“Walang taong nakakita kailan man sa Dios; ang bugtong na Anak, na nasa sinapupunan ng Ama, siya ang nagpakilala sa kanya.” KJV - Juan 1:18
“Si Jesus ay pumarito at dumanas ng kahirapan at kahihiyan, upang Siya ay maging ating halimbawa at maging ating Manunubos. Kung Siya ay nagpakita nang may makaharing karangyaan, paano Niya maituturo ang pagpapakumbaba? paano Niya maihahayag ang gayong mga nakapupukaw na katotohanan tulad ng sa Sermon sa Bundok? Saan makakasumpong ng pag-asa ang mga maralita sa buhay kung si Jesus ay dumating upang manirahan bilang isang hari sa gitna ng mga tao? DA 138.1
“Gayunpaman, para sa karamihan, tila imposible na ang Isa na itinalaga ni Juan ay maiugnay sa kanilang matayog na pag-asa. Kaya't marami ang nabigo, at labis na nabalisa. DA 138.2
“Ang mga salita na labis na ninanais marinig ng mga saserdote at mga rabbi, na ngayon ay muling itatatag ni Jesus ang kaharian sa Israel ay hindi Niya binabanggit. Ang gayong hari ang kanilang inaasam-asam at hinihintay; ang gayong hari ang handa nilang tanggapin. Ngunit Siya na naghahangad na magtatag sa kanilang mga puso ng isang kaharian ng kabutihan at kapayapaan ay hindi nila tinanggap.” DA 138.3
“Ukol sa mga mahahalagang pagpapalang kaloob Niya sa mga tao, idinagdag ni Jesus, “Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa iyo, Makikita ninyong bukas ang langit, at ang mga anghel ng Dios na nagmamanhik-manaog sa ulunan ng Anak ng tao.” DA 142.3
“Dito ay sinasabi ni Cristo, Sa pampang ng Jordan ang langit ay nabuksan, at ang Espiritu ng Dios na bumababang tulad sa isang kalapati, at lumalapag sa Akin. Ang eksenang ito ay isang tanda lamang na Ako ang Anak ng Diyos. Kung naniniwala ka sa Akin bilang ganoon, ang iyong pananampalataya ay bubuhayin. Makikita mo na ang mga langit ay nabuksan, at hindi kailanman isasara. Binuksan ko ito para sayo. Ang mga anghel ng Diyos ay umaakyat, na dinadala ang mga panalangin ng nangangailangan at nagdadalamhati sa Ama sa itaas, at bumababa, na nagdadala ng pagpapala at pag-asa, tapang, tulong, at buhay, sa mga anak ng tao.” DA 142.4
Basahin ang Juan 13:1–20. Ano ang nangyari dito, at bakit mahalaga ang kuwentong ito? Anong mga aral ang nais ituro ni Jesus?
“Ang mga alagad ay hindi kumilos upang maglingkod sa isa't isa. Naghintay si Jesus ng ilang sandali upang makita kung ano ang kanilang gagawin. Pagkatapos, Siya, ang banal na Guro, ay nagtindig sa paghapon, at itinabi ang kaniyang mga damit; at siya'y kumuha ng isang toalya, at ibinigkis sa kaniyang sarili. Napukaw ang interes ng mga alagad at tumingin sa Kanya, at tahimik na naghintay kung ano ang susunod Niyang gagawin. “Nang magkagayo'y nagsalin ng tubig sa kamaw, at pinasimulang hugasan ang mga paa ng mga alagad, at kinuskos ng toalya na sa kaniya'y nakabigkis.” Ang pagkilos na ito ay nagbukas sa mga mata ng mga alagad. Napuno ng mapait na kahihiyan ang kanilang mga puso. Naunawaan nila ang hindi binibigkas na pagsaway, at nakita nila ang kanilang sarili sa kabuuan ng isang bagong liwanag. DA 644.4
“Kaya ipinahayag ni Cristo ang Kanyang pagmamahal sa Kanyang mga alagad. Ang kanilang makasariling espiritu ay nagdulot sa Kanya ng kalungkutan, ngunit hindi Siya nakipagtalo sa kanila tungkol rito. Sa halip ay binigyan Niya sila ng isang halimbawa na hindi nila malilimutan. Ang kanyang pagmamahal sa kanila ay hindi natitinag. Alam niya na ibinigay ng Ama ang lahat ng bagay sa Kanyang mga kamay, at na Siya ay nagmula sa Diyos, at napasa Diyos. Siya ay may ganap na kamalayan sa Kanyang pagka-Diyos; ngunit isinantabi Niya ang Kanyang maharlikang korona at makaharing damit, at nag-anyong lingkod. Isa sa mga huling gawain ng Kanyang buhay sa lupa ay ang pagbigkis sa Kanyang sarili bilang isang lingkod, at gampanan ang bahagi ng isang tagapaglingkod.” DA 644.5
“Bago ang Paskuwa ay nakipagkita muli si Judas sa mga saserdote at mga eskriba, at nakipagkasundo na ibibigay si Jesus sa kanilang mga kamay. Ngunit pagkatapos nito ay nakisalamuha siya sa mga alagad na waring inosente sa anumang pagkakamali, at interesado sa gawain ng paghahanda para sa piging. Walang alam ang mga alagad sa layunin ni Judas. Si Jesus lamang ang nakakabasa ng kanyang lihim. Ngunit hindi Niya siya inilantad. Si Jesus ay nalulungkot para sa kanyang kaluluwa. Nakadama Siya ng pasanin para sa kanya gaya ng para sa Jerusalem nang Siya ay umiyak para sa napapahamak na lungsod. Ang kanyang puso ay umiiyak, Paano kita isusuko? Ang ibayong kapangyarihan ng pag-ibig na iyon ay nadama ni Hudas. Nang ang mga kamay ng Tagapagligtas ay naglinis sa kanyang maruming mga paa, at pinunasan ang mga ito ng tuwalya, ang puso ni Judas ay nagalak at nakadama ng buyo na ikumpisal ang kanyang kasalanan. Ngunit hindi siya magpapakumbaba. Pinatigas niya ang kanyang puso laban sa pagsisisi; at ang mga udyok ng damdamin, na pansamantalang naisantabi, ay muling kumokontrol sa kanya. At ngayon, hindi nagustuhan ni Judas ang ginawa ni Cristo na paghuhugas ng mga paa ng Kanyang mga alagad. Kung kaya ni Jesus na magpakumbaba ng Kanyang sarili, naisip niya, hindi Siya maaaring maging hari ng Israel. Ang lahat ng pag-asa ng makamundong karangalan sa isang temporal na kaharian ay nasira. Nasiyahan si Judas sa pag-iisip na walang mapapala sa pagsunod kay Cristo. Matapos masaksihan ang Kanyang pagpapakababa, gaya ng kanyang inaakala, napagtibay sa kanyang layunin na itakwil Siya, at magpatotoo na Siya ay nilinlang. Siya ay sinapian ng demonyo, at ipinasiya niyang tapusin ang gawaing napagkasunduan niyang gawin sa pagtataksil sa kanyang Panginoon. DA 645.1
“Sa pagpili ni Judas ng kanyang lugar sa hapag-kainan, sinikap niyang ilagay ang sarili sa una, at si Cristo, bilang isang tagapaglingkod, ang siyang unang naglingkod sa kanya. Si Juan, na labis na kinaiinggitan ni Judas, ay naiwan sa huli. Ngunit hindi ito tinanggap ni Juan bilang isang pagsaway o pang-aalipusta. Habang pinagmamasdan ng mga alagad ang ginagawa ni Cristo, sila’y lubos na nahipo ang damdamin. Nang dumating na ang pagkakataon ni Pedro, siya ay nagulat at nagsabi, “Panginoon, huhugasan Mo ba ang aking mga paa?” Ang kababaang-loob ni Cristo ay tumagos sa puso ni Pedro. Napuno siya ng kahihiyan sa pag-iisip na wala ni isa man sa mga disipulo ang gumawa ng paglilingkod na ito. “Ang ginagawa ko,” sabi ni Cristo, “hindi mo nauunawaan ngayon; ngunit mauunawaan mo pagkatapos nito.” (Juan 13:7, Ang Biblia)
Hindi matanggap ni Pedro na makita ang kanyang Panginoon, na pinaniniwalaan niyang Anak ng Diyos, na gumaganap bilang isang tagapaglingkod. Ang buong kaluluwa niya ay tumutol sa ganitong pagpapakumbaba. Hindi niya naunawaan na ang dahilan ng pagparito ni Cristo sa mundo ay ito. Sa matinding damdamin, sinabi niya, “Huwag mong huhugasan kailanman ang aking mga paa.” (Juan 13:8, Ang Biblia)
“Kung hindi kita huhugasan, wala kang bahagi sa Akin,” sagot ni Cristo kay Pedro nang may buong kaseryosohan. (Juan 13:8, Ang Biblia)” DA 645.2
“Ang paglilingkod na tinanggihan ni Pedro ay sumisimbolo sa mas mataas na uri ng paglilinis. Pumarito si Cristo upang hugasan ang puso mula sa bahid ng kasalanan. Sa pagtanggi ni Pedro na payagang hugasan ni Cristo ang kanyang mga paa, tinanggihan niya rin ang mas mataas na paglilinis na kasama sa mas mababang anyo ng paglilingkod. Sa totoo, tinatanggihan niya ang kanyang Panginoon.
Hindi nakakababa sa Panginoon ang payagan natin Siyang gumawa para sa ating paglilinis. Ang tunay na pagpapakumbaba ay tanggapin, nang may pasasalamat, ang anumang probisyon na ginawa Niya para sa atin, at gawin nang buong sigasig ang paglilingkod para kay Cristo.” DA 646.1
Basahin ang Juan 14:1–3. Sa anong konteksto sinabi ni Jesus ang mga salitang ito?
“Sa mapagmahal na pagtawag, sinabi ni Cristo, “Maliliit na anak, sumasa inyo pa ako ng kaunting panahon. Ako'y inyong hahanapin: at gaya ng sinabi ko sa mga Judio, Sa paroroonan ko, ay hindi kayo mangakaparoon: gayon ang sinasabi ko sa inyo ngayon.” DA 662.2
“ Hindi makapagsaya ang mga alagad nang marinig nila ito. Dumating ang takot sa kanilang mga puso. Lumapit sila nang mas malapit sa Tagapagligtas—ang kanilang Guro, Panginoon, at Kaibigang pinakamamahal higit pa sa kanilang sariling buhay. Sa Kanya sila umaasa para sa tulong sa bawat suliranin, sa kaaliwan sa kanilang mga kalungkutan at kabiguan. Ngunit ngayon, aalis Siya, at iiwan silang isang pangkat na walang ibang masasandalan. Madilim ang mga agam-agam na bumabalot sa kanilang mga puso. DA 662.3
“Ngunit ang mga salita ni Cristo ay puno ng pag-asa. Alam Niyang sila’y susubukin ng kaaway, at ang pandaraya ni Satanas ay pinakamatagumpay laban sa mga napanghihinaan ng loob dahil sa mga pagsubok. Kaya’t itinuro Niya ang kanilang mga isipan mula sa "mga bagay na nakikita" tungo sa "mga bagay na hindi nakikita." (2 Corinto 4:18, Ang Biblia) Mula sa pagkatapon sa lupa, ibinaling Niya ang kanilang mga isipan patungo sa tahanan sa langit.. DA 662.4
“Huwag mabalisa ang inyong puso,” sinabi Niya. “Kayo’y sumasampalataya sa Dios, sumampalataya rin kayo sa Akin. Sa bahay ng Aking Ama ay maraming tirahan: kung hindi gayon ay sinabi Ko sana sa inyo. Ako’y paroroon upang ipaghanda kayo ng isang dako. At kung Ako’y pumaroon at maipaghanda Ko kayo ng isang dako, ay muling paririto Ako, at kayo’y tatanggapin Ko sa Aking sarili; upang kung saan Ako naroroon, kayo rin ay dumoon.” (Juan 14:1–3, Ang Biblia) Para sa inyong kapakanan, Ako’y pumarito sa mundo. Gumagawa Ako alang-alang sa inyo. Kapag Ako’y umalis, magpapatuloy pa rin Ako sa paggawa nang masigasig para sa inyo. Dumating Ako sa mundo upang ihayag ang Aking sarili sa inyo, upang kayo’y manampalataya. Ako’y babalik sa Ama upang makipagtulungan sa Kanya para sa inyo. Ang layunin ng paglisan ni Cristo ay kabaligtaran ng kanilang kinatatakutan. Hindi ito nangangahulugan ng panghuling paghihiwalay. Siya’y aalis upang ipaghanda sila ng dako, upang Siya’y muling bumalik at tanggapin sila sa Kanyang sarili. Habang Siya’y gumagawa ng mga mansiyon para sa kanila, dapat nilang itaguyod ang mga katangiang makalangit.” DA 663.1
Basahin ang Juan 14:5, 6. Anong pagtatanong ang ginawa ni Tomas tungkol sa kung saan paroroon si Jesus? Paano tumugon si Jesus?
“Nagtanong si Tomas sa gitna ng kanyang kalituhan, “Panginoon, hindi namin nalalaman kung saan Ka paroroon; paano naming malalaman ang daan?” Sinagot siya ni Jesus, “Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay: sinuman ay hindi makaparoroon sa Ama, kundi sa pamamagitan Ko.” (Juan 14:5–6, Ang Biblia)
Hindi marami ang daan patungo sa langit. Walang sinuman ang makapipili ng sarili nilang daan. Simula pa nang unang ihayag ang ebanghelyo sa Eden—noong sinabi na ang binhi ng babae ang dudurog sa ulo ng ahas—si Cristo na ang naging daan, katotohanan, at buhay. Siya ang daan noong panahon ni Adan, noong inihandog ni Abel ang dugo ng pinatay na kordero bilang larawan ng dugo ng Tagapagligtas. Siya ang tanging daan upang makalapit sa Diyos. DA 663.3
“Kung ako'y nangakilala ninyo ay mangakikilala ninyo ang aking Ama: buhat ngayon siya'y inyong mangakikilala, at siya'y inyong nakita.” Ngunit, sa kabila nito, ito’y hindi pa rin naunawaan ng mga alagad. DA 663.4
Basahin ang Juan 14:7–11. Paano nilinaw ni Jesus ang hindi pagkakaunawa ni Felipe?
“Panginoon, ipakita Mo sa amin ang Ama, at sapat na sa amin.” Nagulat si Jesus sa kanyang kakulangan ng pang-unawa at may kalungkutan Siyang nagtanong, “Malaon na Akong kasama ninyo, at hindi mo pa Ako nakikilala, Felipe? Siya na nakakita sa Akin ay nakakita sa Ama; paano mo nasabi, ‘Ipakita Mo sa amin ang Ama?’” (Juan 14:8–9, Ang Biblia)
Bagamat nagpakumbaba Siya bilang tao, si Cristo ay Diyos pa rin. Siya lamang ang makapaglalarawan sa Ama sa sangkatauhan, at nakita na ito ng mga alagad sa mahigit tatlong taon nilang pakikisama sa Kanya. “Manampalataya kayo na Ako’y nasa Ama at ang Ama ay nasa Akin: o manampalataya kayo dahil sa mga gawang ito mismo.” (Juan 14:11, Ang Biblia)
Hinahangad ni Cristo na ang pananampalataya nila’y tumibay, at matuon sa Diyos, at umangkla doon. Buong pagsisikap Niyang inihahanda ang Kanyang mga alagad sa unos ng tukso na malapit nang dumating, upang sila’y masumpungang nakatago kasama Niya sa Diyos.” DA 664.2
Basahin ang Juan 1:14, 17; Juan 8:32; Juan 14:6; at Juan 15:26. Paano direktang iniuugnay ni Juan ang konsepto ng katotohanan kay Jesus?
“Sa lahat ng kanilang pagod at paglalakbay sa ilang, ang sagisag ng Kanyang presensya ay nasa kanila. Gayundin, si Cristo ay nagtayo ng Kanyang tabernakulo sa gitna ng ating makataong kampamento. Itinayo Niya ang Kanyang tolda sa tabi ng mga tolda ng mga tao, upang Siya’y manahan sa gitna natin at ipakilala sa atin ang Kanyang banal na pagkatao at buhay. “At ang Verbo ay nagkatawang-tao, at tumahan sa gitna natin, (at nakita namin ang Kanyang kaluwalhatian, kaluwalhatiang gaya ng sa bugtong na Anak ng Ama,) puspos ng biyaya at katotohanan.” (Juan 1:14, Ang Biblia)
Simula nang si Jesus ay tumahan kasama natin, nalalaman natin na ang Diyos ay pamilyar sa ating mga pagsubok at nakikiramay sa ating mga kalungkutan. Bawat anak ni Adan ay maaaring maunawaan na ang ating Manlalalang ay kaibigan ng mga makasalanan. Sa bawat doktrina ng biyaya, bawat pangako ng kagalakan, bawat gawa ng pag-ibig, bawat banal na kagandahan na ipinakita sa buhay ng Tagapagligtas dito sa lupa, ating nakikita ang “Dios na kasama natin.”
Sa Kanyang pagkatao, si Cristo ay nakipag-ugnayan sa sangkatauhan; sa Kanyang pagka-Diyos, Siya ay humawak sa trono ng Diyos. Bilang Anak ng Tao, ibinigay Niya sa atin ang halimbawa ng pagsunod; bilang Anak ng Diyos, ibinibigay Niya sa atin ang kapangyarihan upang sumunod. Si Cristo ang nagsalita mula sa palumpong sa Bundok Horeb kay Moises, na sinasabi, “AKO NGA: ... Ganito ang sasabihin mo sa mga anak ni Israel, Sinugo ako sa inyo ni AKO NGA.” (Exodo 3:14, Ang Biblia) Ito ang pangako ng kaligtasan ng Israel. Kaya’t nang Siya’y dumating “sa anyo ng tao,” Kanyang ipinahayag ang sarili bilang AKO NGA. Ang Sanggol sa Bethlehem, ang maamo at mapagpakumbabang Tagapagligtas, ay ang Diyos na “nahayag sa laman.” (1 Timoteo 3:16, Ang Biblia)
At sa atin, sinabi Niya:“Ako ang mabuting pastor.” “Ako ang tinapay na buhay.” “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay.” “Ang lahat ng kapangyarihan ay ibinigay sa Akin sa langit at sa lupa.” (Juan 10:11; 6:51; 14:6; Mateo 28:18, Ang Biblia)
Si AKO NGA ang katiyakan ng bawat pangako. AKO NGA; huwag kayong matakot. Ang “Dios na kasama natin” ang katiyakan ng ating kaligtasan mula sa kasalanan at ang katiyakan ng ating kapangyarihang sumunod sa kautusan ng langit.
Sa tanong nila, “Sino Ka ba?” sumagot si Jesus, “Ako yaong sinalita Ko sa inyo mula pa noong pasimula.” (Juan 8:25, Ang Biblia) Ang Kanyang mga salita ay naghayag ng Kanyang pagkatao, at Siya ang kaganapan ng mga katotohanang Kanyang itinuro.
Marami sa mga nakikinig sa Kanya ang naniwala, at sa kanila sinabi Niya, “Kung kayo’y magsisipanatili sa Aking salita, tunay nga kayo’y Aking mga alagad; at inyong makikilala ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.” (Juan 8:31–32, Ang Biblia)
Ang mga salitang ito ay ikinagalit ng mga Pariseo. Sa kanilang mahabang pagkakasakop at pamatok buhat sa ibang bansa ay hindi nila isinaalang-alang, at may galit na sumagot, “Kami’y binhi ni Abraham, at kailan ma’y hindi kami naging alipin ng sinoman: paano mong sinasabi, Kayo’y magiging laya?” Ngunit tiningnan sila ni Jesus—mga alipin ng masamang hangarin, na puno ng paghihiganti—at malungkot na sinabi, “Katotohanan, katotohanang sinasabi Ko sa inyo, Ang bawat nagkakasala ay alipin ng kasalanan.” (Juan 8:33–34, Ang Biblia)
Ang Mang-aaliw ay tinawag na “Espiritu ng katotohanan.” Ang Kanyang gawain ay ituro at pangalagaan ang katotohanan. Siya muna’y nananahan sa puso bilang Espiritu ng katotohanan, at sa gayon Siya’y nagiging Mang-aaliw. May kaaliwan at kapayapaan sa katotohanan, ngunit walang tunay na kapayapaan o kaaliwan sa kasinungalingan. Sa pamamagitan ng maling paniniwala at tradisyon, nakakakuha ng kapangyarihan si Satanas sa isipan. Sa pagtuturo ng maling pamantayan, binabago niya ang karakter.
Sa pamamagitan ng Kasulatan, nangungusap ang Banal na Espiritu sa isipan at inilalapat ang katotohanan sa puso. Sa ganitong paraan, Kanyang inilalantad ang kamalian at itinataboy ito mula sa kaluluwa. Sa pamamagitan ng Espiritu ng katotohanan, na gumagawa sa pamamagitan ng Salita ng Diyos, nilulupig ni Cristo ang Kanyang mga pinili para sa Kanya.” DA 671.1
Basahin ang Juan 5:38–40. Ano ang sinasabi dito ni Jesus dito tungkol sa Kasulatan?
“Sa bawat pahina, maging ito’y kasaysayan, kautusan, o propesiya, ang mga Kasulatan sa Lumang Tipan ay nababalutan ng kaluwalhatian ng Anak ng Diyos. Sa abot ng banal na pagtatakda, ang buong sistema ng Hudaismo ay isang pinagsama-samang propesiya ng ebanghelyo. “Siya ang pinatotohanan ng lahat ng mga propeta.” (Mga Gawa 10:43, Ang Biblia)
Mula sa pangako kay Adan, hanggang sa panahon ng mga patriyarka at ng legal na kautusan, ang maningning na liwanag ng langit ay ginawang maliwanag ang mga hakbang ng Manunubos. Nakita ng mga propeta ang Tala ng Bethlehem, ang Shiloh na darating, habang ang mga bagay na darating ay dumaan sa kanila sa mahiwagang tagpo. Sa bawat hain, ipinahihiwatig ang kamatayan ni Cristo. Sa bawat ulap ng insenso, ang Kanyang katuwiran ay umaakyat. Sa bawat tunog ng trumpeta ng jubileo, ang Kanyang pangalan ay ipinalalaganap. Sa kahindik-hindik na hiwaga ng kabanal-banalang dako, nanahan ang Kanyang kaluwalhatian. DA 211.5
“Ang mga Hudyo ay may mga Kasulatan sa kanilang kamay at inakala na sa kanilang paimbabaw na kaalaman sa salita ay mayroon na silang buhay na walang hanggan. Ngunit sinabi ni Jesus, “Ang Kanyang salita ay hindi nananahan sa inyo.” Sa pagtanggi nila kay Cristo sa Kanyang salita, tinanggihan din nila Siya nang personal. “Ayaw kayong magsilapit sa Akin upang kayo’y magkaroon ng buhay.” (Juan 5:40, Ang Biblia)
Basahin ang Lucas 24:27. Bakit mahalaga na una munang itinuro ni Jesus ang Kasulatan upang ipakita ang kahalagahan ng Kanyang ministeryo?
“Sinimulan ni Cristo ang Kanyang paliwanag mula kay Moises, ang pasimula ng kasaysayan sa Biblia, at ipinaliwanag ang lahat ng bagay sa Kasulatan na tumutukoy sa Kanya. Kung una Niyang ipinakilala ang Kanyang sarili, maaaring nalugod na sila sa kanilang kagalakan at hindi na maghangad pa ng higit. Ngunit kinakailangan nilang maunawaan ang patotoo sa Kanya ng mga simbolo at propesiya sa Lumang Tipan. Sa mga iyon dapat maitatag ang kanilang pananampalataya.
Hindi gumawa si Cristo ng himala upang sila’y kumbinsihin. Ang unang ginawa Niya ay ipaliwanag ang mga Kasulatan. Inakala nila na ang Kanyang kamatayan ay ang pagkawasak ng lahat ng kanilang pag-asa. Ngunit ipinakita Niya mula sa mga propeta na ito mismo ang pinakamatibay na patunay para sa kanilang pananampalataya. DA 796.4
“Sa pagtuturo sa mga alagad, ipinakita ni Jesus ang kahalagahan ng Lumang Tipan bilang patotoo sa Kanyang misyon. Maraming nagpapakilalang Kristiyano ngayon ang itinatakwil ang Lumang Tipan, sinasabing wala na itong halaga. Ngunit hindi ito ang turo ni Cristo. Napakataas ng pagpapahalaga Niya dito, kaya sinabi Niya, “Kung hindi nila pakikinggan si Moises at ang mga propeta, hindi rin sila mahihikayat kahit ang isang bumangon mula sa mga patay.” (Lucas 16:31, Ang Biblia)
“Sa pagkabigla sa kakulangan ng kanilang pang-unawa, tinanong ni Cristo na may masakit na pagkagulat, ‘Malaon nang panahong ako'y inyong kasama, at hindi mo ako nakikilala, Felipe?’ Posible bang hindi mo makita ang Ama sa mga gawaing ginagawa Niya sa pamamagitan Ko? Hindi ka ba naniniwala na Ako’y naparito upang magpatotoo tungkol sa Ama? ‘paanong sinasabi mo, Ipakita mo sa amin ang Ama?’ ‘Ang nakakakita sa Akin ay nakakakita na sa Ama.’ Hindi naputol ang pagka-Diyos si Cristo nang Siya’y nagkatawang-tao. Kahit na Siya'y nagpakababa bilang tao, ang pagka-Diyos ay nananatili sa Kanya. Si Cristo lamang ang makapagpapakilala sa Ama sa sangkatauhan, at ang pagpapakilalang ito ay kanilang nasaksihan sa loob ng mahigit tatlong taon. DA 663.5
Magsisampalataya kayo sa akin na ako'y nasa Ama, at ang Ama ay nasa akin: o kungdi kaya'y magsisampalataya kayo sa akin dahil sa mga gawa rin. Ang kanilang pananampalataya ay maaaring masandig sa katibayan na ibinigay sa mga gawa ni Cristo, mga gawa na hindi nagawa ng sinuman, sa kanyang sarili, o kailanman magagawa. Ang gawain ni Cristo ay nagpatotoo sa Kanyang kabanalan. Sa pamamagitan Niya ay nahayag ang Ama. DA 664.1
“Kung paniniwalaan ng mga alagad ang mahalagang kaugnayang ito sa pagitan ng Ama at ng Anak, ang kanilang pananampalataya ay hindi manghihina kapag nakita nila ang pagdurusa at kamatayan ni Cristo upang iligtas ang isang napapahamak na mundo. Si Cristo ay naghahangad na akayin sila mula sa kanilang mababang kalagayan ng pananampalataya tungo sa karanasang maaari nilang matanggap kung tunay nilang mapapagtanto kung sino talaga Siya,—ang Diyos sa katawang-tao. Ninanais niyang makita nila na ang kanilang pananampalataya ay dapat tumaas sa Diyos, at doon ay maangkla. Gaano karubdob at tiyaga ang ating mahabaging Tagapagligtas na naghahangad na ihanda ang Kanyang mga alagad para sa unos ng tukso na malapit nang dumating sa kanila. Gusto Niya silang itago kasama Niya sa Diyos.” DA 664.2