Ang Nagniningas na Kahoy

Liksyon 2, Pangatlong Semestre, Hulyo 5-11, 2025

img rest_in_christ
Ibahagi ang Liksyong ito
sharethis sharing button
copy sharing button
email sharing button
whatsapp sharing button
facebook sharing button
twitter sharing button
telegram sharing button
messenger sharing button
line sharing button
wechat sharing button
vk sharing button
tencentqq sharing button
weibo sharing button
kakao sharing button
Download PDF

Hapon ng Sabbath, Hulyo 5

Talatang Sauluhin:

“At sinabi ng Panginoon, Akin ngang nakita ang kadalamhatian ng aking bayan na nasa Egipto, at aking dininig ang kanilang daing dahil sa mga tagapagpaatag sa kanila; sapagka't talastas ko ang kanilang kapanglawan. At ako'y bumaba upang iligtas sila sa kamay ng mga Egipcio at upang sila'y isampa sa isang mabuting lupain at malawak, mula sa lupaing yaon, sa isang lupaing binubukalan ng gatas at pulot sa dako ng Cananeo, at ng Hetheo, at ng Amorrheo, at ng Pherezeo, at ng Heveo at ng Jebuseo.”— Exodo 3:7, 8


Dapat nating tandaan na hindi tayo ang una, ni ang nag-iisang grupo ng mga tao, na kinailangang baguhin ang paraan ng pag-iisip. Hindi rin tayo ang unang nakatuklas na ang mga plano ng Diyos ay kabaligtaran ng ating mga sariling plano. Maging si Moises ay naranasang hindi pala ayon sa kalooban ng Diyos ang kanyang pamamaraan ng pagliligtas sa mga anak ni Israel mula sa pagkaalipin sa Egipto. Gayundin, ang ruta na itinakda ng Diyos para sa kanilang paglalakbay patungo sa lupang pangako ay hindi ayon sa inaasahan ng bayan.

Ang mga apostol naman ay matibay na naniwala na itatatag ni Cristo ang Kanyang kaharian sa Kaniyang unang pagparito, ngunit kinailangan din nilang iwasto ang kanilang paniniwala. Bukod pa riyan, ang mga Hebreo—na mula sa pagiging alipin ay ginawa ng Diyos na mga hari—ay pinangakuan ng isang kahariang mananatili magpakailanman. Kaya’t lubos silang nagulantang nang ang kahariang ito ay bumagsak. Mula pa noon hanggang ngayon, ang kasaysayan ay punô ng mga ganitong di-inaasahang paghahayag.

Inasahan ng mga unang tagapagtatag ng Seventh-Day Adventist church na agad darating ang Panginoon sa sandaling makumpleto ang 144,000 na mga kaanib, at inaasahan nilang sila’y buhay na masasaksihan ang Kanyang pagdating. Ngunit ngayon, ang bilang ng mga miyembro ng iglesia ay lampas na nang ilang ulit sa 144,000, patay na ang mga pioneer, at hindi pa rin dumarating ang Panginoon. Kaya’t ang tanong ay hindi kung nais ba nating baguhin ang ating kaisipan, kundi kung kinakailangan ba nating baguhin ito.

Linggo, Hulyo 6

Ang Nagliliyab na Kahoy


Basahin ang Exodo 3:1–6. Ano ang kahalagahan ng pagpapakilala ng Panginoon kay Moises bilang “ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac, at ang Diyos ni Jacob”?

“Habang lumilipas ang mga taon, si Moises ay palakad-lakad sa ilang kasama ang kaniyang mga kawan sa mga liblib na pook, pinagninilayan ang kaawa-awang kalagayan ng kanyang mga kababayan. Inaalala niya ang pakikitungo ng Diyos sa Kanyang mga ninuno at ang mga pangakong minana ng bayang hinirang. Araw at gabi, ang kaniyang mga panalangin para sa Israel ay umaabot sa langit. At sa mga sandaling ito, ang mga anghel ng langit ay nagbigay liwanag sa kaniyang paligid. Dito rin, sa ilalim ng inspirasyon ng Banal na Espiritu, isinulat niya ang aklat ng Genesis. Ang mahabang panahon ng paninirahan sa ilang ay naging masaganang pagpapala—hindi lamang para kay Moises at sa kanyang bayan, kundi para rin sa buong sanlibutan hanggang sa kasalukuyang panahon.” —PP 251.1

“Isang araw, habang ginagabayan niya ang kanyang mga kawan malapit sa Horeb, na tinatawag ding ‘bundok ng Diyos,’ nakita ni Moises ang isang palumpong na nagliliyab—mga sanga, dahon, at katawan nito ay nasusunog, ngunit hindi nauubos. Lumapit siya upang pagmasdan ang kahanga-hangang tanawin, nang isang tinig mula sa apoy ang tumawag sa kanya sa pangalan. Sa nanginginig na tinig, sumagot siya, ‘Narito ako.’ Agad siyang binalaan na huwag lumapit nang walang paggalang:

‘hubarin mo ang iyong panyapak sa iyong mga paa, sapagka't ang dakong iyong kinatatayuan ay banal na lupa.... Ako ang Dios ng iyong ama ang Dios ni Abraham, ang Dios ni Isaac, at ang Dios ni Jacob.’

Siya rin ang nagpakita sa mga patriarka noon bilang Anghel ng Tipan. At si Moises ay nagtago ng kanyang mukha, sapagkat siya'y natakot na tumingin sa Diyos.” —PP 251.2

“Ang kababaang-loob at banal na paggalang ang dapat maging katangian ng sinumang lumalapit sa harapan ng Diyos. Sa pangalan ni Jesus ay maaari tayong lumapit sa Kanya nang may pagtitiwala, ngunit hindi ito nangangahulugang maaari nating lapitan Siya nang pabaya o may pagmamataas—na parang Siya ay kapantay lamang natin. May mga tao na kinakausap ang dakila at banal na Diyos—na nananahan sa liwanag na hindi malapitan—na para bang nakikipag-usap lamang sa isang kaibigan o sa isang mas mababa. Mayroon ding mga tao na umaasal sa tahanan ng Diyos na hindi nila kayang gawin kung sila'y nasa harapan ng isang hari o makapangyarihang pinuno sa lupa. Dapat nilang alalahanin na sila’y nasa harapan ng Isa na sinasamba ng mga serapin, at sa harap Niya ay tinatakpan ng mga anghel ang kanilang mukha. Ang Diyos ay dakilang dapat igalang. Ang lahat ng tunay na nakadarama ng Kanyang banal na presensya ay magpapakumbaba at yuyuko sa Kanyang harapan. At tulad ni Jacob na nakakita sa pangitain ng Diyos, ay marapat na magsabi:

‘Kakila-kilabot ang lugar na ito! Ito'y walang iba kundi ang bahay ng Diyos, at ito ang pintuan ng langit.’” —PP 252.1

Lunes, Hulyo 7

Ang Anghel ng Panginoon


Basahin ang Exodo 3:7–12. Paano ipinaliwanag ng Diyos kay Moises ang dahilan ng Kanyang pakikisangkot para sa mga Israelitang inalipin sa Egipto?

“Siya rin ang nagpakita sa mga partiarka noon bilang Anghel ng tipan. ‘At tinakpan ni Moises ang kanyang mukha, sapagkat siya’y natakot na tumingin sa Diyos.’” —PP 251.2

“At nangyari pagkaraan ng maraming araw na ang hari sa Egipto ay namatay; at ang mga anak ni Israel ay nagbuntong hininga dahil sa pagkaalipin, at sila'y dumaing at ang kanilang daing ay umabot sa Dios dahil sa pagkaalipin. At dininig ng Dios ang kanilang hibik, at naalaala ng Dios ang kaniyang tipan kay Abraham, kay Isaac, at kay Jacob, At nilingap ng Dios ang mga anak ni Israel, at sila'y kinilala ng Dios.” Dumating na ang panahon para sa pagliligtas ng Israel. Ngunit ang layunin ng Diyos ay maisasakatuparan sa paraang lalapastangan sa pagmamataas ng tao. Ang tagapagligtas ay lalabas bilang isang mapagpakumbabang pastol, may tangan lamang na tungkod; ngunit gagawin ng Diyos ang tungkod na iyon bilang sagisag ng Kanyang kapangyarihan.” —PP 251.2

“Habang si Moises ay naghihintay nang may banal na takot sa harap ng Diyos, ipinagpatuloy Niya ang pagsasalita: **‘ Akin ngang nakita ang kadalamhatian ng aking bayan na nasa Egipto, at aking dininig ang kanilang daing dahil sa mga tagapagpaatag sa kanila; sapagka't talastas ko ang kanilang kapanglawan. At ako'y bumaba upang iligtas sila sa kamay ng mga Egipcio at upang sila'y isampa sa isang mabuting lupain at malawak, mula sa lupaing yaon, sa isang lupaing binubukalan ng gatas at pulot... Halika nga ngayon, at ikaw ay aking susuguin kay Faraon, upang iyong ilabas sa Egipto ang aking bayan na mga anak ni Israel.” —PP 252.2

“Sa matinding pagkabigla at takot sa utos na ito, umurong si Moises at nagsabi, ‘Sino ako, upang pumaroon kay Faraon, at upang ilabas sa Egipto ang mga anak ni Israel? At kaniyang sinabi, Tunay na ako'y sasaiyo; at ito'y magiging tanda sa iyo, na ikaw ay aking sinugo: pagka iyong nailabas na sa Egipto ang bayan ay maglilingkod kayo sa Dios sa bundok na ito.” —PP 252.3

Martes, Hulyo 8

Ang Pangalan ng Panginoon


Basahin ang Exodo 3:13–22. Bakit nais malaman ni Moises ang pangalan ng Diyos at ano ang kahalagahan ng Kanyang pangalan?

“Iniisip ni Moises ang mga kahirapang maaaring harapin—ang pagkabulag, kamangmangan, at kawalan ng pananampalataya ng kanyang mga kababayan, na marami sa kanila’y halos walang kaalaman tungkol sa Diyos. ‘Narito,’ aniya, ‘pagdating ko sa mga anak ni Israel, at sasabihin ko sa kanila, Ang Diyos ng inyong mga ninuno ang nagsugo sa akin sa inyo; at kung sasabihin nila sa akin, Ano ang Kanyang pangalan?—ano ang isasagot ko sa kanila?’ Ang tugon ay—” —PP 252.4

“AKO’Y SI AKO NGA.’ ‘Ito ang isasagot mo sa mga anak ni Israel: SI AKO ang nagsugo sa akin sa inyo.’” —PP 253.1

Kung ang tunay na pangalan ng Diyos ay Jehova, mangangahas ba tayong, bilang mga nilikhang tao, na kausapin Siya nang basta-basta at walang paggalang sa pamamagitan ng pagtawag sa Kanyang Pangalan, sa halip na sa isa sa Kanyang mga titulo gaya ng Diyos, Panginoon, Ama, Maylalang, Tagapagligtas, at iba pa—gayung hindi nga natin magawang tawagin ang ating sariling mga magulang sa kanilang unang pangalan gaya ng Juan, Jorge, Pedro, Dorotea, Ruth, Maria, atbp., sa halip na tawaging Ama o Ina?

Ang ganitong uri ng kawalan ng paggalang na ginagawa ng mga pagano ay maaaring patawarin dahil sa kanilang kamangmangan, ngunit kapag ito’y ginagawa ng mga Kristiyanong may kaalaman, ito ay hindi maaring pagtakpan.

Maaari nating gamitin ang salitang Jehova nang may paggalang lamang kung, halimbawa, ang isang pagano ay magtanong sa atin: “Sino ang iyong Diyos?” Sa gayong pagkakataon, maaari nating may pananalig at paggalang na sabihin: Si Jehova, ang tanging tunay at buhay na Diyos.

Ngunit kailanman, kapag nakikipag-usap tayo sa Diyos, hindi natin Siya dapat tawagin sa Kanyang tunay na Pangalan. Kung paanong ang mga maka-Diyos na Judio noong unang panahon ay itinuring ang Banal na Pangalan bilang napakabanal upang bigkasin, ganoon din dapat ang gawin ng mga Kristiyanong may liwanag sa panahong ito.  Ang pinakamatanda at pinakabanal na pangalan ng Diyos sa wikang Hebreo ay hindi lamang hindi karaniwang binibigkas, kundi isinusulat pa sa pinaikling anyo upang ito’y hindi mabigkas.

Dahil dito, ang tunay na pagbigkas ng pangalan ay hindi na rin alam. Ang tanging tiyak nating alam ay ang anyo ng mga katinig: Yhwh, Yvh, o Yhv.

Ang pinaikling anyong ito ng pangalan ay naging dahilan ng kahirapan para sa mga tagapagsalin upang bumuo ng isang salitang maaaring bigkasin. Kaya’t pinunan nila ang mga tinatayang nawawalang patinig. Ang unang pantig na halos lahat ay nagkasundo ay Jah. Ang iba pang bahagi ng salita ay idinagdag ng iba’t ibang tagapagsalin.

Lumabas ang mga anyong gaya ng Yahweh, Yahowah, o Yahovah upang umayon sa iba’t ibang wika. Ang anyong Ingles ay naging Jehovah. Kaya’t anumang mga titik na ipinagdudugtong upang mabuo ang Pangalan ay maaaring hindi talaga ang salitang Hebreo!

(See Funk and Wagnall’s Standard Dictionary, definition “Jehovah.”)

Miyerkules , Hulyo 9

Apat na Pagdadahilan


Basahin ang Exodo 4:1–17. Anong mga tanda ang ibinigay ng Diyos kay Moises upang palakasin ang kanyang katayuan bilang sugo ng Diyos?

“Nakita ni Moises sa kanyang harapan ang mga kahirapang tila hindi malalampasan. Anong ebidensya ang maipapakita niya sa kanyang mga kababayan upang patunayang siya nga ay isinugo ng Diyos? ‘ Datapuwa't, narito, hindi nila paniniwalaan ako, ni didinggin ang aking tinig sapagka't kanilang sasabihin, Ang Panginoon ay hindi napakita sa iyo. Kaya’t binigyan siya ng mga ebidensyang aabot mismo sa kanyang pandama. Inutusan siyang ihagis ang kanyang tungkod sa lupa. Nang kanyang gawin ito, ‘ito’y naging ahas; at si Moises ay tumakbo palayo rito.’ Iniutos sa kanyang damputin ito, at sa kanyang kamay ito’y muling naging tungkod. At sinabi pa sa kaniya ng Panginoon, Ipasok mo ang iyong kamay, sa iyong sinapupunan. At kaniyang ipinasok ang kamay niya sa kaniyang sinapupunan: at nang kaniyang ilabas, ay narito, ang kaniyang kamay ay may ketong, na maputing parang niebe. At kaniyang sinabi, Ipasok mo uli ang iyong kamay sa iyong sinapupunan. (At kaniyang ipinasok uli ang kamay niya sa kaniyang sinapupunan, at nang kaniyang ilabas sa kaniyang sinapupunan, ay narito, nagsauling gaya ng kaniyang dating laman). Sa pamamagitan ng mga tandang ito, tiniyak ng Panginoon kay Moises na pati ang kanyang sariling bayan—gayon din si Paraon—ay makukumbinsing may Isa na higit na makapangyarihan kaysa hari ng Egipto na nasa kanilang kalagitnaan.” —PP 253.6

Basahin ang Exodo 4:10–18. Paano tumugon ang Panginoon kay Moises, at anong mga aral ang maaari nating makuha mula rito sa kahit anong kalagayan kung saan tayo’y tinatawag ng Diyos?

“Ngunit ang lingkod ng Diyos ay lubos pa ring nabigla sa kakaiba at kamangha-manghang gawaing nasa harapan niya. Sa gitna ng kanyang pagkabalisa at takot, ginamit niya ang kakulangan sa kasanayan sa pagsasalita bilang dahilan: ‘Oh Panginoon, ako'y hindi marikit mangusap, kahit ng panahong nakaraan, kahit mula ng magsalita ka sa iyong lingkod: sapagka't ako'y kimi sa pangungusap at umid sa dila.’ Matagal na siyang malayo sa mga Egipcio kaya’t hindi na siya gaanong bihasa sa kanilang wika gaya noong siya ay nasa piling pa nila.” —PP 254.1

“ At sinabi sa kaniya ng Panginoon, Sinong gumawa ng bibig ng tao? o sinong gumawa ng pipi, o bingi, o may paningin, o bulag sa tao? Hindi ba akong Panginoon?’ Pagkatapos ay binigyan siya ng isa pang katiyakan ng banal na tulong: ‘Ngayon nga'y yumaon ka, at ako'y sasaiyong bibig, at ituturo ko sa iyo kung ano ang iyong sasalitain.’ Ngunit si Moises ay patuloy pa ring nakiusap na ibang tao na lamang ang ipadala. Ang mga pagdadahilan niyang ito ay nagmula sa kababaang-loob at pag-aalinlangan; ngunit matapos ipangako ng Panginoon na aalisin ang lahat ng hadlang at pagbibigyan siya ng tagumpay, ang patuloy na pag-urong at pagrereklamo sa sarili niyang kakulangan ay nagpapakita ng kawalan ng tiwala sa Diyos. Ipinahihiwatig nito ang takot na hindi kaya ng Diyos na bigyan siya ng sapat na kakayahan para sa dakilang gawain na ipinagkatiwala sa kanya, o kaya nama’y nagkamali ang Diyos sa pagpili sa kanya.” —PP 254.2

“Ngayon ay itinuro kay Moises si Aaron, ang kanyang nakatatandang kapatid, na dahil sa araw-araw na paggamit ng wikang Egipcio ay bihasa sa pagsasalita nito. Sinabi sa kanya na si Aaron ay papalapit na upang salubungin siya. Ang mga sumunod na salita ng Panginoon ay isang tuwirang utos: ‘At ikaw ay magsasalita sa kaniya, at iyong isasabibig niya ang mga salita; at ako'y sasaiyong bibig at sasakaniyang bibig, at aking ituturo sa inyo, kung ano ang inyong gagawin. At siya ang makikipagusap sa lagay mo sa bayan: at mangyayari na siya'y magiging sa iyo'y bibig, at ikaw ay magiging sa kaniya'y parang Dios. At tatangnan mo sa iyong kamay ang tungkod na ito, na iyong ipaggagawa ng mga tanda.” —PP 254.4

Huwebes, Hulyo 10

Ang Pagtutuli


Basahin ang Exodo 4:18–31. Paano natin mauunawaan ang kakaibang kuwentong ito, at anong aral ang maaari nating makuha mula rito?

Sa loob ng apatnapung taong pamumuhay bilang pastol, nakalimutan ni Moises ang wikang Egipcio, at kasama nito ang karunungan ng mga Egipcio. Ngunit kapalit nito, natutunan niyang alagaan nang mabuti ang mga tupa. Dahil dito, tuluyan na niyang inalis sa kanyang isipan ang ideya ng pagpapalaya sa bayan ng Diyos mula sa pagkaalipin sa Egipto.

Ngunit noon, nakita ng Diyos na siya ay malakas at sapat na ang kahandaan, kaya inutusan Siyang bumalik sa Egipto upang ilabas ang Kanyang bayang dumaraing. Tulad ng alam natin, mariing tumutol si Moises sa ideyang ito at pinagtanggol ang kanyang sarili, na siya ay nabigo noon sa kanyang unang pagtatangka—noong siya’y bata pa at maraming nalalaman.

Ngayon, sa huling bahagi ng kanyang buhay, ayaw na niyang sumubok muli, sapagkat ni hindi na raw niya kayang magsalita ng kanilang wika. Pagkatapos ng mahabang pakikipag-usap, inalis ng Diyos ang kanyang mga pagtutol sa pamamagitan ng pangakong ibibigay sa kanya si Aaron, ang kanyang kapatid, bilang tagapagsalita. Sa wakas ay pumayag si Moises na bumalik sa Egipto.

Habang nasa daan mula sa Midian, tumanggap si Moises ng nakakagulat at nakakatakot na babala ng hindi pagsang-ayon ng Panginoon. Isang anghel ang nagpakita sa kanya sa isang nakababalang anyo, na parang wawasakin siya sa mismong sandaling iyon.

Walang ibinigay na paliwanag; ngunit naalala ni Moises na kanyang nilabag ang isa sa mga kautusan ng Diyos. Dahil sa pakiusap ng kanyang asawa, ay kanyang napabayaan ang pagsasagawa ng ritwal ng pagtutuli sa kanilang bunsong anak. Hindi niya natupad ang kundisyon upang ang bata ay maging karapat-dapat sa mga pagpapala ng tipan ng Diyos sa Israel; at ang ganitong pagpapabaya mula sa isang lider na pinili ng Diyos ay tiyak na makakabawas sa bisa ng mga banal na tagubilin sa bayan. Dahil sa takot ni Zipora na mapatay ang kanyang asawa, siya na mismo ang nagsagawa ng pagtutuli; at saka lamang pinahintulutan ng anghel si Moises na ipagpatuloy ang kanyang paglalakbay. Sa kanyang misyon kay Paraon, si Moises ay haharap sa matinding panganib; ang kanyang buhay ay maiingatan lamang sa pamamagitan ng proteksyon ng mga banal na anghel.

Ngunit habang namumuhay sa pagpapabaya sa isang tungkuling batid niyang dapat tuparin, hindi siya magiging ligtas; sapagkat hindi siya maaaring balutan ng pag-iingat ng mga anghel ng Diyos. —PP 255.5

Sa panahon ng kaguluhan bago ang pagdating ni Cristo, ang mga matuwid ay iingatan sa pamamagitan ng pangangasiwa ng mga anghel ng langit; ngunit walang kaligtasan para sa mga lumalabag sa kautusan ng Diyos. Hindi nila maaaring asahan ang proteksyon ng mga anghel kung patuloy nilang sinusuway ang isa sa mga banal na utos. —PP 256.1

Biyernes, Hulyo 11

Karagdagang Kaisipan

"Ang banal na utos na ibinigay kay Moises ay tumambad sa isang taong walang tiwala sa sarili, mabagal magsalita, at mahiyain. Lubos siyang napanghinaan ng loob sa pag-iisip na siya ang magiging tagapagsalita ng Diyos para sa Israel. Ngunit nang tanggapin na niya ang tungkulin, isinakatuparan niya ito nang buong puso, na lubos ang pagtitiwala sa Panginoon. Ang kadakilaan ng kanyang misyon ay nag-udyok sa kanya upang gamitin ang pinakamahuhusay na kakayahan ng kanyang isipan. Pinagpala ng Diyos ang kanyang bukas-palad na pagsunod, kaya’t siya’y naging matatas magsalita, puno ng pag-asa, may matatag na paninindigan, at ganap na nahubog para sa pinakadakilang gawaing kailanma’y ipinagkaloob sa tao. Ito’y halimbawa ng kung paanong pinatatatag ng Diyos ang pagkatao ng mga lubos na nagtitiwala sa Kanya at lubos na nagpapasakop sa Kanyang mga utos." —PP 255.1

"Ang isang tao ay magkakamit ng kapangyarihan at husay habang buong pusong tinatanggap ang mga pananagutang inilalagay ng Diyos sa kanya, at taimtim na nagsisikap na ihanda ang sarili upang tuparin ang mga ito nang tapat. Gaano man kababa ang kanyang kalagayan o gaano man kakitid ang kanyang kakayahan, makakamit ng taong iyon ang tunay na kadakilaan kung siya’y umaasa sa lakas ng Diyos at taos-pusong ginagampanan ang kanyang tungkulin. Kung si Moises ay umasa lamang sa sarili niyang lakas at karunungan, at buong sabik na tinanggap ang malaking tungkulin, sana ay naipakita lamang niya ang kanyang lubos na kawalan ng kakayahan para sa gayong gawaing banal. Ang kamalayan ng isang tao sa kanyang sariling kahinaan ay patunay na nauunawaan niya ang bigat ng gawaing ipinagkatiwala sa kanya—at ito rin ay nagpapahiwatig na gagawin niyang tagapayo at lakas ang Diyos." —PP 255.2