“Kayo ay magsitigil at kilalanin ninyo na ako ang Dios: ako'y mabubunyi sa gitna ng mga bansa, ako'y mabubunyi sa lupa.. KJV — Awit 46:10
“Ang pagkahilig ni Lucifer na unahin ang sarili kaysa sa kanyang Manlalalang ay nagdulot ng pangamba sa ibang mga nakakasaksi na naniniwalang ang kaluwalhatian ng Diyos ang dapat manatiling pinakamataas. Sa kapulungan sa langit, nakiusap ang mga anghel kay Lucifer. Inilantad sa kanya ng Anak ng Diyos ang kadakilaan, kabutihan, at katarungan ng Maylalang, gayundin ang kabanalan at hindi nagbabagong likas ng Kanyang kautusan. Ang kaayusan sa langit ay mismong itinakda ng Diyos; at sa pagtalikod ni Lucifer dito, kanyang malalapastangan ang kanyang Maylalang at magdadala ng kapahamakan sa kanyang sarili. Subalit ang babala na ibinigay sa di-masukat na pag-ibig at habag ay lalong nag-udyok ng espiritu ng pagsalungat. Pinairal ni Lucifer ang kanyang paninibugho kay Cristo at lalong tumibay ang kanyang pasya.” Patriarchs and Prophets, page 35, paragraph 3.
“Tulad ng mga anghel, ang mga naninirahan sa Eden ay inilagay din sa isang panahon ng pagsubok; ang kanilang maligayang kalagayan ay mananatili lamang kung sila’y magiging tapat sa kautusan ng Maylalang. Maari silang sumunod at mabuhay, o sumuway at mamatay. Ipinagkaloob ng Diyos sa kanila ang masaganang pagpapala; subalit kung susuwayin nila ang Kanyang kalooban—Siya na hindi nagpaligtas sa mga anghel na nagkasala—ay hindi rin maaaring magpaligtas sa kanila. Ang pagsalangsang ay mag-aalis ng karapatan sa Kanyang mga kaloob at magbubunga ng dalamhati at kapahamakan.” Patriarchs and Prophets, page 53, paragraph 1.
“Binalaan sila ng mga anghel na maging mapagmatyag laban sa mga panlilinlang ni Satanas, sapagkat hindi siya titigil sa kanyang pagsisikap na dayain sila. Hangga’t sila’y masunurin sa Diyos, hindi sila maaaring saktan ng masama; sapagkat kung kinakailangan, ang bawat anghel sa langit ay isusugo upang tumulong sa kanila. Kung buong katatagan nilang itataboy ang kanyang unang mga panunulsol, magiging ligtas sila na gaya ng mga anghel sa langit. Subalit kung sila’y bibigay sa tukso kahit isang beses, ang kanilang likas ay magiging napakasama anupa’t mawawala sa kanila ang kapangyarihan at kagustuhang labanan si Satanas.” Patriarchs and Prophets, page 53, paragraph 2.
Basahin ang Genesis 2:9–17 . Ano ang unang utos, isang pagbabawal, na ibinigay ng Diyos sa sangkatauhan, at bakit ito napakahalaga?
"Sinasabi sa atin na si Satanas ay hindi nag-iisang nagkasala sa Langit, sapagkat kasama niya ang ikatlong bahagi ng hukbo ng mga anghel na itinapon mula sa Langit (Apocalipsis 12:4). Sila’y itinapon sapagkat pinakinggan nila ang mga salita ni Lucifer—isang naroroon sa Langit—sa halip na pakinggan ang salita ng Diyos. Ito ang naging sanhi ng pagkahulog ng mga anghel. Si Lucifer naman ay nahulog nang ninais niyang maging gaya ng Diyos."
"Ang dalawang kasalanang ito—pagtitiwala sa tao, at pagnanasa na itaas ang sarili—ay nananatiling pangunahing kasalanan sa lupa hanggang ngayon. Ito ang naging balakid kay Eva, at ganundin ang dinadanas ng marami sa ngayon. Hindi, hindi lamang ang pagnanasa sa pagkain ang naging sanhi ng pagkahulog ni Eva. Hindi sinabi ng ahas na, 'Dapat mong kainin ang bungang ito sapagkat ito’y kahanga-hanga, mas masarap kaysa alinmang bunga sa halamanan ng Diyos.' Sa halip ay sinabi niya: Sapagka't talastas ng Dios na sa araw na kayo'y kumain niyaon ay madidilat nga ang inyong mga mata, at kayo'y magiging parang Dios, na nakakakilala ng mabuti at masama.' (Genesis 3:5)"
"Oo at ang bunga ay naging kaakit-akit sa kanya, ngunit ang tunay na tukso ay ang kaisipang magkakaroon siya ng pagkakataong maiangat sa trono ng Diyos, na mapunta sa parehong posisyon na pinagnasaan mismo ni Lucifer. Marahil ay taimtim na naniwala si Lucifer na siya’y magiging gaya ng Diyos kung ang mga anghel sa Langit at mga tao sa lupa ay susunod lamang sa kanyang pamumuno."
"Kaya makikita natin na dinaya ng Diyablo si Eva sa parehong paraan na dinaya niya ang kanyang sarili at ang mga anghel. Ang tanging pagkakaiba ay pinakain niya si Eva ng bunga na siya at ang kanyang mga anghel ay hindi kumain. Dahil dito, nagkasala si Eva laban sa kanyang pisikal na katawan sa pamamagitan ng pagpasok sa kanyang katawan ng isang bagay na hindi inilikha para sa pagkain, at dahil dito siya’y namatay. Ngunit si Satanas at ang kanyang mga anghel ay patuloy pa ring nabubuhay."
"Ito ang naging gawain ni Satanas mula pa sa panahon ni Adan hanggang sa kasalukuyan, at kanyang isinagawa ito nang may malaking tagumpay. Tinukso niya ang mga tao na mawalan ng tiwala sa pag-ibig ng Diyos at magduda sa Kanyang karunungan. Patuloy niyang sinusubukang pukawin ang espiritu ng hindi marapat na pag-uusisa—isang di-mapakaling pagnanasa na siyasatin ang mga lihim ng banal na karunungan at kapangyarihan. Sa kanilang pagsisikap na alamin ang mga bagay na sinadyang hindi ipahayag ng Diyos, marami ang nakalilimot sa mga katotohanang Kanyang ibinunyag at kinakailangan para sa kaligtasan. Tinukso ni Satanas ang tao sa pagsuway sa pamamagitan ng paniniwalang sila’y pumapasok sa isang kahanga-hangang larangan ng kaalaman. Ngunit ito’y isang panlilinlang lamang. Sa kanilang labis na pagkatuwa sa iniisip nilang pag-unlad, sila, sa pagyurak sa mga kautusan ng Diyos, ay tahasang lumalakad sa landas na patungo sa pagkasira at kamatayan." —Patriarchs and Prophets, page 54, paragraph 3.
"Ipinakilala ni Satanas sa banal na mag-asawa na sila’y makikinabang sa pagsuway sa kautusan ng Diyos. Hindi ba't katulad ding pangangatwiran ang naririnig natin ngayon? Marami ang nagsasabi na makitid ang isipan ng mga sumusunod sa mga utos ng Diyos, samantalang inaangkin nilang sila'y may mas malawak na pananaw at higit na kalayaan. Ano nga ito kundi isang alingawngaw mula sa naging tinig mula sa Eden: 'Sa araw na kayo'y kumain nito'—na ang ibig sabihin ay labagin ang banal na utos—kayo’y magiging parang Dios? Inaangkin ni Satanas na tumanggap siya ng malaking pakinabang sa pagkain ng ipinagbabawal na bunga, subalit hindi niya ipinakita na sa pamamagitan ng pagsuway ay naging itinakwil siya mula sa langit. Bagaman naranasan niya ang sukdulang kawalan dahil sa kasalanan, itinago niya ang kanyang kapighatian upang mahikayat ang iba na magkamali rin. Gayundin sa ngayon, pinagtatakpan ng lumalabag ang kanyang tunay na likas; maaaring ipakita niya ang sarili na banal, ngunit ang kanyang pag-aangking marangal ay lalo lamang siyang nagiging mapanganib bilang mandaraya. Siya’y nasa panig ni Satanas, niyuyurakan ang kautusan ng Diyos, at inaakay ang iba na sumunod sa parehong daan tungo sa walang hanggang kapahamakan." —Patriarchs and Prophets, page 55, paragraph 1.
Basahin ang Daniel 2:31–35 , na nagbibigay ng malawakang pananaw ng kasaysayan ng sanlibutan hanggang sa kawakasan ng panahon. Anong mahahalagang katotohanan ang maaari nating matututunan mula sa nakamamanghang propesiyang ito?
"Sa mga tala ng kasaysayan ng sangkatauhan, ang pag-unlad ng mga bansa, ang pagbangon at pagbagsak ng mga kaharian, ay tila nakasalalay sa kagustuhan at kakayahan ng tao; ang paghubog ng mga pangyayari ay waring sa malaking bahagi'y tinutukoy ng kanyang kapangyarihan, ambisyon, o kapritso. Ngunit sa salita ng Diyos, ang tabing ay iniaalis, at ating nasasaksihan—sa ibabaw, sa likod, at sa kabila ng lahat ng tunggalian at sali-salimuot na pag-aagawan ng kapangyarihan, damdamin, at pansariling interes ng tao—ang mga ahensiya ng Isang Maawain, ay tahimik at matiyagang isinasakatuparan ang mga layunin ng Kanyang sariling kalooban." Prophets and Kings, page 499, paragraph 4.
"Daan-daang taon bago pa man umusbong sa entablado ng kasaysayan ang ilang mga bansa, ang Siyang Makapangyarihan-sa-lahat ay tumingin sa hinaharap at hinulaan ang paglitaw at pagbagsak ng mga pandaigdigang kaharian. Ipinahayag ng Diyos kay Nabucodonosor na ang kaharian ng Babilonya ay babagsak, at isang ikalawang kaharian ang lilitaw, na magkakaroon din ng panahon ng pagsubok. Sa pagkabigong itampok ang tunay na Diyos, ang kaluwalhatian nito ay maglalaho, at isang ikatlong kaharian ang papalit sa lugar nito. Ito rin ay lilipas; at isang ikaapat, na matibay na gaya ng bakal, ang lulupig sa mga bansa ng daigdig." —Prophets and Kings, page 501, paragraph 1.
"Sa kasaysayan ng mga bansa, makikita ng masusing mag-aaral ng salita ng Diyos ang tuwirang katuparan ng mga banal na hula. Ang Babilonya, na sa huli ay gumuho at bumagsak, ay naglaho sapagkat sa panahon ng kasaganaan, itinuring ng mga pinuno nito ang kanilang sarili na hiwalay sa Diyos at iniukol ang kaluwalhatian ng kanilang kaharian sa gawa ng tao. Ang kaharian ng Medo-Persya ay dinatnan ng poot ng Langit sapagkat sa loob nito, ang kautusan ng Diyos ay niyurakan. Ang pagkatakot sa Panginoon ay hindi nagtamo ng puwang sa puso ng karamihan. Kasamaan, paglapastangan, at katiwalian ang namayani. Ang mga kahariang sumunod ay mas lalo pang naging tiwali at marumi; at ang mga ito ay mas lalo pang lumubog sa antas ng moral na kahalagahan.” —Prophets and Kings, page 501, paragraph 3.
"Kaya’t ganito ang sinasabi: '…At sa mga kaarawan ng mga haring yaon ay maglalagay ang Dios sa langit ng isang kaharian, na hindi magigiba kailan man, o ang kapangyarihan man niyao'y iiwan sa ibang bayan; kundi pagpuputolputulin at lilipulin niya ang lahat na kahariang ito, at yao'y lalagi magpakailan man.Yamang iyong nakita na ang isang bato ay natibag sa bundok, hindi ng mga kamay, at pumutol ng mga bakal, ng tanso, ng putik, ng pilak, at ng ginto; ipinaalam ng dakilang Dios sa hari kung ano ang mangyayari sa haharapin: at ang panaginip ay tunay at ang pagkapaaninaw niyao'y tapat.'" —Daniel 2:44–45
"Kung ang Kahariang binabanggit ang dudurog sa lahat ng mga kahariang ito, kung gayon ito ay maitatatag bago pa man sila wasakin. Ang batong natibag mula sa 'bundok' sa mga araw ng mga haring ito ay siya ring magiging isang malaking bundok, at ito—ang Kaharian—ang pupuno sa buong lupa." —Daniel 2:35, 45
Basahin ang Daniel 7:1–3 . Maraming pagkilos sa tanawing ito. Anong mga aral ang maaari nating makuha mula sa paglalarawang ito, gaya ng pagbangon ng unang hayop mula sa dagat?
"Ang Dagat" ang nagtuturo kung saan naroroon ang Teritoryo ng Limang Hayop. Yamang sa larangan ng kalikasan, ang dagat ay ang imbakan (tahanan) ng mga tubig, kung gayon sa larangan ng mga simbolo, ang “dagat” ay ang sumasagisag sa pinagmulan ng mga bansa – o ang tinatawag na Old Country. Ang paglitaw ng limang hayop (ang leon, oso, leopardo, at ang di-maipaliwanag na hayop, kasama ang hayop na kahawig ng leopardo) na mula sa dagat ay nagpapahiwatig na sila ay kumakatawan sa mga kahariang lumitaw mula sa Old Country, gaya ng nasaksihan sa kasaysayan.
Ang apat na malalaking hayop, ayon sa anghel, “ay apat na hari, na babangon mula sa lupa.”—Daniel 7:17
Bago pa ang pangitain ni Daniel tungkol sa mga hayop na ito, si Nabucodonosor, hari ng sinaunang Babilonya, habang naguguluhan tungkol sa haba ng pananatili ng kanyang kaharian, ay pinakitaan sa isang panaginip ng isang malaking larawan na binubuo ng apat na uri ng metal. Ang ulo nito ay ginto; ang dibdib at mga bisig ay pilak; ang mga hita ay tanso; ang mga binti ay bakal; at ang mga paa ay bakal na may halong putik. Sa pagbibigay ng kahulugan sa pangitain, sinabi ni Daniel sa hari:
“Ikaw ang ulo na ginto. At pagkatapos mo ay babangon ang ibang kaharian na mababa sa iyo; at ang ibang ikatlong kaharian na tanso na magpupuno sa buong lupa. At ang ikaapat na kaharian ay magiging matibay na parang bakal. At yamang iyong nakita na ang mga paa at mga daliri, ang isang bahagi ay putik na luto ng magpapalyok, at ang isang bahagi ay bakal, ay magiging kahariang hati; nguni't magkakaroon yaon ng kalakasan ng bakal, yamang iyong nakita na ang bakal ay nahahalo sa putik na luto. At kung paanong ang mga daliri ng paa ay bakal ang isang bahagi at ang isang bahagi ay putik, magkakagayon ang kaharian na ang isang bahagi ay matibay, at isang bahagi ay marupok. At yamang iyong nakita na ang bakal ay nahahaluan ng putik na luto, sila'y magkakahalo ng lahi ng mga tao; nguni't hindi sila magkakalakipan, gaya ng bakal na hindi lumalakip sa putik.At sa mga kaarawan ng mga haring yaon ay maglalagay ang Dios sa langit ng isang kaharian, na hindi magigiba kailan man, o ang kapangyarihan man niyao'y iiwan sa ibang bayan; kundi pagpuputolputulin at lilipulin niya ang lahat na kahariang ito, at yao'y lalagi magpakailan man.”—Daniel 2:38–44
Malinaw, na ang apat na metal ng malaking larawan ay sumasagisag, tulad ng apat na hayop, ng sunud-sunod na apat na hari sa kani-kanilang mga kapanahunan. Ang mga paa (kanan at kaliwa) na gawa sa bakal at putik ay malinaw na kumakatawan sa dalawang paghahati ng mga hari (kanang-panig at kaliwang-panig) sa ikalimang yugto ng panahon—ang panahong ang Diyos ng Langit ay maglalagay ng isang kaharian “na hindi magigiba kailanman.” Ang mga daliri ng paa ay nagpapahiwatig ng karamihan ng mga hari sa parehong panig—kanang-panig at kaliwang-panig."
Sa pananaw ng kaisipang nahayag sa itaas, basahin ang Apocalipsis 12:15, 16 at Apocalipsis 13:1, 11 . Pansinin ang paghahambing sa tubig at sa lupa. Paano ito ginagamit at ano ang maituturo nila sa atin tungkol sa pagunawa sa propesiya ?
Tatlo at kalahating taon pagkatapos ng pagkabuhay na mag-uli ni Cristo, ang iglesia ay lumisan sa Palestina (ubasan), at habang siya ay nasa daigdig ng mga Gentil (ilang), “ang ahas ay nagbuga sa kaniyang bibig sa likuran ng babae ng tubig [nagbautismo at ipinasok ang paganismo sa kristyanismo, at inianib sa iglesia] na gaya ng isang ilog, upang maipatangay siya sa agos [mapatangay at maimpluwensyahan ng paganismo]..” Apocalipsis 12:15 . Samantalang siya’y binabaha, kinakailangan siyang pakainin (pagkandilihan) ng Panginoon, dahil marami sa kanyang mga tagasunod ang naging pagano, at halos lahat naman ng di nagpahinuhod ay napunta sa kamatayang dulot ng “baha.” Talata 14. Kaya't kung hindi Niya siya inalagaan (napanatili siyang nabubuhay) sa pamamagitan ng isang himala, ang iglesiya ay napahamak sana noong panahon ng dark ages. Tunay na nagawa niyang pakainin ang kanyang sarili mula noong Repormasyon, ngunit ang mga hindi kumbertido (baha) ay nasa kanya pa ring kalagitnaan. Gayunpaman, mayroon siyang pangakong pagliligtas:
“At tinulungan ng lupa ang babae, at ibinuka ang kaniyang bibig at nilamon ang ilog na ibinuga ng dragon sa kaniyang bibig.” Apocalipsis 12:16 .
O, literal na sinabi na ang mga hindi kumbertido na nasa gitna ng iglesia ay aalisin at papatayin at ililibing. Ang mga tunay na kumbertido naman ay dadalhin sa kaharian. At pagkatapos nito, “nagalit ang dragon sa babae at…umalis upang bumaka sa nalabi sa kaniyang binhi, na siyang nagsisitupad ng mga utos ng Dios, at mga may patotoo ni Jesus:.” Talata 17 .
Dala ng galit dahil sa isinagawang pagdadalisay sa iglesia, makikipagdigma ang dragon “sa mga nalabi sa kanyang binhi.” Hindi laban sa kanya na tumutukoy sa 144,000 (ang mga unang bunga – Apocalipsis 7:3-8; 14:4 ), yaong mga nauna sa kaharian, na tumatayo kasama ng Kordero, ang Hari, sa Bundok Sion ( Apocalipsis 14 :1 ), sa Kanyang palasyo. Kaya nga, bilang mga pinuno ng mga lipi, sila ay sinasagisag ng babaeng may korona. At yamang sila ay nasa sarili nilang lupain, sila ay iniingatan mula sa dragon, bilang resulta, kanyang uusigin ang “nalabi,” yaong mga naiwan, na nasa Babilonya pa ngunit sa huli ay tatawaging palabas mula sa kaniya.
Hindi tulad ng unang hayop, ang pangalawang hayop ay nakitang umaahon mula sa lupa. Ang dagat at ang lupa ay malinaw na tumutukoy sa dalawang magkaibang lokasyon. Alam natin na ang mga hayop sa Daniel 7 , at ang mala-leopardong hayop sa Apocalipsis 13, ang mga hayop na umahon mula sa dagat, ang lahat ay nagmula sa Old Country, ang mga lupain kung saan nagmula ang sangkatauhan. Oo, ang “dagat” ay angkop na sumasagisag sa Old Country dahil ang dagat ay ang storehouse ng tubig, ang lugar kung saan nagmula ang tubig, dahil ang Old Country ay ang lugar kung saan lumaganap ang sangkatauhan.
Kung gayon, ang "lupa," ay tumutukoy sa isang lugar na iba sa "dagat" at ang kabaligtaran ng kung ano ang ibig sabihin ng dagat, - isang bansa na binubuo ng mga naninirahan na nangibang-bayan mula sa ibang lugar. Ang nag-iisang bansa o bansang malayo sa Old Country at masasabing maimpluwensya tulad ng inilalarawan sa hayop na ito na may dalawang sungay na lumitaw pagkatapos na mabuo ang parang leopardo na hayop, sa panahon ng Protestantismo, ay ang Estados Unidos. Bukod dito, ang Estados Unidos ay isa nang kapangyarihang pandaigdig, kaya hindi na natin kailangang manghula pa. Ang dalawang sungay ng hayop ay tumutukoy sa dalawang pampulitikang naghaharing kapangyarihan nito – ang mga Democrat at Republicans. Ang kanilang karakter na gaya ng tupa ay nagbibigay ng hitsura ng kawalang-kasalanan, hindi nakakapinsala, at pagkamakawanggawa. Ang pagsasalita ng hayop na tulad ng isang dragon gayunpaman ay itinatakwil ang parang kordero na anyo ng mga sungay. GC 440
Basahin ang Apocalipsis 10:1–11 , na naglalarawan sa pagsilang ng kilusan. Maghanap ng mga elemento na atin nang napag-aralan, katulad ng “mga bansa,” ang lupa, at ang dagat. Gumagamit ng nararapat na pag-iingat, upang hindi ka bumasa ng labis papasok sa talata, ano ang mga kaisipan na maaaring mahanap ninyo sa talang ito?
Apocalipsis 10:1 – “At nakita ko ang ibang malakas na anghel na nanaog na mula sa langit, na nabibihisan ng isang alapaap; at ang bahaghari ay nasa kaniyang ulo, at ang kaniyang mukha ay gaya ng araw, at ang kaniyang mga paa ay gaya ng mga haliging apoy;.”
Ang anghel na ito ay may taglay na katangian ng isang kapangyarihang nagpapadala ng “huling ulan,” at siyang magiging sanhi ng ganap na pag-lago ng espirituwal na ani, sapagkat iyan ang ipinahihiwatig ng ulap, sikat ng araw, at bahaghari. Sapagkat ang bahaghari ay hindi kailanman lumilitaw nang walang ulan, ang anghel na ito kung gayon ay siyang anghel na nagdadala ng ulan at sikat ng araw para sa pag-unlad ng huling ani.
Apocalipsis 10:2 – “At may isang maliit na aklat na bukas sa kaniyang kamay: at itinungtong ang kaniyang kanang paa sa dagat, at ang kaniyang kaliwa ay sa lupa.”
Isa lamang ang aklat sa Biblia na kailangang buksan, at iyon ay ang aklat ni Daniel (Daniel 12:4). At yamang ang unang ginawa ng anghel ay ang pagbukas ng aklat, pinatutunayan ng pagsusuri na siya nga ay lumilitaw sa eksena sa pasimula ng panahon ng wakas, ang panahong ang aklat ay bubuksan. (Apocalipsis 10:2).
Isang pangkalahatang kaalaman na likas ng tao na magsimula sa pamamagitan ng kanyang kanang paa. Ngayon, yamang ang kanang paa ng anghel ay nasa dagat at ang kaliwa ay nasa lupa, ipinakikita ng simbolismo na siya ay nagsisimula sa dagat, ang saklaw ng mga hayop ni Daniel (Daniel 7), pagkatapos ay sa lupa, ang saklaw ng hayop na may dalawang sungay (Apocalipsis 13:10-18). Samakatuwid, ang kaniyang gawain ay nagsisimula sa Old Country, at kabilang ang pinakaunang katotohanang inihayag mula sa aklat ni Daniel. Sa kabuuan, ang kanyang mensahe at kapangyarihan ay napatunayang pandaigdigan — sa lupa at dagat. —
Apocalipsis 10:5-7 – “At ang anghel na aking nakita na nakatayo sa ibabaw ng dagat at sa ibabaw ng lupa ay itinaas ang kaniyang kanang kamay sa langit, At ipinanumpa yaong nabubuhay magpakailan kailan man, na lumalang ng langit at ng mga bagay na naroroon, at ng lupa at ng mga bagay na naririto, at ng dagat at ng mga bagay na naririto, na hindi na magluluwat ang panahon: Kundi sa mga araw ng tinig ng ikapitong anghel, pagka malapit nang siya'y humihip, kung magkagayo'y ganap na ang hiwaga ng Dios, ayon sa mabubuting balita na kaniyang isinaysay sa kaniyang mga alipin na mga propeta. (Sa pasimula ng paghihip ng ikapitong trumpeta, ang Hiwaga ng Diyos ay matatapos.)
Ano naman ang tungkol sa pahayag na, “hindi na magluluwat ang panahon”? – Ang sagot ay masusumpungan sa Apocalipsis 10:6, na sa katunayan ay nagpapatunay na hindi na magluluwat pa ang panahon para matapos ang Hiwaga ng Diyos; na ang mga natitirang araw ng ikaanim na trumpeta, ang panahon bago ang paghihip ng ikapitong trumpeta, ay siyang panahon para matapos ang Hiwaga ng Diyos, ang Ebanghelyo ni Cristo. Sa katunayan, ang pinakaunang pahayag ng ikapitong anghel ay ang mga kaharian ng sanlibutang ito ay naging mga kaharian ng ating Panginoon, – na ang gawain ng Ebanghelyo ay tapos na.
Apocalipsis 10:8-10 – “At ang tinig na aking narinig na mula sa langit, ay muling nagsalita sa akin, at nagsabi, Humayo ka, kunin mo ang aklat na bukas na nasa kamay ng anghel na nakatayo sa ibabaw ng dagat at sa ibabaw ng lupa. At ako'y naparoon sa anghel na nagsabi ako sa kaniya na ibigay sa akin ang maliit na aklat. At kaniyang sinabi sa akin, Kunin mo ito, at ito'y kanin mo; at papapaitin ang iyong tiyan, datapuwa't sa iyong bibig ay magiging matamis na gaya ng pulot. At kinuha ko ang maliit na aklat sa kamay ng anghel, at aking kinain; at sa aking bibig ay matamis na gaya ng pulot: at nang aking makain, ay pumait ang aking tiyan.”
Ang pagkain sa aklat ay gaya ng “paglunok” ng mga sinasabi nito. Ang tamis ng pulot ay tumukoy sa kagalakang dala ng mga pangako nito, at maliwanag na ang kapaitan ay tumutukoy sa kawalang-kakayahang lubusang matunaw o maunawaan ang lahat, kaya't nagkaroon ng kabiguan. Alam ninyo na ito ay natupad noong panahon ng First Advent Movement, nang sa pamamagitan ng pag-aaral ng aklat ni Daniel, natutuhan nila na ang paglilinis ng Santuwaryo (Daniel 8:14) ay magsisimula noong taong 1844, ngunit mali ang pagkaunawa nila na ang paglilinis ay nangangahulugang ang katapusan ng mundo at pagbabalik ni Cristo. Ang kabiguan ay dumating pagkatapos lumipas ang takdang araw at hindi natupad ang inaasahan ng mga tao.
Apocalipsis 10:11 – “At sinasabi nila sa akin, Dapat kang manghulang muli sa maraming mga bayan at mga bansa at mga wika at mga hari.”
Pagkatapos ng kabiguan, sila ay inutusan na muling manghula; ibig sabihin, muling ipahayag ang paglilinis ng Santuwaryo. Ang gawaing ito ay dapat nilang isagawa sa maraming mga tao, bansa, wika, at mga hari, ngunit malinaw na hindi sa lahat.
Kung kaya’t ang First Advent Movement ay muling inayos at pinangalanang Seventh-day Adventist. Ang mensahe ng Seventh-day Adventist ay inatasang umabot sa maraming mga tao, bansa, wika, at mga hari ngunit hindi pa para sa lahat ng mga bansa, lahat ng mga tao at lahat ng mga hari at hindi pa para sa pagtatapos ng gawain. Bilang bunga nito, ang Iglesya rin ay kinakailangang muling ayusin muna kung ang Ebanghelyo ng Kaharian ay ipangangaral sa lahat ng bansa.
“‘Ang revival at reformation ay kailangang maganap sa ilalim ng pamamahala ng Banal na Espiritu. Ang revival at reformation ay dalawang magkaibang bagay. Ang revival ay nangangahulugang pagbabalik ng buhay espirituwal, pagbibigay-sigla sa mga kapangyarihan ng isip at puso, isang pagkabuhay mula sa espirituwal na kamatayan. Ang reformation naman ay nangangahulugang muling pag-aayos, pagbabago sa mga kaisipan at teorya, mga ugali at gawi.’” – Christ Our Righteousness, pahina 121, edisyong 1941.
Paano magaganap ang muling pag-aayos na ito?
“Sapagka't, narito, ang Panginoon ay darating na may apoy, at ang kaniyang mga karo ay magiging parang ipoipo; upang igawad ang kaniyang galit na may kapusukan, at ang kaniyang saway na may ningas ng apoy. Sapagka't sa pamamagitan ng apoy makikipagpunyagi ang Panginoon, at sa pamamagitan ng kaniyang tabak, sa lahat ng mga tao: at ang mapapatay ng Panginoon ay magiging marami. Silang nangagpapakabanal, at nangagpapakalinis na nagsisiparoon sa mga halamanan, sa likuran ng isa sa gitna, na nagsisikain ng laman ng baboy, at ng kasuklamsuklam, at ng daga; sila'y darating sa isang wakas na magkakasama, sabi ng Panginoon. At ako'y maglalagay ng tanda sa gitna nila, at aking susuguin ang mga nakatanan sa kanila sa mga bansa, sa Tarsia, Pul, at Lud, na nagsisihawak ng busog, sa Tubal at Javan, sa mga pulong malayo na hindi nangakarinig ng aking kabantugan, o nakakita man ng aking kaluwalhatian; at sila'y mangagpapahayag ng aking kaluwalhatian sa gitna ng mga bansa. At kanilang dadalhin ang lahat ninyong mga kapatid mula sa lahat na bansa na pinakahandog sa Panginoon, na nasasakay sa mga kabayo, at sa mga karo, at sa mga duyan, at sa mga mula, at sa mga maliksing hayop, sa aking banal na bundok na Jerusalem, sabi ng Panginoon, gaya ng pagdadala ng mga anak ni Israel ng kanilang handog sa malinis na sisidlan sa bahay ng Panginoon.” Isaias 66:15-17, 19-20
Sa mga talatang ito, makikita natin ang isang pagdadalisay na gagamitin ang pagpatay upang alisin ang lahat ng sumasalangsang sa katotohanan. Ang mga makatatakas mula sa patayan ng Panginoon ay isusugo sa mga bansa na hindi pa nakakakita ng kaluwalhatian ng Diyos, ni nakarinig ng Kaniyang kabantugan, at sila ang magdadala sa lahat ng kanilang mga kapatid mula sa “lahat ng mga bansa.” Malinaw, kung gayon, na ang pagdadalisay ay magaganap sa loob ng Iglesya, sapagkat ang mga makakatanan dito ang siyang isusugo upang mangaral sa mga Gentil na walang kaalaman tungkol sa Diyos. Ang pagsugo sa mga tapat patungo sa mga bansa, pagkatapos patayin at alisin ang mga hindi tapat ay nagpapahiwatig ng isang muling pagsasaayos. At ang atas, sa wakas, ay hindi lamang para sa maraming bansa, kundi para sa lahat ng bansa. Kung sila ay magdadala ng lahat ng kanilang mga kapatid mula sa lahat ng mga bansa, kung gayon sila ang huli, ang nakatakdang tatapos ng gawain, ang “Hiwaga ng Diyos,” ang magtatapos ng panahon ng probasyon at magdadala ng wakas ng mundo.