“ At narinig ko ang tinig ng Panginoon, na nagsasabi, Sinong susuguin ko, at sinong yayaon sa ganang amin? Nang magkagayo'y sinabi ko: Narito ako; suguin mo ako.” KJV - Isaias 6:8
"Ang mga mensahe ng payo at babala na ibinigay sa pamamagitan ng mga propeta na nagbibigay-linaw ng Kaniyang walang hanggang layunin para sa sangkatauhan ay napakahalaga para sa iglesia ng Panginoon sa kasalukuyan - ang mga tagapangalaga ng Kaniyang ubasan. Sa mga aral ng mga propeta, hayagang inihahayag ang Kaniyang pag-ibig para sa nahulog na lahi at ang Kaniyang plano para sa kanilang kaligtasan. Ang kasaysayan ng pagtawag sa Israel, ng kanilang mga tagumpay at kabiguan, ng kanilang pagpapanumbalik sa banal na pabor ng Diyos, ng kanilang pagtanggi sa Panginoon ng ubasan, at ng katuparan ng plano ng mga kapanahunan sa pamamagitan ng isang matuwid na nalabi kung kanino matutupad ang lahat ng mga pangakong tipan—ito ang naging tema ng mga mensahero ng Diyos sa Kaniyang iglesia sa paglipas ng mga siglo. At ngayon, ang mensahe ng Diyos sa Kaniyang iglesia—sa mga nananatili sa Kaniyang ubasan bilang tapat na mga tagapangasiwa—ay hindi naiiba sa ipinahayag sa pamamagitan ng propeta noong unang panahon:" (PK 22.1)
“Sa araw na yaon: Awitin ninyo sa kaniya ang tungkol sa isang ubasang pinagkunan ng alak. Akong Panginoon ang nagiingat; aking didiligin tuwituwina: baka saktan ng sinoman, aking iingatan gabi't araw.” Isaias 27:2, 3 (PK 22.2)
“Hayaang magtiwala ang Israel sa Diyos. Ang Panginoon ng ubasan ang ngayo’y nagtitipon mula sa lahat ng bansa at bayan ng mga tao ng mahalagang bunga na matagal na Niyang hinihintay. Malapit na Siyang pumarito sa Kaniyang sariling bayan; at sa araw ng kagalakan na iyon ay ganap nang matutupad ang Kaniyang walang hanggang layunin para sa sambahayan ng Israel. “a mga araw na darating ay maguugat ang Jacob; ang Israel ay mamumulaklak at magbubuko: at pupunuin nila ng bunga ang ibabaw ng sanglibutan.” Talata 6 (PK 22.3)
Basahin ang Isaias 6:6–8. Batid ni Isaias na ang kasalana’y nangangahulugan na tayo’y “napahamak.” Ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan. Ngunit imbes na pabayaan tayo sa mga bunga ng kasalanan, hinihila tayo papalapit ng isang Diyos ng pag-ibig. Ano ang kinahinatnan ng pagkikitang ito, at bakit ito mahalaga ?
“Habang tinutunghayan ni Isaias ang pagbubunyag ng kaluwalhatian at kadakilaan ng kaniyang Panginoon, siya ay labis na napuspos ng kamalayan sa kadalisayan at kabanalan ng Diyos. Lubhang matindi ang kaibahan sa pagitan ng walang kapantay na kasakdalan ng kaniyang Maylalang at ng makasalanang lakad ng mga tao na, gaya niya rin, ay matagal nang kabilang sa mga hinirang na bayan ng Israel at Juda! “Sa aba ko!” ang kaniyang sigaw; “sapagka't ako'y napahamak; sapagka't ako'y lalaking may maruming mga labi, at ako'y tumatahan sa gitna ng bayan na may maruming mga labi: sapagka't nakita ng aking mga mata ang Hari, ang Panginoon ng mga hukbo.” (Talata 5.) Samantalang siya’y nakatayo na para bang nasa lubos na liwanag ng banal na presensiya sa kaloob-loobang santuwaryo, kanyang naunawaan na kung siya’y pababayaan sa sarili niyang kakulangan at kahinaan, ay lubos siyang magiging walang kakayahan upang tuparin ang misyong ipinagkaloob sa kaniya. Subalit isang serapin ang isinugo upang aliwin siya sa kaniyang kabalisahan at ihanda siya para sa dakilang misyong iyon. Isang baga mula sa dambana ang inilapat sa kaniyang mga labi, at sinabing, “Narito, hinipo nito ang iyong mga labi; at ang iyong kasamaan ay naalis, at ang iyong kasalanan ay naalis.” At narinig ko ang tinig ng Panginoon, na nagsasabi, Sinong susuguin ko, at sinong yayaon sa ganang amin? Nang magkagayo'y sinabi ko: Narito ako; suguin mo ako.” (Talata 7, 8.) (PK 307.2)
“Sinabi ni Jesus, “At ipangangaral ang evangeliong ito ng kaharian sa buong sanglibutan sa pagpapatotoo sa lahat ng mga bansa.” Mateo 24:14. Hindi darating ang Kaniyang kaharian hangga’t hindi naipahahayag ang mabuting balita ng Kaniyang biyaya sa buong mundo. Kaya nga, habang inihahandog natin ang ating mga sarili sa Diyos at inaakay ang ibang mga kaluluwa sa Kaniya, ating pinabibilis ang pagdating ng Kaniyang kaharian. Tanging ang mga lubos na naglalaan ng kanilang sarili sa Kaniyang paglilingkod, na nagsasabing, “Narito ako; suguin mo ako” (Isaias 6:8), upang buksan ang mga bulag na mata, upang ibaling ang mga tao “mula sa kadiliman patungo sa kaliwanagan, at mula sa kapangyarihan ni Satanas tungo sa Diyos, upang sila’y tumanggap ng kapatawaran ng mga kasalanan at ng mana na kasama ng mga pinabanal” (Mga Gawa 26:18)—sila lamang ang taimtim na nananalangin, ‘Dumating nawa ang Iyong kaharian.’ (MB 108.3)
Basahin ang Genesis 3:21–24. Ano ang gawaing ibinigay sa mga kerubin—at bakit?
“Kung pinahintulutan ang tao, pagkatapos ng kanilang pagkahulog, na magkaroon pa rin ng malayang paglapit sa punong kahoy ng buhay, maaaring sila’y mabuhay magpakailanman, at sa gayon ang kasalanan ay magiging walang hanggan din. Ngunit ang mga kerubin at isang nagniningas na tabak ang nagbantay sa “ daang patungo sa kahoy ng buhay.” (Genesis 3:24), at wala ni isa man sa angkan ni Adan ang pinahintulutang makatawid sa harang na iyon at makakain ng bungang nagbibigay-buhay. Kaya’t wala ni isang makasalanang imortal.” (GC 533.3)
“Sa kabanal-banalang dako ay naroon ang kaban, isang baul na yari sa mahalagang kahoy na binalutan ng ginto, na siyang sisidlan ng dalawang tapyas na bato na kinasusulatan ng kautusan ng Sampung Utos na isinulat ng Diyos. Sa ibabaw ng kaban, at nagsisilbing takip ng banal na sisidlan, ay ang luklukan ng awa, isang kagilagilalas na gawaing sining, na may dalawang kerubin sa magkabilang dulo, at ito’y yari lahat sa purong ginto. Sa silid na ito ay nahayag ang banal na presensiya ng Diyos sa ulap ng kaluwalhatian sa pagitan ng mga kerubin.” (GC 412.2)
“Sa pangitain ni Ezekiel, ang kamay ng Diyos ay nasa ilalim ng mga pakpak ng mga kerubin. Ito ay upang ituro sa Kaniyang mga lingkod na ang banal na kapangyarihan ang nagbibigay sa kanila ng tagumpay. Makikipag-ugnay Siya sa kanila kung kanilang aalisin ang kasamaan at magiging dalisay sa puso at sa buhay.” (5T 754.1)
“Ang maningning na liwanag na lumilipat-lipat sa gitna ng mga buhay na nilalang sa bilis ng kidlat ay kumakatawan sa kasigasigan at bilis kung paanong ang gawaing ito ay matatapos sa huling yugto.” (5T 754.2)
**“Ang mga mukha ng mga kerubin ay katulad ng sa mga hayop sa Apokalipsis, kaya’t ang mga ito’y may kaukulang kahulugan na magkakaugnay, at si Juan ang nagbibigay ng susi: ‘At sila'y nangagaawitan ng isang bagong awit, na nagsasabi, Ikaw ang karapatdapat na kumuha ng aklat, at magbukas ng mga tatak nito: sapagka't ikaw ay pinatay, at binili mo sa Dios ng iyong dugo ang mga tao sa bawa't angkan, at wika, at bayan, at bansa.’” Apocalipsis 5:9
**“Kailangan nating maunawaan nang higit pa kaysa sa ngayon ang tungkulin ng mga anghel. Mainam na tandaan na bawat tunay na anak ng Diyos ay may kaakibat na pakikipagtulungan ng mga makalangit na nilalang. Hindi nakikitang mga hukbo ng liwanag at kapangyarihan ang kasama ng mga mapagpakumbaba at maamo na nananampalataya at umaangkin sa mga pangako ng Diyos. Ang mga kerubin at serapin, at ang mga anghel na makapangyarihan sa lakas, ay nakatayo sa kanan ng Diyos—“lahat ay mga espiritung tagapaglingkod, na mga sinugo upang magsipaglingkod sa kapakinabangan ng mangagmamana ng kaligtasan.’” Hebreo 1:14 ; (AA 154.2)
Basahin ang Ezekiel 1:4–14. Anong mga pagkakaparehong nakikita mo sa talatang ito at sa tagpo na inilalarawan sa Isaias 6:1–6 at Apocalipsis 4:1–11?
Sa kamangha-manghang pangitain na nakita ni Ezekiel sa pampang ng ilog sa lupain ng mga Caldeo, tinatawag ngayon ang ating lubos na pansin. Yamang ito ay “ang anyo ng wangis ng kaluwalhatian ng Panginoon,” malinaw na ito ay— Ang Panginoon sa Isa sa Kaniyang mga Trono.
Bukod sa banal na anyong ito na nakita ni Ezekiel (Ezekiel 1:28), inilalarawan pa ng Bibliya ang Diyos na nakaluklok sa trono sa tatlong iba pang pagkakataon—isang beses na nakita ni Isaias, at dalawang beses na nakita ni Juan na Tagapahayag; at ito ay ang mga sumusunod:
(1) “Nakita ko ang Panginoon na nakaupo sa isang luklukan, matayog at mataas; at pinuno ang templo ng kaniyang kaluwalhatian. Sa itaas niya ay nangakatayo ang mga serapin: bawa't isa'y may anim na pakpak: na may dalawa na nagsisitakip ng kaniyang mukha, at may dalawa na nagsisitakip ng kaniyang mga paa, at may dalawa na naglilipad sa kaniya. At nagsisigawang isa't isa, at nagsasabi, Banal, banal, banal ang Panginoon ng mga hukbo: ang buong lupa ay napuno ng kaniyang kaluwalhatian. At ang mga patibayan ng mga pintuan ay nakilos sa tinig ng sumisigaw, at ang bahay ay napuno ng usok.” (Isaias 6:1-4).
(2) “Pagdaka'y napasa Espiritu ako: at narito, may isang luklukang nalalagay sa langit, at sa ibabaw ng luklukan ay may isang nakaupo; At sa palibot ng luklukan ay may dalawangpu't apat na luklukan: at sa mga luklukan ay nakita kong nangakaupo ang dalawangpu't apat na matatanda, na nadaramtan ng mapuputing damit; at sa kanilang mga ulo ay may mga putong na ginto. At mula sa luklukan ay may lumalabas na kidlat, at mga tinig at mga kulog. At may pitong ilawang apoy na mga nagliliyab sa harapan ng luklukan, na siyang pitong Espiritu ng Dios; At sa harapan ng luklukan, ay wari na may isang dagat na bubog na katulad ng salamin; at sa gitna ng luklukan, at sa palibot ng luklukan, ay may apat na nilalang na buhay na puno ng mga mata sa harapan at sa likuran.” (Apocalipsis 4:2, 4-6).
(3) “At ipinakita niya sa akin ang isang ilog ng tubig ng buhay, na maningning na gaya ng bubog, na lumalabas sa luklukan ng Dios at ng Cordero.” (Apocalipsis 22:1).
Sa trono na nakita ni Isaias sinasabing ang laylayan ng Kanyang kasuotan ay pumuno sa templo (train) at sa pagpasok nito sa templo, “ang mga patibayan ng mga pintuan ay nakilos sa tinig ng sumisigaw, at ang bahay ay napuno ng usok.” (Isaias 6:1, 4), kung gayon ito ay tinatawag na traveling throne, samantalang ang parehong trono sa Apocalipsis 4 na may “ isang dagat na bubog” sa harapan nito, at ang sa Apocalipsis 22, na may “isang ilog ng tubig ng buhay” sa harapan nito ay mga nakapirming trono o stationary throne.
Bagaman ang trono na nakita ni Ezekiel ay kahalintulad ng kay Isaias, gayunman, sila ay magkaiba at magkahiwalay na mga trono, sapagkat bawat "serapin" sa pangitain ni Isaias ay may anim na pakpak, samantalang ang bawat "querubin" sa pangitain ni Ezekiel ay may apat lamang. Bukod dito, sa huli, ang mga querubin ay nakatayo sa ilalim ng trono, samantalang sa nauna, sila ay nasa itaas nito. Kaya, ayon sa tala, may apat na trono—dalawang traveling throne at dalawang stationary throne.
Sa pagtukoy sa lokasyon ng trono sa Apocalipsis 4, at ng sa Apocalipsis 22, mapapansin na sa huli—ang pinagmumulan ng “ilog... ng buhay”— ayon kay Juan, ay ang “trono ng Diyos at ng Cordero”—iyon na kinaupuan ni Cristo sa kanan ng Diyos matapos ang Kaniyang pagkabuhay na mag-uli. Ang una naman, na may “dagat na bubog” sa harapan, at ayon din sa nakita ni Juan ay nasa Kabanal-banalan ng santuwaryo sa langit, sapagkat nakita niya sa harap nito ang “pitong ilawang apoy” (Apocalipsis 4:5)—isang kagamitan ng santuwaryo. “Sa isang pangitain ay ipinakita sa apostol na si Juan ang templo ng Diyos sa langit, nakita niya roon ang “pitong ilawang apoy na mga nagliliyab sa harapan ng luklukan.” – The Great Controversy, p. 414.
Tungkol naman sa paglipat ng Ama at ng Anak mula sa trono ng Diyos at ng Cordero—kung saan nagmumula ang ilog ng tubig ng buhay—patungo sa trono na may dagat na bubog, mababasa: “Nakita ko ang Ama na tumindig mula sa trono, at sa isang nagniningas na karo ay pumasok sa Kabanal-banalan dako, at naupo. Pagkatapos ay tumindig si Jesus mula sa trono,... Pagkatapos, isang maulap na karo, na ang mga gulong ay gaya ng naglalagablab na apoy, na napalilibutan ng mga anghel, ay lumapit sa kinaroroonan ni Jesus. Siya ay sumakay sa karo at dinala sa Kabanal-banalan, kung saan nakaupo ang Ama.” – Early Writings, p. 55
Itinala rin ni Daniel ang parehong pangyayari nang kanyang makita ito, at sinabing: “Aking minasdan hanggang sa ang mga luklukan ay nangaglagay, at isa na matanda sa mga araw ay nakaupo: ang kaniyang suot, maputing parang niebe, at ang buhok ng kaniyang ulo ay parang taganas na lana; ang kaniyang luklukan ay mga liab na apoy, at ang mga gulong niyaon ay nagniningas na apoy. Isang mabangis na sigalbo ay lumabas at nagmula sa harap niya: mga libo libo ang naglilingkod sa kaniya, at makasangpung libo na sangpung libo ang nagsitayo sa harap niya: ang kahatulan ay nalagda, at ang mga aklat ay nangabuksan.” (Daniel 7:9-10).
May isang nangingibabaw na tribo sa bawat isa sa apat na panig ng tabernakulo. Ayon sa Mga Bilang 2, sino ang apat na nangingibabaw na mga tribong ito ?
“At yaong tatayo sa dakong silanganan…ay ang mga sa watawat ng kampamento ng Juda, ayon sa kanilang mga hukbo…” Banal na Biblia (KJV) — Bilang 2:3
“Sa dakong timugan, ay malalagay ang watawat ng kampamento ng Ruben, ayon sa kanilang mga hukbo…” KJV — Bilang 2:10
“ Sa dakong kalunuran ay malalagay ang watawat ng kampamento ng Ephraim, ayon sa kanilang mga hukbo…” KJV — Bilang 2:18
“Sa dakong hilagaan ay malalagay ang watawat ng kampamento ng Dan, ayon sa kanilang mga hukbo…” KJV — Bilang 2:25
Itinakda rin ang posisyon ng bawat tribo. Bawat isa ay dapat magmartsa at magkampo sa tabi ng kanilang sariling watawat, gaya ng iniutos ng Panginoon: “Ang mga anak ni Israel ay magsisitayo bawa't lalake sa siping ng kaniyang sariling watawat, na may tanda ng mga sangbahayan ng kaniyang mga magulang: sa tapat ng tabernakulo ng kapisanan ay tatayo sila sa palibot.” “ayon sa kanilang pagkahantong, ay gayon sila magsisisulong, na bawa't lalake ay sa kanikaniyang sariling dako, sa siping ng kanilang mga watawat.”Bilang 2:2, 17
Ang mixed multitude na sumama sa Israel mula sa Egipto ay hindi pinahintulutang manirahan sa parehong bahagi ng kampamento kasama ng mga tribo, kundi sa panlabas na hangganan lamang ng kampo; at ang kanilang mga anak ay hindi maaaring maging bahagi ng pamayanang Israelita hanggang sa ikatlong salinlahi. Deuteronomio 23:7, 8; (PP 375.2)
Ang mga mukha ng mga kerubin na gaya ng mga hayop sa Apokalipsis ay may kaugnayang kahulugan, at si Juan ang nagbibigay ng susi: “At sila'y nangagaawitan ng isang bagong awit, na nagsasabi, Ikaw ang karapatdapat na kumuha ng aklat, at magbukas ng mga tatak nito: sapagka't ikaw ay pinatay, at binili mo sa Dios ng iyong dugo ang mga tao sa bawa't angkan, at wika, at bayan, at bansa.” Apocalipsis 5:9
Basahin ang Ezekiel 28:11–17 at Isaias 14:12–14. Ano ang nagakay sa pagkahulog ni Lucifer? Ihambing ang mga talatang ito sa Apocalipsis 14:1–12. Paano nakatutulong sa pag-unawa mo sa nangyayari sa Apocalipsis 14 ang paghahambing sa pagkakahulog ni Lucifer at sa mataas na katayuan ng sangkatauhan kay Cristo?
“Nagsimula ang kasalanan sa kaniya na, sunod kay Cristo, ay may pinakamataas na kaluguran sa Diyos, at pinakamataas na kapangyarihan at kaluwalhatian sa gitna ng mga nananahan sa Langit. Bago ang kaniyang pagkahulog, si Lucifer ay ang kerubing tumatakip, banal at walang dungis. Ipinahayag ng propeta ng Diyos, ‘Ikaw ay sakdal sa iyong mga lakad mula sa araw na ikaw ay lalangin, hanggang sa ang kalikuan ay nasumpungan sa iyo.’ [Ezekiel 28:15.] Ang kapayapaan at kagalakan sa ganap na pagpapasakop sa kalooban ng Langit ang umiiral sa buong hukbo ng mga anghel. Ang pag-ibig sa Diyos ay pinakamataas, ang pag-ibig sa kapwa ay walang kinikilingan. Ganyan ang kalagayan sa loob ng maraming panahon bago pumasok ang kasalanan.” — 4SP 316.3
“Yaong mga lumalakad gaya ng paglakad ni Cristo, yaong mga matiisin, mahinahon, mabait, mapagpakumbaba, at may mababang-loob, yaong mga nakipamatok kay Cristo at nagbubuhat ng Kaniyang mga pasan, yaong mga may pananabik sa mga kaluluwa gaya ng pananabik Niya—ang mga ito ay papasok sa kagalakan ng kanilang Panginoon. Kanilang makikita ang pagdaramdam ng kaniyang kaluluwa at masisiyahan. Magtatagumpay ang langit sapagkat ang mga puwang na nalikha sa langit dahil sa pagkahulog ni Satanas at ng kaniyang mga anghel ay mapupuno ng mga tinubos ng Panginoon.” — RH May 29, 1900, tal. 12
“Ang Kordero, na unang nakatayo sa harap ng trono sa langit, ay makikita sa huli na kasama ang 144,000 sa Bundok ng Sion, sa lupa, bagaman ang mga Matanda at ang mga Nilalang sa paligid ng trono ay nananatili sa langit.”
“Dahil nakita ni Juan ang 144,000 na nakatayo sa Bundok ng Sion kasama ng Kordero pagkatapos mailagda ang kahatulan at bago ito matapos, lumalabas na ang pangyayaring ito ay hindi bago o pagkatapos ng hatol, kundi habang ito ay isinasagawa.”
“At ngayon, tandaan na ang pangitain ni Juan tungkol sa ‘Kordero na nakatayo sa Bundok ng Sion’ (Apocalipsis 14:1) ay nagpapahayag kay Cristo bilang Tagapagligtas, samantalang ang Kaniyang pangitain tungkol sa ‘Leon sa angkan ni Juda’ na nakatayo sa harap ng paghatol ay nagpapakilala sa Kaniya bilang Hari. Kapag pinagsama, ipinapakita nito na habang Siya noon ay Tagapagligtas, Siya rin ay Hari ng mga hari.”
“Ngayong malinaw na kung kailan lilitaw ang 144,000, lumilitaw ang higit na interes kung sino nga ba sila. Sapagkat sila ay mga tagasunod ng Kordero (mga Kristiyano), at tinatawag ding ‘mga anak ni Jacob,’ sila nga ay mga tunay na Israelita—hindi mga Hentil.”
“Yamang ang 144,000 ay tinawag na ‘mga unang bunga,’ dapat nga na mayroon din ng pangalawang bunga, sapagkat kung may una, dapat ay may pangalawa rin. At yamang ang unang bunga ay ‘mga lingkod ng Diyos,’ sila ay ipadadala sa lahat ng mga bansa upang tipunin ang mga pangalawang bunga (Isaias 66:19, 20) — ang lubhang karamihan (Apocalipsis 7:9) na nakita ni Juan pagkatapos niyang masaksihan ang pagtatatak sa 144,000.”
**“Ang katotohanang ‘sa kanilang bibig ay walang nasumpungang kasinungalingan” (Apocalipsis 14:5), ay malinaw na nagpapakita na sila ay magpapahayag ng dalisay na ebanghelyo at ginagawang kapani-paniwala at may awtoridad ang kanilang mga salita gaya ng mga nasulat na salita ng mga propeta at mga apostol. Sa katunayan, ang mga unang bunga na ito ay pinagkalooban pa ng lalong higit na kapangyarihan at awtoridad: ‘Sa araw na yaon ay ipagsasanggalang ng Panginoon ang mga mananahan sa Jerusalem, at siyang mahina sa kanila sa araw na yaon ay magiging gaya ni David; at ang sangbahayan ni David ay magiging parang Dios, parang anghel ng Panginoon sa harap nila.’” — Zacarias 12:8, 8TR 18.1
Ang sanlibong taon (millennium) ay pinasisimulan ng anim na magkakasunod na pangyayari, sa pagkakasunod-sunod na ito: (1) Ang pagwasak ng Diyos sa mga mapagpaimbabaw sa iglesia; (2) Ang pagtawag Niya sa mga tatalima sa Kanya mula sa mga bansa, at pagdadala sa kanila sa dinalisay na iglesia – ang Kaharian; (3) Ang pagsasara ng panahon ng probasyon; (4) Ang pagwasak sa mga masama; (5) Ang pagkabuhay na muli ng mga matuwid na patay at ang pagbabago sa mga buhay na matuwid; (6) At sa wakas ang pagparam sa buong lupa. — 9TR 18.1
Sa pagwawakas ng anim na pangyayaring ito sa katapusan, na tinatawag sa Biblia na wakas ng mundo, tuluyang isasara ang telon ng mahabang dula ng kasalanan at pagtubos.
Kay ganda ng tanawing yaon kapag ang mga tinubos mula sa lahat ng kapanahunan ay magmamartsa sa mga lansangang ginto sa mga dakong makalangit, sa gitna ng mga dalisay at pinagpala.
1.Na nangunguna sa dakilang prusisyon ay makikita natin ang milyon-milyong anghel na naglingkod sa mga tinubos sa lahat ng kapanahunan.
2.Si Moises, ang tipo (type) ng mga muling binuhay, at ang unang taong sumulat sa Biblia, ay makikitang nangunguna bilang pinuno ng mga muling binuhay, na nakadamit ng puti at may makinang na gintong korona sa kaniyang ulo. Ang mga muling binuhay na kinakatawan niya ay nakasuot ng puting kasuotan at may gintong mga korona.
3.Sunod nating makikita si Abel, mabuti at inosente, na kumakatawan sa mga martir, na may maluwalhating puting kasuotan at may pulang palibot sa laylayan ng kaniyang kasuotan, na nangunguna sa milyon-milyong martir mula sa lahat ng kapanahunan na ang mga kasuotan ay gaya ng kay Abel, ang kanilang pinuno.
4.Ngayon ay natatanaw natin ang mabuti at matandang si Enoch, na may makinang na puting korona sa kaniyang ulo: Sa ibabaw nito ay isang kaakit-akit na korona na mas maliwanag pa sa araw, at sa kaniyang kanang bisig ay isang maluwalhating palmera. Sa pamamagitan niya ay pinamumunuan at kinakatawan ang dakilang pulutong na binago nang hindi nakaranas ng kamatayan—lahat ay may puting kasuotan, may mga palmera sa kamay, at may gintong korona sa ulo.
5.Huli sa mga tinubos ay si Elias na matapang, na may maluwalhating puting balabal mula balikat hanggang paa: Isang huwaran at pinuno ng pinaka-kahanga-hangang grupo, bagama’t kakaunti sa bilang. Isang natatanging grupo, may natatanging karanasan—isang maharlikang pagkasaserdote—ang 144,000, na nakasuot ng dalisay na puti, may maluwalhating balabal mula balikat hanggang paa, at may mga bituin sa kanilang mga korona. Apocalipsis 14:5, “ At sa kanikaniyang bibig ay walang nasumpungang kasinungalingan: sila'y mga walang dungis.”
6.Kung ang mga anak ng Diyos (mga Adan) mula sa ibang mga mundo ay nagpakita sa harap ng Panginoon ayon sa Job 1:6, sa isang pagpupulong ng kapulungan, tiyak na ang mga anak ng Diyos mula sa lahat ng mundo ay hindi mawawala sa pinaka-kahanga-hanga, at tanging prusisyon sa walang hanggan. — DA 834; SR 19
7.At huli sa lahat, si Jesus at ang maringal na hukbo ng langit na may sampu-sampung libo at libu-libong libo ng mga anghel. Kay ganda ng pagtitipong yaon! Makakakita ba tayo ng mas magkaayon kaysa rito sa buong Biblia? Mapapansin na muli nating makikita ang ganap na bilang sa Biblia—“pito”—at ito'y hindi maaaring dagdagan o bawasan, at gayon pa man ay saklaw ang lahat. Hindi ba’t dapat nitong pukawin ang ating sigasig at sigla sa tuwing ating makikita kung anong maluwalhating kaganapan ang nakaabang para sa mga tapat ng Diyos?