“ Pagkatapos ay tinakpan ng ulap ang toldang tipanan at pinuno ng kaluwalhatian ng Panginoon ang tabernakulo. . . . Sapagkat sa kanilang buong paglalakbay ang ulap ng Panginoon ay nasa ibabaw ng tabernakulo sa araw, at may apoy sa loob niyon sa gabi, sa paningin ng buong sambahayan ng Israel”. KJV — Exodo 40:34, 38
“Ang santuwaryo sa langit, kung saan si Jesus ay naglilingkod alang-alang sa atin, ang siyang dakilang orihinal na wangis ng santuwaryong itinayo ni Moises. Ibinuhos ng Diyos ang Kanyang Espiritu sa mga gumawa ng santuwaryo sa lupa. Ang kahanga-hangang galing sa sining na ipinakita sa paggawa nito ay tanda ng banal na karunungan. Ang mga dingding ay kumikislap na parang lantay na ginto, na sumasalamin sa lahat ng panig sa liwanag ng pitong ilawan ng gintong kandelero. Ang dulang ng tinapay na handog at ang dambana ng kamangyan ay nagniningning na parang pinakintab na ginto. Ang maringal na kurtina na siyang bubungan, na hinabi ng mga larawan ng mga anghel sa bughaw, kulay-ube, at pula, ay lalo pang nagbigay kariktan sa tanawin. At sa kabila ng ikalawang tabing ay naroon ang banal na Shekinah—ang nakikitang pagpapahayag ng kaluwalhatian ng Diyos—na walang sinuman kundi ang punong saserdote lamang ang makakapasok nang hindi mamamatay.” (GC 414.1)
“Ang walang kapantay na karangyaan ng tabernakulo sa lupa ay nagpapakita sa tao ng kaluwalhatian ng dakilang templo sa langit, kung saan si Cristo, ang ating tagapanguna, ay naglilingkod para sa atin sa harap ng trono ng Diyos. Ito ang tahanan ng Hari ng mga hari, kung saan libu-libo ang naglilingkod sa Kanya, at makasangpung libo na sangpung libo ang nakatayo sa harapan Niya (Daniel 7:10). Ang templong ito, na puspos ng kaluwalhatian ng walang hanggang trono, kung saan ang mga serapin—ang makinang na mga bantay nito—ay nagtatakip ng kanilang mga mukha sa pagsamba, ay hindi masasalamin nang ganap kahit sa pinakadakilang gusali na itinayo ng kamay ng tao. Gayunman, ang mga mahahalagang katotohanan tungkol sa santuwaryo sa langit at ang dakilang gawaing nagaganap doon para sa pagtubos ng tao ay itinuro sa pamamagitan ng santuwaryo sa lupa at ng mga serbisyong idinaos dito.” (GC 414.2)
“Ang mga banal na dako ng santuwaryo sa langit ay inilarawan ng dalawang silid sa santuwaryo sa lupa. Nang ipinakita sa pangitain kay apostol Juan ang templo ng Diyos sa langit, nakita niya roon ang ‘pitong ilawang apoy na mga nagliliyab sa harapan ng luklukan.’ (Apocalipsis 4:5). Nakita rin niya ang isang anghel na ‘na may hawak na isang gintong pangsuob ng kamangyan; at binigyan siya ng maraming kamangyan, upang idagdag ito sa mga panalangin ng lahat ng mga banal sa ibabaw ng dambanang ginto, na nasa harapan ng luklukan.’ (Apocalipsis 8:3). Dito, pinahintulutan ang propeta na masilayan ang unang silid ng santuwaryo sa langit; at nakita niya roon ang ‘pitong ilawan ng apoy’ at ang ‘gintong dambana,’ na kinakatawan ng gintong kandelero at dambana ng kamangyan sa santuwaryo sa lupa. At nabuksan ang templo ng Dios (Apocalipsis 11:19), at nasilayan niya ang loob ng kaloob-loobang dako—ang kabanal-banalang dako. Dito ay nakita niya ang ‘kaban ng Kanyang tipan,’ na kinakatawan ng banal na kaban na ipinagawa ni Moises upang paglagyan ng kautusan ng Diyos.” (GC 414.3)
Basahin ang Exodo 35:1–3. Anong katotohanan ang inulit sabihin sa mga tao dito sa konteksto ng pagtatayo ng santuwaryo?
“At kaniyang sinabi sa kanila, Ito ang sinalita ng Panginoon, Bukas ay takdang kapahingahan, banal na sabbath sa Panginoon: ihawin ninyo ang inyong iihawin, at lutuin ninyo ang inyong lulutuin; at lahat na lalabis ay itago ninyo sa ganang inyo, na inyong itira hanggang sa kinabukasan.” Exo 16:23 Ginawa nga nila iyon, at natuklasan nilang hindi ito nabago. _‘At sinabi ni Moises, Kanin ninyo yaon ngayon; sapagka't ngayo'y sabbath na ipinangingilin sa Panginoon: ngayo'y hindi kayo makakasumpong sa parang. Anim na araw na inyong pupulutin; datapuwa't sa ikapitong araw ay sabbath, hindi magkakaroon.” (PP 295.3)
“Nais ng Diyos na ang Kanyang banal na araw ay maging kasing-sagrado at maingatan ngayon gaya noong panahon ng Israel. Ang utos na ibinigay sa mga Hebreo ay dapat ituring ng lahat ng Kristiyano bilang utos mismo ni Jehova sa kanila. Ang araw bago ang Sabbath ay dapat gawing araw ng paghahanda, upang ang lahat ay maging handa pagdating ng mga banal na oras. Kailanman ay hindi dapat pahintulutan na ang ating mga sariling gawain ay manghimasok sa banal na oras. Iniutos ng Diyos na ang mga maysakit at nagdurusa ay alagaan; ang paggawa na kinakailangan upang mapagaan ang kanilang kalagayan ay isang gawaing mahabagin at hindi paglabag sa Sabbath; ngunit lahat ng hindi kailangang trabaho ay dapat iwasan. Marami ang pabaya na iniiwan hanggang sa simula ng Sabbath ang mga maliliit na bagay na sana’y nagawa na sa araw ng paghahanda. Hindi ito dapat mangyari. Ang mga gawaing hindi nagawa at umabot na sa pagdating ng Sabbath ay dapat ipagpaliban hanggang ito’y lumipas. Ang ganitong pamamaraan ay makatutulong upang maalala ng mga pabaya, at magturo sa kanila na gawin ang kanilang sariling gawain sa anim na araw ng paggawa.” (PP 296.1)
“Sa pagpapalabag sa ikalawang utos, nilayon ni Satanas na ibaba ang pagkakilala ng tao sa Diyos. Sa pagtataboy sa ikaapat na utos, nais niyang tuluyang malimutan ng tao ang Diyos. Ang karapatan ng Diyos na igalang at sambahin, higit sa mga diyos ng mga pagano, ay nakabatay sa katotohanang Siya ang Manlalalang, at sa Kanya nagkakautang ng kanilang pag-iral ang lahat ng nilalang… Ang Sabbath, bilang alaala ng kapangyarihang lumikha ng Diyos ay nagtuturo sa Kanya bilang Maylalang ng langit at lupa. Kaya ito ay isang patuloy na saksi ng Kanyang pag-iral at paalaala ng Kanyang kadakilaan, Kanyang karunungan, at Kanyang pag-ibig. Kung ang Sabbath ay lagi sanang naingatang banal, hindi sana nagkaroon ng mga ateista o mga sumasamba sa diyos-diyosan.” (PP 336.1)
“Ang institusyon ng Sabbath, na nagmula pa sa Eden, ay kasintanda ng sanlibutan. Ito’y iningatan ng lahat ng mga patriarka mula pa nang paglalang. Sa panahon ng pagkaalipin sa Egipto, napilitang labagin ng mga Israelita ang Sabbath dahil sa kanilang mga tagapagpahirap, at sa malaking bahagi ay nawala sa kanila ang kaalaman tungkol sa kabanalan nito. Nang ipahayag ang kautusan sa Sinai, ang pinakaunang mga salita ng ikaapat na utos ay ‘Alalahanin mo ang araw ng Sabbath, upang ipangilin’—na nagpapakita na ang Sabbath ay hindi doon lamang ipinakilala; tayo’y itinuro pabalik sa paglalang bilang pinagmulan nito. Upang burahin ang Diyos sa isipan ng mga tao, nilayon ni Satanas na gibain ang dakilang alaala na ito. Kapag nagawa niyang malimutan ng mga tao ang kanilang Manlalalang, hindi na sila magsisikap na labanan ang kapangyarihan ng kasamaan, at tiyak nang mapapasakanya ang kanyang biktima.” (PP 336.2)
Basahin ang Exodo 35:4–36:7. Anong mga mahalagang liksyon ang narito para sa atin ngayon?
“Para sa pagtatayo ng santuwaryo, malalaking paghahanda at mamahaling mga materyales ang kinakailangan; isang malaking halaga ng pinakamahalaga at pinakamamahaling sangkap ang kailangan. Gayunman, ang tinanggap lamang ng Panginoon ay ang kusang-loob na mga handog. “Ang bawa't tao na maganyak ang puso sa kagandahang loob ay kukunan ninyo ng handog sa akin.”- ito ang banal na utos na inulit ni Moises sa kapulungan. Ang debosyon sa Diyos at ang espiritu ng sakripisyo ang pangunahing kailangan sa paghahanda ng isang tahanan para sa Kataas-taasan.” (PP 343.3)
“Sama-sama namang tumugon ang buong bayan. ‘At sila'y lumapit, lahat ng tao na napukaw ang kalooban, at lahat na pinapagkusa ng sariling diwa, at nagdala ng panghandog sa Panginoon, sa gawain sa tabernakulo ng kapisanan, at sa buong ipaglilingkod at sa mga banal na kasuutan. At sila'y naparoon, mga lalake at mga babae, yaong lahat na nagkaroon ng kusang loob, at nagdala ng mga espile, at ng mga hikaw, at ng mga singsing na panatak, at ng mga pulsera, ng madlang hiyas na ginto; sa makatuwid baga'y lahat na naghandog ng handog na ginto sa Panginoon.
At bawa't taong may kayong bughaw, at kulay-ube, at pula, at lino, at balahibo ng mga kambing, at balat ng mga tupa na tininang pula, at ng mga balat ng poka, ay nangagdala. Ang lahat na naghandog ng handog na pilak at tanso, ay nagdala ng handog sa Panginoon: at lahat ng taong may kahoy na akasia na magagamit sa anomang gawa na paglilingkod ay nagdala. At lahat ng mga babaing matatalino ay nagsihabi ng kanilang mga kamay, at dinala ang kanilang mga hinabi, na kayong bughaw, at kulay-ube, at pula, at lino. At lahat ng mga babae na napukaw ang kalooban, sa karunungan, ay nagsihabi ng balahibo ng mga kambing.
27 At ang mga pinuno ay nagdala ng mga batong onix, at ng mga batong pangkalupkop na gamit sa epod, at sa pektoral; At ng mga espesia, at ng langis; na pangilawan, at langis na pangpahid, at pangmabangong kamangyan.” (Exodo 35:23-28, R.V.) (PP 344.4)
“Habang nagpapatuloy ang pagtatayo ng santuwaryo, ang mga tao—bata at matanda, lalaki, babae, at mga bata—ay patuloy na nagdala ng kanilang mga handog, hanggang sa makita ng mga nangangasiwa sa gawain na sapat na ang kanilang natanggap, at higit pa kaysa magagamit. Kaya’t ipinahayag ni Moises sa buong kampamento: ‘Huwag nang gumawa ang lalake o ang babae man ng anomang gawang handog sa santuario. Na ano pa't sinangsala na ang bayan sa pagdadala..’ Ang mga reklamo ng mga Israelita at ang mga paghatol ng Diyos dahil sa kanilang mga kasalanan ay naisulat bilang babala para sa mga susunod na salinlahi. At ang kanilang debosyon, sigasig, at pagiging bukas-palad ay isang halimbawa na karapat-dapat tularan. Ang lahat ng umiibig sa pagsamba sa Diyos at nagmamahal sa pagpapala ng Kanyang banal na presensya ay magpapakita ng kaparehong espiritu ng sakripisyo sa paghahanda ng isang tahanan kung saan makikipagtagpo ang Diyos sa kanila. Nais nilang magdala sa Panginoon ng pinakamabuti sa kanilang pag-aari. Ang isang tahanan na itinayo para sa Diyos ay hindi dapat iwan na may pagkakautang, sapagkat ito hindi nakalulugod sa Kanya. Ang halagang sapat upang matapos ang gawain ay dapat na maluwag na ibigay, upang ang mga manggagawa ay makapagsabi, gaya ng mga tagapagtayo ng tabernakulo: ‘Huwag nang magdala ng mga handog.’” (PP 344.5)
Basahin ang Exodo 36:8–39:31. Ano sa palagay mo ang dahilan kung bakit ang gayon kalinaw na mga tagubilin ay ibinigay? Ano ang itinuturo nito sa atin tungkol sa kung paano iniingatan ng Diyos ang bawat detalye?
“At kanilang igawa ako ng isang santuario; upang ako'y makatahan sa gitna nila” (Exodo 25:8), ito ang utos na ibinigay kay Moises habang siya ay nasa bundok kasama ang Diyos. Ang mga Israelita ay naglalakbay sa ilang, at ang tabernakulo ay itinatayo sa paraang maaaring buhatin at ilipat mula sa isang lugar patungo sa iba; gayunman, ito ay isang estrukturang napakagarbo. Ang mga pader nito ay binubuo ng mga nakatayong tabla na binalutan ng ginto at inilagay sa mga patungan ng pilak, samantalang ang bubong ay ginawa mula sa magkakasunod na tabing o takip—ang pinakalabas ay balat ng hayop, at ang pinakaloob ay pinong lino na maganda ang pagkakaburda ng mga pigura ng mga kerubin. Bukod pa sa looban, na kinaroroonan ng dambana para sa handog na susunugin, ang tabernakulo mismo ay binubuo ng dalawang silid na tinawag na Banal na Dako at Kabanal-banalang Dako. Ang dalawang ito ay pinaghiwalay ng isang maringal at marikit na kurtina o tabing; at isang katulad na tabing din ang nakatakip sa pasukan ng unang silid.” GC 411.2
“Sa Banal na Dako ay naroroon ang kandelero sa gawing timog, na may pitong ilaw na nagbibigay liwanag sa santuwaryo araw at gabi; sa hilaga naman ay nakatayo ang dulang ng tinapay na handog; at sa harap ng tabing na naghihiwalay sa Banal at Kabanal-banalan ay naroroon ang gintong dambana ng kamangyan, kung saan mula sa ulap ng mabangong usok, kasama ng mga panalangin ng Israel, ay araw-araw na pumapailanlang sa Diyos.” GC 412.1
“Sa Kabanal-banalan naman ay naroroon ang kaban, isang kahong yari sa mahalagang kahoy na binalutan ng ginto, na kinalalagyan ng dalawang tapyas ng bato na sinulatan mismo ng Diyos ng Kautusan ng Sampung Utos. Sa ibabaw ng kaban, bilang takip ng banal na kahon, ay naroroon ang luklukan ng awa—isang kahanga-hangang gawang sining na nakapatong ang dalawang kerubin, isa sa bawat dulo, na pawang yari sa purong ginto. Sa silid na ito nahahayag ang banal na presensya sa pamamagitan ng ulap ng kaluwalhatian sa pagitan ng mga kerubin.” GC 412.2
“Ang paglilingkod sa makalupang santuwaryo ay binubuo ng dalawang bahagi: ang mga saserdote ay araw-araw na naglilingkod sa Banal na Dako, samantalang minsan lamang sa loob ng isang taon, ang punong saserdote ay nagsasagawa ng natatanging gawain ng pagtubos sa Kabanal-banalan para sa paglilinis ng santuwaryo. Araw-araw, ang makasalanang nagsisisi ay nagdadala ng kanyang handog sa pintuan ng tabernakulo, at sa paglalagay ng kanyang kamay sa ulo ng alay ay ipinahahayag ang kanyang mga kasalanan, na sa gayon ay inililipat sa larawan mula sa kanyang sarili tungo sa walang kasalanang hain. Pagkatapos ay kinakatay ang hayop. “Kung walang pagbububo ng dugo,” wika ng apostol, “ay walang kapatawaran ng kasalanan.” Sapagkat “ang buhay ng laman ay nasa dugo” (Levitico 17:11). Ang nabali na kautusan ng Diyos ay humihingi ng buhay ng lumabag. “Ang dugo, na kumakatawan sa buhay na nawala ng makasalanan na ang kasalanan ay pinasan ng hain, ay dinadala ng pari sa Banal na Dako at iniwisik sa harap ng tabing, na sa likod nito naroroon ang kaban na naglalaman ng kautusang nilabag ng makasalanan. Sa pamamagitan ng seremonyang ito, ang kasalanan ay sa larawan ay naililipat sa santuwaryo sa pamamagitan ng dugo. Sa ilang pagkakataon, ang dugo ay hindi dinadala sa Banal na Dako; sa halip, ang karne ay kinakain ng saserdote, gaya ng iniutos ni Moises sa mga anak ni Aaron: ‘sa inyo'y ibinigay upang dalhin ang kasamaan ng kapisanan’ (Levitico 10:17). Ang dalawang seremonyang ito ay kapwa sumasagisag sa paglilipat ng kasalanan mula sa nagsisising makasalanan tungo sa santuwaryo.” (GC 418.1)
“Ganito ang gawaing nagpapatuloy araw-araw sa buong taon. Sa gayon naililipat sa santuwaryo ang mga kasalanan ng Israel, at kinakailangan ang isang natatanging gawain upang ang mga iyon ay maalis. Iniutos ng Diyos na magkaroon ng pagtubos para sa bawat banal na silid: ‘At itutubos niya sa dakong banal dahil sa mga karumalan ng mga anak ni Israel, at dahil sa kanilang mga pagsalangsang, sa makatuwid baga'y sa lahat nilang kasalanan: at gayon ang kaniyang gagawin sa tabernakulo ng kapisanan na nasa kanila, sa gitna ng kanilang mga karumalan,.’ (Levitico 16:16, 19).” GC 418.2
“Minsan lamang sa isang taon, sa Dakilang Araw ng Pagtubos, pumapasok ang punong saserdote sa Kabanal-banalan upang linisin ang santuwaryo. Ang gawaing nagaganap doon ay nagtatapos sa taunang siklo ng paglilingkod. Sa Araw ng Pagtubos, dalawang kambing ang dinadala sa pintuan ng tabernakulo at pinagbubunutan ng kapalaran: ‘ang isang kapalaran ay sa Panginoon at ang isang kapalaran ay kay Azazel.’ (tal. 8). Ang kambing na nabunutan ng kapalaran para sa Panginoon ay papatayin bilang handog para sa kasalanan ng bayan. Ang dugo nito ay dadalhin ng saserdote sa loob ng belo at iwisik sa ibabaw at harap ng luklukan ng awa. Ang dugo ay iwiwisik din sa dambana ng kamangyan na nasa harap ng belo.” GC 419.1
“At ipapatong ni Aaron ang kaniyang dalawang kamay sa ulo ng kambing na buhay, at isasaysay sa ibabaw niyaon ang lahat ng mga kasamaan ng mga anak ni Israel, at lahat ng kanilang mga pagsalangsang, lahat nga ng kanilang mga kasalanan; at ilalagay niya sa ulo ng kambing, at ipadadala sa ilang sa pamamagitan ng kamay ng isang taong handa: At dadalhin ng kambing ang lahat ng mga kasamaan nila, sa lupaing hindi tinatahanan” (Lev 16: 21, 22). Ang kambing na Azazel ay hindi na muling bumabalik sa kampo ng Israel, at ang taong nagdala nito ay kinakailangang maligo at labhan ang kanyang damit bago siya makabalik sa kampo.” GC 419.2
Basahin ang Exodo 40:1–38. Paano nalaman ng mga Israelita ang presensya ng Diyos?
“Humigit-kumulang kalahating taon ang ginugol sa pagtatayo ng tabernakulo. Nang ito ay matapos, sinuri ni Moises ang lahat ng gawa ng mga manggagawa, inihambing ito sa anyong ipinakita sa kanya sa bundok at sa mga tagubiling kanyang tinanggap mula sa Diyos. ‘Ayon sa iniutos ng Panginoon, gayon nila ginawa: at binasbasan sila ni Moises.’ Sa maalab na pananabik, nagtipon ang maraming Israelita upang masilayan ang banal na gusali. Habang pinagmamasdan nila ang tanawin na may puspos na paggalang, ang haliging ulap ay lumutang sa ibabaw ng santuwaryo at, sa pagbaba nito, tinakpan iyon. ‘At ang kaluwalhatian ng Panginoon ay pumuno sa tabernakulo.’ Nahayag ang kabanalan ng Diyos, at sa ilang sandali maging si Moises ay hindi makapasok. Taglay ang matinding damdamin, nasaksihan ng bayan ang tanda na ang gawa ng kanilang mga kamay ay tinanggap. Walang malalakas na hiyaw ng kagalakan. Sa halip, isang banal na paggalang ang bumalot sa lahat. Subalit ang kagalakan sa kanilang mga puso ay umapaw sa mga luhang may galak, at sila’y mahinahong nagpahayag ng taos-pusong pasasalamat na ang Diyos ay nagpakumbabang manahan kasama nila.” PP 349.4
“Ginawa ni Moises ang santuwaryong makalupa ‘ayon sa anyong kanyang nakita.’ Ipinahayag ni Pablo na ‘ang tabernakulo at ang lahat ng kasangkapang ginagamit sa paglilingkod,’ nang matapos, ay ‘mga huwaran ng mga bagay na nasa langit.’ (Gawa 7:44; Hebreo 9:21, 23). At sinabi ni Juan na nakita niya ang santuwaryo sa langit. Ang santuwaryong iyon, kung saan si Jesus ay naglilingkod para sa atin, ang siyang dakilang orihinal, na siyang pinagmulan ng santuwaryong itinayo ni Moises bilang kopya.” PP 357.1
“Ang templo sa langit, ang pinananahanan ng Hari ng mga hari, kung saan ‘libo libo ang naglilingkod sa kaniya, at makasangpung libo na sangpung libo ang nagsitayo sa harap niya’ (Daniel 7:10)—ang templong yaon na puspos ng kaluwalhatian ng walang hanggang trono, kung saan ang mga serapin, na mga maningning na tagapagbantay nito ay nagtatakip ng kanilang mga mukha sa pagsamba—walang anumang gusaling makalupa ang maaaring kumatawan sa lawak at kaluwalhatiang iyon. Gayunman, ang mahahalagang katotohanan tungkol sa santuwaryo sa langit at ang dakilang gawaing doon ay isinasagawa para sa pagtubos ng tao ay itinuro sa pamamagitan ng santuwaryong makalupa at ng mga paglilingkod nito.” PP 357.2
Basahin ang Juan 1:14. Paano inihalintulad ang pagkakatawang-tao ni Cristo sa tabernakulo?
“Iniutos ng Diyos kay Moises para sa Israel: ‘Kanilang igawa ako ng isang santuario; upang ako'y makatahan sa gitna nila’ (Exodo 25:8), at Siya’y nanahan sa santuwaryo, sa gitna ng Kanyang bayan. Sa lahat ng kanilang mahahabang paglalakbay sa ilang, ang sagisag ng Kanyang presensya ay nasa kanila. Gayundin, itinayo ni Cristo ang Kanyang tabernakulo sa gitna ng ating paninirahan bilang tao. Itinayo Niya ang Kanyang tolda sa tabi ng mga tolda ng tao, upang Siya’y manahan kasama natin at ipakilala sa atin ang Kanyang banal na pagkatao at buhay. ‘At nagkatawang-tao ang Verbo, at tumahan sa gitna natin (at nakita namin ang kaniyang kaluwalhatian, kaluwalhatian gaya ng sa bugtong ng Ama), na puspos ng biyaya at katotohanan.’ (Juan 1:14, R.V., margin).” DA 23.3
“Mula nang si Jesus ay tumahan kasama natin, alam natin na ang Diyos ay nakababatid ng ating mga pagsubok, at nakikibahagi sa ating mga dalamhati. Bawat anak ni Adan ay maaaring makaintindi na ang ating Manlalalang ay kaibigan ng mga makasalanan. Sapagkat sa bawat doktrina ng biyaya, sa bawat pangako ng kagalakan, sa bawat gawa ng pag-ibig, at sa bawat banal na paghikayat na ipinakita sa buhay ng Tagapagligtas dito sa lupa, nakikita natin ang ‘Diyos na kasama natin.’” DA 24.1
Basahin ang Apocalipsis 21:1–3. Ano ang ipinapakita sa atin dito?
“At nakita ko ang isang bagong langit at ang isang bagong lupa: sapagka't ang unang langit at ang unang lupa ay naparam; at ang dagat ay wala na. At nakita ko ang bayang banal, ang bagong Jerusalem, na nananaog mula sa langit buhat sa Dios, na nahahandang gaya ng isang babaing kasintahan na nagagayakang talaga sa kaniyang asawa. At narinig ko ang isang malakas na tinig na mula sa luklukan, na nagsasabi, Narito, ang tabernakulo ng Dios ay nasa mga tao, at siya'y mananahan sa kanila, at sila'y magiging mga bayan niya, at ang Dios din ay sasa kanila, at magiging Dios nila: At papahirin niya ang bawa't luha sa kanilang mga mata; at hindi na magkakaroon ng kamatayan; hindi na magkakaroon pa ng dalamhati, o ng pananambitan man, o ng hirap pa man: ang mga bagay nang una ay naparam na.’ “Ito ang kapulungang ninanais nating makasama. Kaya ipakita natin ito sa pamamagitan ng ating mga gawa, at alisin sa ating mga puso ang lahat ng bagay na humahadlang kay Jesus. Ang huling ulan ay ibubuhos sa bayan ng Diyos. Isang makapangyarihang anghel ang bababa mula sa langit, at ang buong lupa ay liliwanagin ng kanyang kaluwalhatian. Handa ba tayong makibahagi sa maluwalhating gawain ng ikatlong anghel? Handa na ba ang ating mga sisidlan upang tanggapin ang hamog mula sa langit? Mayroon pa bang karumihan at kasalanan sa ating mga puso? Kung gayon, linisin natin ang templo ng kaluluwa at ihanda ito para sa pagbuhos ng huling ulan. Ang pagpapasariwa mula sa presensya ng Panginoon ay hindi darating sa mga pusong punô ng karumihan. Nawa’y tulungan tayo ng Diyos na mamatay sa sarili, upang si Cristo, na pag-asa ng kaluwalhatian, ay mahubog sa ating kalooban! Kailangan kong taglayin ang Espiritu ng Diyos sa aking puso. Hindi ko magagampanan ang dakilang gawain ng Diyos kung wala ang Banal na Espiritu na nananahan sa aking kaluluwa. ‘ Kung paanong humihingal ang usa sa pagkauhaw sa tubig ng mga batis, gayon humihingal ang aking kaluluwa sa pagkasabik sa iyo, Oh Dios.’ Ang araw ng paghuhukom ay malapit ng sumapit sa atin. “O, nawa’y mahugasan natin ang kasuotan ng ating pagkatao, at mapaputi ito sa dugo ng Kordero!” (Review and Herald, Abril 21, 1891, tal. 11
“Sa dakilang araw ng huling paghuhukom, ang mga patay ay ‘hahatulan ayon sa mga bagay na nasusulat sa mga aklat, ayon sa kanilang mga gawa’ (Apocalipsis 20:12). Sa pamamagitan ng mapagtubos na dugo ni Cristo, ang mga kasalanan ng lahat ng tunay na nagsisi ay buburahin mula sa mga aklat ng langit. Sa gayon, ang santuwaryo ay mapapalaya, o malilinis, mula sa talaan ng kasalanan. Sa larawan, ang dakilang gawaing ito ng pagtubos—ang pagpawi ng kasalanan—ay inilarawan sa mga seremonya ng Araw ng Pagbabayad-sala (Day of Atonement), ang paglilinis ng santuwaryong nasa lupa, na naganap sa pamamagitan ng pag-alis ng mga kasalanan, sa bisa ng dugo ng handog sa kasalanan, na siyang nagdulot ng karumihan nito.” (PP 357.6)
“Gaya ng sa huling pagbabayad-sala kung saan ang mga kasalanan ng tunay na nagsisisi ay buburahin mula sa mga talaan ng langit, at hindi na muling aalalahanin o papasok sa isipan, gayundin sa larawan, ang mga iyon ay pinapasan palayo sa ilang at lubusang inihihiwalay mula sa kapulungan.” (PP 358.1)
“Yamang si Satanas ang pinagmulan ng kasalanan at siyang tuwirang tagapag-udyok ng lahat ng kasalanang naging sanhi ng kamatayan ng Anak ng Diyos, hinihingi ng katarungan na siya ang magdusa ng huling parusa. Ang gawain ni Cristo para sa pagtubos ng sangkatauhan at paglilinis ng sansinukob mula sa kasalanan ay magwawakas sa pamamagitan ng pag-alis ng kasalanan mula sa santuwaryong nasa langit at ang pagpapasan ng mga ito kay Satanas, na siyang tatanggap ng huling parusa. Kaya, sa typical (type) na paglilingkod, ang taunang yugto ng mga gawain ay nagtatapos sa paglilinis ng santuwaryo at sa pagpapatong ng mga kasalanan sa ulo ng kambing na paaalisin” (PP 358.2)
“Sa ganitong paraan, sa mga paglilingkod sa tabernakulo at sa templong humalili dito, araw-araw ay tinuturuan ang bayan ng mga dakilang katotohanan hinggil sa kamatayan at paglilingkod ni Cristo; at minsan sa bawat taon, ang kanilang isipan ay inihahatid sa mga pangwakas na pangyayari ng dakilang tunggalian ni Cristo at ni Satanas—ang huling paglilinis ng sansinukob mula sa kasalanan at sa mga makasalanan.” (PP 358.3)