Sina Ruth at Esther

Liksyon 11, Pangalawang Semestre, Junyo 7-13, 2025

img rest_in_christ
Ibahagi ang Liksyong ito
sharethis sharing button
copy sharing button
email sharing button
whatsapp sharing button
facebook sharing button
twitter sharing button
telegram sharing button
messenger sharing button
line sharing button
wechat sharing button
vk sharing button
tencentqq sharing button
weibo sharing button
kakao sharing button
Download PDF

Hapon ng Sabbath, Hunyo 7

Memory Project:

“At nagkagayon, nang makita ng hari si Esther na reina na nakatayo sa looban, na siya'y nagtamo ng biyaya sa kaniyang paningin: at inilawit ng hari kay Esther ang gintong cetro na nasa kaniyang kamay. Sa gayo'y lumapit si Esther, at hinipo ang dulo ng cetro.” KJV - Esther 5:2


" Mula pa sa pasimula, ang Diyos ay kumikilos na sa pamamagitan ng Kaniyang Banal na Espiritu gamit ang mga taong kasangkapan upang maisakatuparan ang Kaniyang layunin para sa sangkatauhang nahulog sa kasalanan. Ito ay nahayag sa buhay ng mga patriarka. Maging sa iglesya sa ilang noong panahon ni Moises, ibinigay ng Diyos ang Kaniyang ‘mabuting Espiritu upang turuan sila’ (Nehemias 9:20). At sa panahon ng mga apostol, makapangyarihan Siyang kumilos para sa Kaniyang iglesia sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. Ang kaparehong kapangyarihang sumuporta sa mga patriarka, ang nagbigay ng pananampalataya at tapang kina Caleb at Josue, at ang nagpagal sa gawain ng iglesya ng mga apostol, ay siyang nagpatatag sa mga tapat na anak ng Diyos sa bawat henerasyong sumunod. Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu kung kaya’t ang mga Kristiyanong Waldensian noong Dark Ages ay nagamit at tumulong na maihanda ang daan para sa Repormasyon. At ang gayunding kapangyarihan ang nagbigay ng tagumpay sa mga mararangal na kalalakihan at kababaihan na nanguna sa pagtatatag ng makabagong mga misyon at sa pagsasalin ng Biblia sa iba’t ibang wika at diyalekto ng lahat ng bansa at bayan.” — AA 53.1

“Si Debora nga, na propetisa, asawa ni Lapidoth, ay naghukom sa Israel nang panahong yaon. At siya'y tumahan sa ilalim ng puno ng palma ni Debora, sa pagitan ng Rama at Beth-el, sa lupaing maburol ng Ephraim; at sinampa siya ng mga anak ni Israel upang pahatol.” (Mga Hukom 4:4–5)

“At naroroon din naman si Ana, na isang propetisa, anak na babae ni Fanuel, sa angkan ni Aser, (siya'y lubhang matanda na, at may pitong taong nakisama sa kaniyang asawa mula sa kaniyang kadalagahan, At siya'y bao nang walongpu't apat na taon), na hindi humihiwalay sa templo, at sumasamba sa gabi at araw sa pamamagitan ng mga pagaayuno at mga pagdaing.” (Lucas 2:36–37)

Gayundin si “Hulda na propetisa, na asawa ni Sallum,” ay nagturo sa Israel (2 Hari 22:14–16).

At si “Felipe na evangelista… may apat na anak na binibini, na nagsisipanghula.” (Mga Gawa 21:8–9)

Linggo, Hunyo 8

Taggutom sa “Bahay ng Tinapay.”


Basahin ang Ruth 1:1–5. Ano ang mga kahirapan na dinanas nina Naomi at Ruth, at ano ang naging sanhi ng mga ito? Paano nito isinasalamin ang kalagayan na hinaharap ng buong sangkatauhan ngayon?

“At nangyari nang mga kaarawan nang humatol ang mga hukom, na nagkagutom sa lupain. At isang lalaking taga Bethlehem-juda ay yumaong nakipamayan sa lupain ng Moab, siya, at ang kaniyang asawa, at ang kaniyang dalawang anak na lalake. At ang pangalan ng lalake ay Elimelech, at ang pangalan ng kaniyang asawa ay Noemi, at ang pangalan ng kaniyang dalawang anak ay Mahalon at Chelion, mga Ephrateo na taga Bethlehem-juda. At sila'y naparoon sa lupain ng Moab, at nanirahan doon. At si Elimelech na asawa ni Noemi ay namatay: at siya'y naiwan at ang kaniyang dalawang anak. At sila'y nagsipagasawa sa mga babae sa Moab; ang pangalan ng isa'y Orpha, at ang pangalan ng isa'y Ruth: at sila'y tumahan doon na may sangpung taon. At namatay kapuwa si Mahalon at si Chelion; at ang babae ay naiwan ng kaniyang dalawang anak at ng kaniyang asawa.” KJV - Ruth 1:1-5

" At nang makita ng dragon na siya'y inihagis sa lupa, ay inusig niya ang babaing nanganak ng sanggol na lalake. At sa babae'y ibinigay ang dalawang pakpak ng agilang malaki, upang ilipad sa ilang mula sa harap ng ahas hanggang sa kaniyang tahanan, na pinagkandilihan sa kaniyang isang panahon, at mga panahon, at kalahati ng isang panahon.” Apoc. 12:13, 14 .

Sa pasimula, makikita natin mula sa kasulatang ito na iniwan ng babae ang kaniyang ubasan (tinubuang-bayan — Palestina) at pumunta sa sanlibutang Hentil matapos maipanganak ang kaniyang anak; ibig sabihin, nasa yugto ng kanyang pagiging Kristiyano, noong siya’y inuusig ng dragon sa pamamagitan ng mga Judio (Gawa 8:1; 13:46, 50, 51). Sunod nating makikita na matapos siyang manatili roon nang ilang panahon, ang mga kalagayan ay naging hadlang upang patuloy niyang mapangalagaan ang kaniyang sarili, kaya’t kinakailangan na siya ay pagkandilihan ng iba sa loob ng “ isang panahon, at mga panahon, at kalahati ng isang panahon.” — Talata 14.

Tatlo at kalahating taon pagkatapos ng pagkabuhay na mag-uli ni Cristo, iniwan ng iglesia ang Palestina (ubasan), at habang siya’y nasa sanlibutang Hentil (ilang), “ibinuga ng ahas mula sa kaniyang bibig ang tubig na tulad ng baha laban sa babae [pinilit ang mga pagano na magpabautismo sa Kristiyanismo, at sumanib sa iglesia], upang siya'y tangayin ng baha [madala ng paganismo].” (Pahayag 12:15). Sa gitna ng pagbaha ng mga ito, kinakailangang alagaan (panatilihin) siya ng Panginoon, sapagkat marami sa kaniyang mga tagasunod ay naging pagano sa pag-iisip, at halos lahat ng hindi nahawa ay natangay ng “baha.” Kaya kung hindi Siya gumawa ng himala upang alagaan siya (panatilihing buhay), ang Iglesia ay maaaring mawala sa panahon ng dark ages. Totoo, simula ng Repormasyon ay natutunan na niyang alagaan ang kaniyang sarili, subalit ang mga hindi tunay na kumbertido (baha) ay nananatili pa rin sa kaniyang kalagitnaan. 

Lunes, Hunyo 9

Sina Ruth at Boaz


Basahin ang Ruth 2:5–20. Bakit ito ay isang mahalagang sandali sa kuwento? Bakit naging mabuting balita ang pagkakilala ni Naomi sa taong makakatulong sa kanila?

“Kinatawan ni Boaz ang likas na ugali ng isang tunay na Kristiyano. Tulad ni Abraham, inatasan niya ang kaniyang sambahayan na sumunod sa daan ng Panginoon, upang gawin ang katarungan at kahatulan. Ipinamalas niya ang kagandahang-loob sa lahat ng kaniyang mga lingkod, at habang dumadaan siya sa kaniyang mga manggagawa sa bukid, sinabi niya sa mga tagaani, ‘Ang Panginoon ay sumainyo.’ At sinagot naman siya ng mga ito, ‘Pagpalain ka nawa ng Panginoon.’ Narito ang isang aral para sa mga amo at mga lingkod, para sa mga nagpapasahod at sa mga pinapasahod. Ang mga lingkod ay pinatatatag ang loob upang gumawa ng matuwid, upang maging tapat sa mga among nagpapakita ng magalang na kabutihan at kagandahang-loob sa kanila. Ang mga Kristiyano ang dapat na maging pinakamagagalang na tao sa buong mundo.” — HM December 1, 1894, Art. A, par. 1

“Ngunit ang siyang lalong namumukod-tangi sa taon ng jubileo ay ang pagbabalik ng lahat ng mga lupain sa pamilya ng orihinal na nagmamay-ari. Walang sinuman ang may kalayaang ipagbili ang kaniyang ari-arian para sa pakikipagkalakalan. Hindi rin niya dapat ipagbili ang kaniyang lupa maliban na lamang kung siya ay pinilit ng matinding kahirapan. Kailanman naisin niyang tubusin ito, o kaya ng sinuman sa kaniyang mga kamag-anak, ang nakabili ay hindi maaaring tumangging ipagbili ito pabalik. Kung hindi matubos, ito ay awtomatikong babalik sa orihinal na may-ari o sa kaniyang mga tagapagmana sa taon ng jubileo.”—EP 383.5

“Sinabi ng Panginoon sa Israel: ‘At ang lupain ay hindi maipagbibili ng magpakailan man; sapagka't akin ang lupain: sapagka't kayo'y taga ibang bayan at makikipamayang kasama ko.’” (Levitico 25:23). Ang Diyos ang tunay na may-ari, ang orihinal na tagapagmay-ari. Ito ay dapat itanim sa isipan ng lahat, na ang mahihirap at mga kapus-palad ay may gayunding karapatang magkaroon ng lugar sa mundong pag-aari ng Diyos tulad ng mayayaman.”—EP 383.6

“Ito ang mga kaayusang itinakda ng ating mahabaging Manlalalang upang bawasan ang paghihirap, maghatid ng sinag ng pag-asa, at magdala ng liwanag ng kasiyahan sa buhay ng mga dukha at namimighati.”—EP 384.1

Martes, Hunyo 10

Boaz Bilang Manunubos


Ano ang inilalahad ng mga sumusunod na talata tungkol sa pag-aangkin ni Satanas sa sangkatauhan? ( Job 1:6–11; Mat. 4:8, 9; Judas 1:9; Lucas 22:31 ).

" Ipadadala ninyo ang mga kordero na ukol sa pinuno ng lupain mula sa Selah na nasa dakong ilang, hanggang sa bundok ng anak na babae ng Sion. Sapagka't mangyayari, na gaya ng mga ibong nagsisigala, na gaya ng kalat na pugad, magiging gayon ang mga anak na babae ng Moab sa mga tawiran ng Arnon. Magpayo ka, magsagawa ka ng kahatulan; iyong gawin ang iyong anino na gaya ng gabi sa gitna ng katanghaliang tapat: ikubli mo ang mga tapon; huwag mong ilitaw ang palaboy. Patirahin mong kasama mo ang aking natapon; tungkol sa Moab, maging kanlungan ka niya sa mukha ng mananamsam: sapagka't ang mamimighati ay mauuwi sa wala, ang pagsamsam ay matitigil, ang mga mamimighati ay malilipol sa lupain. At ang luklukan ay matatatag sa kagandahang-loob, at isa'y uupo roon sa katotohanan, sa tabernakulo ni David; na humahatol at humahanap ng kahatulan, at nagmamadaling nagsasagawa ng katuwiran.” Isa. 16:1-5.

“Ipadadala ninyo ang mga kordero na ukol sa pinuno ng lupain mula sa Selah na nasa dakong ilang, hanggang sa bundok ng anak na babae ng Sion.” Isa. 16:1.

Ang tiyak na pantukoy na “ang” ay nagbibigay ng ganap na kahulugan sa pangngalang “kordero,” na nagpapakita na isang natatanging kordero lamang ang tinutukoy bilang layon ng utos na ipadala “ang kordero” mula sa Moab “sa bundok ng anak na babae ng Sion”—sa Bundok Sion sa Jerusalem.

“Sapagka't mangyayari, na gaya ng mga ibong nagsisigala, na gaya ng kalat na pugad, magiging gayon ang mga anak na babae ng Moab sa mga tawiran ng Arnon.” Ibig sabihin, kailangang kunin ang kordero mula sa Moab sapagkat ang mga Moabita ay “itataboy,” “gaya ng ibong nagsisigala,” “sa mga tawiran ng Arnon.” (Isaias 16:2)

Isinasaad ng banal na kasaysayan na ang nag-iisang korderong kinuha mula sa Moab bago pa man “itaboy” ang mga Moabita mula sa kanilang “pugad” ay walang iba kundi ang Isa na tinukoy ni Juan Bautista nang kaniyang sabihin: “Narito ang Kordero ng Diyos”—si Cristo. Ipinapakita ng propesiya na ang kordero ay nagmamadaling dinala mula sa Moab patungong Bundok Sion (sa palasyo ni David sa Jerusalem)—isang pangyayaring naganap nang si Naomi, kasama ang kaniyang mga anak, ay pumunta sa Moab (ang “ilang”—isang bansang wala sa ilalim ng tuwirang pangangalaga ng Panginoon at samakatuwid ay hindi bahagi ng ubasan) at dinala si Ruth, ang babaeng Moabita, mula Moab patungong Jerusalem. Sapagkat “kinuha ni Booz si Ruth, at siya'y naging kaniyang asawa..., at siya'y nanganak ng isang lalake...., at tinawag nila ang pangalan niya na Obed; siya ang ama ni Isai, na ama ni David. …. at naging anak ni Isai si David.” (Ruth 4:13–22)

Sa gayon, si Cristo, ang Anak ni David, ay “ipinadala” mula sa Moab patungong Bundok Sion—sa palasyo ni David; isang malinaw na pagpapakita ng pagka-Diyos ni Cristo bilang Anak ng Diyos, at ng Kaniyang pagkatao bilang Anak hindi lamang ni David kundi maging kay Lot din—ng Moab.

O gaano nga kadetalyado at kahanga-hanga ang ating Diyos: ang mga pangalang Obed, Isai, at David sa wikang Hebreo ay nangangahulugang si Cristo—isang lingkod (Obed), na magiging Aking presensya (Isai), ang minamahal (David).

Yamang si Cristo sa laman ay isang Moabita at gayundin ay isang Israelita, sinabi ng Diyos: “Patirahin mong kasama mo ang aking natapon; tungkol sa Moab, maging kanlungan ka niya sa mukha ng mananamsam: sapagka't ang mamimighati ay mauuwi sa wala, ang pagsamsam ay matitigil, ang mga mamimighati ay malilipol sa lupain.” (Isaias 16:4)

Siya’y isinugo upang “magbigay payo, magsagawa ng kahatulan; gawin ang kanyang anino na gaya ng gabi sa gitna ng katanghaliang tapat: ikubli ang mga tapon; huwag mong ilitaw ang palaboy..” (Isaias 16:3) Si Cristo, na ating “isang kublihang dako sa hangin, at kanlungan sa bagyo” “sa kinapapagurang lupain,” ay isang dakila at perpektong lilim, gaya ng hatinggabi sa katanghaliang-tapat. Kaya naman nabulalas ng Mang-aawit: “Napaka mahalaga ng iyong kagandahang-loob, Oh Dios! At ang mga anak ng mga tao ay nanganganlong sa ilalim ng iyong mga pakpak.... Sapagka't naging katulong kita, at sa lilim ng mga pakpak mo'y magagalak ako.” (Awit 36:7; 63:7)

At dahil dito, ang propeta ay sumisigaw rin: “Kaya't luluwalhatiin ka ng matibay na bayan, ang bayan ng kakilakilabot na mga bansa ay matatakot sa iyo. Sapagka't ikaw ay naging ampunan sa dukha, ampunan sa mapagkailangan sa kaniyang kahirapan, silongan sa bagyo, lilim sa init, pagka ang hihip ng mga kakilakilabot ay parang bagyo laban sa kuta.” (Isaias 25:3, 4)

“At ang luklukan ay matatatag sa kagandahang-loob, at isa'y uupo roon sa katotohanan, sa tabernakulo ni David; na humahatol at humahanap ng kahatulan, at nagmamadaling nagsasagawa ng katuwiran.” (Isaias 16:5)

Yamang ayon sa kasulatang ito ang pagtatatag ng trono ni Cristo ay bagay pa sa hinaharap, at yamang ito’y itatatag sa tabernakulo ni David (na hindi naganap sa Kaniyang unang pagparito),

Kaya’t si Cristo, sa Kaniyang pagbabalik upang maghari sa Kaniyang darating na kaharian, ay uupo sa trono ni David. At yamang Siya’y hahatol, maghahanap ng katarungan, at magmamadali sa katuwiran, ang lahat ng ito ay magaganap bago magsara ang panahon ng probasyon—ang panahon kung kailan maaaring pabilisin ang katuwiran. Kaya’t napakahalaga ng propesiyang ito ukol sa lahi ni Cristo at sa Kaniyang paghawak ng “mga bagting ng pamamahala sa Kaniyang sariling mga kamay,” sapagkat ito ay ibinigay para sa “paalaala at pagkatuto” ng mga taong mabubuhay sa katapusan ng panahon, kapag “ang lahat ng mga bagay na ito ay magaganap.” Napakahalaga, kung gayon, na alalahanin ang mga mahahalagang aral nito, at gaya ng mga tapat, kumilos agad.

Miyerkules, Hunyo 11

Si Haman at si Satanas


Basahin ang Esther 3:1–14, Apocalipsis 12:14–17, at Apocalipsis 13:15. Anong mga pagkakapareho ang makikita ninyo sa mga talatang ito? Paanong naging katulad ng paglalarawan ni Juan sa nalabing iglesia ng Diyos ang paglalarawan ni Haman sa bayan ng Diyos ?

Ang pangunahing puntong dapat mapansin sa mga talatang ito ay matapos na ang Dragon at ang kaniyang mga anghel ay itinapon mula sa Langit (ang ikalawang pagkatalo ni Satanas), at matapos niyang usigin ang Iglesia at ito'y tumakas patungo sa ilang, sinundan siya ng Dragon roon, subalit sa halip na usigin siyang muli, nagbuga siya ng "tubig na parang baha" sa pagnanais na matangay siya. Sa ibang salita, nang makita niyang hindi niya mapigilan ang paglago ng Iglesiang Kristiyano sa pamamagitan ng pag-uusig sa mga tagasunod nito, binago niya ang kaniyang taktika at sa halip ay pinilit ang mga Pagano na sumapi sa Iglesia, sa pag-asang sa gayon ay kanyang ma-paganize ito – o "matangay."

Ngunit muli, ang Dragon ay mabibigo sa kanyang layunin, sapagkat ang lupa ay magbubuka ng kaniyang bibig at lalamunin ang baha. Ang ibig sabihin nito, malinaw na ipinapahayag ng Inspirasyon na ang mga sasapi sa Iglesia na may ibang layunin maliban sa sundin at isabuhay ang Katotohanan ay aalisin sa pamamagitan ng isang himala – lalamunin sila ng lupa, sa wika nga. At sa sandaling ito'y maganap, matatamo na ni Satanas ang kanyang ikatlong pagkatalo. Sa kabuuan, narito ang tatlong pagkatalo niya:

Una – Nabigong patayin ang Sanggol;

Ikalawa – Ang pagkatalo sa digmaan sa Langit;

Ikatlo – Nabigong i-paganize ang Iglesia sa pamamagitan ng pagbaha sa kanya ng mga di tunay na kumbertido

Kapag nangyari ang ikatlong pagkatalo – kapag ang mga panirang damo (tares) na kanyang inihasik ay susunugin (sapagkat bilang baha ay nilamon sila ng lupa, ngunit bilang mga damo ay sinusunog sila ng mga anghel Rev 12:16 at Mat 13: 30) – saka pa lamang lilitaw ang Iglesia na,

“maganda na parang buwan, maliwanag na parang araw, kakilakilabot na parang hukbo na may mga watawat... at siya’y yayaong nagtatagumpay, at upang magtagumpay.” – Prophets and Kings, p. 725

Dahil sa tatamuhing dakilang pagkatalo at pagkakita na ang Iglesia ay napalaya na mula sa kanyang baha, lalo pang lalala ang galit ng Dragon. Siya'y magagalit sa babae, at aalis upang bumaka sa nalabi sa kaniyang binhi, na siyang nagsisitupad ng mga utos ng Dios, at mga may patotoo ni Jesus:” (Rev 12:17), ang “Espiritu ng Hula” (Apoc. 19:10)

Maliwanag na ang nalabi ay yaong mga natira pagkatapos buksan ng lupa ang kaniyang bibig at lamunin ang baha. Bilang isang katawan, tinutupad nila ang mga utos ng Diyos, at taglay nila ang buhay na Espiritu ng Hula – ang Espiritung siyang nagdikta ng Banal na Kasulatan, na siyang gumabay sa bayan ng Diyos sa lahat ng katotohanan sa buong kasaysayan, at Siya'y patuloy pa ring gumagabay ngayon. Kaya't ang galit ng Dragon, at ang kadalisayan ng Iglesia na dulot ng ikatlong pagkatalo ng Dragon, ang siyang magdadala sa panahon ng kabagabagan, na hindi nangyari kailan man :

“At sa panahong yaon ay tatayo si Miguel, na dakilang prinsipe na tumatayo sa ikabubuti ng mga anak ng iyong bayan; at magkakaroon ng panahon ng kabagabagan, na hindi nangyari kailan man mula nang magkaroon ng bansa hanggang sa panahong yaon: at sa panahong yaon ay maliligtas ang iyong bayan, bawa't isa na masusumpungan na nakasulat sa aklat.” – Daniel 12:1

Wala nang mas mahalaga sa mundong ito maliban sa maitala ang mga pangalan sa Aklat. At ang ating mga pangalan ay maisusulat kung pipiliin nating sundin ang Espiritu ng Katotohanan at tuparin ang mga utos ng Diyos. Dito ay ating nakita na yaong mga nag-iisip na ang kautusan – ang sampung utos – ay “pinawi na,” na hindi na kailangang iayon ang kanilang buhay dito; at yaong mga naniniwala na ang Espiritu ng Hula ay isang bagay ng nakaraan, na iniwan na ng Diyos ang sanlibutan upang magsarili, na hindi na Siya nagpapadala ng propeta; ang lahat ng mga ito ay masusumpungang nakikibahagi sa dakilang Babilonia– ang luklukan ng Dragon. At sa halip na magkaroon ng kanilang mga pangalan sa Aklat, tatanggapin nila ang tatak ng hayop at makikibahagi sa pag-uusig sa nalabi na tumutupad ng mga utos ng Diyos at may patotoo ni Jesu-Cristo.

Huwebes, Hunyo 12

Dahil sa Pagkakataong Ganito


Basahin ang Esther 4:13, 14; Esther 5:1–3; at Esther 9:20–28. Anong mga aral ang makukuha natin mula sa mga talatang ito tungkol sa ating pagtakas sa mga huling sandali ng kasaysayan ng lupa?

“Ang mga pagsubok na naranasan ng bayan ng Diyos noong panahon ni Esther ay hindi natatangi lamang sa panahong iyon. Ipinahayag ng tagapaghayag ng Apocalipsis, habang tumatanaw sa hinaharap hanggang sa katapusan ng panahon:

“At nagalit ang dragon sa babae, at umalis upang bumaka sa nalabi sa kaniyang binhi, na siyang nagsisitupad ng mga utos ng Dios, at mga may patotoo ni Jesus.” – Apocalipsis 12:17.

May ilan sa mga nabubuhay ngayon sa mundo ang makakakita sa katuparan ng mga salitang ito. Ang parehong espiritu na noong mga nakaraang panahon ang nag-udyok sa mga tao upang usigin ang tunay na iglesia ay siya ring espiritung muling kikilos sa hinaharap upang usigin ang mga nananatiling tapat sa Diyos. Maging ngayon, ang mga paghahanda para sa huling dakilang labanan ay isinasagawa na. — PK 605.1

“Ang utos na sa huli ay ipatutupad laban sa nalabing bayan ng Diyos ay magiging kahalintulad ng utos na ipinalabas ni Ahasuero laban sa mga Judio. Sa kasalukuyan, nakikita ng mga kaaway ng tunay na iglesia ang maliit na grupo na nag-iingat ng utos tungkol sa Sabbath, bilang isang Mordecai na nasa pintuan. Ang paggalang ng bayan ng Diyos sa Kaniyang kautusan ay isang patuloy na pagsaway sa mga taong isinantabi na ang pagkatakot sa Panginoon at niyayapakan ang Kaniyang Sabbath. — PK 605.2

“Bubuhayin ni Satanas ang galit ng marami laban sa iilang hindi tumatanggap sa mga kinagawiang kaugalian at tradisyon ng karamihan. Ang mga taong may posisyon at mataas na reputasyon ay makikisama sa mga walang batas at masasama upang magkaisa ng payo laban sa bayan ng Diyos. Pagsasama-samahin ang kayamanan, talino, at edukasyon upang sila'y hamakin. Magkakaisa ang mga pinunong mapang-usig, mga ministro, at mga kasapi ng iglesia upang siraan at labanan sila. Sa pamamagitan ng salita at panulat—sa mga pagmamataas, pagbabanta, at panlilibak—sisikapin nilang sirain ang pananampalataya ng bayan ng Diyos. Sa pamamagitan ng maling paglalarawan at galit na panawagan, pupukawin nila ang damdamin ng masa.

Dahil wala silang “Ganito ang sabi ng Kasulatan” laban sa mga tagapagtanggol ng Sabbath ng Bibliya, gagamit sila ng mapaniil na mga batas upang punan ang kakulangan.

Upang mapanatili ang kasikatan at suporta, magpapasakop ang mga mambabatas sa panawagan para sa Sunday Law.

Ngunit yaong may takot sa Diyos ay hindi maaaring tumanggap ng isang kautusang lumalabag sa utos ng Sampung Utos.

Sa larangang ito magaganap ang huling dakilang tunggalian sa pagitan ng katotohanan at kamalian. At hindi tayo iniwang walang katiyakan ukol sa kalalabasan nito. Ngayon, gaya noong panahon nina Esther at Mordecai, ipagtatanggol ng Panginoon ang Kaniyang katotohanan at ang Kaniyang bayan.” — PK 605.3

Biyernes, Hunyo 13

Karagdagang Kaisipan

“Noong sinaunang panahon, kumilos ang Panginoon sa kahanga-hangang paraan sa pamamagitan ng mga babaeng itinalaga sa Kanya, na nakipagkaisa sa mga kalalakihang Kaniyang pinili upang kumatawan sa Kaniya. Gumamit Siya ng mga babae upang magtagumpay sa malalaki at mahalagang laban. Hindi lang minsan, kundi sa ilang pagkakataong kagipitan, inilagay Niya sila sa unahan at gumamit sa kanila upang iligtas ang maraming buhay. Sa pamamagitan ni Queen Esther, nakamit ng Panginoon ang isang makapangyarihang pagliligtas para sa Kaniyang bayan. Sa panahong tila wala nang kapangyarihang makapagliligtas sa kanila, si Esther at ang mga babaeng kasama niya, sa pamamagitan ng pag-aayuno, panalangin, at maagap na pagkilos, ay hinarap ang krisis at naging daan ng kaligtasan ng kanilang bayan.” — YRP 270.2

“Ang pag-aaral tungkol sa ginampanang bahagi ng mga babae sa gawain ng Diyos noong panahon ng Lumang Tipan ay magtuturo sa atin ng mga aral na makatutulong upang malampasan ang mga kagipitan sa gawain sa kasalukuyan. Maaaring hindi tayo mailagay sa isang kritikal at kilalang posisyon gaya ng karanasan ng bayan ng Diyos noong panahon ni Esther, ngunit madalas, ang mga babaeng tunay na nagbagong-loob ay makakaganap ng mahalagang tungkulin kahit sa mga mapagkumbabang kalagayan. Ito ay ginagawa na ng marami noon pa man, at handa pa ring gawin ng iba hanggang ngayon.

Tungkulin ng isang babae ang makipagtulungan sa kanyang asawa sa pagdidisiplina at paghubog sa kanilang mga anak, upang sila’y mapagbagong-loob at ang kanilang mga kakayahan ay maitalaga sa paglilingkod sa Diyos. Marami ang may kakayahang tumayo kasama ng kanilang mga asawa sa gawain sa mga sanatoryo—upang magbigay ng paggamot sa mga maysakit at magsalita ng mga salita ng payo at pagpapalakas ng loob sa kapwa.

May mga babae rin na nararapat na maghanap ng edukasyon upang maihanda ang kanilang sarili sa tungkulin ng pagiging mga manggagamot.” — Special Testimonies, Series B 15:1, 2 / YRP 270.3