Tapat ang Diyos!

Liksyon 12, Q4, Disyembre 13-Disyembre 19, 2025

img rest_in_christ
Share this Lesson
Download PDF

Hapon ng Sabbath Disyembre 13

Memory Text:

“ Wala ni isa sa lahat ng mabubuting pangako na ginawa ng Panginoon sa sambahayan ng Israel ang hindi natupad; lahat ay nangyari.” - Joshua 21:45


“Nang matapos na ang mga digmaan at pananakop, si Josue ay bumalik na sa mapayapang pamumuhay sa kanyang tahanan sa Timnath-sera. ‘At nangyari pagkaraan ng maraming araw, nang mabigyan ng Panginoon ng kapahingahan ang Israel sa lahat nilang mga kaaway sa palibot, at si Josue … ay tinawag ang buong Israel, ang kanilang mga matanda, at ang kanilang mga pangulo, at ang kanilang mga hukom at ang kanilang mga pinuno.’ PP 521.1

“Ilang taon ang lumipas mula nang manirahan ang bayan sa kanilang mga ari-arian, at nakita na agad na muling umuusbong ang mga kasamaan na dati nang nagdala ng mga hatol sa Israel. Habang nararamdaman ni Josue ang paghina ng kanyang katawan dahil sa katandaan, at napagtanto niyang malapit nang magwakas ang kanyang gawain, siya ay napuno ng pangamba para sa kinabukasan ng kanyang bayan. Higit pa sa pagmamalasakit ng isang ama ang ipinakita niya nang kausapin niya sila habang sila’y muling nagtipon sa paligid ng kanilang matandang pinuno. Sinabi niya -‘At inyong nakita ang lahat na ginawa ng Panginoon ninyong Dios sa lahat ng bansang ito dahil sa inyo; sapagka't ipinakipaglaban kayo ng Panginoon ninyong Dios.’ Bagaman nasupil na ang mga Cananeo, sila’y nagtataglay pa rin ng malaking bahagi ng lupang ipinangako sa Israel, kaya pinayuhan ni Josue ang kanyang bayan na huwag magpanatag sa kaginhawahan at kalimutan ang utos ng Panginoon na lubusang paalisin ang mga bansang ito na sumasamba sa mga diyus-diyosan.” PP 521.2

Linggo Disyembre 14

Lahat ay Natupad


Sa Josue 21:43–45, anong larawan ng Diyos ang ipinakikita ng aklat? Paano naaangkop ang mga salitang ito hindi lamang sa makasaysayang Lupang Pangako kundi pati na rin sa katotohanan ng ating kaligtasan (2 Timoteo 2:11–13)?

Sa pangkalahatan, ang bayan ay mabagal sa pagtatapos ng gawain ng pagpapaalis sa mga paganong bansa. Ang mga lipi ay nagkalat na sa kani-kanilang mga lupain, ang hukbo ay nabuwag na, at itinuring na isang mahirap at alanganing gawain ang muling pakikipagdigma. Ngunit ipinahayag ni Josue: ‘At itataboy sila ng Panginoon ninyong Dios mula sa harap ninyo, at palalayasin sila sa inyong paningin, at inyong aariin ang kanilang lupain na gaya ng sinalita ng Panginoon ninyong Dios sa inyo.

Kaya't kayo'y magpakatapang na mabuti na ingatan at gawin ang lahat na nakasulat sa aklat ng kautusan ni Moises na huwag kayong lumiko sa kanan o sa kaliwa.” PP 521.3; Jos 23:5-6

“Ginawa ni Josue na saksi ang mismong bayan, na sa lahat ng kanilang pagsunod sa mga kondisyon, tapat na tinupad ng Dios ang Kanyang mga pangako sa kanila. ‘inyong talastas sa inyong buong puso at sa inyong buong kaluluwa na walang bagay na nagkulang sa lahat na mga mabuting bagay na sinalita ng Panginoon ninyong Dios tungkol sa inyo; lahat ay nangyari sa inyo, wala kahit isang bagay na nagkulang.’ Ipinahayag niya sa kanila na kung paanong tinupad ng Panginoon ang Kanyang mga pangako, gayon din Niya tutuparin ang Kanyang mga babala. ‘At mangyayari, na kung paanong ang lahat ng mga mabuting bagay ay nangyari sa inyo na sinalita sa inyo ng Panginoon ninyong Dios, ay gayon dadalhin ng Panginoon sa inyo ang lahat ng mga masamang bagay … Pagka inyong sinalangsang ang tipan ng Panginoon ninyong Dios. ang galit nga ng Panginoon ay magaalab laban sa inyo, at kayo'y malilipol na madali sa mabuting lupain na kaniyang ibinigay sa inyo.” PP 522.1; ’Jos 23:14-16

“Dinadaya ni Satanas ang marami sa pamamagitan ng kapani-paniwalang kaisipan na ang pag-ibig ng Dios sa Kanyang bayan ay labis na dakila kaya papatawarin Niya ang kanilang kasalanan; ipinapakita niya na habang ang mga babala sa salita ng Dios ay may layunin sa Kanyang moral na pamahalaan, ay hindi naman literal na matutupad. Ngunit sa lahat ng Kanyang pakikitungo sa Kanyang mga nilikha, pinanatili ng Dios ang mga prinsipyo ng katuwiran sa pamamagitan ng pagbubunyag ng kasalanan sa tunay nitong likas—sa pagpapakita na ang tiyak nitong bunga ay kahirapan at kamatayan. Ang walang kundisyong kapatawaran ng kasalanan ay hindi kailanman nangyari, at hindi kailanman mangyayari. Ang gayong kapatawaran ay magiging tanda ng pagtalikod sa mga prinsipyo ng katuwiran, na siyang pinakabatayan ng pamahalaan ng Dios. Pupunuin nito ng pangamba ang sansinukob na hindi pa nagkasala. Tapat na itinuro ng Dios ang mga bunga ng kasalanan, at kung ang mga babalang ito ay hindi totoo, papaano tayo makatitiyak na matutupad ang Kanyang mga pangako? Yaong tinatawag na kabutihang-loob na isinasantabi ang katarungan ay hindi kabutihan kundi kahinaan.” PP 522.2

Lunes Disyembre 15

Isang Palatandaan ng Pag-aalala


Basahin ang Josue 23:1–5. Ano ang mga pangunahing tuon ng pambungad ni Josue?

Matapos ipakita ang kabutihan ng Dios sa Israel, tinawag niya sila, sa pangalan ni Jehova, na pumili kung sino ang kanilang paglilingkuran. Ang pagsamba sa mga diyus-diyosan ay lihim pa ring ginagawa ng ilan, kaya’t sinikap ngayon ni Josue na dalhin sila sa isang pagpapasiya na mag-aalis ng kasalanang ito sa Israel. ‘ At kung inaakala ninyong masama na maglingkod sa Panginoon, ay piliin ninyo sa araw na ito kung sino ang inyong paglilingkuran.’ Jos 24:15 Ninais ni Josue na akayin sila na maglingkod sa Dios, hindi sa pamamagitan ng pamimilit, kundi sa kusang-loob. Ang pag-ibig sa Dios ang siyang tunay na pundasyon ng relihiyon. Ang maglingkod sa Kanya dahil lamang sa pag-asang gantimpala o sa takot sa parusa ay walang kabuluhan. Ang hayagang pagtalikod ay hindi higit na nakakasakit sa Dios kaysa sa pagkukunwari at pormal lamang na pagsamba.” PP 523.1

“Hinimok ng matandang pinuno ang bayan na pag-isipang mabuti, sa lahat ng aspeto, ang mga bagay na inilatag niya sa kanila, at magpasya kung tunay ba nilang nais mamuhay gaya ng mga mababang uri ng bansang sumasamba sa diyus-diyosan sa kanilang paligid. Kung para sa kanila ay masama ang maglingkod kay Jehova, ang pinagmumulan ng kapangyarihan at bukal ng mga pagpapala, ay pumili sila sa araw na iyon kung kanino sila maglilingkod—‘sa mga diyos na pinaglingkuran ng inyong mga ninuno,’ na mula sa kanila ay tinawag palabas si Abraham, ‘o sa mga diyos ng mga Amoreo, na sa lupain nila kayo naninirahan.’ Ang mga huling salitang ito ay isang matalim na saway sa Israel. Ang mga diyos ng mga Amoreo ay hindi nakapagtanggol sa kanilang mga sumasamba. Dahil sa kanilang kasuklam-suklam at nakabababang mga kasalanan, ang masamang bansang iyon ay nalipol, at ang mabuting lupain na minsan nilang inangkin ay ibinigay sa bayan ng Dios. Anong kahangalan para sa Israel na piliin ang mga diyos na dahil sa pagsamba sa kanila ay nawasak ang mga Amoreo! ‘Ngunit tungkol sa akin at sa aking sambahayan,’ sabi ni Josue, ‘kami ay maglilingkod kay Jehova.’ Ang parehong banal na sigasig na pumukaw sa puso ng pinuno ay naipasa sa bayan. Ang kaniyang mga panawagan ay nagbunga ng walang pag-aatubiling tugon, ‘ Malayo nawa sa amin na aming pabayaan ang Panginoon sa paglilingkod sa ibang mga dios.” PP 523.2

Ano ang mga pagkakatulad sa kung paano nakuha ng mga Israelita ang Canaan sa ilalim ng pamumuno ni Josue at sa kung paano maaaring mamuhay ng matagumpay na espirituwal na buhay ang mga Kristiyano sa ngayon? Basahin ang Josue 23:10; Colosas 2:15; 2 Corinto 10:3–5; Efeso 6:11–18.

“Ang sinumang nagpapasyang pumasok sa espirituwal na kaharian ay makakatuklas na ang lahat ng kapangyarihan at mga pita ng likas na hindi pa nababagong pagkatao, na sinusuportahan pa ng mga puwersa ng kaharian ng kadiliman ay nakahanay laban sa kanya. Ang kasakiman at kapalaluan ay lalaban sa anumang magbubunyag sa kanilang makasalanan. Hindi natin kayang madaig sa ating sarili ang masasamang pagnanasa at mga bisyo na nagsisikap na maghari. Hindi natin kayang pagtagumpayan ang makapangyarihang kaaway na nagsasakop sa atin. Ang Dios lamang ang makapagbibigay sa atin ng tagumpay. Nais Niya na tayo ay magkaroon ng kapangyarihan sa ating sarili—sa sarili nating kalooban at mga paraan ng pamumuhay. Ngunit hindi Siya makikilos sa atin nang wala ang ating pahintulot at pakikipagtulungan. Ang Banal na Espiritu ay gumagawa sa pamamagitan ng mga kakayahan at kapangyarihang ibinigay sa tao. Kinakailangan ang ating mga pagsisikap upang makipagtulungan sa Dios.” MB 141.3

“Ang tagumpay ay hindi makakamit nang walang masigasig na pananalangin, at walang pagpapakumbaba sa sarili sa bawat hakbang. Ang ating kalooban ay hindi dapat pilitin sa pakikipagtulungan sa mga banal na kapangyarihan, kundi ito ay dapat kusang isumite. Kahit pa maaaring ipilit sa iyo, nang mas higit pang matinding antas, ang impluwensiya ng Espiritu ng Dios, hindi ka pa rin nito gagawing isang Kristiyano, o isang karapat-dapat na mamamayan ng langit. Ang muog ni Satanas ay hindi masisira. Ang kalooban ay kailangang ilagay sa panig ng kalooban ng Dios. Hindi mo kayang isuko sa kalooban ng Dios ang iyong mga layunin, pagnanasa, at hilig sa pamamagitan ng sarili mong lakas; ngunit kung ikaw ay ‘handang maging handa,’ Kikilos ang Diyos para sa iyo, ‘na siyang gumigiba ng mga maling haka, at ng bawa't bagay na matayog na nagmamataas laban sa karunungan ng Dios, at bumibihag sa lahat ng pagiisip sa pagtalima kay Cristo;.’ (2 Corinto 10:5). Sa gayon ay ‘lubusin ninyo ang gawain ng inyong sariling pagkaligtas na may takot at panginginig; Sapagka't Dios ang gumagawa sa inyo maging sa pagnanasa at sa paggawa, ayon sa kaniyang mabuting kalooban.” (Filipos 2:12–13).” MB 142.1

Martes Disyembre 16

Malinaw na Hangganan


Bakit sa tingin mo ay ganoon na lamang katindi ang paninindigan ni Josue kaugnay ng mga relasyon ng Israel sa mga nakapaligid na bansa? (Josue 23:6–8, 12, 13).

“Ang Dios ang nagbibigay ng buhay. Mula pa sa simula, ang lahat ng Kanyang mga kautusan ay itinakda para sa buhay. Ngunit pumasok ang kasalanan at sinira ang kaayusang itinatag ng Dios, kaya sumunod ang kaguluhan. Hangga’t umiiral ang kasalanan, ang pagdurusa at kamatayan ay hindi maiiwasan. Dahil sa natatanging dahilan na binata ng Manunubos ang sumpa ng kasalanan para sa ating kapakanan kaya may pag-asa ang tao na makatakas, sa kanyang sariling katauhan, sa mabibigat na bunga nito.” PP 522.3

Sinabi ni Josue: “Kayo'y hindi makapaglilingkod sa Panginoon; sapagka't siya'y isang banal na Dios; siya'y mapanibughuing Dios; hindi niya ipatatawad ang inyong pagsalangsang ni ang inyong mga kasalanan.” Jos 24:19 Bago magkaroon ng permanenteng pagbabago, kinakailangang madama ng bayan ang kanilang ganap na kawalan ng kakayahan sa kanilang sarili na sumunod sa Dios. Nilabag nila ang Kanyang kautusan, hinatulan sila nito bilang mga lumalabag, at hindi ito nagbigay ng daan ng pagtakas. Habang nagtitiwala sila sa sarili nilang lakas at sariling katuwiran, hindi nila makakamtan ang kapatawaran ng kanilang mga kasalanan; hindi nila kayang tuparin ang hinihingi ng perpektong kautusan ng Dios, at walang kabuluhan ang kanilang pangakong maglingkod sa Dios. Sa pananampalataya lamang kay Cristo nila matatamo ang kapatawaran ng kasalanan at tatanggap ng lakas upang masunod ang kautusan ng Dios. Dapat nilang itigil ang pagtitiwala sa sarili nilang pagsisikap para sa kaligtasan; kailangan nilang lubos na magtiwala sa mga merito ng ipinangakong Tagapagligtas kung nais nilang tanggapin sila ng Dios.” PP 524.1

“Sinikap ni Josue na akayin ang kanyang mga tagapakinig na timbangin nang mabuti ang kanilang mga salita, at umiwas sa mga panata na hindi nila kayang tuparin. Taglay ang malalim na kasigasigan, inulit nilang lahat ang pahayag: ‘Hindi: kundi kami ay maglilingkod sa Panginoon.’ Buong solemneng pinahintulutan nilang maging saksi laban sa kanilang mga sarili na pinili nila si Jehova, at muli nilang inulit ang kanilang panatang katapatan: ‘Ang Panginoon nating Dios ay aming paglilingkuran, at ang kaniyang tinig ay aming didinggin.’” PP 524.2; Jos 24:21, 24

Miyerkules Disyembre 17

Ang Galit ng Panginoon


Paano natin dapat bigyang-kahulugan ang mga paglalarawan ng galit ng Diyos at makatarungang paghihiganti sa Josue (Josue 23:15, 16) at sa ibang bahagi ng Kasulatan? (Tingnan din ang Bilang 11:33; 2 Cronica 36:16; Apocalipsis 14:10, 19; Apocalipsis 15:1.)

Ang bayan ng Israel ay gumawa na ng kanilang pasya. Itinuturo si Jesus ay sinabi nila, ‘Hindi ang taong ito, kundi si Barabas.’ Si Barabas, na isang magnanakaw at mamamatay-tao, ay kinatawan ni Satanas. Si Cristo ay kinatawan ng Dios. Si Cristo ay itinakwil; si Barabas ang pinili. Si Barabas ang kanilang tinanggap. Sa pagpiling ito, tinanggap nila ang isa na mula pa sa pasimula ay sinungaling at mamamatay-tao. Si Satanas ang kanilang pinuno. Bilang isang bansa, isasagawa nila ang kanyang mga dikta. Ang kanyang mga gawa ang kanilang gagawin. Ang kanyang pamamahala ang kanilang titiisin. Ang bayang pumili kay Barabas kapalit ni Cristo ay mararamdaman ang kalupitan ni Barabas hangga’t umiiral ang panahon.” DA 738.5

“Sa pagtingin sa sinaktang Kordero ng Dios, sumigaw ang mga Judio, ‘Mapasa amin ang Kanyang dugo, at sa aming mga anak.’ Ang kakila-kilabot na sigaw na iyon ay umabot sa trono ng Dios. Ang hatol na kanilang binigkas laban sa kanilang sarili ay naisulat sa langit. Ang panalangin na iyon ay dininig. Ang dugo ng Anak ng Dios ay napasa kanilang mga anak at mga anak ng kanilang mga anak—isang walang hanggang sumpa.” DA 739.1

“Kakila-kilabot itong nahayag sa pagkawasak ng Jerusalem. Kakila-kilabot itong nahayag sa kalagayan ng bansang Judio sa loob ng labingwalong daang taon—isang sanga na naputol mula sa puno ng ubas, isang patay at walang bungang sanga na titipunin at susunugin. Mula sa isang lupain patungo sa iba pa sa buong mundo, mula siglo hanggang siglo, patay—patay sa mga pagsalangsang at mga kasalanan!” DA 739.2

“Lubhang kakila-kilabot matutupad ang panalanging iyon sa dakilang araw ng paghuhukom. Kapag muling babalik si Cristo sa lupa, hindi na Siya makikita ng mga tao bilang isang bilanggong napapaligiran ng karamihan. Makikita nila Siya bilang Hari ng langit. Darating si Cristo sa Kanyang sariling kaluwalhatian, sa kaluwalhatian ng Kanyang Ama, at sa kaluwalhatian ng mga banal na anghel. Sampung libo na ulit sa sampung libo, at libu-libo pang mga libo ng mga anghel, ang maghahatid sa Kanya, mga magaganda at matagumpay na mga anak ng Dios na nagtataglay ng di-masukat na kagandahan at kaluwalhatian. Noon ay uupo Siya sa trono ng Kanyang kaluwalhatian, at sa Kanya ay titipunin ang lahat ng mga bansa. Kung magkagayon, makikita Siya ng bawat mata, pati na ng mga tumusok sa Kanya. Sa halip na koronang tinik, Siya ay magsusuot ng korona ng kaluwalhatian—isang korona sa loob ng isang korona. Sa halip na lumang wangis-lilang maharlikang balabal, Siya ay dadamitan ng kasuotang pinakaputing-puti, ‘na ano pa't sinomang magpapaputi sa lupa ay hindi makapagpapaputi ng gayon.’ (Marcos 9:3). At sa Kanyang kasuotan at sa Kanyang hita ay masusulat ang isang pangalan, ‘Hari ng mga hari, at Panginoon ng mga panginoon.’ (Pahayag 19:16). Naroon ang mga nangutya at humampas sa Kanya. Makikita muli ng mga saserdote at mga pinuno ang tagpo sa bulwagang paghuhukuman. Bawat pangyayari ay mahahayag sa kanila, na para bang nakasulat sa mga titik na apoy. Sa panahong iyon, ang mga nanalangin, ‘Mapasa amin ang Kanyang dugo, at sa aming mga anak,’ ay tatanggap ng sagot sa kanilang panalangin. Kung magkagayon, mauunawaan ng buong sanlibutan. Matatanto nila kung sino at ano ang kanilang nilabanan—sila na mahihina, marurupok, at may hangganang mga nilalang. Sa matinding paghihirap at takot “sasabihin nila sa mga bundok at sa mga bato, Mahulog kayo sa amin, at kami'y inyong itago sa mukha noong nakaupo sa luklukan, at sa galit ng Cordero: Sapagka't dumating na ang dakilang araw ng kanilang kagalitan; at sino ang makatatayo?’ (Pahayag 6:16–17).” DA 739.3

Huwebes Disyembre 18

Humawak sa Diyos


Nananawagan si Josue sa Israel na mahalin ang Panginoon nilang Diyos (Josue 23:11; ihambing sa Deuteronomio 6:5). Ang pag-ibig ay hindi maaaring pilitin; kung hindi, ito ay titigil na maging kung ano ito talaga. Ngunit sa anong paraan maaaring ipag-utos ang pag-ibig?

Hindi pinipilit ng Diyos ang kalooban o pasya ng sinuman. Hindi Siya nalulugod sa isang pagsunod na gaya ng sa alipin—isang pagsunod na bunga ng takot. Nais Niya na mahalin Siya ng mga nilalang ng Kanyang mga kamay sapagkat Siya ay tunay na karapat-dapat mahalin. Nais Niya na sundin Siya hindi dahil sa pamimilit, kundi dahil sa malinaw at matalinong pagkaunawa sa Kanyang karunungan, katarungan, at kabutihang-loob. At ang sinumang may wastong pagkaunawa sa mga katangiang ito ay mamahalin Siya, sapagkat sila ay nahihikayat sa Kanya sa pamamagitan ng paghanga sa Kanyang likas.” GC88 541.3

“Ang mga prinsipyo ng kabaitan, habag, at pag-ibig na itinuro at isinabuhay ng ating Tagapagligtas ay malinaw na salamin ng kalooban at likas ng Diyos. Ipinahayag ni Cristo na wala Siyang itinuro kundi yaong Kanyang tinanggap mula sa Kanyang Ama. Ang mga prinsipyo ng banal na pamahalaan ay ganap na naaayon sa utos ng Tagapagligtas na, ‘Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway.’ Ipinatutupad ng Diyos ang katarungan sa masasama para sa ikabubuti ng buong sansinukob, at maging para sa kapakanan ng mga tumatanggap ng Kanyang mga hatol. Hangad Niya silang gawing maligaya kung ito ay magagawa nang hindi nilalabag ang mga batas ng Kanyang pamahalaan at ang katuwiran ng Kanyang likas. Pinalilibutan Niya sila ng mga patunay ng Kanyang pag-ibig, binibigyan Niya sila ng kaalaman ng Kanyang kautusan, at patuloy silang inaanyayahan sa pamamagitan ng Kanyang habag. Subalit hinahamak nila ang Kanyang pag-ibig, binabalewala ang Kanyang kautusan, at tinatanggihan ang Kanyang habag. Habang patuloy silang tumatanggap ng Kanyang mga kaloob, nilalapastangan nila ang Tagapagbigay nito. Kinapopootan nila ang Diyos sapagkat alam nilang kinapopootan Niya ang kanilang mga kasalanan. Mahaba ang pagtitiis ng Panginoon sa kanilang katigasan ng puso, ngunit darating ang takdang oras na ang kanilang kapalaran ay tuluyang pagpapasyahan. Tatalian ba Niya ang mga rebelde sa Kanyang panig? Pipilitin ba Niya silang gawin ang Kanyang kalooban?” GC88 542.1

“Ang mga pumili kay Satanas bilang kanilang pinuno at napasailalim sa kanyang kapangyarihan ay hindi handang pumasok sa presensya ng Diyos. Ang kapalaluan, pandaraya, kahalayan, at kalupitan ay naging nakaugat na sa kanilang pagkatao. Maaari ba silang pumasok sa Langit upang mamuhay magpakailanman kasama ang mga taong kanilang hinamak at kinapootan noong sila’y nasa lupa? Ang katotohanan ay hindi kailanman magiging kaaya-aya sa sinungaling; ang kaamuan ay hindi makalulugod sa mapagmataas; ang kadalisayan ay hindi katanggap-tanggap sa marumi; at ang di-makasariling pag-ibig ay hindi kaakit-akit sa makasarili. Anong kasiyahan ang maiaalok ng Langit sa mga ganap na nakatuon lamang sa makamundo at makasariling interes?” GC88 542.2

“Kung ang mga taong ginugol ang buong buhay sa paghihimagsik laban sa Diyos ay biglang dalhin sa Langit at masaksihan ang mataas at banal na kalagayan ng kasakdalan na palaging naroroon—bawat kaluluwa’y puspos ng pag-ibig, bawat mukha’y nagliliwanag sa kagalakan, kaakit-akit na musika ang umaakyat bilang papuri sa Diyos at sa Kordero, at walang patid na agos ng liwanag ang bumabalot sa mga tinubos mula sa mukha Niya na nakaupo sa trono—maaari bang ang mga pusong puno ng poot sa Diyos, sa katotohanan, at sa kabanalan ay makihalo sa karamihan ng Langit at makiisa sa kanilang mga awit ng papuri? Makakaya ba nilang tiisin ang kaluwalhatian ng Diyos at ng Kordero? —Hindi, hindi. Maraming taon ng panahon ng biyaya ang ibinigay sa kanila upang makabuo sila ng mga katangiang akma sa Langit; ngunit hindi nila kailanman sinanay ang kanilang isipan na mahalin ang kadalisayan. Hindi nila natutunan ang wika ng Langit, at ngayon ay huli na ang lahat. Ang buhay ng paghihimagsik laban sa Diyos ay nag-alis sa kanila ng kakayahang maging angkop sa Langit. Ang kadalisayan, kabanalan, at kapayapaan nito ay magiging isang pahirap sa kanila; ang kaluwalhatian ng Diyos ay magiging isang apoy na tutupok sa kanilang puso. Nanaisin nilang tumakas mula sa banal na lugar na iyon at malugod nilang tatanggapin ang pagkawasak upang maitago mula sa mukha Niya na namatay upang sila’y tubusin. Ang kapalaran ng masasama ay itinakda ng kanilang sariling pagpili. Ang kanilang pagkakaalis sa Langit ay kusang-loob nilang pinili, at ito ay parehong makatarungan at mahabagin sa panig ng Diyos” GC88 542.3

Biyernes Disyembre 19

Karagdagang Kaisipan

“Inihandog ni Cristo ang Kanyang sinaktang katawan upang tubusin ang pamanang bayan ng Diyos at bigyan ang tao ng panibagong pagkakataon. ‘Dahil dito naman siya'y nakapagliligtas na lubos sa mga nagsisilapit sa Dios sa pamamagitan niya, palibhasa'y laging nabubuhay siya upang mamagitan sa kanila.’ (Hebreo 7:25). Sa pamamagitan ng Kanyang walang dungis na buhay, ng Kanyang pagsunod, at ng Kanyang kamatayan sa krus ng Kalbaryo, namagitan si Cristo para sa naligaw na sangkatauhan. Ngayon, hindi na Siya namamagitan gaya ng isang karaniwang nanamanhik, kundi bilang isang Mananagumpay na inaangkin ang Kanyang tagumpay. Ganap na ang Kanyang handog, at bilang ating Tagapamagitan, isinasagawa Niya ang gawaing Kanyang itinakda sa sarili: inihaharap Niya sa Diyos ang insensaryo na naglalaman ng Kanyang sariling walang dungis na merito, kasama ang mga panalangin, pagsisisi, at pasasalamat ng Kanyang bayan. Nilalanghap ng halimuyak ng Kanyang katuwiran, ang mga ito ay umaakyat sa Diyos bilang mabangong samyo. Ang handog ay lubos na katanggap-tanggap, at ang kapatawaran ay sumasaklaw sa lahat ng pagsuway.” COL 156.2

“Ipinangako ni Cristo ang Kanyang sarili bilang ating kahalili at katiyakan, at wala Siyang pinababayaan. Siya na hindi matiis na makita ang mga tao na nakalantad sa walang hanggang kapahamakan nang hindi ibinubuhos ang Kanyang kaluluwa hanggang kamatayan alang-alang sa kanila, ay titingin nang may habag at awa sa bawat kaluluwang nakauunawa na hindi niya kayang iligtas ang sarili.” COL 157.1

“Hindi Niya pababayaan ang sinumang nanginginig na nananawagan; Siya ang mag-aangat sa kanya. Siya na, sa pamamagitan ng Kanyang sariling pagtubos, ay naglaan sa tao ng isang walang hanggang bukal ng kapangyarihang moral ay hindi magkukulang na gamitin ang kapangyarihang ito para sa ating kapakanan. Maaari nating dalhin sa Kanyang paanan ang ating mga kasalanan at kalungkutan, sapagkat mahal Niya tayo. Ang bawat tingin at salita Niya ay nagaanyaya sa ating magtiwala. Huhubugin at babaguhin Niya ang ating mga pagkatao ayon sa Kanyang sariling kalooban.” COL 157.2

“Sa buong kapangyarihan ni Satanas, walang lakas na makakadaig sa isang kaluluwang simpleng nagtitiwala kay Cristo. ‘Siya'y nagbibigay ng lakas sa mahina; at ang walang kapangyarihan ay pinananagana niya sa kalakasan.’ (Isaias 40:29).” COL 157.3

“Kung ipinahahayag natin ang ating mga kasalanan, ay tapat at banal siya na tayo'y patatawarin sa ating mga kasalanan, at tayo'y lilinisin sa lahat ng kalikuan.’ Sabi ng Panginoon, ‘Kilalanin mo lamang ang iyong kasamaan, na ikaw ay sumalansang sa Panginoon mong Dios.’ ‘At ako'y magwiwisik ng malinis na tubig sa inyo, at kayo'y magiging malinis: sa buo ninyong karumihan, at sa lahat ninyong mga diosdiosan, lilinisin ko kayo.” (1 Juan 1:9; Jeremias 3:13; Ezekiel 36:25).” COL 158.1