
“ At kung inaakala ninyong masama na maglingkod sa Panginoon, ay piliin ninyo sa araw na ito kung sino ang inyong paglilingkuran; kung ang mga dios ng inyong mga magulang na pinaglingkuran sa dako roon ng Ilog, o ang dios ng mga Amorrheo na ang lupain nila ay inyong tinatahanan: nguni't sa ganang akin at ng aking sangbahayan ay maglilingkod kami sa Panginoon.” — Josue 24:15
Habang papalapit na sa pagtatapos ng kanyang buhay si Josue, binalikan niya ang mga nagdaang karanasan ng bayan sa dalawang dahilan—una, upang akayin ang bayan ng Dios na magpasalamat sa malinaw na pagpapakita ng banal na pagkalinga ng Dios sa lahat ng kanilang paglalakbay; at ikalawa, upang dalhin sila sa pagpapakumbaba ng kaisipan sa pagkaunawa sa kanilang di-makatarungang mga pagdaing at pagrereklamo, at sa kanilang kapabayaan na sundin ang ipinahayag na kalooban ng Dios.” 4MR 220.1
“Nagpatuloy si Josue sa pagbibigay sa kanila ng taimtim na babala laban sa idolatriyang nakapaligid sa kanila. Sila’y binalaan na huwag magkaroon ng anumang ugnayan sa mga sumasamba sa diyus-diyosan—huwag makipag-asawa sa kanila, at huwag ilagay ang kanilang sarili sa anumang panganib na sila’y maapektuhan at masira ng kanilang mga karumal-dumal na gawain. Pinayuhan silang iwasan kahit ang anyo pa lamang ng kasamaan, at huwag makipaglaro sa mga hangganan ng kasalanan, sapagkat ito ang pinakatiyak na daan upang malubog sa kasalanan at kapahamakan. Ipinakita niya sa kanila na ang paglayo sa Dios ay magbubunga ng pagkawasak; at yamang tapat ang Dios sa Kanyang mga pangako, Siya rin ay tapat sa pagsasakatuparan ng Kanyang mga babala. Nais ng Panginoon na maisagawa din natin ang ganito sa ating sariling pamumuhay.” 4MR 220.2
Basahin ang Josue 24:2–13. Ano ang pangunahing layunin ng mensahe ng Diyos sa Israel?
“Bago pumanaw si Josue, ang mga pinuno at mga kinatawan ng mga lipi, bilang pagsunod sa kanyang panawagan, ay muling nagtipon sa Shekem. Walang ibang lugar sa buong lupain ang may ganito karaming banal na alaala—mga alaalang nagbabalik sa kanilang isipan sa tipan ng Dios kina Abraham at Jacob, at nagpapaalala rin ng sarili nilang mga taimtim na panata nang sila’y pumasok sa Canaan. Naroon ang mga bundok ng Ebal at Gerizim, mga tahimik na saksi sa mga panatang iyon na ngayo’y muli nilang pinagtitibay sa harap ng kanilang namamatay na pinuno. Sa lahat ng dako ay may mga patunay ng ginawa ng Dios para sa kanila—kung paanong ibinigay Niya sa kanila ang lupang hindi nila pinaghirapan, mga lunsod na hindi nila itinayo, at mga ubasan at mga taniman ng olibo na hindi nila itinanim. Muling binalikan ni Josue ang kasaysayan ng Israel, isinalaysay ang mga kahanga-hangang gawa ng Dios, upang ang lahat ay magkaroon ng malalim na pagkaunawa sa Kanyang pag-ibig at awa, at upang Siya’y kanilang paglingkuran ‘nang may katapatan at sa katotohanan.’” PP 522.4
“Sa tagubilin ni Josue, ang kaban ng tipan ay dinala mula sa Shilo. Ang okasyong ito ay puspos ng dakilang kabanalan, at ang sagisag na ito ng presensya ng Dios ay lalo pang nagpatibay ng mensaheng nais niyang ipaunawa sa bayan. Matapos ilahad ang kabutihan ng Dios sa Israel, kanyang tinawag sila, sa pangalan ni Jehova, na pumili kung sino ang kanilang paglilingkuran. Ang pagsamba sa mga diyus-diyosan ay patuloy pa ring ginagawa ng ilan nang lihim, kaya’t sinikap ni Josue na akayin sila sa isang pasyang tuluyang mag-aalis ng kasalanang ito sa Israel. Wika niya - ‘kung inaakala ninyong masama na maglingkod sa Panginoon, ay piliin ninyo sa araw na ito kung sino ang inyong paglilingkuran’ Nais ni Josue na akayin silang maglingkod sa Dios hindi sa pamamagitan ng pamimilit, kundi nang kusang-loob. Ang pag-ibig sa Dios ang tunay na saligan ng relihiyon. Ang maglingkod sa Kanya dahil lamang sa pag-asang tumanggap ng gantimpala o sa takot sa kaparusahan ay walang kabuluhan. Ang hayagang pagtalikod ay hindi higit na nakapipinsala sa Dios kaysa sa pagkukunwari at sa pormal ngunit walang-saysay na pagsamba.” PP 523.1
Ano ang pakiusap ni Josue sa mga Israelita na gawin? (Josue 24:14, 15). Ano ang kahulugan ng maglingkod sa Panginoon nang may katapatan at katotohanan?
“Hinimok ng matandang pinuno ang bayan na pag-isipan nang mabuti, sa lahat ng aspeto, ang mga bagay na kanyang inilatag sa harap nila, at magpasya kung tunay nga nilang nais mamuhay tulad ng mga hamak at sumasamba sa diyus-diyosang mga bansang nakapaligid sa kanila. Kung sa tingin nila’y masama ang maglingkod kay Jehova—ang pinagmumulan ng kapangyarihan at bukal ng pagpapala—pumili sila sa araw na iyon kung sino ang kanilang paglilingkuran: ‘ang mga diyos na pinaglilingkuran ng inyong mga magulang’ na mula sa kanila’y tinawag palabas si Abraham, ‘o ang mga diyos ng mga Amorreo, na sa lupain ninyo ngayo’y naninirahan.’ Ang mga huling salitang ito ay isang matalim na pagsaway sa Israel. Ang mga diyos ng mga Amorreo ay walang kakayahang ipagtanggol ang mga sumasamba sa kanila. Dahil sa kanilang karumal-dumal at nakabababang mga kasalanan, ang masamang bansang iyon ay nawasak, at ang mabuting lupain na minsan nilang tinirhan ay ibinigay sa bayan ng Dios. Anong kamangmangan para sa Israel na piliin ang mga diyos na ang pagsamba sa kanila ang naging dahilan ng pagkawasak ng mga Amorreo! ‘Ngunit para sa akin at sa aking sambahayan,’ wika ni Josue, ‘kami ay maglilingkod kay Jehova.’ Ang gayunding banal na sigasig na nagbigay-buhay sa puso ng pinuno ay naipasa sa bayan. Ang kanyang mga panawagan ay nagbunga ng walang pag-aalinlangang tugon: ‘Malayo nawa sa amin na aming pabayaan ang Panginoon sa paglilingkod sa ibang mga dios:’” PP 523.2
“At sinabi ni Josue sa bayan, Kayo'y hindi makapaglilingkod sa Panginoon; sapagka't siya'y isang banal na Dios; siya'y mapanibughuing Dios; hindi niya ipatatawad ang inyong pagsalangsang ni ang inyong mga kasalanan.” Jos 24:15-19 Bago magkaroon ng anumang matibay at pangmatagalang pagbabago, kinakailangang madama ng bayan ang kanilang ganap na kawalang-kakayahan, sa kanilang sarili, na sumunod sa Dios. Nilabag nila ang Kanyang kautusan; hinatulan sila nito bilang mga salarin, at wala itong inihandang paraan ng pagtakas. Habang sila’y nagtitiwala sa sarili nilang lakas at katuwiran, imposible para sa kanila na matamo ang kapatawaran ng kanilang mga kasalanan; hindi nila kayang tuparin ang hinihingi ng ganap na kautusan ng Dios, at walang kabuluhan ang kanilang pangakong maglingkod sa Kanya. Sa pamamagitan lamang ng pananampalataya kay Cristo nila matatamo ang kapatawaran ng kasalanan at ang lakas upang sundin ang kautusan ng Dios. Kinakailangan nilang tumigil sa pagtitiwala sa sarili nilang mga pagsisikap para sa kaligtasan at lubos na umasa sa mga merito ng ipinangakong Tagapagligtas, kung nais nilang tanggapin ng Dios.”
Ano ang naging tugon ng Israel sa panawagan ni Josue? (Josue 24:16–18). Bakit sa tingin mo ganoon ang naging reaksyon ni Josue sa kanilang sagot? (Josue 24:19–21).
“Sinikap ni Josue na akayin ang kanyang mga tagapakinig na pag-isipang mabuti ang kanilang mga sinasabi at umiwas sa mga panatang hindi sila handang tuparin. Subalit may malalim na kaseryosohan nilang inulit ang pahayag: ‘Hindi: kundi kami ay maglilingkod sa Panginoon.’ Sa taimtim na pagsang-ayon na sila mismo ang saksi laban sa kanilang sarili na pinili nila si Jehova, muli nilang pinagtibay ang kanilang panata ng katapatan: ‘Ang Panginoon naming Dios ang aming paglilingkuran, at ang Kanyang tinig ang aming susundin.’” PP 524.2
“Sa gayo'y nakipagtipan si Josue sa bayan nang araw na yaon, at nilagdaan niya sila ng palatuntunan at ng ayos sa Sichem.’ Matapos isulat ang tala ng banal at taimtim na pangyayaring ito, inilagay niya iyon, kasama ng aklat ng kautusan, sa tabi ng kaban. At nagtayo siya ng isang haligi bilang alaala, na sinasabi, ‘Narito, ang batong ito ay magiging saksi laban sa atin, sapagka't narinig nito ang lahat ng mga salita ng Panginoon, na kaniyang sinalita sa atin: ito nga'y magiging saksi laban sa inyo, baka ninyo itakuwil ang inyong Dios. Sa gayo'y pinapagpaalam ni Josue ang bayan, bawa't isa sa kaniyang mana.” PP 524.3 Josue 24:20-27
“Ang Israel ay ang natatanging kayamanan ng Panginoon. Ang mataas na pagpapahalagang ibinigay Niya sa kanila ay nahayag sa mga makapangyarihang himalang Kanyang ginawa alang-alang sa kanila. Kung paanong ang isang ama ay kumikilos sa minamahal na anak, gayon sinaklolohan, dinisiplina, at pinarusahan ng Panginoon ang Israel. Hinangad Niyang magtanim sa kanilang mga puso ng pag-ibig sa Kanyang likas at sa Kanyang mga hinihingi, na magbubunga ng kusang-loob na pagsunod.” ST, Mayo 26, 1881, talata 6
“Sa pamamagitan ng Kanyang bayan na Israel, nilayon ng Dios na ipaalam sa sanlibutan ang Kanyang kalooban. Ang Kanyang mga pangako at mga babala, ang Kanyang mga tagubilin at mga pagsaway, at ang mga kahanga-hangang pagpapakita ng Kanyang kapangyarihan sa gitna nila—mga pagpapala dahil sa pagsunod, at mga kahatulan dahil sa pagsuway at pagtalikod—lahat ng ito ay inilaan para sa pagtuturo at paghubog ng mga prinsipyo ng relihiyon sa bayan ng Dios hanggang sa wakas ng panahon. Kaya naman mahalagang pamilyar tayo sa kasaysayan ng bayan ng mga Hebreo at pagnilayan nang may lubos na pag-iingat ang mga pakikitungo ng Dios sa kanila.” ST, Mayo 26, 1881, talata 7
Basahin ang Josue 24:22–24. Bakit kailangang ulitin ni Josue ang kanyang pakiusap sa mga Israelita na alisin ang kanilang mga diyus-diyosan?
“Patuloy na binalaan ni Josue ang bayan na huwag gumawa ng mga padalus-dalos na pangako na hindi naman nila handang tuparin, kundi pag-isipang mabuti ang bagay na ito at magpasya nang may ingat tungkol sa landas na kanilang tatahakin sa hinaharap. ‘Kung inyong pabayaan ang Panginoon, at maglingkod sa ibang mga dios: ay hihiwalay nga siya at gagawan kayo ng kasamaan at lilipulin kayo pagkatapos na kaniyang nagawan kayo ng mabuti.’ Sa ganitong tapat na paraan ay sinikap niyang gisingin sa kanila ang mas mataas na pagkaunawa sa mga hinihingi ng Dios sa kanila, at ang mas malalim na pananalig na ang kanilang tanging kaligtasan ay nasa pagsunod sa Kanyang kautusan.” ST, Mayo 26, 1881, talata 3
“Sumagot ang kapulungan nang may iisang tinig, ‘Maglilingkod kami sa Panginoon..’ At sinabi ni Josue sa bayan, Kayo'y mga saksi laban sa inyong sarili na inyong pinili sa inyo ang Panginoon, upang paglingkuran siya. At sinabi nila, Kami ay mga saksi. Ngayon nga'y alisin ninyo, sabi niya, ang ibang mga dios na nasa gitna ninyo at ikiling ninyo ang inyong puso sa Panginoon, na Dios ng Israel. At sinabi ng bayan kay Josue, Ang Panginoon nating Dios ay aming paglilingkuran, at ang kaniyang tinig ay aming didinggin.” ST, Mayo 26, 1881, talata 4
“Ang taimtim na tipang ito ay itinala sa aklat ng kautusan upang banal na ingatan. Pagkatapos ay nagtayo si Josue ng isang malaking bato sa ilalim ng punong ensina na nasa tabi ng santuwaryo ng Panginoon. ‘At sinabi ni Josue sa buong bayan, Narito, ang batong ito ay magiging saksi laban sa atin, sapagka't narinig nito ang lahat ng mga salita ng Panginoon, na kaniyang sinalita sa atin: ito nga'y magiging saksi laban sa inyo, baka ninyo itakuwil ang inyong Dios.’ (Talata 27) Dito ay malinaw na ipinahayag ni Josue na ang kanyang mga tagubilin at mga babala sa bayan ay hindi sarili niyang mga salita, kundi mga salita ng Dios. Ang malaking batong ito ay mananatiling patotoo sa mga susunod na salinlahi tungkol sa pangyayaring ginunita nito, at magiging saksi laban sa bayan, kung sila’y muling babalik sa pagsamba sa diyus-diyosan.” ST, Mayo 26, 1881, talata 5
“Ang Israel ay ang natatanging kayamanan ng Panginoon. Ang mataas na pagpapahalagang ibinigay Niya sa kanila ay nahayag sa mga makapangyarihang himalang Kanyang ginawa para sa kanila. Kung paanong ang isang ama ay kumikilos sa minamahal na anak, gayon sinaklolohan, dinisiplina, at pinarusahan ng Panginoon ang Israel. Hinangad Niyang maghasik sa kanilang mga puso ng pag-ibig sa Kanyang likas at sa Kanyang mga hinihingi, na magbubunga ng kusang-loob na pagsunod.” ST, Mayo 26, 1881, talata 6
Basahin ang pangwakas na mga salita ng aklat ni Josue na isinulat ng isang kinasihang patnugot (Josue 24:29–33). Paanong hindi lamang tumutukoy ang mga salitang ito sa buhay ni Josue kundi tumatanaw rin patungo sa hinaharap?
“Ang pamamaalam na pananalita ni Josue sa Israel ay nag-iwan ng malalim na impresyon sa kanila. Batid nilang sila’y nakikinig sa kanyang huling patotoo bago siya pumanaw, at na walang damdamin ng pagmamataas, ambisyon, o pansariling kapakanan ang maaaring makaapekto sa kanyang mga sinabi. Sa mahabang karanasan, natutuhan ng matandang pinuno kung paano pukawin ang mga puso ng bayan. Nauunawaan niya ang kahalagahan ng kasalukuyang pagkakataon, kaya’t ginamit niya ito sa sukdulang paraan.” ST, Mayo 26, 1881, talata 1
“Ang kanyang mga taimtim na panawagan ay nagbunga ng ganitong tugon: ‘Malayo nawa sa amin na aming pabayaan ang Panginoon sa paglilingkod sa ibang mga dios:
Sapagka't ang Panginoon nating Dios ay siyang nagsampa sa atin at sa ating mga magulang mula sa lupain ng Egipto, mula sa bahay ng pagkaalipin, at siyang gumawa ng mga dakilang tandang yaon sa ating paningin, at iningatan tayo sa lahat ng daan na ating pinaroonan, at sa gitna ng lahat ng mga bayan na ating dinaanan:
At itinaboy ng Panginoon sa harap natin ang lahat ng mga bayan, ang mga Amorrheo na tumahan sa lupain: kaya't kami ay maglilingkod din sa Panginoon; sapagka't siya'y ating Dios.” ST, Mayo 26, 1881, talata 2
“Natapos na ang gawain ni Josue para sa Israel. Siya ay ‘lubos na sumunod sa Panginoon,’ at sa aklat ng Dios ay siya’y nakatala bilang ‘lingkod ni Jehova.’ Ang pinakadakilang patotoo sa kanyang pagkatao bilang pinunong bayan ay ang kasaysayan ng salinlahing nakinabang sa kanyang mga paglilingkod: ‘At naglingkod ang Israel sa Panginoon sa lahat ng mga araw ni Josue, at sa lahat ng mga araw ng mga matandang natirang nabuhay kay Josue.” (Talata 31) PP 524.4
“Sa atin ngayon ay sinasabi ni Cristo, ‘Kung wala Ako ay wala kayong magagawa.’ Siya ay higit na makapangyarihan kaysa sa pinakamalakas na kapangyarihan ng tao. Habang higit mong nakikilala ang sarili mong kahinaan, lalo mong dapat maunawaan ang pangangailangang umasa sa Dakilang Guro, at sa Kanyang lakas ay lalo kang magiging malakas. Sa iyong kahinaan ay Kanyang pinasasakdal ang Kanyang kapangyarihan. Pabanalin ninyo ang Panginoong Dios ng mga hukbo, at Siya ang inyong katakutan at pangilagan. Siya lamang ang inyong pagkatiwalaan; at bagama’t mahina ka, palalakasin ka Niya; bagama’t nanlulupaypay; bubuhayin ka Niya; bagama’t sugatan, pagagalingin ka Niya.” YI, Hunyo 20, 1901, talata 6
“Walang napapala ang tao sa padalus-dalos na pag-una sa Panginoon. Marami ang nag-akala na sapat na ang sarili nilang mga kakayahan para sa isang gawain. Ganyan ang inakala ni Moises nang patayin niya ang Egipcio. Ngunit napilitan siyang tumakas upang iligtas ang kanyang buhay at manirahan sa ilang. Doon ay nag-alaga siya ng mga tupa sa loob ng apatnapung taon, hanggang sa matutuhan niyang maging pastol ng mga tao. Lubos niyang natutunan ang aral na ito kaya’t bagama’t inihayag ng Panginoon ang Kanyang sarili sa kanya at nakipag-usap sa kanya nang mukhaan, gaya ng pakikipag-usap ng isang tao sa kanyang kaibigan, hindi siya nagmataas. ‘Sumunod ka sa Akin,’ wika ni Jesus. Huwag kang mauna sa Akin. Sumunod ka sa landas na tinatahak ng Aking mga yapak. Sa gayon ay hindi mo haharapin nang mag-isa ang mga hukbo ni Satanas. Hayaan mong Ako and mauna sa iyo, at hindi ka madaraig ng mga pakana ng kaaway.” YI, Hunyo 20, 1901, talata 7