“Aking gagamutin ang kanilang pagtalikod, akin silang iibiging may kalayaan; sapagka't ang aking galit ay humiwalay sa kaniya.” KJV - Oseas 14:4
“Bago pa man ang pagkahulog ni Pedro, siya ay palaging nagsasalita nang padalus-dalos ayon sa bugso ng damdamin. Palagi siyang handang ituwid ang iba at ipahayag ang kanyang saloobin, kahit wala pa siyang lubos na pagkaunawa sa kanyang sarili o kung ano ba ang dapat niyang sabihin.. Ngunit ang nagbalik-loob na si Pedro ay ibang-iba. Napanatili niya ang kanyang dating sigasig, ngunit ang biyaya ni Cristo ang namamahala sa kanyang kasigasigan. Hindi na siya mapusok, mapagtiwala at mapagmataas sa sarili, at sa halip siya’y kalmado at may espiritung nagpapasakop. Kung kaya’t kaya na niyang alagaan ang mga kordero gayundin ang mga tupa ng kawan ni Cristo.. DA 812.5
“Ang paraan ng pakikitungo ng Tagapagligtas kay Pedro ay may dalang aral para sa kanya at sa kanyang mga kapatid. Itinuturo nito sa kanila na dapat pakitunguhan ang isang nagkakasala ng may pagtitiis, pakikiramay, at mapagpatawad na pag-ibig. Bagama’t itinatwa ni Pedro ang kanyang Panginoon, ang pag-ibig ni Jesus para sa kanya ay hindi kailanman nagkulang. Gayundin dapat ang pag-ibig na madama ng mga tagapangalaga ng kawan para sa mga tupa at kordero na ipinagkatiwala sa kanila. Sa pagalaala niya ng kanyang sariling kahinaan at pagkabigo, dapat tratuhin ni Pedro ang kanyang kawan nang may pag-ibig at kagandahang-loob, gaya ng ginawa ni Cristo sa kanya.” DA 815.1
"Ang tanong na ibinigay ni Cristo kay Pedro ay puno ng kahulugan. Binanggit lamang Niya ang isang kondisyon ng pagiging alagad at paglilingkod: 'Iniibig mo ba Ako?' Sabi Niya. Ito ang mahalagang kwalipikasyon. Bagama’t taglay ni Pedro ang iba pang katangian, kung wala ang pag-ibig ni Cristo sa kanyang puso, hindi siya maaaring maging tapat na pastol ng kawan ng Panginoon. Ang kaalaman, kabutihang-loob, kahusayan sa pagsasalita, pasasalamat, at sigasig ay mga tulong sa mabuting gawain; ngunit kung wala ang pag-ibig ni Jesus sa puso, ang gawain ng isang Kristiyanong ministro ay magiging isang kabiguan.” DA 815.2
Basahin ang Exodo 33:15–22 at isaalang-alang ang konteksto ng mga talatang ito at ang salaysay kung saan makikita ang mga ito. Ano ang ipinapakita ng bahaging ito, lalo na ang talata 19, tungkol sa kalooban at pag-ibig ng Diyos?
“Ang bawat panalangin ay tinugon, ngunit nauuhaw siya sa higit pang tanda ng kagandahang-loob ng Diyos. Gumawa siya ngayon ng isang kahilingang walang sinumang tao ang nakagawa kailanman: ‘Isinasamo ko sa Iyo, ipakita Mo sa akin ang Iyong kaluwalhatian.” PP 328.2
“Hindi sinaway ng Diyos ang kanyang kahilingan bilang mapangahas; ngunit ang mapagbiyayang mga salita ay binigkas, “Aking papangyayarihin ang aking buong kabutihan sa harap mo.” Ang inihayag na kaluwalhatian ng Diyos, na walang sinumang tao sa mortal na kalagayang ito ang maaaring tumingin at mabuhay; ngunit tiniyak kay Moises na makakakita siya ng kaya niyang tiisin sa banal na kaluwalhatian. Muli siyang tinawag sa tuktok ng bundok; at ang kamay na lumikha ng sanlibutan, ang kamay na “naglilipat ng mga bundok, at hindi nila nalalaman” ( Job 9:5 ), ang kumuha sa nilalang na ito mula sa alabok, ang makapangyarihang taong may pananampalataya, at inilagay siya sa isang biyak ng bato, habang dumaan ang kaluwalhatian ng Diyos at ang Kanyang buong kabutihan sa harap niya.. PP 328.3
“Ang karanasang ito—higit sa lahat, ang pangako na ang banal na Presensya ay sasama sa kanya—ay isang katiyakan kay Moises ng tagumpay sa gawaing nasa harap niya; at itinuturing niya ang kahalagahan nito na walang hanggan na higit na mahalaga kaysa sa lahat ng karunungan sa Egipto o sa lahat ng kanyang mga tagumpay bilang isang estadista o pinunong militar. Walang kapangyarihang makalupa, kasanayan, o karunungan ang makahahalili sa patuloy na presensiya ng Diyos. PP 328.4
“Sa makasalanan, nakakatakot ang mahulog sa mga kamay ng buhay na Diyos; ngunit si Moises ay tumayong nag-iisa sa harap ng Walang Hanggan, at hindi siya natakot; sapagkat ang kanyang kaluluwa ay naaayon sa kalooban ng kanyang Manlilikha. Sabi sa mga awit, “Kung pinakundanganan ko ang kasamaan sa aking puso, hindi ako didinggin ng Panginoon.” Awit 66:18 . Ngunit “Ang pakikipagibigan ng Panginoon ay nasa nangatatakot sa kaniya; at ipakikilala niya sa kanila ang kaniyang tipan.” Awit 25:14 . PP 329.1
“Ipinahayag ng Diyos ang Kanyang sarili, “Ang Panginoon, ang Panginoong Dios na puspos ng kahabagan at mapagkaloob, banayad sa pagkagalit, at sagana sa kaawaan at katotohanan; Na gumagamit ng kaawaan sa libolibo, na nagpapatawad ng kasamaan, at ng pagsalangsang, at ng kasalanan: at sa anomang paraan ay hindi aariing walang sala ang salarin.” PP 329.2
Sa Una at Ikalawang kabanata ng Oseas, ang una at pinakamahalagang bagay na dapat tiyakin tungkol sa mga kabanatang ito ay ang panahon kung kailan magaganap ang kahalagahan ng kanilang propetikong mensahe. Upang matuklasan ito, ating basahin:
Hos. 2:18 – “At sa araw na yaon ay ipakikipagtipan ko sila sa mga hayop sa parang, at sa mga ibon sa himpapawid, at sa mga bagay na nagsisiusad sa lupa: at aking babaliin ang busog at ang tabak, at patitigilin ko ang pagbabaka sa lupain, at akin silang pahihigaing tiwasay.”
Hanggang sa araw na ito, ang bayan ng Diyos ay hindi pa nakaranas ng ganap at lubos na seguridad at kalayaang inilalarawan sa talatang ito ng Kasulatan. Dahil dito, madaling makita na ang paksa ng kabanatang ito ay umaabot pa sa hinaharap, at maging lampas sa ating panahon. Habang pinag-aaralan natin ang mga kabanata, talata sa bawat talata, ang aspeto ng panahon ay mas magiging malinaw.
Hos. 1:1,2 – “Ang salita ng Panginoon na dumating kay Oseas na anak ni Beeri, nang mga kaarawan ni Uzias, ni Jotam, ni Ahaz, at ni Ezechias, na mga hari sa Juda, at nang mga kaarawan ni Jeroboam na anak ni Joas, na hari sa Israel. Nang unang magsalita ang Panginoon sa pamamagitan ni Oseas.”
At sinabi ng Panginoon kay Oseas, “Yumaon ka, magasawa ka sa isang patutot at mga anak sa patutot; sapagka't ang lupain ay gumagawa ng malaking pagpapatutot, na humihiwalay sa Panginoon.”
Ang propetang si Oseas ay inutusang mangasawa ng isang patutot sa walang ibang dahilan kundi upang ilarawan ang malungkot at kasuklam-suklam na kalagayan noon sa Israel.
Malinaw na ang kasal na ito ay isang pangitain lamang tulad ng paghiga ng propetang si Ezekiel nang 40 araw sa isang tagiliran, at 390 araw sa kabilang tagiliran (Ezekiel 4:4-6).
Basahin ang Oseas 14:1–4. Ano ang inihahayag ng mga talatang ito tungkol sa matatag na pag-ibig ng Diyos sa Kanyang bayan?
“ Ang lahat ng papasok sa Lungsod ng Diyos ay daraan sa makipot na pintuan—sa pamamagitan ng masigasig na pagsisikap; sapagkat ‘hindi papasok doon ang anumang marumi.’” Apocalipsis 21:27. Subalit walang sinuman na nabuwal ang dapat mawalan ng pag-asa. Ang mga matatanda, na minsang pinarangalan ng Diyos, ay maaaring nadungisan ang kanilang mga kaluluwa, na naihain ang kabanalan sa dambana ng pita ng laman; ngunit kung sila’y magsisisi, tatalikdan ang kasalanan, at babalik sa Diyos, may pag-asa pa rin para sa kanila. Siya na nagsabing, “Magtapat ka hanggang sa kamatayan, at bibigyan kita ng putong ng buhay,” ay Siya ring nag-anyaya: “Lisanin ng masama ang kaniyang lakad, at ng liko ang kaniyang mga pagiisip; at manumbalik siya sa Panginoon, at kaaawaan niya siya; at sa aming Dios, sapagka't siya'y magpapatawad ng sagana.” Apocalipsis 2:10; Isaias 55:7. Kinasusuklaman ng Diyos ang kasalanan, ngunit iniibig Niya ang makasalanan. “Aking gagamutin ang kanilang pagtalikod, akin silang iibiging may kalayaan; sapagka't ang aking galit ay humiwalay sa kaniya.” Oseas 14:4.” PK 84.1
“ Sa mga nakakalimot sa plano ng kapanahunan para sa pagliligtas sa mga makasalanang nabihag ng kapangyarihan ni Satanas, ang Panginoon ay nag-alok ng panunumbalik at kapayapaan. “Aking gagamutin ang kanilang pagtalikod, akin silang iibiging may kalayaan,” sabi Niya: “sapagka't ang aking galit ay humiwalay sa kaniya. Ako'y magiging parang hamog sa Israel: siya'y bubukang parang lila, at kakalat ang kaniyang ugat na parang Libano. Ang kaniyang mga sanga ay magsisiyabong, at ang kaniyang kagandahan ay magiging parang puno ng olibo, at ang kaniyang bango ay parang Libano. Silang nagsisitahan sa kaniyang lilim ay manunumbalik; sila'y mangabubuhay uling gaya ng trigo, at mangamumulaklak na gaya ng puno ng ubas: at ang amoy ay magiging gaya ng alak ng Libano. Sasabihin ng Ephraim, Ano pa ang aking gagawin sa mga dios-diosan? Ako'y sasagot, at aking hahalatain siya: ako'y parang sariwang abeto; mula sa akin ay nasusumpungan ang iyong bunga.” PK 283.3
Ihambing ang Apocalipsis 4:11 at Awit 33:6. Ano ang sinasabi sa atin ng mga talatang ito tungkol sa kalayaan ng Diyos na may kaugnayan sa Paglikha ?
“Sa Apocalipsis 14, tinatawag ang mga tao na sambahin ang Manlilikha; at inilalahad ng hula ang isang grupo ng tao na, bilang bunga ng tatlong mensahe, ay gaganap sa mga utos ng Diyos. Ang isa sa mga utos na ito ay tuwirang tumutukoy sa Diyos bilang Manlilikha. Ang ikaapat na utos ay nagsasaad: “ang ikapitong araw ay sabbath sa Panginoon mong Dios: ... Sapagka't sa anim na araw ay ginawa ng Panginoon ang langit at lupa, ang dagat, at lahat ng nangaroon, at nagpahinga sa ikapitong araw; na ano pa't pinagpala ng Panginoon ang araw ng sabbath, at pinakabanal.” Exodo 20:10, 11 …” Exodo 31:17 .” GC 437.1
“Hindi kinikilala ng Biblia ang konsepto ng mahabang panahon kung saan umano dahan-dahang nabuo ang mundo mula sa kaguluhan. Ang bawat sunod-sunod na araw ng paglikha ay itinala sa Banal na Kasulatan na binubuo ng gabi at umaga, tulad ng lahat ng iba pang mga araw na sumunod. Sa pagtatapos ng bawat araw, ibinibigay ang resulta ng gawain ng Manlilikha. Ang pahayag sa pagtatapos ng ulat ng unang linggo ay nagsasaad: “Ito ang pinangyarihan ng langit at ng lupa, nang likhain noong araw.” (Genesis 2:4) Subalit hindi nito ipinahihiwatig na ang mga araw ng paglikha ay iba sa literal na mga araw. Ang bawat araw ay tinawag na pinangyarihan sapagkat sa loob nito ay nilikha o ginawa ng Diyos ang bawat bahagi ng Kanyang gawain.” PP 112.1
Basahin ang Juan 17:24. Ano ang sinasabi nito sa atin tungkol sa pag-ibig ng Diyos bago pa umiral ang mundo ?
O anong kahilingan ito! Anong lambing at di-maipahiwatig na pag-ibig ang nilalaman ng panalanging ito! Ang ating buhay na Ulo ay nananabik na ang mga sangkap ng Kanyang katawan ay makasama Niya. Nakipag-isa sila sa Kanya sa Kanyang mga pagdurusa, at hindi Siya masisiyahan maliban na sila’y makibahagi rin sa Kanyang kaluwalhatian. Inaangkin Niya ito bilang Kanyang karapatan.” RH Agosto 15, 1893, par. 9
“Itinanggi ni Jesus na ang mga Hudyo ay mga anak ni Abraham. Sinabi Niya, “Ginagawa ninyo ang mga gawa ng inyong ama.” Sa pangungutya ay sumagot sila, “Hindi kami inianak sa pakikiapid; may isang Ama kami, ang Dios.” Ang mga salitang ito, na tumutukoy sa mga pangyayari ng Kanyang kapanganakan, ay binanggit bilang insulto laban kay Cristo sa harap ng mga nagsisimulang maniwala sa Kanya. Hindi pinansin ni Jesus ang masamang panunumbat, subalit sinabi Niya, “Kung ang Dios ang inyong ama, ay inyong iibigin ako: sapagka't ako'y nagmula at nanggaling sa Dios.” DA 467.2
Basahin ang Mateo 22:1–14. Ano ang kahulugan ng talinghagang ito ?
“Ang panawagan sa piging ay ipinahayag ng mga alagad ni Cristo. Ang ating Panginoon ay nagsugo ng labindalawa, at pagkaraan ng pitumpu, na ipinahayag na ang kaharian ng Diyos ay malapit na at nanawagan sa mga tao na magsisi at manampalataya sa ebanghelyo. Subalit ang panawagan ay hindi pinansin. Ang mga inanyayahan sa piging ay hindi dumalo. Ang mga alipin ay isinugo upang sabihin, “Narito, inihanda ko na ang aking piging; pinatay ko ang aking mga baka at mga hayop na matataba, at ang lahat ng mga bagay ay nahahanda na: magsiparito kayo sa piging ng kasalan.” Ito ang mensaheng pinadala sa bansang Judio pagkatapos ng pagkakapako sa krus ni Cristo; ngunit ang bansang nag-aangkin na sila’y natatanging bayan ng Diyos ay tinanggihan ang ebanghelyo na dinala sa kanila sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu. Marami ang tumanggi dito nang may labis na panunuya. Ang iba ay labis na nagalit sa alok ng kaligtasan—ang alok ng kapatawaran para sa pagtanggi sa Panginoon ng kaluwalhatian—kaya’t kanilang inusig ang mga tagapagdala ng mensahe. Nagkaroon ng “isang matinding pag-uusig.” (Gawa 8:1) Marami, kapwa mga lalaki at babae, ang ikinulong, at ang ilan sa mga tagapagbalita ng Panginoon, gaya nina Esteban at Santiago, ay pinatay. COL 308.2
“Sa ganitong paraan ay naging lubusan na ang kanilang pagtanggi sa awa ng Diyos. Ang resulta nito ay inihula ni Cristo sa talinghaga. Ang hari ay “sinugo ang kaniyang mga hukbo, at pinuksa ang mga mamamataytaong yaon, at sinunog ang kanilang bayan.” Ang hatol na ipinahayag ay dumating sa mga Judio sa naging pagkawasak ng Jerusalem at sa pangangalat nila sa mga bansa. COL 308.3
“Ang ikatlong panawagan sa piging ay kumakatawan sa pagbibigay ng ebanghelyo sa mga Hentil. Sinabi ng hari, “Nahahanda ang kasalan, nguni't hindi karapatdapat ang mga inanyayahan. Magsiparoon nga kayo sa mga likuang lansangan, at anyayahan ninyo sa piging ng kasalan ang lahat ninyong mangasumpungan.” COL 309.1
“At nagsilabas ang mga aliping yaon sa mga lansangan, at kanilang tinipon ang lahat nilang nangasumpungan, masasama at mabubuti:” Ito ay isang magkahalong grupo. Ang ilan sa kanila ay wala ni bahagyang respeto sa nagbigay ng piging gaya ng mga tumanggi sa panawagan. Naisip nila na ang unang mga tao na inanyayahan ay hindi kayang magsakripisyo ng anuman para layuning dumalo sa handaan ng hari. At sa mga tumanggap ng paanyaya, may ilan na ang iniisip lamang ay ang kanilang pansariling kapakinabangan. Dumalo sila upang makibahagi sa mga handa ng piging ngunit walang hangaring parangalan ang hari. ” COL 309.2
“Kaunti ang tumatanggap ng biyaya ni Cristo nang may pagpapakumbaba, malalim at permanenteng kamalayan ng kanilang pagiging hindi karapat-dapat. Hindi nila makakayanan ang pagpapakita ng kapangyarihan ng Diyos, sapagkat ito ay magbabangon sa kanila ng pagmamataas sa sarili, kayabangan, at inggit. Ito ang dahilan kung bakit napakaliit ng maaaring magawa ng Panginoon para sa atin ngayon. Nais ng Diyos na inyong hanapin, bilang indibidwal, ang kasakdalan ng pag-ibig at pagpapakumbaba sa inyong sariling puso. Ituon ang inyong pinakamataas na atensyon sa inyong sarili; linangin ang mga katangian ng ugali na maghahanda sa inyo para sa pakikisama sa mga dalisay at banal.” 5T 50.3
Basahin ang Juan 10:17, 18. Ihambing ito sa Galacia 2:20. Ano ang mensahe sa atin ng mga talatang ito?
“Dahil dito'y sinisinta ako ng Ama, sapagka't ibinibigay ko ang aking buhay, upang kunin kong muli.” Ang ibig sabihin, ang Aking Ama ay labis na nagmahal sa inyo kaya’t lalo Niya Akong minahal dahil sa pagbibigay Ko ng Aking buhay upang tubusin kayo. Sa pagiging inyong kahalili at katiyakan, sa pagsuko ng Aking buhay, sa pagtanggap ng inyong mga kasalanan at mga pagkukulang, Ako ay higit na naging malapit sa Aking Ama. DA 483.5
“Binibigay ko ang aking buhay, upang kunin kong muli. Sinoma'y hindi nagaalis sa akin nito, kundi kusa kong ibinibigay. May kapangyarihan akong magbigay nito, at may kapangyarihan akong kumuhang muli.” Bagamat bilang isang miyembro ng sangkatauhan Siya ay mortal, bilang Diyos Siya ang bukal ng buhay para sa sanlibutan. Maaari Niyang pigilan ang kamatayan at tumangging sumailalim dito; subalit kusang-loob Niyang ibinigay ang Kanyang buhay upang magdala ng buhay at walang kamatayan sa liwanag. Kanyang pinasan ang kasalanan ng sanlibutan, tiniis ang sumpa nito, at inialay ang Kanyang buhay bilang sakripisyo, upang ang mga tao ay hindi magdusa ng walang hanggang kamatayan. “tunay na kaniyang dinala ang ating mga karamdaman, at dinala ang ating mga kapanglawan.... siya'y nasugatan dahil sa ating mga pagsalangsang, siya'y nabugbog dahil sa ating mga kasamaan, ang parusa ng tungkol sa ating kapayapaan ay nasa kaniya; at sa pamamagitan ng kaniyang mga latay ay nagsigaling tayo. Tayong lahat na gaya ng mga tupa ay naligaw; tayo ay tumungo bawa't isa sa kaniyang sariling daan; at ipinasan sa kaniya ng Panginoon ang kasamaan nating lahat.” Isaias 53:4-6 . DA 484.1
“Sa Kanyang paglaban sa kasamaan at ginawang paglilingkod para sa iba, ipinakita ni Cristo sa tao ang isang halimbawa ng pinakamataas na edukasyon. Inihayag Niya ang Diyos sa Kanyang mga alagad sa paraang gumawa ng natatanging gawain sa kanilang puso—isang gawaing matagal na Niyang hinihikayat tayong payagan Siyang gawin sa ating mga puso. Marami ang masyadong nakatuon sa teorya kaya’t nawalan ng pananaw sa buhay na kapangyarihan ng halimbawa ng Tagapagligtas. Nawaglit Siya sa kanilang paningin bilang mapagpakumbaba at nagkakait sa sarili na manggagawa. Ang kanilang kailangan ay makita si Jesus. Araw-araw nilang kailangan ang sariwang pagpapahayag ng Kanyang presensya. Kailangang sundan nila nang mas malapit ang Kanyang halimbawa ng pagsasakripisyo at pagpapakumbaba. CT 36.2
“Kailangan natin ang karanasang naranasan ni Pablo nang isulat niya: “Ako'y napako sa krus na kasama ni Cristo; at hindi na ako ang nabubuhay, kundi si Cristo ang nabubuhay sa akin: at ang buhay na ikinabubuhay ko ngayon sa laman ay ikinabubuhay ko sa pananampalataya, ang pananampalataya na ito'y sa Anak ng Dios, na sa akin ay umibig, at ibinigay ang kaniyang sarili dahil sa akin.” Galacia 2:20 . CT 36.3
“Ang kaalaman tungkol sa Diyos at kay Jesu-Cristo na nahahayag sa ugali ay ang pinakamataas na edukasyon. Ito ang susi na nagbubukas ng mga pintuan ng makalangit na lungsod. Layunin ng Diyos na ang kaalamang ito ay taglayin ng lahat ng nagpapakabanal kay Cristo.” CT 37.1
“Sa lahat ng ating mga pagsubok, mayroon tayong Tulong na kailanman ay hindi mabibigo. Hindi Niya tayo iniiwan na mag-isa sa pakikibaka laban sa tukso at kasamaan, at iniingatan na tayo ay hindi matalo ng mga pasanin at kalungkutan. Bagamat ngayon Siya ay nakatago sa paningin ng tao, naririnig ng tainga ng pananampalataya ang Kanyang tinig na nagsasabing, ‘At ang Nabubuhay; at ako'y namatay, at narito, ako'y nabubuhay magpakailan man.’ (Pahayag 1:18). Tiniis Ko ang inyong mga kalungkutan, naranasan Ko ang inyong mga pakikibaka, hinarap Ko ang inyong mga tukso. Alam Ko ang inyong mga luha; Ako man ay lumuha rin. Ang mga dalamhating napakalalim upang maibahagi sa sinumang tao ay alam Ko. Huwag isipin na kayo’y iniwan at pinabayaan. Bagamat ang inyong dinaramdam ay hindi umaabot sa pusong tumutugon dito sa lupa, tumingin kayo sa Akin, at kayo’y mabubuhay. ‘Sapagka't ang mga bundok ay mangapapaalis, at ang mga burol ay mangapapalipat; nguni't ang aking kagandahang-loob ay hindi hihiwalay sa iyo, o ang akin mang tipan ng kapayapaan ay maalis, sabi ng Panginoon na naaawa sa iyo.” Isaias 54:10 . DA 483.1
“Gaano man kamahal ng isang pastol ang kanyang mga tupa, mas mahal niya ang kanyang mga anak. Si Jesus ay hindi lamang ating pastol; Siya ang ating ‘Walang Hanggang Ama.’ At sinasabi Niya, ‘Nakikilala ko ang sariling akin, at ang sariling akin ay nakikilala ako, Gaya ng pagkakilala sa akin ng Ama, at ng sa Ama ay pagkakilala ko.’ (Juan 10:14, 15, R.V.). Anong pahayag ito!—ang bugtong na Anak, Siya na nasa sinapupunan ng Ama, Siya na itinuring ng Diyos na ‘ang Tao na Katuwang Ko’ (Zacarias 13:7)—ang ugnayan sa pagitan Niya at ng walang hanggang Diyos ay kumakatawan sa pakikipag-ugnayan ni Cristo at ng Kanyang mga anak sa lupa!” DA 483.2
Sapagkat tayo ang handog ng Kanyang Ama, at gantimpala ng Kanyang gawain, minamahal tayo ni Jesus. Minamahal Niya tayo bilang Kanyang mga anak. Mambabasa, mahal ka Niya. Walang maaaring ipagkaloob ang langit na mas dakila, mas mabuti pa. Kaya’t magtiwala ka. DA 483.3