Pang-aapi: Ang Pinagmulan at ang Kapanganakan ni Moises

Liksyon 1, Pangatlong Semestre, Junyo 28-Hulyo 4, 2025

img rest_in_christ
Ibahagi ang Liksyong ito
sharethis sharing button
copy sharing button
email sharing button
whatsapp sharing button
facebook sharing button
twitter sharing button
telegram sharing button
messenger sharing button
line sharing button
wechat sharing button
vk sharing button
tencentqq sharing button
weibo sharing button
kakao sharing button
Download PDF

Hapon ng Sabbath Hunyo 28

Talatang Sauluhin

“At nangyari pagkaraan ng maraming araw na ang hari sa Egipto ay namatay; at ang mga anak ni Israel ay nagbuntong hininga dahil sa pagkaalipin, at sila'y dumaing at ang kanilang daing ay umabot sa Dios dahil sa pagkaalipin. At dininig ng Dios ang kanilang hibik, at naalaala ng Dios ang kaniyang tipan kay Abraham, kay Isaac, at kay Jacob, At nilingap ng Dios ang mga anak ni Israel, at sila'y kinilala ng Dios.” KJV - Exodo 2:23-25


“Upang magkaroon ng pagkain sa panahon ng taggutom, ipinagbili ng mga taga-Ehipto sa pamahalaan ang kanilang mga hayop at mga lupa, at sa huli ay ibinigay ang kanilang mga sarili sa habambuhay na pagkaalipin. Matalinong pinaghandaan ni Jose ang kanilang paglaya; pinahintulutan niya silang maging mga nangungupahan ng hari, na pinanghahawakan ang kanilang mga lupa mula sa hari, at nagbabayad taun-taon ng ikalimang bahagi ng bunga ng kanilang paggawa.” PP 241.1

“Ngunit ang mga anak ni Jacob ay hindi kailangang sumailalim sa ganoong mga kondisyon. Dahil sa paglilingkod na ibinigay ni Jose sa bansang Ehipto, hindi lamang sila pinagkalooban ng isang bahagi ng lupain bilang tirahan, kundi pinalaya rin sila sa pagbabayad ng buwis, at masaganang tinustusan ng pagkain habang tumatagal ang taggutom. Hayagang kinilala ng hari na sa mahabaging panghihimasok ng Diyos ni Jose kaya nanagana ang Ehipto habang ang ibang mga bansa ay namamatay sa taggutom. Nakita rin niya na sa mahusay na pamamahala ni Jose ay labis na yumaman ang kaharian, at dahil sa kanyang pasasalamat ay pinaligiran ng maharlikang biyaya ang pamilya ni Jacob.” PP 241.2

Linggo, Hunyo 29

Ang Bayan ng Diyos sa Egipto


Basahin ang Exodo 1:1–7. Anong mahalagang katotohanan ang matatagpuan dito?

“Ngunit habang lumilipas ang panahon, ang dakilang lalaking siyang pinagkakautangan ng malaki ng Egipto, gayundin ang salinlahing pinagpala ng kanyang mga gawa ay pumanaw na. At “may bumangon ngang isang bagong hari sa Egipto, na hindi kilala si Jose.” Hindi dahil sa wala siyang kaalaman sa mga nagawa ni Jose para sa bansa, kundi dahil ayaw niyang kilalanin ang mga ito, at hangga't maaari ay gusto niyang ibaon na lamang ito sa limot. ‘At sinabi niya sa kaniyang bayan, Narito, ang bayan ng mga anak ni Israel ay higit at lalong malakas kay sa atin: Hayo't tayo'y magpakadunong sa kanila; baka sila'y dumami, at mangyari, na, pagka nagkadigma, ay makisanib pati sila sa ating mga kaaway, at lumaban sa atin, at magsilayas sa lupain.” PP 241.3

Basahin ang Exodo 1:8–11. Ano ang kalagayan ng mga Israelita sa panahon ng Exodo?

"Ang mga Israelita ay lubhang dumami na; sila’y lumago, at kumapal na maigi at dumami, at naging totoong makapangyarihan; at ang lupain ay napuno nila.” Sa ilalim ng maingat na pangangalaga ni Jose, at ng kagandahang-loob ng haring namamahala noon, mabilis silang lumaganap sa buong lupain. Ngunit nanatili silang hiwalay na lahi, na walang kinalaman sa mga Ehipsiyo pagdating sa mga kaugalian o relihiyon; at ang patuloy nilang pagdami ay pumukaw ng takot sa hari at sa kanyang mga mamamayan, baka sa oras ng digmaan ay makiisa sila sa mga kaaway ng Egipto. Gayunpaman, pinigil ng kanilang patakaran ang pagpapalayas sa kanila mula sa bansa. Marami sa kanila ang mahuhusay at may unawa sa paggawa, at malaki ang naitulong nila sa kayamanan ng bansa; kailangan ng hari ang mga ganitong manggagawa para sa pagtatayo ng kanyang mga magagarbong palasyo at templo. Kaya’t isinama niya sila sa mga Ehipsiyong ipinagbili na ang kanilang sarili at ari-arian sa kaharian. Di naglaon ay itinalaga ang mga tagapagpaalipin sa kanila, at naging ganap ang kanilang pagkaalipin. “At pinapaglingkod na may kabagsikan ng mga Egipcio ang mga anak ni Israel: At kanilang pinapamuhay sila ng masaklap sa pamamagitan ng mahirap na paglilingkod, sa argamasa at sa laryo, at sa lahat ng sarisaring paglilingkod sa bukid, at sa lahat ng paglilingkod nila na ipinapaglingkod sa kanila, na may kabagsikan. Datapuwa't habang dinadalamhati nila sila, ay lalong dumadami at lalong kumakapal. At kinapootan nila ang mga anak ni Israel.”PP 241.4

Lunes, Hunyo 30

Ang Makasaysayang Pinagmulan


Ano ang susi sa kamangha-manghang tagumpay ni Jose sa Egipto matapos ang isang masaklap na simula? (Genesis 37:26–28 at Genesis 39:2, 21)

Bago pa man pumasok ang Israel sa Egipto, sa Kanyang dakilang kalooban, pinukaw ng Diyos si Jacob upang igawa ng isang makulay na kasuotan ang kanyang anak na si Jose (Genesis 45:5). Ang tila pagbibigay ng espesyal na pabor na ito, kasabay ng panaginip ni Jose at ng pagpapaliwanag ng kanyang ama sa kahulugan nito (Genesis 37:10), ay nagdulot ng matinding pagkainggit sa kanyang mga kapatid. Dahil dito, ipinagbili nila si Jose bilang alipin at ipinadala sa Egipto—upang pigilan ang kanyang pag-angat sa kapangyarihan at impluwensiya higit sa kanila. Subalit sa Egipto, sa itinakdang panahon ng Diyos, itinaas Siya ng Panginoon bilang ikalawang pinakamataas na pinuno sa kaharian. Pagkatapos ay dumating ang mga taon ng kasaganaan, kasunod ang mga taon ng taggutom—isang estratehikong hakbang ng Diyos upang mailipat ang buong sambahayan ni Jacob sa Egipto.

Sa kanilang desperadong layunin na alisin si Jose upang hindi sila mapamunuan, ang kanyang mga kapatid ay hindi nagtagumpay sa balak nilang pabagsakin siya; sa halip, sa pamamagitan ng hindi nakikitang kamay ng Diyos, ay mas lalo pa siyang naitaas—hanggang sa pamunuan niya ang buong Egipto. Sa huli, ang mismong mga kapatid niyang nagbenta sa kanya ay napahiya at yumukod sa harap niya. Ito ay malinaw na patunay na sinumang nagsisikap hadlangan ang layunin ng Diyos ay nagtatagumpay lamang sa pagkawasak ng sariling plano, habang lalo namang natutupad ang layunin ng Diyos.

Ang mga pagsubok na pinagdaanan ni Jose sa kanyang buhay ay naging daan sa kanyang paghubog—na naghanda sa kanya upang maging tagapagpaliwanag ng mga panaginip, isang mahusay na pinuno, at marahil ang pinakadakilang tagapamahala ng ekonomiya na nakita ng mundo. Napansin ng Diyos na si Jose ay tapat sa bawat gawaing ipinagkatiwala sa kanya—parang sa kanya mismo iyon—at palagi siyang may malalim na kamalayan na ang Diyos ang kanyang tunay na Panginoon, at walang anuman ang maitatago sa Kanya. Ang paniniwalang ito ang nagbigay sa kanya ng matibay na paninindigan: na anuman ang gawin o sabihin ng tao laban sa kanya, ang Diyos pa rin ang may ganap na pamamahala sa kanyang buhay. Kaya't sa panahon ng kasaganaan at tagumpay, nanatili siyang tapat at may integridad. At sa panahon ng kahirapan at kawalan, hindi niya sinisi ang ibang tao bilang dahilan ng kanyang pagdurusa. Sa halip, pinili niyang mamuhay nang may dignidad—nang may asal na kaaya-aya kahit sa paningin ng mga pinuno—sapagkat kung hindi siya isang taong may mataas na katangian, hindi sana siya naibenta ng mga Ismaelita kay Potipar.

“At ang Panginoon ay suma kay Jose, at naging lalaking mapalad; at siya'y nasa bahay ng kaniyang panginoong taga Egipto. At nakita ng kaniyang panginoon, na ang Panginoon ay sumasakaniya, at ang lahat ng kaniyang ginagawa ay pinagpapala ng Panginoon sa kaniyang kamay. At si Jose ay may magandang pagmumukha at kahalihalina.” (Genesis 39:2–4, 6) Ngunit muli, dumaan siya sa isang matinding pagsubok—isang kalagayang wala siyang kontrol—at siya'y ibinilanggo. Ngunit sa loob ng bilangguan, dahil sa kanyang kahanga-hangang pag-uugali at tapat na paglilingkod, siya'y muling nakatagpo ng biyaya at itinataas. Hindi lamang siya pinalaya—kundi iniangat pa siya sa pinakamataas na posisyon sa buong lupain ng Egipto.

Martes, Hulyo 1

Ang Mga Hilot na Hebrea


Basahin ang Exodo 1:9–21. Anong mahalagang papel ang ginampanan ng mga tapat na hilot, at bakit sila inaalala sa kasaysayan?

“Ang hari ng Egipto at ang kanyang mga tagapayo ay umasa na mapapailalim nila ang mga Israelita sa pamamagitan ng matinding paggawa—upang mabawasan ang kanilang bilang at mapuksa ang kanilang espiritu ng kalayaan. Ngunit dahil bigo sila sa layuning iyon, gumamit sila ng mas malupit na paraan. Naglabas ng kautusan na ipinapatupad ng mga kababaihang hilot—na gamitin ang kanilang tungkulin upang patayin ang mga sanggol na lalaking Hebreo sa sandaling isilang.

Si Satanas ang tunay na nasa likod ng balak na ito. Alam niyang isang tagapagligtas ang itataas ng Diyos mula sa mga Israelita, kaya pinangunahan niya ang hari upang patayin ang mga sanggol, sa pag-asang kanyang mapipigilan ang banal na layunin ng Diyos.

Ngunit ang mga hilot ay may takot sa Diyos. Hindi nila nagawang isakatuparan ang malupit na utos, at sa halip ay iniligtas nila ang mga sanggol. Pinagpala ng Diyos ang kanilang katapatan at ginantimpalaan sila ng Kanyang pabor. Nang mabigo ang plano ng hari, siya’y lalong nagalit at pinalawak pa ang kautusan. Inutusan niya ang buong sambayanan na hanapin at patayin ang mga sanggol na lalaki ng mga Hebreo. “At iniutos ni Faraon sa kaniyang buong bayan, na sinasabi, Itatapon ninyo sa ilog bawa't lalake na ipanganak, at bawa't babae ay ililigtas ninyong buhay. —PP 242.1

“Ngunit ang mga hilot ay may takot sa Diyos at hindi nila sinunod ang utos ng hari ng Egipto, kundi iniligtas nila ang mga sanggol na lalaki.” (Exodo 1:17) At sinabing, “na ang pangalan ng isa ay Siphra, at ang pangalan ng isa ay Phua.” (Exodo 1:15)

Ang mga pangalang ito ay may kahulugang “Ganda” at “Kakinangan,” na tunay na angkop sa kanila. Bagaman tila imposibleng dalawang hilot lamang ang makapaglilingkod sa napakaraming kababaihan, ipinakikita sa ulat na sila ang pangunahing kinatawan ng mga tumutol sa kautusan.

“At iniutos ni Faraon sa kaniyang buong bayan, na sinasabi, Itatapon ninyo sa ilog bawa't lalake na ipanganak, at bawa't babae ay ililigtas ninyong buhay.” (Exodo 1:20, 22)

Ang tunay na layunin ng plano ni Paraon ay hindi lamang upang bawasan ang bilang ng mga Israelita. Kung iyon lamang ang nais niya, mas mainam sanang pinatay ang mga sanggol na babae—sapagkat karaniwan noong panahon na iyon ang pagkakaroon ng maraming asawa (polygamy). Kung pinaligtas niya ang mga lalaki at pinapatay ang mga babae, maaaring naabot niya ang kanyang layunin at nadagdagan pa ang bilang ng mga alipin, sapagkat ang mga kalalakihan ang siyang gumagawa ng mga ladrilyo.

Binanggit sa Patriarchs and Prophets, pahina 242:

“Si Satanas ang siyang pinagmulan ng balak na ito. Alam niyang may tagapagligtas na itataas mula sa mga Israelita; at sa pamamagitan ng pagkumbinsi sa hari na ipapatay ang mga bata, umaasa siyang mapigilan ang banal na layunin ng Diyos.”

Miyerkules, Hulyo 2

Si Moises ay Ipinanganak


Basahin ang Exodo 2:1–10. Anong papel ang ginampanan ng pagkakaloob at pag-iingat ng Diyos sa kuwento ng kapanganakan ni Moises?

Habang ipinatutupad ang malupit na kautusang ito, isang anak na lalaki ang isinilang kina Amram at Jochebed, mga maka-Diyos na Israelita mula sa lipi ni Levi. Ang sanggol ay isang “magandang bata,” at ang kanyang mga magulang, na naniniwalang malapit na ang paglaya ng Israel at magtataas ang Diyos ng tagapagligtas para sa Kanyang bayan, ay nagpasyang hindi nila ihahandog ang kanilang anak sa kamatayan. Ang kanilang pananampalataya sa Diyos ang siyang nagpatatag sa kanilang puso, “at hindi sila natakot sa utos ng hari” (Hebreo 11:23) —PP 242.2

Nagtagumpay ang ina sa pagtatago sa sanggol sa loob ng tatlong buwan. Ngunit nang hindi na ligtas ang manatiling itinatago siya, naghanda siya ng isang takbang yantok, at pinahiran niya ng betun at ng sahing; at kaniyang isinilid ang bata roon, at inilagay sa katalahiban sa tabi ng ilog. Hindi siya naglakas-loob na manatili roon upang bantayan ang bata, baka madamay siya at ang sanggol ay mamatay. Ngunit ang kapatid na babae ng bata, na si Miriam, ay nanatili sa di-kalayuan, kunwa'y walang pakialam ngunit maingat na nagmamasid kung ano ang mangyayari sa kanyang munting kapatid.

Mayroon ding iba pang tagamasid. Sa kanyang taimtim na panalangin, ipinagkatiwala ng ina ang kanyang anak sa pangangalaga ng Diyos. At ang mga anghel, bagaman hindi nakikita, ay nagbantay sa abang sisidlang iyon na naging himlayan ng bata. Ang mga anghel din ang siyang naggabay sa anak na babae ni Paraon patungo roon. Nahikayat ang kanyang kuryosidad nang makita ang maliit na basket, at sa pagtingin niya sa magandang sanggol sa loob nito, nabasa niya agad ang kuwento ng ina. Ang pag-iyak ng sanggol ay pumukaw sa kanyang habag, at nadama niya ang simpatya sa inang gumawa ng ganitong paraan upang iligtas ang buhay ng kanyang mahal na anak. Nagpasya siyang iligtas ang bata at ampunin ito na parang kanya. —PP 243.1

Si Miriam, na palihim na nagmamasid sa lahat ng pangyayari, ay lumapit nang mapansin niyang maayos ang pakikitungo ng prinsesa sa sanggol. Sa huli, naglakas-loob siyang magsabi, “Yayaon ba ako at itatawag kita ng isang sisiwa sa mga babaing Hebrea, na makapagalaga sa iyo ng batang ito?” At pinahintulutan siya. —PP 243.2

Agad na tumakbo si Miriam upang iparating sa kanyang ina ang magandang balita, at agad din silang bumalik sa harap ng anak ni Paraon. Sinabi ng prinsesa, “Dalhin mo ang batang ito, at alagaan mo sa akin, at bibigyan kita ng iyong kaupahan. At kinuha ng babae ang bata, at inalagaan.” —PP 243.3

Narinig ng Diyos ang panalangin ng ina; ang kanyang pananampalataya ay ginantimpalaan. Lubos ang kanyang pasasalamat habang tinanggap niya ang mas ligtas at masayang tungkulin na alagaan ang kanyang anak. Ginamit niya ang pagkakataong iyon nang buong katapatan upang turuan ang bata na kilalanin ang Diyos. Naniniwala siyang iniligtas ang batang ito para sa isang dakilang layunin, at alam niyang darating ang panahon na kakailanganin niyang ipaubaya ito sa prinsesa—isang kapaligirang puno ng mga impluwensiyang maaaring maglayo sa kanya sa Diyos.

Dahil dito, mas masigasig siyang nagturo kay Moises kaysa sa iba pa niyang mga anak. Pinuno niya ang isip nito ng takot sa Diyos, ng pagmamahal sa katotohanan at katarungan, at taimtim siyang nanalangin na ito ay mailayo sa lahat ng masamang impluwensiya. Ipinakita niya ang kahangalan at kasalanan ng pagsamba sa diyus-diyosan, at sa murang edad pa lamang ay itinuro niya kay Moises na lumuhod at manalangin sa tunay at buhay na Diyos—ang Diyos lamang na nakaririnig at makatutulong sa lahat ng pagkakataon. —PP 243.4

Huwebes, Hulyo 3

Isang Pagbabago ng mga Plano


Basahin ang Exodo 2:11–25. Anong mga pangyayari ang mabilis na nagbago sa buong direksyon ng buhay ni Moises? Anong mga aral ang maaari nating matutunan mula sa kuwentong ito?

Pinalaki si Moises sa palasyo ni Paraon at tinanggap niya ang pinakamataas na uri ng edukasyon na maaaring ialok ng sanlibutan sa panahong iyon. At nang maunawaan niya na siya ang itinalaga upang palayain ang kanyang mga kapatiran mula sa pagkaalipin sa Egipto, inakala niyang handa na siya para sa tungkuling ito. Kaya’t nagsimula siyang kumilos upang iligtas sila, kahit hindi pa siya inuutusan ng Diyos. Pinatay niya ang isang Ehipsiyo, nakipagtalo sa isang Hebreo, at pagkatapos ay tumakas upang iligtas ang sarili.

Dahil dito, napadpad siya sa Midian, kung saan siya’y nagtrabaho, naging pastol, at napangasawa ang anak ng kanyang amo. Sa loob ng apatnapung taon ng pagiging pastol, unti-unti niyang nalimutan ang wikang Ehipsiyo at kasama nito ang lahat ng karunungang natutunan niya sa Egipto. Ngunit kapalit nito, natutunan niya kung paano mag-alaga ng mga tupa nang buong husay. Kaya’t tinanggal niya sa kanyang isipan ang ideya ng pagliligtas sa bayan ng Diyos mula sa pagkaalipin.

Doon nakita ng Diyos na siya ay hinog na sa pananampalataya at kakayahan, at iniutos sa kanya na bumalik sa Egipto upang ilabas mula roon ang Kanyang bayang dumaraing.

Sa pagpatay ng Ehipsiyo, nahulog si Moises sa parehong pagkakamali na paulit-ulit na nagawa ng kanyang mga ninuno—ang pag-aakalang maaari nilang gawin sa sarili nilang paraan ang mga bagay na ipinangako ng Diyos na Siya mismo ang gagawa. Hindi kalooban ng Diyos na ang Kanyang bayan ay palayain sa pamamagitan ng digmaan, gaya ng inaakala ni Moises, kundi sa pamamagitan ng Kanyang makapangyarihang kapangyarihan upang ang lahat ng kaluwalhatian ay maibigay sa Kanya lamang.

Subalit kahit ang padalus-dalos na gawaing ito ay ginamit ng Diyos upang maisakatuparan ang Kanyang layunin. Hindi pa handa si Moises para sa dakilang gawaing inaasahan sa kanya. Kinailangan pa niyang matutunan ang parehong aral ng pananampalatayang itinuro kay Abraham at Jacob—na huwag umasa sa lakas o karunungan ng tao, kundi sa kapangyarihan ng Diyos para sa katuparan ng Kanyang mga pangako.

At may iba pang mahahalagang aral na kailangang matutunan ni Moises sa katahimikan ng mga bundok. Sa paaralan ng pagtitiis at pagsasakripisyo, dapat niyang matutunan ang tiyaga, ang pagpigil sa bugso ng damdamin. Bago siya makapamuno nang may karunungan, kailangan munang matuto siyang sumunod. Kailangang lubos na makaayon ang kanyang puso sa Diyos bago niya maituro sa Israel ang kalooban ng Diyos. Sa pamamagitan ng sarili niyang karanasan, dapat siyang maihanda upang maging mahabagin at mapag-alaga sa lahat ng nangangailangan ng tulong. —PP 247.3

Maaaring isipin ng tao na sayang ang mahabang panahon ng paghihirap at pagkakalimot sa mga bagay. Subalit ang Walang Hanggang Karunungan ay tumawag sa kanya na magiging pinuno ng bayan upang gumugol ng apatnapung taon sa mababang kalagayan bilang pastol. Ang mga ugaling nabuo—ang pagiging mapag-alaga, makalimutin sa sarili, at ang mahinahong pag-aasikaso sa kanyang kawan—ay naghanda sa kanya upang maging mahabagin at matiyagang pastol ng Israel.

Walang anumang karunungan o pagsasanay ng tao ang maaaring humalili sa karanasang ito. —PP 247.4

Biyernes, Hulyo 4

Karagdagang Kaisipan

“Sa palasyo ni Paraon, tumanggap si Moises ng pinakamataas na pagsasanay sa larangan ng sibil at militar. Ipinasiya ng hari na gawin ang kanyang ampon na apong lalaki bilang tagapagmana ng trono, kaya’t tinuruan ang binata alinsunod sa mataas na tungkuling ito. “At tinuruan si Moises sa lahat ng karunungan ng mga Egipcio: at siya ay makapangyarihan sa kaniyang mga salita at mga gawa.” (Gawa 7:22)

Ang kanyang kakayahan bilang pinunong militar ay naging dahilan upang siya’y mahalin ng mga hukbo ng Egipto, at siya’y kinikilalang isang pambihirang tao. Muling nabigo si Satanas sa kanyang layunin. Ang mismong kautusang humatol sa kamatayan ng mga batang Hebreo ay ginamit ng Diyos bilang daan upang sanayin at turuan ang magiging pinuno ng Kanyang bayan. —PP 245.1

Ang mga matanda sa Israel ay tinuruan ng mga anghel na ang panahon ng kanilang paglaya ay malapit na, at si Moises ang taong gagamitin ng Diyos upang isakatuparan ang gawaing ito. Tinuruan din si Moises ng mga anghel na siya ang pinili ni Jehova upang sirain ang tanikala ng pagkaalipin ng Kanyang bayan.

Inakala niyang makakamtan ang kalayaan sa pamamagitan ng sandatahang lakas, kaya inaasahan niyang pangungunahan niya ang hukbo ng mga Hebreo laban sa mga hukbo ng Egipto. Dahil dito, binantayan niya ang kanyang damdamin, upang kung sakaling siya’y mapalapit sa mga kumupkop sa kanya ay hindi siya magdalawang-isip na tuparin ang kalooban ng Diyos. —PP 245.2

“Sa pananampalataya, nang lumaki na si Moises, ay tumangging siya'y tawaging anak ng anak na babae ni Faraon; Na pinili pa ang siya'y tampalasanin na kasama ng bayan ng Dios, kay sa magtamo ng nagsisikupas na kaligayahan sa pagkakasala; Na inaring malaking kayamanan ang kadustaan ni Cristo, kay sa mga kayamanan ng Egipto: sapagka't ang kaniyang tinititigan ay ang gantingpalang kabayaran.” (Hebreo 11:24–26)

Si Moises ay kwalipikadong tumayo sa ranggo ng mga pinakadakilang tao sa daigdig upang magningning sa mga palasyo ng pinakamararangyang kaharian, at humawak ng setro ng kapangyarihan. Ang kanyang talino ay higit pa kaysa sa alinmang dakilang tao sa lahat ng kapanahunan. Bilang mananalaysay, makata, pilosopo, heneral ng hukbo, at tagapagbalangkas ng batas, siya ay natatangi at walang kapantay.

Subalit sa harap ng mga pangakong kayamanan, kapangyarihan, at kasikatan, nagpakita siya ng moral na lakas upang tanggihan ang mapanlinlang na mga alok ng sanlibutan— “piniling magtiis ng kahirapan kasama ang bayan ng Diyos, kaysa tamasahin ang panandaliang kalayawan ng kasalanan.” —PP 245.4