Sa Mga Awit: Unang Bahagi

Liksyon 8, Pangalawang Semestre, Mayo 17-23, 2025

img rest_in_christ
Ibahagi ang Liksyong ito
sharethis sharing button
copy sharing button
email sharing button
whatsapp sharing button
facebook sharing button
twitter sharing button
telegram sharing button
messenger sharing button
line sharing button
wechat sharing button
vk sharing button
tencentqq sharing button
weibo sharing button
kakao sharing button
Download PDF

Hapon ng Sabbath Mayo 17

Talatang Sauluhin:

“At tumingin ako, at narito, ang Cordero ay nakatayo sa bundok ng Sion, at ang kasama niya'y isang daan at apat na pu't apat na libong may pangalan niya, at pangalan ng kaniyang Ama, na nasusulat sa kanikaniyang noo.” KJV - Pahayag 14:1


“Ang salmista ay nagpahayag, “Nang iyong sabihin, hanapin ninyo ang aking mukha; ang aking puso ay nagsabi sa iyo, ang iyong mukha, Panginoon, ay hahanapin ko.” Awit 27:8. Ang buong salmong ito ay nararapat magkaroon ng puwang sa pagbabasa at pagbaybay na mga aralin sa paaralan. Ang ika-28, ika-29, at ika-78 na mga salmo ay nagsasalaysay ng mayamang pagpapalang iginawad ng Diyos sa Kaniyang bayan at ng kanilang kakarampot na ganting tugon para sa lahat ng Kaniyang mga biyaya. Ang ika-81 salmo ay nagpapaliwanag kung bakit napangalat ang Israel—nakalimutan nila ang Diyos, gaya ng pagkalimot sa Kaniya ng mga iglesya sa ating bayan sa ngayon. Isaalang-alang din ang ika-89, ika-90, ika-91-93 na mga salmo. CT 457.2

“Ang mga bagay na ito ay isinulat para sa ating alaala, na sa atin dumating ang katapusan ng sanlibutan; at hindi ba’t dapat itong pag-aralan sa ating mga paaralan? Ang salita ng Diyos ay naglalaman ng mga aral na nakapagtuturo, na ibinigay para sa saway, sa babala, sa pagpapalakas ng loob, at sa mayamang mga pangako. Hindi ba’t ang ganitong pagkain ay magiging pagkain sa kapanahunan para sa mga kabataan?” CT 457.3

Linggo, Mayo 18

Ang ating Dakilang Saserdote


Basahin ang Hebreo 9:11–15, tungkol kay Cristo bilang ating Dakilang Saserdote sa santuwaryo sa langit. Ano ang itinuturo nito tungkol sa Kanyang ginagawa para sa atin?

"Yaong nagnanais makibahagi sa mga pagpapalang dulot ng pamamagitan ng Tagapagligtas ay hindi dapat hayaang mahadlangan ng anuman ang kanilang tungkulin na lubusang pakabanalin ang sarili sa pagkatakot sa Diyos. Ang mahahalagang oras, sa halip na gugulin sa kalayawan, pagpapakitang-tao, o paghahangad ng pansariling pakinabang ay nararapat ilaan sa masigasig at may panalanging pag-aaral ng salita ng katotohanan. Ang paksa ng santuwaryo at ng investigative judgment ay kailangang malinaw na maunawaan ng bayan ng Diyos. Bawat isa ay nangangailangan ng personal na pagkaunawa sa kalagayan at gawaing ginagampanan ng kanilang dakilang Saserdote. Kung hindi, magiging imposible para sa kanila na magtaglay ng pananampalatayang kinakailangan sa panahong ito, o maisakatuparan ang layuning inilaan ng Diyos para sa kanila.

Bawat tao ay may kaluluwang kailangang iligtas o maaaring mapahamak. Bawat isa ay may kasong kasalukuyang nakabinbin sa hukuman ng Diyos. Bawat isa ay haharap sa dakilang Hukom nang harapan. Gaano kahalaga, kung gayon, na ang bawat isipan ay matuon sa pagnilay-nilay sa maringal at mapitagang tagpo kung kailan ang hukuman ay nailagda, at ang mga aklat ay nabuksan, at, tulad ni Daniel, ang bawat isa ay tatayo sa kanyang kalagayan sa katapusan ng mga araw. (GC 488.2)

Ang lahat ng tumanggap ng liwanag hinggil sa mga paksang ito ay tinatawag na magpatotoo ukol sa mga dakilang katotohanang ipinagkatiwala ng Diyos sa kanila. Ang santuwaryo sa langit ang siyang sentro ng gawaing isinasagawa ni Cristo para sa sangkatauhan. Ito ay may kaugnayan sa bawat kaluluwang nabubuhay sa ibabaw ng lupa. Ipinapakita nito ang plano ng pagtubos—mula sa pasimula hanggang sa mismong wakas ng panahon—at inihahayag ang matagumpay na kinahinatnan ng labanan sa pagitan ng katuwiran at kasalanan. Lubhang mahalaga na ang lahat ay masusing magsaliksik sa mga paksang ito at maging handang ipaliwanag sa sinumang magtanong ng dahilan ng pag-asa na nasa kanila. (GC 488.3)

“Ang iyong daan, Oh Dios, ay nasa santuario: sino ang dakilang dios na gaya ng Dios?” —Awit 77:13 (KJV)

Lunes, Mayo 19

Sa Bundok ng Zion


Basahin ang Awit 15 at Awit 24, kung saan itinatanong ni David ang pinakamahalagang tanong: “Sino sa iyong banal na burol ay maninirahan?” Ihambing ang kanyang tugon sa mga awit na ito sa paglalarawan sa bayan ng Diyos na nakatayo sa Zion sa Apocalipsis 14:1–5. Anong mga pagkakahalintulad ang nakita ninyo? Paano ba makakasama sa grupong ito? Ano ang kahalagahan ng katunayan na nasa kanilang noo ang pangalan ng Ama? Apocalipsis 14:1).

Dahil nakita ni Juan ang 144,000 na nakatayo sa Bundok ng Sion kasama ng Kordero pagkatapos mailagda ang kahatulan at bago ito matapos, lumalabas na ang pangyayaring ito ay hindi bago o pagkatapos ng hatol, kundi habang ito ay isinasagawa.”

“At ngayon, tandaan na ang pangitain ni Juan tungkol sa ‘Kordero na nakatayo sa Bundok ng Sion’ (Apocalipsis 14:1) ay nagpapahayag kay Cristo bilang Tagapagligtas, samantalang ang Kaniyang pangitain tungkol sa ‘Leon sa angkan ni Juda’ na nakatayo sa harap ng paghatol ay nagpapakilala sa Kaniya bilang Hari. Kapag pinagsama, ipinapakita nito na habang Siya noon ay Tagapagligtas, Siya rin ay Hari ng mga hari.”

“Ngayong malinaw na kung kailan lilitaw ang 144,000, lumilitaw ang higit na interes kung sino nga ba sila. Sapagkat sila ay mga tagasunod ng Kordero (mga Kristiyano), at tinatawag ding ‘mga anak ni Jacob,’ sila nga ay mga tunay na Israelita—hindi mga Hentil.”

“Yamang ang 144,000 ay tinawag na ‘mga unang bunga,’ dapat nga na mayroon ding pangalawang bunga, sapagkat kung may una, dapat ay may pangalawa rin. At yamang ang unang bunga ay ‘mga lingkod ng Diyos,’ sila ay ipadadala sa lahat ng mga bansa upang tipunin ang mga pangalawang bunga (Isaias 66:19, 20) — ang lubhang karamihan (Apocalipsis 7:9) na nakita ni Juan pagkatapos niyang masaksihan ang pagtatatak sa 144,000.”

**“Ang katotohanang ‘sa kanilang bibig ay walang nasumpungang kasinungalingan” (Apocalipsis 14:5), ay malinaw na nagpapakita na sila ay magpapahayag ng dalisay na ebanghelyo at ginagawang kapani-paniwala at may awtoridad ang kanilang mga salita gaya ng mga nasulat na salita ng mga propeta at mga apostol.

Ngunit yamang napakalayo pa ng iglesya mula sa ganitong mataas at banal na kalagayan—isang pagdadalisay ang kailangang isagawa.

Walang sinumang tapat na Kristiyano, anuman ang pananampalataya, ang makakatanggi sa pangangailangang ito ng iglesya na madalisay. At yamang ang Panginoon ay hindi kailanman gumagawa nang walang babala sa Kaniyang bayan, Siya ngayon ay nagpapadala ng mensahe ng pagdadalisay—upang ipaalam sa iglesya ang kaluwalhatiang darating. Sa ganitong paraan, habang patuloy na umaalingawngaw ang panawagan mula sa langit para sa tunay na reporma sa gitna ng Kaniyang bayan, sila’y magkakaroon ng masidhing pananabik sa katotohanan, at buong puso nilang ibibigay ang sarili sa gawain ng pagbabago—ngayon mismo, habang malinaw na inilalatag ng Diyos sa kanilang harapan ang Kaniyang plano para sa pagtatatag ng Kaniyang kaharian, at ang mga kahihinatnan nito para sa mga makasalanan. Yaong mga taus-pusong tumutugon sa panawagan ay makakaranas ng hindi mapipigilang pagnanais na makipagkaisa sa layunin ng Diyos, at pahintulutan Siyang ihiwalay sila mula sa kasalanan at sa mga makasalanan. Sila lamang ang tatanggap ng tatak ng Diyos, at bilang mga unang bunga ng kaharian—ang 144,000—sila'y tatayo kasama ng Kordero sa “Bundok ng Zion”!

At ang ganitong kalagayan ng kabanalan, tulad ng sa mga nakalipas na panahon, ay mag-uudyok muli sa dragon na magalit sa babae, at kalauna’y makikipagdigma sa nalalabi sa kanyang binhi. (Pahayag 12:17) 

Martes, Mayo 20

Ang Kautusan sa Ating Mga Puso


Basahin ang Exodo 33:18–23, Exodo 34:1–7, at Awit 119:55. Noong hilingin ni Moises na makita ang kaluwalhatian ng Diyos, ano ang ipinangako ng Diyos na ipapakita sa kanya? Pagkatapos na ipahayag ng Diyos ang Kanyang pangalan kay Moises (Exodo 34:5), ano ang sumunod?

“Ang 144,000 ay pawang natatakan at lubos na nagkakaisa. Sa kanilang mga noo ay nakasulat ang: Diyos, Bagong Jerusalem, at isang maluwalhating bituin na naglalaman ng bagong pangalan ni Jesus.” — EW 15.1

“Kundi ito ang tipan na aking ipakikipagtipan sa sangbahayan ni Israel pagkatapos ng mga araw na yaon, sabi ng Panginoon, Aking itatala ang aking kautusan sa kanilang kalooban, at aking isusulat sa kanilang puso; at ako'y magiging kanilang Dios, at sila'y magiging aking bayan.” — Jeremias 31:33

Ito ay pangako ng isang bagong kasunduan—isang bagong tipan. Hindi ito katulad ng tipang ginawa ng Diyos sa ating mga ninuno nang sila’y pinalaya mula sa Egipto, at ang Kanyang kautusan ay isinulat sa mga tapyas na bato upang kanilang tuparin. Sa halip, ang bagong tipang ito ay isusulat Niya mismo sa ating mga puso. Dahil dito, ang bawat isa ay makikilala Siya ng personal—nang hindi na kailangang turuan pa.

Ngunit pansinin natin: hindi Siya gagawa ng bagong kautusan, kundi isang bagong tipan—isang bagong kasunduan upang masunod ang dating kautusan. Ang kaibahan ay ito: sa halip na ang kautusan ay isulat sa bato, isusulat ito ng Diyos sa mga pusong laman—ang lugar na ngayon ay pinaghaharian pa ng kasalanan.

Ang tipang ito ay hindi lamang para sa sambahayan ni Israel kundi para rin sa sambahayan ni Juda—sa lahat ng tunay na bayan ng Diyos.

Hindi sinasabi ng Kasulatan na imposible nating sundin ang kautusan habang ito’y nakasulat sa bato. Sa katunayan, ang mga lumalabag dito ay pinagsasabihan, na nagpapatunay na maaari itong sundin, bagama’t hindi madali. Sa kagustuhang umiwas sa tungkulin, marami ang nagnanais na ang kautusan ay wakasan na, at may ilan pa ngang naniniwalang ito’y tuluyan nang inalis—samantalang ang tanging kautusang nawala ay ang mga seremonyal at handog, ang anino ng Kordero ng Diyos.

Ano naman ang pagkakaiba kung ang kautusan ay nakasulat sa bato o sa ating mga puso? Ang sagot ay makikita sa karanasan ni Haring Nabucodonosor ng Babilonia. Kung siya’y napilitang manirahan kasama ng mga baka nang hindi binago ang kanyang puso, malamang na pinili niyang mamatay. Ngunit nang alisin ng Diyos ang kanyang pusong tao at palitan ito ng puso ng hayop, siya’y naging ganap na kontento sa piling ng mga hayop—at wala nang paghahangad na manumbalik sa palasyo.

Kung mangyari din ito sa atin, ang ating mga nais ay magbabago. Gaya ng hari, kung aalisin ng Diyos ang ating pusong bato at papalitan ito ng pusong laman na kinasusulatan ng Kanyang kautusan, magiging lubhang mahirap para sa atin na magkasala, at isang kasayahan ang pagsunod sa mga utos ng Diyos. Kaya’t sa kaharian, hindi na natin kailangang mangambang mahirapan sa pagsunod. Sa halip, magiging lubos tayong nasisiyahan sa isang buhay na walang kasalanan. Sa katunayan, ang pagnanasa nating magkasala ay mawawala—tulad ng hindi natin kagustuhang mamatay ngayon.

Kahanga-hanga nga! Ngunit kailan natin inaasahang magaganap ang himalang ito? Upang malaman ang sagot, kailangang iugnay natin ang hula ni Jeremias sa hula ni Ezekiel na tumutukoy sa parehong pangyayari:

Ezekiel 36:24–28

“Sapagka't aking kukunin kayo sa mga bansa, at pipisanin ko kayo na mula sa lahat ng lupain, at dadalhin ko kayo sa inyong sariling lupain. At ako'y magwiwisik ng malinis na tubig sa inyo, at kayo'y magiging malinis: sa buo ninyong karumihan, at sa lahat ninyong mga diosdiosan, lilinisin ko kayo. Bibigyan ko rin naman kayo ng bagong puso, at lalagyan ko ang loob ninyo ng bagong diwa; at aking aalisin ang batong puso sa inyong katawan, at aking bibigyan kayo ng pusong laman. At aking ilalagay ang aking Espiritu sa loob ninyo, at palalakarin ko kayo ng ayon sa aking mga palatuntunan, at inyong iingatan ang aking mga kahatulan, at isasagawa. At kayo'y magsisitahan sa lupain na ibinigay ko sa inyong mga magulang; at kayo'y magiging aking bayan, at ako'y magiging inyong Dios.”

Ang mga tala nina Jeremias at Ezekiel ay malinaw na tumutukoy sa parehong panahon kung kailan isasagawa ng Diyos ang pagbabagong ito sa puso ng Kanyang bayan. Ipinapakita nilang kapwa na ang pagbabagong ito ng puso ay magaganap sa Banal na Lupain—sa Palestina—sa pasimula ng kahariang itinakda ng Diyos na itatayo “sa mga araw ng mga haring ito” (Daniel 2:44), at hindi pagkatapos. Sinasabi rin ng Diyos na tayo ay Kanyang kukunin mula sa gitna ng mga bansa at titipunin mula sa lahat ng lupain, at dadalhin sa ating sariling lupain (Ezekiel 36:24)—ang lupaing tinahanan ng ating mga ninuno (Ezekiel 36:28). “Sa panahong iyon”—hindi bago—ay wiwisikan Niya tayo ng malinis na tubig, lilinisin mula sa karumihan at mga dios-diosan, at bibigyan tayo ng bagong puso (Ezekiel 36:26). Ibubuhos Niya ang Kanyang Espiritu upang tayo ay lumakad sa Kanyang mga palatuntunan at tuparin ang Kanyang mga kahatulan (Ezekiel 36:27).

Miyerkules, Mayo 21

Awit 5


Basahin ang Awit 5. Dito ay binibigyang-diin ni David ang malayong pagkakaiba sa pagitan ng mga nawaglit at ng mga tinubos. Ihambing ang Awit na ito sa lenggwahe ng Apocalipsis 14:1–12. Anong mga pagkakatulad ang makikita mo, at paano kayo tinuturuan nito sa inyong pag-unawa ng kahulugan ng pagiging bahagi ng kilusang nalabi ng Diyos sa huling araw?

“Layunin ng Diyos na ang kaluwalhatian ni Cristo ay mahayag sa Kanyang bayan. Sa lahat ng Kanyang pagtuturo, ipinakita ng Tagapagligtas ang mga dalisay at hindi nadungisang prinsipyo. Siya’y hindi nagkasala, ni walang pandaraya sa Kanyang mga labi. Palagian, ang banal at marangal na mga katotohanan ay lumalabas mula sa Kanyang bibig. Nagsalita Siya sa paraang walang sinumang tao ang nakapagsalita noon, taglay ang damdaming tumatagos sa puso. Siya’y napuno ng banal na galit nang makita Niya ang mga pinunong panrelihiyon na nagtuturo ng mga utos ng tao bilang doktrina, kaya’t nagsalita Siya nang may kapangyarihang taglay ng kadakilaan. Sa kakila-kilabot na kapangyarihan ay kinondena Niya ang lahat ng tusong pandaraya at hindi tapat na mga gawain. Nilinis Niya ang templo mula sa karumihan nito, gaya ng pagnanais Niyang linisin ang ating mga institusyon mula sa anumang may bahid ng pandaraya.” — 14LtMs, Lt 34, 1899, par. 7

“Anumang ginagawa para sa kaluwalhatian ng Diyos ay dapat gawin nang may kagalakan, walang halong lungkot o dalamhati. Walang anumang malungkot sa relihiyon ni Jesus. Kung ang mga Kristiyano ay nagbibigay ng impresyon, sa pamamagitan ng malungkot na anyo, na sila’y nabigo sa kanilang Panginoon, maling larawan ang ipinakikita nila ng Kanyang pagkatao, at nagbibigay sila ng dahilan sa mga kaaway ng Diyos upang magsalita laban sa Kanya. Bagaman sa salita’y tinatawag nilang Diyos ang kanilang Ama, sa kanilang kalungkutan at dalamhati ay inihaharap nila sa mundo ang anyo ng mga ulila.” — MB 88.1

“Nais ni Cristo na maging kaaya-aya sa paningin ng iba ang paglilingkod sa Kanya, gaya ng tunay na kalikasan nito. Ihayag sa mahabaging Tagapagligtas ang mga pagtanggi sa sarili at ang mga lihim na pagdurusa ng puso. Iwan ang mga pasanin sa paanan ng krus, at magpatuloy na may kagalakan sa Kanyang pag-ibig—Siya na unang umibig sa inyo. Maaaring hindi malaman ng mga tao ang mga lihim na ginagawa sa pagitan ng kaluluwa at ng Diyos, ngunit ang bunga ng gawa ng Espiritu sa puso ay mahahayag sa lahat, sapagkat ang ‘nakakikita sa lihim ay gagantihin.’” — MB 88.2

Huwebes, Mayo 22

Ituturo Ko sa Mga Sumusuway ang Mga Lakad Mo


Basahin ang Awit 51:7–15. Ano ang ipinangako ni David na gagawin pagkatapos niyang mapatawad at malinis mula sa kanyang mga kasalanan?

“Ito ang tamang pasimula—ang pagtatatag sa pinakapundasyon ng isang Kristiyanong pagkatao—sapagkat mula sa puso nagmumula ang mga pagdaloy ng buhay. Kung ang bawat isa, manggagawa man o miyembro, ay sisiguraduhing tama ang kanilang puso sa harap ng Diyos, makikita natin ang lalong masaganang bunga mula sa lahat ng ating mga pagsisikap. Habang lumalaki ang halaga at bigat ng iyong pananagutan, gayundin dapat kadalisay ang iyong puso. Ipinagkakaloob ng Diyos ang kinakailangang biyaya, at ang kapangyarihan ng Banal na Espiritu ay sasama at gagabay sa bawat hakbang ng iyong pagsusumikap tungo sa layuning ito.

Kung ang bawat anak ng Diyos ay magsisikap na hanapin Siya nang may kasigasigan at pagtitiyaga, higit na lalago ang biyaya sa ating buhay. Mawawala ang pagkakabaha-bahagi; ang mga mananampalataya ay magiging kaisa sa puso at kaisipan; at ang kabanalan at pag-ibig ay mamamayani sa mga iglesya. Sa pamamagitan ng pagtuon ng paningin sa Kanya, tayo ay nababago. Habang lalo mong pinagmamasdan ang likas ni Cristo, lalo kang magiging kawangis Niya. Lumapit ka kay Jesus kung sino ka man, at tatanggapin ka Niya, at maglalagay Siya ng bagong awit sa iyong labi—awit ng pagpupuri sa Diyos.” — Gospel Workers 1892, p. 451.5

“Habang mas lumalapit tayo sa Diyos sa ating pamumuhay, lalo tayong magiging kapaki-pakinabang sa ating kapwa-tao, sapagkat ang Panginoon ay kikilos sa pamamagitan ng ating mga pagsisikap. Ngunit ang ating mga puso ay malamig at manhid; ito’y dapat mapuspos ng apoy ng pag-ibig ni Jesus. Kung tayo’y tunay na nauuhaw at nagugutom para sa kaligtasan, lilitaw ang masidhing pagnanasa na makibahagi sa pagliligtas ng mga mahalagang kaluluwa. Ang ating mapagpakumbaba at taimtim na panawagan sa mga wala pa kay Cristo ay makaaantig ng kanilang mga puso.

Dapat nating dalhin ang katotohanan sa mga tahanan. Ipakita sa mga nalilihis ng landas na mahal natin sila. Ang kawalang-interes sa gawaing ito ay isang kasalanan. Sa halip na mahahabang sermon, higit na dapat pagtuunan ng oras ang pagbisita at ang personal na paglilingkod para sa mga kaluluwa. Ang isang pamumuhay na may pagtanggi sa sarili ay kinakailangan—at bagaman ito’y kadalasang napabayaan, ito’y magbubunga ng malaking kabutihan.” — Gospel Workers 1892, p. 452.2

“Dapat nating hanapin ang mapagkalingang pangangalaga ni Jesus at ng mga banal na anghel. Sa mga panahong ito ng panganib, nais ng Panginoon na tayo’y lumakad sa Kanyang harapan na may pagpapakumbaba. Sa halip na itago ang ating mga kasalanan, nais Niya na ipahayag natin ang mga ito, gaya ng pagkilala ni Josue sa mga kasalanan ng sinaunang Israel. Inaangkin natin na tayo ang mga tagapagdala ng kautusan ng Diyos—na tayo ang muling nagtatayo ng ‘mga dating sira,’ at bumabangon upang itatag ang ‘mga saligan ng maraming salinlahi.’ Kung tunay nga na sa atin ipinagkatiwala ang dakila at seryosong gawaing ito, gaano kahalaga na talikuran natin ang lahat ng uri ng kasamaan!” — RH November 19, 1908, Art. A, par. 8

“Ang mensahe ng ikatlong anghel ay magliliwanag sa buong lupa sa pamamagitan ng kaluwalhatian nito; ngunit tanging yaong mga nakapanagumpay sa tukso sa pamamagitan ng lakas ng Makapangyarihan ang pahihintulutang makibahagi sa pagpapahayag nito kapag ito’y umabot na sa yugto ng Loud Cry.” — RH November 19, 1908, Art. A, par. 9



Biyernes, Mayo 23

Karagdagang Kaisipan

“At pagkatapos nito ay nakita ko ang apat na anghel na nakatayo sa apat na sulok ng lupa, na pinipigil ang apat na hangin ng lupa, upang huwag humihip ang hangin sa lupa, o sa dagat man, o sa anomang punong kahoy. At nakita ko ang ibang anghel na umaakyat mula sa sikatan ng araw, na taglay ang tatak ng Dios na buhay: at siya'y sumigaw ng tinig na malakas sa apat na anghel na pinagkaloobang maipahamak ang lupa at ang dagat, Na nagsasabi, Huwag ninyong ipahamak ang lupa, kahit ang dagat, kahit ang mga punong kahoy, hanggang sa aming matatakan sa kanilang mga noo ang mga alipin ng ating Dios.” — Pahayag 7:1–3

Sa talatang ito ay inilahad ang dalawang uri ng darating na “pananakit”: isa ay sa pamamagitan ng mga hangin, at ang isa ay sa pamamagitan ng mga anghel. Gayundin, dalawang kautusan ang ibinigay sa mga anghel: una, pigilin nila ang mga hangin upang huwag humihip “sa lupa, ni sa dagat, ni sa alinmang punongkahoy” (Pahayag 7:1); at ikalawa, pigilin nila ang kanilang sarili sa pananakit sa “lupa,… dagat,” at “mga punongkahoy” hanggang sa matapos ang pagtatatak sa mga lingkod ng Diyos (Pahayag 7:2–3).

Dahil kapwa ang pag-ihip ng hangin at ang pananakit ng mga anghel ay magaganap lamang pagkatapos ng pagtatatak, mahalagang tanungin: ano ang kinakatawan ng gawain ng mga hangin at ng mga anghel? Ito ba'y simbolo ng alitang pampulitika o may iba pang kahulugan?

Sapagkat ang mga bansa ay palagi namang nagdidigmaan, ang dalawang uri ng pananakit na ito ay hindi maaaring kumatawan lamang sa digmaang politikal. At yamang sinabi ni Jesus na sa huling mga araw ay “ magsisitindig ang bansa laban sa bansa, at ang kaharian laban sa kaharian” (Mateo 24:7), malinaw na ang pananakit ng mga hangin at ang pananakit ng mga anghel—na kapwa pinipigilan hanggang matapos ang pagtatatak—ay sagisag ng pagpigil sa “panahon ng kabagabagan, na hindi nangyari kailan man mula nang magkaroon ng bansa hanggang sa panahong yaon:.” (Daniel 12:1)

Samakatuwid, ang pagpigil ng Diyos sa apat na hangin ay sumasagisag sa pagpigil sa gawain ng larawan ng hayop (Pahayag 13:15–17) laban sa mga banal, habang ang pagpigil sa mga anghel ay nangangahulugang pinipigilan muna ng Diyos ang Kanyang paghihiganti (Isaias 63:1–4; Jeremias 51:18) laban sa mga makasalanang nagpapahirap sa Kanyang bayan—hanggang sa matapos ang pagtatatak sa 144,000. Ang dalawang uri ng pananakit na ito, na sabay na lilitaw matapos ang pagtatatak, ay siyang magdadala ng napakatinding kapighatian.

Ipinapakita ng Pahayag 7:1–3 ang dalawang panig ng labanan: ang masasamang tao laban sa Diyos (na kinakatawan ng pag-ihip ng hangin), at ang Diyos laban sa masasama (na kinakatawan ng pananakit ng mga anghel). At kahit na ang pagsisimula ng pag-ihip ng mga hangin at ng pananakit ng mga anghel pagkatapos ng pagtatatak ay magdadala ng “panahon ng kabagabagan,” tiniyak naman ng banal na kasulatan na “ang bawat isa na masusumpungang nakasulat sa aklat ay maliligtas.” (Daniel 12:1)

Makikita natin mula sa mga katotohanang ito na ang panahong ito ng kabagabagan ay sadyang pinipigilan upang matiyak na maisasakatuparan ang pagtatatak sa 144,000, upang ang mga hinirang ay hindi madaya na sumamba sa larawan ng hayop o mapatay sa pagtangging sumamba.

At yamang “sa Aklat ng Apocalipsis nagkakatipon at nagtatapos ang lahat ng aklat ng Bibliya” (The Acts of the Apostles, p. 585), ang pagtatatak sa mga lingkod ng Diyos na binanggit sa Pahayag 7 ay tiyak ding makikita sa iba pang hula. Sa Ezekiel kabanata 9, ipinakita ang pagmamarka sa mga “nangagbubuntong-hininga at nagsidaing dahil sa lahat na kasuklamsuklam na nagawa sa gitna niyaon” (sa Juda at Israel), at ang paglipol sa mga hindi nakikitang nagdadalamhati. At dahil hindi pa kailanman inalis ng Diyos ang mga makasalanan mula sa mga matuwid sa Juda at Israel, malinaw na ang hulang ito ng paglilinis sa pamamagitan ng pagpatay ay hindi pa natutupad. Kaya't kung ang pagmamarka ay katumbas ng pagtatatak, ang pagpatay ng mga anghel ay siya ring pananakit na nakita ni Juan.

Ang pananakit at pagtatatak na nakita ni Juan, at ang pagpatay at pagmamarka na nakita ni Ezekiel ay pareho at iisa ang kahulugan:

“Ang pagtatatak sa mga lingkod ng Diyos ay siya ring ipinakita kay Ezekiel sa pangitain.” — Testimonies to Ministers, p. 445; Testimonies, Vol. 5, p. 211; Vol. 3, p. 267