“At sinabi nila sa babae, Ngayo'y nagsisisampalataya kami, hindi dahil sa iyong pananalita: sapagka't kami rin ang nakarinig, at nalalaman naming ito nga ang Tagapagligtas ng sanglibutan.” KJV - Juan 4:42
“Ang mga Hudyo at mga Samaritano ay mahigpit na magkaaway, at hangga’t maaari ay iniiwasan na makasalamuha ang isa’t isa. Ang makipagkalakalan sa mga Samaritano kung kinakailangan ay ibinibilang na ayon sa batas ng mga rabbi; ngunit ang pakikisalamuha sa kanila ay kinokondena. Ang isang Hudyo ay hindi manghihiram sa isang Samaritano, ni tatanggap man ng kabaitan, kahit isang kapirasong tinapay o isang tasa ng tubig. Ang mga alagad, sa kanilang pagbili ng pagkain, ay kumikilos ayon sa kaugalian ng kanilang bansa. Ang paghingi ng pabor sa mga Samaritano, o anumang paraan na makikinabang sila ay hindi pumasok sa isip ng mga alagad ni Cristo.” DA 183.2
“Ang malaking pagkakaiba sa pagitan ng mga Hudyo at ng mga Samaritano ay ukol sa pagkakaiba sa relihiyosong paniniwala, patungkol sa kung ano ang tunay na bumubuo sa tunay na pagsamba. Ang mga Pariseo ay walang sinasabing mabuti tungkol sa mga Samaritano, sa halip ay ibinubuhos ang kanilang pinakamapait na sumpa sa kanila...At nang ang mga Hudyo ay napuspos ng poot laban kay Cristo na sila ay tumindig sa templo upang Siya ay batuhin, wala na silang mahanap na mas akmang salita upang ipahayag ang kanilang pagkapoot kaysa sa, “Hindi baga magaling ang aming pagkasabi na ikaw ay isang Samaritano, at mayroon kang demonio?” Juan 8:48 . Ngunit ang saserdote at Levita ang mismong tumangging gawin ang iniutos ng Panginoon sa kanila, at sa halip ang isang kinapopootan at hinahamak na Samaritano ang tumulong sa isa sa kanilang sariling mga kababayan. COL 380.3
Basahin ang Juan 4:1–4. Ano ang kwento sa likod na nagdala kay Jesus sa Samaria?
“Sa daan patungo sa Galilea, dumaan si Jesus sa Samaria. Tanghali na nang marating Niya ang magandang Lambak ng Sichem. Sa bukana ng lambak na ito ay naroon ang balon ni Jacob. Pagod sa Kanyang paglalakbay, naupo Siya rito upang magpahinga habang ang Kanyang mga alagad ay pumunta upang bumili ng pagkain.” DA 183.1
“Habang si Jesus ay nakaupo sa tabi ng balon, Siya ay nanghihina dahil sa gutom at uhaw. Ang paglalakbay mula umaga ay mahaba, at ngayon ay naiinitan Siya dala ng init ng tanghali. Ang Kanyang pagkauhaw ay umigting sa pagnanais sa masarap na tubig sa tabi, ngunit hindi Niya magawang maabot; sapagka't wala siyang lubid o bangang mapaglalagyan, at ang balon ay malalim. At naghintay Siya na may dumating upang tumulong sa Kanya.” DA 183.3
Basahin ang Juan 4:5–9. Paano ginamit ni Jesus ang pagkakataong ito upang buksan ang pakikipag-usap sa babae sa balon?
“Nakita ng babae na si Jesus ay isang Hudyo. Sa kanyang pagkagulat ay nakalimutan niyang pagbigyan ang Kanyang kahilingan, ngunit sinubukan niyang alamin ang dahilan nito. “Paano ngang ikaw, na isang Judio, ay humingi ng maiinom sa akin, na ako'y babaing Samaritana?” DA 184.1
“Sumagot si Jesus at sa kaniya'y sinabi, Kung napagkikilala mo ang kaloob ng Dios, at kung sino ang sa iyo'y nagsasabi, Painumin mo ako; ikaw ay hihingi sa kaniya, at ikaw ay bibigyan niya ng tubig na buhay.” Nagtataka ka kung bakit ako humingi sa iyo ng maliit na pabor para sa tubig mula sa balon. Kung humingi ka sa Akin, bibigyan kita ng tubig na bubukal sa kabuhayang walang hanggan. DA 184.2
Hindi naunawaan ng babae ang mga salita ni Cristo, ngunit nadama niya ang matinding kahalagahan nito. Nagsimulang magbago ang kanyang kalooban. Sa pag-aakalang binabanggit ni Jesus ang tungkol sa balon sa harapan nila, sinabi niya, “Ginoo, wala kang sukat isalok ng tubig, at malalim ang balon: saan nga naroon ang iyong tubig na buhay? Dakila ka pa baga sa aming amang si Jacob, na sa ami'y nagbigay ng balon, at dito'y uminom siya?” Nakita niya sa harap niya ang isang uhaw na manlalakbay, pagod at maalikabok. Sa kanyang isipan ay inihambing niya Siya sa pinarangalan na patriyarkang si Jacob...” DA 184.3
Basahin ang Juan 4:7–15. Paano ginamit ni Jesus ang tagpong ito upang simulang sumaksi sa babaeng ito?
“Hindi kaagad sinagot ni Jesus ang tanong tungkol sa Kanya, ngunit may taimtim na sinabi Niya, “Ang bawa't uminom ng tubig na ito ay muling mauuhaw: Datapuwa't ang sinomang umiinom ng tubig na sa kaniya'y aking ibibigay ay hindi mauuhaw magpakailan man; nguni't ang tubig na sa kaniya'y aking ibibigay ay magiging isang balon ng tubig na bubukal sa kabuhayang walang hanggan.” DA 187.1
Siya na naghahangad na pawiin ang kanyang uhaw sa mga bukal ng sanlibutang ito ay mauuhaw muli. Sa lahat ng dako ang mga tao ay walang kasiyahan. Naghahangad sila ng isang bagay na tutustos sa pangangailangan ng kaluluwa. Isa lamang ang makakatugon sa pangangailangang iyon. Ang kailangan ng sanlibutan, “Ang Pagnanais ng lahat ng mga bansa,” ay si Cristo. Ang banal na biyaya na Siya lamang ang makapagbibigay, ay gaya ng tubig na buhay, na nagpapadalisay, nagpapaginhawa, at nagpapasigla sa kaluluwa. DA 187.2
Hindi ipinahihiwatig ni Jesus na ang minsang paginom ng tubig ng buhay ay sapat na para sa tumatanggap. Siya na nakatanggap ng pag-ibig ni Cristo ay patuloy na maghahangad ng higit pa; ngunit wala siyang ibang hangad. Ang kayamanan, karangalan, at kasiyahan ng mundo ay hindi kaaya-aya sa kanya. Ang patuloy na sigaw ng kanyang puso ay para sa higit pa. At Siya na naghahayag sa kaluluwa ng pangangailangan nito ay naghihintay upang matugunan ang gutom at uhaw nito. Bawat kakayahan ng tao at pagdepende dito ay mabibigo. Ang mga balon ay mauubusan ng laman, ang mga lawa ay matutuyo; ngunit ang ating Manunubos ay isang hindi mauubos na bukal. Maaari tayong uminom, at uminom muli, at magpakailanman ay makasumpong doon ng sariwang panustos. Siya na pinanahanan ni Cristo ay may bukal ng pagpapala,—“ magiging isang balon ng tubig na bubukal sa kabuhayang walang hanggan.” Mula rito ay maaari siyang kumuha ng lakas at biyaya na sapat sa lahat ng kanyang mga pangangailangan. DA 187.3
Ano ang background ng Lumang Tipan sa pangungusap ni Jesus tungkol sa tubig na buhay? (Jer. 2:13, Zac. 14:8) ?
“Sa Silangan, ang tubig ay tinawag na “kaloob ng Diyos.” Ang paga-alok ng inumin sa nauuhaw na manlalakbay ay itinuturing na isang sagradong tungkulin kung kaya't ang mga Arabs sa disyerto ay humahayo sa kanilang daan upang maisagawa ito. Ang alitan sa pagitan ng mga Hudyo at mga Samaritano ang dahilan kung bakit hindi nag-alok ng tulong ang babae kay Jesus; ngunit hinahangad ng Tagapagligtas na mabuksan ang susi sa pusong ito, at magawang ipakilala ang banal na pag-ibig, Siya ay humingi ng tulong, sa halip na mag-alok ng pabor. Ang alok ng isang kabaitan ay maaaring tanggihan; ngunit ang pagtitiwala ay magbabangon ng pagtitiwala. Ang Hari ng langit ay lumapit sa itinakwil na kaluluwang ito na humihingi ng paglilingkod mula sa kanyang mga kamay. Siya na gumawa ng karagatan, na kumokontrol sa tubig ng malaking kalaliman, na nagbukas ng mga bukal at mga daluyan sa lupa, ay namahinga mula sa Kanyang pagkapagod sa balon ni Jacob, at umasa sa kagandahang-loob ng isang dayuhan para sa kaloob na inuming tubig. DA 183.4
Paano ipinapakita ng Ezekiel 36:25–27 ang mga katotohanang sinisikap ibahagi ni Jesus kay Nicodemo at sa babae sa balon?
Hindi magiging mabuti para sa atin na hindi pagtuunan ng atensyon ang mga talatang ito ng Kasulatan gaya ng ginagawa natin at ng buong Denominasyon noon pa man. Lahat tayo ay dapat na maingat na tandaan na ang Panginoon ay pababanalin ang Kanyang sarili “sapagka't Kanyang kukunin ang Kanyang mga hinirang mula sa mga bansa, at pipisanin sila mula sa lahat ng lupain, at dadalhin sa kanilang sariling lupain.. “Pagkatapos,” kapag sila ay bumalik sa lupain ng kanilang ama, sabi ng banal na kasulatan, “Siya ay magwiwisik ng malinis na tubig sa kanila, at sila'y magiging malinis: sa buo ninyong karumihan, at sa lahat ninyong mga diosdiosan, lilinisin ko kayo. Bibigyan ko rin naman kayo ng bagong puso, at lalagyan ko ang loob ninyo ng bagong diwa, at gagawing lumakad sa mga batas ng Diyos at upang sundin ang Kanyang mga kahatulan.”
Sinabi dito na ang huling paglilinis ng mga banal, ang paglilinis na nag-aalis ng lahat ng mga marka ng kasalanan ay isasagawa pagkatapos na kunin ng Diyos ang Kanyang bayan mula sa lahat ng mga bansa at dadalhin sila sa kanilang sariling lupain.
Basahin ang Juan 4:16. Paano tumugon si Jesus sa kahilingan ng babae?
“Habang si Jesus ay nagsasalita tungkol sa tubig na buhay, ang babae ay tumingin sa Kanya nang may pagtataka. Napukaw Niya ang kanyang interes, at nagising ang isang pagnanais para sa kaloob na Kanyang sinalita. Napagtanto niya na hindi ang tubig ng balon ni Jacob ang Kanyang tinutukoy; sapagka't ito'y patuloy niyang ginagamit, iniinom, at muling nauuhaw. "Ginoo," sabi niya, "bigyan mo ako ng tubig na ito, upang hindi ako mauhaw, ni pumarito upang umigib." DA 187.4
At binaling ni Jesus ang daloy ng usapan. Bago matanggap ng kaluluwang ito ang kaloob na nais Niyang ipagkaloob, kinakailangan muna na makilala niya ang kanyang kasalanan at ang kanyang Tagapagligtas. “Sinabi sa kaniya ni Jesus, Humayo ka, tawagin mo ang iyong asawa, at pumarito ka. Sumagot ang babae at sinabi sa kaniya, Wala akong asawa. Sinabi sa kaniya ni Jesus, Mabuti ang pagkasabi mo, Wala akong asawa: Sapagka't nagkaroon ka na ng limang asawa; at ang nasa iyo ngayon ay hindi mo asawa: dito'y sinabi mo ang katotohanan.” DA 187.5
Basahin ang Juan 4:16–24. Ano ang ginawa ni Jesus para ipakita sa babaing ito na alam Niya ang kanyang pinakamalalim na lihim, at paano siya tumugon?
“Matiyagang pinahintulutan siya ni Jesus na tumugon sa kanilang usapan. Samantala, naghintay Siya ng pagkakataon na muling maibalik ang katotohanan sa kanyang puso. “Nagsisamba ang aming mga magulang sa bundok na ito; at sinasabi ninyo, na sa Jerusalem ay siyang dakong kinakailangang pagsambahan ng mga tao.” Sa kanilang paningin ay abot-tanaw ang Bundok Gerizim. Ang templo nito ay giniba, at tanging ang altar na lamang ang natitira. Ang lugar ng pagsamba ay naging paksa ng pagtatalo sa pagitan ng mga Hudyo at mga Samaritano. Ang ilan sa mga ninuno ng huli ay dating nabibilang sa Israel; ngunit dahil sa kanilang mga kasalanan ay pinahintulutan sila ng Panginoon na madaig sila ng isang idolatrosong bansa. Sa maraming henerasyon, sila ay nahalo sa mga sumasamba sa diyus-diyosan, at ang kanilang relihiyon ay unti-unting nahawahan. Totoong pinaniwalaan nila na ang kanilang mga diyus-diyosan ay para lamang ipaalala sa kanila ang buhay na Diyos, ang Tagapamahala ng sansinukob; gayunpaman, ang mga tao ay naakay na igalang ang kanilang mga larawang inanyuan.” DA 188.2
“Sa kaniya'y sinabi ni Jesus, Babae, paniwalaan mo ako, na dumarating ang oras, na kahit sa bundok na ito, ni sa Jerusalem, ay hindi ninyo sasambahin ang Ama. Sinasamba ninyo ang hindi ninyo nalalaman: sinasamba namin ang nalalaman namin; sapagka't ang kaligtasan ay nanggagaling sa mga Judio.” Ipinakita ni Jesus na Siya ay malaya sa pagtatangi ng mga Hudyo laban sa mga Samaritano. Ngayon ay sinisikap Niyang sirain ang pagtatangi ng Samaritana laban sa mga Hudyo. Samantalang tinutukoy ang katotohanan na ang pananampalataya ng mga Samaritano ay nahaluan ng idolatriya, ipinahayag Niya na ang mga dakilang katotohanan ng pagtubos ay ipinagkatiwala sa mga Hudyo, at mula sa kanila ay lilitaw ang Mesiyas. Sa Sagradong mga Aklat, mayroon silang malinaw na paglalahad ng katangian ng Diyos at ang mga prinsipyo ng Kanyang pamahalaan. Inuri ni Jesus ang Kanyang sarili sa mga Hudyo bilang mga taong binigyan ng Diyos ng kaalaman tungkol sa Kanyang sarili. DA 188.4
“Ninanais Niyang ituon ang isipan ng tagapakinig sa mga bagay na higit pa sa anyo at seremonya, at mga tanong ng kontrobersya. “Datapuwa't dumarating ang oras, at ngayon nga, na sasambahin ng mga tunay na mananamba ang Ama sa espiritu at katotohanan: sapagka't hinahanap ng Ama ang mga gayon na maging mananamba sa kaniya. Ang Dios ay Espiritu: at ang mga sa kaniya'y nagsisisamba ay kinakailangang magsisamba sa espiritu at sa katotohanan.” DA 189.1
“Habang nakikipag-usap ang babae kay Jesus, humanga siya sa Kanyang mga salita. Kailanman ay hindi niya narinig ang gayong sulat mula sa mga saserdote ng kanyang sariling bayan o ng mga Hudyo. Habang ang nakaraan ng kanyang buhay ay nahayag sa kanyang harapan, ipinakilala nito sa kanya ang matindi niyang pangangailangan. Napagtanto niya ang pagkauhaw ng kanyang kaluluwa, na hindi kailanman masasapatan ng tubig ng balon ng Sicar. Walang anumang bagay na nakipag-ugnayan sa kanya noon ang nagawang pumukaw sa kanya gaya nito. Nakumbinsi siya ni Jesus na nababasa Niya ang mga lihim ng kanyang buhay; gayunpaman nadama niya na Siya ay kanyang kaibigan, na naaawa at nagmamahal sa kanya. Habang ang mismong kadalisayan ng Kanyang presensya ay humahatol sa kanyang kasalanan, Siya ay hindi nagsalita ng anumang salita ng pagtuligsa, ngunit sinabi sa kanya ang Kanyang biyaya, na makapagpapabago sa kaluluwa. Nagsimula siyang magkaroon ng pananalig sa Kanyang katangian. May tanong na nabuo sa kanyang isipan, Hindi kaya ito na ang matagal nang hinihintay na Mesiyas? Sinabi niya sa Kanya, “ Nalalaman ko na paririto ang Mesias (ang tinatawag na Cristo): na pagparito niya, ay ipahahayag niya sa amin ang lahat ng mga bagay. Sinabi sa kaniya ni Jesus, Ako na nagsasalita sa iyo ay siya nga.” DA 189.3
“Nang marinig ng babae ang mga salitang ito, umusbong ang pananampalataya sa kanyang puso. Tinanggap niya ang napakagandang pahayag mula sa mga labi ng banal na Guro.” DA 190.1
Basahin ang Juan 4:27–29. Anong nakakagulat na aksyon ang ginawa ng babae?
“Nang bumalik ang mga alagad mula sa kanilang gawain, nagulat sila nang makita nilang ang kanilang Guro ay nakikipag-usap sa babae. Hindi Niya ininom ang inumin na Kanyang ninanais, at hindi Siya tumigil upang kainin ang pagkaing dinala ng Kanyang mga alagad. Nang makaalis na ang babae, pinakiusapan Siya ng mga alagad na kumain. Nakita nila na Siya ay tahimik na nagmumuni-muni. Ang Kanyang mukha ay nagniningning sa liwanag, at sila ay natatakot na maabala ang Kanyang pakikipagugnayan sa langit. Ngunit alam nila na Siya ay nanghihina at pagod, at inisip nilang tungkulin nilang ipaalala sa Kanya ang Kanyang mga pisikal na pangangailangan. Kinilala ni Jesus ang kanilang mapagmahal na intensyon, at sinabi Niya, “Ako'y may pagkaing kakanin na hindi ninyo nalalaman.” DA 190.4
“Ang babae ay napuspos ng kagalakan habang nakikinig siya sa mga salita ni Cristo. Ang kahanga-hangang paghahayag ay halos nangingibabaw. Iniwan niya ang kanyang palayok, at bumalik siya sa lungsod, upang dalhin ang mensahe sa iba. Alam ni Jesus kung bakit siya umalis. Ang pag-iwan sa kanyang palayok ng tubig ay nagpapahiwatig nang walang alinlangan tungkol sa epekto ng Kanyang mga salita. Ito ay ang taimtim na pagnanais ng kanyang kaluluwa upang makakuha ng buhay na tubig; na kanyang nakalimutan ang kanyang gawain sa balon, nakalimutan niya ang pagkauhaw ng Tagapagligtas, na nilayon niyang ibsan. Sa pusong nag-uumapaw sa kagalakan, siya ay nagmadali sa kanyang lakad, upang ibahagi sa iba ang mahalagang liwanag na kanyang natanggap. DA 191.2
“Magsiparito kayo, tingnan ninyo ang isang lalake, na nagsabi sa akin ng lahat ng mga bagay na aking ginawa: mangyayari kayang ito ang Cristo?” Ang kanyang mga salita ay umantig sa kanilang mga puso. May bagong ekspresyon sa kanyang mukha, isang pagbabago sa kanyang buong anyo. Ninais nga nilang makita si Jesus. “Nagsilabas sila sa bayan, at nagsisiparoon sa kaniya.” DA 191.3
Basahin ang Juan 4:30–42. Ano ang sumunod na nangyari sa tagpong ito, at ano ang itinuturo nito tungkol sa kung paano lalaganap ang ebanghelyo?
“Habang si Jesus ay nakaupo pa rin sa gilid ng balon, Siya ay tumingin sa mga bukirin ng mga butil na nakalatag sa harap Niya, ang kanilang malambot na berde ay naantig ng ginintuang sikat ng araw. Itinuro Niya ang tanawing ito sa mga alagad at ginamit Niya ito bilang isang simbolo: “Hindi baga sinasabi ninyo, May apat na buwan pa, at saka darating ang pagaani? narito, sa inyo'y aking sinasabi, Itanaw ninyo ang inyong mga mata, at inyong tingnan ang mga bukid, na mapuputi na upang anihin.” At habang Siya ay nagsasalita, Siya ay tumingin sa mga grupo na papunta sa balon. Apat na buwan pa bago ang oras ng pag-aani ng butil, ngunit narito ang isang ani na handa para sa mang-aani. DA 191.4
“Ang umaani ay tumatanggap ng upa, at nagtitipon ng bunga sa buhay na walang hanggan; upang ang naghahasik at ang umaani ay mangagalak kapuwa. Sapagka't dito'y totoo ang kasabihan, Isa ang naghahasik, at iba ang umaani.” Dito itinuro ni Cristo ang sagradong paglilingkod na ukol sa Diyos ng lahat ng tumatanggap ng ebanghelyo. Sila ay magiging Kanyang buhay na mga ahensya. Kinakailangan niya ang kanilang indibidwal na paglilingkod. At kung tayo ay maghahasik o mag-aani, tayo ay gumagawa para sa Diyos. Ang isa ay nagsasabog ng binhi; ang iba ay magtitipon sa pag-aani; at kapuwa ang manghahasik at ang mang-aani ay tumatanggap ng kabayaran. Sama-sama silang nagsasaya sa gantimpala ng kanilang pagpapagal.” DA 191.5
“Kayo'y sinugo ko upang anihin ang hindi ninyo pinagpagalan: iba ang nangagpagal, at kayo'y siyang nagsipasok sa kanilang pinagpagalan.” Ang Tagapagligtas ay tumutukoy dito sa dakilang pagtitipon sa araw ng Pentecostes. Ang mga alagad ay hindi ito dapat ibilang na resulta ng kanilang sariling pagsisikap. Sila ay pumapasok sa mga gawain na pinagpagalan ng iba. Mula pa sa pagkahulog ni Adan ay ipinagkaloob na ni Cristo ang binhi ng salita sa Kanyang mga piniling lingkod, upang maihasik sa mga puso ng tao. At isang di-nakikitang ahensya, na isang makapangyarihang kapangyarihan, ang tahimik ngunit epektibong gumagawa upang makagawa ng ani. Ang hamog at ulan at sikat ng araw ng biyaya ng Diyos ay ibinigay upang sariwain at palusugin ang binhi ng katotohanan. Malapit ng diligin ni Cristo ang mga binhi ng Kanyang sariling dugo. Ang Kanyang mga alagad ay nagkaroon ng pribilehiyo na maging mga kamanggagawang kasama ng Diyos. Sila ay mga kamanggagawa ni Cristo at ng mga banal na tao noong unang panahon. Sa pamamagitan ng pagbuhos ng Banal na Espiritu sa Pentecostes, libu-libo ang magbabalik-loob sa isang araw. Ito ang resulta ng paghahasik ni Cristo, ang ani ng Kanyang gawain. DA 192.1
“Sa mga salitang sinabi sa babae sa balon, ang mabuting binhi ay naihasik, at gaano nga kabilis na natanggap ang ani. Dumating ang mga Samaritano at nakinig kay Jesus, at naniwala sa Kanya. Pumalibot sa Kanya sa balon, tinanong nila Siya ng mga tanong, at masigasig na tinanggap ang Kanyang mga paliwanag sa maraming bagay na hindi nila nauunawaan. Habang nakikinig sila, nagsimulang maliwanagan ang kanilang kalituhan. Para silang mga tao sa malaking kadiliman na sumusubaybay sa isang biglaang sinag ng liwanag hanggang sa matagpuan nila ang araw. Ngunit hindi sila nasisiyahan sa maikling kumperensyang ito. Sabik silang makarinig pa, at makinig din ang kanilang mga kaibigan sa kahanga-hangang gurong ito. Inanyayahan nila Siya sa kanilang lungsod, at nakiusap na manatili sa kanila. Dalawang araw siyang nanatili sa Samaria, at marami pa ang sumampalataya sa Kanya.” DA 192.2
“ Naniniwala ang mga Samaritano na darating ang Mesiyas bilang Manunubos, hindi lamang ng mga Judio, kundi ng sanlibutan. Ang Banal na Espiritu sa pamamagitan ni Moises ay inihula Siya bilang isang propetang sinugo ng Diyos. Sa pamamagitan ni Jacob ay ipinahayag na sa Kanya ang pagtitipon ng mga tao; at sa pamamagitan ni Abraham, upang sa Kanya ang lahat ng mga bansa sa lupa ay pagpalain. Sa mga banal na kasulatang ito ibinatay ng mga tao sa Samaria ang kanilang pananampalataya sa Mesiyas. Ang katotohanan na ang mga Hudyo ay nagkamali sa pagpapakahulugan sa mga huling propeta, na nag-uugnay sa unang pagparito sa kaluwalhatian ng ikalawang pagparito ni Cristo, ang naging dahilan para sa mga Samaritano na iwaksi ang lahat ng mga sagradong kasulatan maliban sa mga ibinigay sa pamamagitan ni Moises. Ngunit dahil inalis ng Tagapagligtas ang mga maling interpretasyong ito, marami ang tumanggap sa mga huling hula at mga salita ni Cristo Mismo tungkol sa kaharian ng Diyos. DA 193.1
“Si Jesus ay nagpasimulang wasakin ang pader sa pagitan ng Hudyo at Gentil, at ipangaral ang kaligtasan sa mundo. Bagama't Siya ay isang Hudyo, malaya Siyang nakipaghalubilo sa mga Samaritano, na itinatakwil ang mga kaugalian ng mga Pariseo ng Kanyang bansa. Sa harap ng kanilang mga pagkiling ay tinanggap Niya ang mabuting pakikitungo nitong hinamak na mga tao. Natulog siya sa ilalim ng kanilang mga bubong, kumain kasama nila sa kanilang mga mesa,—nakikisalo sa pagkaing inihanda at inihain ng kanilang mga kamay,—nagtuturo sa kanilang mga lansangan, at pinakikitunguhan sila nang may lubos na kabaitan at kagandahang-loob.” DA 193.2