At sila'y nangagaawitan ng isang bagong awit, na nagsasabi, Ikaw ang karapatdapat na kumuha ng aklat, at magbukas ng mga tatak nito: sapagka't ikaw ay pinatay, at binili mo sa Dios ng iyong dugo ang mga tao sa bawa't angkan, at wika, at bayan, at bansa.” KJV - Pahayag 5:9
Ang presensya ng Kordero sa harap ng trono ay nagpapaunawa sa atin na “kung ang sinoman ay magkasala, ay may Tagapamagitan tayo sa Ama, si Jesucristo ang matuwid." 1 Juan 2:1
Ang pitong sungay ng Kordero ay nangangahulugan ng ganap na kapangyarihan at awtoridad, bilang katiyakan na sinabi ni Cristo: "Ang lahat ng kapamahalaan sa langit at sa ibabaw ng lupa ay naibigay na sa akin." Mateo 28:18. Ang Kanyang walang hanggang kapangyarihan ay para sa ating ikabubuti, at para sa ating kapakinabangan. Ipinahayag Niya: "Kung magkaroon kayo ng pananampalataya na kasinglaki ng butil ng binhi ng mostasa, ay masasabi ninyo sa bundok na ito, Lumipat ka mula rito hanggang doon; at ito'y lilipat; at sa inyo'y hindi may pangyayari." Mateo 17:20.
Ang pitong mata ng Kordero ay nagpapahiwatig na ang lahat ng bagay ay hayag at lantad sa Kanya.
“Saan ako paroroon na mula sa iyong Espiritu? O saan ako tatakas na mula sa iyong harapan? Kung sumampa ako sa langit, nandiyan ka: kung gawin ko ang aking higaan sa Sheol, narito, ikaw ay nandoon. Kung aking kunin ang mga pakpak ng umaga, at tumahan sa mga pinakadulong bahagi ng dagat; Doon ma'y papatnubayan ako ng iyong kamay, at ang iyong kanang kamay ay hahawak sa akin. Kung aking sabihin, Tunay na tatakpan ako ng kadiliman, at ang liwanag sa palibot ko ay magiging gabi; Ang kadiliman man ay hindi nakakukubli sa iyo, kundi ang gabi ay sumisilang na parang araw: ang kadiliman at kaliwanagan ay magkaparis sa iyo.” Awit 139:7-12.
Ihambing ang Isaias 1:2–15 sa Isaias 56:6-7 at Awit 51:17 . Anong mga mahahalagang aral tungkol sa mga pag-aalay ang itinuturo rito ?
“ Ang propetang si Mikas na nagpatotoo sa mga panahong yaong puno ng kaguluhan ay nagpahayag na ang mga makasalanan sa Sion, habang inaangkin nilang "sasandal sa Panginoon," at mapanghamak na nagmamapuri at nagsasabi, "Hindi baga ang Panginoon ay nasa gitna natin? walang kasamaang darating sa akin," ay nagpatuloy naman na " itinatayo ang Sion sa pamamagitan ng dugo, at ang Jerusalem sa pamamagitan ng kasamaan.." Mikas 3:11, 10. Laban sa mga kasamaan na ito, itinaas ng propetang si Isaias ang kanyang tinig sa matinding pagsaway: " Pakinggan ninyo ang salita ng Panginoon, ninyong mga pinuno ng Sodoma; mangakinig kayo sa kautusan ng ating Dios, kayong bayan ng Gomorra. Sa anong kapararakan ang karamihan ng inyong mga hain sa akin? sabi ng Panginoon... Nang kayo'y magsidating na pakita sa harap ko, sinong humingi nito sa inyong kamay, upang inyong yapakan ang aking mga looban?" Isaiah 1:10-12. Prophets and Kings, page 322.2
Ipinahayag ng Inspirasyon: "Ang hain ng masama ay karumaldumal: gaano pa nga, pagka kaniyang dinadala na may masamang isip!." Kawikaan 21:27. Ang Diyos ng langit ay "may mga matang malinis kay sa tumingin ng kasuwailan, at hindi makatitingin sa kasamaan.” Habakuk 1:13. Hindi dahil sa ayaw Niyang magpatawad kaya Siya tumatalikod sa nagkakasala; kundi dahil tumatanggi ang makasalanan na gamitin ang masaganang probisyon ng biyaya, kaya't hindi siya maililigtas ng Diyos mula sa kasalanan. "ang kamay ng Panginoon ay hindi umiksi, na di makapagligtas; ni hindi man mahina ang kaniyang pakinig, na di makarinig. Kundi pinapaghiwalay ng inyong mga kasamaan kayo at ang inyong Dios, at ang inyong mga kasalanan ay siyang nagpakubli ng kaniyang mukha sa inyo, upang siya'y huwag makinig.” Isaias 59:1-2. Prophets and Kings, pahina 323.1
Kaya't maunawaan nawa ng lahat ng miyembro ng sambahayan na ang gawain ay dapat magsimula sa puso. Ang puso ay dapat magpasakop at magsisi sa pamamagitan ng nilikhang, muling nagpapagbagong kapangyarihan ng Banal na Espiritu. The Review and Herald, March 14, 1893. Christian Education, page 231.1
Ang tao ay kailangang mamatay sa sarili bago siya ganap na makapanampalataya kay Jesus. Kapag itinakwil na ang sarili, saka pa lamang magagawa ng Panginoon na gawing bagong nilalang ang tao. Ang mga bagong sisidlan lamang ang makakayanan ang bagong alak. Ang pag-ibig ni Cristo ang magbibigay buhay sa mananampalataya ng isang bagong buhay. Sa kaniya na tumitingin sa May-akda at Tagatapos ng ating pananampalataya, mahahayag ang likas ni Cristo. The Desire of Ages, page 280.4
Basahin ang Mga Hebreo 10:3–10 . Ano ang itinuturo sa atin ng talatang ito tungkol sa mga sakripisyo na inialay ng bayan ng Diyos sa Lumang Tipan? Kung hindi talaga maililigtas ang mga makasalanan ng mga sakripisyong ito, bakit pa sila iaalay?
Ang tipang ito ay dapat patibayin sa pamamagitan ng sariling dugo ni Cristo, na siyang layunin ng mga dating handog upang laging ipaalala ito sa kanilang isipan. Nauunawaan ito ni apostol Pablo nang kanyang ipahayag, “Sapagka't ang kautusan na may isang anino ng mabubuting bagay na darating, hindi ang tunay na larawan ng mga bagay, kailan pa man ay di maaaring magpasakdal sa mga nagsisilapit sa pamamagitan ng mga hain na laging inihahandog sa taon-taon. Sa ibang paraan ay hindi kaya baga nagsipaglikat sila ng paghahandog? sapagka't ang mga nagsisisamba, yamang nalinis na minsan, ay hindi na sana nagkaroon pa ng budhi sa mga kasalanan. Nguni't sa mga hain yaon ginagawa ang pagaalaala sa mga kasalanan taon-taon. Sapagka't di maaari na ang dugo ng mga baka at ng mga kambing ay makapagalis ng mga kasalanan.” Letters and Manuscripts — Volume 12 (1897), paragraph 6
Halos dalawang libong taon na ang nakararaan, isang tinig na may misteryosong kahulugan ang narinig sa langit, mula sa trono ng Diyos: “Narito, ako'y pumarito.” “Hain at handog ay hindi mo ibig. Nguni't isang katawan ang sa akin ay inihanda mo;.... narito, ako'y pumarito (sa balumbon ng aklat ay nasusulat tungkol sa akin.) Upang gawin, Oh Dios, ang iyong kalooban.” Hebreo 10:5-7. Sa mga salitang ito, ipinahayag ang katuparan ng layunin na itinagong lihim mula pa sa walang hanggang kapanahunan. Si Cristo ay malapit nang bumisita sa ating sanlibutan at magkatawang-tao. Sinabi Niya, “isang katawan ang sa akin ay inihanda mo.” Kung Siya ay nagpakita sa kaluwalhatiang taglay Niya kasama ng Ama bago pa likhain ang sanlibutan, hindi natin makakayanang tiisin ang liwanag ng Kanyang presensya. Upang ating mamasdan ito at hindi mapuksa, ang pagpapakita ng Kanyang kaluwalhatian ay binalutan. Ang Kanyang pagka-Diyos ay tinakpan ng pagkatao — ang di-nakikitang kaluwalhatian ay inihayag sa anyong pantao. The Desire of Ages, page 23.1
Isang taimtim na paalala ang ibinigay sa sinaunang Israel na ang sinumang manatiling marumi at tumangging maglinis ng sarili ay dapat alisin mula sa gitna ng bayan. Ito ay may espesyal na kahulugan para sa atin. Kung noon ay kinakailangang linisin ang marumi sa pamamagitan ng pagwiwisik ng dugo, gaano pa kaya ito kahalaga para sa mga nabubuhay sa mga panganib ng mga huling araw at nahaharap sa mga tukso ni Satanas, na araw-araw mapahiran ng dugo ni Cristo ang kanilang mga puso. Testimonies for the Church, volume 4, page 123.1
Basahin ang Exodo 12:1–11 ; Isaias 53 : 7-8 ; 1 Corinto 5:7 ; at Apocalipsis 5:6 . Ano ang itinuturo sa atin ng mga talatang ito tungkol kay Jesus bilang sakripisyo ng Paskwa? Ano ang kahulugan nito para sa bawat isa sa atin?
" Matapos hatulan si Jesus, lumapit ang konseho ng Sanedrin kay Pilato upang ipasang-ayon at ipatupad ang hatol. Ngunit ang mga pinunong Judio ay ayaw pumasok sa bulwagan ng hukuman ng mga Romano. Ayon sa kanilang seremonyal na kautusan, madudungisan sila kung gagawin nila ito, at sa gayon ay hindi sila makakabahagi sa pagdiriwang ng Paskuwa. Sa kanilang pagkabulag, hindi nila nakita na ang mapanlinlang na poot ay siyang nagpadungis sa kanilang mga puso. Hindi nila nakita na si Cristo ang tunay na Kordero ng Paskwa, at na dahil itinakwil nila Siya, ang dakilang kapistahan ay nawalan na ng kabuluhan para sa kanila. The Desire of Ages, page 723.2
Ayaw din ni Pilato, tulad nila, na manatiling nakapako sa krus ang katawan ni Jesus. Matapos makuha ang kanyang pahintulot, binali ang mga binti ng dalawang magnanakaw upang mapabilis ang kanilang kamatayan; ngunit natagpuan nilang si Jesus ay patay na. Ang mga malulupit na sundalo ay napukaw sa kanilang narinig at nakita tungkol kay Cristo, kaya sila'y napigil na baliin ang Kanyang mga buto. Sa ganitong paraan, sa pag-aalay ng Kordero ng Diyos, natupad ang kautusan ng Paskwa: " Wala silang ititira niyaon hanggang sa kinaumagahan, ni sisira ng buto niyaon: ayon sa buong palatuntunan ng paskua ay kanilang ipagdidiwang." Numbers 9:12 The Desire of Ages, page 771.3
Layunin ni Jesus na ituon ang pansin sa Kanyang pinakapangunahing sakripisyo na siyang tatapos sa Kanyang misyon para sa isang nagkasalang sanlibutan. Nagkakatipon sila sa Jerusalem upang ipagdiwang ang Paskwa, samantalang Siya, ang antitipikong Kordero, ay kusang-loob na inilaan ang Kanyang sarili bilang isang handog. Nauunawaan ni Jesus na sa lahat ng darating na kapanahunan, kinakailangang gawing paksa ng malalim na pag-iisip at pag-aaral ng iglesia ang Kanyang kamatayan para sa mga kasalanan ng sanlibutan. Bawat katotohanang may kaugnayan dito ay dapat mapatunayan nang walang alinlangan. Kaya't kinakailangan noon na ang mga mata ng lahat ng tao ay maituon sa Kanya, at ang mga pagpapakitang nauna sa Kanyang dakilang sakripisyo ay dapat maging kapansin-pansin upang pukawin ang pansin ng lahat sa mismong sakripisyo. Matapos ang gayong pagpapakita na kasabay ng Kanyang pagpasok sa Jerusalem, ang lahat ng mga mata ay susubaybay sa Kanyang mabilis na paglalakbay patungo sa katapusang layunin. The Spirit of Prophecy, volume 2, page 386.1
Basahin ang Hagai 2:7–9 . Habang itinatayo ang pangalawang templo, nagbigay si propeta Hagai ng isang nakakagulat na pangako: higit na magiging maluwalhati ang bagong templo kaysa sa nauna. Ano ang kahulugan ng propesiyang ito?
“Pagkatapos ng ginawang pagsira sa templo sa pamamagitan ni Nabucodonosor, ito ay muling itinayo humigit-kumulang limang daang taon bago ang kapanganakan ni Cristo ng isang bayang nagbalik mula sa mahabang pagkakabihag sa isang lupaing wasak at halos iniwan na. Noon ay may mga matatandang lalaki sa kanila na nakakita ng kaluwalhatian ng templo ni Solomon, at sila'y tumangis nang makita ang pagkakatatag ng bagong gusali, sapagkat ito'y lubhang hamak kumpara sa nauna. Ang damdaming namayani ay matindi at malinaw na inilalarawan ng propeta: Sino ang nananatili sa inyo na nakakita sa bahay na ito sa kaniyang dating kaluwalhatian? at paanong nakikita ninyo ngayon? hindi baga sa inyong mga mata ay parang wala?' (Hagai 2:3; Ezra 3:12). Noon ay ibinigay ang pangako na ang kaluwalhatian ng huling templo na ito ay magiging higit pa kaysa sa nauna." (The Great Controversy, p. 23.3)
*Ngunit ang ikalawang templo ay hindi umabot sa karangyaan ng una; at hindi rin ito pinabanal ng mga nakikitang tanda ng banal na presensya na naroon sa unang templo. Walang pagpapakita ng sobrenatural na kapangyarihan upang markahan ang pag-aalay nito. Walang ulap ng kaluwalhatian ang nakita upang punuin ang bagong tayong santuwaryo. Walang apoy mula sa langit ang bumaba upang tupukin ang handog sa dambana nito. Ang Shekinah ay hindi na nanahan sa pagitan ng mga kerubin sa Kabanal-banalan; ang kaban, ang luklukan ng awa, at ang mga tapyas ng patotoo ay wala na roon. Walang tinig mula sa langit na narinig upang ipahayag sa nagtatanong na saserdote ang kalooban ni Jehova." (The Great Controversy, p. 24.1)
*"Sa loob ng maraming siglo, walang kabuluhang sinikap ng mga Hudyo na ipakita kung paanong natupad ang pangako ng Diyos na ibinigay sa pamamagitan ni propeta Hagai; subalit ang kanilang kapalaluan at kawalang-paniniwala ay bumulag sa kanilang mga isipan sa tunay na kahulugan ng mga salita ng propeta. Ang ikalawang templo ay hindi pinarangalan ng ulap ng kaluwalhatian ni Jehova, kundi ng buhay na presensya ng Isang kinaroroonan ng kapuspusan ng pagka-Diyos sa katawan—na Siya mismo ang Diyos na nahayag sa laman. Tunay ngang ang “bagay na nais ng lahat na bansa ' ay dumating sa Kanyang templo nang ang Tao ng Nazaret ay nagturo at nagpagaling sa mga banal na looban. Sa presensya ni Cristo, at sa bagay na ito lamang nahigitan ng ikalawang templo ang una sa kaluwalhatian." (The Great Controversy, p. 24.2)
Basahin ang Isaias 6:1–5 at Apocalipsis 4:7–11 . Anong mga elemento sa dalawang pangitaing ito ang magkatulad? Bigyang-pansin ang pagkakasunud-sunod ng mga pangyayari: Anong paksa ang unang inilahad? Anong katotohanan tungkol sa Diyos ang idinidiin sa mga pangitaing ito?
Bukod sa banal na anyong nakita ni Ezekiel (Ezekiel 1:28), inilalarawan din ng Biblia ang Diyos na nakaluklok sa trono sa tatlo pang pagkakataon—isang beses na nakita ni Isaias, at dalawang beses na nakita ni Juan na Tagapahayag, gaya ng sumusunod:
(1) “Nakita ko ang Panginoon na nakaupo sa isang luklukan, matayog at mataas; at pinuno ang templo ng kaniyang kaluwalhatian. Sa itaas niya ay nangakatayo ang mga serapin: bawa't isa'y may anim na pakpak: na may dalawa na nagsisitakip ng kaniyang mukha, at may dalawa na nagsisitakip ng kaniyang mga paa, at may dalawa na naglilipad sa kaniya. At nagsisigawang isa't isa, at nagsasabi, Banal, banal, banal ang Panginoon ng mga hukbo: ang buong lupa ay napuno ng kaniyang kaluwalhatian. At ang mga patibayan ng mga pintuan ay nakilos sa tinig ng sumisigaw, at ang bahay ay napuno ng usok.” (Isaias 6:1-4).
(2) “Pagdaka'y napasa Espiritu ako: at narito, may isang luklukang nalalagay sa langit, at sa ibabaw ng luklukan ay may isang nakaupo; At sa palibot ng luklukan ay may dalawangpu't apat na luklukan: at sa mga luklukan ay nakita kong nangakaupo ang dalawangpu't apat na matatanda, na nadaramtan ng mapuputing damit; at sa kanilang mga ulo ay may mga putong na ginto. At mula sa luklukan ay may lumalabas na kidlat, at mga tinig at mga kulog. At may pitong ilawang apoy na mga nagliliyab sa harapan ng luklukan, na siyang pitong Espiritu ng Dios; At sa harapan ng luklukan, ay wari na may isang dagat na bubog na katulad ng salamin; at sa gitna ng luklukan, at sa palibot ng luklukan, ay may apat na nilalang na buhay na puno ng mga mata sa harapan at sa likuran.” (Apocalipsis 4:2, 4-6).
(3) “At ipinakita niya sa akin ang isang ilog ng tubig ng buhay, na maningning na gaya ng bubog, na lumalabas sa luklukan ng Dios at ng Cordero.” (Apocalipsis 22:1).
Sa trono na nakita ni Isaias sinasabing ang laylayan ng Kanyang kasuotan ay pumuno sa templo (train) at sa pagpasok nito sa templo, “ang mga patibayan ng mga pintuan ay nakilos sa tinig ng sumisigaw, at ang bahay ay napuno ng usok.” (Isaias 6:1, 4), kung gayon ito ay tinatawag na traveling throne, samantalang ang parehong trono sa Apocalipsis 4 na may “ isang dagat na bubog” sa harapan nito, at ang sa Apocalipsis 22, na may “isang ilog ng tubig ng buhay” sa harapan nito ay mga nakapirming trono o stationary throne.
Bagaman ang trono na nakita ni Ezekiel ay kahalintulad ng kay Isaias, gayunman, sila ay magkaiba at magkahiwalay na mga trono, sapagkat bawat "serapin" sa pangitain ni Isaias ay may anim na pakpak, samantalang ang bawat "querubin" sa pangitain ni Ezekiel ay may apat lamang. Bukod dito, sa huli, ang mga querubin ay nakatayo sa ilalim ng trono, samantalang sa nauna, sila ay nasa itaas nito. Kaya, ayon sa tala, may apat na trono—dalawang traveling throne at dalawang stationary throne.
Sa pagtukoy sa lokasyon ng trono sa Apocalipsis 4, at ng sa Apocalipsis 22, mapapansin na sa huli—ang pinagmumulan ng “ilog... ng buhay”— ayon kay Juan, ay ang “trono ng Diyos at ng Cordero”—iyon na kinaupuan ni Cristo sa kanan ng Diyos matapos ang Kaniyang pagkabuhay na mag-uli. Ang una naman, na may “dagat na bubog” sa harapan, at ayon din sa nakita ni Juan ay nasa Kabanal-banalan ng santuwaryo sa langit, sapagkat nakita niya sa harap nito ang “pitong ilawang apoy” (Apocalipsis 4:5)—isang kagamitan ng santuwaryo. “Sa isang pangitain ay ipinakita sa apostol na si Juan ang templo ng Diyos sa langit, nakita niya roon ang “pitong ilawang apoy na mga nagliliyab sa harapan ng luklukan.” – The Great Controversy, p. 414.
Tungkol naman sa paglipat ng Ama at ng Anak mula sa trono ng Diyos at ng Cordero—kung saan nagmumula ang ilog ng tubig ng buhay—patungo sa trono na may dagat na bubog, mababasa: “Nakita ko ang Ama na tumindig mula sa trono, at sa isang nagniningas na karo ay pumasok sa Kabanal-banalan dako, at naupo. Pagkatapos ay tumindig si Jesus mula sa trono,... Pagkatapos, isang maulap na karo, na ang mga gulong ay gaya ng naglalagablab na apoy, na napalilibutan ng mga anghel, ay lumapit sa kinaroroonan ni Jesus. Siya ay sumakay sa karo at dinala sa Kabanal-banalan, kung saan nakaupo ang Ama.” – Early Writings, p. 55
Itinala rin ni Daniel ang parehong pangyayari nang kanyang makita ito, at sinabing: “Aking minasdan hanggang sa ang mga luklukan ay nangaglagay, at isa na matanda sa mga araw ay nakaupo: ang kaniyang suot, maputing parang niebe, at ang buhok ng kaniyang ulo ay parang taganas na lana; ang kaniyang luklukan ay mga liab na apoy, at ang mga gulong niyaon ay nagniningas na apoy. Isang mabangis na sigalbo ay lumabas at nagmula sa harap niya: mga libo libo ang naglilingkod sa kaniya, at makasangpung libo na sangpung libo ang nagsitayo sa harap niya: ang kahatulan ay nalagda, at ang mga aklat ay nangabuksan.” (Daniel 7:9-10).
Ang aralin sa linggong ito ay tumatalakay sa kahalagahan ng sakripisyo, at ginagamit ang kordero upang maipakita ang dakilang katotohanang ito. Ipinapaliwanag nito ang papel ng kordero sa konteksto ng santuwaryo. Binibigyang-diin ang pag-aalay ng kordero sa sinaunang Israel para sa kapatawaran ng mga kasalanan—isang anino na nagtuturo kay Jesu-Cristo, ang tunay na Kordero ng Diyos, na nag-alay ng Kanyang buhay para sa ating kaligtasan. Si Jesus ang tunay na Kordero ng Paskuwa. Siya ay inihahayag sa santuwaryo sa langit bilang ang tanging Karapat-dapat na tumubos sa atin at magbukas ng pitong tatak.
Tinalakay rin sa aralin ang kawalang-kabuluhan ng mga sakripisyong hindi kalugud-lugod sa Diyos, at binigyang-diin na kinakailangan ang tamang kaugnayan sa Kanya upang ang ating mga sakripisyo, panalangin, at mga gawa ay maging katanggap-tanggap sa Kanyang paningin.
Nagtatapos ang aralin sa paglalarawan ng trono ng Diyos sa konteksto ng santuwaryo, kung saan binanggit ang apat na trono: dalawa ang gumagalaw at dalawa ang nakapirmi. Ipinapakita ng mga kasangkapan ng santuwaryo sa langit na ito ang dakilang orihinal, at ang santuwaryong nasa lupa ay isang larawan lamang o huwaran nito."