Ang Diyos Ay Nakikipaglaban Para sa Inyo

Liksyon 5, Q4, Oktubre 25-Oktubre 31, 2025

img rest_in_christ
Ibahagi ang Liksyong ito
Download PDF

Hapon ng Sabbath Oktubre 25

Talatang Sauluhin:

“At ang lahat ng mga haring ito at ang kanilang lupain ay sinakop ni Josue na paminsan, sapagka't ipinakipaglaban ng Panginoon, ng Dios ng Israel.”— Joshua 10:42


“ Inutusan ni Moises ang mga mandirigmang lalaki na patayin ang mga kababaihan at mga batang lalaki. Ipinagbili ni Balaam ang mga anak ni Israel kapalit ng gantimpala, kaya’t siya mismo ay namatay kasama ng mga taong pabor sa kaniya—ang mga taong naging dahilan ng pagkamatay ng dalawampu’t apat na libong Israelita.

Marami ang nagsasabi na ang Panginoon ay malupit dahil iniutos Niya sa Kaniyang bayan na makipagdigma sa ibang mga bansa. Ayon sa kanila, ito ay salungat sa Kaniyang mapagkawanggawang likas. Ngunit Siya na lumikha ng sanlibutan at humubog sa tao upang manirahan sa lupa ay may ganap na kapangyarihan sa lahat ng gawa ng Kaniyang mga kamay. May karapatan Siyang gawin ayon sa Kaniyang kalooban, sapagkat ang lahat ay pag-aari Niya. Walang sinumang may karapatang magsabi sa Kaniyang Manlilikha, “Bakit mo ginagawa ito?” Sapagkat sa Kaniyang likas ay walang anumang kawalang-katarungan.

Siya ang Tagapamahala ng buong daigdig, subalit malaking bahagi ng Kaniyang mga nilalang ay naghimagsik laban sa Kaniyang kapangyarihan at niyurakan ang Kaniyang kautusan. Bagaman pinagpala Niya sila nang sagana at pinalibutan ng lahat ng bagay na kailangan nila, sila’y yumuko at sumamba sa mga larawang inanyuan—sa kahoy, bato, pilak, at ginto—na gawa ng kanilang sariling mga kamay. Itinuturo pa nila sa kanilang mga anak na ang mga diyus-diyusang ito ang nagbibigay sa kanila ng buhay, kalusugan, kasaganaan sa lupa, kayamanan, at karangalan.

Hinamak nila ang Diyos ng Israel at nilait ang Kaniyang bayan sapagkat ang kanilang mga gawa ay matuwid. “Sinabi ng mangmang sa kaniyang puso, Walang Diyos. Sila ay tiwali at gumawa ng mga kasuklam-suklam na bagay.” Ngunit pinagtityagaan sila ng Diyos hanggang sa tuluyan nilang mapuno ang sukat ng kanilang kasamaan. At nang dumating ang panahon ng Kaniyang paghuhukom, dinala Niya sa kanila ang biglaang kapahamakan. Ginamit Niya ang Kaniyang bayan bilang mga kasangkapan ng Kaniyang poot upang parusahan ang mga bansang masama—yaong mga nagpahirap sa kanila at nagakay sa kanila sa pagsamba sa mga diyus-diyusan. 1SP 328.1

Linggo Oktubre 26

Ang Kasamaan ng mga Cananeo


Basahin ang Genesis 15:16, Levitico 18:24–30, Deuteronomio 18:9–14, at Ezra 9:11. Ano ang sinasabi ng mga talatang ito tungkol sa mas malaking plano ng Diyos na ibigay ang lupain ng Canaan sa mga Israelita?

Ang ganap na paglipol sa mga taga-Jerico ay katuparan lamang ng mga utos na dati nang ibinigay ng Diyos kay Moises tungkol sa mga naninirahan sa Canaan: “Iyong sasaktan sila; ay lubos mo ngang lilipulin sila.” (Deuteronomio 7:2) At muli, “Sa mga bayan ng mga taong ito... ay huwag kang magtitira ng may buhay sa anomang bagay na humihing.” (Deuteronomio 20:16). Sa maraming tao, ang mga utos na ito ay tila salungat sa diwa ng pag-ibig at habag na itinuro sa ibang bahagi ng Biblia. Ngunit sa katotohanan, ang mga ito ay bunga ng walang hanggang karunungan at kabutihan ng Diyos. Itinatag ng Diyos ang Israel sa lupain ng Canaan upang sa kanila ay maipakita ang isang bansa at pamahalaan na magiging larawan ng Kaniyang kaharian sa lupa. Hindi lamang sila magiging tagapagmana ng tunay na relihiyon, kundi sila rin ang magiging kasangkapan upang maipalaganap ang mga prinsipyo nito sa buong sanlibutan.

Ang mga Cananeo ay lubos nang nalugmok sa pinakamasasamang uri ng pagsamba sa diyus-diyusan at mga gawing imoral. Kaya’t kinakailangan na malinis ang lupain mula sa mga bagay na tiyak na hahadlang sa katuparan ng mabuting layunin ng Diyos. PP 492.1

Ang mga naninirahan sa Canaan ay binigyan ng sapat na panahon upang magsisi. Apatnapung taon na ang nakalipas mula nang hatiin ng Diyos ang Dagat na Pula at ipakita ang Kaniyang mga kahatulan sa Egipto—isang patunay ng Kaniyang kapangyarihan bilang Diyos ng Israel. At ngayon, ang pagkatalo ng mga hari ng Midian, Gilead, at Basan ay lalong nagpatunay na si Jehova ay higit sa lahat ng mga diyos. Ang kabanalan ng Kaniyang likas at ang Kaniyang poot laban sa karumihan ay maliwanag na ipinakita nang parusahan Niya ang Israel dahil sa kanilang pakikibahagi sa mga kasuklam-suklam na ritwal ni Baal-peor. Ang lahat ng pangyayaring ito ay nabalitaan ng mga taga-Jerico. Marami sa kanila ang naniniwala, gaya ni Rahab, na si Jehova, ang Diyos ng Israel, “ay Diyos sa langit sa itaas at sa lupa sa ibaba.” Subalit bagaman alam nila ang katotohanang ito, tumanggi silang sumunod dito. Tulad ng mga tao bago ang Baha, ang mga Cananeo ay nabubuhay lamang upang lapastanganin ang Langit at dungisan ang lupa. Kaya’t ang pag-ibig at katarungan ng Diyos ay kapwa humiling ng agarang paghatol sa mga rebelde laban sa Kaniya—mga kaaway ng Diyos at ng sangkatauhan. PP 492.2

Lunes Oktubre 28

Ang Kataas-taasang Hukom


Basahin ang Genesis 18:25; Awit 7:11; Awit 50:6; Awit 82:1; Awit 96:10; at 2 Timoteo 4:1, 8. Ano ang sinasabi ng mga talatang ito tungkol sa moral na karakter ng Diyos? Paano nakatutulong ang papel ng Diyos bilang hukom ng sansinukob sa ating pag-unawa sa usapin ng banal na digmaan?

 Ang kaluwalhatian ng Diyos ay ang Kaniyang pagiging maawain, puspos ng pagtitiis, kabaitan, kabutihan, at katotohanan. Ngunit ang katarungang Kaniyang ipinapakita sa pagpaparusa sa makasalanan ay gayon ding tunay na kaluwalhatian ng Panginoon tulad ng pagpapahayag ng Kaniyang awa. — The Review and Herald, Marso 10, 1904. (LDE 240.1)

Ang Panginoong Diyos ng Israel ay maghahatol sa mga diyos ng sanlibutang ito gaya ng Kaniyang paghatol sa mga diyos ng Egipto. Sa pamamagitan ng apoy at baha, mga salot at lindol, wawasakin Niya ang buong lupain. Pagkatapos nito, itataas ng Kaniyang tinubos na bayan ang Kaniyang pangalan at gagawin itong maluwalhati sa buong lupa. Hindi ba dapat ang mga nabubuhay sa huling bahagi ng kasaysayan ng mundong ito ay maging matalino sa mga aral ng Diyos? — Manuscript Releases 10:240–241 (1899). (LDE 240.2)

Ang Isa na matagal nang namamagitan para sa atin, na nakikinig sa lahat ng taimtim na panalangin ng pagsisisi at mga pagtatapat, na inilalarawan na may bahagharing nakapalibot sa Kaniyang ulo—isang sagisag ng biyaya at pag-ibig—ay malapit nang tapusin ang Kaniyang gawain sa banal na santuwaryo sa langit. Sa panahong iyon, ang biyaya at awa ay aalis mula sa trono, at ang katarungan ang papalit. Siya na pinananabikan ng Kaniyang bayan ay tatanggap ng Kaniyang karapatan—ang tungkulin bilang Kataas-taasang Hukom. — The Review and Herald, Enero 1, 1889. (LDE 240.3)

Sa buong Biblia, ang Diyos ay hindi lamang inilarawan bilang Diyos ng awa at kabaitan, kundi bilang Diyos ng mahigpit at walang kinikilingang katarungan. — The Signs of the Times, Marso 24, 1881. (LDE 240.4)

Ang Katiyakan ng mga Hatol ng Diyos

Ang pag-ibig ng Diyos sa ating panahon ay madalas na inilalarawan sa paraang tila ipinagbabawal Niya na wasakin ang makasalanan. Pinapairal ng mga tao ang kanilang mababang pamantayan ng katuwiran at katarungan. “Iyong inisip na tunay na ako'y gayong gaya mo.” (Awit 50:21). Sinusukat nila ang Diyos ayon sa kanilang sarili. Isinasaalang-alang nila kung paano sila kikilos sa ilalim ng ganoong kalagayan at ipinapalagay nilang ganoon din ang gagawin ng Diyos. — (LDE 240.5)

“Sila'y may pinakahari na anghel ng kalaliman: ang kaniyang pangalan sa wikang Hebreo ay Abaddon, at sa Griego ay may pangalan siyang Apolyon.” — Apocalipsis 9:11 (KJV)

Ang Abadon, pangalan ni Cristo sa wikang Hebreo na nangangahulugang “maninira,” ay nagpapakita na noong panahon ng Lumang Tipan, nilipol lamang Niya ang marami sa Kaniyang mga kaaway. Samantalang ang Apolyon, ang Kaniyang pangalan sa wikang Griyego na nangangahulugang “tagapaglipol” o “tagapagpuksa,” ay nagpapakita na sa panahon ng Bagong Tipan, lilipulin Niya ang lahat ng masasama. (Kay gandang katumpakan ng kahulugan sa mga simbolikong pangalang ito!) At ang gawaing ito ng ganap na paglipol ay malinaw na inilarawan sa pinakamatinding tagpo. — 5TR 71.2

Martes Oktubre 28

Pagpapaalis o Paglipol


Ihambing ang Exodo 23:28–30; Exodo 33:2; Exodo 34:11; Bilang 33:52; at Deuteronomio 7:20 sa Exodo 34:13; Deuteronomio 7:5; Deuteronomio 9:3; Deuteronomio 12:2, 3; at Deuteronomio 31:3, 4. Ano ang ipinakikita ng mga talatang ito tungkol sa layunin ng pananakop at lawak ng pagkawasak? 

Ang mga Hebreo ay inutusan na paalisin at lubos na lipulin ang mga naninirahan sa Canaan, sapagkat napuno na nila ang sukat ng kanilang kasamaan; ngunit ang mga Edomita ay nasa panahon pa ng pagsubok at, bilang gayon, ay dapat tratuhing may habag. Ang Diyos ay nalulugod sa kahabagan, at ipinapakita Niya ang Kaniyang malasakit bago Niya ipataw ang Kaniyang mga kahatulan. Itinuro Niya sa Israel na ipagparaya ang mga taga-Edom bago Niya hingin sa kanila na lipulin ang mga taga-Canaan. — Patriarchs and Prophets, p. 423.2

Bagaman nasupil na ang mga Cananeo, sila ay nananatiling nagmamay-ari ng malaking bahagi ng lupang ipinangako sa Israel. Kaya pinayuhan ni Josue ang bayan na huwag magpakampante at kalimutan ang utos ng Panginoon na lubos na paalisin ang mga bansang sumasamba sa diyus-diyusan. — Patriarchs and Prophets, p. 521.2

Ngunit sa pangkalahatan, ang mga tao ay naging mabagal sa pagtupad ng gawaing ito ng pagpapaalis sa mga bansang pagano. Ang mga lipi ay nagsiuwi na sa kani-kanilang mga lupaing mana, ang hukbo ay nabuwag na, at inakala nilang mahirap at walang katiyakang muling simulan ang digmaan. Ngunit sinabi ni Josue: “At itataboy sila ng Panginoon ninyong Dios mula sa harap ninyo, at palalayasin sila sa inyong paningin, at inyong aariin ang kanilang lupain na gaya ng sinalita ng Panginoon ninyong Dios sa inyo. Kaya't kayo'y magpakatapang na mabuti na ingatan at gawin ang lahat na nakasulat sa aklat ng kautusan ni Moises na huwag kayong lumiko sa kanan o sa kaliwa.”Patriarchs and Prophets, p. 521.3; Jos 23:5-6

Nang si David ay tuluyang maupo sa trono ng Israel, sinimulan niyang hanapin ang pinakaangkop na lugar para maging kabisera ng kaharian. Dalawampung milya mula sa Hebron ay napili ang lugar na magiging hinaharap na kabisera ng kaharian. Bago pa man pinamunuan ni Josue ang mga hukbo ng Israel sa pagtawid sa Jordan, ang lugar na ito ay tinawag nang Salem. Malapit dito ay sinubok ni Abraham ang kaniyang katapatan sa Diyos. Walong daang taon bago ang pagkahirang kay David, ito na ang tahanan ni Melchizedek, ang saserdote ng Kataas-taasang Diyos. Ang lugar ay nasa gitna at mataas na posisyon sa bansa, at napalilibutan ng mga burol na nagsisilbing pananggalang. Dahil ito ay nasa hangganan ng mga lipi ni Benjamin at Juda, at malapit sa Ephraim, madali itong mapuntahan ng iba pang mga lipi. — Patriarchs and Prophets, p. 703.1

Upang makamit ang lokasyong ito, kinailangang paalisin ng mga Hebreo ang natitirang mga Cananeo na nagtataglay ng matibay na kuta sa mga bundok ng Sion at Moria. Ang tanggulang ito ay tinatawag na Jebus, at ang mga naninirahan dito ay kilala bilang mga Jebusita. Sa loob ng maraming siglo, itinuring ang Jebus na di-matutuligsa o hindi masusugpo, subalit ito ay sinakop ng mga Hebreo sa ilalim ng pamumuno ni Joab, na bilang gantimpala sa kaniyang katapangan ay ginawang punong-heneral ng hukbo ng Israel. Ang Jebus ay naging pambansang kabisera, at ang dating paganong pangalan nito ay pinalitan ng Jerusalem. — Patriarchs and Prophets, p. 703.2

Miyerkules Oktubre 29

Malayang Pagpili


Basahin ang Deuteronomio 20:10, 15–18; Deuteronomio 13:12–18; at Josue 10:40. Paano nakatutulong ang batas ng pakikidigma at ang pamamaraan laban sa isang bayan na sumasamba sa diyus-diyosan sa Israel, na ipinahayag sa Deuteronomio, upang tulungan tayong maunawaan ang mga limitasyon ng ganap na paglipol sa digmaang kinasangkutan ng mga Israelita?

Ayon sa utos ni Josue, dinala ang kaban ng tipan mula sa Shiloh. Ang pagkakataong iyon ay isang napakaseryosong pagtitipon, at ang kaban—na sagisag ng presensiya ng Diyos—ay lalong nagpalalim sa banal na damdaming nais niyang iparating sa bayan. Matapos niyang ipaalala sa kanila ang kabutihan ng Diyos sa Israel, tinawag niya sila sa ngalan ni Jehova upang pumili kung sino ang kanilang paglilingkuran.

Ang pagsamba sa mga diyus-diyusan ay patagong isinasagawa pa rin ng ilan, kaya’t sinikap ni Josue na dalhin sila sa isang pasiyang tuluyang mag-aalis ng kasalanang ito sa Israel. Sinabi niya, “At kung inaakala ninyong masama na maglingkod sa Panginoon, ay piliin ninyo sa araw na ito kung sino ang inyong paglilingkuran.” Jos 24:15 Nais ni Josue na maglingkod sila sa Diyos hindi dahil sa pamimilit, kundi nang may kusang-loob. Ang pag-ibig sa Diyos ang pinakapundasyon ng tunay na relihiyon. Ang paglilingkod sa Kaniya dahil lamang sa pag-asang tumanggap ng gantimpala o sa takot na maparusahan ay walang kabuluhan. Ang lantad na pagtalikod ay hindi mas nakasusuklam sa Diyos kaysa sa pagpapaimbabaw at pormalidad lamang sa pagsamba. — Patriarchs and Prophets, p. 523.1

Hinimok ng matandang pinuno ang bayan na pag-isipan nang mabuti ang lahat ng kaniyang sinabi at pagpasiyahan kung tunay nga bang nais nilang mamuhay tulad ng mga tiwaling bansang sumasamba sa diyus-diyusan sa kanilang paligid. Kung tila masama sa kanila ang maglingkod kay Jehova—ang pinagmumulan ng kapangyarihan at bukal ng pagpapala—hayaan silang sa araw na iyon pumili kung sino ang kanilang paglilingkuran: “ang mga diyos na pinaglingkuran ng inyong mga magulang,” na siyang iniwan ni Abraham, o “ang mga diyos ng mga Amorrheo, na ang lupain ay inyong tinitirhan.”Ang mga huling salitang ito ay isang matalim na pagsaway sa Israel. Ang mga diyos ng mga Amorrheo ay hindi man lamang nakapagligtas sa kanilang mga mananamba. Dahil sa kanilang mga kasuklam-suklam at napakababang mga kasalanan, nilipol ang bansang iyon, at ang mabuting lupain na dati nilang tinirhan ay ibinigay sa bayan ng Diyos. Kay laking kahangalan para sa Israel na piliin ang mga diyus-diyusang siyang naging dahilan ng pagkawasak ng mga Amorrheo! Sinabi ni Josue, “Nguni't sa ganang akin at ng aking sangbahayan ay maglilingkod kami sa Panginoon.” Ang gayong banal na alab ng pananalig na nagpasigla sa puso ng pinuno ay nahawa rin sa buong bayan. Ang kaniyang mga panawagan ay nagbunga ng agarang tugon mula sa kanila: “Huwag nawang pahintulutan ng Diyos na kami’y tumalikod kay Jehova upang maglingkod sa ibang mga diyos.” — Patriarchs and Prophets, p. 523.2

Huwebes Oktubre 30

Ang Prinsipe ng Kapayapaan


Paano inilarawan ng mga sumusunod na talata ang kinabukasang iniisip ng Diyos para sa Kanyang bayan? Isaias 9:6; Isaias 11:1–5; Isaias 60:17; Hoseas 2:18; Mikas 4:3.

“Narito, nasa ibabaw ng mga bundok ang mga paa niyang nangagdadala ng mga mabuting balita, na nangaghahayag ng kapayapaan! Ipagdiwang mo ang iyong mga kapistahan, Oh Juda, tuparin mo ang iyong mga panata; sapagka't ang masama ay hindi na dadaan pa sa iyo; siya'y lubos na nahiwalay.” (KJV — Nahum 1:15)

“Tandaan ninyo na ang tawag sa bayan ng Diyos ay ‘Juda.’ Sila ay pinayuhang pagmasdan ang sugo ng Diyos na sa katuparan ng hulang ito ay magdadala sa kanila ng mabuting balita—mga balita ng kapayapaan... ang mensahe ng Kaharian ng kapayapaan (Isaias 11:6–9). Pinayuhan sila ng Panginoon na maging tapat sa Kanya, tapat sa kanilang ipinahahayag na pananampalataya. Bukod dito, tiniyak sa kanila na sa katuparan ng hulang ito, aalisin ng mga anghel na mamumuksa ang masasama mula sa gitna ng mga matuwid. Kaya’t ang masasama ang siyang kukunin o aalisin, at mawawala magpakailanman.”

“At mangyayari, sa araw na yaon na ang angkan ni Isai, na tumatayong pinakawatawat ng mga bayan, hahanapin ng mga bansa; at ang kaniyang pahingahang dako ay magiging maluwalhati..” (KJV — Isaias 11:10)

“Ibig sabihin, sa araw ng Sanga na ito ni Isai (sa kapanahunan ng Kristiyanismo), sa araw na mabuo ang ‘family tree’ na ito, doon uusbong ang Kaharian ng kapayapaan (ang dalisay na iglesia), na parang tumutubo mula sa lupa. Ito ay tatayo bilang watawat para sa mga bayan, at sa kanya ay hahanapin ng mga Gentil ang kaligtasan. Maliwanag, kung gayon, na ang matandang punong-pamilyang ito—ang Kaharian—ay itatatag habang bukas pa ang pinto ng awa. Bukod dito, ang lugar kung saan ito tatayo (mananatili) ay magiging maluwalhati. Kaya’t ito ay magkakaroon ng sariling lokasyon at hangganan. Ito’y magiging dako ng pagtitipon ng bayan—ang kaban ng kaligtasan sa ating panahon, gaya ng arka ni Noe noong panahon ni Noe. Muli, tayo ay dinala sa parehong katotohanang itinuturo ng Isaias kabanata 2 at Mikas kabanata 4.”

Basahin ang 2 Hari 6:16–23. Anong mga pananaw ang ibinibigay ng kuwentong ito tungkol sa mas malalim na mga layunin ng Diyos para sa Kaniyang bayan at sangkatauhan?

“Ang mga tapat na lingkod ng Diyos ay hindi naglilingkod nang nag-iisa. Habang ang mga pamunuan, kapangyarihan, at masasamang espiritu sa mga dakong itaas ay nagsanib laban sa kanila, hindi pinabayaan ng Panginoon ang Kanyang bayan. Kung mabubuksan lamang ang kanilang mga mata, makikita sana nila ang malinaw na katibayan ng banal na presensiya at tulong, tulad ng ipinakita sa isang propeta noong una. Nang ituro ng lingkod ni Eliseo sa kanyang panginoon ang hukbong kaaway na nakapaligid sa kanila at pumipigil sa lahat ng daan ng pagtakas, nanalangin ang propeta: ‘Idinadalangin ko sa iyo, Panginoon, na idilat ang kaniyang mga mata.’ (2 Hari 6:17). At narito, ang bundok ay napuno ng mga karuwahe at mga kabayong apoy—ang hukbo ng langit na nakatalaga upang ingatan ang bayan ng Diyos.” — GC 208.4

“‘Huwag kang matakot,’ ang tugon ng propeta, ‘sapagkat silang kasama natin ay higit kaysa kanila.’ At upang makita ng lingkod ang katotohanang ito sa kanyang sarili, ‘nanalangin si Eliseo at nagsabi, Panginoon, ipinamamanhik ko sa Iyo, buksan Mo ang kanyang mga mata upang siya’y makakita.’ At binuksan ng Panginoon ang mga mata ng binata, at siya’y nakakita: at narito, ang bundok ay puno ng mga kabayo at mga karuwahe ng apoy sa palibot ni Eliseo.’ Sa pagitan ng lingkod ng Diyos at ng mga hukbo ng kaaway ay may nakapalibot na hukbo ng mga anghel ng langit. Sila’y bumaba na may dakilang kapangyarihan, hindi upang puksain o humingi ng pagsamba, kundi upang magkampo sa palibot at maglingkod sa mahihina at walang kalaban-labang mga lingkod ng Panginoon.” — PK 256.4

Biyernes Oktubre 31

Karagdagang Kaisipan

“Ang lahat ng tunay na nagbalik-loob na kaluluwa ay magpapakita ng pagsisisi sa Diyos, sapagkat kanilang nilabag ang Kanyang kautusan.

Napakaingat at may takot ang makasalanang Israel sa paghiling ng kapatawaran ng Diyos at sa muling pagtanggap sa Kanyang banal na paglingap. Hindi ito pawang anyo o pormalidad lamang sa kanila, kundi isang taimtim at marubdob na pagsusumamo.

Kung sa ating kapanahunan ay makikita rin ang mga hayagang pagpapahayag ng poot ng Diyos at ang biglaang kaparusahan na agad sumusunod sa paggawa ng kasalanan—gaya ng naranasan noon ng Israel—mas kakaunti sana ang mga taong matapang na lumalabag at lumalaban sa kautusan ng Diyos.

Ngunit marami ngayon ang nagpapatuloy sa kasalanan, dinadaya ang kanilang budhi sa pag-aakalang ang biyaya ay labis na malaya at sagana kaya hindi na sila pananagutin. Subalit ang dakilang Diyos ay kasing-seloso pa rin sa Kanyang kautusan gaya noong panahon ni Moises. Bagaman Siya’y matagal magtiis sa mga pusong suwail, tiyak Niyang parurusahan ang lahat ng lumalabag sa Kanyang banal na kautusan.

Binigyan ng Diyos ng panahon ng pagsubok ang masasamang bansa. Ipinakita Niya sa kanila ang mga katibayan ng kapangyarihan ng tunay at buhay na Diyos, upang makita at maunawaan nila ang kahigitan ng Diyos ng langit kaysa sa kanilang mga walang-buhay na diyus-diyosan. Subalit ayon sa liwanag na ibinigay sa kanila ay gayon din ang bigat ng kahatulan.

Kung pinili nila ang sarili nilang daan sa halip na ang mga daan ng Diyos, at ang sarili nilang kasamaan sa halip na ang katuwiran ng Diyos—kapag ang ganitong pasiya ay tuluyan nang nagawa—darating na ang oras ng Diyos upang sila’y parusahan.”—  Signs of the Times, Hunyo 3, 1880, talata 8