
“At hindi nagkaroon ng araw na gaya niyaon bago nangyari yaon o pagkatapos niyaon, na ang Panginoon ay nakinig sa tinig ng tao: sapagka't ipinakipaglaban ng Panginoon ang Israel.” KJV - Joshua 10:14
“Hindi ninanais ng Diyos ang pagkawasak ng sinuman. ‘Buhay ako, sabi ng Panginoong Dios, wala akong kasayahan sa kamatayan ng masama; kundi ang masama ay humiwalay sa kaniyang lakad at mabuhay: manumbalik kayo, manumbalik kayo na mula sa inyong masasamang lakad; sapagka't bakit kayo mangamamatay?’ (Ezekiel 33:11). Sa buong panahon ng pagpapahintulot, ang Kaniyang Espiritu ay nananawagan sa mga tao na tanggapin ang kaloob ng buhay. Tanging yaong mga tumatanggi sa Kaniyang pakiusap ang iiwan upang mapahamak. Ipinahayag ng Diyos na ang kasalanan ay kailangang lipulin sapagkat ito’y isang masamang bagay na mapanira sa buong sansinukob. Ang mga nananatili sa kasalanan ay mapapahamak kasama nito sa pagkawasak.” —COL 123.3
“Marami ang nag-aakala na ang Panginoon ay malupit dahil sa Kaniyang pag-utos sa Kaniyang bayan na makipagdigma sa ibang mga bansa. Sinasabi nila na ito ay salungat sa Kaniyang mapagkawanggawang likas. Ngunit Siya na lumikha ng sanlibutan, at humubog sa tao upang manirahan sa lupa, ay may walang-hanggang kapangyarihan sa lahat ng gawa ng Kaniyang mga kamay, at Siya ay may ganap na karapatang gawin ang anumang Kaniyang naisin sa mga ito. Wala sa tao ang karapatang magsabi sa Kaniyang Manlilikha, ‘Bakit mo ginagawa ito?’ Walang anumang kawalang-katarungan sa Kaniyang likas. Siya ang Pinuno ng sanlibutan, at malaking bahagi ng Kaniyang mga nasasakupan ay naghimagsik laban sa Kaniyang pamahalaan at niyurakan ang Kaniyang kautusan. Ipinagkaloob Niya sa kanila ang masaganang mga pagpapala at pinaligiran sila ng lahat ng bagay na kanilang kailangan, ngunit sila ay yumukod sa mga diyus-diyosang gawa sa kahoy at bato, pilak at ginto, na sila mismo ang gumawa. Itinuturo nila sa kanilang mga anak na ito raw ang mga diyos na nagbibigay sa kanila ng buhay at kalusugan, nagpapasagana ng kanilang mga lupain, at nagbibigay sa kanila ng kayamanan at karangalan. Hinahamak nila ang Diyos ng Israel. Nilalait nila ang Kaniyang bayan dahil matuwid ang kanilang mga gawa. ‘ Ang mangmang ay nagsabi sa kaniyang puso, walang Dios: sila'y nangapapahamak, sila'y nagsigawa ng kasuklamsuklam na mga gawa” (Awit 14:1). Matiyagang tinitiis sila ng Diyos hanggang sa mapuno nila ang takal ng kanilang kasamaan, at pagkatapos ay dumarating sa kanila ang biglaang kaparusahan. Ginamit Niya ang Kaniyang bayan bilang kasangkapan ng Kaniyang poot upang parusahan ang masasamang bansa na nagpasakit sa kanila at nag-udyok sa kanila tungo sa idolatriya.” —2SM 333.1
Basahin ang Josue 5:13–15. Ano ang sinasabi ng talatang ito tungkol sa pinagmulan ng pananakop sa Canaan?
Isa sa pinakamatibay na tanggulan sa lupain—ang malaki at mayamang lungsod ng Jerico—ay nasa harapan nila, hindi kalayuan mula sa kanilang kampamento sa Gilgal. Nasa hangganan ito ng isang matabang kapatagan na sagana sa iba’t ibang uri ng mga bunga at pananim sa tropiko; ang mga palasyo at templo nito ay mga tahanan ng karangyaan at bisyo. Ang mapagmataas na lungsod na ito, na nasa likod ng matitibay nitong kuta ay naghahamon sa Diyos ng Israel. Ang Jerico ay isa sa mga pangunahing sentro ng pagsamba sa diyus-diyosan, at itinalaga lalo na kay Astarot, ang diyosa ng buwan. Dito nakasentro ang lahat ng pinakamababa at pinakamaruming aspeto ng relihiyon ng mga Cananeo. Ang mga Israelita, na sariwa pa sa kanilang isipan ang nakatatakot na bunga ng kanilang kasalanan sa Beth-peor, ay tanging makakatanaw sa lungsod na ito ng mga Hentil nang may pagkasuklam at pangingilabot. —PP 487.2
Ang pagpapabagsak sa Jerico ay nakita ni Josue bilang unang hakbang sa pananakop ng Canaan. Ngunit bago ang lahat, hinanap muna niya ang katiyakan ng banal na patnubay—at ito ay ipinagkaloob sa kaniya. Umalis siya mula sa kampamento upang magnilay at manalangin na ang Diyos ng Israel ay manguna sa Kaniyang bayan, at doon ay nakita niya ang isang mandirigmang may sandata, matangkad at may kakilakilabot na anyo, “na may tabak na nakahugot sa kaniyang kamay.” Nang hamunin siya ni Josue, “Ikaw ba'y sa amin, o sa aming mga kaaway?” ang sagot ay, “ako'y naparito ng parang prinsipe ng hukbo ng Panginoon.” Ang parehong utos na ibinigay kay Moises sa Horeb—“ Hubarin mo ang iyong panyapak sa iyong paa; sapagka't ang dakong iyong kinatatayuan ay banal”—ang naghayag ng tunay na pagkakakilanlan ng mahiwagang estranghero. Ito ay si Cristo, ang Dakilang Pinagpala, na nakatayo sa harapan ng pinuno ng Israel. Nanginig sa paggalang si Josue at nagpatirapa at sumamba, at narinig niya ang katiyakan: “ aking ibinigay sa iyong kamay ang Jerico, at ang hari niyaon, at ang mga makapangyarihang lalaking matapang.” At tinanggap niya ang mga tagubilin kung paano masasakop ang lungsod. —PP 487.3
Ihambing ang Josue 5:14, 15 sa 2 Hari 6:8–17, Nehemias 9:6, at Isaias 37:16. Ano ang iyong matututunan tungkol sa pagkakakilanlan ng pinuno ng hukbo ng Panginoon?
Ang pagsunod sa bawat salita ng Diyos ay isa pang kundisyon ng tagumpay. Ang mga tagumpay ay hindi nakakamit sa pamamagitan ng mga seremonya o palabas, kundi sa pamamagitan ng payak na pagsunod sa Pinakamataas na Heneral—ang Panginoong Diyos ng langit. Ang sinumang nagtitiwala sa Lider na ito ay kailanman ay hindi makararanas ng pagkatalo. Ang pagkatalo ay dumarating kapag ang tao ay umaasa sa mga paraang makatao, sa mga gawaing inimbento ng tao, at hindi sa mga bagay na ukol sa Diyos. Ang aral ng pagsunod ang siyang nais ituro ng Kapitan ng hukbo ng Panginoon sa malaking hukbo ng Israel—ang pagsunod maging sa mga bagay na tila walang tagumpay sa paningin ng tao. Kapag mayroong pagsunod sa tinig ng ating Pinuno, si Cristo ang Siyang mangunguna sa Kaniyang mga labanan sa mga paraang magpapamangha sa pinakadakilang kapangyarihan sa lupa. —6T 140.1
Naunawaan ni Josue na ang labanan ay bahagi ng isang mas malaking tunggalian. Ano ang alam natin tungkol sa tunggalian kung saan mismo ang Diyos ay kasangkot? Basahin ang Apocalipsis 12:7–9; Isaias 14:12–14; Ezekiel 28:11–19; at Daniel 10:12–14.
“Si Lucifer ay nainggit at nagselos kay Jesu-Cristo. Gayunman, nang ang lahat ng mga anghel ay yumukod kay Jesus upang kilalanin ang Kaniyang kataas-taasang kapangyarihan, awtoridad, at karapat-dapat na pamumuno, siya rin ay yumukod kasama nila; ngunit ang kaniyang puso ay puno ng inggit at pagkapoot. Si Cristo ay isinama sa natatanging kapulungan ng Diyos hinggil sa Kaniyang mga panukala, samantalang si Lucifer ay walang kaalaman tungkol dito. Hindi niya naunawaan, ni pinahintulutang malaman, ang mga layunin ng Diyos. Subalit si Cristo ay kinilala bilang kataas-taasang pinuno ng langit, na ang Kaniyang kapangyarihan at awtoridad ay kapantay mismo ng Diyos. Inisip ni Lucifer na siya ang paborito sa langit sa piling ng mga anghel. Siya ay itinampok sa mataas na kalagayan, ngunit hindi ito nagbunga sa kaniya ng pasasalamat at pagpupuri sa kaniyang Manlilikha. Nais niyang umabot sa kapantayan ng Diyos Mismo. Ipinagmalaki niya ang kaniyang kadakilaan. Alam niyang siya ay iginagalang ng mga anghel. Siya ay may natatanging tungkuling dapat gampanan. Siya ay malapit sa Dakilang Manlilikha, at ang walang humpay na sinag ng maluwalhating liwanag na bumabalot sa walang-hanggang Diyos ay tumanglaw nang lalo sa kaniya. Inisip niya kung paanong ang mga anghel ay sumusunod sa kaniyang mga utos nang may kasiyahan. Hindi ba’t ang kaniyang mga kasuotan ay maningning at maganda? Bakit si Cristo ang dapat parangalan kaysa sa kaniya?” —SR 14.1
“Iniwan niya ang agarang presensiya ng Ama, hindi nasisiyahan at puspos ng inggit laban kay Jesu-Cristo. Itinago niya ang kaniyang tunay na layunin at tinipon ang hukbo ng mga anghel. Ipinakilala niya ang kaniyang paksa—ang kaniyang sarili. Bilang isang umano’y inaapi, ikinuwento niya sa kanila ang pagpabor ng Diyos kay Jesus at ang pagwawalang-bahala sa kaniya. Sinabi niya sa kanila na mula ngayon ay matatapos na ang kalayaang tinatamasa ng mga anghel, sapagkat may pinuno na umanong itinalaga sa kanila, na mula ngayon ay dapat nilang igalang at sundin bilang tagapamahala. Ipinahayag niya sa kanila na tinipon niya sila upang ipabatid na hindi na siya susuko pa sa ganitong paglabag sa kaniyang mga karapatan at sa kanila rin; na kailanman ay hindi na siya yuyukod muli kay Cristo; na aakuin niya para sa sarili ang karangalang dapat sana ay ibinigay sa kaniya, at siya ang magiging pinuno ng lahat ng handang sumunod sa kaniya at makinig sa kaniyang tinig.” —SR 14.2
“Nagkaroon ng pagtatalo sa mga anghel. Si Lucifer at ang kaniyang mga kapanig ay nagsikap na baguhin ang pamahalaan ng Diyos. Sila ay naging mga hindi nasisiyahan at malungkot sapagkat hindi nila maunawaan ang di-masukat na karunungan ng Diyos at hindi nila matuklasan ang Kaniyang layunin sa pagtatampok sa Kaniyang Anak at pagbibigay sa Kaniya ng walang-hanggang kapangyarihan at pamamahala. Sila ay naghimagsik laban sa awtoridad ng Anak.” —SR 15.1
“At nagkaroon ng digmaan sa langit. Ang Anak ng Diyos, ang Prinsipe ng langit, at ang Kaniyang tapat na mga anghel ay nakipaglaban sa pangunahing manghihimagsik at sa mga umanib sa kaniya. Ang Anak ng Diyos at ang tapat na mga anghel ay nagtagumpay, at si Satanas at ang kaniyang mga kapanig ay itinaboy palabas ng langit. Ang buong hukbo ng langit ay kumilala at sumamba sa Diyos ng katarungan. Wala nang bakas ng paghihimagsik na natira sa langit. Muling naghari ang kapayapaan at pagkakaisa gaya ng dati. Gayunman, ang mga anghel sa langit ay tumangis sa kapalaran ng mga naging kasamahan nila sa kaligayahan at kagalakan. Nadama sa langit ang pagkawala nila.”
“Makikilala mo na ang paglalarawang ito ay tumutukoy kay Lucifer; gayunman, ang propesiya ay nakatuon sa prinsipe ng Tiro, gaya rin ng sa Isaias 14 na iniugnay si Lucifer sa hari ng Babilonia. Sa ganito, mauunawaan natin na kapwa ang ‘Tiro’ at ang ‘Babilonia’ ay pinukaw ni Satanas at itinayo sa lupa upang gawin ang gayunding masasamang gawa na una niyang ginawa sa langit. Ngunit dito ay ipinahayag na ang pagkatalo ni Satanas sa mga pagtatangkang ito ay magiging ganap at kahiya-hiya.”
“Habang si Satanas ay nagsisikap na impluwensyahan ang pinakamataas na kapangyarihan sa kaharian ng Medo-Persia upang ipakita ang pagkamuhi laban sa bayan ng Diyos, ang mga anghel ay kumikilos para sa kapakanan ng mga bihag. Ang labanan ay isa na kinahihiligan ng buong langit. Sa pamamagitan ng propetang si Daniel ay ipinakita sa atin ang sulyap ng dakilang tunggalian na ito sa pagitan ng mga kapangyarihan ng kabutihan at kasamaan. Sa loob ng tatlong linggo ay nakipagpunyagi si Gabriel laban sa mga kapangyarihan ng kadiliman, sinisikap pigilan ang impluwensyang gumagawa sa isip ni Ciro; at bago matapos ang labanan, si Cristo Mismo ay dumating upang tulungan si Gabriel.” —PK 571.2
Basahin ang Exodo 2:23–25; Exodo 12:12, 13; at Exodo 15:3–11. Ano ang ibig sabihin na ang Diyos ay isang mandirigma?
“Ang awit na ito, at ang dakilang pagliligtas na ipinagdiriwang nito ay nag-iwan ng tatak na kailanman ay hindi mabubura sa alaala ng bayang Hebreo. Sa bawat salinlahi, ito ay inulit-ulit ng mga propeta at mga mang-aawit ng Israel bilang patotoo na si Jehova ang lakas at kaligtasan ng lahat ng nagtitiwala sa Kaniya. Ang awit na iyon ay hindi pag-aari ng bansang Hudyo lamang. Iyon ay tumutukoy sa darating na paglipol ng lahat ng kaaway ng katuwiran at sa pangwakas na tagumpay ng Israel ng Diyos. Nakita ng propeta ng Patmos ang karamihang nakadamit ng puti, yaong mga “nagtamo ng tagumpay,” na nakatayo sa “dagat na kristal na may halong apoy,” taglay ang “mga alpa ng Diyos.” At kanilang inaawit ang “awit ni Moises na lingkod ng Diyos, at ang awit ng Cordero.” (Apocalipsis 15:2, 3.)” —PP 289.1
“Alang-alang sa kakaunti na tapat—yaong ang kaligayahan ay nalalagay sa panganib dahil sa mapanghimagsik na impluwensiya ng mga suwail na kasapi ng kaniyang sambahayan—hinihiwalay niya sa kaniyang pamilya ang mga anak na suwail, habang kasabay nito ay pinapalapit niya sa kaniyang sarili ang mga natitirang tapat at masunurin. Lahat ay kikilala at magpupuri sa matalino at makatarungang hakbang ng ganitong magulang, sa mahigpit niyang pagpaparusa sa mga suwail at mapanghimagsik na anak.” —2SM 334.2
“Ganiyan din ang ginampanan ng Diyos sa Kaniyang mga anak. Ngunit ang tao, dahil sa kaniyang pagkabulag, ay binabalewala ang mga kasuklam-suklam na gawa ng masasama at hindi pinapansin ang patuloy na kawalang-pasasalamat, paghihimagsik, at mga kasalanang mapanghamon sa langit ng mga niyuyurakan ang kautusan ng Diyos at hinahamon ang Kaniyang kapangyarihan. Hindi lamang sila humihinto doon, kundi nagbubunyi pa sila sa paglinlang sa bayan ng Diyos, na naaakit sa kanilang mga pakana upang magkasala at hayagang hamakin ang marunong na mga utos ni Jehova.” —2SM 334.3
“May ilan na nakikita lamang ang pagkawasak ng mga kaaway ng Diyos, at sa kanila ito’y tila walang-awa at mabagsik. Ngunit hindi nila tinitingnan ang kabilang panig. Kaya’t magpasalamat tayo na ang padalos-dalos at pabagu-bagong tao, sa kabila ng kaniyang ipinagmamalaking kabaitan, ay hindi ang siyang nag-aayos at nagtatakda ng mga pangyayari. “Ang mga kaawaan ng masama ay mabagsik.” (Kawikaan 12:10.) —Spiritual Gifts 4a:49–52; 2SM 334.4
“Bago lumubog ang araw, natupad na ang pangako ng Diyos kay Josue. Ang buong hukbo ng kaaway ay ibinigay sa kaniyang kamay. Matagal na mananatili sa alaala ng Israel ang mga pangyayaring iyon ng araw na iyon. “At hindi nagkaroon ng araw na gaya niyaon bago nangyari yaon o pagkatapos niyaon, na ang Panginoon ay nakinig sa tinig ng tao: sapagka't ipinakipaglaban ng Panginoon ang Israel.” “Ang araw at buwan ay tumigil sa kanilang tahanan, Sa liwanag ng iyong mga pana habang sila'y nagsisiyaon, Sa kislap ng iyong makinang na sibat. Ikaw ay lumakad sa mga lupain sa pagkagalit; Iyong giniik ang mga bansa sa galit. Ikaw ay lumabas sa ikaliligtas ng iyong bayan.” (Habakuk 3:11–13.)” —PP 508.3
Ayon sa Exodo 14:13, 14, 25, ano ang orihinal at pinakamainam na plano ng Diyos ukol sa pagiging kasangkot ng mga Israelita sa digmaan?
“Totoo, walang anumang posibilidad ng pagliligtas maliban na lamang kung ang Diyos Mismo ang mamamagitan para sa kanilang kalayaan; ngunit yamang dinala sila sa ganitong kalagayan bilang pagsunod sa banal na utos, si Moises ay walang anumang takot sa maaaring mangyari. Ang kaniyang mahinahon at nakapagpapatibay na tugon sa bayan ay: “Huwag kayong matakot, tumigil kayo, at tingnan ninyo ang pagliligtas ng Panginoon na gagawin sa inyo ngayon: sapagka't ang mga Egipcio na inyong nakikita ngayon, ay hindi na ninyo uli makikita magpakailan man. Ipakikipaglaban kayo ng Panginoon, at kayo'y tatahimik.” —PP 284.1
“Ngunit ngayon, habang papalapit na ang hukbo ng mga Egipcio, inaasahang madali nilang mabibihag ang mga Israelita, ang maulap na haligi ay maringal na umakyat sa kalangitan, dumaan sa ibabaw ng mga Israelita, at bumaba sa pagitan nila at ng mga hukbo ng Egipto. Isang pader ng kadiliman ang humadlang sa pagitan ng mga hinahabol at ng mga naghahabol. Hindi na matanaw ng mga Egipcio ang kampamento ng mga Hebreo kaya napilitan silang huminto. Ngunit habang lumalalim ang dilim ng gabi, ang pader ng ulap ay naging dakilang liwanag para sa mga Hebreo, na tumanglaw sa buong kampamento na tila liwanag ng araw.” —PP 284.3
“At muling sumibol ang pag-asa sa mga puso ng Israel. Itinaas ni Moises ang kaniyang tinig sa Panginoon. At sinabi ng Panginoon kay Moises, ‘Bakit humihibik ka sa akin? salitain mo sa mga anak ni Israel na sila'y magpatuloy na yumaon. At itaas mo ang iyong tungkod, at iunat mo ang iyong kamay sa ibabaw ng dagat, at hawiin mo; at ang mga anak ni Israel ay dadaan sa gitna ng dagat sa ibabaw ng lupang tuyo.” —PP 287.1
“Ang mang-aawit, habang inilarawan ang pagtawid ng Israel sa dagat, ay umawit: ‘Ang daan mo'y nasa dagat, at ang mga landas mo'y nasa malalawak na tubig, at ang bakas mo'y hindi nakilala. Iyong pinapatnubayan ang iyong bayan na parang kawan, sa pamamagitan ng kamay ni Moises at ni Aaron.’ (Awit 77:19, 20). Nang iunat ni Moises ang kaniyang tungkod, ang tubig ay nahati, at ang Israel ay pumasok sa gitna ng dagat sa tuyong lupa, habang ang tubig ay nakatindig na parang pader sa magkabilang panig. Ang liwanag mula sa haliging apoy ng Diyos ay nagliwanag sa mga alon na may bula, at pinailawan ang daan na tila isang malalim na tawiran na ginuhit sa tubig ng dagat, at naglaho sa dilim ng kabilang pampang.” —PP 287.2
“Hinabol sila ng mga Egipcio at pumasok sa gitna ng dagat, pati ang lahat ng kabayo ni Faraon, ang kaniyang mga karwahe, at mga mangangabayo. At nangyari, sa pagbabantay ng umaga, na ang Panginoon ay tumingin sa hukbo ng mga Egipcio sa pamamagitan ng haliging apoy at ulap, at binagabag ang hukbo ng mga Egipcio.’ Ang mahiwagang ulap ay naging haliging apoy sa harap ng kanilang namamanghang mga mata. Umalingawngaw ang kulog at kumislap ang mga kidlat. ‘Ang mga ulap ay nagbuhos ng tubig; ang kalangitan ay naglabas ng tinig; ang Iyong mga palaso ay lumipad sa lahat ng dako. Ang tinig ng iyong kulog, ay nasa ipoipo; tinanglawan ng mga kidlat ang sanglibutan: ang lupa ay nayanig at umuga.’ (Awit 77:17, 18).” —PP 287.3
“Sinidlan ng pagkalito at sindak ang mga Egipcio. Sa gitna ng poot ng mga elemento, kung saan narinig nila ang tinig ng galit na Diyos, sinikap nilang bumalik at tumakas patungo sa pampang na kanilang iniwan. Ngunit iniunat ni Moises ang kaniyang tungkod, at ang mga tubig na naipon, na umuugong, humahagibis, at sabik sa kanilang biktima, ay muling nagsanib at nilamon ang hukbo ng Egipto sa kanilang maitim at malalim na kailaliman.” —PP 287.4
Basahin ang Exodo 17:7–13 at Josue 6:15–20. Anong mga pagkakatulad ang nakikita mo sa pagitan ng dalawang salaysay na ito? Sa anong paraan sila nagkakaiba?
“Itaas ni Moises ang kaniyang mga kamay tungo sa langit, hawak sa kaniyang kanang kamay ang tungkod ng Diyos, na taimtim na humihingi ng tulong sa Kaniya. Noon ay nanaig ang Israel at napaurong nila ang kanilang mga kaaway. Ngunit nang ibaba ni Moises ang kaniyang mga kamay, nakita na ang Israel ay agad nawalan ng lahat ng kanilang naipanalo at sila ay nasusupil ng kanilang mga kaaway. Muli niyang iniunat paitaas ang kaniyang mga kamay tungo sa langit, at muling nanaig ang Israel, at napaurong ang mga kaaway.” —3SG 258.1
“Ang gawaing ito ni Moises, ang pagtaas ng kaniyang mga kamay tungo sa Diyos, ay upang turuan ang Israel na habang inilalagay nila ang kanilang tiwala sa Diyos, kumakapit sa Kaniyang kalakasan, at itinatampok ang Kaniyang trono, Siya’y makikipaglaban para sa kanila at lulupigin ang kanilang mga kaaway. Ngunit kapag binitiwan nila ang kanilang pagkakapit sa Kaniyang kapangyarihan at umasa sa sariling lakas, sila ay magiging higit pang mahina kaysa kanilang mga kaaway na walang kaalaman tungkol sa Diyos, at ang kanilang mga kaaway ang mananaig sa kanila. Pagkatapos ay ‘nilupig ni Josue si Amalec at ang kaniyang bayan sa pamamagitan ng talim ng tabak. At sinabi ng Panginoon kay Moises, Isulat mo ito bilang alaala sa isang aklat, at ituro mo kay Josue; sapagkat aking lubusang lilipulin ang alaala ni Amalec sa silong ng langit. At nagtayo si Moises ng isang dambana, at tinawag ang pangalan nito na Jehova-nissi, sapagkat kaniyang sinabi, Yamang sumumpa ang Panginoon, magkakaroon ng digmaan ang Panginoon laban kay Amalec sa sali’t saling lahi.’ Kung hindi sana nagreklamo ang mga anak ni Israel laban sa Panginoon, hindi sana Niya pinahintulutan na makidigma ang kanilang mga kaaway laban sa kanila.” —3SG 258.2
“Nilayon ng Diyos na ipakita sa mga Israelita na ang pagsakop sa Canaan ay hindi dapat ipagmalaki bilang gawa ng kanilang sariling kakayahan. Ang Kapitan ng hukbo ng Panginoon ang siyang dumurog sa Jerico. Siya at ang Kaniyang mga anghel ang tunay na nakipagdigma sa pagsakop. Inutusan ni Cristo ang mga hukbo ng langit na pabagsakin ang mga pader ng Jerico at ihanda ang daan para kina Josue at sa hukbo ng Israel. Sa kahanga-hangang himalang ito, hindi lamang pinalakas ng Diyos ang pananampalataya ng Kaniyang bayan sa Kaniyang kapangyarihang lupigin ang kanilang mga kaaway, kundi sinaway din Niya ang dati nilang kawalan ng pananampalataya.” —4aSG 64.1
“Hinamon ng Jerico ang mga hukbo ng Israel at ang Diyos ng langit. At nang makita nila ang hukbo ng Israel na nagmamartsa sa palibot ng kanilang lungsod isang beses bawat araw, sila ay nabahala; ngunit nang tumingin sila sa kanilang matitibay na depensa—ang kanilang matatag at mataas na mga pader—nakatiyak silang kayang-kaya nilang pigilan ang anumang pag-atake. Subalit nang biglang yumanig at gumuho ang kanilang mga pader na parang dagundong ng napakalakas na kulog, sila ay napatigil sa matinding sindak at wala nang nagawa upang lumaban.” —4aSG 64.2
Ang kautusan na nagsasabing ang Israel ay hindi makapapasok sa Canaan sa loob ng apatnapung taon ay isang napakapait na kabiguan para kina Moises at Aaron, Caleb at Josue; gayunman, tinanggap nila nang walang pagdaing ang pasiyang mula sa Diyos. Ngunit yaong mga palaging nagrereklamo sa mga pakikitungo ng Diyos sa kanila, at naghayag ng hangaring bumalik sa Egipto, ay umiyak at nagdalamhati nang labis nang bawiin sa kanila ang mga pagpapalang kanilang hinamak. Noon ay nagreklamo sila sa wala, at ngayon ay binigyan sila ng Diyos ng tunay na dahilan upang umiyak. Kung sila sana ay tumangis dahil sa kanilang kasalanan nang ito ay tapat na ipinaalam sa kanila, hindi sana ipinataw sa kanila ang hatol na iyon; ngunit tumangis sila hindi dahil sa kasalanan kundi dahil sa parusa. Ang kanilang pagdadalamhati ay hindi bunga ng tunay na pagsisisi, kaya’t hindi ito makapagpapawalang-bisa ng hatol laban sa kanila.” —PP 392.1
“Ginugol nila ang magdamag sa pag-iyak at pagluluksa, ngunit pagdating ng umaga ay sumibol ang pag-asa. Nagpasya silang itama ang kanilang kaduwagan. Nang utusan sila ng Diyos na umakyat at sakupin ang lupain, tumanggi sila; at ngayong iniutos ng Diyos na sila ay umurong, naging kasing-rebelde pa rin sila. Ipinasiya nilang angkinin ang lupain at sakupin ito; baka sakaling tanggapin ng Diyos ang kanilang gawa at baguhin ang Kaniyang pasiya tungkol sa kanila.” —PP 392.2
“Ginawa ng Diyos na isang pribilehiyo at tungkulin para sa kanila ang pumasok sa lupain sa itinakdang panahon Niya, ngunit dahil sa kanilang sinadyang pagpapabaya, binawi ang pahintulot na iyon. Naabot ni Satanas ang kaniyang layunin sa pagpigil sa kanila na makapasok sa Canaan; at ngayon, tinukso niya silang gawin mismo ang bagay na ipinagbabawal ng Diyos—ang bagay na dati nilang tinanggihan gawin nang ito ay inutos Niya. Sa ganitong paraan nagtagumpay ang dakilang manlilinlang, sa pamamagitan ng pag-akay sa kanila sa muling pagrerebelde. Dati nilang pinagdudahan ang kapangyarihan ng Diyos na kumilos kasama nila upang makamtan ang Canaan; ngunit ngayo’y nagtiwala sila sa sariling lakas upang magtagumpay nang walang tulong mula sa Diyos. “Kami ay nagkasala laban sa Panginoon, kami ay sasampa at lalaban, ayon sa buong iniutos sa amin ng Panginoon naming Dios.” (Deuteronomio 1:41). Lubhang nabulag sila dahil sa kasalanan. Kailanman ay hindi inutusan sila ng Panginoon na ‘umakyat at lumaban.’ Hindi kalooban ng Diyos na makamtan nila ang lupain sa pamamagitan ng digmaan, kundi sa pamamagitan ng mahigpit na pagsunod sa Kaniyang mga utos.” —PP 392.3