Pambuod: Pagkilala Kay Jesus at sa Kanyang Salita

Liksyon 13, Ikaapat na Trimestre Disyembre 21-27, 2024

img rest_in_christ
Ibahagi ang Liksyong ito
Download PDF

Hapon ng Sabbath Disyembre 21

Talatang Sauluhin:

“Saliksikin ninyo ang mga kasulatan, sapagka't iniisip ninyo na sa mga yaon ay mayroon kayong buhay na walang hanggan; at ang mga ito'y siyang nangagpapatotoo tungkol sa akin.” KJV - Juan 5:39


“Ang isang malinaw na pag-unawa sa kung ano ang Diyos at kung ano ang naisin Niya para sa atin ay magdudulot ng tunay na pagpapakumbaba. Siya na nag-aaral ng tama ng Sagradong Salita ay matututo na ang talino ng tao ay hindi makapangyarihan sa lahat. Mababatid niya na kung wala ang tulong na tanging ang Diyos lamang ang makapagbibigay, ang lakas at karunungan ng tao ay magiging kahinaan at kamangmangan. CT 53.2

Ang sinumang sumusunod sa banal na patnubay ay makakasumpong sa tanging tunay na pinagmumulan ng nakapagliligtas na biyaya at tunay na kaligayahan, at magtataglay ng kapangyarihang makapagbigay ng kagalakan sa lahat ng nasa paligid niya. Walang sinuman ang makakasumpong ng kasiyahan sa buhay kung walang relihiyon. Ang pag-ibig sa Diyos ay nagpapadalisay at nagpaparangal sa bawat panlasa at nais, nagpapaigting ng pag-ibig, at nagpapatingkad sa bawat karapat-dapat na kasiyahan. Dahil dito, ang mga tao ay matututong magpahalaga sa lahat ng totoo, at mabuti, at maganda. CT 53.3

“Ngunit ang higit sa lahat ng iba pang mga pagsasaalang-alang na dapat mag-akay sa atin sa pagpapahalaga sa Bibliya ay ang katotohanan na pinapahayag nito sa tao ang kalooban ng Diyos. Dito natin nalaman ang layunin ng ating pagkalikha at ang mga paraan kung paano matamo ang layuning iyon. Natututuhan natin kung paano gagamitin nang may karunungan ang buhay sa kasalukuyan at kung paano makamtan ang buhay sa hinaharap. Walang ibang aklat na makapagbibigay kasiyahan sa mga tanong ng isipan o sa mga hinahangad ng puso. Sa pamamagitan ng pagkakamit ng kaalaman sa Salita ng Diyos at pagsunod dito, maaring maiangat ng tao ang kanyang sarili mula sa pinakamababang kalagayan ng kasamaan upang maging mga anak ng Diyos, mga kasamahan ng mga anghel na walang kasalanan.” CT 53.4

Linggo, Disyembre 22

Pagtatagpo sa Galilea


Basahin ang Juan 21:1–19. Anong mga mahahalagang katotohanan ang ipinapakita dito, lalo na tungkol sa biyaya ng Diyos—at kapakumbabaan ng tao?

Ang tagumpay ay hindi mabibigo kapag ang utos ng Guro ay sinunod. Kung ang ministeryo ay patuloy na nagsasangguni kay Jesus kung saan at kung paano ihahagis ang lambat , magkakaroon ng maraming "isda" - mga magbabalik-loob - at hindi kailanman magkakaroon ng kakulangan ng "pagkain". --{2SR 296.2}

“Maliwanag nilang naalala ang tagpo sa tabi ng dagat nang anyayahan sila ni Jesus na sumunod sa Kanya. Naalala nila kung paano, sa Kanyang utos, sila ay naglayag sa kalaliman at inihulog ang kanilang lambat, at ang huli ay napakasagana na halos mapunit ang lambat. Pagkatapos, tinawag sila ni Jesus na iwan ang kanilang mga bangkang pangisda, at nangako Siyang gagawin silang mga mamamalakaya ng tao. Upang sariwain ang tagpong iyon sa kanilang isipan at palalimin ang impresyon nito, muling ginawa ni Jesus ang himala. Ang kanyang pagkilos ay isang pagpapanibago ng utos sa mga alagad. Ipinakita nito sa kanila na ang kamatayan ng kanilang Panginoon ay hindi nagpawalang-bisa sa kanilang tungkuling ganapin ang gawaing iniatas Niya sa kanila. Bagaman sila ay nawalan ng personal na pakikisama sa Kanya at ng mga paraan ng kabuhayan mula sa kanilang dating hanapbuhay, ang nabuhay na maguli na Tagapagligtas ay magpapakita pa rin ng pangangalaga sa kanila. Habang ginagawa nila ang Kanyang gawain, Siya ang tutugon para sa kanilang mga pangangailangan. At may layunin si Jesus sa pagsasabing ihulog nila ang kanilang lambat sa kanan ng bangka. Sa panig na iyon sa dalampasigan Siya nakatayo. Iyon ang panig ng pananampalataya. Kung sila ay gagawa nang kasama Siya—ang Kanyang banal na kapangyarihan na tumutulong sa kanilang makataong pagsisikap—ay hindi sila mabibigo.” DA 810.5

“Isa pang aral na kinailangang ibigay ni Cristo, partikular na kay Pedro. Ang naging pagtanggi ni Pedro sa kanyang Panginoon ay naging kahiya-hiyang kaibahan sa kanyang naging unang pagaangkin ng katapatan sa Kanya. Nilapastangan niya si Cristo, at nagdulot ng kawalan ng tiwala mula sa mga kapatiran. Inakala nila na hindi siya papayagang ukupahin ang kanyang dating posisyon, at maging siya mismo ay nagpalagay din na hindi na siya karapat-dapat. Bago tawagin upang muling gampanan ang kanyang gawain bilang alagad, kailangan niya munang magbigay ng katibayan sa kanyang pagsisisi sa harapan nila. Kung wala ito, ang kanyang kasalanan, bagama't pinagsisihan na, ay maaari pa ring magpahina sa kanyang impluwensya bilang isang ministro ni Cristo. Binigyan siya ng Tagapagligtas ng pagkakataon na maibangong muli ang tiwala ng kanyang mga kapatid, at, hangga't maaari, ay alisin ang kadustaan na naidulot niya sa ebanghelyo. DA 811.1

“ Narito ang aral para sa lahat ng mga tagasunod ni Cristo. Ang ebanghelyo ay hindi nakikipagkompromiso sa kasamaan. Hindi nito nageexcuse ng kasalanan. Ang mga lihim na kasalanan ay dapat ipagtapat ng lihim sa Diyos; ngunit, sa lantarang mga kasalanan, ang bukas na pagtatapat ay kinakailangan. Ang kadustaan sa kasalanan ng alagad ay ipinasan kay Cristo. Naging sanhi ito ng pagtatagumpay ni Satanas, at naging daan para sa mga nag-aalinlangang mga kaluluwa na matisod. Sa pagbibigay ng katibayan ng pagsisisi, ang alagad, hangga't sa maaabot ng kaniyang kapangyarihan, ay masigasig na aalisin ang kadusang ito.” DA 811.2

“Tatlong beses na hayagang itinanggi ni Pedro ang kanyang Panginoon, at tatlong beses na tinanong at kinuha ni Jesus mula sa kanya ang katiyakan ng kanyang pagmamahal at katapatan, ibinato ang matatalim na tanong na iyon, tulad ng isang may tinik na palaso sa kanyang sugatang puso. Sa harap ng mga nagkakatipon na alagad ay isiniwalat ni Jesus ang lalim ng pagsisisi ni Pedro, at ipinakita kung paanong ang dating nagmamataas na alagad ay naging lubos na mapagpakumbaba.” DA 812.2

Lunes , Disyembre 23

Panatilihin ang Iyong Mga Mata kay Jesus


Basahin ang Juan 21:20–22. Anong tanong ang umakay kay Pedro sa maling landas? Paano itinuwid ni Jesus ang landas?

“Habang naglalakad si Pedro sa tabi ni Jesus ay nakita niyang sumusunod si Juan. Nagkaroon siya ng pagnanais na malaman ang kanyang hinaharap, at sinabi “Panginoon, at ano ang gagawin ng taong ito? Sinabi sa kaniya ni Jesus, Kung ibig kong siya'y manatili hanggang sa ako'y pumarito, ay ano nga sa iyo? sumunod ka sa akin.” Dapat isipin ni Pedro na ihahayag sa kanya ng kanyang Panginoon ang lahat ng pinakamabuting malaman niya. Tungkulin ng bawat isa na sundin si Cristo, nang walang labis na pagkabalisa tungkol sa gawaing itinalaga sa iba. Sa pagsasabi tungkol kay Juan, “Kung ibig kong siya'y manatili hanggang sa ako'y pumarito,” hindi nagbigay ng katiyakan si Jesus na ang alagad na ito ay mabubuhay hanggang sa ikalawang pagparito ng Panginoon. Iginiit lamang Niya ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, at na kahit na nais Niya na mangyari ito, hindi ito makakaapekto sa gawain ni Pedro. Ang kinabukasan nina Juan at Pedro ay nasa mga kamay ng kanilang Panginoon. Ang pagsunod sa Kanya ang tungkuling hinihiling sa bawat isa. DA 816.2

“Ilan nga ngayon ang katulad ni Pedro! Na interesado sa mga gawain ng iba, at balisa na malaman ang kanilang tungkulin, habang sila ay nasa panganib na mapabayaan ang sa kanila’y iniatas. Tungkulin natin na tumingin kay Cristo at sumunod sa Kanya. Makakakita tayo ng mga pagkakamali sa buhay ng iba, at mga depekto sa kanilang pagkatao. Ang sangkatauhan ay napapalibutan ng kahinaan. Ngunit kay Cristo makakatagpo tayo ng kasakdalan. Pagmasdan Siya, at tayo ay magbabago. DA 816.3

Basahin ang Juan 21:23–25. Paanong mali ang pagkaunawa sa pahayag ni Jesus? Paano itinuwid ng apostol na si Juan ang maling pagkaunawang iyon?

Sa pagsasabi tungkol kay Juan, “Kung ibig kong manatili siya hanggang sa ako ay pumarito,” hindi nagbigay ng katiyakan si Jesus na ang alagad na ito ay mabubuhay hanggang sa ikalawang pagparito ng Panginoon. Iginiit lamang Niya ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, at na kahit na naisin Niya na mangyari ito, hindi ito makakaapekto sa gawain ni Pedro. Ang kinabukasan nina Juan at Pedro ay nasa mga kamay ng kanilang Panginoon. Ang pagsunod sa Kanya ang tungkuling hinihiling sa bawat isa. DA 816.2

“Si Juan ay nabuhay nang matagal na panahon. Nasaksihan niya ang pagkawasak ng Jerusalem at ang pagkasira ng maringal na templo—isang sagisag ng huling pagkawasak ng sanlibutan. Hanggang sa kanyang mga huling araw, si Juan ay nanatiling malapit sa kanyang Panginoon. Ang laman ng kanyang patotoo sa mga iglesya ay, “Mga minamahal, magmahalan tayo sa isa’t isa;” “ang nananatili sa pag-ibig ay nananatili sa Diyos, at ang Diyos ay nasa kanya.” 1 Juan 4:7, 16. DA 816.4

Si Pedro ay naibalik sa kanyang pagka-apostol, ngunit ang karangalan at awtoridad na kanyang tinanggap mula kay Cristo ay hindi nagbigay sa kanya ng kataas-taasang kapangyarihan sa kanyang mga kapatid. Nilinaw ito ni Cristo sa Kanyang naging tugon sa tanong ni Pedro, “at ano ang gagawin ng taong ito?” Sinabi niya, “ano nga sa iyo? sumunod ka sa akin.” Si Pedro ay hindi pinarangalan bilang pinuno ng iglesia. Ang pabor na ipinakita ni Cristo sa kanya sa pagpapatawad sa kanyang pagtatatwa, sa pagtitiwala sa kanya ng pagpapakain ng kawan, at ang katapatan ni Pedro sa pagsunod kay Cristo, ang nagbigay sa kanya ng tiwala ng kanyang mga kapatid. Siya ay nagkaroon ng malaking impluwensiya sa iglesya. Ngunit ang aral na itinuro sa kanya ni Cristo sa baybayin ng Galilea ay dinala ni Pedro sa buong buhay niya…” DA 817.1

Martes, Disyembre 24

Liwanag at Kadiliman


Basahin ang Juan 1:4–10; Juan 3:19–21; Juan 5:35; Juan 8:12; Juan 9:5; Juan 11:9, 10; at Juan 12:35. Ano ang malaking pagkakaiba ang naririto, at bakit ang pagkakaibang ito ay napakahalaga sa pag-unawa sa katotohanan?

“Ang mga salitang ito ay naaayon sa mga salita ni Jesus Mismo, na, nang Kanyang dakpin si Saulo sa paglalakbay patungong Damasco, ay nagpahayag: “sapagka't dahil dito'y napakita ako sa iyo, upang ihalal kitang ministro at saksi din naman ng mga bagay na nakita mo sa akin, at ng mga bagay na pagpapakitaan ko sa iyo; Na ililigtas kita sa bayan, at sa mga Gentil, na sa kanila'y sinusugo kita, Upang idilat mo ang kanilang mga mata, upang sila'y mangagbalik sa ilaw mula sa kadiliman at mula sa kapangyarihan ni Satanas hanggang sa Dios, upang sila'y magsitanggap ng kapatawaran ng mga kasalanan at ng mga mana sa kasamahan ng mga pinapaging banal sa pamamagitan ng pananampalataya sa akin.” Gawa 26:16-18 . AA 126.3

Ang isang maitim at maruming bagay ay hindi kailanman magrereflect, ina-absorb nito ang lahat ng liwanag sa sarili nito. Ang buwan ay nagliliwanag sapagkat puti ang sangkap ng ibabaw nito. Kung ito ay gawa sa itim na sangkap, hindi ito makakapagreflect ng anumang liwanag. Ganoon din sa espirituwal na liwanag: Kung tayo ay magnanais na magliwanag, kailangan nating bumangon at magpakadalisay, alisin ang ating maiitim, maruruming kasuotan – aktibong makibahagi sa revival and reformation sa ilalim ng pangangasiwa ng Banal na Espiritu. Ang kahangalan, panatisismo, at kawalang-interes ay dapat na iwaksi at ang Banal na pag-iisip ay pakilusin, na ipinaguutos ng Panginoon.

Basahin ang Juan 8:42–44. Paano inilarawan ni Jesus ang maling pundasyon kung saan ibinatay ng mga lider ng relihiyon ang kanilang pananampalataya?

“Itinanggi ni Jesus na ang mga Hudyo ay mga anak ni Abraham. Sinabi niya, “Ginagawa ninyo ang mga gawa ng inyong ama.” Sa panunuya ay sumagot sila, “ Hindi kami inianak sa pakikiapid; may isang Ama kami, ang Dios.” Ang mga salitang ito, bilang parunggit sa mga kalagayan ng Kanyang kapanganakan, ay nilayon bilang isang paglaban kay Cristo sa harapan ng mga nagsisimulang maniwala sa Kanya. Hindi pinansin ni Jesus ang maling pakahulugan nito, ngunit sinabi, “Kung ang Dios ang inyong ama, ay inyong iibigin ako: sapagka't ako'y nagmula at nanggaling sa Dios.” DA 467.2

“ Kayo'y sa inyong amang diablo, at ang mga nais ng inyong ama ang ibig ninyong gawin. Siya'y isang mamamatay-tao buhat pa nang una, at hindi nananatili sa katotohanan, sapagka't walang katotohanan sa kaniya..... Nguni't dahil sa sinasabi ko ang katotohanan, ay hindi ninyo ako sinasampalatayanan.” Juan 8:44, 45 , RV Ang kanilang mga gawa ay nagpatotoo sa kanilang ugnayan sa kanya na sinungaling at mamamatay-tao. Sapagka’t sinabi ni Jesus ang katotohanan, kung kaya’t Siya’y hindi tinanggap ng mga pinunong Judio. Ang mismong katotohanang ito ang nakagalit sa mga makasariling taong ito. Inilantad ng katotohanan ang kamalian; hinatulan nito ang kanilang pagtuturo at gawi, at ito ay hindi nila tinanggap. Mas gugustuhin pa nilang ipikit ang kanilang mga mata sa katotohanan kaysa magpakumbaba na ipagtapat na sila ay nagkamali. Hindi nila minahal ang katotohanan. Hindi nila ito ninais, kahit na ito ay katotohanan." DA 467.3

Miyerkules , Disyembre 25

Teolohiya Mula sa “Itaas” o Mula sa “Ibaba”


Basahin ang Juan 4:46–54. Anong problema ang nagdala sa opisyal kay Jesus, at ano ang totoong isyu sa ilalim nito?

“Sa kabila ng lahat ng ebidensiyang si Jesus ang Cristo, ang tagapagsumamo ay nagpasyang gawing kondisyon sa kanyang paniniwala ang katuparan ng kanyang sariling kahilingan. Inihambing ng Tagapagligtas ang pag-aalinlangan at kawalang-paniniwalang ito sa payak na pananampalataya ng mga Samaritano, na hindi humiling ng anumang himala o tanda. Ang Kanyang salita, na palaging patunay ng Kanyang pagka-Diyos, ay may kapangyarihang humikayat na umaabot sa kanilang mga puso. Nadalamhati si Cristo na ang Kanyang sariling bayan, na pinagkatiwalaan ng mga Banal na Kasulatan, ay nabigong pakinggan ang tinig ng Diyos na nangungusap sa kanila sa pamamagitan ng Kanyang Anak. DA 198.2

Gayunpaman, ang maharlika ay may antas ng pananampalataya; sapagkat siya’y lumapit upang hingin ang itinuturing niyang pinakamahalagang pagpapala. Ngunit si Jesus ay may mas dakilang kaloob na nais ibigay. Ninanais Niya, hindi lamang pagalingin ang bata, kundi gawin ding kabahagi ng kaligtasan ang opisyal at ang kanyang sambahayan, at magningas ng liwanag sa Capernaum, na sa di-kalaunan ay magiging bukirin ng Kanyang mga gawain. Ngunit kailangang maunawaan muna ng maharlika ang kanyang pangangailangan bago niya naisin ang biyaya ni Cristo. Ang taong ito ay kumakatawan sa marami sa kanyang bayan. Interesado sila kay Jesus dahil sa makasariling mga layunin. Umaasa silang makatatanggap ng espesyal na benepisyo sa pamamagitan ng Kanyang kapangyarihan, at iniuugnay nila ang kanilang pananampalataya sa pagbibigay ng mga pansamantalang pabor; ngunit sila’y ignorante sa kanilang espirituwal na karamdaman, at hindi nila nakikita ang pangangailangan nila ng biyaya ng Diyos. DA 198.3

Gaya ng kidlat, inihayag ng mga salita ng Tagapagligtas sa maharlika ang laman ng kanyang puso. Nakita niya na ang kanyang mga motibo sa paglapit kay Jesus ay makasarili. Ang kanyang pabagu-bagong pananampalataya ay nakita niya sa tunay nitong anyo. Sa matinding dalamhati, naunawaan niyang ang kanyang pag-aalinlangan ay maaaring magdulot ng pagkawala ng buhay ng kanyang anak. Alam niyang nasa harapan siya ng Isang nakakabasa ng isip at sa Kanya ang lahat ng bagay ay posible. Sa matinding pagsusumamo, siya’y sumigaw, “Ginoo, lumusong ka bago mamatay ang aking anak.” Ang kanyang pananampalataya ay kumapit kay Cristo gaya ng ginawa ni Jacob, nang siya’y makipagbuno sa Anghel, na sumigaw, “Hindi kita bibitawan hanggang hindi mo ako mabasbasan.” Genesis 32:26 .” DA 198.4

Huwebes, Disyembre 26

Pananahanan kay Jesus


Basahin ang Juan 12:32. Sa anong mga paraan ang kapansin-pansing pangungusap na ito ay naglalarawan sa awtoridad ni Jesu-cristo?

“Ito ay sinabi Niya upang ipahiwatig kung anong kamatayan ang Kanyang mararanasan.” Ito ang krisis ng sanlibutan. Kung Ako ang magiging handog para sa mga kasalanan ng tao, ang mundo ay magliliwanag. Ang pagkakahawak ni Satanas sa kaluluwa ng tao ay mawawasak. Ang nadungisang larawan ng Diyos sa sangkatauhan ay muling maibabalik, at ang isang pamilya ng mga mananampalatayang banal ay sa wakas magmamana ng tahanang makalangit. Ito ang bunga ng kamatayan ni Cristo. Ang Tagapagligtas ay nasa pagmumuni-muni ng tagumpay na nakikita Niya sa Kanyang harapan. Nakikita Niya ang krus, ang malupit at nakakahiyang krus, kasama ang lahat ng kasindak-sindak na bagay na kaakibat nito, na nagniningning sa kaluwalhatian. DA 625.4

Ngunit ang gawain ng pagtubos sa tao ay hindi lamang natapos sa pamamagitan ng krus. Ang pag-ibig ng Diyos ay naipahayag sa buong sansinukob. Ang prinsipe ng sanlibutang ito ay iwinaksi na. Ang mga paratang ni Satanas laban sa Diyos ay nabigo. Ang paninirang-puri na ibinato niya sa langit ay tuluyang nawalang-saysay. Ang mga anghel, gayundin ang mga tao, ay naaakay patungo sa Manunubos. “At ako, kung ako'y mataas na mula sa lupa, ang lahat ng mga tao ay palalapitin ko sa akin din.” DA 626.1

Basahin ang Juan 15:1–11. Ano ang sekreto ng espirituwal na paglago at kalusugan?

“Sa ganito'y lumuluwalhati ang aking Ama, na kayo'y magsipagbunga ng marami.” Ninanais ng Diyos na maipahayag sa pamamagitan mo ang kabanalan, kabutihan, at habag ng Kanyang sariling katangian. Gayunman, hindi sinasabi ng Tagapagligtas sa mga alagad na magsikap upang magbunga. Sinasabi Niya sa kanila na manatili sa Kanya. “Kung kayo’y mananatili sa Akin,” sabi Niya, “at ang Aking mga salita ay manatili sa inyo, ay hingin ninyo ang anomang inyong ibigin, at gagawin sa inyo.” Sa pamamagitan ng salita nananahan si Cristo sa Kanyang mga tagasunod. Ito ang parehong mahalagang kaugnayan na inihalintulad sa pagkain ng Kanyang laman at pag-inom ng Kanyang dugo. Ang mga salita ni Cristo ay espiritu at buhay. Sa pagtanggap sa mga ito, tinatanggap mo ang buhay ng Puno ng Ubas. Nabubuhay ka “sa bawat salitang lumalabas sa bibig ng Diyos.” Mateo 4:4. Ang buhay ni Cristo sa iyo ay nagbubunga ng parehong bunga gaya ng sa Kanya. Ang pamumuhay kay Cristo, ang pananatili kay Cristo, ang pagkakaroon ng suporta mula kay Cristo, at ang pagkuha ng kalakasan mula kay Cristo ay magpapabunga sa iyo ng mga bunga ayon sa wangis ni Cristo.” DA 677.1

Biyernes, Disyembre 27

Karagdagang Kaisipan

“Ang ugat ay nagpapadaloy ng nutrisyon nito sa pamamagitan ng sanga hanggang sa pinakadulo nitong tangkay. Gayundin, si Cristo ay nagpapahatid ng agos ng espirituwal na kalakasan sa bawat mananampalataya. Hangga’t ang kaluluwa ay nakaugnay kay Cristo, walang panganib na ito’y matutuyo o mapaparam. DA 676.3

Ang buhay ng puno ng ubas ay makikita sa mabangong bunga sa mga sanga. “Ang nananatili sa akin, at ako'y sa kaniya, ay siyang nagbubunga ng marami: sapagka't kung kayo'y hiwalay sa akin ay wala kayong magagawa.” Kapag nabubuhay tayo sa pananampalataya sa Anak ng Diyos, ang mga bunga ng Espiritu ay makikita sa ating mga buhay; wala ni isa mang mawawala. DA 676.4

“Ang aking Ama ang magsasaka. Ang bawa't sanga na sa akin ay hindi nagbubunga, ay inaalis niya.” Habang ang pagkapit ay tila panlabas na konektado sa puno ng ubas, maaaring wala namang tunay na kaugnayan. Kapag ganito, walang magiging paglago o bunga. Kaya’t maaaring may isang waring kaugnayan kay Cristo nang walang tunay na pagkakaisa sa Kanya sa pamamagitan ng pananampalataya. Ang pag-aangking may relihiyon ay naglalagay sa tao sa iglesia, ngunit ang karakter at kilos ang nagpapakita kung sila’y talagang konektado kay Cristo. Kung wala silang bunga, sila’y huwad na mga sanga. Ang kanilang pagkalayo kay Cristo ay nagreresulta sa isang ganap na pagkawasak tulad ng inilarawan sa patay na sanga. “Kung ang sinoman ay hindi manatili sa akin, ay siya'y matatapong katulad ng sanga, at matutuyo; at mga titipunin at mga ihahagis sa apoy, at mangasusunog.” DA 676.5