawan ni Cristo, hindi ba ang mga saserdote ang unang hahatol sa kanila? O kung ang mga bantay ay natulog sa libingan, hindi ba ang mga saserdote ang mangunguna sa pagsusumbong sa kanila kay Pilato? DA 781.3
“Ang mga sundalo ay natakot sa pag-iisip na dalhin sa kanilang sarili ang paratang ng pagtulog sa kanilang puwesto. Ito ay isang pagkakasala na may parusang kamatayan. Papayagan ba nilang magbigay ng maling patotoo, at manlinlang ng mga tao, at ilagay ang kanilang sariling buhay sa panganib? Hindi ba nila iningatan ang pagbabantay nang walang tulog na pagbabantay? Paano nila magagawang panindigan ang paglilitis, maging para sa salapi man, kung sila ay magsisinungaling? DA 782.1
“Upang patahimikin ang patotoo na kanilang kinatatakutan, ang mga saserdote ay nangako na siguruhin ang kaligtasan ng mga bantay, na sinasabi na hindi nanaisin ni Pilato na magkaroon ng gayong ulat na kumalat. Ibinenta ng mga sundalong Romano ang kanilang integridad sa mga Judio para sa salapi. Humarap sila sa mga saserdote na dala dala ang isang nakagugulat na mensahe ng katotohanan; ngunit sila'y lumabas na may dalang salapi, at sa kanilang mga dila ay isang kasinungalingang ulat na ginawa para sa kanila ng mga saserdote. DA 782.2
“Samantala ang ulat ng muling pagkabuhay ni Cristo ay naipaabot kay Pilato. Bagaman si Pilato ang may pananagutan sa pagbibigay kay Cristo upang mamatay, siya ay walang interes dito. Bagama't hinatulan niya ang Tagapagligtas nang hindi sinasadya, at may naramdamang awa, hindi siya nakadama ng tunay na pagsisisi hanggang sa puntong iyon. Sa takot ay nagkulong siya ngayon sa loob ng kanyang tahanan, na hindi nais makita ang sinuman. Ngunit ang mga saserdote ay pumunta sa kanyang harapan, sinabi ang salaysay na kanilang inimbento, at hinimok siya na huwag pansinin ang pagpapabaya ng mga bantay sa tungkulin. Bago ito payagan, siya mismo ay pribadong nagtanong sa bantay. At sila, na natatakot para sa kanilang sariling kaligtasan, ay hindi nangahas na magtago ng anuman, at natanggap ni Pilato mula sa kanila ang isang ulat ng lahat ng nangyari. Hindi na niya iniusig ang usapin, ngunit mula noon ay wala nang kapayapaan sa kanya. ” DA 782.3