Mga Tanda na Nagtuturo ng Daan

Liksyon 1, Ikaapat na Trimestre Setyembre 28 – Oktubre 4, 2024

img rest_in_christ
Ibahagi ang Liksyong ito
Download PDF

Hapon ng Sabbath Setyembre 28

Talatang Sauluhin:

“Gumawa rin nga si Jesus ng iba't ibang maraming tanda sa harap ng kaniyang mga alagad, na hindi nangasusulat sa aklat na ito: Nguni't ang mga ito ay nangasulat, upang kayo'y magsisampalataya na si Jesus ay ang Cristo, ang Anak ng Dios; at sa inyong pagsampalataya ay magkaroon kayo ng buhay sa kaniyang pangalan.” KJV — Juan 20:30, 31


“Sa pagtatapos ng kanyang ebanghelyo, si Juan ay nagsalita ng mga salitang may malalim na kahalagahan: “Gumawa rin nga si Jesus ng iba't ibang maraming tanda sa harap ng kaniyang mga alagad, na hindi nangasusulat sa aklat na ito: Nguni't ang mga ito ay nangasulat, upang kayo'y magsisampalataya na si Jesus ay ang Cristo, ang Anak ng Dios; at sa inyong pagsampalataya ay magkaroon kayo ng buhay sa kaniyang pangalan.” [ Juan 20:30, 31 .] Ang pahayag na ito ay nagpapakita ng malaking kahalagahan ng pag-unawa sa tanong na, “Ano ang pananampalataya sa Anak ng Diyos?” 16LtMs, Lt 148, 1901, par. 6

“Ano ang likas na katangian ng pananampalataya kay Cristo na binibigyang diin ng ebanghelyo, na sinasabing mahalaga para sa kaligtasan ng kaluluwa? Ang buong agham ng kaligtasan ay nakapaloob sa pagtanggap kay Cristo bilang isang personal, at mapagpatawad na Tagapagligtas. Siya ay namatay para sa mga makasalanan, at nagkakamaling mga tao... 16LtMs, Lt 148, 1901, par. 7

“Datapuwa't ang lahat ng sa kaniya'y nagsitanggap, ay pinagkalooban niya sila ng karapatang maging mga anak ng Dios, sa makatuwid baga'y ang mga nagsisisampalataya sa kaniyang pangalan: Na mga ipinanganak na hindi sa dugo, ni sa kalooban ng laman, ni sa kalooban ng tao, kundi ng Dios. At nagkatawang-tao ang Verbo, at tumahan sa gitna natin (at nakita namin ang kaniyang kaluwalhatian, kaluwalhatian gaya ng sa bugtong ng Ama), na puspos ng biyaya at katotohanan.” [ Juan 1:12-14 .] Ito ang tanging tunay na lunas sa pag-iisip, ang tanging bagay na makapagliligtas sa namamatay na kaluluwa. Ang mga tao, kasama ang lahat ng kanilang mga depekto, lahat ng kanilang likas na pagmamatigas, ay maaaring lumapit kay Cristo ng may pagpapakumbaba, at taos-pusong pagsisisi, upang tumanggap ng kapatawaran. Aalisin ni Cristo ang kanilang mga kasalanan at pupunan sila ng Kanyang katuwiran. Binibigay ng Banal na Espiritu ang mga bagay na nauukol kay Cristo at inihaharap ang mga ito sa taimtim na nagsusumamo, at ang kaligtasan ng kaluluwa ay natitiyak.” 16LtMs, Lt 148, 1901, par. 8

Linggo, Setyembre 29

Ang Kasalan Sa Cana


Basahin Juan 2:1–11. Anong tanda ang ginawa ni Jesus sa Cana, at paano nito tinulungan ang Kanyang mga alagad na manampalataya sa Kanya?

“Hindi pinasimulan ni Jesus ang Kanyang ministeryo sa pamamagitan ng isang dakilang gawain sa harap ng Sanhedrin sa Jerusalem. Sa isang pagtitipon ng sambahayan sa isang maliit na nayon ng Galilea ay gumawa ang Kanyang kapangyarihan upang makadagdag sa kagalakan ng isang piging ng kasalan. Sa gayon ay ipinakita Niya ang Kanyang simpatya sa mga tao, at ang Kanyang pagnanais na maglingkod para sa kanilang kaligayahan. Sa ilang ng tukso, Siya Mismo ay uminom ng saro ng kaabahan. Siya ay dumating upang ibigay sa mga tao ang saro ng pagpapala, sa pamamagitan ng Kanyang pagpapala na pabanalin ang mga relasyon ng buhay ng tao.” DA 144.1

“Isang kaugalian na ang pagdiriwang ng kasalan ay nagpapatuloy ng ilang araw. Sa pagkakataong ito, bago matapos ang kapistahan ay napag-alaman na ang suplay ng alak ay nagkulang. Ito ay nagdulot ng labis na pagkabagabag at panghihinayang. Ang kakulangan ng alak na inihahain sa mga ganitong kasalan ay nagpapahiwatig ng hindi magiliw na pagtanggap. Bilang isang kamag-anak ng mga partido, si Maria ay tumulong sa pagsasaayos para sa kapistahan, at ngayon ay nakipag-usap siya kay Jesus, na sinasabi, 'Wala silang alak.'” DA 145.4

“Sa tabi ng pintuan ay mayroon roong anim na tapayang bato, at inutusan ni Jesus ang mga alipin na punuin ito ng tubig. At kanilang ginawa. “At sinabi niya sa kanila, Kunin ninyo ngayon, at inyong iharap sa pangulo ng kapistahan.” Sa halip na tubig na kanilang inilagay sa mga sisidlan, doon ay umagos ang alak. Ni ang pinuno ng kapistahan o ang mga panauhin sa pangkalahatan ay hindi napagalaman ang tungkol sa kakulangan ng alak. Nang matikman ang dinala ng mga alipin, nasumpungan ng pinuno na ito ay nakahihigit sa alinmang kanyang nainom noon, at ibang-iba sa inihain sa pasimula ng kapistahan. Paglingon niya sa kasintahang lalaki, sinabi niya, “Ang bawa't tao ay unang inilalagay ang mabuting alak; at kung mangakainom nang mabuti ang mga tao, ay saka inilalagay ang pinakamasama: itinira mo ang mabuting alak hanggang ngayon.” DA 148.2

“Habang binabanggit ng mga panauhin sa piging ang kalidad ng alak, nagkaroon ng mga katanungan na nagdulot upang isiwalat ng mga tagapaglingkod ang isang ulat ng himala. Ang mga tao ay pasandaling namangha sa pag-iisip sa Kanya na nagsagawa ng kahanga-hangang gawain. Nang sa kalaunan ay hinanap nila Siya, nalaman na Siya ay humiwalay nang matahimik na hindi napapansin kahit ng Kanyang mga alagad. DA 149.5

“Nabaling ngayon ang atensyon ng mga tao sa mga alagad. Sa unang pagkakataon ay nagkaroon sila ng pagkakataong kilalanin ang kanilang pananampalataya kay Jesus. Sinabi nila ang kanilang nakita at narinig sa Jordan, at nag-alab sa maraming puso ang pag-asa na ang Diyos ay nagbangon ng isang tagapagligtas para sa Kanyang bayan. Ang balita ng himala ay kumalat sa buong rehiyong iyon, at umabot sa Jerusalem. Sa panibagong interes ay sinaliksik ng mga saserdote at matatanda ang mga hula na tumutukoy sa pagdating ni Cristo. Nagkaroon ng masigasig na pagnanais na matutuhan ang misyon ng bagong gurong ito, na nagpakita sa mga tao sa napakasimpleng paraan.” DA 150.1

Lunes , Setyembre 30

The Second Sign in Galilee


Basahin ang Juan 4:46–54. Bakit gumawa ang ebanghelista ng paguugnay pabalik sa himala sa piging ng kasalan?

“Ang balita ng pagbabalik ni Cristo sa Cana ay kumalat kalaunan sa buong Galilea, na nagdulot ng pag-asa sa mga nagdurusa at namimighati. Sa Capernaum ang balita ay nakapukaw ng atensyon ng isang maharlikang Judio na isang opisyal sa paglilingkod sa hari. Isang anak ng opisyal ang nagdurusa sa tila isang sakit na walang lunas. Ibinigay siya ng mga manggagamot upang mamatay; ngunit nang marinig ng ama ang tungkol kay Jesus, nagpasiya siyang humingi ng tulong sa Kanya. Ang bata ay naghihingalo, at maaaring hindi na maabutang buhay sa kanyang pagbabalik; gayunman nadama ng mahal na taong ito na dapat niyang personal na iharap ang kasong ito kay Jesus. Inaasahan niya na ang panalangin ng isang ama ay makapupukaw ng pakikiramay ng Dakilang Manggagamot. DA 196.3

“Pagdating sa Cana ay nakita niya ang isang pulutong na nakapalibot kay Jesus. Sa pusong nababalisa ay dumeretso siya palapit sa presensya ng Tagapagligtas. Bahagyang nanghina ang kanyang pananampalataya nang makita niya ang isang lalaking may payak na kasuotan, maalikabok at pagod sa paglalakbay. Nag-alinlangan Siya kung ang magagawa nga ng Taong ito ang sinadya niyang hilingin sa Kanya; gayunpaman, nakahanap siya ng isang pagkakataong makapanayam si Jesus, sinabi ang kanyang pakay, at nakiusap sa Tagapagligtas na samahan siya sa kanyang tahanan. Ngunit nalalaman na ni Jesus ang kanyang kalungkutan. Bago umalis ang opisyal sa kanyang tahanan, nakita ng Tagapagligtas ang kanyang paghihirap. DA 197.1

“Ngunit alam din Niya na ang amang ito, sa kanyang sariling isipan, ay gumawa ng mga kondisyon hinggil sa kanyang paniniwala kay Jesus. Maliban kung pagbigyan ang kanyang kahilingan ay hindi niya Siya tatanggapin bilang Mesiyas. Habang naghihintay ang opisyal sa matinding paghihirap ng pag-aalinlangan, sinabi ni Jesus, “Malibang kayo'y mangakakita ng mga tanda at mga kababalaghan, ay hindi kayo magsisipaniwala sa anomang paraan.” DA 198.1

“Tulad ng isang kislap ng liwanag, ang mga salita ng Tagapagligtas sa mahal na tao ay naglantad sa kanyang puso. Nakita niya na ang kanyang mga motibo sa paghahanap kay Jesus ay makasarili. Ang kanyang nag-aalinlangang pananampalataya ay nahayag sa kanya sa tunay na katangian nito. Sa matinding pagkabalisa napagtanto niya na ang kanyang pagdududa ay maaaring maging sanhi sa pagkawala ng buhay ng kanyang anak. Batid niya na siya ay nasa presensiya ng Isang nakakabasa ng mga iniisip, at kung kanino lahat ng bagay ay posible. Sa matinding paghihirap ng pagsusumamo ay sumigaw siya, “Ginoo, lumusong ka bago mamatay ang aking anak.” Ang kanyang pananampalataya ay humawak kay Cristo tulad ng ginawa ni Jacob siya ay nakipagbuno sa Anghel, siya ay sumigaw, “Hindi kita bibitawan hanggang hindi mo ako mabasbasan.” Genesis 32:26 . DA 198.4

“Tulad ni Jacob ay nanaig siya. Ang Tagapagligtas ay hindi maaaring tumalikod sa kaluluwa na lumalapit sa Kanya, na nagsusumamo sa matinding pangangailangan nito. “Yumaon ka ng iyong lakad; buhay ang anak mo.” Ang mahal na tao ay umalis sa presensya ng Tagapagligtas na may kapayapaan at kagalakan na hindi pa niya nasumpungan noon. Hindi lamang siya naniwala na ang kanyang anak ay maibabalik, ngunit may malakas na pagtitiwala din siya kay Cristo bilang siyang Manunubos.” DA 198.5

Martes, Oktubre 1

Ang Himala sa Tipunan ng Bethesda


Basahin ang Juan 5:1–9. Dahil ang bawat isa sa tipunan ay tiyak na nagnanais gumaling, bakit tinanong ni Jesus ang paralitiko kung gusto niyang gumaling (Juan 5:6) ?

“Si Jesus ay muling naparoon sa Jerusalem. Naglalakad na mag-isa na nagninilay-nilay at nananalangin, lumapit Siya sa tangke. Doon ay nakita niya ang mga kahabag-habag na nagdurusa na nagbabantay sa isang inaakala nilang tangi nilang pagasa upang gumaling. Siya ay nagnanais na gamitin ang Kanyang kapangyarihang magpagaling, at pagalingin ang bawat nagdurusa. Ngunit iyon ay araw ng Sabbath. Maraming tao ang pumupunta sa templo para sa pagsamba, at alam Niya na ang gayong pagkilos ng pagpapagaling ay magbabangon sa pagkiling ng mga Hudyo at pagnanais nila na mapaikli ang Kanyang gawain. DA 201.3

“Ngunit nakita ng Tagapagligtas ang isang kaso ng matinding kahabagan. Naroon ang isang lalaking nakahandusay, na may tatlongpu't walong taon nang maysakit. Ang kanyang karamdaman ay bunga ng kanyang sariling kasalanan, at itinuring na isang paghatol mula sa Diyos. Nag-iisa at walang kaibigan, sa pakiramdam na siya ay pinagsarhan ng awa ng Diyos, ang nagdurusa ay dumaan sa mahabang taon ng paghihirap. Sa panahon na ang tubig ay kakalawkawn, ang mga naaawa sa kanyang kalalagayan ay dinadala siya sa mga portiko. Ngunit sa mismong sandaling iyon ay walang tutulong sa kanya. Nakita niya ang pag-alon-alon ng tubig, ngunit hindi siya makalapit. Ang ibang mas malakas kaysa sa kanya ay nauunang lumusong kaysa sa kanya. Hindi siya mananagumpay laban sa mga makasarili,at nag-aagawang karamihan. Ang kanyang patuloy na pagsisikap tungo sa kanyang pakay, at ang kanyang pagkabalisa at patuloy na pagkabigo, ay mabilis na nakapapawi sa nalalabi niyang lakas. DA 202.1

“Nakahandusay ang maysakit sa kanyang higaan, at paminsan-minsan ay itinataas ang kanyang ulo upang tumingin sa tangke, nang ang isang magiliw at mahabaging mukha ay yumuko sa kanya, at ang mga salitang, “Ibig mo bagang gumaling?” ay pumukaw sa kanyang atensyon. Napuno ng pag-asa ang kanyang puso. Naramdamang niyang maaaring may makatulong na sa kanya. Ngunit ang ningning ng pagasa ay agad na nawala. Naalaala niya kung gaano kadalas siyang nabigong abutin ang tangke, at ngayon ay nawawalan na siyang pag-asa na mabuhay hanggang sa muli itong makalawkaw Siya ay tumalikod na pagod na pagod, na nagsasabi, “Ginoo, wala ng taong maglusong sa akin sa tangke, pagkalawkaw sa tubig: datapuwa't samantalang ako'y naparoroon, ay nakalusong na muna ang iba bago ako.” DA 202.2

“Hindi hinihiling ni Jesus ang nagdurusang ito na manampalataya sa Kanya. Sinabi lamang niya, “Magtindig ka, buhatin mo ang iyong higaan, at lumakad ka.” Ngunit ang pananampalataya ng lalaki ay humahawak sa salitang iyon. Ang bawat ugat at kalamnan ay nanginginig sa bagong buhay, at ang nakapagpapalusog na pagkilos ay dumarating sa kanyang baldadong mga paa. Walang alinlangan na itinakda niya ang kanyang kalooban na sundin ang utos ni Cristo, at lahat ng kanyang kalamnan ay tumutugon sa kanyang kalooban. Siya’y bumangon at nasumpungan ang sarili na naging isang aktibong tao. DA 202.3

“Si Jesus ay hindi nagbigay sa kanya ng katiyakan ng banal na tulong. Maaaring ang lalaki ay magduda, at mawaksi ang tanging pagkakataon na siya ay mapagaling. Ngunit nanampalataya siya sa salita ni Cristo, at sa paggawa nito ay nakatanggap siya ng lakas.” DA 203.1

Miyerkules , Oktubre 2

Mga Matitigas na Puso


Basahin ang Juan 5:10–16. Anong mga liksyon ang makukuha natin mula sa nakamamanghang katigasan ng puso ng mga lider ng relihiyon tungkol kay Jesus at sa himalang Kanyang ginawa?

“Ang napagaling na paralitiko ay yumuko upang buhatin ang kanyang higaan, na isang alpombra at kumot lamang, at nang muli niyang inayos ang sarili nang may kasiyahan, lumingon siya sa paligid para hanapin ang kanyang Tagapagligtas; ngunit si Jesus ay nawala na sa karamihan. Ang lalaki ay natakot na hindi niya Siya makilala kung makikita niya Siyang muli. Habang nagmamadali siyang lumakad nang may katatagan at malalayang hakbang, na pinupuri ang Diyos at nagagalak sa kanyang bagong natagpuang lakas, nakita niya ang ilan sa mga Pariseo, at agad na sinabi sa kanila ang tungkol sa kanyang pagpapagaling. Nagulat siya sa panlalamig ng pakikinig ng mga ito sa kanyang salaysay. ” DA 203.3

“Labis na binaluktot ng mga Hudyo ang batas kaya ginawa nila itong pamatok ng pagkaalipin. Ang kanilang walang kabuluhang mga palatuntunan ay naging isang usapan sa iba pang mga bansa. Ang Sabbath ay binalot nila ng lahat ng paraan ng walang kabuluhang mga paghihigpit. Hindi na ito nagiging isang kaluguran, isang banal ng Panginoon, at karangalan. Ginawa ng mga eskriba at Pariseo ang pangingilin nito bilang isang mabigat na pasanin. Ang isang Hudyo ay hindi pinahintulutang magsindi ng apoy o magsindi man lamang ng kandila sa araw ng Sabbath. Dahil dito ang mga tao ay umaasa sa mga Gentil para sa maraming paglilingkod na ipinagbawal sa kanila ng kanilang mga tuntunin na gawin para sa kanilang sarili. Hindi nila nauunawaan na kung ang mga gawaing ito ay makasalanan, yaong mga nagtatrabaho sa iba upang gawin ang mga ito ay nagkasala na parang sila mismo ang gumawa ng gawain. Iniisip nila na ang kaligtasan ay limitado lamang sa mga Hudyo, at ang kalagayan ng lahat ng iba pa ay wala ng pag-asa. Ngunit ang Diyos ay hindi nagbigay ng mga utos na hindi maaaring sundin ng lahat. Hindi pinahihintulutan ng Kanyang mga batas ang hindi makatwiran o makasariling mga paghihigpit. DA 204.1

“Nagagalak ang pinagaling na lalaki sa pagkakita sa kanyang Tagapagligtas. Walang kaalam-alam sa pagkapoot kay Jesus, sinabi niya sa mga Fariseo na nagtanong sa kanya, na Siya ang gumawa ng pagpapagaling. “Kaya't inusig ng mga Judio si Jesus, at pinagsikapang patayin Siya, sapagka't ginawa Niya ang mga bagay na ito sa araw ng Sabbath.'” DA 204.3

Ano ang itinuturo ng ibang mga salaysay na ito tungkol sa kung ano ang maaaring maging kalagayan ng mga taong matigas ang espirituwalidad, ano man ang mga katibayan? ( Basahin ang Juan 9:1–16; Mar. 3:22, 23; Mat. 12:9–14 ) ?

“Ang mga Pariseo ay hindi napigilang mamangha sa pagpapagaling. Ngunit sila ay higit na napuno ng poot; sapagkat ang himala ay ginawa sa araw ng Sabbath.” DA 471.5

“Pagkatapos ay dinala nila siya sa konseho ng mga Pariseo. Tinanong muli ang lalaki kung paano niya natanggap ang kanyang paningin. “At sinabi niya sa kanila, Nilagyan niya ng putik ang ibabaw ng aking mga mata, at naghugas ako, at ako'y nakakakita. Ang ilan nga sa mga Fariseo ay nangagsabi, Ang taong ito'y hindi galing sa Dios, sapagka't hindi nangingilin sa sabbath.” Ninais ng mga Pariseo na gawing makasalanan si Jesus, at palabasing hindi siya ang Mesiyas. Hindi nila alam na Siya ang gumawa ng Sabbath na nakaaalam ng lahat ng obligasyon nito, na nagpagaling sa lalaking bulag. Sila ay nagpakita ng kahanga-hangang kasigasigan para sa pangingilin ng Sabbath, ngunit nagpaplano ng pagpatay sa mismong araw na iyon. Ngunit marami ang lubhang naantig nang marinig ang himalang ito, at naniwala na Siya na nagpadilat ng mga mata ng bulag ay higit pa sa karaniwang tao. Bilang sagot sa paratang na si Jesus ay makasalanan dahil hindi Niya iningatan ang araw ng Sabbath, sinabi nila, “Paano makakagawa ng gayong mga himala ang isang taong makasalanan?” DA 472.1

Huwebes , Oktubre 3

Ang Mga Pag-aangkin ni Jesus


Basahin ang Juan 5:16–18. Bakit inusig si Jesus sa Kanyang ginawa sa Sabbath?

“Ngunit ang mga plano na masigasig na ginagawa ng mga rabbi na ito ay nagugat sa iba pang konseho kaysa sa Sanhedrin. Matapos mabigo si Satanas na madaig si Cristo sa ilang, pinagsanib niya ang kanyang mga puwersa upang salungatin Siya sa Kanyang ministeryo, at kung maaari ay hadlangan ang Kanyang gawain. Kung ano ang hindi niya magawa sa pamamagitan ng direkta at personal na pagsisikap, determinado siyang isagawa sa pamamagitan ng stratehiya. Matapos na siya ay umatras mula sa tunggalian sa ilang, sa pagpupulong kasama ang kanyang mga katuwang na anghel ay nagbuo sila ng mga plano upang bulagin ang isipan ng mga Judio, upang hindi nila makilala ang kanilang Manunubos. Pinlano niyang kumilos sa pamamagitan ng kanyang ahensya na tao sa mundo ng relihiyon, sa pamamagitan ng pagtatanim sa kanila ng sarili niyang pagkapoot laban sa kampeon ng katotohanan. Aakayin niya sila na tanggihan si Cristo at gawing mapait ang Kanyang buhay hangga't maaari, na nagnanais na mapanghinaan Siya ng loob sa Kanyang misyon. At ang mga pinuno sa Israel ay naging mga kasangkapan ni Satanas sa pakikipagdigma laban sa Tagapagligtas. DA 205.2

“Si Jesus ay naparito upang “dakilain ang kautusan, at gawing marangal..” Hindi niya binabawasan ang dignidad nito, kundi itinataas ito. Sinasabi ng banal na kasulatan, “Siya'y hindi manglulupaypay o maduduwag man, hanggang sa maitatag niya ang kahatulan sa lupa.” Isaias 42:21, 4 . Siya ay naparito upang palayain ang Sabbath mula sa mga mabibigat na paghihigpit na nagpapabigat dito sa halip na isang pagpapala. DA 206.1

“Sa kadahilanang ito kaya pinili Niya ang araw ng Sabbath upang gawin ang pagpapagaling sa Bethesda. Maaari niyang pagalingin ang maysakit sa anumang araw ng sanlinggo; o maaaring pagalingin lamang siya, at hindi utusang buhatin ang kanyang higaan. Ngunit hindi ito magbibigay sa Kanya ng pagkakataong ninanais Niya. Isang matalinong layunin ang sumasailalim sa bawat pagkilos ng buhay ni Cristo sa lupa. Ang lahat ng Kanyang ginawa ay mahalaga at sa pagtuturo nito. Sa gitna ng mga nagdurusa sa tangke ay pinili Niya ang pinakamasamang kaso kung kanino gagamitin ang Kanyang kapangyarihang magpagaling, at inutusan ang lalaki na buhatin ang kanyang higaan sa buong lungsod upang ipahayag ang dakilang gawain na ginawa sa kanya. Ito ay magbabangon ng tanong kung ano ang matuwid na gawin sa Sabbath, at magbubukas ng daan para sa Kanya upang tuligsain ang mga paghihigpit ng mga Hudyo tungkol sa araw ng Panginoon, at ipahayag ang kanilang mga tradisyon na walang bisa. ” DA 206.2

Basahin ang Juan 5:19–47. Ano ang sinasabi ni Jesus upang matulungan ang mga lider na makilala Siya kung sino talaga Siya, isang pag-aangkin na makapangyarihan na pinatunayan ng mga himalang Kanyang ginawa?

“Inangkin ni Jesus ang pantay na mga karapatan sa Diyos sa paggawa ng isang gawaing parehong sagrado, at may katulad na katangian sa ginagawa ng Ama sa langit. Ngunit ang mga Pariseo ay lalo pang nagalit. Hindi lamang niya nilabag ang batas, ayon sa kanilang pang-unawa, ngunit sa pagtawag sa Diyos na “kanyang sariling Ama” ay ipinahayag ang Kanyang sarili na kapantay ng Diyos. Juan 5:18 , RV DA 207.3

“Tinatawag ng buong bansa ng mga Hudyo ang Diyos na kanilang Ama, kung kaya't hindi sila dapat magalit nang ganito kung inilarawan ni Cristo ang Kanyang sarili bilang nakatayo sa parehong kaugnayan sa Diyos. Ngunit inakusahan nila Siya ng kapusungan, na nagpapakita na nauunawaan nila Siya bilang ang pag-aangkin na ito sa pinakamataas na kahulugan." DA 207.4

“Itinanggi ni Jesus ang paratang ng kapusungan. Ang Aking awtoridad, sabi Niya, sa paggawa ng gawain na iyong inaakusahan sa Akin, ay na Ako ang Anak ng Diyos, kaisa Niya sa kalikasan, sa kalooban, at sa layunin. Sa lahat ng Kanyang mga gawa ng paglikha at probidensya, nakikipagtulungan ako sa Diyos. “Hindi makagagawa ang Anak ng anoman sa kaniyang sarili kundi ang makita niyang gawin ng Ama.” Ang mga saserdote at mga rabbi ay inaatas ang Anak ng Diyos para sa mismong gawaing ipinadala Siya sa mundo upang gawin. Sa pamamagitan ng kanilang mga kasalanan ay inihiwalay nila ang kanilang mga sarili sa Diyos, at sa kanilang pagmamataas ay kumikilos nang hiwalay sa Kanya. Nakadarama sila ng katiyakan sa kanilang mga sarili at inaakalang hindi sila nangangailangan ng mas mataas na karunungan upang gumabay sa kanilang mga kilos. Ngunit ang Anak ng Diyos ay nagpapasakop sa kalooban ng Ama, at umaasa sa Kanyang kapangyarihan. Gayon na lamang na si Cristo ay walang anuman sa sarili at hindi gumagawa ng mga plano para sa Kanyang sarili. Tinatanggap Niya ang mga plano ng Diyos para sa Kanya, at araw-araw ay inilalahad ng Ama ang Kanyang mga plano. Kaya dapat tayong umasa sa Diyos, upang ang ating buhay ay maging simpleng pagsasakatuparan ng Kanyang kalooban.” DA 208.2

Biyernes, Oktubre 4

Karagdagang Kaisipan

“Ang mga pinunong Judio ay pinag-aralan ang mga turo ng mga propeta hinggil sa kaharian ng Mesiyas; ngunit ginawa nila ito, hindi sa taimtim na pagnanais na malaman ang katotohanan, ngunit sa layuning makahanap ng katibayan upang mapanatili ang kanilang ambisyosong pag-asa. Nang dumating si Cristo sa paraang salungat sa kanilang inaasahan, hindi nila Siya tinanggap; at upang bigyang-katwiran ang kanilang mga sarili, sinubukan nilang paratangan Siya na isang manlilinlang. Nang kanilang itinakda ang kanilang mga paa sa landas na ito, naging madali para kay Satanas na palakasin ang kanilang pagsalungat kay Cristo. Ang mismong mga salita na dapat sana ay matanggap bilang katibayan ng Kanyang pagka-Diyos ay binigyang-kahulugan laban sa Kanya. Sa gayon ay ginawa nilang kasinungalingan ang katotohanan ng Diyos, at kapag mas direktang nagsalita sa kanila ang Tagapagligtas sa Kanyang mga gawa ng awa, mas determinado silang labanan ang liwanag.” DA 212.2