“At papahirin niya ang bawa't luha sa kanilang mga mata; at hindi na magkakaroon ng kamatayan; hindi na magkakaroon pa ng dalamhati, o ng pananambitan man, o ng hirap pa man: ang mga bagay nang una ay naparam na.” KJV - Pahayag 21:4
“Sa maraming isipan, ang pinagmulan ng kasalanan at ang dahilan ng pag-iral nito ay isang bagay na lubhang mahirap unawain. Nakikita nila ang gawa ng kasamaan, kasama ang kakila-kilabot nitong bunga ng paghihirap at pagkawasak, at napapatanong sila kung paano ito napapahintulutang umiral sa ilalim ng pamamahala ng Isa na walang hanggan sa karunungan, kapangyarihan, at pag-ibig. Narito ang isang hiwaga na hindi nila maipaliwanag. At dahil sa kanilang kawalan ng katiyakan at pag-aalinlangan, nagiging bulag sila sa mga katotohanang malinaw na inihayag sa Salita ng Diyos at mahalaga sa kaligtasan. Mayroon namang sa kanilang pagsisiyasat tungkol sa pag-iral ng kasalanan ay nagsisikap saliksikin ang mga bagay na hindi kailanman inihayag ng Diyos; kaya't hindi nila natutugunan ang kanilang mga katanungan. Ang mga may likas na pag-aalinlangan at pagtutol ay ginagamit ito bilang dahilan upang tanggihan ang mga salita ng Banal na Kasulatan. Ang iba naman ay hindi ganap na nauunawaan ang malaking suliranin ng kasamaan, sapagkat ang tradisyon at maling pagpapaliwanag ay nagpalabo sa aral ng Biblia tungkol sa likas ng Diyos, sa katangian ng Kanyang pamamahala, at sa mga prinsipyo ng Kanyang pakikitungo sa kasalanan. GC88 492.1
“Imposibleng ipaliwanag nang ganap ang pinagmulan ng kasalanan upang bigyang-katwiran ang pag-iral nito. Gayunman, sapat na ang maaaring maunawaan tungkol sa parehong pinagmulan at kahahantungan ng kasalanan upang lubos na maihayag ang katarungan at kabutihan ng Diyos sa lahat ng Kanyang pakikitungo sa kasamaan. Walang itinuturo ang Kasulatan nang mas malinaw kaysa sa katotohanang hindi kailanman naging responsable ang Diyos sa pagpasok ng kasalanan. Walang masusumpungan na di-makatarungang pag-alis ng Kanyang biyaya ni anumang kakulangan sa Kanyang pamamahala na naging dahilan ng paghihimagsik. Ang kasalanan ay isang dayuhan na walang maipapakitang dahilan para sa pag-iral nito. Ito ay isang misteryo, hindi maipaliwanag; at ang pagbibigay-katwiran dito ay katumbas ng pagtatanggol dito. Kung mayroong maipapaliwanag na dahilan o maipakikitang dahilan para sa pag-iral nito, titigil na ito sa pagiging kasalanan. Ang tanging kahulugan natin ng kasalanan ay ang ibinigay sa Salita ng Diyos; ito ay “ang pagsalangsang sa kautusan;” ito ang pagbubunga ng isang prinsipyong laban sa dakilang kautusan ng pag-ibig na siyang pundasyon ng banal na pamamahala. GC88 492.2
Basahin ang Job 30:26, Jeremiah 12:1, Jeremiah 13:22, Malakias 2:17, at Psalm 10:1. Paano dinala ng mga talatang ito ang kasalanan sa unahan ng karanasan ng sangkatauhan?
“ Ang taong ito mismo ay maaaring magbigay ng malalaking donasyon sa iglesia, ngunit tatanggapin ba ng Diyos ang perang kinuha mula sa pamilya ng isang manglalasing? Ito’y nadungisan ng dugo ng mga kaluluwa, at ang sumpa ng Diyos ay nasa ibabaw nito. Sinasabi ng Diyos, “Sapagka't ako, ang Panginoon, ay umiibig ng kahatulan, aking ipinagtatanim ang pagnanakaw sangpu ng kasamaan.” Maaaring purihin ng iglesia ang pagiging bukas-palad ng isang nagbibigay ng ganitong handog, ngunit kung ang mga mata ng mga kaanib ay pahiran ng banal na pampahid, hindi nila tatawaging mabuti ang masama o tatawaging matuwid ang kasamaan. Sinasabi ng Panginoon, ‘Sa anong kapararakan ang karamihan ng inyong mga hain sa akin? … Nang kayo'y magsidating na pakita sa harap ko, sinong humingi nito sa inyong kamay, upang inyong yapakan ang aking mga looban? Huwag na kayong magdala ng mga walang kabuluhang alay; kamangyan ay karumaldumal sa akin.’ ‘Inyong niyamot ang Panginoon ng inyong mga salita. Gayon ma'y inyong sinasabi, Sa ano namin niyamot siya? Na inyong sinasabi, Bawa't gumagawa ng kasamaan ay mabuti sa paningin ng Panginoon, at kaniyang kinalulugdan sila; o saan nandoon ang Dios ng kahatulan?” RH Mayo 15, 1894, par. 9
Basahin ang Mateo 27:46. Paano mo naiintindihan ang mga salitang ito ni Jesus? Ano ang ipinahihiwatig nila tungkol sa kung paano naantig ng masama ang Diyos sa mga mas pkapansin-pansing paraan?
“Nang ika-siyam na oras, ang kadiliman ay naalis mula sa mga tao, ngunit nanatili ito sa Tagapagligtas. Ito ay isang sagisag ng matinding paghihirap at sindak na bumigat sa Kanyang puso. Walang matang makakakita sa dilim na bumalot sa krus, at wala ring makakaunawa sa mas malalim pang kadilimang bumalot sa naghihirap na kaluluwa ni Cristo. Ang nag-aalimpuyong kidlat ay tila ibinabagsak sa Kanya habang Siya’y nakabayubay sa krus. Pagkatapos, ‘Sumigaw si Jesus sa malakas na tinig, na sinasabi, Eli, Eli, lama sabachthani?’ sa makatuwid baga'y, Dios ko, Dios ko bakit mo ako pinabayaan?’ Habang bumabalot ang panlabas na dilim sa Tagapagligtas, maraming tinig ang sumigaw: Ang poot ng langit ay nasa Kanya. Ang mga palaso ng galit ng Diyos ay ibinagsak sa Kanya, sapagkat Kanyang inangking Siya ang Anak ng Diyos. Marami sa mga sumampalataya sa Kanya ang nakarinig ng Kanyang nakapanghihinang sigaw. Iniwan sila ng pag-asa. Kung pinabayaan ng Diyos si Jesus, saan pa makakapanalig ang Kanyang mga tagasunod? ” DA 754.3
“Napakabuti para sa atin kung palagi nating maaalala ang Kalbaryo, kung saan dinala ni Jesus ang mabigat na pasanin ng mga kasalanan ng sanlibutan. Sa Kanyang naghihingalong paghihirap, pakinggan natin Siyang sumisigaw, ‘Dios ko, Dios ko bakit mo ako pinabayaan!’ [Mateo 27:46.] at alalahanin nating tiniis Niya ang pagkubli ng mukha ng Kanyang Ama upang hindi ito manatiling nakakubli para sa nahulog na sangkatauhan. Tiniis Niya ang kahihiyan, malupit na paghampas, pang-iinsulto, at panlilibak upang tayo’y mapanumbalik sa Diyos at mailigtas mula sa walang hanggang kamatayan. Kung ang ating isipan ay mananatili sa mga paksang ito, ang ating pag-uusap ay magiging tungkol sa langit, kung saan natin inaasam ang Tagapagligtas, at ang mga walang kabuluhang mga pag-iisip ay mawawalan ng puwang.” GW92 419.2
Basahin ang Job 38:1–12. Paanong nagbigay-liwanag ang sagot ng Diyos kay Job sa problema ng kasamaan? Gaano karami ang alam at hindi natin alam kung ano ang maaaring nangyayari sa likod ng mga eksena?
“Lahat ay dapat makakita at makaunawa ng kanilang tungkulin para sa kanilang sarili, matapos hanapin ang karunungan mula sa Diyos. Siya lamang ang tanging maaari mong pagkatiwalaan ng iyong kaluluwa para sa ligtas na pag-iingat. Kung lalapit ka sa Kanya nang may pananampalataya, ipahahayag Niya sa iyo nang personal ang Kanyang mga hiwaga. Maaari kang makasama Niya sa makalangit na mga dako. Maaari nating maunawaan nang personal ang kalooban ng Diyos; maaari nating malaman kung ano ang nais Niyang ating gawin, sapagkat gagabayan Niya tayo kung buong puso tayong magpapasakop, magpapabanal, at magpapakumbaba sa Kanyang harapan. Madalas na mag-aalab ang ating puso habang Siya ay lumalapit upang makipagugnayan sa atin, tulad ng ginawa Niya kay Enoc. “Sino ito na nagpapadilim ng payo sa pamamagitan ng mga salita na walang kaalaman?” Kailangan natin Siya na tunay na liwanag, ang nagbibigay-liwanag sa bawat taong nasa sanlibutan..” 6MR 381.3
Basahin ang Job 42:3. Paano ipinaliwanag ng tugon ni Job kung ano ang dapat nating kilalanin tungkol sa ating sariling katayuan ?
“ Anong pakinabang ang naidudulot sa sanlibutan ng mga nagpapakilalang Kristiyano na walang anumang masasabi tungkol kay Jesus? Talaga bang sila ay nakatayo sa ilalim ng watawat ng Prinsipe Emmanuel kung hindi nila ginagawa ang tungkulin ng tapat na mga kawal Niya? Ang iyong pag-aaral ba ng kautusan ng Diyos, na siyang pamantayan ng lahat ng katuwiran, ay nagdala sa iyo upang isigaw gaya ni Isaias: “Sa aba ko! sapagka't ako'y napahamak; sapagka't ako'y lalaking may maruming mga labi, at ako'y tumatahan sa gitna ng bayan na may maruming mga labi: sapagka't nakita ng aking mga mata ang Hari, ang Panginoon ng mga hukbo?”Ang pagkakita mo ba sa kalagayang ito ay naghatid sa iyo sa pagkaunawa na ang tanging pag-asa mo ay nasa kay Cristo, ang Tagapagligtas na nagpapatawad ng kasalanan? Ang pagtanaw mo ba kay Jesus sa krus, na namatay para sa kasalanan ng tao, ay nagdala sa iyo sa pagsisisi sa paanan ng krus upang masabi mo tulad ni Job: “Kaya't ako'y nayayamot sa sarili, at nagsisisi ako sa alabok at mga abo”?
Lubusan mo na bang isinuko ang iyong kalooban sa kalooban ng Diyos, ang iyong mga daan sa Kanyang mga daan? Tinalikuran mo na ba ang pagtitiwala sa sarili, ang pagpaparangal sa sarili, at tinanggap si Jesus, na naging lahat-lahat sa iyo—ang iyong karunungan, katuwiran, pagpapakabanal, at pagtubos? Nakikita mo ba si Cristo bilang katuparan ng lahat ng tipo, ang mahalagang katotohanan sa likod ng lahat ng sagisag, ang ganap na kahulugan ng lahat ng simbolo? Ang mga uri at tipo ay itinakda mismo ni Cristo upang ipasa sa tao ang pagkaunawa sa plano ng kaligtasan na Kanyang ipinasiya para sa pagtubos ng sangkatauhan.” ST Agosto 24, 1891, par. 3
Basahin ang Awit 73. Paano inuunawa ng mang-aawit ang kasamaan at kawalang-katarungan sa kanyang paligid? Ano ang nakikita niya na naglalagay sa kanyang pang-unawa sa ibang pananaw ?
“Ang mahabang pagtitiis ng Diyos ay kamangha-mangha. Matagal na naghihintay ang katarungan habang ang awa ay namamanhik sa makasalanan. Ngunit “katuwiran at kahatulan ay patibayin ng kaniyang luklukan.” (Awit 97:2, margin). “Ang Panginoon ay banayad sa pagkagalit,” ngunit Siya ay “dakila sa kapangyarihan, at sa anomang paraan ay hindi aariing walang sala ang salarin: ang daan ng Panginoon ay sa ipoipo at sa bagyo, at ang mga ulap ay siyang alabok ng kaniyang mga paa.” Nahum 1:3 . COL 177.4
“Ang mundo ay naging mapangahas sa pagsalangsang sa kautusan ng Diyos. Dahil sa Kanyang mahabang pagtitimpi, niyurakan ng mga tao ang Kanyang kapangyarihan. Pinalakas nila ang isa't isa sa pang-aapi at kalupitan laban sa Kanyang bayan, na nagsasabi, “Paanong nalalaman ng Dios? At may kaalaman ba sa Kataastaasan?” Awit 73:11. Ngunit may hangganang hindi nila maaaring lampasan. Malapit na ang panahon na kanilang maaabot ang itinakdang limitasyon. Maging ngayon, halos nalampasan na nila ang hangganan ng mahabang pagtitiis ng Diyos, ang hangganan ng Kanyang biyaya, ang hangganan ng Kanyang awa. Ang Panginoon ay mamamagitan upang ipagtanggol ang Kanyang sariling karangalan, ililigtas ang Kanyang bayan, at pipigilin ang pagtaas ng kasamaan. COL 177.5
“Noong panahon ni Noe, hindi pinansin ng mga tao ang kautusan ng Diyos hanggang sa halos mabura na sa mundo ang alaala ng Maylalang. Umabot sa sukdulan ang kanilang kasamaan kaya nagpadala ang Panginoon ng malaking baha sa lupa at nilipol ang masasamang tao. COL 178.1
“Mula sa sali’t saling panahon, ipinakikilala ng Panginoon ang paraan ng Kanyang paggawa. Kapag dumating ang isang krisis, Siya ay nagpapahayag ng Kanyang sarili at namamagitan upang pigilan ang pagsasakatuparan ng mga balak ni Satanas. Sa mga bansa, sa mga pamilya, at sa mga indibidwal, madalas Niyang hinahayaang umabot sa sukdulan ang mga pangyayari upang ang Kanyang pagkilos ay maging hayag. Doon Niya ipinakikita na may Diyos sa Israel na magtataguyod ng Kanyang kautusan at magtatanggol sa Kanyang bayan. COL 178.2
“Sa panahong ito ng laganap na kasamaan, nalalaman natin na ang huling dakilang krisis ay malapit na. Kapag halos lahat ay naghihimagsik laban sa kautusan ng Diyos, kapag ang Kanyang bayan ay inaapi at pinahihirapan ng kanilang kapwa tao, ang Panginoon ay mamamagitan.” COL 178.3
Basahin ang Genesis 2:16, 17. Paano ipinapakita ng mga talatang ito ang kalayaang moral na ipinagkaloob kina Adan at Eva?
“Ang mga anghel, sa kanilang kagandahang-loob at pagmamahal, ay ibinigay sa kanila ang impormasyong nais nilang malaman. Ipinahayag din nila ang malungkot na kasaysayan ng pagrerebelde at pagbagsak ni Satanas. Pagkatapos, malinaw nilang ipinaalam na ang punong kahoy ng kaalaman ay inilagay sa halamanan bilang isang tanda ng kanilang pagsunod at pagmamahal sa Diyos; na ang mataas at maligayang kalagayan ng mga banal na anghel ay napanatili ayon sa kanilang naging pagsunod; at ganoon din naman sa kanilang kalagayan—na maaari silang sumunod sa kautusan ng Diyos at maging di-masukat ang kanilang kaligayahan, o sumuway at mawala ang kanilang mataas na kalagayan at mahulog sa walang pag-asang kawalan ng pag-asa. SR 29.3
“ Sinabi ng mga anghel kay Adan at Eba na hindi sila pipiliting sumunod ng Diyos—na hindi Niya inalis sa kanila ang kakayahang sumalungat sa Kanyang kalooban; na sila ay mga moral na nilalang, may kalayaang sumunod o sumuway. Isang utos lamang ang inilagay ng Diyos bilang pagsubok sa kanila. Kung susuwayin nila ang kalooban ng Diyos, tiyak na mamamatay sila. Ipinaalam sa kanila na ang pinakamataas na anghel, kasunod ni Cristo sa ranggo, ay tumangging sumunod sa kautusan ng Diyos na itinakda Niya upang pamahalaan ang mga nilalang sa langit; na ang pagrerebeldeng ito ay nagdulot ng digmaan sa langit, na humantong sa pagpapatalsik sa mga suwail, at bawat anghel na nakipagkaisa sa kanya sa pag-aalinlangan sa kapangyarihan ng dakilang Jehova ay pinalayas mula sa langit. Sinabi nila na ang nahulog na kaaway na ito ay naging kalaban ng lahat ng may kinalaman sa gawain ng Diyos at ng Kanyang minamahal na Anak. SR 30.1
“Binalaan sila ng mga anghel na layunin ni Satanas na ipahamak sila, kaya kailangang sila ay magbantay, sapagkat maaari nilang makasalamuha ang nahulog na kaaway; ngunit hindi siya makagagawa ng masama sa kanila hangga’t sila ay sumusunod sa utos ng Diyos, sapagkat kung kinakailangan, ang bawat anghel sa langit ay darating upang tulungan sila kaysa pahintulutang mapinsala sila sa anumang paraan. Ngunit kung susuwayin nila ang utos ng Diyos, magkakaroon ng kapangyarihan si Satanas na laging gambalain, lituhin, at pahirapan sila. Kung mananatili silang matatag laban sa unang panunukso ni Satanas, sila ay magiging ligtas tulad ng mga anghel sa langit. Ngunit kung sila ay magpapadala sa manunukso, Siya na hindi nagpatawad sa mga mataas na anghel ay hindi rin magpapatawad sa kanila. Kailangang pagdusahan nila ang kaparusahan ng kanilang pagsalangsang, sapagkat ang kautusan ng Diyos ay kasing-banal ng Kanyang sarili, at hinihingi Niya ang lubos na pagsunod mula sa lahat, sa langit at sa lupa.” SR 30.2
Basahin ang Roma 8:18 at Apocalipsis 21:3, 4. Paano tayo mabibigyan ng katiyakan ng mga tekstong ito na magtiwala sa kabutihan ng Diyos, sa kabila ng lahat ng kasamaan sa ating mundo ?
“Bagaman hindi ipinangako ng Panginoon sa Kanyang bayan ang pagkaligtas mula sa mga pagsubok, ipinangako Niya ang isang bagay na higit na mabuti. Sinabi Niya, “At kung paano ang iyong mga kaarawan ay magkagayon nawa ang iyong lakas.” “Ang aking biyaya ay sapat na sa iyo: sapagka't ang aking kapangyarihan ay nagiging sakdal sa kahinaan.” (Deuteronomio 33:25; 2 Corinto 12:9). Kung ikaw ay tawagin upang dumaan sa pugon ng apoy alang-alang sa Kanya, si Jesus ay magiging kasama mo gaya ng Kanyang pagsama sa tatlong tapat na lingkod sa Babilonia. Ang mga umiibig sa kanilang Manunubos ay magagalak sa bawat pagkakataon na makabahagi sa Kanya ng kahihiyan at pag-uusig. Ang pag-ibig na taglay nila para sa kanilang Panginoon ay nagpapasarap sa pagtitiis para sa Kanyang kapakanan. MB 30.1
“Sa lahat ng panahon, inusig ni Satanas ang bayan ng Diyos. Pinahirapan niya sila at pinatay, ngunit sa kanilang kamatayan, sila’y naging mga mananagumpay. Sa kanilang matibay na pananampalataya, ipinakita nila ang isang Mas Makapangyarihan kaysa kay Satanas. Kaya niyang pahirapan at patayin ang katawan, ngunit hindi niya maaaring galawin ang buhay na nakatago kay Cristo sa Diyos. Kaya niyang ikulong sila sa loob ng mga bilangguan, ngunit hindi niya maaaring igapos ang kanilang espiritu. Kaya nilang tingnan ang kabila ng kadiliman patungo sa kaluwalhatian, na sinasabi, “Sapagka't napatutunayan ko na ang pagtitiis sa panahong ito'y hindi karapatdapat maitumbas sa kaluwalhatiang mahahayag sa atin.” “Ang aming magaang kapighatian, na sa isang sangdali lamang, ay siyang gumagawa sa amin ng lalo't lalong bigat ng kaluwalhatiang walang hanggan;..” Roma 8:18 ; 2 Corinto 4:17 . MB 30.2
“Sa pamamagitan ng mga pagsubok at pag-uusig, ang kaluwalhatian—ang karakter—ng Diyos ay nahahayag sa Kanyang mga hinirang. Ang iglesya ng Diyos, bagaman kinapopootan at inuusig ng mundo, ay tinuturuan at dinidisiplina sa paaralan ni Cristo. Sila ay lumalakad sa makikitid na landas sa lupa; nililinis sila sa pugon ng kapighatian. Sinusundan nila si Cristo sa matitinding pakikibaka; nagtitiis sila ng pagtanggi sa sarili at nakakaranas ng mapait na pagkadismaya; ngunit sa pamamagitan ng kanilang mahirap na karanasan, natututuhan nila ang bigat ng kasalanan at kasamaan nito, kaya’t ito’y kanilang kinamumuhian. Sa pagiging mga kabahagi ng mga pagtitiis ni Cristo, nakatalaga rin silang maging mga kabahagi ng Kanyang kaluwalhatian. Sa banal na pangitain, nakita ng propeta ang tagumpay ng bayan ng Diyos. Sinabi niya, “At nakita ko ang gaya ng isang dagat na bubog na may halong apoy, at yaong nangagtagumpay... ay nangakatayo sa tabi ng dagat na bubog, na may mga alpa ng Dios. At inaawit nila ang awit ni Moises na alipin ng Dios, at ang awit ng Cordero, na sinasabi, Mga dakila at kagilagilalas ang iyong mga gawa, Oh Panginoong Dios, na Makapangyarihan sa lahat; matuwid at tunay ang iyong mga daan, ikaw na Hari ng mga bansa.” “Ang mga ito'y ang nanggaling sa malaking kapighatian, at nangaghugas ng kanilang mga damit, at pinaputi sa dugo ng Cordero. Kaya't sila'y nasa harapan ng luklukan ng Dios; at nangaglilingkod sa kaniya araw at gabi sa kaniyang templo: at siyang nakaupo sa luklukan, ay lulukuban sila ng kaniyang tabernakulo.” Apocalipsis 15:2, 3 ; 7:14, 15 . MB 31.1
“ Bago ang naging pagpasok ng kasamaan, may kapayapaan at kagalakan sa buong sansinukob. Ang lahat ay nasa ganap na pagkakaisa sa kalooban ng Manlilikha. Ang pag-ibig sa Diyos ay pinakamataas, at ang pag-ibig sa isa't isa ay walang kinikilingan. Si Cristo, ang Salita, ang Bugtong na Anak ng Diyos, ay kaisa ng walang hanggang Ama—isa sa likas, sa karakter, at sa layunin—ang tanging nilalang sa buong sansinukob na maaaring makapasok sa lahat ng payo at layunin ng Diyos. Sa pamamagitan ni Cristo, nilikha ng Ama ang lahat ng makalangit na nilalang. “Sapagka't sa kaniya nilalang ang lahat na mga bagay, sa sangkalangitan, ...maging mga luklukan o mga pagsakop o mga pamunuan o mga kapangyarihan” (Colosas 1:16); at kay Cristo, tulad ng sa Ama, ang buong langit ay nagbibigay ng katapatan. GC 493.1
“Yamang ang kautusan ng pag-ibig ang saligan ng pamamahala ng Diyos, ang kaligayahan ng lahat ng nilikha ay nakasalalay sa kanilang ganap na pagkakaisa sa dakilang mga prinsipyo ng katuwiran. Nais ng Diyos mula sa lahat ng Kanyang nilalang ang paglilingkod ng pag-ibig—ang pagsamba na nagmumula sa matalinong pagpapahalaga sa Kanyang karakter. Wala Siyang kasiyahan sa isang sapilitang katapatan, at pinagkakalooban Niya ng kalayaan ng kalooban ang lahat upang makapagbigay sila sa Kanya ng kusang-loob na paglilingkod. GC 493.2
“Ngunit may isa na pinili niyang gawing tiwali ang kalayaang ito. Ang kasalanan ay nagsimula sa kanya na, kasunod ni Cristo, ay siyang pinakamataas na pinarangalan ng Diyos at may pinakamataas na kapangyarihan at kaluwalhatian sa gitna ng mga naninirahan sa langit. Bago ang kanyang pagbagsak, si Lucifer ang nangungunang kerubin na tumatakip, banal at walang dungis. “Ganito ang sabi ng Panginoong Dios, iyong tinatatakan ang kabuoan, na puno ng karunungan, at sakdal sa kagandahan. Ikaw ay nasa Eden, na halamanan ng Dios; lahat na mahalagang bato ay iyong kasuutan.... Ikaw ang pinahirang kerubin na tumatakip: at itinatag kita, na anopa't ikaw ay nasa ibabaw ng banal na bundok ng Dios; ikaw ay nagpanhik manaog sa gitna ng mga batong mahalaga. Ikaw ay sakdal sa iyong mga lakad mula sa araw na ikaw ay lalangin, hanggang sa ang kalikuan ay nasumpungan sa iyo.” Ezekiel 28:12-15 .” GC 493.3