Higit Pang Mga Patotoo tungkol kay Jesus

Liksyon 6, Ikaapat na Trimestre Nobyembre 2-8, 2024

img rest_in_christ
Ibahagi ang Liksyong ito
Download PDF

Hapon ng Sabbath Nobyembre 2

Talatang Sauluhin:

“At ako, kung ako'y mataas na mula sa lupa, ang lahat ng mga tao ay palalapitin ko sa akin din.” KJV - Juan 12:32


“Ang pag-ibig ng Diyos ay ipinamalas sa sansinukob. Ang prinsipe ng mundong ito ay pinalayas. Ang mga paratang ni Satanas laban sa Diyos ay pinabulaanan. Ang kadustaan na kanyang ipinukol sa langit ay naalis na magpakailanman. Ang mga anghel at pati na rin ang mga tao ay nailapit sa Manunubos. Na nagsasabi: “At ako, kung ako'y mataas na mula sa lupa, ang lahat ng mga tao ay palalapitin ko sa akin din.” DA 626.1

“Maraming tao ang nakapaligid kay Cristo habang sinasabi Niya ang mga salitang ito, at sinabi ng isa, “Aming narinig sa kautusan na ang Cristo ay lumalagi magpakailan man: at paanong sinasabi mo, Kinakailangan na ang Anak ng tao ay mataas? sino ang Anak ng taong ito? Sinabi nga sa kanila ni Jesus, Kaunting panahon na lamang sasagitna ninyo ang ilaw. Kayo'y magsilakad samantalang nasa inyo ang ilaw, upang huwag kayong abutin ng kadiliman: at ang lumalakad sa kadiliman ay hindi nalalaman kung saan siya tutungo. Samantalang nasa inyo ang ilaw, ay magsisampalataya kayo sa ilaw, upang kayo'y maging mga anak ng ilaw.” DA 626.2

“Nguni't bagaman gumawa siya sa harap nila ng gayong maraming mga tanda, gayon ma'y hindi sila nagsisampalataya sa kaniya.” Minsan ay tinanong nila ang Tagapagligtas, “Ano nga ang inyong ginagawa na pinakatanda, upang aming makita, at sampalatayanan ka namin? ano ang ginagawa mo?” Juan 6:30 . Hindi mabilang na mga tanda ang ibinigay; ngunit ipinikit nila ang kanilang mga mata at pinatigas ang kanilang mga puso. Ngayong nagsalita na mismo ang Ama, at wala na silang mahihiling pang tanda, ngunit tumanggi pa rin silang maniwala. DA 626.3

“Gayon man maging sa mga pinuno ay maraming nagsisampalataya sa kaniya; datapuwa't dahil sa mga Fariseo ay hindi nila ipinahayag, baka sila'y mapalayas sa sinagoga.” Sapagka't iniibig nila ng higit ang kaluwalhatian sa mga tao kay sa kaluwalhatian sa Dios. Upang iligtas ang kanilang sarili mula sa kadustaan at kahihiyan, tinanggihan nila si Cristo, at tinanggihan ang alok ng buhay na walang hanggan. At napakarami nga ang gumagawa ng gayon sa mga nakalipas na siglo! Sa kanila ang lahat ng babala ng Tagapagligtas ay naaangkop: “Ang umiibig sa kaniyang buhay ay mawawalan nito.” “Ang nagtatakuwil sa akin, at hindi tumatanggap sa aking mga pananalita, ay mayroong isang hahatol sa kaniya: ang salitang aking sinalita, ay siyang sa kaniya'y hahatol sa huling araw..” Juan 12:48 DA 626.4

Linggo, Nobyembre 3

Kapakumbabaan ng Kaluluwa: Muling Nagpatotoo si Juan Bautista


Basahin ang Juan 3:25–36. Paano inilalahad ni Juan Bautista ang kanyang sarili kay Jesus?

“At sila'y nagparoon kay Juan, at sa kaniya'y sinabi, Rabi, yaong kasama mo sa dako pa roon ng Jordan, na binigyan mong patotoo, narito, siya'y bumabautismo, at ang lahat ng mga tao'y nagsisiparoon sa kaniya.” Si Juan ay nagtataglay ng karaniwang mga kahinaan ng kalikasan ng tao. Sa bagay na ito, siya ay sumailalim sa isang matinding pagsubok. Ang kanyang impluwensya bilang propeta ng Diyos ay mas dakila kaysa sa sinumang tao, hanggang sa magsimula ang ministeryo ni Cristo; ngunit ang katanyagan ng bagong gurong ito ay nakakapukaw ng atensyon ng lahat ng tao, at bilang resulta, ang katanyagan ni Juan ay humihina. Dinala sa kanya ng kanyang mga tagasunod ang totoong pahayag ng sitwasyon, si Jesus ay nagbibinyag, at lahat ng tao ay lumalapit sa kanya. 2SP 136.4

Si Juan ay nalagay sa mahirap na posisyon; kung bibigyang-katwiran niya ang paninibugho ng kanyang mga alagad sa pamamagitan ng isang salita ng pakiki-ayon o pampatibay-loob sa kanilang mga pagbubulung-bulungan, maaaring makalikha ito ng dibisyon. Ngunit ang marangal at di-makasariling espiritu ng propeta ay naitaas sa sagot na ibinigay niya sa kanyang mga tagasunod:— 2SP 137.1

“Hindi makatatanggap ng anoman ang isang tao, malibang ito'y ipinagkaloob sa kaniya mula sa langit. Kayo man ay magsisisaksi sa akin, na aking sinabi, Hindi ako ang Cristo, kundi, na ako'y sinugo sa unahan niya. Ang nagtatangkilik sa kasintahang babae ay ang kasintahang lalake: datapuwa't ang kaibigan ng kasintahang lalake, na nakatayo at nakikinig sa kaniya, ay nagagalak na lubos dahil sa tinig ng kasintahang lalake: ito ngang aking kaligayahan ay naganap. Siya'y kinakailangang dumakila, nguni't ako'y kinakailangang bumaba.” 2SP 137.2

“Kung si Juan ay nagpakita ng pagkabigo o kalungkutan nang siya ay pinalitan ni Jesus; kung pinahintulutan niyang pumukaw ng simpatiya para sa kanyang sarili, nang kanyang mapagtanto na ang kanyang kapangyarihan sa mga tao ay humihina; kung ilang sandali ay hinayaan niyang mawaglit sa isip niya ang kanyang misyon sa oras na ito ng tukso, tunay na kapahamakan nga ang magiging dulot nito sa pagkatatag ng simbahang Kristiyano. Maaaring maihasik kung ganon ang mga binhi ng pagtatalo, at ang anarkiya ay sisibol, at ang layunin ng Diyos ay hihina dahil sa kakulangan ng mga manggagawa. 2SP 137.3

“ Ngunit si Juan, na binabalewala ang anumang personal na interes, ay tumindig sa pagtatanggol kay Jesus, na nagpapatotoo sa kanyang kataasan bilang ang Ipinangako sa Israel, na ang daan ay kinailangan niyang ihanda para sa kanya. Ipinakilala niya ang kanyang sarili nang lubos na nasa panig ng layunin ni Cristo, at ipinahayag na ang kanyang pinakamalaking kagalakan ay nasa tagumpay nito. Pagkatapos, sa pananagumpay sa lahat ng makamundong pagsasaalang-alang, ibinigay niya ang kahanga-hangang patotoo na ito—na tila katumbas ng ibinigay ni Jesus kay Nicodemo sa kanilang lihim na pakikipanayam:— 2SP 138.1

“Ang nanggagaling sa itaas ay sumasaibabaw ng lahat: ang galing sa lupa ay taga lupa nga, at ang ukol sa lupa ang sinasalita niya: ang nanggagaling sa langit ay sumasaibabaw ng lahat. At kaniyang nakita at narinig, ay siyang pinatototohanan niya; at walang taong tumatanggap ng kaniyang patotoo. Ang tumatanggap ng kaniyang patotoo ay naglagay dito ng kaniyang tatak, na ang Dios ay totoo. Sapagka't ang sinugo ng Dios ay nagsasalita ng mga salita ng Dios: sapagka't hindi niya ibinibigay ang Espiritu sa pamamagitan ng sukat. Sinisinta ng Ama ang Anak, at inilagay sa kaniyang kamay ang lahat ng mga bagay. Ang sumasampalataya sa Anak ay may buhay na walang hanggan; nguni't ang hindi tumatalima sa Anak ay hindi makakakita ng buhay, kundi ang poot ng Dios ay sumasa kaniya.” 2SP 138.2

Lunes , Nobyembre 4

Isang bagong pagkaunawa sa Mesiyas


Basahin ang Juan 1:32–36. Ano ang sinasabi dito ni Juan Bautista tungkol kay Jesus na hindi inaasahan ng mga tao tungkol sa matagal nang hinihintay na Mesiyas?

“Ang mga kinatawan mula sa Jerusalem ay nagtanong kay Juan, “Bakit ka nagbibinyag?” at hinihintay nila ang kanyang sagot. At ang kanyang paningin ay dumaan sa karamihan, at ang kanyang mata ay nagningning, ang kanyang mukha ay lumiwanag, ang kanyang buong pagkatao ay napukaw ng malalim na damdamin. Habang nakaunat ang mga kamay ay sumigaw siya, “Ako'y bumabautismo sa tubig: datapuwa't sa gitna ninyo'y may isang nakatayo na hindi ninyo nakikilala, Siya nga ang pumaparitong sumusunod sa akin, na sa kaniya'y hindi ako karapatdapat magkalag ng panali ng kaniyang pangyapak.” Juan 1:26, 27 , RV, margin. DA 136.2

“Ang mensahe ay natatangi at malinaw, na dadalhin pabalik sa Sanhedrin. Ang mga salita ni Juan ay tumutukoy walang iba kundi sa matagal nang ipinangako. Ang Mesiyas ay kasama nila! Sa pagkamangha ang mga saserdote at mga pinuno ay tumingin sila sa kanilang paligid, umaasang matuklasan Siya na siyang tinutukoy ni Juan. Ngunit hindi Siya nakikilala sa karamihan. DA 136.3

“ Sa pagbabautismo ni Jesus, itinuro Siya ni Juan bilang ang Kordero ng Diyos, isang bagong liwanag ang bumungad sa gawain ng Mesiyas. Ang isipan ng propeta ay nadirekta sa mga salita ni Isaias, “Siya ay gaya ng kordero na dinadala sa patayan.” Isaias 53:7 . Sa mga sumunod na linggo, si Juan, sa kanyang bagong interes, ay pinag-aralan ang mga hula at ang pagtuturo ng paglilingkod sa paghahain. Hindi niya malinaw na tinukoy ang dalawang yugto ng gawain ni Cristo,—ang isa bilang isang nagdurusang hain at ang isa’y mananakop na hari,—ngunit nauunawaan niya na ang Kanyang pagdating ay may mas malalim na kahulugan na hindi nauunawaan ng mga saserdote at ng mga tao. Nang makita niya si Jesus sa gitna ng karamihan sa Kanyang pagbabalik mula sa ilang, may pagtitiwala niyang hinanap Siya upang bigyan ang mga tao ng ilang tanda ng Kanyang tunay na pagkatao. Halos may pagkainip na kaniyang hinintay na marinig sa Tagapagligtas na ipahayag ang Kanyang misyon; ngunit walang salitang binigkas, walang tandang ibinigay. Si Jesus ay hindi tumugon sa kanyang pahayag tungkol sa Kanya, ngunit nakisalamuha sa mga taga-sunod ni Juan, at hindi nagbigay ng panlabas na katibayan ng Kanyang natatanging gawain, at hindi gumawa ng mga hakbang upang ang pansin ay mapukaw tungo sa Kanya.” DA 136.4



“Sa pag-alala sa kung paano inulit ni Juan ang mga propesiya tungkol sa Mesiyas, na naaalaala ang tagpo sa bautismo ni Jesus, ang mga saserdote at mga pinuno ay hindi nangahas na sabihin na ang bautismo ni Juan ay mula sa langit. Kung kikilalanin nila na si Juan ay isang propeta, tulad ng kanilang pinaniniwalaan, paano nila matatanggihan ang kanyang patotoo na si Jesus na taga- Nazareth ay ang Anak ng Diyos? At hindi rin nila masasabi na ang bautismo ni Juan ay sa mga tao lamang, dahil sa mga tao, na naniniwalang si Juan ay isang propeta. Kaya sinabi nila, “Hindi namin masabi.” COL 274.3

Martes, Nobyembre 5

Pagtanggap at Pagtanggi


Basahin ang Juan 6:51–71. Ano ang sinabi ni Jesus na nahirapang tanggapin ng mga tao?

“Ako ang tinapay na buhay na bumabang galing sa langit: kung ang sinoman ay kumain ng tinapay na ito, siya'y mabubuhay magpakailan man.” Sa salitang ito ay nagbigay pa si Cristo ng karagdagan. Tanging sa pamamagitan ng kamatayan Niya maigagawad ang buhay sa tao, at sa mga sumunod na salita ay itinuturo Niya ang Kanyang kamatayan bilang paraan ng kaligtasan. Sinabi Niya, “ang tinapay na aking ibibigay ay ang aking laman, sa ikabubuhay ng sanglibutan.” DA 388.2

“Ang mga Judio nga'y nangagtatalo, na nangagsasabi, Paanong maipakakain sa atin ng taong ito ang kaniyang laman?” Sinusubukin nilang unawain ang Kanyang mga salita sa parehong literal na kahulugan tulad ng ginawa ni Nicodemo nang itanong niya, “Paanong maipanganganak ang tao kung siya'y matanda na?” Juan 3:4 . Sa ilang punto ay nauunawaan nila ang pakahulugan ni Jesus, ngunit hindi nila ito gustong kilalanin. Sa pamamagitan ng pagbali sa Kanyang mga salita, ay sinisikap nilang magbangon ng maling pang-unawa sa isip ng tao laban sa Kanya. DA 389.1

Hindi pinahina ni Cristo ang Kanyang simbolikong representasyon. Inulit niya ang katotohanan sa mas malakas na pananalita: “Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Maliban nang inyong kanin ang laman ng Anak ng tao at inumin ang kaniyang dugo, ay wala kayong buhay sa inyong sarili. Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan; at siya'y aking ibabangon sa huling araw. Sapagka't ang aking laman ay tunay na pagkain, at ang aking dugo ay tunay na inumin. Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananahan sa akin, at ako'y sa kaniya.” DA 389.2

“Ang mga walang pananampalatayang Hudyo ay tumangging unawain ang anumang kahulugan ng mga salita ng Tagapagligtas maliban sa literal nitong kahulugan. Sa pamamagitan ng ritwal na utos, sila ay ipinagbabawal na tumikim ng dugo, at ngayon ay binibigyang-kahulugan nila ang wika ni Cristo sa isang mapanirang pananalita, at pinagtatalunan nila ito sa kanilang mga sarili. “Marami nga sa kaniyang mga alagad, nang kanilang marinig ito, ay nangagsabi, Matigas ang pananalitang ito; sino ang makaririnig noon?” DA 390.1

“Ang pagsubok ay lubhang matindi. Ang sigasig ng mga taong naghahangad na kunin Siya at puwersahang gawing hari ay nanlamig. Ang diskursong ito sa sinagoga, ayon sa kanila, ay nagbukas ng kanilang mga mata. At ngayon sila ay hindi na nalilinlang. Sa kanilang isipan ang Kanyang mga salita ay isang tuwirang pag-amin na hindi Siya ang Mesiyas, at walang makalupang gantimpala ang matatamo mula sa pakikipag-unayan sa Kanya. Tinanggap nila ang Kanyang kapangyarihang gumawa ng himala; sila ay sabik na makalaya mula sa sakit at pagdurusa; ngunit hindi nila magawang makiramay sa Kanyang buhay na puno ng pagsasakripisyo.Wala silang interes sa mahiwagang espirituwal na kaharian na Kanyang binanggit. Ang mga hindi tapat, ang mga makasarili, na naghanap sa Kanya, ay hindi na nagnanais sa Kanya. Kung hindi Niya ilalaan ang Kanyang kapangyarihan at impluwensya sa pagtatamo ng kanilang kalayaan mula sa mga Romano, ay wala na nga silang kinalaman sa Kanya. DA 391.3

“Ang kanilang desisyon ay hindi kailanman nabago; at hindi na sila nagsisama sa kaniya.” DA 392.1

Miyerkules , Nobyembre 6

Ang Pagsaksi ng Ama


Basahin ang Juan 5:36–38. Ano ang sinasabi dito ni Jesus tungkol sa Ama?

“Datapuwa't ang aking pagpapatotoo ay lalong dakila kay sa kay Juan; sapagka't ang mga gawang ibinigay sa akin ng aking Ama upang ganapin, ang gayon ding mga gawa na aking ginagawa, ay nagpapatotoo tungkol sa akin, na ako'y sinugo ng Ama. At ang Ama na nagsugo sa akin, ay siyang nagpatotoo tungkol sa akin. Kailan ma'y hindi ninyo narinig ang kaniyang tinig, ni hindi man ninyo nakita ang kaniyang anyo. At kayo'y walang salita niya na nananatili sa inyo: sapagka't hindi kayo nagsisisampalataya sa kaniyang sinugo.” “At nang mabautismuhan si Jesus, pagdaka'y umahon sa tubig: at narito, nangabuksan sa kaniya ang mga langit, at nakita niya ang Espiritu ng Dios na bumababang tulad sa isang kalapati, at lumalapag sa kaniya; At narito, ang isang tinig na mula sa mga langit, na nagsasabi, Ito ang sinisinta kong Anak, na siya kong lubos na kinalulugdan.” ST Nobyembre 13, 1893, par. 2

Basahin ang Mateo 3:17, Mateo 17:5, Marcos 1:11, at Lucas 3:22 (tingnan din sa 2 Ped. 1:17, 18) . Ano ang sinasabi ng Ama tungkol kay Jesus?

“Nakita nila sa kanilang mga mata at narinig ng kanilang mga tainga ang mga bagay na hindi kayang unawain ng tao. Sila ay “naging mga saksing nakakita ng kaniyang karangalan.” ( 2 Pedro 1:16 ), at natanto nila na si Jesus nga ang Mesiyas, na Siyang sinasaksihan ng mga patriyarka at mga propeta, at Siya ay kinikilala bilang gayon ng makalangit na sansinukob. DA 425.2

“Habang minamasdan nila ang tanawin sa ibabaw ng bundok, “narito, ang isang tinig na mula sa alapaap, na nagsasabi, Ito ang sinisinta kong Anak, na siya kong kinalulugdan; siya ang inyong pakinggan.” Habang minamasdan nila ang ulap ng kaluwalhatian, na mas maliwanag kaysa sa nauna sa mga lipi ng Israel sa ilang; nang marinig nila ang tinig ng Diyos na nagsasalita sa kakila-kilabot na kamahalan na naging sanhi ng pagyanig ng bundok, ang mga disipulo ay bumagsak sa lupa. Nanatili silang nakadapa, nakakubli ang kanilang mga mukha, hanggang sa lumapit si Jesus, at hinipo sila, pinawi ang kanilang mga takot sa Kanyang kilalang tinig, “Mangagbangon kayo, at huwag kayong mangatakot.” Sa pag-angat ng kanilang mga paningin, nakita nila na ang makalangit na kaluwalhatian ay lumipas na, ang mga anyo nina Moises at Elias ay wala na. Sila ay nasa bundok, nag-iisa kasama si Jesus. ” DA 425.3

Huwebes , Nobyembre 7

Ang Pagsaksi ng karamihan


Nang magsalita si Jesus sa mga Judiong dumalo sa Pista ng mga Tabernakulo, ano ang tugon ng marami sa karamihan? (Tingnan sa Juan 7:37–53.)

“Araw-araw Siyang nagtuturo sa mga tao, nang sa huling araw nga, “na dakilang araw ng kapistahan.” Sa kinaumagahan ng araw na ito, ang mga tao ay pagod mula sa mahabang panahon ng kapistahan. Jesus ay biglang tumayo at sumigaw, sa mga tono na umalingawngaw sa looban ng templo: DA 453.3

“Kung ang sinomang tao'y nauuhaw, ay pumarito siya sa akin, at uminom. Ang sumasampalataya sa akin, gaya ng sinasabi ng kasulatan, ay mula sa loob niya ay aagos ang mga ilog ng tubig na buhay.” Dahil sa kalagayan ng mga tao, ang apelang ito ay tunay ngang malakas. Sila ay nakibahagi sa isang mahabang seremonya ng karangyaan at kasiyahan, ang kanilang mga mata ay nasilaw sa liwanag at kulay, at ang kanilang mga tainga ay nalugod sa pinakamayamang musika; ngunit walang anuman sa mga seremonyang ito ang nakatugon sa mga pangangailangan ng espiritu, walang makapatid sa pagkauhaw ng kaluluwa. Inaanyayahan sila ni Jesus na lumapit at uminom sa bukal ng buhay, na magiging sa kanila ay isang balon ng tubig, na bumubukal sa buhay na walang hanggan.” DA 453.4

“Napukaw ang atensyon ng mga tao. Ang malinaw at matalim na boses na iyon ay naghatid ng kanyang mga salita sa pinakamalayong hangganan ng kongregasyon. Ano nga ang naging epekto nito?—“ Ang ilan nga sa karamihan, nang marinig ang mga salitang ito, ay nangagsabi, Tunay na ito ang propeta. Sinasabi ng mga iba, Ito nga ang Cristo. Datapuwa't sinasabi ng ilan, Ano, sa Galilea baga manggagaling ang Cristo? Ang kakulangan ng pananampalataya ay nabangon sa maraming isipan, dahil nangangatuwiran sila sa mga maling pagpapanggap. Sa kanilang kamangmangan ay nakatanggap sila ng sabi-sabi, at inakala na si Jesus ay ipinanganak sa Galilea. Ngunit siya ay ipinanganak sa Bethlehem. Nais sana siyang kunin ng ilan sa mga saserdote at mga pinuno, ngunit hindi nila mapangahasan ito sa gitna ng madla. Ang mga tao ay hindi katulad ng isipan ng mga saserdote at mga pinuno. Ang huli ay nagpadala ng mga opisyal upang kunin si Jesus, at pigilan ang tinig na iyon na pumukaw ng labis na interes sa napakalaking pagtitipon na iyon. Dumating ang mga opisyal sa harapan ng Tagapagligtas; at kanilang narinig ang kanyang mga salita, at tumingin sa kanyang mukha, na tila niluwalhati. Ang Kanyang mga salita ay direktang nagsalita sa kanilang mga puso, at nakalimutan nila ang kanilang gawain, at bumalik sila nang wala si Jesus. Ang mga saserdote at pinuno ay nagtanong, “Bakit hindi ninyo siya dinala?” At sila’y agad na sumagot, “ Kailan ma'y walang taong nagsalita ng gayon.” ST July 23, 1896, par. 3

Biyernes, Nobyembre 8

Karagdagang Pag-iisip

“Ang mga Pariseo sa unang pagharap sa presensya ni Cristo ay nadama din ang lahat ng pagpipitagan na ito, ang lahat ng mga pananalig na ito; ang kanilang isip at puso ay lubhang naantig. Sa halos hindi mapaglabanan na kapangyarihan, ang pananalig ay pumukaw sa kanila na “Kailan ma'y walang taong nagsalita ng gayon.” Kung sila ay nagpasakop sa impluwensya ng Espiritu, kanila sanang matatanggap si Jesus, at lalago mula sa liwanag tungo sa isang mas malaking liwanag; ngunit binalot nila ang kanilang mga sarili sa damit ng sariling katuwiran, at niyurakan ang mga pananalig ng budhi. Ang mga Pariseo ay sumagot sa mga opisyal na may panunuya at paghamak: “Kayo baga naman ay nangailigaw rin? Sumampalataya baga sa kaniya ang sinoman sa mga pinuno, o ang sinoman sa mga Fariseo? Datapuwa't ang karamihang ito na hindi nakaaalam ng kautusan ay sinumpa.” Narito ang Isa na siyang pinakapundasyon ng mga seremonya ng Hudyo, ang gumawa ng batas, isa na sa Bundok Sinai ay nagpahayag ng utos, isa na nakakaalam ng bawat yugto at prinsipyo ng batas. Ngunit hindi siya nakikilala at hindi kinilala ng mga pinuno sa Israel. ST Hulyo 23, 1896, par. 5

“Si Nicodemo, na pumunta kay Cristo sa gabi, ay nakatanggap ng liwanag. Ang mga aral ni Cristo ay gaya ng binhing nahuhulog sa puso, upang sumibol at magbunga. Ang liwanag ay inaapuyan na lalong liliwanag nang mas maliwanag at mas maliwanag hanggang sa perpektong araw. Ang mga salita ni Nicodemo ay nagdala ng bigat sa mga pinuno at mga Fariseo; sapagkat siya ang punong tagapamahala sa mga tao, at may mataas na posisyon sa Sanedrin. Sinabi niya, “Hinahatulan baga ng ating kautusan ang isang tao, malibang siya muna'y dinggin at talastasin kung ano ang kaniyang ginagawa? Sila'y nagsisagot at sinabi sa kaniya, Ikaw baga'y taga Galilea rin? Siyasatin mo, at tingnan mo na sa Galilea ay walang lumitaw na propeta.” Hindi ba siya nagsasaliksik sa mga hula? hindi ba niya narinig si Cristo mismo? Maaari sana siyang magpatotoo, kasama ng mga opisyal na ipinadala upang arestuhin si Jesus, “Kailan ma'y walang taong nagsalita ng gayon.” Ang aral na ibinigay noong gabing iyon kay Nicodemo ay ay parang isang liwanag na nagniningning sa isang madilim na lugar hanggang sa pagsikat ng araw, at ang araw na iyon ang sumisikat sa puso. Sino nga ang mga nalinlang?—Ang mga taong pinipigilan ang paniniwala, na piniling isara ang mga tainga mula sa pagdinig ng katotohanan, at naging mga pabula.” ST Hulyo 23, 1896, par. 6