Ang Diyos Ay Marubdob at Maawain

Liksyon 4, Unang Semestre Enero 18-24, 2025.

img rest_in_christ
Ibahagi ang Liksyong ito
Download PDF

Hapon ng Sabbath Enero 18

Talatang Sauluhin:

“Malilimutan ba ng babae ang kaniyang batang pasusuhin; na siya'y hindi mahahabag sa anak ng kaniyang bahay-bata? oo, ito'y makalilimot, nguni't hindi kita kalilimutan.” KJV - Isaias 49:15


“ Kung kayo nga, bilang mga tao at masasama, “ay marurunong mangagbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama sa kalangitan na magbibigay ng Espiritu Santo sa nagsisihingi sa kaniya?” Lucas 11:13 Ang Banal na Espiritu, ang kinatawan ng Kanyang sarili, ang pinakadakila sa lahat ng mga kaloob. Lahat ng “mabubuting bagay” ay nakapaloob dito. Ang Manlilikha mismo ay walang maibibigay na higit pa, walang mas mabuti pa. Kapag tayo’y naninikluhod sa Panginoon na maawa sa atin sa ating pagdurusa, at gabayan tayo ng Kanyang Banal na Espiritu, kailanman ay hindi Niya itataboy ang ating panalangin. Maaaring itakwil pa ng isang magulang ang kanyang gutom na anak, ngunit ang Diyos ay hindi kailanman tatanggihan ang daing ng pusong nangangailangan at nananabik. Sa napakagandang kahinahunan ay Kanyang inilalarawan ang Kanyang pag-ibig! Sa mga nasa kadiliman ng araw na nararamdaman na sila’y hindi iniisip ng Diyos, ito ang mensahe mula sa puso ng Ama: “sinabi ng Sion, Pinabayaan ako ni Jehova, at nilimot ako ng Panginoon. Malilimutan ba ng babae ang kaniyang batang pasusuhin; na siya'y hindi mahahabag sa anak ng kaniyang bahay-bata? oo, ito'y makalilimot, nguni't hindi kita kalilimutan. Narito aking inanyuan ka sa mga palad ng aking mga kamay; ang iyong mga kuta ay laging nangasa harap ko.” Isaias 49:14-16 . MB 132.1

“Bawat pangako sa salita ng Diyos ay nagbibigay sa atin ng paksa para sa panalangin, na inihaharap ang ipinangakong salita ng Jehovah bilang ating katiyakan. Anuman ang espirituwal na pagpapalang kailangan natin, ito’y ating pribilehiyong angkinin sa pamamagitan ni Jesus. Masasabi natin sa Panginoon, na may kasimplehan gaya ng isang bata, ang ating eksaktong pangangailangan. Maaari nating sabihin sa Kanya ang ating mga makalupang pangangailangan, hilingin sa Kanya ang tinapay at kasuotan, gayundin ang tinapay ng buhay at ang kasuutan ng katuwiran ni Cristo. Nalalaman ng inyong Amang nasa langit na kailangan ninyo ang lahat ng mga ito, at kayo’y inaanyayahang hilingin ang mga ito sa Kanya. Sa pangalan ni Jesus dumadaloy ang bawat pabor na tinatanggap. Pararangalan ng Diyos ang pangalang iyon, at bibigyan kayo ng inyong mga pangangailangan mula sa kayamanan ng Kanyang kagandahang-loob.” MB 133.1

Linggo, Enero 19

Higit Pa Sa Pag-ibig ng Isang Ina


Basahin ang Awit 103:13, Isaias 49:15, at Jeremias 31:20. Ano ang ipinahihiwatig ng mga paglalarawang ito tungkol sa likas at lalim ng pagkahabag ng Diyos?

“Tinatawag ni Jesus ang bawat naliligaw, “Anak ko, ibigay mo sa akin ang iyong puso.' [Kawikaan 23:26.] Kayo'y manumbalik, kayong nagsisitalikod na mga anak, aking pagagalingin ang inyong mga pagtalikod.' [Jeremias 3:22.] Ang kabataan ay hindi tunay na magiging maligaya kung wala ang pag-ibig ni Jesus. Siya’y naghihintay na may maawaing kahinahunan upang dinggin ang mga pagkukumpisal ng naliligaw at tanggapin ang kanilang pagsisisi. Tinitingnan Niya kung may anumang pagbalik ng pasasalamat mula sa kanila, gaya ng pagmamasid ng isang ina sa ngiti ng pagkilala mula sa kanyang minamahal na sanggol. Itinuturo sa atin ng dakilang Diyos na tawagin Siyang Ama. Nais Niyang maunawaan natin kung gaano kasidhi ang pananabik ng Kanyang puso para sa atin sa lahat ng ating mga pagsubok at tukso. Kung paanong ang ama ay naaawa sa kaniyang mga anak, gayon naaawa ang Panginoon sa kanilang nangatatakot sa kaniya.' [Awit 103:13.] Maaaring makalimutan ng ina ang kanyang anak, ngunit hindi kailanman makakalimutan ng Diyos ang sinumang nagtitiwala sa Kanya.” GW 209.2

“Makakalimutan ba ng Panginoon ang Kanyang bayan sa oras ng pagsubok na ito?" Nakalimutan ba Niya ang matapat na si Noe nang dumating ang mga hatol sa mundo sa pamamagitan ng baha? Nakalimutan ba Niya si Lot nang bumaba ang apoy mula sa langit upang puksain ang mga lungsod ng kapatagan? Nakalimutan ba Niya si Jose na napalibutan ng mga sumasamba sa diyus-diyosan sa Ehipto? Nakalimutan ba Niya si Elias nang ang sumpa ni Jezebel ay nagbanta sa kanya sa parehong sinapit ng mga propeta ni Baal? Nakalimutan ba Niya si Jeremias sa madilim at nakapanlulumong hukay ng kanyang bilangguan? Nakalimutan ba Niya ang tatlong matapat na lingkod sa nagliliyab na pugon? O si Daniel sa yungib ng mga leon?GC 626.2

“Nguni't sinabi ng Sion, Pinabayaan ako ni Jehova, at nilimot ako ng Panginoon. Malilimutan ba ng babae ang kaniyang batang pasusuhin; na siya'y hindi mahahabag sa anak ng kaniyang bahay-bata? oo, ito'y makalilimot, nguni't hindi kita kalilimutan. Narito aking inanyuan ka sa mga palad ng aking mga kamay.” [Isaias 49:14-16.] Sinabi ng Panginoon ng mga hukbo: “Sapagka't ang humihipo sa inyo, ay humihipo sa itim ng kaniyang mata.” [Zacarias 2:8.] GC 626.3

Bagama’t maaaring ipasok ng mga kaaway ang Kanyang bayan sa bilangguan, hindi kailanman mahahadlangan ng mga pader ng piitan ang ugnayan sa pagitan ng kanilang mga kaluluwa at ni Cristo. Siya na nakakakita ng kanilang bawat kahinaan, na nakakaalam ng bawat pagsubok, ay mas mataas kaysa sa lahat ng makalupang kapangyarihan; at ang mga anghel ay darating sa kanila sa kanilang mga nag-iisaang selda, magdadala ng liwanag at kapayapaan mula sa langit. Ang piitan ay magiging parang palasyo; sapagkat ang mayaman sa pananampalataya ay nananahan doon, at ang madilim na mga pader ay liliwanagan ng liwanag mula sa langit, tulad ng nang si Pablo at Silas ay nanalangin at umawit ng papuri sa hatinggabi sa piitan ng Filipos. GC 627.1

“Ang mga hatol ng Diyos ay dadalaw sa mga naglalayong apihin at puksain ang Kanyang bayan. Ang mahabang pagtitiis Niya sa masasama ay nagbibigay ng lakas ng loob sa mga tao sa pagsuway, ngunit ang kanilang kaparusahan ay tiyak at kakila-kilabot kahit na ito’y natagalan. “ang Panginoon ay babangon na gaya sa bundok ng Perasim, siya'y napopoot na gaya sa libis ng Gabaon; upang kaniyang magawa ang kaniyang gawain, ang kaniyang kakaibang gawain, at papangyarihin ang kaniyang gawain, ang kaniyang kakaibang gawain.” [Isaias 28:21.] Sa ating maawaing Diyos, ang gawaing pagpaparusa ay kakaibang gawain. “Buhay ako, sabi ng Panginoong Dios, wala akong kasayahan sa kamatayan ng masama.” [Ezekiel 33:11.] Ang Panginoon ay “puspos ng kahabagan at mapagkaloob, banayad sa pagkagalit, at sagana sa kaawaan at katotohanan, ... na nagpapatawad ng kasamaan, at ng pagsalangsang, at ng kasalanan.” Gayunman, “sa anumang paraan ay hindi Niya ituturing na walang sala ang nagkasala.” [Exodo 34:6, 7; Nahum 1:3.] Sa kakila-kilabot na paraan sa katuwiran, Kanyang ipagtatanggol ang kapamahalaan ng Kanyang niyurakang kautusan. Ang tindi ng parusa na naghihintay sa nagkasala ay maaaring masukat sa pag-aatubili ng Panginoon na isakatuparan ang hustisya. Ang bansang matagal Niyang pinagtiisan, at hindi Niya paparusahan hangga’t hindi nito napupuno ang sukat ng kasamaan sa talaan ng Diyos, ay sa huli ay iinom ng saro ng poot na walang halong awa.” GC 627.2

Lunes, Enero 20

Nakakasakit-ng-Loob na Pag-ibig


Basahin ang Oseas 11:1–9. Paano binibigyang-buhay ng mga inilarawan sa mga talatang ito ang pagmamahal at pag-mamalasakit ng Diyos para sa Kanyang bayan?

“ Maingat na pinakitunguhan ng Panginoon ang Israel sa kanilang paglaya mula sa pagkaalipin sa Egipto at sa kanilang paglalakbay patungo sa Lupang Pangako. “Sa lahat nilang kadalamhatian ay nagdadalamhati siya, at iniligtas sila ng anghel na nasa kaniyang harapan: sa kaniyang pagibig at sa kaniyang pagkaawa ay tinubos niya sila; at kaniyang kinilik sila at kinalong silang lahat noong araw.” Isaias 63:9 . PK 312.1

“Ako'y sasa iyo,” ang pangakong ibinigay sa panahon ng paglalakbay sa ilang. (Exodo 33:14). Ang katiyakang ito ay sinamahan ng kamangha-manghang kapahayagan ng likas ni Jehovah, na nagbigay-kakayahan kay Moises na ipahayag sa buong Israel ang kabutihan ng Diyos, at turuan sila nang lubos tungkol sa mga katangian ng kanilang di-nakikitang Hari. “At ang Panginoo'y nagdaan sa harap niya, na itinanyag, Ang Panginoon, ang Panginoong Dios na puspos ng kahabagan at mapagkaloob, banayad sa pagkagalit, at sagana sa kaawaan at katotohanan; Na gumagamit ng kaawaan sa libolibo, na nagpapatawad ng kasamaan, at ng pagsalangsang, at ng kasalanan: at sa anomang paraan ay hindi aariing walang sala ang salarin.” Exodo 34:6, 7 . PK 312.2

“Batay sa kanyang kaalaman sa mahabang pagtitiis ni Jehova at sa Kanyang walang hanggang pag-ibig at awa, ginawa ni Moises ang kahanga-hangang pagsusumamo para sa buhay ng Israel nang, sa hangganan ng Lupang Pangako, tumanggi silang sumunod sa utos ng Diyos. Sa kasagsagan ng kanilang paghihimagsik, idineklara ng Panginoon, “Aking sasaktan sila ng salot, at hindi ko sila pamamanahan” at iminungkahi Niyang gawin ang mga inapo ni Moises bilang “isang bansang malaki at matibay kay sa kanila.” (Mga Bilang 14:12). Ngunit ang propeta ay nanalangin para sa piniling bayan para sa mga kamangha-manghang probidensya at pangako ng Diyos. At sa huli, bilang pinakamakapangyarihan sa lahat ng pagsusumamo, inudyok niya ang pag-ibig ng Diyos para sa makasalanang sangkatauhan. Tingnan ang mga talata 17-19 . PK 312.3

“Maawain na tumugon ang Panginoon, “Aking pinatawad ayon sa iyong salita.”

Pagkatapos ay ibinigay Niya kay Moises sa anyo ng isang hula ang kaalaman tungkol sa Kanyang layunin patungkol sa huling tagumpay ng Israel. Ipinahayag Niya: “Tunay, na kung paanong ako'y buhay at kung paanong mapupuspos ng kaluwalhatian ng Panginoon ang buong lupa.” (Mga Bilang 14:20, 21). Ang kaluwalhatian ng Diyos, ang Kanyang likas, ang Kanyang maawain at mahinahong pag-ibig—ang mga ito na siyang idinalangin ni Moises para sa Israel—ay ihahayag sa lahat ng sangkatauhan. At ang pangakong ito ni Jehova ay ginawa pang mas tiyak; ito’y pinagtibay sa pamamagitan ng isang panunumpa. Habang ang Diyos ay nabubuhay at naghahari, ang Kanyang kaluwalhatian ay ipahahayag “sa mga bansa ang kagilagilalas niyang mga gawa sa lahat ng mga bayan.” Awit 96:3 . PK 313.1

“Patungkol sa hinaharap na katuparan ng hulang ito, narinig ni Isaias ang mga nagniningning na serapin na umaawit sa harap ng trono, “Ang buong lupa ay puno ng Kanyang kaluwalhatian.” (Isaias 6:3). Ang propeta, na may kumpiyansa sa katiyakan ng mga salitang ito, ay matapang ding nagpahayag sa mga yumuyuko sa mga imahe ng kahoy at bato, “Kanilang makikita ang kaluwalhatian ng Panginoon, ang karilagan ng ating Dios..” Isaias 35:2 .” PK 313.2

Martes, Enero 21

Ang Habag ni Jesus


Basahin ang Mateo 9:36, Mateo 14:14, Marcos 1:41, Marcos 6:34, at Lucas 7:13. Tingnan din ang Mateo 23:37. Paano binibigyang liwanag ng mga talatang ito ang paraan upang kilusin si Cristo dahil sa kalagayan ng mga tao ?

“Sa Kanyang pamamaalam na pag-uusap sa mga alagad noong gabi bago ang pagpapako sa krus, ang Tagapagligtas ay hindi bumanggit tungkol sa paghihirap na Kanyang dinanas at kailangang tiisin pa. Hindi Niya sinabi ang tungkol sa kahihiyan na nasa Kanyang harapan, kundi sinikap Niyang ibaling ang kanilang isipan sa mga bagay na magpapalakas ng kanilang pananampalataya, upang kanilang tingnan ang mga kagalakan na naghihintay sa magtatagumpay. Siya’y nagalak sa kamalayang Siya’y makakagawa at gagawa ng higit pa para sa Kanyang mga tagasunod kaysa sa Kanyang ipinangako; na mula sa Kanya ay dadaloy ang pag-ibig at habag, lilinisin ang templo ng kaluluwa, at gagawing katulad Niya sa pagkatao; na ang Kanyang katotohanan, na pinatibay ng kapangyarihan ng Espiritu, ay magtatagumpay sa lahat ng dako.” AA 23.1

“Ang gawaing magtamo ng kaligtasan ay isang pagtutulungan, isang pinagsamang operasyon. Dapat magkaroon ng kooperasyon sa pagitan ng Diyos at ng nagsisising makasalanan. Ito ay mahalaga para sa pagkakaroon ng tamang mga prinsipyo sa pagkatao. Ang tao ay kailangang magsikap nang buong puso upang malampasan ang mga balakid sa pag-abot sa kasakdalan. Subalit siya’y lubos na umaasa sa Diyos para sa tagumpay. Ang pagsisikap ng tao lamang ay hindi sapat. Kung wala ang tulong ng banal na kapangyarihan, ito’y walang kabuluhan. Gumagawa ang Diyos at gumagawa ang tao. Ang paglaban sa tukso ay dapat manggaling sa tao, na kailangang kumuha ng kanyang kapangyarihan mula sa Diyos. Sa isang panig ay naroroon ang walang-hanggang karunungan, habag, at kapangyarihan; sa kabila naman, kahinaan, makasalanan, at lubos na kawalang magawa.” AA 482.2

“Hindi ipinangako ni Jesus sa Kanyang mga tagasunod ang pag-asa ng pag-abot sa kaluwalhatian at kayamanan sa lupa, o ng pamumuhay na walang pagsubok. Sa halip, tinatawag Niya sila na sumunod sa Kanya sa landas ng pagtanggi sa sarili at kahihiyan. Siya na dumating upang tubusin ang sanlibutan ay hinarap ng pinagsanib na pwersa ng kasamaan. Sa isang di-magandang pagsasanib, ang masasamang tao at masasamang anghel ay nagkaisa laban sa Prinsipe ng Kapayapaan. Ang bawat salita at gawa Niya ay nagpakita ng banal na habag, at ang Kanyang hindi pagkakatulad sa sanlibutan ay nag-udyok ng pinakamapait na pagkapoot.” AA 576.1

“Datapuwa't kung hindi ninyo ipatawad sa mga tao ang kanilang mga kasalanan, ay hindi rin naman kayo patatawarin ng inyong Ama ng inyong mga kasalanan.” Mateo 6:15. “Walang anumang makapagpapawalang-sala sa di-mapagpatawad na espiritu. Siya na walang awa sa iba ay nagpapakita na siya mismo ay hindi kabahagi ng nagpapatawad na biyaya ng Diyos. Sa pagpapatawad ng Diyos, ang puso ng nagkasala ay nalalapit sa dakilang puso ng Walang Hanggang Pag-ibig. Ang daloy ng banal na habag ay bumabaha sa kaluluwa ng makasalanan, at mula sa kanya’y umaabot ito sa mga kaluluwa ng iba. Ang kahinahunan at awa na inihayag ni Cristo sa Kanyang sariling pamumuhay ay makikita sa mga naging kabahagi ng Kanyang biyaya. Subalit ‘kung ang sinoma'y walang Espiritu ni Cristo, siya'y hindi sa kaniya..’" Roma 8:9. “Siya’y hiwalay sa Diyos, angkop lamang para sa walang-hanggang pagkahiwalay sa Kanya:” COL 251.1

Miyerkules, Enero 22

Isang Mapanibughuing Diyos?


Ipinahayag ng 1 Corinto 13:4 na “ang pag-ibig ay hindi naninibugho” (RSV). Kung gayon, paano na ang Diyos ay isang “mapanibughuing Diyos”? Basahin ang 2 Corinto 11:2 at isaalang-alang kung paano hindi naging tapat sa Kanya ang bayan ng Diyos sa buong kasaysayan ng Bibliya ( tingnan, halimbawa, Awit 78:58 ). Anong liwanag ang ibinibigay ng mga talatang ito para maunawaan ang banal na "panibugho" ?

“Dakila ang sakripisyong ginawa ni Cristo upang tubusin ang Kanyang bayan; dakila rin ang mga pribilehiyong inihanda para sa atin sa ebanghelyo. Ang kaukulang sigasig at debosyon ay kinakailangan mula sa atin bilang ganti. Ang dakilang apostol ay sumulat sa kanyang mga kapatid sa Corinto, ‘Sapagka't ako'y naninibugho tungkol sa inyo ng panibughong ukol sa Dios: sapagka't kayo'y aking pinapagasawa sa isa, upang kayo'y maiharap ko kay Cristo na tulad sa dalagang malinis. Nguni't ako'y natatakot, baka sa anomang paraan, kung paanong si Eva ay nadaya ng ahas sa kaniyang katusuhan, ang inyong walang malay at malinis na mga pagiisip na kay Cristo ay pasamain.” At muli niyang sinabi sa kanila, ‘Kayo nga'y magsitulad sa Dios, na gaya ng mga anak na minamahal,’ at ‘na kayo'y magsilakad ng nararapat sa pagkatawag na sa inyo'y itinawag,’ ‘at magsipamunga sa bawa't gawang mabuti, at magsilago sa kaalaman ng Dios.’ Ngunit nasaan ang pagiging simple at masigasig na kabanalan na dapat makita sa mga nagsasabing sila’y tagasunod ng napakadakilang propesyon? Gaano karaming masusing pag-iisip at pag-aaral ang inilalaan upang tularan ang karakter ni Cristo? Paano ito maihahambing sa atensyon at interes na ibinibigay sa ating makalupa at pansamantalang mga gawain? RH Hunyo 13, 1882, par. 7

“Hayaang ang mga salita ni Cristo ay dumating sa mga mahilig sa sanlibutan na nagpapanggap na maka-Diyos, ‘Malibang kayo'y magsipanumbalik, at maging tulad sa maliliit na bata, sa anomang paraan ay hindi kayo magsisipasok sa kaharian ng langit. Sinoman ngang magpakababa na gaya ng maliit na batang ito, ay siyang pinakadakila sa kaharian ng langit. Sinomang hindi tumanggap ng kaharian ng Dios na gaya ng isang maliit na bata, ay hindi siya papasok doon sa anomang paraan.’ Dapat nating turuan ang ating mga anak ng mga aral ng pagiging simple at pagtitiwala. Dapat nating ituro sa kanila na mahalin, igalang, at sundin ang kanilang Manlilikha. Sa lahat ng mga plano at layunin ng buhay, ang Kanyang kaluwalhatian ang dapat na unahin; ang Kanyang pag-ibig ang dapat maging pangunahing motibo ng bawat aksyon. RH Hunyo 13, 1882, par. 8

“Ang karunungan ng sanlibutan, talino, at pagsasanay sa pag-iisip ay hindi magbibigay ng kaalaman na kinakailangan para makapasok sa kaharian ni Cristo. Ang matatalino sa mundong ito ay hindi makakaunawa nito. Ang karunungan ng sanlibutan ay kahangalan sa harapan ng Diyos. RH Hunyo 13, 1882, par. 9

Huwebes , Enero 23

Mahabagin at Masintahin


Basahin ang 1 Corinto 13:4–8. Sa anong mga paraan nananawagan sa atin ang talatang ito na ipakita ang mahabagin at kamangha-manghang pag-ibig ng Diyos sa ating pakikipag-ugnayan sa iba ?

“Kahit gaano pa kataas ang propesyon, ang taong ang puso ay hindi napupuno ng pag-ibig sa Diyos at sa kanyang kapwa-tao ay hindi tunay na alagad ni Cristo. Kahit siya’y magkaroon ng malaking pananampalataya at kapangyarihan upang gumawa ng mga himala, kung wala siyang pag-ibig, ang kanyang pananampalataya ay walang halaga. Maaari siyang magpakita ng pagiging mapagbigay; ngunit kung sa ibang layunin maliban sa tunay na pag-ibig niya ibigay ang lahat ng kanyang ari-arian upang pakainin ang mga dukha, ang gawaing iyon ay hindi magbibigay sa kanya ng pabor sa Diyos. Sa kanyang kasigasigan, maaari pa siyang mamatay bilang martir, ngunit kung hindi siya pinakikilos ng pag-ibig, siya ay ituturing ng Diyos bilang isang nalinlang na panatiko o isang mapagkunwari. AA 318.2

“Ang pagibig ay mapagpahinuhod, at magandang-loob; ang pagibig ay hindi nananaghili; ang pagibig ay hindi nagmamapuri, hindi mapagpalalo.” Ang purong kagalakan ay nagmumula sa pinakamalalim na pagkahamak. Ang pinakamalakas at pinakamarangal na mga karakter ay itinayo sa pundasyon ng pagtitiyaga, pagmamahal, at pagpapasakop sa kalooban ng Diyos. AA 319.1

“Ang pag-ibig ay “hindi naguugaling mahalay, hindi hinahanap ang kaniyang sarili, hindi nayayamot, hindi inaalumana ang masama.” Ang pag-ibig na tulad ni Cristo ay naglalagay ng pinakamabuting kahulugan sa mga motibo at gawa ng iba. Hindi nito kinakailangang ilantad ang kanilang mga kamalian; hindi ito sabik makinig sa mga di-kanais-nais na balita, kundi hinahanap ang maganda at mabuting katangian ng iba. AA 319.2

“Ang pag-ibig ay “hindi nagagalak sa kalikuan, kundi nakikigalak sa katotohanan; Lahat ay binabata, lahat ay pinaniniwalaan, lahat ay inaasahan, lahat ay tinitiis. Ang pag-ibig na ito 'ay hindi nawawalan ng halaga.' Hindi kailanman mawawala ang kabuluhan nito; ito ay isang makalangit na katangian. Bilang isang mahalagang kayamanan, ito’y dadalhin ng may-ari nito sa pintuan ng lungsod ng Diyos. AA 319.3

“Datapuwa't ngayo'y nanatili ang tatlong ito: ang pananampalataya, ang pagasa, at ang pagibig; nguni't ang pinakadakila sa mga ito ay ang pagibig.” AA 319.4

“Ngunit ayaw ng Diyos na ang mayayaman o mahihirap ay mag-isip na Siya ay umaasa sa kanila, ni akalain na ang kanilang pagiging mapagbigay ay maaaring punan ang mga kakulangan sa Kristiyanong pagkatao. Ang pagiging mapagbigay ay isa lamang sa mga katangian ng isang Kristiyano. Sabi ng inspiradong apostol, “At kung ipagkaloob ko ang lahat ng aking mga tinatangkilik upang ipakain sa mga dukha, at kung ibigay ko ang aking katawan upang sunugin, datapuwa't wala akong pagibig, ay walang pakikinabangin sa akin.” Ganito ang paglalarawan sa pag-ibig: “Ang pagibig ay mapagpahinuhod, at magandang-loob; ang pagibig ay hindi nananaghili; ang pagibig ay hindi nagmamapuri, hindi mapagpalalo. Hindi naguugaling mahalay, hindi hinahanap ang kaniyang sarili, hindi nayayamot, hindi inaalumana ang masama; Hindi nagagalak sa kalikuan, kundi nakikigalak sa katotohanan; Lahat ay binabata, lahat ay pinaniniwalaan, lahat ay inaasahan, lahat ay tinitiis. Ang pagibig ay hindi nagkukulang kailan man.” Ang karakter ng isang punong kahoy na nagbubunga ng lahat ng mga ito ay madaling makilala. Sapagkat 'sa kanilang mga bunga ay makikilala ninyo sila.' Bilang mga tagasunod ni Jesu-Cristo, dapat tayong maging gising at matalino upang makilala ang mga panlilinlang ni Satanas. Ibinigay sa atin ng Diyos ang Kanyang salita bilang gabay upang ituro ang ating daan patungo sa walang hanggang dalampasigan. Sa tulong ng Biblia bilang ating patnubay, at ang ating sariling pangangatwiran na pinatibay ng mahigpit na pagtitimping mga gawi, maipapakita natin na tayo ay mga lingkod ng Panginoon na may mga tungkuling dapat gampanan at mga walang hanggang interes na kailangang ingatan.” RH Oktubre 31, 1878, par. 11

Biyernes, Enero 24

Karagdagang Kaisipan

“ Kay Cristo matatagpuan ang lambing ng isang pastol, ang pagmamahal ng isang magulang, at ang walang katulad na biyaya ng isang mahabaging Tagapagligtas. Ang Kanyang mga pagpapala ay inihahayag Niya sa pinaka-kaakit-akit na paraan. Hindi Siya nasisiyahan na basta lamang ipahayag ang mga pagpapalang ito; inihahayag Niya ang mga ito sa pinaka-kaakit-akit na paraan upang pukawin ang hangaring makamtan ang mga ito. Gayundin, ang Kanyang mga lingkod ay dapat maghayag ng kayamanan ng kaluwalhatian ng hindi masusukat na Kaloob. Ang kamangha-manghang pag-ibig ni Cristo ang magpapalambot at magpapasuko sa mga puso, samantalang ang paulit-ulit na pagpapahayag ng mga doktrina lamang ay walang magagawa.

“Inyong aliwin, inyong aliwin ang aking bayan, sabi ng inyong Dios.” “Oh ikaw na nagsasabi ng mga mabuting balita sa Sion, sumampa ka sa mataas na bundok; Oh ikaw na nagsasabi ng mga mabuting balita sa Jerusalem, ilakas mo ang iyong tinig na may kalakasan; ilakas mo, huwag kang matakot; sabihin mo sa mga bayan ng Juda, Tingnan ang inyong Dios!... Kaniyang papastulin ang kaniyang kawan, na gaya ng pastor, kaniyang pipisanin ang mga kordero sa kaniyang kamay, at dadalhin sila sa kaniyang sinapupunan.' (Isaias 40:1, 9-11)

Ipahayag ninyo sa mga tao ang tungkol sa Kanya na 'pinakamainam sa sampung libo,' at Siya na 'lubos na kaibig-ibig.' (Awit ni Solomon 5:10, 16) Hindi kayang ipahayag ng mga salita lamang ang lahat ng ito. Hayaan itong masalamin sa pagkatao at mahayag sa buhay. Si Cristo ay nakaupo upang ilarawan ang Kanyang larawan sa bawat alagad. Ang bawat isa ay itinakda ng Diyos upang 'maihubog ayon sa larawan ng Kanyang Anak.' (Roma 8:29) Sa bawat isa, ang matiyagang pag-ibig ni Cristo, ang Kanyang kabanalan, kahinahunan, awa, at katotohanan ay dapat maipahayag sa mundo.” DA 826.3