“Ang mga bagay na ito ay sinalita ko sa inyo, upang kayo'y magkaroon sa akin ng kapayapaan. Sa sanglibutan ay mayroon kayong kapighatian: nguni't laksan ninyo ang loob; aking dinaig ang sanglibutan.” KJV - Juan 16:33
“Hindi kinokontrol ng Diyos ang ating isipan nang wala tayong pahintulot; ngunit ang bawat tao ay malayang pumili kung aling kapangyarihan ang maghahari sa kanya. Walang sinumang nahulog nang lubusan, walang sinumang napakasama, na hindi makatatagpo ng kaligtasan kay Cristo. Ang inaalihan ng demonyo, sa halip na panalangin, ay mga salita lamang ni Satanas ang nausal; subalit ang tahimik na sigaw ng kanyang puso ay dininig. Walang hinaing mula sa isang kaluluwang nangangailangan, kahit hindi ito maipahayag sa salita, ang hindi papansinin. Ang mga pumapayag na pumasok sa tipan ng Diyos ay hindi iniiwan sa kapangyarihan ni Satanas o sa kahinaan ng kanilang sariling pagkatao.” MH 93.1
“Ang Diyos ng providensiya ay patuloy na lumalakad sa ating kalagitnaan, bagaman ang Kanyang mga yapak ay hindi nakikita, bagaman ang Kanyang malinaw at tuwirang pagkilos ay hindi kinikilala o nauunawaan. Hindi nakikilala ng sanlibutan, sa sarili nitong karunungan, ang Diyos. Nais ng Panginoon na sa pamamagitan ng tao ay maihayag ang Kanyang kaluwalhatian, hindi ang kaluwalhatian ng tao. Ang Kanyang liwanag ang nagniningning sa pamamagitan ng Kanyang mga lingkod. Ang providensiya at kapahayagan ay magkasamang gumagawa sa banal na pagkakaisa, inihahayag ang Diyos bilang una, huli, at pinakamabuti sa lahat ng bagay.” ST Setyembre 26, 1900, par. 7
“Sa pamamagitan ng pinakadakilang pagkilos ng banal na providensiya, ang mga gabundok na kahirapan ay aalisin at itatapon sa dagat. Ang mensaheng may malaking kahulugan para sa mga naninirahan sa lupa ay maririnig at mauunawaan. Malalaman ng mga tao kung ano ang katotohanan. Patuloy at patuloy pang uusad ang gawain hanggang sa mabigyang-babala ang buong sanlibutan, at saka darating ang wakas.” 9T 96.2
Basahin ang Awit 81:11–14; Isaias 30:15, 18; Isaias 66:4; at Lucas 13:34. Ano ang sinasabi ng mga talatang ito tungkol sa usaping kung ang kalooban ba ng Diyos ang laging nagaganap ?
“ Ang Isa na tumitingin sa kaloob-looban, na bumabasa ng puso ng lahat ng tao, ay nagsabi tungkol sa mga nagkaroon ng malaking liwanag: ‘Hindi sila nagdadalamhati at namamangha dahil sa kanilang moral at espirituwal na kalagayan.’ ‘Oo, sila'y nagsipili ng kanilang sariling mga lakad, at ang kanilang kaluluwa ay nalulugod sa kanilang mga kasuklamsuklam na bagay; Akin namang pipiliin ang kanilang mga kakutyaan, at dadalhan ko sila ng kanilang takot, sapagka't nang ako'y tumawag, walang sumagot; nang ako'y magsalita ay walang nakinig; kundi sila'y nagsigawa ng masama sa harap ng aking mga mata, at pinili ang hindi ko kinaluluguran.’ ‘ipinadadala sa kanila ng Dios ang paggawa ng kamalian, upang magsipaniwala sila sa kasinungalingan, ‘sapagka't hindi nila tinanggap ang pagibig sa katotohanan, upang sila'y mangaligtas,’ ‘kundi nangalugod sa kalikuan.” Isaias 66:3, 4 ; 2 Tesalonica 2:11, 10, 12 . 8T 249.2
“Ang Guro mula sa langit ay nagtanong: ‘Anong mas matinding kahibangan ang maaaring luminlang sa isipan kaysa sa pagkukunwaring kayo ay nagtatayo sa tamang pundasyon at tinatanggap ng Diyos ang inyong mga gawa, gayong sa katotohanan, marami kayong ginagawa ayon sa makasanlibutang patakaran at nagkakasala laban kay Jehova? O, napakalaking panlilinlang, isang mapang-akit na kahibangan, ang pumapasok sa mga isipan kapag ang mga taong minsan nang nakilala ang katotohanan ay nagkakamali sa anyo ng kabanalan bilang kapalit ng espiritu at kapangyarihan nito; kapag inakala nilang sila ay mayaman, at nagkamit ng kayamanan, at hindi nangangailangan ng anoman.” 8T 249.3
“Hindi nagbago ang Diyos sa Kanyang mga tapat na lingkod na nag-iingat ng kanilang kasuotan upang manatiling walang bahid. Ngunit marami ang sumisigaw, ‘Kapayapaan at katiwasayan,’ habang biglaang pagkapuksa ang darating sa kanila. Malibang magkaroon ng lubos na pagsisisi, malibang magpakumbaba ang mga tao sa pamamagitan ng pagtatapat at tanggapin ang katotohanan gaya ng nasa kay Jesus, kailanman ay hindi sila makapapasok sa langit. Kapag sumapit na ang pagdadalisay sa ating hanay, hindi na tayo mananatiling panatag, ipinagmamalaki na tayo’y mayaman at sagana at walang kakulangan. 8T 250.1
“ Sino ang makapagsasabi nang may katotohanan: ‘Ang aming ginto ay dinalisay sa apoy; ang aming kasuotan ay hindi nadungisan ng sanlibutan’? Nakita kong itinuro ng ating Tagapagturo ang mga kasuotan ng huwad na katuwiran. Hinubad Niya ang mga ito at inilantad ang karumihan sa ilalim. Pagkatapos ay sinabi Niya sa akin: ‘Hindi mo ba nakikita kung paano nila mapagpaimbabaw na tinakpan ang kanilang karumihan at kabulukan ng pagkatao? ‘Ano’t ang tapat na bayan ay naging isang patutot!’ Ang bahay ng Aking Ama ay ginawang isang bahay ng kalakal, isang dako kung saan ang banal na presensya at kaluwalhatian ay lumisan! Dahil dito, may kahinaan, at kulang ang lakas.” 8T 250.2
Basahin ang Apocalipsis 11:17, Jeremias 32:17–20, Lucas 1:37, at Mateo 19:26. Isaalang-alang din ang Hebreo 1:3 . Ano ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa kapangyarihan ng Diyos?
“Ang mga hukbo ni Nebucadnezar ay malapit nang salakayin ang mga pader ng Sion. Libu-libo ang namamatay sa huling desperadong pagtatanggol ng lungsod. Marami pang libu-libo ang namamatay sa gutom at sakit. Ang kapalaran ng Jerusalem ay nakatakda na. Ang mga tore ng mga kaaway ay nakatanaw na sa mga pader. ‘Narito, ang mga bunton, patuloy ng propeta sa kanyang panalangin sa Diyos; ‘nagsisidating sa bayan upang sakupin; at ang bayan ay nabigay sa kamay ng mga taga Caldea na nagsisilaban doon, dahil sa tabak, at sa kagutom, at sa salot: at kung ano ang iyong sinalita ay nangyayari; at, narito, iyong nakikita. At iyong sinabi sa akin, Oh Panginoong Dios, iyong bilhin ng salapi ang parang, at ikaw ay tumawag ng mga saksi; yamang ang bayan ay ibinibigay sa kamay ng mga Caldeo.” Mga bersikulo 24, 25 . PK 471.1
“Ang panalangin ng propeta ay mahabaging sinagot. ‘Nang magkagayo'y dumating ang salita ng Panginoon kay Jeremias, nang ang pananampalataya ng tagapagdala ng katotohanan ay sinusubok na parang sa apoy, ay: ‘Narito, ako ang Panginoon, ang Dios ng lahat na tao; may anomang bagay baga na totoong mahirap sa akin?’ (Mga Talata 26, 27). Ang lungsod ay malapit nang bumagsak sa kamay ng mga Caldeo; ang mga pintuan at palasyo nito ay kanilang susunugin; ngunit sa kabila ng nalalapit na pagkawasak at ng pagkabihag ng mga naninirahan sa Jerusalem, ang walang hanggang layunin ni Jehova para sa Israel ay matutupad pa rin. Bilang tugon pa sa panalangin ng Kanyang lingkod, ipinahayag ng Panginoon tungkol sa mga tinatamaan ng Kanyang parusa: PK 471.2
“Narito, aking pipisanin sila mula sa lahat ng lupain, na aking pinagtabuyan sa kanila sa aking galit, at sa aking kapusukan at sa malaking poot, at dadalhin ko sila uli sa dakong ito, at akin silang patatahaning tiwasay. At sila'y magiging aking bayan, at ako'y magiging kanilang Dios: At bibigyan ko sila ng isang puso at ng isang daan, upang sila'y matakot sa akin magpakailan man; sa ikabubuti nila, at ng kanilang mga anak pagkamatay nila: At ako'y makikipagtipan ng walang hanggan sa kanila, na hindi ako hihiwalay sa kanila, upang gawan ko sila ng mabuti: at sisidlan ko sa puso ng takot sa akin, upang huwag silang magsihiwalay sa akin. Oo, ako'y magagalak sa kanila upang gawan ko sila ng mabuti, at aking tunay na itatatag sila sa lupaing ito ng aking buong puso at ng aking buong kaluluwa. PK 472.1
“Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon, Kung paanong aking dinala ang lahat na malaking kasamaang ito sa bayang ito, gayon dadalhin ko sa kanila ang lahat na mabuti na aking ipinangako sa kanila. At mga parang ay mabibili sa lupaing ito, na iyong sinasabi, Sira, na walang tao o hayop man; nabigay sa kamay ng mga Caldeo. Bibilhin nga ng mga tao ng salapi ang mga parang at mangaglalagda ng pangalan sa mga katibayan, at mga tatatakan, at magsisitawag ng mga saksi, sa lupain ng Benjamin, at sa mga dako na palibot ng Jerusalem, at sa mga bayan ng Juda, at sa mga bayan ng lupaing maburol, at sa mga bayan ng mababang lupain, at sa mga bayan ng Timugan: sapagka't aking ibabalik sila mula sa kanilang pagkabihag, sabi ng Panginoon.” Mga bersikulo 37-44 .” PK 472.2
Basahin ang Mateo 22:37 at Deuteronomio 6:4, 5. Ano ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa katotohanan ng malayang pagpapasya ?
“Ang banal na kautusan ay humihingi sa atin na ibigin ang Diyos nang higit sa lahat at ang ating kapwa gaya ng ating sarili. Kung walang pagsasagawa ng pag-ibig na ito, ang pinakamataas na pagpapahayag ng pananampalataya ay pawang pagkukunwari lamang. 1SM 218.1
“Ang kautusan ay nangangailangan ng ganap na pagsunod. ‘sinomang gumaganap ng buong kautusan, at gayon ma'y natitisod sa isa, ay nagiging makasalanan sa lahat.” (Santiago 2:10). Wala ni isa sa sampung utos ang maaaring labagin nang hindi nagiging di-tapat sa Diyos ng langit. Ang pinakamaliit na paglihis sa mga hinihingi nito, maging sa kapabayaan o sinasadyang pagsuway, ay kasalanan, at ang bawat kasalanan ay naglalagay sa makasalanan sa ilalim ng galit ng Diyos. Ang pagsunod ang tanging kundisyon upang matanggap ng sinaunang Israel ang katuparan ng mga pangakong nagbigay sa kanila ng natatanging pabor ng Diyos; at ang pagsunod sa kautusang iyon ay magdadala rin ng dakilang pagpapala sa mga indibidwal at mga bansa sa ngayon, gaya ng sana’y natanggap ng mga Hebreo. 1SM 218.2
“Ang pagsunod sa kautusan ay mahalaga, hindi lamang para sa ating kaligtasan, kundi pati na rin sa ating sariling kaligayahan at sa kaligayahan ng lahat ng ating nakakaugnay. ‘Dakilang kapayapaan ang tinatamo nila na nagsisiibig ng iyong kautusan. At sila'y walang kadahilanang ikatitisod” (Awit 119:165), ayon sa Salitang Kinasihan. Ngunit ipakikilala ng taong may hangganan sa iba ang banal, matuwid, at mabuting kautusan na ibinigay ng Diyos para sa kapakinabangan ng tao bilang isang pabigat na hindi kayang dalhin. Ngunit ang makasalanan lamang ang nakikita ito bilang isang mabigat na pasanin; ang lumalabag ang hindi makakakita ng kagandahan sa mga utos nito. Sapagka't ang kaisipan ng laman ay ‘hindi napasasaklaw sa kautusan ng Dios, ni hindi nga maaari:” ( Mga Taga Roma 8:7 ). 1SM 218.3
Basahin ang Hebreo 6:17, 18 at Tito 1:2 . Ano ang itinuturo ng mga tekstong ito tungkol sa Diyos?
Ang Dios ay hindi tao na magsisinungaling, Ni anak ng tao na magsisisi; Sinabi ba niya, at hindi niya gagawin? O sinalita ba niya, at hindi niya isasagawa? KJV - Mga Bilang 23:19
Ang katuwiran ng Diyos ay ang Kanyang katapatan, katiyakang mga pangako, at kapangyarihang tuparin ang mga ito. Tinitiyak Niya ang Kanyang mga pangako; hindi kailanman ito nabibigo. Kaya, upang taglayin ang Katuwiran ng Panginoon, kailangang taglayin natin ang Kanyang katapatan at pagiging tapat—mga bagay na hindi natin maaaring makamtan hangga’t hindi tayo lubusang nagtitiwala sa Kanya. Hindi natin ito matatamo kung tayo ay nag-aalinlangan sa Kanyang Salita, sapagkat ang pag-aalinlangan ay tulad ng pagtawag sa Kanya bilang sinungaling! Ang pagdududa ay isa sa pinakamalaking pagkakasalang maaaring gawin! Walang sinuman ang maaaring magduda sa Diyos at sabay na matanggap ang Kanyang mga pagpapala at pangako. Kaya, upang taglayin ang Katuwiran ng Panginoon, kailangang lubusan tayong magtiwala sa Kanya nang walang alinlangan.
At saan Niya nais tayong magsimula? — Nais Niya tayong magsimula sa bagay na madalas nating ipag-alala—ang mga pangangailangan natin para sa hinaharap. Nais Niyang maunawaan natin na hindi tayo maaaring pagsabayin ang paglilingkod sa ating sarili at sa Diyos.
Basahin ang Efeso 1:9–11. Ano ang sinasabi ng talatang ito tungkol sa kapalaran? May ilang tao ba ang itinalaga para maligtas at ang iba ay para sa kapahamakan?
“Sa kapulungan sa langit, isinagawa ang isang plano upang ang tao, bagaman makasalanan, ay hindi mapahamak sa kanilang pagsuway, kundi sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo bilang kanilang kahalili at katiyakan, ay maging mga hinirang ng Diyos, itinalaga para sa pagkukupkop bilang mga anak sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, ayon sa mabuting kalooban ng Kanyang layunin. Nais ng Diyos na ang lahat ng tao ay maligtas, sapagkat sapat na ang probisyong ginawa Niya sa pamamagitan ng pagbibigay ng Kanyang bugtong na Anak upang tubusin ang tao. Ang mga mapapahamak ay mapapahamak dahil tinanggihan nilang tanggapin ang pagkukupkop bilang mga anak ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo Jesus. Ang pagmamataas ng tao ang humahadlang sa kanya upang tanggapin ang kaligtasan. Ngunit ang sariling katuwiran ng tao ay hindi makapagdudulot ng kaligtasan sa harapan ng Diyos. Ang tanging makapagpapalugod sa Diyos ay ang ibinibigay na biyaya ni Cristo sa pamamagitan ng pananampalataya sa Kanyang pangalan. Hindi natin maaaring ipagtiwala ang ating kaligtasan sa mga gawa o sa pansamantalang damdamin bilang patunay na tayo ay hinirang ng Diyos, sapagkat ang mga hinirang ay pinili sa pamamagitan ni Cristo. ST Enero 2, 1893, par. 4
“Sinabi ni Jesus, ‘Ang lumalapit sa akin sa anomang paraan ay hindi ko itataboy.’ Kapag ang makasalanang nagsisisi ay lumapit kay Cristo, na may kamalayan sa kanyang pagkakasala at pagiging di-karapat-dapat, na nauunawaan niyang karapat-dapat siyang maparusahan ngunit nagtitiwala sa awa at pag-ibig ni Cristo, hindi siya itatakwil. Ang nagpapatawad na pag-ibig ng Diyos ay matatanggap niya, at magdudulot ito ng kagalakan at pasasalamat sa kanyang puso dahil sa walang hanggang habag at pag-ibig ng kanyang Tagapagligtas. Ang kaalamang isinagawa ang planong ito para sa kanya sa kapulungan ng langit bago pa itinatag ang sanlibutan, na si Cristo ang magbabata ng parusa para sa kasalanan ng tao at ipagkakaloob sa kanya ang Kanyang katuwiran, ay magbibigay ng matinding pagkamangha at mag-uudyok sa kanya na magpuri at umawit ng pasasalamat.” ST Enero 2, 1893, par. 5
“Si Cristo ay iniuukit ang Kanyang larawan sa bawat alagad. Ang bawat isa ay itinalaga naman niya na maging katulad ng larawan ng kaniyang Anak’(Roma 8:29). Sa bawat isa, ang mahabang pagtitiis ni Cristo, ang Kanyang kabanalan, kahinahunan, awa, at katotohanan ay dapat maihayag sa sanlibutan..” DA 826.3
Ang mga may tamang pagkaunawa ay malalaman na kung nais ng Diyos na sila ay magkasakit, tatanggapin nila ito nang may kagalakan alang-alang sa Kanya; na kung nais Niyang sila ay manatiling malusog, pupurihin nila ang Kanyang banal na pangalan dahil sa kalusugan at lakas upang makatulong sa mahihina, may kapansanan, may sakit, at nagdurusa; na kung nais Niya silang mamatay, hindi sila mabubuhay at tatanggapin nila ito nang may galak; na kung nais Niya silang manatiling buhay, hindi nila nanaising mamatay; anuman ang nais ng Diyos, ito rin ang kanilang nais at buong pusong tatanggapin. Ang kanilang pag-asa ay nasa Kanya lamang.
Basahin ang Juan 16:33. Anong pag-asa, kahit na sa kalagitnaan ng mga kaguluhan, ang inihahandog sa atin ng talata ?
“Si Cristo ay hindi nabigo ni nanghina, at ang Kanyang mga tagasunod ay dapat magpakita ng pananampalatayang may parehong katatagan. Dapat silang mamuhay gaya ng Kanyang pamumuhay, at gumawa gaya ng Kanyang paggawa, sapagkat sila ay umaasa sa Kanya bilang dakilang Guro at Manggagawa. Dapat silang magkaroon ng tapang, sigasig, at pagtitiyaga. Kahit may tila imposibleng hadlang sa kanilang landas, sa pamamagitan ng Kanyang biyaya, sila ay dapat magpatuloy. Sa halip na magreklamo sa harap ng mga pagsubok, tinatawagan silang pagtagumpayan ang mga ito. Hindi sila dapat mawalan ng pag-asa, kundi magtiwala sa lahat ng bagay. Sa gintong tanikala ng Kanyang walang katulad na pag-ibig, tinalian sila ni Cristo sa trono ng Diyos. Layunin Niya na ang pinakamataas na impluwensya sa sansinukob, na nagmumula sa pinagmulan ng lahat ng kapangyarihan, ay mapasakanila. Bibigyan sila ng kapangyarihang labanan ang kasamaan—isang kapangyarihang hindi magagapi ng lupa, ng kamatayan, o ng impiyerno—isang kapangyarihang magpapagtagumpay sa kanila gaya ng pagtatagumpay ni Cristo. DA 679.3
“Nilalayon ni Cristo na ang kaayusan ng langit, ang paraan ng pamamahala sa langit, at ang banal na pagkakaisa sa langit ay makita sa Kanyang iglesia sa lupa. Sa ganitong paraan, naluluwalhati Siya sa Kanyang bayan. Sa pamamagitan nila, ang Araw ng Katuwiran ay magniningning sa buong kaluwalhatian sa mundo. Ipinagkaloob ni Cristo sa Kanyang iglesia ang saganang kakayahan upang Siya ay makatanggap ng dakilang kaluwalhatian mula sa Kanyang tinubos at biniling pag-aari. Ipinagkaloob Niya sa Kanyang bayan ang mga kakayahan at pagpapala upang maipakita nila ang Kanyang sariling kasapatan. Ang iglesia, na nababalutan ng katuwiran ni Cristo, ay ang Kanyang ingatang-yaman kung saan ang kayamanan ng Kanyang awa, biyaya, at pag-ibig ay mahahayag sa ganap at huling pagpapakita. Nakikita ni Cristo ang Kanyang bayan sa kanilang kalinisan at kasakdalan bilang gantimpala ng Kanyang pagpapakababa at bilang katuparan ng Kanyang kaluwalhatian—si Cristo, ang dakilang Sentro, kung saan nagmumula ang lahat ng kaluwalhatian. ” DA 680.1
Kapag ginawa mong pangunahing layunin ang kaharian ng Diyos, matitiyak mong ikaw ay nasa tamang lugar, sa tamang panahon, ginagawa ang tamang bagay, at tinatanggap ang pinakadakilang pagpapala ng Diyos. Makakatiyak ka na bubuksan Niya ang daan at dadalhin ka kung saan ka dapat naroon, kahit pa kailangan Niyang iahon ka mula sa balon, utusan ang mga Ismaelita na dalhin ka sa Ehipto, at ilagay ka sa bahay ni Potifar upang maglingkod. Maari ka pang dalhin sa bilangguan bago ka paupuin sa trono ni Paraon. O kaya’y maaaring patakasin ka mula sa Ehipto at paupahan ng tupa sa paligid ng Bundok Horeb. Maaaring dalhin ka Niya sa harap ng Dagat na Pula habang hinahabol ng mga Egipcio. Maaari kang dalhin sa ilang kung saan walang tubig o pagkain. Maaaring dumating ang leon at ang oso upang agawin ang iyong mga tupa, si Goliath upang puksain ang iyong bayan, at ang hari upang itapon ka sa nag-aapoy na pugon o sa yungib ng mga leon.”
Oo, daan-daan at libu-libong mga bagay ang maaaring mangyari, ngunit ang nagtitiwala sa Diyos at gumagawa ng Kanyang kalooban ay matutuklasan na ang lahat ng tinatawag na mga hadlang o sakuna ay kamangha-manghang pagliligtas at mga daan patungo sa tagumpay—lahat ay bahagi ng dakilang plano ng Diyos, at paraan Niya upang itaas ka mula sa isang tagumpay patungo sa mas dakilang layunin. Kapag ikaw ay nasa ilalim ng pangangalaga at kapangyarihan ng Diyos, huwag mong sabihin kailanman na ang Diyablo ang gumawa nito o niyon, anuman ang mangyari, sapagkat wala siyang magagawa maliban kung pahintulutan siya ng Diyos. Lagi mong ibigay sa Diyos ang karangalan.
“Mula nang si Jesus ay naparito upang manirahan kasama natin, nalalaman nating nauunawaan ng Diyos ang ating mga pagsubok at Siya ay nakikiramay sa ating mga kalungkutan. Bawat anak ni Adan ay maaaring makaunawa na ang ating Manlilikha ay kaibigan ng mga makasalanan. Sapagkat sa bawat doktrina ng biyaya, sa bawat pangako ng kagalakan, sa bawat gawa ng pag-ibig, at sa bawat banal na pang-akit na ipinakita sa buhay ng Tagapagligtas sa lupa, nakikita natin ang 'Diyos na kasama natin." DA 24.1
“ Pinalalabas ni Satanas na ang kautusan ng pag-ibig ng Diyos ay isang kautusan ng pagkamakasarili. Ipinapahayag niya na imposible para sa atin na sundin ito. Ang pagkahulog ng ating unang mga magulang at lahat ng kapighatiang dulot nito ay ibinibintang niya sa Manlilikha, upang akitin ang tao na isiping ang Diyos ang may-akda ng kasalanan, pagdurusa, at kamatayan. Ipinakita ni Jesus ang pandarayang ito. Bilang isa sa atin, ipinakita Niya ang isang halimbawa ng pagsunod. Para rito, tinanggap Niya ang ating likas na pagkatao at dumanas ng ating mga karanasan. ‘Sa kaniya na sa lahat ng mga bagay ay matulad sa kaniyang mga kapatid.' (Hebreo 2:17). Kung may dinaranas tayong anuman na hindi dinanas ni Jesus, maaaring ipakita ni Satanas na ang kapangyarihan ng Diyos ay hindi sapat para sa atin. Kaya nga si Jesus ay 'tinukso sa lahat ng paraan tulad natin' (Hebreo 4:15). Dinanas Niya ang bawat pagsubok na ating nararanasan, ngunit hindi Niya ginamit para sa Kanyang sarili ang anumang kapangyarihang hindi rin ibinibigay sa atin. Bilang tao, hinarap Niya ang tukso at nagtagumpay sa pamamagitan ng kapangyarihang kaloob ng Diyos. Sinabi Niya, ‘Aking kinalulugurang sundin ang iyong kalooban, Oh Dios ko; Oo, ang iyong kautusan ay nasa loob ng aking puso.’(Awit 40:8). Habang Siya'y gumagawa ng mabuti at nagpapagaling sa lahat ng inaapi ni Satanas, ipinakita Niya sa mga tao ang tunay na likas ng kautusan ng Diyos at ng Kanyang paglilingkod. Ang Kanyang buhay ay nagpapatunay na maaari rin nating sundin ang kautusan ng Diyos. DA 24.2
“Sa pamamagitan ng Kanyang pagkatawang-tao, hinipo ni Cristo ang sangkatauhan; sa pamamagitan ng Kanyang pagka-Diyos, Siya'y nakahawak sa trono ng Diyos. Bilang Anak ng tao, ibinigay Niya sa atin ang isang halimbawa ng pagsunod; bilang Anak ng Diyos, ibinibigay Niya sa atin ang kapangyarihang sumunod. Siya ang nagsalita mula sa nagliliyab na punongkahoy sa Bundok Horeb, na sinabing, 'AKO'Y SI AKO NGA… Sabihin mo sa mga anak ng Israel, Sinugo ako sa inyo ng AKO NGA' (Exodo 3:14). Ito ang pangako ng kaligtasan ng Israel. Kaya nang Siya ay dumating 'sa wangis ng tao,' ipinahayag Niya ang Kanyang sarili bilang ang 'AKO NGA.' Ang Sanggol sa Betlehem, ang maamo at mapagpakumbabang Tagapagligtas, ay ang Diyos na 'nahayag sa laman' (1 Timoteo 3:16). At sinabi Niya sa atin: 'AKO ang Mabuting Pastol.' 'AKO ang Tinapay ng Buhay.' 'AKO ang Daan, ang Katotohanan, at ang Buhay.' 'Lahat ng kapangyarihan ay ibinigay sa Akin sa langit at sa lupa' (Juan 10:11; 6:51; 14:6; Mateo 28:18). AKO ang katiyakan ng bawat pangako. AKO; huwag kayong matakot. Ang 'Diyos na kasama natin' ay ang katiyakan ng ating kaligtasan mula sa kasalanan, at ang ating kakayahang sundin ang kautusan ng langit. DA 24.3
“Sa pagpapakumbaba upang tanggapin ang pagiging tao, ipinakita ni Cristo ang isang katangiang kabaligtaran ng katangian ni Satanas. Ngunit lumakad pa Siya nang mas mababa sa landas ng pagpapakumbaba. 'At sa anyong tao, Siya’y nagpakababa at naging masunurin hanggang sa kamatayan, maging sa kamatayan sa krus' (Filipos 2:8). Kung paanong iniiwan ng dakilang saserdote ang kanyang marangyang kasuotan at nagsusuot ng simpleng kasuotan ng karaniwang saserdote upang maglingkod, gayundin, tinanggap ni Cristo ang anyo ng isang alipin at inihandog ang Kanyang sarili—Siya mismo ang saserdote, Siya rin mismo ang alay. “ Siya'y nasugatan dahil sa ating mga pagsalangsang, siya'y nabugbog dahil sa ating mga kasamaan, ang parusa ng tungkol sa ating kapayapaan ay nasa kaniya.” Isaias 53:5 . DA 25.1
“ Si Cristo ay tinrato ukol sa anong nararapat sa atin, upang tayo ay tratuhin ng ayon sa Kanya’y nararapat. Hinatulan Siya para sa ating mga kasalanan, na wala Siyang bahagi, upang tayo ay mapaging-matuwid sa pamamagitan ng Kanyang katuwiran, na hindi natin kabahagi. Dinanas Niya ang kamatayang dapat sana ay atin, upang matanggap natin ang buhay sa Kanya. 'Sa pamamagitan ng Kanyang mga sugat, tayo ay gumaling.” DA 25.2