Ano Pa ang Hindi Ko Nagawa?

Liksyon 11, Unang Semestre Marso 8-14, 2025.

img rest_in_christ
Ibahagi ang Liksyong ito
sharethis sharing button
copy sharing button
email sharing button
whatsapp sharing button
facebook sharing button
twitter sharing button
telegram sharing button
messenger sharing button
line sharing button
wechat sharing button
vk sharing button
tencentqq sharing button
weibo sharing button
kakao sharing button
Download PDF

Hapon ng Sabbath Marso 8

Talatang Sauluhin:

“ Sinabi nga sa kaniya ni Pilato, Ikaw nga baga'y hari? Sumagot si Jesus, Ikaw ang nagsasabing ako'y hari. Ako'y ipinanganak dahil dito, dahil dito ako naparito sa sanglibutan, upang bigyang patotoo ang katotohanan. Ang bawa't isang ayon sa katotohanan ay nakikinig ng aking tinig.” KJV - Juan 18:37


“Kung Bakit Pinahintulutan ng Diyos si Abraham na Magdusa ng Taggutom

“Nagpatuloy si Abraham sa kanyang paglalakbay patimog, at muli siyang sinubok sa pananampalataya. Tumigil ang ulan mula sa kalangitan, at walang pastulan ang mga kawan at mga bakahan. Nanganganib ang buong kampo na magutom. Lahat ay masidhing nagmamasid kung ano ang gagawin ni Abraham, habang dumarating ang sunud-sunod na pagsubok. Hangga’t hindi natitinag ang kanyang pagtitiwala, nadarama nilang may pag-asa; nakatitiyak sila na kaibigan ng Diyos si Abraham at patuloy siyang ginagabayan. EP 76.4

Mahigpit na pinanghawakan ni Abraham ang pangakong, “ Ikaw ay aking pagpapalain, at padadakilain ko ang iyong pangalan; at ikaw ay maging isang kapalaran.” Hindi niya hinayaang maapektuhan ng kanyang kalagayan ang kanyang pananampalataya sa salita ng Diyos. Upang makaligtas sa taggutom, bumaba siya sa Egipto. Sa kabila ng matinding kagipitan, hindi siya bumalik sa lupain ng mga Caldeo na kanyang pinanggalingan, kundi humanap siya ng pansamantalang kanlungan na malapit hangga’t maaari sa Lupang Pangako. EP 77.1

Sa Kanyang probidensya, pinahintulutan ng Panginoon ang pagsubok na ito kay Abraham upang turuan siya ng mahahalagang aral na kapakipakinabang sa lahat ng darating pang dadaan sa pagdurusa. Hindi kinalilimutan o tinatanggihan ng Diyos ang mga nagtitiwala sa Kanya. Ang mga pagsubok na matindi at sumusubok sa atin sa paniniwalang tayo’y pinabayaan ng Diyos ay siyang magiging daan upang mapalapit tayong lalo kay Cristo. Maari nating isandig sa Kanya ang lahat ng ating pasanin at maranasan ang kapayapaang Kanyang ipagkakaloob kapalit nito. EP 77.2

Sa pamamagitan ng init ng hurno naihihiwalay ang dumi mula sa tunay na ginto ng maka-Kristiyanong pagkatao. Sa pamamagitan ng malalapit at mahihigpit na pagsubok, dinidisiplina ng Diyos ang Kanyang mga lingkod. Nakikita Niya na ang ilan ay may kakayahang magamit sa pagpapalaganap ng Kanyang gawain. Sa Kanyang probidensya, inilalagay Niya sila sa mga sitwasyong sumusubok sa kanilang pagkatao at nagbubunyag ng mga kahinaang hindi nila batid. Binibigyan Niya sila ng pagkakataong iwasto ang mga ito. Ipinapakita Niya sa kanila ang kanilang kahinaan at itinuturo sa kanilang umasa sa Kanya. Sa ganitong paraan, sila ay tinuturuan, sinasanay, at dinidisiplina, inihahanda upang tuparin ang dakilang layunin kung bakit sila pinagkalooban ng ganoong mga kakayahan. Ang mga anghel ng langit ay maaaring makiisa sa kanila sa gawaing dapat maisakatuparan sa lupa. EP 77.3

Linggo, Marso 9

Si Cristo ang Nagtagumpay


Basahin ang Juan 18:37 . Ano ang sinasabi nito tungkol sa gawain ni Cristo para labanan ang mga pandaraya ng kaaway? Ano ang kahulugang si Jesus ay Hari ?

“Ang pamahalaang kinabibilangan ni Jesus ay tiwali at mapaniil; sa bawat panig ay maririnig ang mga hinaing laban sa pang-aabuso—pagpapahirap sa kapwa, di-pagpaparaya, at malupit na paniniil. Gayunman, hindi sinubukan ng Tagapagligtas na magsagawa ng repormang sibil. Hindi Niya sinalakay ang mga pambansang katiwalian ni hinatulan ang mga kaaway ng bansa. Hindi Siya nanghimasok sa kapangyarihan o pamamahala ng mga nasa posisyon. Siya, na ating huwaran, ay hindi nakisangkot sa mga pamahalaang makalupa. Hindi dahil Siya’y walang malasakit sa mga paghihirap ng tao, kundi sapagkat ang lunas ay hindi matatagpuan sa mga hakbang na panlabas at gawa lamang ng tao. Upang maging mabisa, ang lunas ay dapat umabot sa bawat isa nang personal at muling bumago sa kanilang puso. DA 509.3

Hindi sa pamamagitan ng mga pasya ng hukuman, mga konseho, o mga lehislatibong kapulungan, ni sa pamamagitan ng pagtatangkilik ng makapangyarihang tao sa sanlibutan, naitatag ang kaharian ni Cristo. Kundi sa pamamagitan ng pagtatanim ng Kanyang likas sa sangkatauhan sa pamamagitan ng gawain ng Banal na Espiritu. “Datapuwa't ang lahat ng sa kaniya'y nagsitanggap, ay pinagkalooban niya sila ng karapatang maging mga anak ng Dios, sa makatuwid baga'y ang mga nagsisisampalataya sa kaniyang pangalan: Na mga ipinanganak na hindi sa dugo, ni sa kalooban ng laman, ni sa kalooban ng tao, kundi ng Dios.” Juan 1:12, 13. Ito lamang ang kapangyarihang makapag-aangat sa sangkatauhan. At ang paraan upang maisakatuparan ito ay sa pamamagitan ng pagtuturo at pagsasabuhay ng salita ng Diyos. DA 509.4

Sinabi nga sa kaniya ni Pilato, Ikaw nga baga'y hari? Sumagot si Jesus, Ikaw ang nagsasabing ako'y hari. Ako'y ipinanganak dahil dito, dahil dito ako naparito sa sanglibutan, upang bigyang patotoo ang katotohanan. Ang bawa't isang ayon sa katotohanan ay nakikinig ng aking tinig.” DA 727.2

Ipinahayag ni Cristo na ang Kanyang salita mismo ay ang susi na magbubukas sa hiwaga para sa mga handang tumanggap nito. Ito ay may kapangyarihang nagpapatunay sa kanyang sarili, at ito ang lihim ng paglaganap ng Kanyang kaharian ng katotohanan. Nais Niyang maunawaan ni Pilato na ang tanging paraan upang maibangon muli ang kanyang bumagsak na likas ay sa pamamagitan ng pagtanggap at pagsasabuhay ng katotohanan. DA 727.3

Lunes, Marso 10

Ang Matuwid at ang Nagpapawalang-sala


Basahin ang Roma 3:23–26 at Roma 5:8 . Ano ang inihahayag ng mga talatang ito tungkol sa paraan ng pagtalo ni Cristo sa mga paratang ng diyablo?

“Sapat at sagana ang biyayang ibinigay upang mapanatiling malaya sa kasalanan ang sinumang sumasampalataya; sapagkat ang buong langit, kasama ang walang hanggang kayamanan nito, ay inilagay sa ating kapakinabangan. Tayo ay dapat sumalok mula sa balon ng kaligtasan. Si Cristo ang kaganapan ng kautusan tungo sa katuwiran para sa lahat ng sumasampalataya. Sa ating sarili, tayo ay makasalanan; ngunit kay Cristo, tayo ay itinuring na matuwid. Sa pamamagitan ng ipinasang katuwiran ni Cristo, itinuring tayo ng Diyos na matuwid at pinakitunguhan tayo bilang mga ganap. Tinitingnan Niya tayo bilang Kanyang minamahal na mga anak. Si Cristo ay kumikilos laban sa kapangyarihan ng kasalanan, at kung saan nanagana ang kasalanan, higit pang nanagana ang biyaya. “Yaman nga na mga inaaring-ganap sa pananampalataya, mayroon tayong kapayapaan sa Dios sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesucristo; Sa pamamagitan din naman niya'y nangagkaroon tayo ng ating pagpasok sa pamamagitan ng pananampalataya sa biyayang ito na diyan ay nagsisilagi tayo; at nangagagalak tayo sa pagasa ng kaluwalhatian ng Dios.” (Roma 5:1-2). 1SM 394.1

Nang yumuko si Cristo at namatay, tinumba Niya ang mga haligi ng kaharian ni Satanas sa lupa. Tinalo Niya si Satanas. FLB 50.3

Sumunod si Cristo sa pagpapako sa krus, bagaman kayang-kaya Siyang iligtas ng hukbo ng langit. Ang mga anghel ay nagdusa kasama Niya. Maging ang Diyos Mismo ay nakipagpisan kay Cristo sa Kanyang pagpapakasakit, sapagkat si Cristo at ang Ama ay iisa. Ngunit ang mga tumatanggi kay Cristo, ang mga ayaw na Siya ang mamahala sa kanila, ay pinili ang mapasailalim sa pamumuno ni Satanas, na gawin ang kanyang gawain bilang mga alipin niya. Gayunman, para sa kanila rin, isinuko ni Cristo ang Kanyang buhay sa Kalbaryo. FLB 50.4

Basahin ang Pahayag 12:10–12 ayon sa liwanag ng Genesis 3:15. Paano binibigyang Liwanag ng talatang ito ang kosmikong kahalagahan ng tagumpay ni Cristo sa krus?

Nakita ni Satanas na ang kanyang panlilinlang ay nalantad. Ang kanyang pamamahala ay nabunyag sa harap ng mga anghel na hindi nahulog at sa buong sansinukob ng langit. Ipinahayag niya ang kanyang sarili bilang isang mamamatay-tao. Sa pagbubo ng dugo ng Anak ng Diyos, tuluyan siyang nawalay sa pakikiramay ng mga nilalang sa langit. Simula noon, nalimitahan ang kanyang gawain. Anuman ang anyo na kanyang ipakita, hindi na siya mapapahintulutang salubungin ang mga anghel mula sa hukuman ng langit upang isakdal sa kanila ang mga kapatid ni Cristo na tila nakadamit ng karumihan ng kasalanan. Ang huling ugnayan ng pakikiramay sa pagitan ni Satanas at ng makalangit na daigdig ay tuluyang naputol. DA 761.2

Ngunit hindi pa noon tuluyang winasak si Satanas. Kahit ang mga anghel ay hindi pa lubusang nauunawaan ang lahat ng aspeto ng dakilang tunggalian. Ang mga prinsipyong nakataya ay kinakailangang ganap pang mahayag. At alang-alang sa tao, kinakailangang pahintulutan ang pag-iral ni Satanas. Kailangang makita ng tao, gayundin ng mga anghel, ang malinaw na pagkakaiba sa pagitan ng Prinsipe ng liwanag at ng prinsipe ng kadiliman. Kailangang piliin ng tao kung sino ang kanyang paglilingkuran. DA 761.3

Martes, Marso 11

Ang Awit ng Aking Minamahal


Basahin ang Isaias 5:1–4 . Sino ang nagsasalita sa mga talatang ito? Sino ang tinutukoy ni Isaias? Sino ang kinakatawan ng ubasan at may-ari ng ubasan? Ano ang kahalagahan ng mga aksyon ng may-ari ng ubasan sa ngalan ng ubasan? Ano ang bunga nito ?

“Ipinahayag ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises ang bunga ng kawalang-katapatan. Sa kanilang pagtanggi na sundin ang Kanyang tipan, sila mismo ang humiwalay sa buhay na nagmumula sa Diyos, kaya’t hindi sila maaaring pagpalain. May mga pagkakataong pinakinggan nila ang babala, kaya’t masaganang pagpapala ang natanggap ng bansang Judio, at ganoon din sa mga nakapaligid na bayan sa pamamagitan nila. Ngunit mas madalas nilang nalilimutan ang Diyos at hindi nila napahahalagahan ang mataas nilang tungkulin bilang Kanyang mga kinatawan. Inagawan nila Siya ng paglilingkod na hinihingi Niya sa kanila, at inagawan din nila ang kanilang kapwa ng patnubay sa pananampalataya at ng banal na halimbawa. Hinangad nilang angkinin para sa kanilang sarili ang bunga ng ubasan na ipinagkatiwala lamang sa kanila. Dahil sa kanilang kasakiman at pagiging mapag-imbot, kinamuhian sila maging ng mga pagano. Dahil dito, nagkaroon ng dahilan ang sanlibutang Hentil na magkaroon ng maling pagkaunawa sa katangian ng Diyos at ng Kanyang mga batas. PK 20.1

Ngunit sa pusong puno ng pagmamahal ng isang ama, pinagtiisan ng Diyos ang Kanyang bayan. Pinakiusapan Niya sila sa pamamagitan ng mga pagpapalang ibinigay at inalis. Matiyaga Niyang inilantad sa kanila ang kanilang mga kasalanan at may pagtitiyaga Siyang naghintay sa kanilang pagkilala sa mga ito. Muling nagsugo ang Diyos ng mga propeta at mga sugo upang ipahayag ang Kanyang kahilingan sa mga katiwala ng ubasan. Subalit sa halip na tanggapin sila nang may kagalakan, itinuring silang mga kaaway. Inusig at pinatay ng mga katiwala ang mga sugong ito. Muling nagsugo ang Diyos ng iba pang mga sugo, ngunit nakaranas sila ng parehong pagtrato. Sa halip, lalo pang naging matindi ang poot ng mga katiwala laban sa kanila. PK 21.1

Ang pagkawala ng banal na pagpapala sa panahon ng pagkabihag ay nagdala ng pagsisisi sa marami, ngunit pagkabalik nila sa Lupang Pangako, inulit ng mga Judio ang mga pagkakamali ng mga naunang henerasyon. Naging dahilan ito upang muli silang mapasangkot sa tunggaliang pampulitika laban sa mga nakapaligid na bansa. Ang mga propetang isinugo ng Diyos upang ituwid ang mga namamayaning kasamaan ay tinanggap nang may parehong pag-aalinlangan at paghamak tulad ng sa mga sugo noong una. Kaya’t sa bawat lumilipas na siglo, lalo pang nadagdagan ang kanilang kasalanan. PK 21.2

Ang mainam na puno ng ubas na itinanim ng Banal na Magsasaka sa mga burol ng Palestina ay hinamak ng Israel. Sa wakas, itinapon nila ito sa kabila ng pader ng ubasan; kanilang sinaktan, tinapakan, at inisip nilang tuluyan na itong nawawasak. Inalis ng Magsasaka ang punong ubas at itinago ito mula sa kanilang paningin. Muli Niya itong itinanim, ngunit sa kabilang panig ng pader at sa paraang hindi na nila ito mararating o masasaktan. Ang mga sanga nito ay lumampas sa pader, at ang iba ay maaaring maidugtong dito, ngunit ang mismong pinakapuno ay inilagay sa lugar na lampas sa kapangyarihan ng tao upang maabot o mapinsala. PK 21.3

Napakahalaga para sa iglesya ng Diyos sa ating panahon—ang mga katiwala ng Kanyang ubasan—ang mga payo at babala ng mga propetang naghayag ng walang hanggang layunin ng Diyos para sa sangkatauhan. Sa kanilang mga katuruan, malinaw na isinisiwalat ang pag-ibig ng Diyos para sa nawalang lahi ng tao at ang Kanyang plano ng kaligtasan. Ang kasaysayan ng pagtawag sa Israel, ng kanilang tagumpay at kabiguan, ng kanilang pagbabalik sa pabor ng Diyos, ng kanilang pagtanggi sa Panginoon ng ubasan, at ng katuparan ng plano ng Diyos sa pamamagitan ng matapat na nalabi—lahat ng ito ay naging paksa ng mga mensahero ng Diyos sa Kanyang iglesya sa nagdaang mga siglo. At sa ngayon, ang mensahe ng Diyos sa Kanyang iglesya—sa mga tapat na katiwala ng Kanyang ubasan—ay hindi naiiba sa sinabi ng propeta noong unang panahon:

“Awitin ninyo sa kaniya ang tungkol sa isang ubasang pinagkunan ng alak. Akong Panginoon ang nagiingat; aking didiligin tuwituwina: baka saktan ng sinoman, aking iingatan gabi't araw.” Isaias 27:2-3. PK 22.2

Magtiwala nawa ang Israel sa Diyos. Ang Panginoon ng ubasan ay kasalukuyang nagtitipon mula sa lahat ng bansa at bayan ang mahahalagang bunga na matagal na Niyang hinihintay. Hindi maglalaon, Siya ay darating sa Kanyang sarili; at sa maluwalhating araw na iyon, ang walang hanggang layunin ng Diyos para sa sambahayan ng Israel ay ganap na matutupad. “Sa mga araw na darating ay maguugat ang Jacob; ang Israel ay mamumulaklak at magbubuko: at pupunuin nila ng bunga ang ibabaw ng sanglibutan.” Isaias 27:6. PK 22.3

Miyerkules, Marso 12

Ang Talinghaga ni Cristo Tungkol sa Ubasan


Basahin ang Mateo 21:33–39 na may partikular na tanong sa Isaias 5:4 sa isip. Ano pa ang magagawa Niya kaysa sa ginawa Niya ?

“May isang puno ng sambahayan,” sabi ni Cristo, “ na nagtanim ng isang ubasan, at binakuran niya ng mga buhay na punong kahoy sa palibot, at humukay roon ng isang pisaan ng ubas, at nagtayo ng isang bantayan, at ipinagkatiwala yaon sa mga magsasaka, at napasa ibang lupain.” (COL 284.2)

“Ang paglalarawan ng ubasang ito ay ibinigay ng propetang si Isaias: ‘Paawitin ninyo ako sa aking pinakamamahal, ng awit ng aking minamahal tungkol sa kaniyang ubasan. Ang aking pinakamamahal ay may ubasan sa isang mainam na burol: At kaniyang binangbangan ang palibot at inalis ang mga bato, at tinamnan ng piling puno ng ubas, at nagtayo ng isang moog sa gitna niyaon, at tinabasan din naman ng isang pisaan ng ubas: at kaniyang hinintay na magbunga ng ubas.” (Isaias 5:1-2, COL 284.3)

“Ang magsasaka ay pumipili ng isang bahagi ng lupa mula sa ilang; kaniyang binabakuran, nililinis, at sinasaka ito, at tinataniman ng piling puno ng ubas, na umaasang mag-aani nang sagana. Ang bahaging ito ng lupa, dahil sa pagiging higit na mainam kaysa sa ligaw at hindi natatanimang lupain, ay inaasahan niyang magbibigay sa kaniya ng karangalan sa pamamagitan ng pagpapakita ng bunga ng kaniyang pag-aalaga at pagsisikap. Ganoon din naman, pinili ng Diyos ang isang bayan mula sa sanlibutan upang sanayin at turuan ni Cristo. Sinabi ng propeta, ‘ang ubasan ng Panginoon ng mga hukbo ay ang sangbahayan ng Israel, at ang mga tao sa Juda ay ang kaniyang maligayang pananim.” (Isaias 5:7, COL 285.1)

“Sa bayang ito, iginawad ng Diyos ang dakilang mga pribilehiyo at pinagyaman sila ng Kaniyang saganang kabutihan. Inaasahan Niya silang parangalan Siya sa pamamagitan ng pagbubunga. Dapat nilang ipakita ang mga prinsipyo ng Kaniyang kaharian. Sa gitna ng isang nahulog at napakasamang sanlibutan, sila ay dapat na kumatawan sa katangian ng Diyos.” (COL 285.1)

“Bilang ubasan ng Panginoon, sila ay dapat magbunga ng lubos na naiiba kaysa sa mga bansang pagano. Ang mga makasalanang bansang ito ay ibinigay ang kanilang sarili sa paggawa ng kasamaan. Karahasan, krimen, kasakiman, pang-aapi, at ang pinakatiwali at masamang gawain ay ginagawa nang walang pagpipigil. Ang bunga ng tiwaling punong kahoy ay kasamaan, kababaan, at pagdurusa. Sa malinaw na pagkakaiba, dapat na ang bunga ng punong ubas ng Diyos ay kabanalan at katuwiran.” (COL 285.2)

“Pribilehiyo ng bansang Judio ang kumatawan sa katangian ng Diyos ayon sa ipinahayag kay Moises. Nang manalangin si Moises, ‘Ipakita Mo sa akin ang Iyong kaluwalhatian,’ nangako ang Panginoon, ‘Aking papangyayarihin ang aking buong kabutihan sa harap mo.’ (Exodo 33:18-19)

“At dumaan ang Panginoon sa harapan niya, at nagproklama, ‘At ang Panginoo'y nagdaan sa harap niya, na itinanyag, Ang Panginoon, ang Panginoong Dios na puspos ng kahabagan at mapagkaloob, banayad sa pagkagalit, at sagana sa kaawaan at katotohanan; Na gumagamit ng kaawaan sa libolibo, na nagpapatawad ng kasamaan, at ng pagsalangsang, at ng kasalanan:” (Exodo 34:6-7, COL 285.3)

“Ito ang bungang nais ng Diyos mula sa Kaniyang bayan. Sa kadalisayan ng kanilang mga karakter, sa kabanalan ng kanilang buhay, sa kanilang awa, pagmamahal, at habag, dapat nilang ipakita na ‘Ang kautusan ng Panginoon ay sakdal, na nagpapanauli ng kaluluwa.’” (Awit 19:7, COL 285.3)

“Sa pamamagitan ng bansang Judio, layunin ng Diyos na ipagkaloob ang Kaniyang masaganang pagpapala sa lahat ng bayan. Sa pamamagitan ng Israel, dapat na maihanda ang daan para sa pagpapalaganap ng Kaniyang liwanag sa buong mundo. Ang mga bansa sa mundo, sa pagsunod sa masasamang gawain, ay nawala sa kanila ang kaalaman tungkol sa Diyos. Ngunit sa Kaniyang awa, hindi Niya winakasan ang kanilang pag-iral. Layunin Niyang bigyan sila ng pagkakataon upang makilala Siya sa pamamagitan ng Kaniyang iglesya. Nais Niyang ang mga prinsipyo na ipinahayag sa pamamagitan ng Kaniyang bayan ang maging daan upang maipanumbalik ang moral na larawan ng Diyos sa tao.” (COL 286.1)

“Para sa katuparan ng layuning ito, tinawag ng Diyos si Abraham mula sa kaniyang idolatrosong kamag-anak at iniutos sa kaniya na manirahan sa lupain ng Canaan. ‘At gagawin kitang isang malaking bansa, at ikaw ay aking pagpapalain, at padadakilain ko ang iyong pangalan; at ikaw ay maging isang kapalaran.’” (Genesis 12:2, COL 286.2)

“Ang mga lahi ni Abraham, si Jacob at ang kaniyang lahi, ay dinala sa Egipto upang sa gitna ng dakila at napakasamang bansang iyon ay maipakita nila ang mga prinsipyo ng kaharian ng Diyos. Ang katapatan ni Jose at ang kaniyang kahanga-hangang gawain sa pagliligtas ng buhay ng buong bansang Egipto ay isang paglalarawan ng buhay ni Cristo. Si Moises at marami pang iba ay naging mga saksi para sa Diyos.” (COL 286.3)

Huwebes, Marso 13

Ang Paglilinis ng Pangalan ng Diyos


Basahin ang Roma 3:1–4 sa liwanag ng Isaias 5: 3-4 . Ano ang itinuturo nito tungkol sa Diyos Mismo na pinagtibay sa kosmikong tunggalian?

“Ano pa ang magagawa ko sa aking ubasan na hindi ko nagawa? ano't nang aking hinihintay na magbubunga ng mga ubas, nagbunga ng ubas gubat? Nang humingi ang Diyos ng bunga sa kapanahunan nito, nagulat ang mga Hudyo na inaasahan Niya silang magbunga. Inaangkin nilang sila ang pinakarelihiyosong bayan sa buong mundo. Sila’y itinakda bilang mga tagapangalaga at tagapamahagi ng katotohanan, at nararapat na gamitin nila ang mga pag-aari ng Panginoon upang pagpalain ang mundo. Ngunit inabuso nila ang mga mensaherong isinugo sa kanila; at nang isinugo ng Diyos ang Kaniyang Anak, ang tagapagmana ng mana, kanilang itinampok Siya sa krus ng Kalbaryo. Isang araw, makikita nila ang bunga ng kanilang di-pagsisisi. Hindi na maririnig ang panawagan ng walang hanggang pag-ibig; kundi ang poot ng Kordero, ang kapangyarihang kanilang hinamak, ay babagsak sa kanila na gaya ng isang bato, at dudurog sa kanila hanggang maging alabok.** (RH Hulyo 17, 1900, tal. 16)

“Ano nga ang kahigitan ng Judio? o ano ang mapapakinabang sa pagtutuli? Marami sa anomang paraan: ang una sa lahat, ay ipinagkatiwala sa kanila ang mga aral ng Dios.” (Roma 3:1-2)

Ngunit ang bagay na dapat sana’y naging kanilang pinakamalaking pagpapala ay naging kanilang hatol, sapagkat sila’y naging masuwayin, walang utang na loob, at hindi banal.** (RH Hulyo 17, 1900, tal. 17)

Basahin ang Apocalipsis 15:3 at Apocalipsis 19:1–6 . Ano ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa pagpapawalang-sala sa pangalan ng Diyos, sa huli?

“Ang bawat tanong ng katotohanan at kamalian sa matagal nang alitang ito ay naging maliwanag na. Ang mga resulta ng paghihimagsik, ang bunga ng pagwawalang-bahala sa banal na mga utos, ay inihayag na sa lahat ng nilikha. Ang paghahari ni Satanas, kung ihahambing sa pamamahala ng Diyos, ay ipinakita sa buong sansinukob. Ang kaniyang sariling mga gawa ang humatol sa kaniya. Ang karunungan, katarungan, at kabutihan ng Diyos ay ganap na napatunayan. Nakita na ang lahat ng Kaniyang pakikitungo sa dakilang kontrobersiya ay isinagawa para sa walang hanggang kabutihan ng Kaniyang bayan at ng lahat ng mundong nilikha Niya. ‘Lahat mong mga gawa ay mangagpapasalamat sa iyo Oh Panginoon; at pupurihin ka ng iyong mga banal.” (Awit 145:10, GC 670.3)

“Ang kasaysayan ng kasalanan ay mananatili magpakailanman bilang isang patotoo na ang kaligayahan ng lahat ng nilikha ng Diyos ay kaugnay ng Kaniyang kautusan. Sa harap ng lahat ng katotohanan ng dakilang kontrobersiya, ang buong sansinukob—ang tapat at ang dating naghimagsik—ay iisa ang sasabihin: ‘Matuwid at tunay ang iyong mga daan, ikaw na Hari ng mga bansa.’” (GC 670.3)

“Sa harapan ng sansinukob, maliwanag na ipinakita ang dakilang hain na ginawa ng Ama at ng Anak para sa kapakanan ng tao. Dumating na ang oras kung kailan si Cristo ay naupo sa Kaniyang marapat na posisyon at niluwalhati higit sa mga pamunuan, kapangyarihan, at bawat pangalan na tinatawag. Para sa kagalakang inilagay sa harapan Niya—na madala ang maraming anak sa kaluwalhatian—Kaniyang tiniis ang krus at hinamak ang kahihiyan. At bagaman walang katumbas ang Kaniyang dalamhati at kahihiyan, higit pa roon ang Kaniyang kagalakan at kaluwalhatian. Nakikita Niya ang mga tinubos, na binago ayon sa Kaniyang sariling larawan, ang bawat puso ay may ganap na tatak ng banal, at bawat mukha ay nagpapakita ng wangis ng kanilang Hari. Nakikita Niya sa kanila ang bunga ng paghihirap ng Kaniyang kaluluwa, at Siya’y nasisiyahan. Pagkatapos, sa isang tinig na umaabot sa lahat ng natipong matuwid at masasama, Kaniyang ipinahayag:

Masdan ninyo ang tinubos ng Aking dugo! Para sa kanila Ako’y naghirap, para sa kanila Ako’y namatay, upang sila’y makapiling Ko magpakailanman.’ At ang awit ng papuri ay aakyat mula sa mga nakaputing kasuotan sa paligid ng trono: ‘Karapatdapat ang Cordero na pinatay upang tumanggap ng kapangyarihan, at kayamanan, at karunungan, at kalakasan, at kapurihan, at kaluwalhatian, at pagpapala.” (Pahayag 5:12, GC 671.1)

Biyernes, Marso 14

Karagdagang Kaisipan

“ Tungkol sa Israel ay ipinahayag ng Diyos: ‘Gayon ma'y tinamnan kita ng mahal na puno ng ubas, na pawang mabuting binhi: bakit ka nga naging bansot na ibang puno ng ubas sa akin?’ (Jeremias 2:21). ‘Ang Israel ay isang mayabong na baging, na nagbunga.’ (Oseas 10:1).

‘At ngayon, O mga nananahan sa Jerusalem, at mga tao ng Juda, kayo ang humatol sa pagitan Ko at ng Aking ubasan. Ano pa ang maaaring gawin sa Aking ubasan, na hindi Ko nagawa? Bakit, nang inaasahan Kong magbunga ito ng ubas, ay nagbunga ito ng maasim na ubas?’ (AA 15.2).

‘At ngayo'y aking sasaysayin sa inyo ang gagawin ko sa aking ubasan: aking aalisin ang bakod na siit niyaon, at sasalantain; aking ibabagsak ang bakod niyaon at mayayapakan: At aking pababayaang sira; hindi kakapunin o bubukirin man; kundi magsisitubo ay mga dawag at mga tinik: akin ding iuutos sa mga alapaap, na huwag nilang ulanan. Sapagka't ang ubasan ng Panginoon ng mga hukbo ay ang sangbahayan ng Israel, at ang mga tao sa Juda ay ang kaniyang maligayang pananim: at siya'y naghihintay ng kahatulan, nguni't narito, kapighatian; ng katuwiran, nguni't narito, daing.” (Isaias 5:3-7).

‘Hindi ninyo pinalakas ang payat, o inyo mang pinagaling ang may sakit, o inyo mang tinalian ang may bali, o inyo mang ibinalik ang iniligaw, o inyo mang hinanap ang nawala; kundi inyong pinagpunuang may karahasan at may kahigpitan.’ (Ezekiel 34:4, AA 15.3).

Inakala ng mga pinunong Hudyo na sila’y napakarunong upang mangailangan pa ng pagtuturo, napakamatwid upang mangailangan pa ng kaligtasan, at napakataas ang karangalan upang mangailangan pa ng karangalang nagmumula kay Cristo. Dahil dito, tumalikod sa kanila ang Tagapagligtas at ipinagkatiwala sa iba ang mga pribilehiyong kanilang inabuso at ang gawaing kanilang binale-wala. Ang kaluwalhatian ng Diyos ay dapat mahayag, ang Kaniyang salita ay dapat maitatag. Ang kaharian ni Cristo ay dapat maitatag sa sanlibutan. Ang kaligtasan ng Diyos ay dapat ipahayag kahit sa mga lunsod ng ilang; kaya’t tinawag ang mga alagad upang gawin ang gawaing hindi nagampanan ng mga pinunong Hudyo.” (AA 16.1)