Kasalanan, ang Ebanghelyo, at ang Kautusan

Liksyon 9, Ikalawang Semestre, Mayo 23–29, 2026

img rest_in_christ
Share this Lesson
Download PDF

Hapon ng Sabbath Mayo 23

Memory Text:

“ Hindi ko kalilimutan kailan man ang mga tuntunin mo; sapagka't sa pamamagitan ng mga yaon ay binuhay mo ako. Ako'y iyo, iligtas mo ako, sapagka't aking hinanap ang mga tuntunin mo. — Awit 119:93, 94


“Ang kautusan at ang ebanghelyo, na ipinahayag sa Salita ng Diyos, ay dapat ipangaral sa mga tao; sapagkat ang kautusan at ang ebanghelyo, kapag magkasamang inilahad, ay maghahatid ng pagkilala sa kasalanan. Ang kautusan ng Diyos, bagaman hinahatulan nito ang kasalanan, ay tumuturo naman sa ebanghelyo, na naghahayag kay Jesu-Cristo, na Siyang kinaroroonan ng “buong kapuspusan ng pagka Dios sa kahayagan ayon sa laman”. Ang kaluwalhatian ng ebanghelyo ay nagbibigay-liwanag sa kapanahunan ng mga Judio at nagbibigay-kahulugan sa buong sistemang Judio ng mga tipo at sagisag. Kaya nga, ang kautusan at ang ebanghelyo ay magkaugnay at hindi dapat paghiwalayin sa anumang pangangaral.—Manuscript 21, 1891. Ev 231.3

“Karaniwang hinihiwalay ng mga relihiyoso ang kautusan at ang ebanghelyo, samantalang tayo naman, sa ibang paraan, ay halos ganoon din ang nagagawa. Hindi natin lubos na naitaas sa harap ng mga tao ang katuwiran ni Cristo at ang buong kahalagahan ng Kaniyang dakilang panukala ng pagtubos. Naisasantabi natin si Cristo at ang Kaniyang walang kapantay na pag-ibig, at sa halip ay ipinasok natin ang mga haka-haka at pangangatuwiran, at nangaral ng mga pagtatalo at argumento.—Manuscript 24, 1890.” Ev 231.4

Linggo Mayo 24

Mga Hadlang at Tukso


Basahin ang tungkol sa mga tukso ni Samson sa Hukom 14 at Hukom 16:1, 4, 16, 17. Bagaman tinawag ng Diyos para sa isang tiyak na layunin, naglingkod si Samson sa Diyos habang nagpapadala sa tukso. Ano ang itinuturo sa atin ng kinahinatnan ng kanyang buhay?

Kung si Samson ay nanatiling tapat sa banal na pagkatawag sa kaniya, ang layunin ng Diyos ay sana’y naisakatuparan sa paraang magdadala sa kaniya ng karangalan at kadakilaan. Ngunit siya ay nagpadala sa tukso at naging hindi tapat sa tiwalang ipinagkaloob sa kaniya; kaya ang kaniyang misyon ay nagtapos sa pagkatalo, pagkaalipin, at kamatayan.” PP 567.2

“Sa lakas ng pangangatawan, si Samson ang pinakamalakas na tao sa ibabaw ng lupa; ngunit pagdating sa pagpipigil sa sarili, katapatan, at katatagan ng prinsipyo, isa siya sa pinakamahina sa mga tao. Marami ang nag-aakalang ang matinding damdamin at pagnanasa ay tanda ng matibay na karakter, ngunit ang totoo, ang taong alipin ng kaniyang sariling mga pita ay isang mahinang tao. Ang tunay na kadakilaan ng tao ay nasusukat sa kakayahan niyang pamahalaan at supilin ang kaniyang damdamin, at hindi sa mga damdaming siyang kumokontrol sa kaniya.” PP 567.3

“Ang mapagkalingang pangangalaga ng Diyos ay suma kay Samson upang maihanda siya sa gawaing itinawag sa kaniya. Mula pa sa simula ng kaniyang buhay, siya ay napaligiran ng mga kalagayang makapagpapaunlad sa kaniyang pisikal na lakas, talas ng pag-iisip, at kalinisan ng moralidad. Ngunit dahil sa impluwensiya ng masasamang kasama, binitiwan niya ang kaniyang mahigpit na pagkapit sa Diyos—na siyang tanging katiyakan at pananggalang ng tao—at siya ay tinangay ng agos ng kasamaan. Ang mga taong dumaraan sa pagsubok habang tapat na tumutupad sa kanilang tungkulin ay makatitiyak na iingatan sila ng Diyos; ngunit kung kusang inilalagay ng tao ang kaniyang sarili sa ilalim ng kapangyarihan ng tukso, siya ay tiyak na babagsak sa kalaunan.” PP 568.1

“Ang mismong mga taong layunin ng Diyos na gamitin bilang mga kasangkapan para sa natatanging gawain ay siyang pinagsisikapang iligaw ni Satanas sa pamamagitan ng kaniyang buong kapangyarihan. Inaatake niya tayo sa ating mahihinang bahagi at ginagamit ang mga kapintasan ng karakter upang makontrol ang buong pagkatao. Alam niyang kung pahihintulutang manatili at manaig ang mga kahinaang ito, siya ay magtatagumpay. Ngunit walang sinuman ang kailangang madaig ng kasamaan. Ang tao ay hindi pinabayaang mag-isang lumaban laban sa kapangyarihan ng kasamaan sa pamamagitan lamang ng sarili niyang mahihinang pagsisikap. Ang tulong ay laging handa at ipagkakaloob sa bawat kaluluwang taimtim na naghahangad nito. Ang mga anghel ng Diyos na umaakyat at bumababa sa hagdang nakita ni Jacob sa pangitain ay tutulong sa bawat taong nagnanais umakyat hanggang sa pinakamataas na langit.” PP 568.2

Lunes Mayo 25

Mga Muog sa Ugnayan Ko sa Diyos


Binalaan ni Jesus kung ano ang dapat gawin kapag ang ating mga kamay, paa, at mga mata ay nagiging sanhi ng pagkakasala. Ano ang ibinabala sa atin ni Jesus? Basahin ang Marcos 9:42–48.

“Maaaring may mga maling bagay tayong pinanghahawakan na tila kasinghalaga sa atin ng isang kamay o paa. Ngunit ang mga ito ay dapat nang tuluyang alisin sa ating buhay. Kailanman ay hindi natin dapat ipilit sa iba ang ating mga pansarili at hindi pinabanal na mga kaisipan.” RC 283.4

“Kung may anumang humahadlang sa ating ganap na pagsuko kay Cristo, kahit ito pa’y mahalaga sa atin gaya ng kamay, paa, o mata, higit na mabuti na itong bitawan kaysa mawalan tayo ng buhay na walang hanggan.” 23LtMs, Ms 47, 1908, par. 11

“Bawat isa ay may gawaing pagtatagumpayan sa kaniyang sariling buhay. Kapag ang isang masamang ugali o kapintasan ng karakter ay hindi napagtagumpayan, sasamantalahin ito ni Satanas at gagamitin upang dungisan ang buong pagkatao.” ST December 24, 1894, par. 7

“Dito’y nais ituro ni Cristo na ang paghubog ng karakter ay nangangailangan ng masusing pag-iingat at maingat na pagsasanay. Ito sana ang gawaing maaaring naunawaan ni Judas kung kaniyang tinanggap ang mga aral na nais ituro sa kaniya ni Cristo. Kung ginawa lamang niya ito, ang kaniyang masasamang ugali at kapintasan sa karakter ay unti-unting maaalis, at siya sana’y naging maamo at mapagpakumbaba sa puso, gaya ng kaniyang Panginoon.” ST May 20, 1897, par. 9

“At ang gawaing ito ay hindi lamang para kay Judas kundi para rin sa bawat isa sa atin. Ang mga may likas o namamanang hilig sa kasamaan, yaong sa kanilang pananalita at kilos ay nakasasakit sa iba na tila mga tinik, ay kailangang maunawaan na ang mga bagay na nagiging sanhi ng pagkakasala ay dapat putulin at alisin. Bagaman mahirap ang pag-aalis ng kasamaan sa ating karakter, ito ay kinakailangang gawin. Ang pagkamakasarili at kasakiman—na isang uri ng pagsamba sa diyus-diyosan—gayundin ang malupit at walang kabaitang espiritu na nakapipinsala at nakasisira ng kaluluwa sa pamamagitan ng salita o gawa, ay dapat alisin sa buhay. Kung hindi, ang buong pagkatao ay magiging kasuklam-suklam maging sa kaniyang sarili at sa Diyos. Dahil sa katigasan ng puso, mapapabayaan niya yaong mismong mga taong higit na nangangailangan ng kaniyang tulong.” ST May 20, 1897, par. 10

“Ito ang tinapay na bumaba mula sa langit—ang mismong Salita ng Diyos. At kapag ang Salitang ito ay tinanggap at isinabuhay ng tao, ito’y magbubunga ng pananampalatayang gumagawa sa pamamagitan ng pag-ibig at nagpapadalisay ng kaluluwa. Puputulin nito ang mga namamanang hilig sa kasamaan at ang maling mga ugali ng karakter na lalo pang tumibay dahil sa paulit-ulit na pagsasanay. Gaano man natin kamahal ang mga bagay na ito, higit na mabuti na silang alisin ngayon sa ating pamumuhay kaysa hayaang manaig ang kanilang kapangyarihan na dumudungis at sumisira sa buong pagkatao. Hindi lamang nito winawasak ang ating sariling buhay, kundi sinisira rin nito ang ating impluwensiya para sa kabutihan. Kaya sa halip na maging samyo ng buhay na nagdudulot ng buhay sa iba, tayo ay nagiging samyo ng kamatayan na nagdadala ng kapahamakan.” ST May 20, 1897, par. 12

Martes Mayo 26

Ang Kautusan


Paano mo ilalarawan at ipaliliwanag ang kasalanan sa isang taong hindi Kristiyano? Paano inilalarawan ng Biblia ang kasalanan? Basahin ang Roma 3:20 at 1 Juan 3:4.

Ang kautusan ng Diyos, ayon sa likas nitong kalikasan, ay hindi nagbabago. Ito ay kapahayagan ng kalooban at karakter ng May-akda nito. Ang Diyos ay pag-ibig, at ang Kaniyang kautusan ay pag-ibig din. Ang dalawang dakilang simulain nito ay pag-ibig sa Diyos at pag-ibig sa kapwa. ‘Ang pag-ibig ang katuparan ng kautusan.’ Roma 13:10. Ang karakter ng Diyos ay katuwiran at katotohanan; gayundin ang likas ng Kaniyang kautusan. Sinabi ng mang-aawit: ‘ang kautusan mo'y katotohanan;’ at ‘lahat ng mga utos mo ay katuwiran.’ Awit 119:142, 172. At ipinahayag naman ni apostol Pablo: ‘Ang kautusan ay banal, at ang utos ay banal, matuwid, at mabuti.’ Roma 7:12. Ang gayong kautusan, bilang pagpapahayag ng isip at kalooban ng Diyos, ay dapat manatiling walang hanggan gaya ng May-akda nito.” GC 467.1

“Ang gawain ng pagbabagong-loob at pagpapabanal ay ang pakikipagkasundo ng tao sa Diyos sa pamamagitan ng pagdadala sa kaniya sa lubos na pakikiayon sa mga simulain ng Kaniyang kautusan. Nang pasimula, ang tao ay nilalang ayon sa larawan ng Diyos. Siya ay ganap na kaayon ng likas at kautusan ng Diyos; ang mga simulain ng katuwiran ay nakasulat sa kaniyang puso. Ngunit inilayo siya ng kasalanan sa kaniyang Maylalang. Hindi na niya naipakita ang banal na larawan ng Diyos. Ang kaniyang puso ay naging laban sa mga simulain ng kautusan ng Diyos. ‘Sapagka't ang kaisipan ng laman ay pakikipagalit laban sa Dios; sapagka't hindi napasasaklaw sa kautusan ng Dios, ni hindi nga maaari.’ Roma 8:7. Ngunit ‘sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, na ibinigay Niya ang Kaniyang bugtong na Anak,’ upang ang tao ay maipagkasundo sa Diyos. Sa pamamagitan ng mga merito ni Cristo, maaari siyang maibalik sa pakikiayon sa kaniyang Maylalang. Ang kaniyang puso ay kailangang baguhin ng biyaya ng Diyos; kailangan niyang tumanggap ng bagong buhay mula sa itaas. Ang pagbabagong ito ang tinatawag na bagong kapanganakan, na ayon kay Jesus, kung wala nito ay ‘hindi niya makikita ang kaharian ng Diyos.’” GC 467.2

“Ang unang hakbang tungo sa pakikipagkasundo sa Diyos ay ang pagkilala sa kasalanan. ‘Ang kasalanan ay pagsalangsang sa kautusan.’ At ‘sa pamamagitan ng kautusan ay nagkakaroon ng pagkakilala sa kasalanan.’ 1 Juan 3:4; Roma 3:20. Upang makita ng makasalanan ang kaniyang pagkakasala, kailangan niyang subukin ang kaniyang karakter ayon sa dakilang pamantayan ng katuwiran ng Diyos. Ang kautusan ay tulad ng isang salamin na nagpapakita ng kasakdalan ng matuwid na karakter at nagbibigay-daan upang makita ng tao ang kaniyang sariling mga kapintasan.” GC 467.3

“Ipinakikita ng kautusan sa tao ang kaniyang mga kasalanan, ngunit wala itong maibibigay na lunas. Bagaman ipinapangako nito ang buhay sa mga sumusunod, ipinahahayag naman nito na kamatayan ang kahahantungan ng mga sumasalansang. Tanging ang ebanghelyo ni Cristo ang makapagpapalaya sa tao mula sa hatol at dungis ng kasalanan. Dapat siyang magsisi sa harap ng Diyos na ang kautusan ay kaniyang sinalangsang, at sumampalataya kay Cristo bilang handog na pantubos para sa kasalanan. Sa ganitong paraan ay matatamo niya ang ‘kapatawaran ng mga nagawang kasalanan’ at magiging kabahagi ng banal na likas. Siya ay magiging anak ng Diyos, sapagkat tinanggap niya ang espiritu ng pag-aampon, na sa pamamagitan nito ay sumisigaw siya: ‘Abba, Ama!’” GC 467.4

Miyerkules Mayo 27

Ang Kautusan at ang Ebanghelyo


Sa Mateo 5:17, 18, ano ang sinabi ni Jesus tungkol sa kautusan?

Ang Lumikha ng tao, ang Tagapagbigay ng kautusan, ay nagpapahayag na hindi Niya layunin na pawalang-bisa ang Kaniyang mga tuntunin. Lahat ng nasa kalikasan—mula sa munting alikabok sa sinag ng araw hanggang sa mga daigdig sa kalangitan—ay nasa ilalim ng kautusan. At sa pagsunod sa mga batas na ito nakasalalay ang kaayusan at pagkakaisa ng sanlibutang likas. Gayundin, may mga dakilang simulain ng katuwiran na siyang gumagabay sa buhay ng lahat ng matatalinong nilalang, at sa pagsunod sa mga simulain na ito nakasalalay ang kapakanan ng buong sansinukob. Bago pa likhain ang sanlibutang ito, ang kautusan ng Diyos ay umiiral na. Ang mga anghel ay pinamamahalaan ng mga prinsipyong ito, at upang ang lupa ay maging kaayon ng langit, kinakailangang sumunod din ang tao sa banal na mga tuntunin. Sa Eden, ipinakilala ni Cristo sa tao ang mga utos ng kautusan—“ Nang magsiawit na magkakasama ang mga bituin pang-umaga. At ang lahat ng mga anak ng Dios ay naghihiyawan sa kagalakan?” Job 38:7. Ang misyon ni Cristo sa lupa ay hindi upang sirain ang kautusan, kundi sa pamamagitan ng Kaniyang biyaya ay ibalik ang tao sa pagsunod dito.” MB 48.1

“Ang minamahal na alagad, na nakinig sa mga salita ni Jesus sa bundok, ay sumulat pagkaraan ng mahabang panahon sa ilalim ng inspirasyon ng Espiritu Santo, at ipinahayag ang kautusan bilang may walang hanggang bisa. Sinabi niya na “ang kasalanan ay pagsalangsang sa kautusan,” at na “ang sinumang gumagawa ng kasalanan ay lumalabag din sa kautusan.” 1 Juan 3:4. Nilinaw niya na ang kautusang tinutukoy niya ay “isang lumang utos na inyong tinanggap mula pa sa simula.” 1 Juan 2:7. Ito ang kautusang umiral na mula sa paglalang at muling pinagtibay sa Bundok Sinai.” MB 48.2

“Sa pagsasalita tungkol sa kautusan, sinabi ni Jesus, ‘Hindi Ako naparito upang sirain, kundi upang tuparin.’ Ginamit Niya ang salitang ‘tuparin’ sa kaparehong kahulugan nang Kaniyang sabihin kay Juan Bautista na layunin Niyang ‘tuparin ang buong katuwiran’ (Mateo 3:15)—ibig sabihin, ganap na isakatuparan ang hinihingi ng kautusan at magbigay ng halimbawa ng ganap na pagsunod sa kalooban ng Diyos.” MB 48.3

“Ang Kaniyang misyon ay ‘dakilain ang kautusan at gawing marangal ito.’ Isaias 42:21. Ipinakita Niya ang espirituwal na kalikasan ng kautusan, inilahad ang malawak nitong mga prinsipyo, at nilinaw ang walang hanggang bisa nito.” MB 49.1

“Ang banal na kagandahan ng karakter ni Cristo—na ang pinakamagigiting at pinakabanayad na tao ay pawang mahihinang anino lamang—na inilarawan ni Solomon bilang ‘pinakamainam sa sampung libo… Siya ay lubos na kaibig-ibig’ (Awit ng mga Awit 5:10–16), at ni David na nagsabing, ‘Ikaw ay higit na maganda kaysa sa mga anak ng tao’ (Awit 45:2)—si Jesus, ang tunay na larawan ng Ama, ang maningning na sinag ng Kaniyang kaluwalhatian, ang Manunubos na nagpakumbaba sa Kaniyang paglalakbay ng pag-ibig sa lupa, ay isang buhay na pagpapakita ng karakter ng kautusan ng Diyos. Sa Kaniyang buhay ay nahayag na ang pag-ibig na mula sa langit at ang mga prinsipyong tulad ni Cristo ang pinagmumulan ng walang hanggang katuwiran.” MB 49.2

Sapagka't katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hanggang sa mangawala ang langit at ang lupa, ang isang tuldok o isang kudlit, sa anomang paraan ay hindi mawawala sa kautusan, hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay.’ Sa pamamagitan ng Kaniyang sariling pagsunod sa kautusan, pinatunayan ni Cristo ang hindi nagbabagong likas nito at ipinakitang sa pamamagitan ng Kaniyang biyaya ito ay maaaring ganap na sundin ng bawat anak ni Adan. Ipinahayag Niya na walang anumang bahagi ng kautusan ang lilipas hanggang sa maganap ang lahat ng nauukol sa sangkatauhan at sa plano ng pagtubos. Hindi Niya itinuro na ang kautusan ay aalisin, kundi inihayag Niya na mananatili ang awtoridad nito hanggang sa katapusan, at hangga’t umiiral ang langit at lupa, mananatili ang banal na mga prinsipyo ng kautusan ng Diyos bilang pinagmumulan ng pagpapala at buhay.” MB 49.3

Huwebes Mayo 28

Pagkilala at Paggawa


Tinapos ni Jesus ang Sermon sa Bundok sa pamamagitan ng pag-iwan sa mga nakikinig ng isang makabagbag-damdaming hamon. Ano iyon? Basahin ang Mateo 7:24–29.

Tinapos ni Jesus ang Kaniyang pagtuturo sa bundok sa pamamagitan ng isang talinghagang malinaw at makapangyarihang naglalarawan ng kahalagahan ng pagsasagawa ng Kaniyang mga salita. Sa gitna ng maraming taong sumunod sa Tagapagligtas ay naroon ang marami na nakatira malapit sa Dagat ng Galilea. Habang sila ay nakaupo sa gilid ng burol at nakikinig kay Cristo, tanaw nila ang mga lambak at bangin na dinadaluyan ng mga agos mula sa kabundukan patungo sa dagat. Sa tag-init, ang mga agos na ito ay kadalasang natutuyo at nag-iiwan lamang ng tuyong, maalikabok na mga kanal. Subalit sa pagdating ng malalakas na bagyo sa taglamig, ang mga ito ay nagiging rumaragasang agos na bumabaha sa mga lambak at tinatangay ang lahat sa kanilang dinaraanan. Madalas, ang mga kubong itinayo ng mga magsasaka sa kapatagan—na sa tingin ay ligtas sa panganib—ay nasasalanta at natatangay. Ngunit sa matataas na bahagi ng kabundukan ay may mga bahay na itinayo sa ibabaw ng bato. Sa ilang lugar, ang mga ito ay mga tahanang ganap na bato ang pagkakagawa, at marami sa mga ito ang nakatagal sa loob ng daan-daang taon sa gitna ng mga bagyo. Ang mga bahay na ito ay itinayo nang may malaking hirap at pagsisikap. Hindi madaling puntahan, at sa unang tingin ay mas kaakit-akit ang kapatagan. Ngunit dahil nakasalig ang mga ito sa bato, ang hangin, baha, at bagyo ay walang kapangyarihang magwasak sa kanila.” MB 147.2

“Gaya ng mga tagapagtayo ng bahay sa bato, sabi ni Jesus, gayundin ang taong tumatanggap sa Aking mga salita at ginagawa itong pundasyon ng kaniyang karakter at buhay. Matagal nang isinulat ng propetang si Isaias: ‘ Ang salita ng ating Dios ay mamamalagi magpakailan man.’ (Isaias 40:8); at si Pedro, pagkaraan ng Sermon sa Bundok, ay muling binanggit ito: ‘Ito ang salita ng mabubuting balita na ipinangaral sa inyo.’ (1 Pedro 1:25). Ang Salita ng Diyos ang tanging bagay sa sanlibutang ito na tunay na matatag at hindi nagbabago. Ito ang tiyak na pundasyon. ‘Ang langit at ang lupa ay lilipas, datapuwa't ang aking mga salita ay hindi lilipas.’ Mateo 24:35.” MB 148.1

“Ang mga dakilang prinsipyo ng kautusan, na siyang mismong likas ng Diyos, ay nakapaloob sa mga salita ni Cristo sa bundok. Ang sinumang nagtatayo sa mga ito ay nagtatayo kay Cristo, ang Bato ng Kapanahunan. Sa pagtanggap ng Salita, tinatanggap natin si Cristo. At tanging ang mga tumatanggap ng Kaniyang mga salita ang tunay na nagtatayo sa Kaniya. ‘Sapagka't sinoman ay hindi makapaglalagay ng ibang pinagsasaligan, kundi ang nalalagay na, na ito'y si Cristo Jesus.’ 1 Corinto 3:11. ‘walang ibang pangalan sa silong ng langit, na ibinigay sa mga tao, na sukat nating ikaligtas.’ Gawa 4:12. Si Cristo—ang Salita, ang kapahayagan ng Diyos, ang ganap na pagpapakita ng Kaniyang karakter, kautusan, pag-ibig, at buhay—ang tanging pundasyon na makapagpapatatag ng isang karakter na mananatili.” MB 148.2

“Ang pagsalig kay Cristo ay nangangahulugang pagsunod sa Kaniyang salita. Hindi ang basta pakiramdam ng katuwiran ang tunay na katuwiran, kundi ang pagsasagawa ng katuwiran. Ang kabanalan ay hindi lamang damdamin o espirituwal na kagalakan; ito ay bunga ng ganap na pagsuko sa Diyos at paggawa ng Kaniyang kalooban. Nang ang mga anak ni Israel ay nasa hangganan ng Lupang Pangako, hindi sapat ang kanilang kaalaman tungkol sa Canaan, ni ang pag-awit ng mga awit tungkol dito. Hindi ito magdadala sa kanila sa aktuwal na pag-aari ng lupaing may mga ubasan at olibo. Ang tunay na pagpasok at pag-angkin sa lupain ay sa pamamagitan lamang ng aktuwal na pagsunod—pagtupad sa mga kondisyon, pananampalatayang buhay sa Diyos, at pag-angkin sa Kaniyang mga pangako habang isinasagawa ang Kaniyang tagubilin.” MB 149.1

Biyernes Mayo 29

Karagdagang Kaisipan

“Si Cristo, ang tunay na pundasyon, ay isang buhay na bato; at ang Kaniyang buhay ay ipinagkakaloob sa lahat ng sumasalig sa Kaniya. ‘Kayo rin naman, na gaya ng mga batong buhay, ay natatayong bahay na ukol sa espiritu.’ ‘Na sa kaniya'y ang buong gusali, na nakalapat na mabuti, ay lumalago upang maging isang templong banal sa Panginoon.’ 1 Pedro 2:5; Efeso 2:21. Ang mga batong ito ay nagiging isa sa pundasyon sapagkat iisang buhay ang nananahan sa kanilang lahat. Ang ganitong gusali ay hindi kayang wasakin ng anumang bagyo.” MB 150.2

“‘Yaong nakikibahagi sa buhay ng Diyos ay mananatili kasama Niya magpakailanman.’” MB 150.3

“Ngunit ang anumang gusaling itinatayo sa ibang pundasyon maliban sa Salita ng Diyos ay tiyak na babagsak. Ang sinumang tulad ng mga Judio noong panahon ni Cristo ay nagtatayo sa mga kaisipan at opinyon ng tao, sa mga anyo at seremonyang likha ng tao, o sa anumang gawaing ginagawa sa sariling lakas na hiwalay sa biyaya ni Cristo, ay nagtatayo sa buhangin. Kapag dumating ang matitinding bagyo ng tukso, ang gayong pundasyon ay guguho, at ang ‘bahay’ ay maiiwang wasak sa baybayin ng panahon.” MB 150.4

“‘Kaya’t ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: … At aking ilalagay na pinakapising panukat ang katuwiran, at pinakapabato ang kabanalan: at papalisin ng granizo ang kanlungan ng mga kabulaanan, at aapawan ng tubig ang taguang dako.” Isaias 28:16–17.” MB 151.1

“Ngunit sa ngayon, ang habag ng Diyos ay patuloy na tumatawag sa makasalanan: ‘ Buhay ako, sabi ng Panginoong Dios, wala akong kasayahan sa kamatayan ng masama; kundi ang masama ay humiwalay sa kaniyang lakad at mabuhay: manumbalik kayo, manumbalik kayo na mula sa inyong masasamang lakad; sapagka't bakit kayo mangamamatay?’ Ezekiel 33:11.”

“Ang tinig na ito sa hindi nagsisisi ay ang tinig din Niya na umiyak sa matinding pighati nang Kaniyang makita ang minamahal na lungsod: ‘Oh Jerusalem, Jerusalem, na pumapatay sa mga propeta, at bumabato sa mga sinugo sa kaniya! Makailang inibig kong tipunin ang iyong mga anak, na gaya ng pagtitipon ng inahing manok sa kaniyang sariling mga sisiw sa ilalim ng kaniyang mga pakpak, at ayaw kayo! Narito, sa inyo'y iniwang walang anoman ang inyong bahay.” Lucas 13:34–35. Sa Jerusalem ay nakita ni Jesus ang larawan ng sanlibutang tumatanggi sa Kaniyang biyaya. Siya ay umiiyak—O matigas na puso, para sa iyo! Kahit sa gitna ng Kaniyang mga luha, maaari pa sanang nagsisi ang Jerusalem at nakaiwas sa kapahamakan. Sa maikling panahon, ang kaloob ng langit ay naghihintay pa ng pagtanggap. Gayundin, si Cristo ay patuloy na tumatawag sa iyong puso: ‘Narito ako'y nakatayo sa pintuan at tumutuktok: kung ang sinoman ay duminig ng aking tinig at magbukas ng pinto, ako'y papasok sa kaniya, at hahapong kasalo niya, at siya'y kasalo ko.’ ‘Narito, ngayon ang panahong ukol; narito, ngayon ang araw ng kaligtasan.’ Apocalipsis 3:20; 2 Corinto 6:2.”

“Kayo na umaasa sa inyong sarili ay nagtatayo sa buhangin. Ngunit hindi pa huli upang makaiwas sa paparating na kapahamakan. Bago dumating ang bagyo, tumakbo kayo sa tiyak na pundasyon: ‘ ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Narito, aking inilalagay sa Sion na pinakapatibayan ang isang bato, isang batong subok, isang mahalagang batong panulok na may matibay na patibayan: ang naniniwala ay hindi magmamadali.’ ‘Kayo'y magsitingin sa akin, at kayo'y mangaligtas, lahat na taga wakas ng lupa: sapagka't ako'y Dios, at walang iba liban sa akin.’ ‘Huwag kang matakot, sapagka't ako'y sumasaiyo; huwag kang manglupaypay, sapagka't ako'y iyong Dios; aking palalakasin ka; oo, aking tutulungan ka; oo, aking aalalayan ka ng kanang kamay ng aking katuwiran.’ ‘kayo'y hindi mangapapahiya o mangalilito man magpakailan man.’ Isaias 28:16; 45:22; 41:10; 45:17.” MB 152.1