“ Sinabi sa kaniya ni Jesus, Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay: sinoman ay di makaparoroon sa Ama, kundi sa pamamagitan ko.” KJV - Juan 14:6
“Sinabi sa kaniya ni Jesus, Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay: sinoman ay di makaparoroon sa Ama, kundi sa pamamagitan ko. Kung ako'y nangakilala ninyo ay mangakikilala ninyo ang aking Ama: buhat ngayon siya'y inyong mangakikilala, at siya'y inyong nakita.” DA 663.2
“Hindi marami ang daan patungo sa langit. Hindi maaaring piliin ng bawat isa ang sarili niyang paraan. Sinabi ni Cristo, ‘Ako ang daan: ... walang makapupunta sa Ama kundi sa pamamagitan Ko.’ Mula noong unang pangangaral ng ebanghelyo, nang sa Eden ay ipinahayag na ang binhi ng babae ang dudurog sa ulo ng ahas, si Cristo ang itinaas bilang ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Siya ang daan noong panahon ni Adan, noong inialay ni Abel sa Diyos ang dugo ng pinatay na kordero, na sumasagisag sa dugo ng Manunubos. Si Cristo ang daan kung paano naligtas ang mga patriyarka at mga propeta. Siya rin ang tanging daan upang tayo'y makalapit sa Diyos." DA 663.3
“Sabi ni Cristo,”Kung ako'y nangakilala ninyo ay mangakikilala ninyo ang aking Ama: buhat ngayon siya'y inyong mangakikilala, at siya'y inyong nakita.’ Sa kabila nito, hindi pa rin naunawaan ng mga alagad. ‘Sinabi sa kaniya ni Felipe, Panginoon, ipakita mo sa amin ang Ama, at sukat na ito sa amin.” DA 663.4
“Sa pagkabigla sa kakulangan ng kanilang pang-unawa, tinanong ni Cristo na may masakit na pagkagulat, ‘Malaon nang panahong ako'y inyong kasama, at hindi mo ako nakikilala, Felipe?’ Posible bang hindi mo makita ang Ama sa mga gawaing ginagawa Niya sa pamamagitan Ko? Hindi ka ba naniniwala na Ako’y naparito upang magpatotoo tungkol sa Ama? ‘paanong sinasabi mo, Ipakita mo sa amin ang Ama?’ ‘Ang nakakakita sa Akin ay nakakakita na sa Ama.’ Hindi naputol ang pagka-Diyos si Cristo nang Siya’y nagkatawang-tao. Kahit na Siya'y nagpakababa bilang tao, ang pagka-Diyos ay nananatili sa Kanya. Si Cristo lamang ang makapagpapakilala sa Ama sa sangkatauhan, at ang pagpapakilalang ito ay kanilang nasaksihan sa loob ng mahigit tatlong taon.” DA 663.5
Bakit naparito si Hesus sa sanlibutang ito? Juan 1:29, Juan 3:16, Juan 6:40, Juan 10:10, Juan 12:27.
“Narito, ang Cordero ng Dios, na nagaalis ng kasalanan ng sanglibutan!” DA 112.4
“Walang sinuman sa mga nakikinig, at maging ang nagsasalita mismo, ang nakaunawa sa kahulugan ng mga salitang ito, “ang Cordero ng Diyos.” Sa Bundok Moria, narinig ni Abraham ang tanong ng kanyang anak, “Ama ko, ... nasaan ang kordero na handog na susunugin?” Sumagot ang ama, “Anak ko, Dios ang maghahanda ng korderong pinakahandog na susunugin.” Genesis 22:7, 8 . At sa lalaking tupa na ibinigay ng Diyos bilang kahalili ni Isaac, nakita ni Abraham ang isang simbolo Niya na mamamatay para sa mga kasalanan ng mga tao. Ang Banal na Espiritu sa pamamagitan ni Isaias, na nagbigay ng ilustrasyon ay nagpropesiya tungkol sa Tagapagligtas, “gaya ng kordero na dinadala sa patayan,” “at ipinasan sa kaniya ng Panginoon ang kasamaan nating lahat” ( Isaias 53:7, 6 ). ; ngunit hindi naunawaan ng bayan ng Israel ang aral. Itinuring ng marami sa kanila ang mga handog na hain gaya ng pagtingin ng mga pagano sa kanilang mga hain,—bilang mga kaloob na sa pamamagitan nito sila mismo ay makapagpapalubag-loob sa Diyos. Nais ng Diyos na ituro sa kanila na mula sa Kanyang sariling pag-ibig ay nagmumula ang kaloob na nakikipagkasundo sa kanila sa Kanyang sarili.” DA 112.5
“Ang mundong ito ay binisita ng Kamahalan ng langit, ang Anak ng Diyos. “Sapagka't gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan, na ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang sinomang sa kaniya'y sumampalataya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” Si Cristo ay dumating sa mundong ito bilang pagpapahayag ng mismong puso at isip at kalikasan at katangian ng Diyos. Siya ang ningning ng kaluwalhatian ng Ama, ang malinaw na larawan ng Kanyang pagkatao. Ngunit isinantabi Niya ang Kanyang maharlikang damit at korona ng hari, at bumaba sa Kanyang mataas na posisyon upang kunin ang kalalagayan ng isang lingkod. Siya ay mayaman, ngunit para sa ating kapakanan, upang tayo ay magkaroon ng walang hanggang kayamanan, Siya ay naging mahirap. Ginawa Niya ang mundo, ngunit lubos na hinungkag ang sarili na sa panahon ng Kanyang ministeryo ay ipinahayag Niya, “May mga lungga ang mga sorra, at ang mga ibon sa langit ay may mga pugad; datapuwa't ang Anak ng tao ay walang kahiligan ang kaniyang ulo.” MM 19.1
“ Siya ay naparito sa mundong ito at tumayo sa gitna ng mga nilalang na Kanyang nilikha bilang isang taong sa kapanglawan at bihasa sa karamdaman. “Nguni't siya'y nasugatan dahil sa ating mga pagsalangsang, siya'y nabugbog dahil sa ating mga kasamaan, ang parusa ng tungkol sa ating kapayapaan ay nasa kaniya; at sa pamamagitan ng kaniyang mga latay ay nagsigaling tayo.” Siya ay tinukso sa lahat ng bagay na gaya natin, ngunit hindi nagkasala.” MM 19.2
“Pagkatapos ay dumating ang banal na pagpapasakop sa kalooban ng Kanyang Ama. “Nguni't dahil dito ay naparito ako sa oras na ito. Ama, luwalhatiin mo ang iyong pangalan.” Sa pamamagitan lamang ng kamatayan ni Cristo mapapabagsak ang kaharian ni Satanas. Sa gayon lamang matutubos ang tao, at maluluwalhati ang Diyos. Pinahintulutan si Jesus sa paghihirap at tinanggap Niya ang sakripisyo. Ang Kamahalan ng langit ay pumayag na magdusa bilang Tagapagbata ng Kasalanan. “Ama, luwalhatiin mo ang Iyong pangalan,” sabi Niya. Habang binibigkas ni Cristo ang mga salitang ito, isang tugon ang nagmula sa ulap na umaaligid sa itaas ng Kanyang ulo: “Niluwalhati ko na, at muli kong luluwalhatiin.” Ang buong buhay ni Cristo, mula sa sabsaban hanggang sa panahong sinabi ang mga salitang ito, ay nakaluwalhati sa Diyos; at sa darating na pagsubok ang Kanyang mga pagdurusa ay talagang makaluluwalhati sa pangalan ng Kanyang Ama.” DA 624.4
Basahin ang Juan 6:61–68. Nang tanungin ni Jesus ang mga alagad kung iiwan nila Siya, ano ang kahulugan ng sagot ni Pedro?
“Sa mga sumusunod, ang Salita ng Diyos ay puno ng buhay. Ito ang salita ng kaligtasan, na natatanggap tungo sa buhay na walang hanggan. Ang mga sumusunod sa mga turo nito ay kumakain ng laman at umiinom ng dugo ng Anak ng Diyos. Sa epekto ng salitang ito sa atin, nakasalalay ang ating kapalaran sa kawalang-hanggan. Taglay nito ang mga elementong kailangan para sa pagbuo ng isang dalisay na katangian. Ang Kristiyano ay itinalaga upang makipagkaisa sa Diyos sa malapit na ugnayan kung saan ang kanyang buhay ay nakabulid sa buhay ni Cristo sa buhay na walang hanggan ng Diyos.” TDG 120.2
“Ang salita ng buhay ay siyang dapat ipamuhay ng Kristiyano. Mula sa salitang ito ay tatanggap tayo ng patuloy na lumalagong kaalaman sa katotohanan. Mula rito ay magkakaroon tayo ng liwanag, kadalisayan, kabutihan, at pananampalataya na kumikilos sa pamamagitan ng pagmamahal at nagpapadalisay sa kaluluwa. Ito ay ibinigay sa atin upang tayo ay matubos at maiharap na walang kapintasan sa harap ng trono ng banal na kaluwalhatian. Kamangha-manghang tagumpay na natamo ni Cristo alang-alang sa tao!— Letter 60, April 21, 1900 ,.” TDG 120.5
Paano tayo tumatanggap ng walang hanggang buhay? Juan 3:15, 16; Juan 5:24; Juan 6:40, 47; Juan 8:31; Juan 12:46; Juan 20:31.
“Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang sumasampalataya ay may buhay na walang hanggan.” Sa pamamagitan ni Juan, na nakinig sa mga salitang ito, ipinahayag ng Espiritu Santo sa mga iglesia, “At ito ang patotoo, na tayo'y binigyan ng Dios ng buhay na walang hanggan, at ang buhay na ito ay nasa kaniyang Anak. Ang kinaroroonan ng Anak ay kinaroroonan ng buhay; ang hindi kinaroroonan ng Anak ng Dios ay hindi kinaroroonan ng buhay.” 1 Juan 5:11, 12 . At sinabi ni Jesus, “At akin siyang ibabangon sa huling araw.” Si Cristo ay naging isang laman sa atin, upang tayo ay maging isang espiritu sa Kanya. Dahil sa pagkakaisa na ito, tayo ay babangon mula sa libingan,—hindi lamang bilang pagpapakita ng kapangyarihan ni Cristo, ngunit dahil, sa pamamagitan ng pananampalataya, ang Kanyang buhay ay sumaatin. Ang mga nakakakita kay Cristo sa Kanyang tunay na pagkatao, at tinatanggap Siya sa puso, ay may buhay na walang hanggan. Ito ay sa pamamagitan ng Espiritu na si Cristo ay nananahan sa atin; at ang Espiritu ng Diyos, na tinanggap sa puso sa pamamagitan ng pananampalataya, ay ang simula ng buhay na walang hanggan.” DA 388.1
Basahin ang Juan 1:12, 13. Ano ang mga hakbang na inilalarawan dito tungkol sa pagiging isang Kristiyano?
“Hindi sa pamamagitan ng mga desisyon ng mga korte o mga konseho o mga kapulungang tagapagbatas, hindi sa pamamagitan ng pagtangkilik ng mga dakilang tao sa mundo, ang kaharian ni Cristo ay itinatag, kundi sa pamamagitan ng pagtatanim ng kalikasan ni Cristo sa sangkatauhan sa pamamagitan ng gawain ng Banal na Espiritu. “Datapuwa't ang lahat ng sa kaniya'y nagsitanggap, ay pinagkalooban niya sila ng karapatang maging mga anak ng Dios, sa makatuwid baga'y ang mga nagsisisampalataya sa kaniyang pangalan: Na mga ipinanganak na hindi sa dugo, ni sa kalooban ng laman, ni sa kalooban ng tao, kundi ng Dios.” Juan 1:12, 13 . Narito ang tanging kapangyarihan na makapagtataas sa sangkatauhan. At ang gawa ng tao para sa pagsasakatuparan ng gawaing ito ay ang pagtuturo at pagsasabuhay ng salita ng Diyos.” DA 509.4
“Ngayon, tulad noong panahon ni Cristo, ang gawain ng kaharian ng Diyos ay hindi nakasalalay sa mga naghahangad ng pagkilala at suporta na mga makalupang pinuno at mga batas ng tao, kundi sa mga taong nagpapahayag ng mga espiritwal na katotohanan sa bayan sa pamamgitan ng Kanyang pangalan na magdudulot sa mga tumatanggap dito ng karanasan ni Pablo: “Ako'y napako sa krus na kasama ni Cristo; at hindi na ako ang nabubuhay, kundi si Cristo ang nabubuhay sa akin.” Galacia 2:20 Pagkatapos ay gagawa sila gaya ni Pablo para sa kapakinabangan ng mga tao. Sinabi niya, “Kami nga'y mga sugo sa pangalan ni Cristo, na waring namamanhik ang Dios sa pamamagitan namin: kayo'y pinamamanhikan namin sa pangalan ni Cristo, na kayo'y makipagkasundo sa Dios.” 2 Corinto 5:20 .” DA 510.2
Basahin ang Roma 8:16. Anong prinsipyo tungkol sa kaligtasan kay Hesus ang matatagpuan Dito?
“Sinabi pa ni Pablo: “Sapagka't ang lahat ng mga pinapatnubayan ng Espiritu ng Dios, ay sila ang mga anak ng Dios. Sapagka't hindi ninyo muling tinanggap ang espiritu ng pagkaalipin sa ikatatakot; datapuwa't tinanggap ninyo ang espiritu ng pagkukupkop, na dahil dito'y sumisigaw tayo, Abba, Ama.” Mga Talata 14, 15 . Ang isa sa mga aral na dapat nating matutuhan sa paaralan ni Cristo ay ang tungkol sa pagmamahal ng Panginoon sa atin na higit na dakila kaysa sa ating mga magulang sa lupa. Dapat tayong magkaroon ng hindi nag-aalinlangang pananampalataya at perpektong pagtitiwala sa Kanya. “Ang Espiritu rin ang nagpapatotoo kasama ng ating espiritu, na tayo'y mga anak ng Dios: At kung mga anak, ay mga tagapagmana nga; mga tagapagmana sa Dios, at mga kasamang tagapagmana ni Cristo; kung gayon nga makipagtiis tayo sa kaniya, upang tayo'y lumuwalhati namang kasama niya.” Mga Talata 16, 17 .” 8T 126.1
Basahin ang Bilang 13:23–33. Ano ang naging pagkakaiba sa pagitan ng dalawang ulat na ibinalik ng mga espiya tungkol sa Canaan?
“Ang mga tao ay desperado sa kanilang pagkabigo at kawalan ng pag-asa. Isang panaghoy ng paghihirap ang bumangon at nahalo sa nalilitong bulung-bulungan ng mga tinig. Naunawaan ni Caleb ang sitwasyon, at, matapang na tumayo sa pagtatanggol sa salita ng Diyos, ginawa niya ang lahat sa kanyang kapangyarihan upang labanan ang masamang impluwensya ng kanyang di-tapat na mga kasama. Sa isang iglap ang mga tao ay natahimik upang makinig sa kanyang mga salita ng pag-asa at katapangan tungkol sa magandang lupain. Hindi niya sinalungat ang nasabi na; ang mga pader ay matataas at ang mga Cananeo ay malakas. Ngunit ipinangako ng Diyos ang lupain sa Israel. “Ating akyating paminsan, at ating ariin; sapagka't kaya nating lupigin.” PP 388.3
“Ngunit ang sampu, ay humahadlang sa kanya, at naglarawan sa mga hadlang sa mas negatibong paraan kaysa sa una. “Hindi tayo makaaakyat laban sa bayan; sapagka't sila'y malakas kay sa atin..... Ang lahat ng mga tao na nakita namin doon ay mga lalaking may malaking kataasan. At doo'y aming nakita ang mga Nefilim, ang mga anak ni Anac, na mula sa mga Nefilim: at kami sa aming sariling paningin ay naging parang mga balang, at gayon din kami sa kanilang paningin... PP 388.4
“Ang mga lalaking ito, na pumasok sa isang maling landas, ay nagmatigas sa kanilang sarili laban kina Caleb at Josue, laban kay Moises, at laban sa Diyos. Bawat paunang hakbang ay naging mas determinado sila. Desidido silang pigilan ang lahat ng pagsisikap na makamtan ang Canaan. Binabaluktot nila ang katotohanan upang mapanatili ang kanilang masamang impluwensya. Ito ay “isang lupain na kinakain ang mga tumatahan doon,” ang sabi nila. Ito ay hindi lamang isang masamang ulat, ngunit isa rin itong kasinungalingan. Ito ay hindi naaayon sa sarili nito. Idineklara ng mga espiya na ang bansa ay mabunga at maunlad, at ang mga tao na may higanteng tangkad, na lahat ay magiging imposible kung ang klima ay napakasama sa kalusugan na ang lupain ay masasabing “kinakain ang mga tumatahan doon.” Ngunit kapag ang puso ng mga tao ay nagpadala sa kawalan ng pananampalataya, inilalagay nila ang kanilang mga sarili sa ilalim ng kontrol ni Satanas, at walang makapagsasabi kung hanggang saan niya sila maaakay.” PP 389.1
Bakit hahatulan ang mga tao? Juan 3:18, 36; Juan 5:24, 38; Juan 8:24; Juan 12:47.
“At sa harap ng Sanedrin ay ipinahayag ni Jesus, “Ang dumirinig ng aking salita, at sumasampalataya sa kaniya na nagsugo sa akin, ay may buhay na walang hanggan, at hindi mapapasok sa paghatol, kundi lumipat na sa kabuhayan mula sa kamatayan..” Juan 5:24 , RV DA 210.4
“Sa pag-uutos sa Kanyang mga tagapakinig na huwag magtaka, binuksan ni Cristo sa harap nila, sa mas malawak na pananaw, ang misteryo ng hinaharap. “sapagka't dumarating ang oras, na ang lahat ng nangasa libingan ay makaririnig ng kaniyang tinig, At magsisilabas; ang mga nagsigawa ng mabuti, ay sa pagkabuhay na maguli sa buhay; at ang mga nagsigawa ng masama, ay sa pagkabuhay na maguli sa paghatol.” Juan 5:28, 29 , RV DA 211.1
“Ang katiyakang ito ng hinaharap na buhay ay yaong matagal nang hinihintay ng Israel, at inaasahan nilang matatanggap sa pagdating ng Mesiyas. Ang tanging liwanag na makapagpapagaan sa dilim ng libingan ay sumisikat sa kanila. Ngunit bulag ang sariling kalooban. Nilabag ni Jesus ang mga tradisyon ng mga rabbi, at binalewala ang kanilang awtoridad, at hindi sila naniwala.” DA 211.2
Basahin ang Mateo 4:1–4. Anong mga prinsipyo ang ginamit ni Jesus sa panunukso sa ilang upang labanan ang mga panlilinlang ni Satanas?
“Hindi sa tinapay lamang mabubuhay ang tao, kundi sa bawa't salitang lumalabas sa bibig ng Dios.” Kadalasan ang tagasunod ni Cristo ay dinadala sa posisyon kung saan hindi niya maaaring paglingkuran ang Diyos at ipagpatuloy ang kanyang makalupang gawain. Marahil ay lumilitaw na ang pagsunod sa ilang simpleng alintuntunin ng Diyos ay puputol sa kanyang ilang kabuhayan. Papaniwalain siya ni Satanas na dapat niyang isakripisyo ang kanyang tapat na paniniwala. Ngunit ang tanging bagay sa sanlibutan na ating maaasahan ay ang salita ng Diyos. “Datapuwa't hanapin muna ninyo ang kaniyang kaharian, at ang kaniyang katuwiran; at ang lahat ng mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo.” Mateo 6:33 . Maging sa buhay na ito, hindi makabubuti sa atin ang lumihis sa kalooban ng ating Ama sa langit. Kapag naunawaan na natin ang kapangyarihan ng Kanyang salita, huwag nga nating sundin ang mga mungkahi ni Satanas upang makakuha ng pagkain o mailigtas ang ating buhay. Ang tanging tanong natin ay, Ano ang utos ng Diyos? at ano ang Kanyang pangako? Dahil alam natin ang mga ito, ito ay ating susundin, at magtitiwala sa Kanya.” DA 121.2
“Bagaman si Cristo ay nagdusa ng matinding gutom, napanagumpayan Niya ang tukso. Tinanggihan Niya si Satanas sa pamamagitan ng parehong banal na kasulatan na ibinigay Niya kay Moises upang ulitin sa mapanghimagsik na Israel nang ang kanilang pagkain ay pinaghigpitan at sila ay sumigaw at nagnais ng mga karneng makakain sa ilang, “Hindi sa tinapay lamang mabubuhay ang tao, kundi sa bawa't salitang lumalabas sa bibig ng Dios.” Sa pagpapahayag na ito, at gayundin sa Kanyang halimbawa, ipinakita ni Cristo sa tao na ang pagkagutom sa temporal na pagkain ay hindi ang pinakamalaking kapahamakan na maaaring mangyari sa kanya. Inakit ni Satanas ang ating unang mga magulang na ang pagkain ng bunga na ipinagbabawal sa kanila ng Diyos ay magdudulot sa kanila ng malaking kabutihan, at magtitiyak sa kanila laban sa kamatayan, ang mismong kabaligtaran ng katotohanang ipinahayag sa kanila ng Diyos. “Datapuwa't sa kahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain; sapagka't sa araw na ikaw ay kumain niyaon ay walang pagsalang mamamatay ka.” Kung naging masunurin si Adan, hindi niya makikilala ang kakulangan, kalungkutan, o kamatayan.” Con 43.1
“Sa lahat ng mga aral na matututuhan mula sa unang dakilang tukso ng ating Panginoon ay walang mas mahalaga kaysa sa pagpigil sa mga gana at hilig. Sa lahat ng kapanahunan, ang mga tuksong nakakaakit sa pisikal na kalikasan ay naging pinaka-epektibo sa pagpapasama at pagpapababa sa sangkatauhan. Sa pamamagitan ng kawalan ng pagpipigil, si Satanas ay kumikilos upang sirain ang mga kapangyarihang pangkaisipan at moral na ibinigay ng Diyos sa tao bilang isang hindi mabibiling kaloob. Kaya nagiging imposible para sa mga tao na pahalagahan ang mga bagay na may walang hanggang halaga. Sa pamamagitan ng senswal na indulhensiya, sinisikap ni Satanas na pawiin sa kaluluwa ang bawat bakas ng pagkawangis sa Diyos.” DA 122.1