Mapalad ang mga Sumasampalataya

Liksyon 7, Ikaapat na Trimestre Nobyembre 9-15, 2024

img rest_in_christ
Ibahagi ang Liksyong ito
Download PDF

Hapon ng Sabbath Nobyembre 9

Talatang Sauluhin:

“Sinabi sa kaniya ni Jesus, Sapagka't ako'y nakita mo ay sumampalataya ka: mapapalad yaong hindi nangakakita, at gayon ma'y nagsisampalataya..” KJV - Juan 20:29


“At sumagot ang senturion at sinabi, Panginoon, hindi ako karapat-dapat na ikaw ay pumasok sa ilalim ng aking bubungan; datapuwa't sabihin mo lamang ang salita, at gagaling ang aking alila..” Malakas ang kanyang pananampalataya sa kapangyarihan ni Cristo kaya’t nagsumamo siya na salitain lamang Niya ang salita at ito ay magaganap. At nang marinig ito ni Jesus, ay nagtaka siya, at sinabi sa nagsisisunod, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, na kahit sa Israel man, ay hindi ako nakasumpong ng ganito kalaking pananampalataya. At sinabi ko sa inyo, na marami ang magsisipanggaling sa silanganan at sa kalunuran, at magsisiupong kasama ni Abraham, at ni Isaac, at ni Jacob, sa kaharian ng langit: Datapuwa't ang mga anak ng kaharian ay pawang itatapon sa kadiliman sa labas: diyan na nga ang pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin. At sinabi ni Jesus sa senturion, Humayo ka ng iyong lakad; at ayon sa iyong pagsampalataya, ay gayon ang sa iyo'y mangyari. At gumaling ang kaniyang alila sa oras ding yaon.” 4T 233.1

“Dito itinaas ni Jesus ang pananampalataya at isiniwalat ang kaibahan nito sa pagaalinlangan. Ipinahayag Niya na ang mga anak ni Israel ay matitisod dahil sa kanilang kawalan ng pananampalataya, na hahantong sa pagtanggi sa dakilang mga liwanag at magreresulta sa kanilang paghatol at pagkatakwil. Ipinahayag ni Tomas na hindi siya maniniwala maliban kung ipasok niya ang kanyang daliri sa mga bakas ng mga pako at ipasok ang kanyang kamay sa tagiliran ng kanyang Panginoon. Ibinigay sa kanya ni Cristo ang katibayan na kanyang ninanais at pagkatapos ay sinaway ang kanyang kawalan ng pananampalataya: “Sapagka't ako'y nakita mo ay sumampalataya ka: mapapalad yaong hindi nangakakita, at gayon ma'y nagsisampalataya.” 4T 233.2

“Sa panahong ito ng kadiliman at kamalian, ang mga taong nag-aangking mga tagasunod ni Cristo ay tila iniisip na sila ay may kalayaang tumanggap o tanggihan ang mga tagapaglingkod ng Panginoon kung kanilang naisin at iniisip na wala silang sagutin sa paggawa nito. Ang kawalan ng pananampalataya at pagkabalot sa kadiliman ang sanhi nito. Ang kanilang mga sensibilidad ay napahina ng kanilang kawalan ng paniniwala. Nilalabag nila ang kanilang mga budhi at nagiging hindi tapat sa kanilang sariling mga paniniwala at pinapahina ang kanilang sarili sa kapangyarihang moral. Ganito rin ang nagiging tingin nila sa iba.” 4T 233.3

Linggo, Nobyembre 10

Pagbabalik Tanaw Kay Abraham


Bakit napakahalaga ng patotoo ni Abraham anupa’t isinama ito sa ebanghelyo ni Juan? (Gen. 12:3, Gen. 18:16–18, Gen. 26:4, Mat. 1:1, Acts 3:25.)

“Nagpatuloy si Jesus sa pagsisiwalat sa malaking pagkakaiba sa pagitan ng posisyon ng mga Judio at ni Abraham: “Nagalak ang inyong amang si Abraham na makita ang aking araw; at nakita niya, at natuwa.” DA 468.3

“Lubos na ninais ni Abraham na makita ang ipinangakong Tagapagligtas. Nag-alay siya ng pinakamataimtim na panalangin na bago ang kanyang kamatayan ay makita niya ang Mesiyas. At nakita niya si Cristo. Isang supernatural na liwanag ang ibinigay sa kanya, at kinilala niya ang banal na katangian ni Cristo. Nakita Niya ang Kanyang araw, at natuwa. Binigyan siya ng pananaw sa banal na sakripisyo para sa kasalanan. Sa sakripisyong ito ay nagkaroon siya ng isang paglalarawan sa kanyang sariling karanasan. Dumating sa kanya ang utos, “Kunin mo ngayon ang iyong anak, ang iyong bugtong na anak na si Isaac, na iyong minamahal, ... at ihain mo siya roong handog na susunugin.” Genesis 22:2 . Sa ibabaw ng dambana ng paghahain ay inilagay niya ang anak ng pangako, ang anak kung saan nakasentro ang kanyang pag-asa. At habang naghihintay siya sa tabi ng altar na may patalim na nakataas upang sumunod sa Diyos, narinig niya ang isang tinig mula sa langit na nagsasabi, “Huwag mong buhatin ang iyong kamay sa bata, o gawan man siya ng anoman: sapagka't talastas ko ngayon, na ikaw ay natatakot sa Dios, sa paraang hindi mo itinanggi sa akin ang iyong anak, ang iyong bugtong na anak.” Genesis 22:12 . Ang kakila-kilabot na pagsubok na ito ay ipinaranas kay Abraham upang makita niya ang araw ni Cristo, at matanto ang dakilang pag-ibig ng Diyos para sa sanlibutan, na napakadakila upang maibangon ito mula sa pagkasira nito, na ibinigay Niya ang Kanyang bugtong na Anak sa isang kahiya-hiyang kamatayan. DA 468.4

“Natutunan ni Abraham sa Diyos ang pinakadakilang aral na ibinigay sa mortal. Ang kanyang panalangin na makita niya si Cristo bago siya mamatay ay nasagot. Nakita niya si Cristo; nakita niya ang lahat upang makita ng mga mortal, at mabuhay. Sa pamamagitan ng buong pagsuko, naunawaan niya ang pangitain ni Cristo, na ibinigay sa kanya. Ipinakita sa kanya na sa pagbibigay ng Kanyang bugtong na Anak upang iligtas ang mga makasalanan mula sa walang hanggang kapahamakan, ang Diyos ay gumagawa ng isang mas dakila at higit na kahanga-hangang sakripisyo kaysa sa magagawa ng tao.” DA 469.1

“Sa pamamagitan ng sarili niyang pagdurusa, nakita ni Abraham ang misyon ng sakripisyo ng Tagapagligtas. Ngunit hindi mauunawaan ng Israel ang isang bagay na hindi ayon at kanais-nais sa kanilang mapagmataas na puso. Ang mga salita ni Cristo tungkol kay Abraham ay hindi nagbigay ng malalim na kahulugan sa Kanyang mga tagapakinig. Ang tanging nakita ng mga Pariseo ay bagong batayan upang tutulan Siya. Sila ay gumanti ng isang panunuya, na para bang patutunayan nila na si Jesus ay isang baliw, “Wala ka pang limangpung taon, at nakita mo si Abraham?” DA 469.3

“Sinabi sa kanila ni Jesus, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Bago ipinanganak si Abraham, ay AKO NGA.” DA 469.4

Lunes , Nobyembre 11

Ang Pagsaksi ni Maria


Ano ang kahalagahan ng mga aksyon ni Maria dito? Paanong ito ay isang pagsaksi sa kung sino talaga si Jesus? (Tingnan sa Juan 12:1–3.)

“Si Maria nga'y kumuha ng isang libra ng unguentong taganas na nardo, na totoong mahalaga, at pinahiran ang mga paa ni Jesus, at kinuskos ang kaniyang mga paa ng kaniyang mga buhok: at ang bahay ay napuno ng amoy ng unguento.” Matagal nang iningatan ni Maria ang pamahid na ito; ngunit walang nasumpungang angkop na pagkakataon na gamitin ito. Ngunit pinatawad na ni Jesus ang kanyang mga kasalanan, at napuno siya ng pagmamahal at pasasalamat sa kanya. Ang kapayapaan ng Diyos ay nasa kanya, ang kanyang puso ay puno ng kagalakan; at lubos niyang ninanais na gumawa ng isang bagay para sa kanyang Tagapagligtas. Napagpasyahan niyang pahiran Siya ng kanyang pamahid. Naisip niyang gamitin ang iniingatang pamahid, upang gamitin ayon sa gusto niya, upang magkaroon ito ng kabuluhan. Ngunit kung hindi ito kay Cristo, ay hindi rin mapapasakanya. RH Agosto 7, 1900, par. 2

Sa pagsisikap na maiwasang mapansin siya, pinahiran ni Maria ang ulo at mga paa ni Cristo ng mahalagang pamahid, at pinunasan ang kanyang mga paa ng kanyang mahabang buhok. Ngunit nang mabuksan ang kahon, napuno ng amoy ng unguento ang silid, at nahayag sa lahat ng naroon ang kanyang ginawa. “Datapuwa't si Judas Iscariote, na isa sa kaniyang mga alagad, na sa kaniya'y magkakanulo, ay nagsabi,

Bakit hindi ipinagbili ang unguentong ito ng tatlong daang denario, at ibigay sa mga dukha? Hindi nagustuhan ni Judas ang ipinamalas na iyon ni Maria. Sa halip na hintayin kung ano ang sasabihin ni Cristo tungkol sa bagay na ito, nagpasimula siyang magbulung-bulong ng kanyang mga reklamo sa mga nakapaligid sa kanya, na tila panunuya kay Cristo dahil sa pagdurusa ng gayong pag-aaksaya. “Bakit hindi ipinagbili ang unguentong ito,” at ibigay sa mga dukha? sabi niya. Sa pagiging tuso niya, nagawa niyang magmungkahi ng bagay na maaaring magbangon ng kawalang-kasiyahan sa isipan ng mga naroroon, na makapaguudyok sa iba na bumulung-bulong din…” RH Agosto 7, 1900, par. 3

“Narinig ni Maria ang mga salita ng pamumuna, at naramdaman ang pagtuon ng mga tingin sa kanya. Nanginig ang kanyang puso. Natatakot siya na baka mapagalitan siya ng kanyang kapatid na babae dahil sa pagmamalabis. At baka gayundin ang maging turing sa kanya ng Kanyang Guro. Nang walang paghingi ng tawad o pagdadahilan, siya ay nanliit, ngunit ang tinig ng kanyang Panginoon ay kanyang narinig: “Pabayaan ninyo siya; bakit ninyo siya binabagabag?” Nakita niyang napahiya siya at nababalisa. Alam Niyang isang paglilingkod ang kanyang isinagawa, na nagpapahayag ng kanyang pasasalamat sa kapatawaran ng kanyang mga kasalanan; at Siya ay nagbigay kaginhawahan sa kanyang isipan. Pumailanlang ang kanyang tinig sa ibabaw ng bulung-bulungan ng pamumuna, sinabi niya, “Mabuting gawa ang ginawa niya sa akin. Sapagka't laging nasa inyo ang mga dukha, at kung kailan man ibigin ninyo ay mangyayaring magawan ninyo sila ng magaling: datapuwa't ako'y hindi laging nasa inyo.” RH Agosto 7, 1900, par. 6

“Ginawa niya ang kaniyang nakaya; nagpauna na siya na pahiran ang katawan ko sa paglilibing sa akin. Alam ni Jesus na kapag si Maria at ang mga kasama niya ay pumunta sa libingan upang pahiran siya, hindi sila makakatagpo ng isang patay na Tagapagligtas, na ang katawan ay nangangailangan ng kanilang mapagmahal na paglilingkod, ngunit isang buhay na Cristo. RH Agosto 7, 1900, par. 7

“Hindi makasagot si Maria sa mga nag-aakusa sa kanya. Hindi niya maipaliwanag kung bakit pinahiran niya si Cristo sa pagkakataong ito. Ngunit ang Banal na Espiritu ay nagplano para sa kanya. Ang inspirasyon ang nagudyok sa kanya at walang ibang dahilan. Isang hindi nakikitang presensya, ito ay nagsasalita sa isip at kaluluwa, at nagtutulak sa mga kamay upang kumilos. Kaya’t maraming mga gawa ang ginagawa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu.” RH Agosto 7, 1900, par. 8

Martes, Nobyembre 12

Ang Hindi Namamalayang Pagsaksi ni Pilato


Paanong ang hatol ni Pilato ay naka-ugnay sa tema ng Ebanghelyo ni Juan? Juan 18:38, Juan 19:4–22.

“Si Pilato ay napuno ng pagkamangha sa natunghayang pagtitiis ng Tagapagligtas. Hindi siya nag-alinlangan na ang Taong ito, na may malaking kaibahan kay Barabas, ay magpapakilos sa mga Hudyo tungo sa simpatya sa Kanya. Ngunit hindi niya naunawaan ang panatikong pagkamuhi ng mga saserdote sa Kanya, na, bilang Liwanag ng mundo, ay nagsiwalat sa kanilang kadiliman at kamalian. Inudyukan nila ang mga mandurumog sa galit, at muli ang mga saserdote, pinuno, at mga tao ay sumigaw ng kahindik-hindik na sigaw na iyon, “Ipako Siya sa Krus, ipako Siya sa krus.” Sa wakas, sa kawalan ng buong pasensya sa kanilang walang katwiran na kalupitan, si Pilato ay sumigaw nang walang pag-asa, “Kunin ninyo siya, at ipako ninyo siya sa krus: sapagka't ako'y walang masumpungang kasalanan sa kaniya.” DA 736.1

“Ang Romanong gobernador, bagama't pamilyar sa malupit na mga eksena, ay naantig sa pakikiramay sa nagdurusa na bilanggo, na, hinatulan at hinagupit, na may dumudugong noo at may sugat sa likod, na sa kabila nito ay tila isa pa ring hari sa kanyang trono. Ngunit ipinahayag ng mga saserdote, “Kami'y mayroong isang kautusan, at ayon sa kautusang yaon ay nararapat siyang mamatay, sapagka't siya'y nagpapanggap na Anak ng Dios.” DA 736.2

“Nagulat si Pilato. Wala siyang tamang ideya tungkol kay Cristo at sa Kanyang misyon; ngunit mayroon siyang hindi malinaw na paniniwala sa Diyos at sa mga nilalang na nakahihigit sa sangkatauhan. Isang kaisipang minsang dumaan sa kanyang isipan na ngayon ay naging mas tiyak. Nagtatalo sa kanyang sarili kung maaaring hindi isang banal na nilalang ang nakatayo sa kanyang harapan, na nakasuot ng kulay-ube na balabal ng panunuya, at pinutungan ng mga tinik. DA 736.3

“At siya'y muling pumasok sa Pretorio, at sinabi kay Jesus, Taga saan ka? Nguni't hindi siya sinagot ni Jesus. Ang Tagapagligtas ay malayang nakipag-usap kay Pilato, na ipinaliwanag ang Kanyang sariling misyon bilang saksi sa katotohanan. Ngunit binalewala ni Pilato ang liwanag. Inabuso niya ang mataas na katungkulan ng hukom sa pamamagitan ng pagbibigay ng kanyang mga alituntunin at awtoridad sa mga kahilingan ng mandurumog. Wala nang karagdagang liwanag si Jesus para sa kanya. Galit sa Kanyang pananahimik, si Pilato ay may pagmamalaki na nagsabi: DA 736.4

“Sa akin ay hindi ka nagsasalita? Hindi mo baga nalalaman na ako'y may kapangyarihang sa iyo'y magpawala, at may kapangyarihang sa iyo'y magpako sa krus? Sumagot si Jesus sa kaniya, Anomang kapangyarihan ay hindi ka magkakaroon laban sa akin malibang ito'y ibinigay sa iyo mula sa itaas: kaya't ang nagdala sa iyo sa akin ay may lalong malaking kasalanan.” DA 736.6

“Kaya ang mahabaging Tagapagligtas, sa gitna ng Kanyang matinding pagdurusa at kalungkutan, ay pinatawad hangga't maaari ang gawa ng Romanong gobernador na nagbigay sa Kanya upang ipako sa krus. Napakagandang tagpo ito para sa buong mundo! Anong laking liwanag ang ibinibigay nito sa katangian Niya na siyang Hukom ng buong lupa! DA 736.7

“'Siya na nagbigay sa Akin sa iyo," sabi ni Jesus, "ay may mas malaking kasalanan." Ang ibig sabihin ni Cristo ay si Caifas, na, bilang mataas na saserdote, ay kumakatawan sa bansang Judio. Alam nila ang mga prinsipyong kumokontrol sa mga awtoridad ng Roma. Mayroon silang liwanag sa mga propesiya na nagpatotoo tungkol kay Cristo, at sa Kanyang sariling mga turo at mga himala. Ang mga Hudyong hukom ay nakatanggap ng mga ganap na katibayan ng pagka-Diyos Niya na kanilang hinatulan ng kamatayan. At ayon sa kanilang liwanag ay hahatulan sila.” DA 737.1

Miyerkules , Nobyembre 13

Ang Pagsaksi ni Tomas


Basahin ang Juan 20:19–31. Ano ang matututuhan natin mula sa kuwento ni Tomas tungkol sa pananampalataya at pag-aalinlangan? Anong malaking pagkakamali ang ginawa ni Thomas?

“Sa panahong ito ay paulit-ulit niyang ipinahayag, “Malibang aking makita sa kaniyang mga kamay ang butas ng mga pako, at maisuot ko ang aking daliri sa butas ng mga pako, at maisuot ko ang aking kamay sa kaniyang tagiliran, ay hindi ako sasampalataya.” Hindi siya maniniwala sa pamamagitan ng mga mata ng kanyang mga kapatid, o mananampalataya na nakadepende sa kanilang patotoo. Masigasig niyang minahal ang kanyang Panginoon, ngunit pinahintulutan niya ang paninibugho at kawalan ng pananampalataya na bumalot sa kanyang isip at puso.” DA 807.1



“Tinanggap ni Jesus ang kanyang pagkilala, ngunit malumanay na sinaway ang kanyang kawalan ng pananampalataya: “Sinabi sa kaniya ni Jesus, Sapagka't ako'y nakita mo ay sumampalataya ka: mapapalad yaong hindi nangakakita, at gayon ma'y nagsisampalataya.” Ang pananampalataya ni Tomas ay higit na makalulugod kay Cristo kung naging handa siyang maniwala sa patotoo ng kanyang mga kapatiran. Kung susundin ng sanlibutan ang halimbawa ni Tomas, walang sinuman ang maniniwala sa kaligtasan; sapagkat ang lahat ng tumatanggap kay Cristo ay kailangang gawin ito sa pamamagitan ng patotoo ng iba. DA 807.4

“Marami sa mga nadadala ng pagdududa ang nagdadahilan sa kanilang sarili sa pagsasabing kung mayroon silang katibayan na mayroon si Thomas mula sa kanyang mga kasama ay maniniwala sila. Hindi nila napapagtanto na hindi lamang ang ebidensyang iyon ang mayroon sila, ngunit higit pa. Marami, na tulad ni Thomas, sa kanilang paghihintay na maalis muna ang lahat ng pagdududa, ay hindi kailanman makakamit ang kanilang pagnanais. Unti-unti silang mababalot ng kawalan ng pananampalataya. Yaong mga nagtuturo sa kanilang sarili na tumingin sa madilim na bahagi, at bumubulong-bulong at nagrereklamo, ay hindi nakakaalam sa kanilang ginagawa. Naghahasik sila ng mga binhi ng pagdududa, at magkakaroon din sila ng ani ng pagdududa na aanihin. Sa panahon na ang pananampalataya at pagtitiwala ay pinakamahalaga, marami sa gayon ang masusumpungan ang kanilang sarili na walang kakayahang umasa at maniwala. DA 807.5

“Sa Kanyang pakikitungo kay Tomas, nagbigay si Jesus ng aral para sa Kanyang mga tagasunod. Ipinakikita ng kaniyang halimbawa kung paano natin dapat pakitunguhan ang mga mahihina ang pananampalataya, at ang mga nag-aalinlangan. Hindi pinalampas ni Jesus kay Tomas ang panunuya, ni hindi Siya nakipagtalo sa kanya. Inihayag Niya ang Kanyang sarili sa nag-aalinlangan. Si Tomas ay naging hindi makatwiran sa pagdidikta ng mga kondisyon ng kanyang pananampalataya, ngunit si Jesus, sa pamamagitan ng Kanyang mapagbigay na pagmamahal at pagsasaalang-alang, ay iwinaksi ang lahat ng mga hadlang. Ang kawalan ng pananampalataya ay madalang na madaig ng kontrobersya. Sa halip ay nagkakaroon ng pagtatanggol sa sarili, at nakahahanap ng bagong suporta at mga pagdadahilan. Ngunit hayaang si Jesus, sa Kanyang pag-ibig at awa, ay mahayag bilang ang ipinako sa krus na Tagapagligtas, at hayaang ang maraming mga labi na minsang hindi kumilala sa Kanya ang magpahayag ng gaya ng kay Tomas, “Aking Panginoon at aking Diyos.” DA 808.1

Huwebes , Nobyembre 14

Ang Ating Pagsaksi Kay Hesus


Ano ang ilan sa mga bagay na mayroon tayo ngayon na wala ang mga nabubuhay sa panahon ni Jesus na makakatulong sa atin na manampalataya? (Tingnan, halimbawa, ang Mat. 24:2, Mat. 24:14, Mat. 24:6–8.)

“Ang lalaking ito ng pananampalataya ay nakatunghay sa hagdan ng pangitain ni Jacob, na kumakatawan kay Cristo, na nag-ugnay sa lupa sa langit, at sa may hangganang tao sa walang hanggang Diyos. Lumalakas ang kanyang pananampalataya habang inaalala niya kung paano umasa ang mga patriyarka at propeta sa Isa na kanyang suporta at kaaliwan, at kung kanino siya nagbibigay ng kanyang buhay. Mula sa mga banal na ito na mula siglo hanggang siglo ay nagpatotoo para sa kanilang pananampalataya, narinig niya ang katiyakan na ang Diyos ay totoo. Ang kanyang mga kapwa alagad, na, upang ipangaral ang ebanghelyo ni Cristo, ay humayo upang salubungin ang pagkapanatiko sa relihiyon at paganong pamahiin, pag-uusig, at paghamak, na hindi itinuring na mahal ang kanilang buhay sa kanilang sarili upang madala nila ang liwanag ng krus sa gitna ng madilim na kalituhan ng kawalang pananampalataya—ang mga ito ay narinig niyang nagpapatotoo kay Jesus bilang Anak ng Diyos, ang Tagapagligtas ng sanlibutan. Mula sa parusa, sa tulos, sa piitan, mula sa mga yungib at kuweba ng lupa, naririnig niya ang sigaw ng tagumpay ng mga martir. Naririnig niya ang patotoo ng matatag na mga kaluluwa, na, bagama't naghihirap at pinahihirapan, gayunpaman ay walang takot, na may taimtim na patotoo para sa pananampalataya, na nagsasabing, “Kilala ko ang aking pinaniniwalaan.” Ang mga ito, na ibinibigay ang kanilang mga buhay para sa pananampalataya, ay nagpapahayag sa mundo na Siya na kanilang pinagkakatiwalaan ay makapagliligtas hanggang sa sukdulan. AA 512.1

“Natubos sa pamamagitan ng sakripisyo ni Cristo, nahugasan mula sa kasalanan sa Kanyang dugo, at nabihisan ng Kanyang katuwiran, si Pablo ay may patotoo sa kanyang sarili na ang kanyang kaluluwa ay mahalaga sa paningin ng kanyang Manunubos. Ang kanyang buhay ay nakatago kasama ni Cristo sa Diyos, at siya ay kumbinsido na Siya na nagtagumpay sa kamatayan ay kayang panatilihin ang ipinagkatiwala sa Kanyang pagtitiwala. Nauunawaan ng kanyang isipan ang pangako ng Tagapagligtas, “At akin siyang ibabangon sa huling araw..” Juan 6:40 . Ang kanyang mga isipan at pag-asa ay nakasentro sa ikalawang pagparito ng kanyang Panginoon. At habang ang espada ng berdugo ay bumababa at ang mga anino ng kamatayan ay nagtitipon sa paligid ng martir, ang kanyang pinakahuling pag-iisip ay sumisibol, tulad ng kanyang pinakauna sa dakilang paggising, upang matugunan ang Tagapagbigay-Buhay, na sasalubungin siya sa kagalakan ng pagpapala. . AA 512.2

“Maraming siglo na ang lumipas mula nang ibuhos ni Pablo ang kanyang dugo bilang saksi para sa salita ng Diyos at sa patotoo ni Jesucristo. Walang tapat na kamay ang nagtala para sa mga susunod na henerasyon ng mga huling eksena sa buhay ng banal na taong ito, ngunit iningatan ng Inspirasyon para sa atin ang kanyang patotoo sa kamatayan. Tulad ng tunog ng trumpeta ang kanyang tinig ay umalingawngaw sa lahat ng mga panahon mula noon, na gumising sa katapangan ng libu-libong saksi para kay Cristo at nanggising sa libu-libong pusong nalulumbay ang alingawngaw ng kanyang sariling tagumpay na kagalakan: “Sapagka't ako'y iniaalay na, at ang panahon ng aking pagpanaw ay dumating na. Nakipagbaka ako ng mabuting pakikipagbaka, natapos ko na ang aking takbo, iningatan ko ang pananampalataya: Buhat ngayon ay natataan sa akin ang putong na katuwiran, na ibibigay sa akin ng Panginoon na tapat na hukom sa araw na yaon; at hindi lamang sa akin, kundi sa lahat din naman ng mga naghahangad sa kaniyang pagpapakita.” 2 Timoteo 4:6-8 . AA 513.1

Biyernes, Nobyembre 15

Karagdagang Kaisipan

Bagaman ang mga tao ay nagpapatayan ng milyun-milyon upang palayain ang kanilang sarili mula sa pamatok ng ibang bansa, pinalaya ni Moises ang sinaunang Israel nang walang nasawi. Dapat nating malaman ngayon na ang pananampalataya ay makakapaglipat ng mga bundok, samantalang ang pagdududa ay sumisira sa mga bansa. Hindi na tayo dapat maging mga hangal at mabagal sa puso na maniwala sa lahat ng isinulat ng mga propeta (Lu. 24:25) “Manampalataya” ay ang motto ni Jesus, at tayo ay dapat na ganoon din. Walang sinumang nagdududa ang papasok sa Kanyang Kaharian. --{1TG47 18.4}

“Simula kay Moises, ang mismong Alpha ng kasaysayan ng Bibliya, ipinaliwanag ni Cristo sa lahat ng Kasulatan ang mga bagay tungkol sa Kanyang sarili. Kung una Niyang ipinakilala ang Kanyang sarili sa kanila, ang kanilang mga puso ay masisiyahan. Sa kasaganaan ng kanilang kagalakan ay hindi na sila maghahangad ng iba pa. Ngunit kinakailangan para sa kanila na maunawaan ang patotoo na ibinigay sa Kanya sa pamamagitan ng mga tipo at propesiya ng Lumang Tipan. Sa mga ito ang kanilang pananampalataya ay dapat na maitatag. Si Cristo ay hindi gumawa ng himala para kumbinsihin sila, ngunit ang Kanyang unang gawain ay ipaliwanag ang mga Kasulatan. Itinuring nila ang Kanyang kamatayan bilang pagkawasak ng lahat ng kanilang pag-asa. Ngayon ay ipinakita Niya mula sa mga propeta na ito ang pinakamatibay na ebidensya ng kanilang pananampalataya. DA 796.4

“Sa pagtuturo sa mga alagad na ito, ipinakita ni Jesus ang kahalagahan ng Lumang Tipan bilang saksi sa Kanyang misyon. Maraming nag-aangking Kristiyano ngayon ang winawalang-halaga ang Lumang Tipan, na sinasabing wala na itong anumang silbi. Ngunit hindi ganoon ang turo ni Cristo. Mataas ang naging pagpapahalaga Niya rito at minsang nasabi, “Kung di nila pinakikinggan si Moises at ang mga propeta, ay di rin mangahihikayat sila, kahit ang isa'y magbangon sa mga patay.” Lucas 16:31 . DA 799.1

“Ang tinig ni Cristo ang nagsasalita sa pamamagitan ng mga patriyarka at mga propeta, mula sa mga araw ni Adan maging sa mga huling tagpo ng panahon. Ang Tagapagligtas ay inihayag sa Lumang Tipan nang malinaw tulad ng sa Bago. Ito ang liwanag mula sa makahulang nakaraan na naghahayag ng buhay ni Cristo at ng mga turo ng Bagong Tipan nang may kalinawan at kagandahan. Ang mga himala ni Cristo ay isang patunay ng Kanyang pagka-Diyos; ngunit ang mas matibay na patunay na Siya ang Manunubos ng sanlibutan ay matatagpuan sa paghahambing ng mga propesiya ng Lumang Tipan sa kasaysayan ng Bago. ” DA 799.2