“ Sinabi nga sa kaniya ni Pilato, Ikaw nga baga'y hari? Sumagot si Jesus, Ikaw ang nagsasabing ako'y hari. Ako'y ipinanganak dahil dito, dahil dito ako naparito sa sanglibutan, upang bigyang patotoo ang katotohanan. Ang bawa't isang ayon sa katotohanan ay nakikinig ng aking tinig.” KJV - Juan 18:37
“Isang lindol ang naranasan sa oras na inialay ni Cristo ang Kanyang buhay, at isa pang lindol ang nasaksihan sa sandali nang Kanyang pananagumpay. Siya na tumalo sa kamatayan at sa libingan ay lumabas mula sa libingan na isang mananakop, sa gitna ng nayayanig na lupa, kislap ng mga kidlat, at pag-ungol ng kulog. Sa muli Niyang pagparito sa lupa, Kanyang yayanigin “hindi lamang ang lupa, kundi maging ang langit.” “Ang lupa ay gigiray na parang lango, at mauuga na parang dampa.” “at ang langit ay mababalumbong parang isang ikid;” “at ang mga bagay sa langit ay mapupugnaw sa matinding init, at ang lupa at ang mga gawang nasa lupa ay pawang masusunog..” Ngunit “nguni't ang Panginoon ay magiging kanlungan sa kaniyang bayan, at katibayan sa mga anak ni Israel.” Hebreo 12:26 ; Isaias 24:20 ; 34:4 ; 2 Pedro 3:10 ; Joel 3:16 . DA 780.1
“Sa pagkamatay ni Jesus ay nakita ng mga kawal ang lupa na nababalot ng dilim sa tanghali; ngunit sa pagkabuhay na mag-uli ay nakita nila ang ningning ng mga anghel na nagliliwanag sa gabi, at narinig ang mga naninirahan sa langit na umaawit nang may malaking kagalakan at pagtatagumpay: Natalo mo si Satanas at ang kapangyarihan ng kadiliman; Nilamon mo ang kamatayan sa tagumpay! DA 780.2
“Si Cristo ay lumabas mula sa libingan na niluwalhati, at ang Romanong bantay ay nakakita sa Kanya. Nakatuon ang kanilang mga mata sa mukha Niya na kamakailan lamang ay tinutuya nila. Sa niluwalhating Nilalang na ito ay nakita nila ang bilanggo na kanilang nakita sa bulwagan ng paghuhukom, ang isa na pinagputungan nila ng koronang tinik. Ito ang Isa na tumayong hindi lumalaban sa harap ni Pilato at Herodes, ang Kanyang anyo na nasugatan at hinagupit. Ito ay Siya na ipinako sa krus, kung saan ang mga saserdote at mga pinuno, na puno ng kasiyahan sa sarili, na nagsasabi, “Nagligtas siya sa mga iba; sa kaniyang sarili ay hindi makapagligtas.” Mateo 27:42 . Ito ay Siya na inilagay sa bagong libingan ni Jose. Pinalaya ng utos ng langit ang bihag. Maging ang magkakapatong na mga bundok sa ibabaw ng Kanyang libingan ay hindi makahahadlang sa Kanyang paglabas.” DA 780.3
Basahin ang Juan 18:33–38. Tungkol saan ang pinag-usapan nina Pilato at Jesus?
“Sa pag-asang matamo ang katotohanan mula sa Kanya at makatakas sa kaguluhan ng karamihan, isinama ni Pilato si Jesus, at muling itinanong, “Ikaw baga ang Hari ng mga Judio?” DA 726.4
“Hindi direktang sinagot ni Jesus ang tanong na ito. Alam niya na ang Banal na Espiritu ay nagsusumikap kay Pilato, at binigyan Niya siya ng pagkakataong kilalanin ang kanyang pananalig. “Sinasabi mo baga ito sa iyong sarili, o sinabi sa iyo ng mga iba tungkol sa akin?” Ibig sabihin, ang mga akusasyon ba ng mga saserdote, o ang pagnanais niyang tumanggap ng liwanag mula kay Cristo ang nag-udyok sa tanong ni Pilato? Naunawaan ni Pilato ang pakahulugan ni Cristo; ngunit bumangon ang pagmamataas sa kanyang puso. Hindi niya kinikilala ang paninindigan na bumabangon sa kanya. “Ako baga'y Judio? Ang iyong sariling bansa at ang mga pangulong saserdote ang sa iyo'y nagdala sa akin: anong ginawa mo?” DA 726.5
“Lumipas na ang ginintuang pagkakataon para kay Pilato. Ngunit hindi siya iniwan ni Jesus nang walang karagdagang liwanag. Bagama't hindi Niya direktang sinagot ang tanong ni Pilato, malinaw Niyang sinabi ang Kanyang sariling misyon. Ibinigay Niya kay Pilato na maunawaan na hindi Niya hinahanap ang makalupang trono. DA 727.1
“Sumagot si Jesus, Ang kaharian ko ay hindi sa sanglibutang ito: kung ang kaharian ko ay sa sanglibutang ito, ang aking mga alipin nga ay makikipagbaka, upang ako'y huwag maibigay sa mga Judio: nguni't ngayo'y ang aking kaharian ay hindi rito.
Sinabi nga sa kaniya ni Pilato, Ikaw nga baga'y hari? Sumagot si Jesus, Ikaw ang nagsasabing ako'y hari. Ako'y ipinanganak dahil dito, dahil dito ako naparito sa sanglibutan, upang bigyang patotoo ang katotohanan. Ang bawa't isang ayon sa katotohanan ay nakikinig ng aking tinig.” DA 727.2
“Pinagtibay ni Cristo na ang Kanyang salita mismo ay isang susi na magbubukas ng misteryo sa mga taong handang tumanggap nito. Ito ay may kapangyarihan, at ito ang sikreto ng paglaganap ng Kanyang kaharian ng katotohanan. Ninais niyang maunawaan ni Pilato na sa pamamagitan lamang ng pagtanggap at pag-angkop ng katotohanan maaaring maibuo muli ang kanyang nasirang kalikasan. DA 727.3
“May pagnanais si Pilato na malaman ang katotohanan. Ang kanyang isipan ay naguguluhan. Masigasig niyang tinanggap ang mga salita ng Tagapagligtas, at ang kanyang puso ay napukaw ng matinding pananabik na malaman kung ano talaga iyon, at kung paano niya ito makukuha. “Ano ang katotohanan?” tanong niya. Ngunit hindi na siya naghintay ng sagot. Ang kaguluhan sa labas ay nagpaalala sa kanya sa mga interes sa sandaling iyon; sapagkat ang mga saserdote ay sumisigaw para sa agarang pagkilos. Paglabasa sa mga Judio, mariin niyang sinabi, “Wala akong masumpungang anomang kasalanan sa kaniya.” DA 727.4
“Kapag ang katotohanan ay tinanggap sa puso, sinisimulan nito ang gawain ng pagdadalisay at pagpapabanal sa tumatanggap. Siya na nagmamahal sa katotohanan, ay hindi makadarama na wala na siyang pangangailangan ng kaliwanagan, at sa halip ay matatanto habang isinasabuhay ang katotohanan, na siya ay nangangailangan ng patuloy na liwanag upang siya ay lumago sa kaalaman. Habang dinadala niya ang katotohanan sa kanyang buhay, madarama niya ang kanyang tunay na kamangmangan, at matatanto ang pangangailangan ng pagkakaroon ng mas masusing pagsisiyasat, upang maunawaan niya kung paano gamitin ang kanyang kakayahan sa pinakamahusay na paraan.” CE 137.2
Basahin ang Juan 18:38–19:5. Paano sinubukan ni Pilatong himukin ang mga tao na hilingin na paglaya ni Jesus?
“Paglabas niya sa mga Judio, mariin niyang sinabi, “Wala akong nakitang kasalanan sa Kanya.” DA 727.4
“Going out to the Jews, he declared emphatically, “I find in Him no fault at all.” DA 727.4
“Ang mga salitang ito mula sa isang paganong hukom ay isang matinding pagsaway sa pandaraya at kasinungalingan ng mga pinuno ng Israel na nag-aakusa sa Tagapagligtas. Nang marinig ito ng mga saserdote at matatanda mula kay Pilato, ang kanilang pagkabigo at galit ay hindi masukat. Matagal na silang nagplano at naghintay para sa pagkakataong ito. Nang makita nila ang pag-asam ng paglaya kay Jesus, tila handa silang sirain Siya. Malakas nilang tinuligsa si Pilato, at pinagbantaan siya ng pagtuligsa ng pamahalaang Romano. Inakusahan nila siya ng pagtanggi na hatulan si Jesus, na, ayon sa kanila, ay nagtakda ng Kanyang sarili laban kay Cesar. DA 727.5
“Ang galit na mga tinig ang naririnig, na nagpapahayag na ang masamang impluwensya ni Jesus ay laganap sa buong bansa. Sinabi ng mga saserdote, Ginugulo niya ang bayan, na nagtuturo sa buong Judea, magbuhat sa Galilea hanggang sa dakong ito.” DA 728.1
“Sa panahong ito, si Pilato ay hindi iniisip na hatulan si Jesus. Alam niya na inaakusahan Siya ng mga Hudyo dala ng poot. Alam niya kung ano ang kanyang tungkulin. Sa usapin ng hustisya, si Cristo ay nararapat na palayain. Ngunit si Pilato ay natatakot sa masamang kalooban ng mga tao. Kung tatanggihan niyang ibigay si Jesus sa kanilang mga kamay, isang kaguluhan ang babangon, at ito ay kanyang kinatatakutan. Nang marinig niya na si Cristo ay mula sa Galilea, ipinasiya niyang ipadala Siya kay Herodes, ang pinuno ng lalawigang iyon, na noon ay nasa Jerusalem. Sa hakbang na ito, naisip ni Pilato na ilipat ang responsibilidad ng paglilitis kay Herodes. Naisip din niya na ito ay isang magandang pagkakataon upang tapusin ang isang lumang away sa pagitan nila ni Herodes. At gayon nga ang nangyari sa dalawang mahistrado sa paglilitis sa Tagapagligtas.” DA 728.2
“Bilang pagmamatigas, si Herodes ay hindi nangahas na pagtibayin ang paghatol kay Cristo. Nais niyang iiwas ang sarili sa responsibilidad, at pinabalik niya si Jesus sa bulwagan ng paghatol ng Roma. DA 731.4
“Si Pilato ay nabigo at labis na hindi nasisiyahan. Nang bumalik ang mga Judio kasama ang kanilang bilanggo, naiinip niyang tinanong kung ano ang gusto nilang gawin niya. Ipinaalala niya sa kanila na sinuri na niya si Jesus, at walang nakitang kasalanan sa Kanya; sinabi niya sa kanila na sila ay nagdala ng mga reklamo laban sa Kanya, ngunit hindi nila napatunayan ang alinmang paratang. Ipinadala niya si Jesus kay Herodes, ang tetrarka ng Galilea, na taga sarili nilang bansa, ngunit wala rin siyang nakita sa Kanya na karapat-dapat sa kamatayan. “Siya nga'y aking parurusahan, at siya'y pawawalan.” DA 731.5
“Dito ipinakita ni Pilato ang kanyang kahinaan. Ipinahayag niya na walang kasalanan si Jesus, ngunit handa siyang hagupitin Siya upang patahimikin ang mga nag-aakusa sa Kanya. Isasakripisyo niya ang hustisya at prinsipyo para makipagkompromiso sa mga mandurumog. Ito ang naglagay sa kanya sa isang hindi magandang posisyon. Nakita ng karamihan ang kanyang pag-aalinlangan, at lalong sumigaw sila para sa buhay ng bilanggo. Kung sa umpisa palang ay nanindigan si Pilato na tumangging hatulan ang isang tao na nakita niyang walang kasalanan, mapuputol sana niya ang nakamamatay na tanikala na magbibigkis sa kanya sa pagsisisi at pagkakasala habang siya ay nabubuhay. Kung nanindigan lamang siya sa tama, hindi sana ipagpalagay ng mga Hudyo na maaari siyang madiktahan. Si Cristo ay papatayin ngunit ang pagkakasala ay hindi mapapasa kay Pilato. Ngunit si Pilato ay gumawa ng mga hakbang ng paglabag sa kanyang budhi. Siya ay nagdahilan sa kanyang sarili sa paghatol nang may katarungan, at ngayon ay natagpuan niya ang kanyang sarili na halos walang magawa sa mga kamay ng mga saserdote at mga pinuno. Ang kanyang pag-aalinlangan ang naging sanhi ng sa kanyang pagkasira. ” DA 731.6
“Nang si Jesus ay ipinako sa krus, ito ay binuhat ng malalakas na tao, at may matinding karahasan na itinulak sa lugar na inihanda para dito. Nagdulot ito ng pinakamatinding paghihirap sa Anak ng Diyos. Pagkatapos ay sumulat si Pilato ng isang inskripsiyon sa Hebreo, Griego, at Latin, at inilagay ito sa krus, sa itaas ng ulo ni Jesus. Nakasulat dito, “JESUS NA TAGA NAZARET, ANG HARI NG MGA JUDIO.” Ang inskripsiyong ito ay ikinairita ng mga Hudyo. Sa hukuman ni Pilato ay sumigaw sila, “Ipako Siya sa Krus.” “Wala kaming hari kundi si Cesar.” Juan 19:15 . Ipinahayag nila na ang sinumang kumilala sa ibang hari ay isang taksil. Isinulat ni Pilato ang damdaming kanilang ipinahayag. Walang nabanggit na pagkakasala, maliban na si Jesus ang Hari ng mga Hudyo. Ang inskripsiyon ay isang virtual na pagkilala sa katapatan ng mga Hudyo sa kapangyarihang Romano. Ipinahayag nito na ang sinumang mag-aangkin na siya ang Hari ng Israel ay hahatulan nila na karapat-dapat sa kamatayan. Ang mga pari ay sumobra na sa kanilang kapangahasan. Habang sila’y nagbabalak ng kamatayan ni Cristo, sinabi ni Caifas na mas makabubuti na mamatay ang isang tao upang mailigtas ang bayan. Ngunit ngayo’y nahayag ang kanilang pagkukunwari. Upang mapatay si Cristo, handa silang isakripisyo maging ang kanilang pambansang pagkakakilanlan. DA 745.2
“Nakita ng mga pari ang kanilang nagawa at humiling kay Pilato na baguhin ang nakasulat na inskripsyon. Sinabi nila, “Huwag mong isulat, Ang Hari ng mga Judio; kundi, ang kanyang sinabi, Hari ako ng mga Judio.” Ngunit si Pilato ay nagalit sa kanyang sarili dahil sa kanyang naging kahinaan, at lubusan niyang hinamak ang mga naiinggit at tusong mga saserdote at mga pinuno. Malamig niyang sagot, “Ang naisulat ko ay naisulat ko.” DA 745.3
Isang mas mataas na kapangyarihan kaysa kay Pilato o sa mga Hudyo ang nag-utos sa paglalagay ng inskripsiyong iyon sa itaas ng ulo ni Jesus. Sa probisyon ng Diyos, ito ay upang gumising sa pag-iisip, at pagsisiyasat ng mga Kasulatan. Ang lugar kung saan ipinako si Cristo ay malapit sa lungsod. Libu-libong tao mula sa lahat ng lupain ang nasa Jerusalem noon, at mapapansin nila ang inskripsiyon na nagsasabing si Jesus ng Nazareth ang Mesiyas. Ito ay isang buhay na katotohanan, na isinulat ng isang kamay na ginabayan ng Diyos. DA 745.4
Basahin ang Juan 19:25–27. Anong nakaaantig na tagpo tungkol sa ina ni Jesus ang naganap sa krus?
“Habang ang mga mata ni Jesus ay lumingap sa maraming tao na nakapalibot sa Kanya, isang pigura ang nakapukaw ng Kanyang atensyon. Sa paanan ng krus ay nakatayo ang Kanyang ina, na inaalalayan ng disipulong si Juan. Hindi niya kayang tiisin ang manatiling malayo sa Kanyang Anak; kaya’t si Juan, na nalalaman na nalalapit na ang wakas, ay dinala siya muli sa krus,. Sa oras ng Kanyang kamatayan, inalala ni Cristo ang Kanyang ina. Habang tinitingnan ang kanyang mukha na puno ng kalungkutan at pagkatapos ay si Juan, sinabi Niya sa kanya, “Babae, narito ang iyong anak!” Pagkatapos ay kay Juan, “Narito ang iyong ina!” Naunawaan ni Juan ang mga salita ni Cristo at tinanggap ang pananagutan. Agad niyang dinala si Maria sa kanyang tahanan, at mula sa oras na iyon ay magiliw siyang inaalagaan. O mahabagin at mapagmahal na Tagapagligtas! Sa kabila ng lahat ng pisikal na sakit at mental na pagdurusa, nagpakita Siya ng maalalahaning pagmamalasakit para sa Kanyang ina! Wala Siyang salaping maiiwan upang magbigay ng kaginhawaan para sa kanya; ngunit Siya’y iniukit sa puso ni Juan, at ibinigay Niya ang Kanyang ina sa kanya bilang mahalagang pamana. Sa ganitong paraan, pinagkalooban Niya siya ng pinakamahalaga—ang malambing na simpatiya ng isang nagmamahal sa kanya sapagkat minahal niya si Jesus. Sa pagtanggap kay Maria bilang banal na pananagutan, tinanggap din ni Juan ang isang dakilang pagpapala. Si Maria ay naging isang patuloy na paalala ng kanyang minamahal na Guro. DA 752.2
Basahin ang Juan 19:28–30. Ano ang kahalagahan ng mga salita ni Jesus nang malapit na Siyang mamatay, “Naganap na”?
“Nang ang malakas na sigaw na, ‘Naganap na,’ ay lumabas sa mga labi ni Cristo, ang mga saserdote ay naglilingkod sa templo. Oras iyon ng handog sa gabi. Ang kordero na sumasagisag kay Cristo ay dinala upang patayin.. Nakasuot ng kanyang makabuluhan at magandang damit, tumayo ang saserdote na may nakataas na kutsilyo, gaya ng ginawa ni Abraham noong papatayin na niya ang kanyang anak. Sa matinding interes, ang mga tao ay nakatingin. Ngunit ang lupa ay nayanig at umuga; sapagkat ang Panginoon Mismo ay lumapit. Sa tunog ng pagkapunit, ang panloob na tabing ng templo ay napunit mula itaas hanggang ibaba ng isang di-nakikitang kamay, na nagbukas sa paningin ng karamihan ng isang lugar na minsang napuno ng presensya ng Diyos. Sa lugar na ito nanahan ang Shekinah. Dito’y ipinakita ng Diyos ang Kanyang kaluwalhatian sa ibabaw ng luklukan ng awa. Walang sinuman kundi ang punong pari ang nakapag-angat ng tabing na naghihiwalay sa bahaging ito sa natitirang bahagi ng templo. Minsan isang taon lamang siya pumapasok upang gumawa ng pagtubos para sa mga kasalanan ng mga tao. Ngunit narito, ang tabing ay napunit sa dalawa. Ang kabanal-banalang lugar ng makalupang santuwaryo ay hindi na banal. DA 756.5
“Puno ng takot at kaguluhan ang lahat.” Papatayin na ng saserdote ang biktima; ngunit ang kutsilyo ay nahulog mula sa kanyang manhid na kamay, at ang kordero ay nakatakas. Ang tipo ay nakatagpo sa antitype nito sa naging kamatayan ng Anak ng Diyos. Ang malaking sakripisyo ay ginawa na. Ang daan patungo sa pinakabanal ay nabuksan . Isang bago at buhay na paraan ang inihanda para sa lahat. Hindi na kailangang maghintay pa ang makasalanan at nagdadalamhating sangkatauhan sa pagdating ng mataas na pari. Mula ngayon, ang Tagapagligtas ang maglilingkod bilang pari at tagapamagitan sa pinakamataas na kalangitan. Para bang isang buhay na tinig ang nangusap sa mga mananamba: Wala nang mga hain at alay para sa kasalanan. Dumating na ang Anak ng Diyos ayon sa Kanyang salita: “Narito, Ako’y dumating (sa balumbon ng aklat ay nasusulat tungkol sa Akin), upang gawin ang Iyong kalooban, O Diyos.” “Sa pamamagitan ng Kanyang sariling dugo” Siya’y pumasok “minsan sa banal na dako, na nagkamit ng walang hanggang pagtubos para sa atin.” Hebreo 10:7; 9:12. DA 757.1
Basahin ang Juan 20:1–7. Ano ang kahalagahan sa atin tungkol sa sa kung ano ang ipinapahayag sa mga talatang ito?
“Ang mga babae ay hindi nanggaling sa isang direksyon patungo sa libingan. Si Maria Magdalena ang unang nakarating sa lugar; at nang makitang naalis na ang bato, nagmadali siyang umalis upang sabihan ang mga alagad. Samantala, dumating naman ang ibang mga babae. Isang liwanag ang nagniningning sa paligid ng libingan, ngunit ang katawan ni Jesus ay wala doon. Habang nananatili sila sa lugar na iyon, bigla nilang nakita na hindi sila nag-iisa. Isang binatang nakadamit ng nagniningning na kasuotan ang nakaupo sa tabi ng libingan. Ito ang anghel na nagpagulong sa bato. Nag-anyong tao siya upang hindi matakot ang mga kaibigang ito ni Jesus. Ngunit siya ay nababalot ng liwanag ng makalangit na kaluwalhatian na nagniningning, at ang mga babae ay natakot. Lumiko sila upang tumakas, ngunit ang mga salita ng anghel ay nagpatigil sa kanilang mga hakbang. “Huwag kayong mangagitla: hinahanap ninyo si Jesus, ang Nazareno, na ipinako sa krus: siya'y nagbangon; wala siya rito: tingnan ninyo ang dakong pinaglagyan nila sa kaniya! At humayo kayong madali, at sabihin sa Kanyang mga alagad na Siya ay nabuhay mula sa mga patay.” Muli silang tumingin sa libingan, at muli nilang narinig ang kamangha-manghang balita. Isa pang anghel sa anyong tao ang naroon, at sinabi niya, “Bakit hinahanap ninyo ang buhay sa gitna ng mga patay? Wala siya rito, datapuwa't nagbangon: alalahanin ninyo ang salita niya sa inyo nang siya'y nasa Galilea pa, Na sinasabi, Kinakailangan na ang Anak ng tao ay ibigay sa mga kamay ng mga taong makasalanan, at ipako sa krus, at magbangong muli sa ikatlong araw.” DA 788.3
“Siya ay nabuhay, Siya ay nabuhay! Paulit-ulit na inuulit ng mga babae ang mga salita. Hindi na kailangan ngayon ang anumang pampahid. Ang Tagapagligtas ay buhay, at hindi patay. Naalaala nila ngayon na nang magsalita tungkol sa Kanyang kamatayan ay sinabi Niya na Siya ay muling mabubuhay. O anong mahalagang araw ito para sa mundo! Mabilis na umalis ang mga babae sa libingan 'na may takot at malaking kagalakan; at tumakbo upang dalhin ang salita sa Kanyang mga alagad.” DA 789.1
Basahin ang Juan 20:8–10. Ano ang kahulugan ng tela para sa mukha na nakatiklop?
“Hindi narinig ni Maria ang magandang balita. Pinuntahan niya sina Pedro at Juan na may malungkot na mensahe, “Kinuha nila sa libingan ang Panginoon, at hindi namin maalaman kung saan nila siya inilagay.” Ang mga alagad ay nagmadaling pumunta sa libingan, at nasumpungan ito gaya ng sinabi ni Maria. Nakita nila ang nakalatag na kayong lino at ang panyo, ngunit hindi nila nasumpungan ang kanilang Panginoon. Ngunit maging ito ay isang patotoo na Siya ay nabuhay. Ang Kanyang mga suot sa libingan ay hindi itinapon nang walang pag-iingat, ngunit ang bawat isa ay maingat na nakatiklop. Si Juan ay “nakakita, at naniwala.” Hindi pa niya nauunawaan ang kasulatan na si Cristo ay kailangang bumangon mula sa mga patay; ngunit naalala niya ngayon ang mga salita ng Tagapagligtas na naghuhula ng Kanyang muling pagkabuhay. DA 789.2
“Si Cristo Mismo ang naglagay ng mga kasuotang iyon nang may ganoong pangangalaga. Nang ang makapangyarihang anghel ay bumaba sa libingan, siya ay sinamahan ng isa pa, na kasama ng kanyang mga kasamahan na nagbabantay sa katawan ng Panginoon. Nang igulong ng anghel mula sa langit ang bato, ang isa ay pumasok sa libingan, at hinubad ang mga balot sa katawan ni Jesus. Ngunit ang kamay ng Tagapagligtas ang nagtiklop sa bawat isa niyaon, at inilagay ito sa lugar nito. Sa Kanya na gumagabay sa mga bituin at atomo ay walang isang bagay na hindi mahalaga. Ang kaayusan at pagiging dalisay ay makikita sa lahat ng Kanyang gawain.” DA 789.3
Basahin ang Juan 20:11–13. Ano ang nangyari dito na nagpapakita kung bakit hindi pa rin naunawaan ni Maria Magdalena ang kahulugan ng walang lamang libingan?
“Si Maria ay sumunod kina Juan at Pedro sa libingan; nang bumalik sila sa Jerusalem, nanatili siya. Habang nakatingin siya sa walang laman na libingan, napuno ng kalungkutan ang kanyang puso. Pagtingin niya sa loob, nakita niya ang dalawang anghel, ang isa sa ulunan at ang isa sa paanan ng hinigaan ni Jesus. "Babae, bakit ka umiiyak?" tanong nila sa kanya. “Sapagkat kinuha nila ang aking Panginoon,” sagot niya, “at hindi ko alam kung saan nila Siya inilagay.” DA 789.4
“At siya'y lumingon, maging sa mga anghel, sa pag-aakalang makasusumpong siya ng makapagsasabi sa kanya kung ano ang ginawa sa katawan ni Jesus. Isang tinig ang nagsalita sa kanya, “Babae, bakit ka umiiyak? sino ang iyong hinahanap?” Sa pamamagitan ng kanyang mata na napupuno ng luha, nakita ni Maria ang anyo ng isang lalaki, at sa pagaakalang yao'y maghahalaman ay nagsabi sa kaniya, Ginoo, kung ikaw ang kumuha sa kaniya, ay sabihin mo sa akin kung saan mo siya inilagay, at akin siyang kukunin.” Kung ang libingan ng mayamang lalaking ito ay inaakalang napakarangal na libingan para kay Jesus, siya mismo ang magbibigay ng lugar para sa Kanya. May isang libingan na ginawang bakante ng sariling tinig ni Cristo, ang libingan kung saan nahimlay si Lazarus. Hindi ba siya makakahanap doon ng libingan para sa kanyang Panginoon? Nadama niya na ang pag-aalaga sa Kanyang mahalagang katawan na napako sa krus ay magagawang ibsan ang kanyang kalungkutan. DA 790.1
Basahin ang Juan 20:14–18. Ano ang nagpabago ng lahat kay Maria?
“Ngunit ngayon sa Kanyang sariling pamilyar na boses ay sinabi ni Jesus sa kanya, “Maria.” At ngayon alam na niya na hindi estranghero ang kumakausap sa kanya, at paglingon niya ay nakita niya sa kanyang harapan ang buhay na Cristo. Sa kanyang kagalakan nakalimutan niya na Siya ay ipinako sa krus. Lumalapit sa Kanya, na parang yayakapin ang Kanyang mga paa, sinabi niya, “Rabboni.” Ngunit itinaas ni Cristo ang Kanyang kamay, na nagsasabi, Huwag mo akong hipuin; sapagka't hindi pa ako nakakaakyat sa Ama, nguni't pumaroon ka sa aking mga kapatid, at sabihin mo sa kanila, Aakyat ako sa aking Ama at inyong Ama, at aking Dios at inyong Dios.” Naparoon si Maria Magdalena at sinabi sa mga alagad and masayang mensahe. DA 790.2
“Habang ang Tagapagligtas ay nasa presensya ng Diyos, na tumatanggap ng mga kaloob para sa Kanyang iglesia, ang mga alagad ay nag-iisip tungkol sa Kanyang libingang walang laman, at sila’y nagdadalamhati at tumatangis. Ang araw na iyon na araw ng kagalakan para sa buong kalangitan ay naging araw ng kawalang-katiyakan, kalituhan, at pag-aagam-agam para sa mga alagad. Ang kanilang kawalan ng paniniwala sa patotoo ng mga babae ay patunay kung paanong nanghihina ang kanilang mga pananampalataya. Ang balita tungkol sa muling pagkabuhay ni Cristo ay napakalayo sa kanilang inaasahan kaya hindi nila ito mapaniwalaan. Iniisip nil ana ito’y napakabuti upang maging totoo. Napakarami nilang narinig tungkol sa mga doktrina at tinatawag na mga teoryang siyentipiko ng mga Saduceo kaya’t ang impresyon sa kanilang isipan tungkol sa muling pagkabuhay ay naging malabo. Halos hindi nila nauunawaan kung ano ang kahulugan ng muling pagkabuhay mula sa mga patay. Hindi nila makuha ang dakilang paksang ito. DA 790.4
Sinabi ng mga anghel sa mga babae, “ Datapuwa't magsiyaon kayo, sabihin ninyo sa kaniyang mga alagad at kay Pedro, Siya'y nangunguna sa inyo sa Galilea: doon siya makikita, ayon sa sinabi niya sa inyo.”Ang mga anghel na ito ay kasama ni Cristo bilang mga anghel na tagapag-alaga sa buong buhay Niya sa lupa. Nasaksihan nila ang Kanyang pagsubok at pagpapako sa krus. Narinig nila ang Kanyang mga salita sa Kanyang mga alagad. Ito ay ipinakita sa pamamagitan ng kanilang mensahe sa mga alagad, na dapat sana ay nakakumbinsi sa kanila sa katotohanan nito. Ang gayong mga salita ay maaari lamang manggaling mula sa mga mensahero ng kanilang Panginoon. DA 793.1
“Sabihin ninyo sa kaniyang mga alagad at kay Pedro,” sabi ng mga anghel. Mula nang mamatay si Cristo, si Pedro ay nagkaroon ng matinding pagsisisi. Ang kanyang kahiya-hiyang pagtanggi sa Panginoon, at ang tingin ng Tagapagligtas ng pag-ibig at dalamhati, ay laging nasa harapan niya. Sa lahat ng mga alagad, siya ang dumanas ng pinakamapait na paghihirap. Sa kanya ay ibinigay ang katiyakan na ang kanyang pagsisisi ay tinanggap at ang kanyang kasalanan ay pinatawad. Binanggit siya sa pangalan. DA 793.2
““Datapuwa't magsiyaon kayo, sabihin ninyo sa kaniyang mga alagad at kay Pedro, Siya'y nangunguna sa inyo sa Galilea: doon siya makikita.” Si Jesus ay iniwan ng Kanyang mga alagad, at ang panawagan para sa muling pagtatagpo ay ipinaabot sa kanila. Hindi Niya sila itinakwil. At sinabi sa kanila ni Maria Magdalena na nakita niya ang Panginoon, inulit niya ang panawagan sa pagtatagpo sa Galilea. At sa ikatlong pagkakataon ay ipinadala sa kanila ang mensahe. Pagkatapos Niyang umakyat sa Ama, nagpakita si Jesus sa iba pang mga babae, na nagsasabi, “Mangagalak kayo. At sila'y nagsilapit at niyakap ang kaniyang mga paa, at siya'y sinamba. Nang magkagayo'y sinabi sa kanila ni Jesus, Huwag kayong mangatakot: magsiyaon kayo at sabihin ninyo sa aking mga kapatid na magsiparoon sa Galilea, at doo'y makikita nila ako.” DA 793.3
“Ang unang gawain ni Cristo sa lupa pagkatapos ng Kanyang pagkabuhay na mag-uli ay ang kumbinsihin ang Kanyang mga alagad ukol sa Kanyang hindi nagbabagong pag-ibig at giliw sa kanila. Upang bigyan sila ng patunay na Siya ang kanilang buhay na Tagapagligtas, na Kanyang sinira ang mga gapos ng libingan, at hindi na maaaring dalhin sa kamatayan ng mga kaaway; at upang ihayag na Siya ay may ganoon pa ring puso ng pag-ibig gaya noong Siya ay kasama nila bilang kanilang minamahal na Guro, Siya ay nagpakita sa kanila nang paulit-ulit. Babalutin at bibigkisin silang patuloy ng pag-ibig. “Magsiyaon kayo at sabihin mo sa Aking mga alagad na nangunguna ako sa Galilea: at doon ako makikita, wika Niya.” DA 793.4
“Sa pagkarinig sa magiging pagkikitang ito, nagsimulang maala-ala ng mga alagad ang mga salita ni Cristo sa kanila na hinuhulaan ang Kanyang magiging pagkabuhay na mag-uli. Ngunit maging hanggang ngayon ay hindi nila magawang magalak. Hindi nila magawang iwaksi ang kanilang mga pagdududa at pagkalito. Kahit na sinabi ng mga babae na nakita nila ang Panginoon ay hindi naniwala ang mga alagad. Inakala nila na sila ay napasailalim ng isang ilusyon. DA 794.1