“Ang Panginoon mong Dios ay nasa gitna mo, na makapangyarihan na magliligtas; siya'y magagalak dahil sa iyo na may kagalakan; siya'y magpapahinga sa kaniyang pagibig; siya'y magagalak sa iyo na may pagawit. KJV - Zephanias 3:17
“Bakit tayo nananatiling tahimik tungkol sa kabutihan ng Panginoon? Bakit napakakaunti ng papuri at pasasalamat? Paano kaya tinitingnan ng langit ang ating kawalan ng pasasalamat na tila parang sumpong ng mga magagaliting bata? Ang buong kalangitan ay interesado sa ating kaligtasan. Ang Panginoon Diyos mismo ang ating tulong. “Umawit ka, Oh anak na babae ng Sion; humiyaw ka; Oh Israel; ikaw ay matuwa at magalak ng buong puso, Oh anak na babae ng Jerusalem.” “Ang Panginoon mong Dios ay nasa gitna mo, na makapangyarihan na magliligtas; siya'y magagalak dahil sa iyo na may kagalakan; siya'y magpapahinga sa kaniyang pagibig; siya'y magagalak sa iyo na may pagawit.” Ito ang patotoong nais ng Panginoon na ating dalhin sa sanlibutan.” RH May 22, 1900, par. 7
“Ang ganitong patotoo ay magkakaroon ng impluwensya sa iba. Sa pagsisikap na akayin ang mga tao mula sa kanilang mga pagkakamali, kailangan nating ipakita sa kanila na mayroon tayong mas makabubuti. Kung mas higit ang kagalakan na makikita sa ating karanasang panrelihiyon, mas magiging maganda ang impresyong tatatak sa kanila. Makikita ng mga di-mananampalataya ang ating hindi natitinag na pananampalataya. Kung pupurihin natin ang pangalan ng Diyos tulad ng nararapat, ang alab ng pag-ibig ay mag-aalab sa maraming puso.” RH May 22, 1900, par. 8
Basahin ang Lucas 15:11–32. Ano ang inihahayag ng talinghaga ng alibughang anak tungkol sa habag at pagmamahal ng Diyos? Anong babala ang ibinibigay nito para sa mga taong, tulad ng isang anak na lalaki, ay nanatili sa bahay ?
Ang kwento ay tungkol sa dalawang anak sa isang pamilya. Ang panganay ay piniling manatili sa tahanan, ngunit ang bunso ay piniling umalis. At alam natin kung ano ang nangyari pagkatapos: inaksaya ng bunsong anak ang lahat ng kanyang kayamanan sa makamundong pamumuhay.
Tiyak na alam na ng ama na ang kanyang anak ay patungo sa kahirapan. Mahal niya ito at nais niya sanang iligtas ang kabataan mula sa kahihiyan, kalungkutan, at mabibigat na pagsubok na kanyang haharapin. Ang katotohanan na kaniyang sinalubong ang anak sa pagbabalik nito bagaman siya ay nasa malayo pa at naghanda ng isang piging para sa kanya kahit na naaksaya niya ang kayamanan ng ama at napahiya ang pangalan ng pamilya ay sapat na patunay na mahal na mahal siya ng ama. Siya ay pinahintulutan lamang na umalis dahil walang ibang makakapagpapaunawa sa kanyang kamalian at magpapatunay sa pagmamahal ng ama maliban sa kanyang sariling karanasan.
Ano ang nagtulak sa bata na ayawan ang pananatili sa tahanan? – Ito ay ang kanyang hangaring mamuhay nang makamundo. Walang sinumang bata sa parehong kalagayan ang tumatakas sa tahanan maliban na lamang sa pagnanais na magkaroon ng kalayaan at maisagawa ang pamumuhay na nais niya at upang gawin ang anumang naisin ng makasalanang puso.
Sa huli ay napagtanto niya na siya’y nagpakahangal, kaya’t nagsimula siyang magagam-agam tungkol sa pagbabalik sa tahanan, na nagsasabing, “Ilang mga alilang upahan ng aking ama ang may sapat at lumalabis na pagkain, at ako rito'y namamatay ng gutom? Ngunit, ano ang sasabihin ko kapag ako’y pumaroon?” Nang matauhan siya, napagtanto niyang dapat niyang sabihin ang tamang mga salita, mga salitang magbibigay-papuri sa Langit gayundin sa lupa.
Kung sinunod lamang ng batang iyon ang payo ng kanyang ama mula sa simula, hindi sana siya nagdusa ng ganitong kahihiyan. At anong kahihiyan nga! At anong aral din, hindi lamang para sa mga kabataan, kundi pati na rin sa mga matatanda. Oo, libo-libo, bata man o matanda, ang natututo ng mga mahahalagang aral, ngunit kadalasan, nagbabayad sila ng napakalaking halaga dahil patuloy silang nakikinig sa mga panlilinlang ng Diablo. Bakit kaya napakadali silang matangay ng kanyang mga tukso? – Sapagkat ang kanyang mga pain ay kaakit-akit sa makasarili at makasalanang likas ng tao.
Ang kahihiyan na sinapit ng alibughang anak ay ang naghihintay sa lahat ng kabataan na hindi nakikinig sa payo ng nakatatanda, at sa lahat ng matatanda na hindi tinatanggap ang payo ng Panginoon. Ito ay isa sa mga batas ng Diyos na walang sinuman ang makaiiwas.
“Ang pag-ibig ng Diyos ay patuloy na nananabik sa sinumang piniling humiwalay sa Kanya, at Kanyang pinakikilos ang mga impluwensya upang maibalik siya sa bahay ng Ama. Sa kanyang paghihirap, ‘natauhan’ ang alibughang anak. Ang mapanlinlang na kapangyarihan na ginamit ni Satanas sa kanya ay nawasak. Nakita niya na ang kanyang pagdurusa ay bunga ng kanyang sariling kahangalan, at sinabi niya, “Ilang mga alilang upahan ng aking ama ang may sapat at lumalabis na pagkain, at ako rito'y namamatay ng gutom! Magtitindig ako at paroroon sa aking ama.” Sa kanyang miserableng kalagayan, nakatagpo ang alibugha ng pag-asa sa kanyang paniniwala sa pag-ibig ng kanyang ama. Ang pag-ibig na iyon ang umakay sa kanya pabalik sa tahanan. Gayundin, ang kabutihan ng Dios ay siyang umaakay sa iyo sa pagsisisi.” Roma 2:4 . Ang isang gintong tanikala, ang awa at habag ng banal na pag-ibig, ay ipinapasa sa paligid ng bawat kaluluwang nanganganib. Ipinahayag ng Panginoon, “Inibig kita ng walang hanggang pagibig: kaya't ako'y lumapit sa iyo na may kagandahang-loob..” Jeremias 31:3 . COL 202.1
“Ang anak ay nagpasyang ipahayag ang kanyang kasalanan. Pupunta siya sa kanyang ama, at nagsabing, ‘Nagkasala ako laban sa langit, at sa iyong paningin: Hindi na ako karapatdapat na tawaging anak mo: gawin mo akong tulad sa isa sa iyong mga alilang upahan.’ Ang karadagang pahayag na ito ay nagpapakita kung gaano kaliit ang kanyang pagkaunawa sa pag-ibig ng kanyang ama.” COL 202.2
“Huwag makinig sa mungkahi ng kaaway na manatiling malayo kay Cristo hangga’t hindi mo napapabuti ang iyong sarili; hangga’t hindi ka sapat upang lumapit sa Diyos. Kung hihintaying mangyari muna ang mga bagay na ito, hindi ka kailanman makakalapit. Kapag itinuro ni Satanas ang iyong maruming damit, ulitin ang pangako ni Jesus, “Ang lumalapit sa akin sa anomang paraan ay hindi ko itataboy.” Juan 6:37. Sabihin sa kaaway na ang dugo ni Jesu-Cristo ay naglilinis sa lahat ng kasalanan. Isabuhay ang panalangin ni David, “Linisin mo ako ng hisopo, at ako'y magiging malinis: hugasan mo ako at ako'y magiging lalong maputi kay sa nieve.” Awit 51:7 . COL 205.2
“Bumangon ka at pumunta ka sa iyong Ama. Makikilala ka niya buhat sa malayo. Kung gagawa ka ng kahit isang hakbang patungo sa Kanya sa pagsisisi, mabilis ka Niyang yayakapin sa Kanyang mga bisig ng walang hanggang pagmamahal. Bukas ang kanyang tainga sa sigaw ng nagsisising kaluluwa. Ang pinakaunang samo sa Diyos ay nakikilala Niya. Kailanman ay hindi nag-aalay ng panalangin, gaano man kabagbag-damdamin, walang luhang ibinuhos, gaano man kalihim, hindi kailanman isang taos-pusong pagnanais na mahalin ang Diyos, gaano man kahina, ngunit ang Espiritu ng Diyos ay lumalabas upang tanggapin ito. Bago pa man bigkasin ang panalangin o maipahayag ang pananabik ng puso, ang biyaya mula kay Cristo ay lumalabas upang salubungin ang biyaya na gumagawa sa kaluluwa ng tao.” COL 206.1
Basahin ang Zephanias 3:17. Paano binibigyang liwanag ng talatang ito ang talinghaga ng alibughang anak ?
“ Kapag inihahayag ng mga sugo ni Cristo ang ebanghelyo sa kasimplehan nito, at ang mga nakikinig ay tumutugon sa salitang ipinahayag, walang mas nakalulugod sa puso ng Walang Hanggang Pag-ibig kaysa sa makita ang mga kaluluwang ito na lumalapit sa Kanya, ipinapahayag ang kanilang mga kasalanan at pinapakita ang kanilang pananampalataya; Siya’y nalulugod na ibahagi sa kanila ang Kanyang katuwiran. At ang mga anghel ay nagagalak kapag nakikita nilang ang mga puso ay bukas upang tanggapin ang liwanag, kapatawaran, at pag-ibig. Kapag ang pasasalamat ay nangibabaw mula sa mga puso ng makatao, ang mga makalangit na nilalang ay umaawit ng papuri. Inilalarawan ng propetang si Zephanias ang kagalakan ni Cristo sa kaligtasan ng isang nawawalang kaluluwa: “Ang Panginoon mong Dios ay nasa gitna mo, na makapangyarihan na magliligtas; siya'y magagalak dahil sa iyo na may kagalakan; siya'y magpapahinga sa kaniyang pagibig; siya'y magagalak sa iyo na may pagawit.” RH May 29, 1900, par. 10
“Ang buong langit ay interesado sa ating kaligtasan. Ang mga anghel ng Diyos, libu-libo, at sangpung libong tigsasangpung libo, ay inatasan upang maglingkod sa mga magmamana ng kaligtasan. Binabantayan nila tayo laban sa kasamaan, at pinipigilan ang mga kapangyarihan ng kadiliman na nagsisikap na sirain tayo. SW Marso 10, 1908, par. 8
“Ang Panginoon mismo ang ating tulong. “Umawit ka, Oh anak na babae ng Sion; humiyaw ka; Oh Israel; ikaw ay matuwa at magalak ng buong puso, Oh anak na babae ng Jerusalem. Ang Panginoon mong Dios ay nasa gitna mo, na makapangyarihan na magliligtas; siya'y magagalak dahil sa iyo na may kagalakan; siya'y magpapahinga sa kaniyang pagibig; siya'y magagalak sa iyo na may pagawit.” Zefanias 3:14, 17 . Ito ang patotoong nais ng Panginoon na ihayag natin sa mundo. Ang papuri sa Kanya ay dapat na patuloy na nasa ating mga puso at sa ating mga labi.” TK Marso 10, 1908, par. 9
Basahin ang Efeso 5:25–28. Ano ang sinasabi nito tungkol sa uri ng pag-ibig na ninanais na maipakita sa pamamagitan natin ?
“Ang espiritung ipinapakita ni Cristo sa atin ay ang espiritung dapat ipakita ng mag-asawa sa isa’t isa. ‘Kung paanong inibig din tayo ni Cristo,’ ‘lumakad kayo sa pag-ibig.’ ‘Datapuwa't kung paanong ang iglesia ay nasasakop ni Cristo, ay gayon din naman ang mga babae ay pasakop sa kani-kaniyang asawa sa lahat ng mga bagay. Mga lalake, ibigin ninyo ang inyo-inyong asawa, gaya naman ni Cristo na umibig sa iglesia, at ibinigay ang kaniyang sarili dahil sa kaniya.” Efeso 5:2, 24, 25 .” MH 361.4
Basahin ang Isaias 43:4; Awit 149:4; at Kawikaan 15:8, 9. Ano ang sinasabi nito sa atin tungkol sa pagkalugod ng Diyos sa Kanyang bayan ?
“ Tungkol sa kaugnayan ni Cristo sa Kanyang bayan, mayroong isang magandang paglalarawan sa mga batas na ibinigay sa Israel. Kapag ang isang Hebreo ay napilitang ipagbili ang kanyang mana at sarili bilang alipin dahil sa kahirapan, ang tungkulin ng pagtubos sa kanya at sa kanyang mana ay napupunta sa pinakamalapit niyang kamag-anak. Tingnan ang Levitico 25:25, 47-49; Ruth 2:20. Gayundin, ang gawain ng pagtubos sa atin at sa ating mana na nawala dahil sa kasalanan ay napunta sa Kanya na " kamag-anak na malapit" natin. Upang tayo’y matubos, Siya'y naging ating kamag-anak. Mas malapit pa kaysa sa ama, ina, kapatid, kaibigan, o minamahal ang Panginoon na ating Tagapagligtas. “Huwag kang matakot,” sabi Niya, “sapagka't tinubos kita; tinawag kita sa iyong pangalan, ikaw ay akin.” “Yamang ikaw ay naging mahalaga sa aking paningin, at kagalanggalang, at aking inibig ka; kaya't magbibigay ako ng mga tao na pinakatubos sa iyo, at ng mga bayan na pinakatubos sa iyong buhay.” Isaias 43:1, 4 .” DA 327.3
“Iniibig ni Cristo ang mga nilalang sa kalangitan na nakapaligid sa Kanyang trono; ngunit ano ang dahilan ng dakilang pag-ibig na Kanyang ipinadama sa atin? Hindi natin ito lubos na maunawaan, ngunit maaari natin itong maranasan. At kung talagang kinikilala natin ang ating kaugnayan sa Kanya, anong uri ng kahinahunan at malasakit ang dapat nating ipakita sa mga kapatid nating lalaki at babae sa Panginoon! Hindi ba dapat nating agad kilalanin ang mga pananagutan ng ating banal na ugnayan? Yamang tayo’y inampon sa pamilya ng Diyos, hindi ba natin dapat parangalan ang ating Ama at ang ating mga kamag-anak?” DA 327.4
“Madalas na ang militanteng iglesia ay dumaraan sa pagsubok at kapighatian; sapagkat kailangan ang matinding pakikibaka bago magtagumpay ang iglesia. “Ang tinapay ng kasakunaan,” “tubig ng kadalamhatian” (Isaias 30:20), ito ang karaniwang bahagi ng lahat; ngunit wala ni isa na nagtitiwala sa Makapangyarihang Tagapagligtas ang hindi makakakaya. “Ganito ang sabi ng Panginoon na lumalang sa iyo, Oh Jacob, at naganyo sa iyo, Oh Israel, Ikaw ay huwag matakot, sapagka't tinubos kita; tinawag kita sa iyong pangalan, ikaw ay akin. Pagka ikaw ay dumaraan sa tubig, ako'y sasaiyo; at sa mga ilog ay hindi ka tatakpan niyaon: pagka ikaw ay lumalakad sa apoy, hindi ka masusunog; o magniningas man ang alab sa iyo. Sapagka't ako ang Panginoon mong Dios, ang Banal ng Israel, ang Tagapagligtas sa iyo; aking ibinigay na pinakatubos sa iyo ang Egipto, ang Etiopia at ang Seba. Yamang ikaw ay naging mahalaga sa aking paningin, at kagalanggalang, at aking inibig ka; kaya't magbibigay ako ng mga tao na pinakatubos sa iyo, at ng mga bayan na pinakatubos sa iyong buhay. Isaiah 43:1-4.” PK 723.1
Basahin ang Roma 8:1 at Roma 5:8. Ano ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa ating katayuan sa harap ng Diyos ?
“Samantalang ang buhay ng Kristiyano ay magkakaroon ng katangian ng pagpapakumbaba, hindi ito mababalot ng kalungkutan at pagpapababa sa sarili. Pribilehiyo ng bawat isa na mamuhay sa paraang kalugud-lugod at pinagpapala ng Diyos. Hindi kalooban ng ating Amang nasa langit na tayo'y palaging nasa ilalim ng pagkondena at kadiliman. Walang patunay ng tunay na pagpapakumbaba sa pagyuko ng ulo at pagpuno ng puso ng mga makasariling kaisipan. Maaari tayong lumapit kay Jesus upang malinis at tumayo sa harap ng kautusan nang walang kahihiyan at pagsisisi. “Ngayon nga'y wala nang anomang hatol sa mga na kay Cristo Jesus.” Roma 8:1 .” GC 477.2
“Si Cristo ang Kamahalan ng langit; at gayunman, masdan Siya na namatay kapalit ng tao. Anong pag-ibig ito! ‘Sapagka't nang tayo ay mahihina pa ay namatay si Cristo sa kapanahunan dahil sa mga masama. Sapagka't ang isang tao'y bahagya nang mamatay dahil sa isang taong matuwid: bagama't dahil sa isang taong mabuti marahil ay may mangangahas mamatay. Datapuwa't ipinagtatagubilin ng Dios ang kaniyang pagibig sa atin, na nang tayo'y mga makasalanan pa, si Cristo ay namatay dahil sa atin.” ST November 24, 1890, par. 3
Basahin ang 1 Pedro 2:4–6 at ihambing ito sa Hebreo 11:6. Ano ang sinasabi nito sa atin kung paano tayo magiging kalugud-lugod sa Diyos ?
“Sa ibabaw ng buhay na batong ito, ang mga Judio at Hentil ay maaaring magtayo. Ito lamang ang pundasyong maaring pagtibayan nang may katiyakan. Sapat ang lawak nito para sa lahat at matatag upang dalhin ang bigat ng buong mundo. Sa pamamagitan ng pakikipag-ugnay kay Cristo, ang buhay na bato, lahat ng nagtatayo sa pundasyong ito ay nagiging buhay na mga bato. Maraming tao ang nagpapakasipag upang ihulma, pakinisin, at pagandahin ang kanilang sarili; subalit hindi sila maaaring maging ‘buhay na mga bato’ dahil hindi sila konektado kay Cristo. Kung wala ang koneksyong ito, walang taong maliligtas. Kung wala ang buhay ni Cristo sa atin, hindi natin mapapanagumpayan ang mga unos ng tukso. Ang ating walang hanggang kaligtasan ay nakasalalay sa pagtatayo sa matatag na pundasyon. Marami ngayon ang nagtatayo sa mga pundasyong hindi nasubok. Kapag bumagsak ang ulan, nagngalit ang unos, at dumating ang baha, ang kanilang bahay ay babagsak dahil hindi ito nakatayo sa walang hanggang Bato, si Cristo Jesus, ang punong batong panulok. ” DA 599.4
“Kung walang pananampalataya ay hindi maaaring maging kalugodlugod sa kaniya; sapagka't ang lumalapit sa Dios ay dapat sumampalatayang may Dios, at siya ang tagapagbigay ganti sa mga sa kaniya'y nagsisihanap.” Marami sa Kristiyanong mundo ang nagsasabing sapat na ang pananampalataya para sa kaligtasan; hindi mahalaga ang mga gawa, pananampalataya lamang ang kailangan. Ngunit sinasabi ng salita ng Diyos na ang pananampalataya na walang mga gawa, ay patay sa kaniyang sarili. Marami ang tumatangging sumunod sa mga utos ng Diyos, subalit nagbibigay sila ng malaking pagpapahalaga sa pananampalataya. Subalit ang pananampalataya ay dapat may pundasyon. Ang mga pangako ng Diyos ay laging may kondisyon. Kung susundin natin ang Kanyang kalooban, kung lalakad tayo sa katotohanan, maari nating hingin ang anuman at ito'y mangyayari. Habang taimtim tayong nagsusumikap na maging masunurin, pakikinggan ng Diyos ang ating mga dalangin; ngunit hindi Niya tayo pagpapalain sa ating pagsuway. Kung pipiliin nating sumuway sa Kanyang mga utos, maaari tayong sumigaw, “Pananampalataya, pananampalataya, pananampalataya lamang,” at ang sagot mula sa tiyak na salita ng Diyos ay babalik: “Ang pananampalataya na walang gawa ay patay.” Ang ganitong pananampalataya ay magiging gaya lamang ng tanso na tumutunog, o batingaw na umaalingawngaw. Upang matamasa ang mga biyaya ng Diyos, kailangan nating gawin ang ating bahagi; kailangan nating maging tapat sa paggawa at magbunga ng karapat-dapat sa pagsisisi.” ST Hunyo 16, 1890, par. 1
Basahin ang Marcos 9:17–29. Paano tumugon ang Diyos sa lalaki sa kuwento? Gaano karaming pananampalataya ang sapat na pananampalataya ?
“ Ang bata ay dinala, at nang matuon sa kanya ang mga mata ng Tagapagligtas, ang masamang espiritu ay inilugmok siya sa lupa na may pangangatal at matinding paghihirap. Siya’y nalugmok, nagpagulonggulong na bumubula ang kaniyang bibig., at ang hangin ay pinupuno ng mga hindi pangkaraniwang sigaw. DA 428.3
Muli, nagtagpo ang Prinsipe ng Buhay at ang prinsipe ng mga kapangyarihan ng kadiliman sa larangan ng labanan—si Cristo sa pagtupad ng Kanyang misyon upang “itanyag sa mga bihag ang pagkaligtas, ... upang bigyan ng kalayaan ang nangaaapi,” (Lucas 4:18), at si Satanas na naghahangad na panatilihin sa kanyang kontrol ang kanyang biktima. Ang mga anghel ng liwanag at ang mga hukbo ng masasamang espiritu, na hindi nakikita, ay nagtipon upang masaksihan ang labanan. Sandaling pinahintulutan ni Jesus ang masamang espiritu na ipakita ang kanyang kapangyarihan, upang maunawaan ng mga tagapanood ang kalayaang gagawin. DA 428.4
“Nagmasid ang karamihan nang pigil ang hininga, ang ama ay nasa kalagayan ng paghahalo ng pag-asa at takot. Tinanong ni Jesus, “Kailan pang panahon nangyayari sa kaniya ito?” Isinalaysay ng ama ang mahabang taon ng pagdurusa, at pagkatapos, na tila hindi na niya kayang tiisin pa, nagsumamo siya, “Kung mayroon kang magagawang anomang bagay, ay maawa ka sa amin, at tulungan mo kami.” “Kung mayroon Kang magagawa!” Maging sa sandaling iyon ay kinukuwestyon pa rin ng ama ang kapangyarihan ni Cristo. DA 428.5
“Sumagot si Jesus, “Kung kaya mo! Ang lahat ng mga bagay ay may pangyayari sa kaniya na nananampalataya.” Walang kakulangan sa kapangyarihan sa bahagi ni Cristo; ang kagalingan ng anak ay nakasalalay sa pananampalataya ng ama. Sa pagtulo ng luha, na naunawaan ang kanyang sariling kahinaan, inilagak ng ama ang sarili niya sa awa ni Cristo, na may panawagan, “Nananampalataya ako; tulungan mo ang kakulangan ko ng pananampalataya.” DA 428.6
“Lumingon si Jesus sa naghihirap na bata at sinabi, “Ikaw bingi at piping espiritu, iniuutos ko sa iyo na lumabas ka sa kaniya, at huwag ka nang pumasok na muli sa kaniya.” Nagkaroon ng pagsisigaw, isang pahirapang pakikibaka. Sa paglabas ng demonyo, ang bata'y naging anyong patayay. At ang bata ay nakahandusay na parang patay. Bumulong ang karamihan, “Siya’y patay.” Ngunit hinawakan siya ni Jesus sa kamay, at nang itayo Siya, iniabot niya ito sa kanyang ama na may ganap na kagalingan ng isip at katawan. Ang ama at anak ay nagpuri sa pangalan ng kanilang Tagapagligtas. Ang karamihan ay “namangha sa dakilang kapangyarihan ng Diyos,” habang ang mga eskriba, na natalo at napahiya, ay tahimik na umalis. DA 428.7
“Kung mayroon kang magagawang anomang bagay, ay maawa ka sa amin, at tulungan mo kami.” Ilang mga kaluluwang nabibigatan ng kasalanan ang nagsasabi din nga ganitong panalangin. At sa lahat, ang mahabaging sagot ng Tagapagligtas ay, “Ang lahat ng mga bagay ay may pangyayari sa kaniya na nananampalataya.” Ang pananampalataya ang nag-uugnay sa atin sa langit, at nagbibigay sa atin ng lakas upang labanan ang mga kapangyarihan ng kadiliman. Sa pamamagitan ni Cristo, naglaan ang Diyos ng paraan upang masupil ang bawat makasalanang ugali at labanan ang bawat tukso, gaano man ito kalakas. Subalit marami ang nakakaramdam na kulang sila ng pananampalataya, kaya't nananatili silang malayo kay Cristo. Hayaan ang mga kaluluwang ito, sa kanilang kawalang-kakayahan at pagiging di-karapat-dapat, na ilagak ang kanilang sarili sa awa ng mahabaging Tagapagligtas. Huwag tumingin sa sarili, kundi kay Cristo. Siya na nagpagaling sa maysakit at nagpalayas ng mga demonyo nang Siya’y narito sa lupa ay siya ring makapangyarihang Manunubos ngayon. Ang pananampalataya ay dumarating sa pamamagitan ng salita ng Diyos. Kaya’t hawakan ang Kanyang pangako: “ng lumalapit sa akin sa anomang paraan ay hindi ko itataboy.” (Juan 6:37) Ilagay ang iyong sarili sa Kanyang paanan na may panawagan, “Nananampalataya ako; tulungan mo ang kakulangan ko ng pananampalataya.” Hindi ka kailanman mapapahamak habang ginagawa mo ito—hindi kailanman.” DA 429. 1
“Ang siyam na alagad ay nag-iisip pa rin tungkol sa mapait na katotohanan ng kanilang pagkabigo; at nang sila ay muling nag-iisa kasama ni Jesus, tinanong nila, “akit baga hindi namin napalabas yaon?” Sumagot si Jesus sa kanila, “Dahil sa kakauntian ng inyong pananampalataya: sapagka't katotohanang sinasabi ko sa inyo, Kung magkaroon kayo ng pananampalataya na kasinglaki ng butil ng binhi ng mostasa, ay masasabi ninyo sa bundok na ito, Lumipat ka mula rito hanggang doon; at ito'y lilipat; at sa inyo'y hindi may pangyayari. Datapuwa't ang ganito'y hindi lumalabas kundi sa pamamagitan ng panalangin at ayuno.” Ang kanilang kawalang-pananampalataya, na naghadlang sa kanila mula sa mas malalim na pakikiisa kay Cristo, at ang kawalang-ingat na kanilang ibinigay sa banal na gawain na ipinagkatiwala sa kanila, ang naging sanhi ng kanilang pagkabigo sa pakikibaka laban sa mga kapangyarihan ng kadiliman. DA 429.4
“Ang mga salita ni Cristo na tumutukoy sa Kanyang kamatayan ay nagdala ng kalungkutan at pagdududa. Ang pagpili sa tatlong alagad na sumama kay Jesus sa bundok ay nagpasiklab ng inggit sa siyam. Sa halip na palakasin ang kanilang pananampalataya sa pamamagitan ng panalangin at pagbubulay sa mga salita ni Cristo, inisip nila ang kanilang mga pagkadismaya at personal na hinanakit. Sa kalagayang ito ng kadiliman, sinubukan nilang labanan si Satanas. DA 431.1
“Upang magtagumpay sa ganitong uri ng pakikibaka, kailangan nilang harapin ang gawain sa ibang diwa. Ang kanilang pananampalataya ay kailangang mapalakas sa pamamagitan ng masigasig na panalangin at pag-aayuno, at pagpapakumbaba ng puso. Kailangan nilang alisin ang sarili, at mapuno ng Espiritu at kapangyarihan ng Diyos. Ang masugid at matiyagang panalangin sa Diyos nang may pananampalataya—ang pananampalatayang nagdadala ng ganap na pagtitiwala sa Diyos, at hindi matitinag na pagpapabanal sa Kanyang gawain—ang tanging magpapahintulot upang ang Espiritu Santo ay tumulong sa pakikipaglaban laban sa mga kapangyarihan, laban sa mga namamahala ng kadilimang ito sa sanglibutan, laban sa mga ukol sa espiritu ng kasamaan sa mga dakong kaitaasan. DA 431.2
“Kung magkaroon kayo ng pananampalataya na kasinglaki ng butil ng binhi ng mostasa,” sabi ni Jesus, “ay masasabi ninyo sa bundok na ito, Lumipat ka mula rito hanggang doon; at ito'y lilipat.” Bagaman ang butil ng mustasa ay napakaliit, naglalaman ito ng mahiwagang prinsipyo ng buhay na nagpapalago sa pinakamataas na puno. Kapag ang butil ng mustasa ay itinanim sa lupa, ang maliit na usbong nito ay kumakapit sa bawat elemento na ibinigay ng Diyos para sa kanyang nutrisyon, at mabilis itong lumalago nang matibay. Kung mayroon kayong ganitong uri ng pananampalataya, kakapit kayo sa salita ng Diyos, at sa lahat ng tulong na Kanyang itinalaga. Sa gayon, ang inyong pananampalataya ay lalakas, at magdadala sa inyo ng kapangyarihan ng langit. Ang mga balakid na inilalagay ni Satanas sa inyong landas, gaano man ito tila hindi malalampasan na parang walang-hanggang burol ay maglalaho sa harap ng pananampalataya. “Walang magiging imposible sa inyo.” DA 431.3