Mga Larawan Mula sa Pag-aasawa

Liksyon 3, Pangalawang Semestre, Abril 12-18, 2025

img rest_in_christ
Ibahagi ang Liksyong ito
sharethis sharing button
copy sharing button
email sharing button
whatsapp sharing button
facebook sharing button
twitter sharing button
telegram sharing button
messenger sharing button
line sharing button
wechat sharing button
vk sharing button
tencentqq sharing button
weibo sharing button
kakao sharing button
Download PDF

Hapon ng Sabbath, Abril 12

Talatang Sauluhin:

“At sinasabi niya sa akin, Isulat mo, Mapapalad ang mga inanyayahan sa paghapon sa kasalan ng Cordero. At sinasabi niya sa akin, Ang mga ito'y siyang tunay na mga salita ng Dios. KJV - Pahayag 19:9


"Sa Luma at Bagong Tipan, ang ugnayan ng pag-aasawa ay ginamit upang ilarawan ang banal na buklod sa pagitan ni Cristo at ng Kanyang bayan. Sa isipan ni Jesus, ang kagalakan ng isang piging sa kasalan ay sumasagisag sa kagalakang darating sa araw na iuuwi Niya ang Kanyang kasintahang babae sa tahanan ng Ama—at ang mga tinubos, kasama ng Manunubos, ay uupong salusalo sa hapunan ng kasalan ng Kordero.

Sinabi Niya, “at kung paanong ang kasintahang lalake ay nagagalak sa kasintahang babae, gayon magagalak ang Dios sa iyo.” “Hindi ka na tatawaging Pinabayaan, ... kundi ikaw ay tatawaging Aking Kaluguran, ... sapagkat ang Panginoon ay nalulugod sa iyo.” “siya'y magagalak dahil sa iyo na may kagalakan; siya'y magpapahinga sa kaniyang pagibig; siya'y magagalak sa iyo na may pagawit.” — Isaias 62:4-5; Zefanias 3:17.

At nang ipakita kay apostol Juan ang pangitain ng mga makalangit na bagay, kanyang isinulat: “At narinig ko ang gaya ng isang tinig ng isang makapal na karamihan, at gaya ng lagaslas ng maraming tubig, at gaya ng ugong ng malalakas na kulog na nagsasabi, Aleluya: sapagka't naghahari ang Panginoong ating Dios na Makapangyarihan sa lahat. Tayo'y mangagalak at tayo'y mangagsayang mainam, at siya'y ating luwalhatiin; sapagka't dumating ang pagkakasal ng Cordero, at ang kaniyang asawa ay nahahanda na. At sinasabi niya sa akin, Isulat mo, Mapapalad ang mga inanyayahan sa paghapon sa kasalan ng Cordero.” — Apocalipsis 19:6, 7, 9. DA 151.1

Linggo, Abril 13

Isang Laman


Basahin ang Genesis 2:23–25 at Efeso 5:29–32. Sa anong mga paraan ang pag-aasawa ng tao ay sumasalamin sa ugnayan ni Cristo sa sangkatauhan ?

"Ang pag-aasawa, ang isang buklod na panghabang-buhay, ay sagisag ng pagkakaisa sa pagitan ni Cristo at ng Kanyang iglesya. Ang espiritung ipinamalas ni Cristo sa iglesya ay siyang espiritung dapat ipamalas ng mag-asawa sa isa’t isa. — Counsel to Newlyweds, pahina 127, talata 1

“Mga babae, pasakop kayo sa inyo-inyong sariling asawa, na gaya ng sa Panginoon. Sapagka't ang lalake ay pangulo ng kaniyang asawa, gaya naman ni Cristo na pangulo ng iglesia, na siya rin ang tagapagligtas ng katawan. Datapuwa't kung paanong ang iglesia ay nasasakop ni Cristo, ay gayon din naman ang mga babae ay pasakop sa kani-kaniyang asawa sa lahat ng mga bagay.” — Efeso 5:22–24

Maliwanag na ang banal na tagubiling ito ay iniuutos sa asawang babae na igalang ang kanyang asawa gaya ng paggalang niya sa Panginoon, sapagkat ang asawa ay tagapagligtas ng pamilya sa mga bagay na panlupa, gaya ng Panginoon na Tagapagligtas ng iglesya sa mga bagay na walang hanggan. “...gaya naman ni Cristo na umibig sa iglesia, at ibinigay ang kaniyang sarili dahil sa kaniya; Upang kaniyang pakabanalin ito, na nilinis sa pamamagitan ng paghuhugas ng tubig na may salita,” — Efeso 5:25–26

Kapag binalewala ng babae ang banal na utos na ito, kanyang tinutuya ang Diyos.

“Mga lalake, ibigin ninyo ang inyo-inyong asawa, gaya naman ni Cristo na umibig sa iglesia.” — Efeso 5:25

Kaya naman, sagrado at may bigat ding tungkulin ng asawang lalaki na mahalin ang kanyang asawa. Dapat niya siyang pahalagahan gaya ng pagpapahalaga ni Cristo sa Kanyang iglesya. Sa tuwing siya’y nagkukulang dito, nilalabag niya ang kautusan ng Panginoon.

Samakatuwid, gaya ng pananagutang igalang at sundin ng iglesya ang kanyang Panginoon, tungkulin din ng asawang babae na igalang at sundin ang kanyang asawa; at tungkulin ng asawang lalaki na ibigin at alagaan ang kanyang asawa gaya ng pag-ibig at pag-aalaga ng Panginoon sa Kanyang iglesya. Mula rito, maliwanag na ang tahanan ng Panginoon ay inihahalintulad sa tahanan ng lalaki. At kung paanong pinangangasiwaan ng Panginoon ang Kanyang sambahayan, ang iglesya, gayon din dapat pangasiwaan ng lalaki ang kanyang sambahayan, ang pamilya.

At yamang ang kapakanan ng iglesya ay nakasalalay sa kanyang pakikiisa sa kalooban ng Panginoon, gayundin, ang kapakanan ng pamilya ay nakasalalay sa pakikiisa nito sa kalooban ng ama. Lalong pinagtitibay nito ang katotohanan na kung paanong si Cristo ang Ulo ng iglesya, gayon din ang ama ang ulo ng tahanan. At kung paanong ang isang binagong iglesya ay nagagalak na bigyang-kasiyahan ang kanyang Ulo, si Cristo, gayon din ang isang binagong asawang babae ay nagagalak na bigyang-kasiyahan ang kanyang ulo, ang kanyang asawa. Sa masayang kalagayang ito, natatanto ng lalaki at ng babae na sila, sa bandang huli, ay kapwa salamin ng isa’t isa—ikalawang sarili ng bawat isa.

Lunes, Abril 14

Ang Magandang Asawang Babae


Basahin ang Ezekiel 16:4–14 . Ano ang itinuturo sa atin ng mga detalye ng pagtataas sa asawang babae tungkol sa mga layunin ng Diyos para sa atin?

“Sa Biblia, ang banal at walang hanggang katangian ng ugnayang umiiral sa pagitan ni Cristo at ng Kaniyang iglesia ay inilarawan sa pamamagitan ng pagsasama sa kasal. Ipinagkaloob ng Panginoon ang Kaniyang sarili sa Kaniyang bayan sa pamamagitan ng isang solemne at sagradong tipan—nangako Siyang Siya ang magiging kanilang Diyos, at nangako naman sila na sila ay magiging Kaniya at Kaniya lamang. Kaniyang ipinahayag: ‘At ako'y magiging asawa mo magpakailan man; oo, magiging asawa mo ako sa katuwiran, at sa kahatulan, at sa kagandahang-loob, at sa mga kaawaan.’ (Hosea 2:19) At muli: ‘sapagka't ako'y asawa ninyo.’ (Jeremias 3:14) At si Pablo ay gumamit din ng kaparehong paglalarawan sa Bagong Tipan nang kaniyang sabihin: ‘Sapagka't kayo'y aking pinapagasawa sa isa, upang kayo'y maiharap ko kay Cristo na tulad sa dalagang malinis..’ (2 Corinto 11:2)” – The Great Controversy, page 381, paragraph 2.

"Ang kakulangan ng katapatan ng iglesia kay Cristo—sa pagpapahintulot na ang kaniyang pagtitiwala at pagmamahal ay mawalay sa kaniya, at sa pagbibigay daan na ang pag-ibig sa mga bagay ng sanlibutan ay makasakop sa kaluluwa—ay inihalintulad sa paglabag sa tipan ng kasal. Ang kasalanan ng Israel sa pagtalikod sa Panginoon ay inilarawan sa pamamagitan ng talinghagang ito; at ang kamangha-manghang pag-ibig ng Diyos na kanilang hinamak ay maingat na isinalarawan: ‘ako'y sumumpa sa iyo, at nakipagtipan sa iyo, sabi ng Panginoong Dios, at ikaw ay naging akin.’ ‘at ikaw ay lubhang maganda, at ikaw ay guminhawa sa kalagayang pagkahari. At ang iyong kabantugan ay nangalat sa gitna ng mga bansa dahil sa iyong kagandahan; sapagka't naging sakdal dahil sa aking kamahalan na aking inilagay sa iyo, sabi ng Panginoong Dios. Nguni't ikaw ay tumiwala sa iyong kagandahan, at nagpatutot dahil sa iyong kabantugan.’ ‘Tunay na kung paanong humihiwalay na may pagtataksil ang babae sa kaniyang asawa, gayon kayo nagsigawang may kataksilan sa akin, Oh sangbahayan ni Israel, sabi ng Panginoon.;’ ‘isang babae na napakakalunya! na tumatanggap sa iba na kahalili ng kaniyang asawa!’” (Ezekiel 16:8, 13–15, 32; Jeremias 3:20) -  The Great Controversy, page 381, paragraph 3.

“Sa Bagong Tipan, halos kaparehong pananalita ang ipinahayag sa mga nagaangking Kristiyano na mas hinahangad ang pakikipagkaibigan sa sanlibutan kaysa sa pagpapala ng Diyos. Sabi ng apostol Santiago: ‘Kayong mga mangangalunya, hindi baga ninyo nalalaman na ang pakikipagkaibigan sa sanglibutan ay pakikipagaway sa Dios? Sinoman ngang magibig na maging kaibigan ng sanglibutan ay nagiging kaaway ng Dios.’ - The Great Controversy, page 382, paragraph 1.

Martes, Abril 15

Ang Asawang Patutot ni Hosea


Ihambing ang Oseas 1:2 ; Oseas 3:1 ; Apocalipsis 17 : 1-2 ; at Apocalipsis 18:1–4 . Ano ang pagpapatutot na binabanggit dito? Anong mga aral ang matututuhan ng iglesia Kristiyana mula sa kuwento ni Oseas? Sa anong mga paraan inulit ng iglesia ang mga kasalanan ng Lumang Tipan?

“Ang Babilonya ay tinawag na ‘ina ng mga patutot’.Ang kaniyang mga anak na babae ay sumasagisag sa mga iglesiang kumakapit sa kaniyang mga aral at tradisyon, at sumusunod sa kaniyang halimbawa ng pagsasakripisyo ng katotohanan at ng pagsang-ayon ng Diyos upang makipag-alyansa sa sanlibutan sa paraang labag sa kautusan. Ang mensahe sa Apocalipsis 14 na nagpapahayag tungkol sa naguhong dakilang Babilonya ay tumukoy sa mga samahang panrelihiyon na minsang dalisay ngunit mga tumalikod. Yamang ang mensaheng ito ay sumusunod sa babala ng paghatol, ito ay ibinibinigay para sa mga huling araw, kaya’t hindi ito maaaring tumukoy sa Simbahang Romano Katoliko, sapagkat ang iglesiang iyon ay matagal nang bumagsak sa espirituwal na kalagayan sa loob ng maraming siglo. Bukod pa rito, sa ikalabing-walong kabanata ng Apocalipsis, sa isang mensaheng magaganap pa sa hinaharap, ang bayan ng Diyos ay tatawagang lumabas mula sa Babilonya. Ayon sa kasulatang ito, masasabing marami pa sa bayan ng Diyos ang nasa loob pa ng Babilonya. At sa anong mga samahang panrelihiyon matatagpuan ngayon ang karamihan sa mga nagaangking tagasunod ni Cristo? Walang pag-aalinlangan, sa iba’t ibang mga iglesiang nagpapahayag ng pananampalatayang Protestante. Sa panahon ng kanilang pagsibol, ang mga iglesiang ito ay tumindig nang may dangal para sa Diyos at sa katotohanan, at ang Kaniyang pagpapala ay sumakanila. Maging ang mga di-mananampalataya ay napilitang kilalanin ang mabuting bunga ng pagtanggap sa mga prinsipyo ng ebanghelyo. Gaya ng sinabi ng propeta sa Israel, ‘At ang iyong kabantugan ay nangalat sa gitna ng mga bansa dahil sa iyong kagandahan; sapagka't naging sakdal dahil sa aking kamahalan na aking inilagay sa iyo, sabi ng Panginoong Dios.’ Ngunit sila ay nahulog dahil sa gayunding pagnanasa na naging sumpa at kapahamakan ng Israel—ang pagnanasang tularan ang mga gawi ng masasama at hanapin ang pakikipagkaibigan sa mga di-maka-Diyos. ‘Nguni't ikaw ay tumiwala sa iyong kagandahan, at nagpatutot dahil sa iyong kabantugan, at ikinalat mo ang iyong mga pakikiapid sa bawa't nagdaraan; yao'y kaniya nga.” The Great Controversy (1888 Edition), page 382, paragraph 3.

At sinabi ng Panginoon kay Oseas, Yumaon ka, magasawa ka sa isang patutot at mga anak sa patutot; sapagka't ang lupain ay gumagawa ng malaking pagpapatutot, na humihiwalay sa Panginoon.." Oseas 1:2

Ang propetang si Oseas ay inutusang kumuha ng asawang mapangalunya sa layuning ilarawan ang malungkot at kasuklam-suklam na kalagayan na umiiral noon sa Israel.

Ang pagaasawang ito ay visionary din gaya ng nasusulat sa Ezekiel 4 ukol sa ininutos kay Ezekiel na paghiga ng 40 araw sa kaniyang kanan, at 390 araw naman sa kabilang panig ( Ezek iel 4:4-6 ).

Oseas 2:1-3 - Ang utos na, “Sabihin ninyo sa inyong mga kapatid na lalake, Ammi; at sa inyong mga kapatid na babae ay, Ruhama,” ay mismong nagpapaliwanag na ang Diyos ay nakikipag-usap kay Jezreel, (na kapatid ni Ammi at Ruhamah), at si Jezreel naman ay makikipag-usap kay Ammi at kay Ruhamah. At ang katotohanan na tinawag ng Diyos ang asawa ni Hosea sa pangitaing ito na Kanyang Sariling asawa, ay mas lalong nagpapalinaw sa paksa: Makikita na si Oseas ay kumakatawan sa Diyos, at ang asawa ni Oseas ay kumakatawan sa iglesia ng Diyos; Si Jezreel, na kinakausap ng Diyos, ay kumakatawan sa Kanyang gagamiting tagapagsalita, isang propeta, at ang mga kapatid ni Jezreel, sina Ammi at Ruhamah, ay kumakatawan sa mga miyembro ng iglesia, kapwa lalaki at babae. Ngayon, dahil sina Ammi at Ruhamah ay kumakatawan sa mga karaniwang miyembro (laity) maliwanag na ang ina ay kumakatawan sa ministeryo, ang mga nagdadala ng mga kumbertido sa iglesia. Masusumpungan dito na mayroon tayong kumpletong representasyon ng sambahayan ng Diyos.

Ang mga talatang ito [Oseas 2:4-5 ] ay naglalahad ng kahulugan ng biyaya ng Diyos: na kung ang “ina” ay mabigong magbago, mabigong tumigil sa kanyang pagpapatutot sa sanlibutan at sa mga gawain nito, kung gayon hindi lamang ang ina kundi pati na rin ang kanyang mga anak na nakikiramay ay mahuhulog magpakailanman mula sa biyaya.

Sa Oseas 2 partikular sa talata 5, ipinapakita na iniisip ng ‘ina’ na ang kaniyang mga mangingibig ang nagbibigay sa kanya ng mga temporal na pangangailangan sa buhay at ito ang ginagamit niyang dahilan para manatili sa kanila

Bukod dito, sa talata 4 sinasabing habang siya ay nagpapatutot, siya ay nagdadala ng mga anak sa patutot, ng mga hindi tunay na kumbertido. Narito ang isang babala na sa tiyak na mga termino ay humihingi ng isang repormasyon dahil kung hindi ang buong pamilya ng iglesia, maliban sa mga nagreporma, ay ganap na mawawasak tulad ng naganap sa sinaunang Jerusalem na nawasak at nawala ilang taon pagkatapos ng pagpapako kay Cristo. 

Miyerkules, Abril 16

Sina Isaac at Rebecca


Basahin ang Genesis 24:1–4 . Bakit mahalaga para kay Abraham na hindi mag-asawa ang kayang anak “mula sa mga anak na babae ng mga Cananeo”(Genesis 24 :3 , NKJV ) ?

“Ang patuloy na pananampalataya ni Abraham sa Diyos at ang kanyang pagpapasakop sa kalooban ng Diyos ay naipamalas sa pagkatao ni Isaac; ngunit ang damdamin ng binata ay masidhi, at siya'y maamo at madaling magpaubaya. Kung siya ay mapapakasal sa isang taong walang takot sa Diyos, siya ay malalagay sa panganib na isakripisyo ang prinsipyo alang-alang sa pagkakaisa. Sa isipan ni Abraham, ang pagpili ng mapapangasawa ng kanyang anak ay isang seryosong bagay; siya’y balisa na baka ang kanyang anak ay makapangasawa ng isang maglalayo sa kanya sa Diyos… Choosing a Wife, page 57, paragraph 2

Nasaksihan ni Abraham ang mga bunga ng pag-aasawa ng mga may takot sa Diyos sa mga wala nito, mula pa sa kapanahunan ni Cain hanggang sa kanyang sariling panahon. Napasa kanyang harapan ang mga naging bunga ng kanyang naging ugnayan kay Hagar, at ng mga kaugnayang pag-aasawa nina Ismael at Lot. Ang kakulangan ng pananampalataya nina Abraham at Sara ay humantong sa pagsilang ni Ismael, ang paghahalo ng binhi ng matuwid sa mga hindi makadiyos. Ang impluwensya ng ama sa anak ay nasasalungat ng di maka-diyos na angkan ng ina at ng kaugnayan ni Ismael sa mga asawang pagano… Choosing a Wife, page 57, paragraph 3

Ang asawa ni Lot ay isang makasarili at di-relihiyosong babae, at ang kanyang impluwensya ay ginamit upang mailayo ang kanyang asawa kay Abraham. Kung hindi dahil sa kanya, si Lot ay hindi sana nanatili sa Sodoma, malayo sa payo ng matalinong patriarkang may takot sa Diyos… Choosing a Wife, page 57, paragraph 4

Walang sinumang may takot sa Diyos ang maaaring makipag-ugnay nang walang panganib sa isang taong hindi natatakot sa Kanya. “Makalalakad baga ang dalawa na magkasama, liban na sila'y magkasundo?” (Amos 3:3). Ang kaligayahan at kasaganaan ng relasyon sa pag-aasawa ay nakasalalay sa pagkakaisa ng mag-asawa; subalit sa pagitan ng mananampalataya at hindi mananampalataya ay may malalim na pagkakaiba sa panlasa, hilig, at layunin. Sila ay naglilingkod sa dalawang panginoon na hindi magkasundo. Gaano man kadalisay at katama ang mga prinsipyo ng isa, ang impluwensya ng isang di-mananampalatayang kasama ay maaaring makapaglayo sa kanya sa Diyos… Ang tagubilin ng Panginoon ay, “Huwag kayong makipamatok ng hindi kapananampalataya” (2 Corinto 6:14, 17, 18). Choosing a Wife, page 57, paragraph 5

Basahin ang Genesis 24:57–67 . Anong mga aral ang makukuha natin tungkol kay Cristo at sa Kanyang iglesya mula sa mga detalyeng matatagpuan sa kuwentong ito? Ano ang maaaring matutunan, halimbawa na, tungkol sa ating kalagayang makasalanan mula sa katayuan na si Rebecca ay malayo at nakahiwalay na kamag-anak ni Isaac?

"Ang isip ng patriarka ay natuon sa mga kamag-anak ng kanyang ama sa lupain ng Mesopotamia. Bagaman hindi sila lubos na ligtas sa idolatriya, kanilang pinangangalagaan ang kaalaman at pagsamba sa tunay na Diyos. Hindi dapat umalis si Isaac sa Canaan upang puntahan sila, ngunit maaaring sa kanila ay may matagpuang isang babaeng handang lisanin ang kanyang tahanan at makipag-isa sa kanya upang ipagpatuloy ang dalisay na pagsamba sa buhay na Diyos. Ipinagkatiwala ni Abraham ang mahalagang usaping ito sa “pinakamatanda niyang alipin,” isang taong maka-Diyos, may karanasan, at may matatag na paghatol, na matagal at tapat na naglingkod sa kanya. Pinagbilinan niyang manumpa ito sa harap ng Panginoon, na hindi siya kukuha ng asawa para kay Isaac mula sa mga Cananeo, kundi pipiliin ang isang dalaga mula sa angkan ni Nahor sa Mesopotamia. Mahigpit niyang iniutos na huwag dalhin si Isaac roon. ung walang dalagang masusumpungan na handang iwan ang kanyang mga kamag-anak, ang sugo ay magiging malaya na sa kanyang panata. Pinalakas ng patriarka ang loob ng kanyang alipin sa mahirap at maselang tungkulin na may katiyakan na pagpapalain ng Diyos ang kanyang misyon. “Ang Panginoong Diyos ng langit,” aniya, “na kumuha sa akin sa bahay ng aking ama, at sa lupaing aking tinubuan, … ay magsusugo siya ng kaniyang anghel sa unahan mo.” Patriarchs and Prophets, p. 171, talata 3

Huwebes, Abril 17

Hinatulan ang Patutot


Basahin ang Apocalipsis 19:1–9 . Dalawang bagay ang ipinagdiriwang ng magkasabay: ang wakas ng patutot at ang pag-aasawa ni Cristo sa Kanyang asawang babae. Paano naging posible ang dalawang pangyayari ay talagang pagpapakita ng matuwid at mapagmahal na karakter ng Diyos ng magkasabay?

Pagkatapos na ang “ang usok niya (ng bantog na patutot; ng babae) ay napaiilanglang magpakailan kailan man,” ang hukbo sa langit ay sumigaw, “Aleluya: sapagka't naghahari ang Panginoong ating Dios na Makapangyarihan sa lahat.” Kaya’t ang lahat ng mga banal ay nahatulan bago ang pagkapuksa sa “babae,” at matapos siyang sunugin sa apoy, si Cristo ay pinutungan bilang Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon; saka lamang babakantehin ang templo at ibubuhos ang pitong huling salot.

Ang mga sumusunod na kasulatan ay nagpapahayag pa ng karagdagang ebidensiya. Sinabi ng hukbo sa langit: “Tayo'y mangagalak at tayo'y mangagsayang mainam, at siya'y ating luwalhatiin; sapagka't dumating ang pagkakasal ng Cordero, at ang kaniyang asawa ay nahahanda na. At sa kaniya'y ipinagkaloob na damtan ang kaniyang sarili ng mahalagang lino, makintab at tunay; sapagka't ang mahalagang lino ay siyang mga matuwid na gawa ng mga banal. At sinasabi niya sa akin, Isulat mo, Mapapalad ang mga inanyayahan sa paghapon sa kasalan ng Cordero.” At nagpatuloy ng Anghel, “Halika, ipakikita ko sa iyo ang babaing kasintahan, ang asawa ng Cordero… at ipinakita sa akin ang bayang banal na Jerusalem, na nananaog mula sa langit buhat sa Dios.” (Pahayag 19:7–9; 21:9–10.)

Samakatuwid, ang asawa ng Cordero ay ang Banal na Lungsod at hindi ang iglesia, at yaong mga tinawag sa paghapon ng kasalan (ang mga banal) ay ang mga panauhin. (Tingnan ang “The Great Controversy,” pahina 427.) Ang mga naroroon sa harapan ng trono ay nagsabi ukol sa Bagong Jerusalem: “Ang kaniyang asawa’y nahanda na. At sa kaniya'y ipinagkaloob na damtan ang kaniyang sarili ng mahalagang lino, makintab at tunay; sapagka't ang mahalagang lino ay siyang mga matuwid na gawa ng mga banal.” (Pahayag 19:7–8.) Kaya’t ang asawa ng Cordero ay magiging handa sa pagtatapos ng panahon ng probasyon, kapag ang mga banal ay nabilang na, sapagka’t sila ang kaniyang “lino.” Noong panahon na ang babae (Babilonya) ay sinunog, ang mga banal (lino) ay handa na. Ang kanyang pagkapuksa ay magiging tanda ng pagsasara ng probasyon. Pagkatapos, ang ilan ay magiging may kamalayang sila’y hinatulan na at magsasabi, “Ang pag-aani ay lumipas, ang tag-init ay nagwakas, at tayo ay hindi ligtas.” (Jeremias 8:20.) Ang iba naman ay “magsisilaboy sa dagat at dagat, at mula sa hilagaan hanggang sa silanganan; sila'y magsisitakbo ng paroo't parito upang hanapin ang salita ng Panginoon, at hindi masusumpungan.” (Amos 8:12.) Kapag ang bayan ng Diyos ay tumigil na sa kanilang gawain na iniatas ng Diyos, ang kanilang sagot ay magiging: “Wala na kaming maibibigay sa inyo, lumipas na ang pag-aani, natapos na ang pagliligtas, huli na kayo.” 

Basahin ang Apocalipsis 21:1–4 . Ano ang kahulugan dito ng pagsasalarawan sa pamamagitan ng pag-aasawa, at bakit ito ay puno ng pag-asa at pangako? Ano ang ating katiyakan sa pag-asang inihahayag sa mga talatang ito?

Sa Apocalipsis, ang bayan ng Diyos ay sinasabing mga panauhin sa paghapon ng kasalan. Kung sila'y mga panauhin, hindi sila maaaring kumatawan sa kasintahang babae. Si Cristo, ayon sa sinabi ng propetang si Daniel sa kabanata 7, ay tatanggap mula sa Matanda sa mga araw sa langit ng “kapangyarihan, at kaluwalhatian, at isang kaharian;” Kanyang tatanggapin ang Bagong Jerusalem, ang kabisera ng Kanyang kaharian, “na nahahandang gaya ng isang babaing kasintahan na nagagayakang talaga sa kaniyang asawa.” Pagkatanggap Niya ng kaharian, Siya'y darating sa Kanyang kaluwalhatian, bilang Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon, para sa pagtubos ng Kanyang bayan, na “magsisiupong kasama ni Abraham, at ni Isaac, at ni Jacob, sa kaharian, upang makibahagi sa paghapon ng kasalan ng Cordero.” – The Great Controversy, pp. 426, 427.

Biyernes, Abril 18

Karagdagang Kaisipan – Buod ng Aralin

Ang aral ay ipinakilala gamit ang mga imahe ng kasal o pagaasawa. “Sa parehong Lumang Tipan at Bagong Tipan, ang ugnayang kasal ay ginagamit upang ilarawan ang banal na pagsasama na umiiral sa pagitan ni Cristo at ng Kanyang bayan.” The Desire of Ages, page 151, paragraph 1

Ginagamit ng aral sa Linggo ang pagiging malapit ng mag-asawa sa kasal upang ipakita ang ugnayan ni Cristo sa Kanyang iglesia. “Ang kasal, ang isang unyon na panghabambuhay, ay simbolo ng unyon sa pagitan ni Cristo at ng Kanyang iglesia. Ang espiritu na ipinapakita ni Cristo sa iglesia ay ang espiritu na dapat ipakita ng mag-asawa sa isa't isa.” Counsels to Newlyweds, page 127, paragraph 1

Ang magandang kasintahang babae na binanggit sa pangitain ni Ezekiel sa aral ng Lunes ay “inilaan sa mga nagaangking Kristiyano na naghahangad ng pagkakaibigan ng mundo kaysa sa pabor ng Diyos.” The Great Controversy, page 382, paragraph 1

Ang aral ng Martes ay tumutukoy sa allegorical na propesiya ni Hosea at ang pagkawasak ng Babilonya. Sa ikalawang kabanata ni Hosea, isang kumpletong representasyon ng sambahayan ng Diyos ang ipinakita, kung saan tinawag ng Diyos ang asawa ni Hosea bilang Kanyang asawa at ang mga anak bilang Kanyang mga anak.

Ang aral ng Miyerkules ay tumatalakay kay Isaac at Rebecca, at ipinapakita ang maingat na pagpili ni Abraham ng asawa para kay Isaac na hindi mula sa mga Cananeo kundi mula sa kanyang angkan. “Walang sinuman na natatakot sa Diyos ang maaaring magkaugnay nang walang panganib sa isang hindi natatakot sa Kanya. ‘Makakalakad ba nang magkasama ang dalawa, maliban kung sila ay magkasundo?’ (Amos 3:3).” Choosing a Wife, page 57, paragraph 5

Ang aral ng Huwebes ay nagtatapos ng linggong pag-aaral na ukol sa hatol laban sa Babilonya at inihahambing naman sa taliwas na kalalagayan ng kasintahan ng Panginoon, ang Bagong Jerusalem.