“Sumagot si Jesus at sa kaniya'y sinabi, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa iyo, Maliban na ang tao'y ipanganak na muli, ay hindi siya makakakita ng kaharian ng Dios..” KJV - Juan 3:3
“Ang mga alagad na ito ay matagal nang nakakasama ni Jesus sa aktibong paggawa. Sina Juan at Santiago, Andres at Pedro, kasama sina Felipe, Nataniel, at Mateo, ay mas malapit na nauugnay sa Kanya kaysa sa iba, at nakasaksi ng higit sa Kanyang mga himala. Sina Pedro, Santiago, at Juan ay tumatayong may mas malapit na kaugnayan sa Kanya. Halos palagi silang kasama Niya, sinasaksihan ang Kanyang mga himala, at naririnig ang Kanyang mga salita. Si Juan ay nagsumikap na mas maging malapit na matalik sa kaugnayan kay Jesus, kaya’t siya ay nakilala bilang ang isa na minahal ni Jesus. Mahal silang lahat ng Tagapagligtas, ngunit kay Juan ay nasumpungan ang pinaka-mapagtanggap na espiritu. Siya ay mas bata kaysa sa iba, at sa taglay na pagtitiwala na gaya sa isang bata ay binuksan niya ang kanyang puso kay Jesus. Sa gayon siya ay higit na nakiramay kay Cristo, at sa pamamagitan niya ang pinakamalalim na espirituwal na pagtuturo ng Tagapagligtas ay ipinaalam sa Kanyang bayan. DA 292.1
Basahin ang Juan 1:19–23. Paano ipinaliwanag ni Juan Bautista ang kanyang ministeryo at misyon?
“Sa isang pagkakataon, ang mga pinunong Judio ay nagpadala ng mga mensahero kay Juan Bautista upang magtanong, “Sino ka baga? At kaniyang ipinahayag, at hindi ikinaila; at kaniyang ipinahayag, Hindi ako ang Cristo. At sa kaniya'y kanilang itinanong, Kung gayo'y ano nga? Ikaw baga'y si Elias? At sinabi niya, Hindi ako. Ikaw baga ang propeta? At siya'y sumagot, Hindi. Sinabi nga nila sa kaniya, Sino ka baga? Upang ibigay namin ang kasagutan sa nangagsugo sa amin. Ano ang sinasabi mo tungkol sa iyong sarili? Sinabi niya, Ako ang tinig ng isang humihiyaw sa ilang, Tuwirin ninyo ang daan ng Panginoon, gaya ng sinabi ng propeta Isaias.” RH Nobyembre 28, 1907, par. 1
“Kung ang isipan ng kaniyang mga tagapakinig ay may sigasig na kilalanin ang espirituwal na katotohanan, mauunawaan sana nila ang kahalagahan ng mga salita ni Juan. Isang alusyon ang ginamit sa puntong ito na isang karaniwang kaugaliang namamayani sa mga bansa sa Silanganan. Kapag ang isang monarko ay malapit nang maglakbay, ang mga tao ay ipinapadala sa unahan niya upang alisin ang mga sagabal sa daan, nang sa gayon ang hari ay makapaglalakbay nang ligtas at walang hadlang. “Ako ang tinig ng isang humihiyaw sa ilang, Tuwirin ninyo ang daan ng Panginoon.” RH Nobyembre 28, 1907, par. 2
Basahin ang Isaias 40:1–5 at Juan 1:23. Paano ginamit ni Juan ang mga talatang ito?
“Sa mga huling siglo ng kasaysayan ng Israel bago ang unang pagparito, ito ay karaniwang nauunawaan na ang pagdating ng Mesiyas ay tinutukoy sa propesiyang, “Totoong magaan ang bagay na ikaw ay naging aking lingkod upang ibangon ang mga lipi ng Jacob, at isauli ang iningatan ng Israel, ikaw ay aking ibibigay na pinakailaw sa mga Gentil upang ikaw ay maging aking kaligtasan hanggang sa wakas ng lupa.” “Ang kaluwalhatian ng Panginoon ay mahahayag,” ito ang inihula ng propeta, “at makikitang magkakasama ng lahat na tao.” Isaias 49:6 ; 40:5 . Sa liwanag na ito, kung kaya’t si Juan Bautista ay nagawang magpatotoo nang buong tapang, nang ipahayag niya, “Ako ang tinig ng isang humihiyaw sa ilang, Tuwirin ninyo ang daan ng Panginoon, gaya ng sinabi ng propeta Isaias.” Juan 1:23 .” PK 688.4
Basahin ang Juan 1:29–37. Anong proklamasyon ang ginawa ni Juan Bautista tungkol kay Jesus? Anong imahe ang ginamit niya upang ilarawan Siya, at bakit napakahalaga upang maunawaan kung sino si Jesus at kung ano ang Kanyang magiging misyon?
“Nang sa pagbibinyag kay Jesus, itinuro Siya ni Juan bilang ang Kordero ng Diyos, isang bagong liwanag ang ibinigay ukol sa gawain ng Mesiyas. Ang isipan ng propeta ay nakadirekta sa mga salita ni Isaias, “gaya ng kordero na dinadala sa patayan.” Isaias 53:7 . Sa mga sumunod na linggo, si Juan, sa kanyang bagong interes, ay pinag-aralan ang mga hula at ang pagtuturo ng paglilingkod sa paghahain. Hindi niya malinaw na tinukoy ang dalawang yugto ng gawain ni Cristo,—ang isa bilang isang nagdurusang hain at ang isa’y mananakop na hari,—ngunit nauunawaan niya na ang Kanyang pagdating ay may mas malalim na kahulugan na hindi nauunawaan ng mga saserdote at ng mga tao. Nang makita niya si Jesus sa gitna ng karamihan sa Kanyang pagbabalik mula sa ilang, may pagtitiwala niyang hinanap Siya upang bigyan ang mga tao ng ilang tanda ng Kanyang tunay na pagkatao. Halos may pagkainip na kaniyang hinintay na marinig sa Tagapagligtas na ipahayag ang Kanyang misyon; ngunit walang salitang binigkas, walang tandang ibinigay. Si Jesus ay hindi tumugon sa kanyang pahayag tungkol sa Kanya, ngunit nakisalamuha sa mga taga-sunod ni Juan, at hindi nagbigay ng panlabas na katibayan ng Kanyang natatanging gawain, at hindi gumawa ng mga hakbang upang ang pansin ay mapukaw tungo sa Kanya. ” DA 136.4
Basahin ang Marcos 10:45, Roma 5:6, at 1 Pedro 2:24. Paano tayo tinutulungan ng mga talatang ito na maunawaan ang papel ni Jesus bilang “ang Kordero ng Diyos”?
Mga alila, kayo'y magsisuko na may buong takot sa inyong mga panginoon; hindi lamang sa mabubuti at mahihinahon, kundi naman sa mababagsik. Sapagka't ito'y kalugodlugod,” ang paliwanag ng alagad, “kung dahil sa budhing ukol sa Dios ay magtiis ang sinoman ng mga kalumbayan, na magbata ng di matuwid. Sapagka't anong kapurihan nga, kung kayo'y nangagkakasala, at kayo'y tinatampal ay inyong tanggapin na may pagtitiis? nguni't kung kayo'y gumagawa ng mabuti, at kayo'y nagbabata, ay inyong tanggapin na may pagtitiis, ito'y kalugodlugod sa Dios. Sapagka't sa ganitong bagay kayo'y tinawag: sapagka't si Cristo man ay nagbata dahil sa inyo, na kayo'y iniwanan ng halimbawa, upang kayo'y mangagsisunod sa mga hakbang niya: Na siya'y hindi nagkasala, o kinasumpungan man ng daya ang kaniyang bibig: Na, nang siya'y alipustain, ay hindi gumanti ng pagalipusta; nang siya'y magbata, ay hindi nagbala; kundi ipinagkatiwala ang kaniyang sarili doon sa humahatol ng matuwid: Na siya rin ang nagdala ng ating mga kasalanan sa kaniyang katawan sa ibabaw ng kahoy, upang pagkamatay natin sa mga kasalanan, ay mangabuhay tayo sa katuwiran; na dahil sa kaniyang mga sugat ay nangagsigaling kayo. Sapagka't kayo'y gaya ng mga tupang nangaliligaw; datapuwa't ngayon ay nangabalik kayo sa Pastor at Obispo ng inyong mga kaluluwa.” AA 522.3
Basahin ang Juan 1:35–39. Ano ang ginawa ng dalawang alagad na ito matapos marinig ang patotoo ni Juan tungkol kay Jesus?
“Nang kinabukasan ay muling nakatayo si Juan, at ang dalawa sa kaniyang mga alagad; At kaniyang tiningnan si Jesus samantalang siya'y naglalakad, at sinabi, Narito, ang Cordero ng Dios! At narinig siyang nagsalita ng dalawang alagad, at sila'y nagsisunod kay Jesus. At lumingon si Jesus, at nakita silang nagsisisunod, at sinabi sa kanila, Ano ang inyong hinahanap? Ipinagtapat ng mga alagad na hinahanap nila si Cristo, at ninanais nilang makilala siya, at maturuan sila sa kanyang tahanan. Ang dalawang alagad na ito ay nabighani sa mga aral ni Cristo na lubhang kahanga-hanga, ngunit simple at praktikal. Ang kanilang mga puso ay hindi kailanman naantig gaya noon. Si Andres, na kapatid ni Simon Pedro, ay isa sa mga alagad na ito. Nais niya na ang kanyang mga kaibigan at kamag-anak ay makita din si Cristo, at marinig mula sa Kanya ang mahahalagang aral na ito. Hinanap ni Andres ang kanyang kapatid na si Simon, at nagpatotoo na natagpuan niya si Cristo, ang Mesiyas, ang Tagapagligtas ng sanlibutan. Siya'y kaniyang dinala kay Jesus. Siya'y tiningnan ni Jesus, at sinabi, Ikaw ay si Simon na anak ni Juan: tatawagin kang Cefas (na kung liliwanagin, ay Pedro).. Kinabukasan ay pumili si Cristo ng isa pang alagad, si Felipe, at inutusan siyang sumunod sa kanya. Si Felipe ay lubusang naniwala na si Cristo ay ang Mesiyas, at nagsimulang maghanap ng iba na madadala upang makinig sa mga turo ni Cristo, na lubos na nakapukaw sa kanya. Nasumpungan ni Felipe si Nataniel. Isa siya sa mga nakarinig kay Juan ng ipahayag na, “Narito ang Kordero ng Diyos, na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan.” Siya ay nakilos nito, at nagtungo sa isang kakahuyan, na lihim sa bawat mata ng tao, at doon ay nagninilay-nilay sa pahayag ni Juan, na nagpapaalala sa kanyang isipan ng mga propesiya na may kaugnayan sa pagdating ng Mesiyas at sa kanyang misyon. Siya ay nagtanong ng ganito: Ito kaya ang Mesiyas na matagal na nilang hinihintay, at hinahangad na makita? Ang pag-asa ay umusbong sa puso ni Nataniel na nagiisip na maaaring ito na nga ang magliligtas sa Israel. Siya ay yumukod sa harap ng Diyos at nanalangin na kung ang taong ipinahayag ni Juan na Manunubos ng sanlibutan ay talagang ang ipinangakong tagapagligtas, ay ipaalam ito sa kanya. Ang Espiritu ng Panginoon ay suma kay Nataniel sa isang espesyal na paraan na siya ay nakumbinsi na si Cristo ang Mesiyas. Habang nananalangin si Nataniel, narinig niya ang tinig ni Felipe na tumatawag sa kaniya, na nagsasabi, Nasumpungan namin yaong isinulat ni Moises sa kautusan, at gayon din ng mga propeta, si Jesus na taga Nazaret, ang anak ni Jose. At sinabi sa kaniya ni Nataniel, May anomang mabuting bagay ba na manggagaling sa Nazaret? Sinabi sa kaniya ni Felipe, Pumarito ka at tingnan mo. Nakita ni Jesus si Natanael na lumalapit sa kaniya, at sinabi ang tungkol sa kaniya, Narito, ang isang tunay na Israelita, na sa kaniya'y walang daya! Sinabi sa kaniya ni Nataniel, Saan mo ako nakilala? Si Jesus ay sumagot at sinabi sa kaniya, Bago ka tinawag ni Felipe, nang ikaw ay nasa ilalim ng puno ng igos, ay nakita kita.” 2SP 63.2
Basahin ang Juan 1:43–46. Ano ang ipinakita ng mensahe ni Felipe tungkol sa naroon na niyang pananampalataya kay Jesus?
“Nang matagpuan ni Felipe si Jesus, hindi siya nasisiyahan na itago sa kanyang sarili ang kaalaman tungkol sa Mesiyas. “Nasumpungan ni Felipe si Natanael, at sinabi sa kaniya, Nasumpungan namin yaong isinulat ni Moises sa kautusan, at gayon din ng mga propeta, si Jesus na taga Nazaret, ang anak ni Jose. At sinabi sa kaniya ni Natanael, Mangyayari bagang lumitaw ang anomang magaling na bagay sa Nazaret? Sinabi sa kaniya ni Felipe, Pumarito ka at tingnan mo.” Ito ang pinakamahusay na paraan upang subukin ang katotohanan. May magandang-loob at kababaang puso, kasama ang Banal na Espiritu na sumaiyo, ika’y lumapit sa mga orakulo ng katotohanan; alamin sa inyong sarili kung ano ang katotohanan. Hindi namin hinihiling na maniwala ka dahil ipinakita namin sa iyo ang katotohanan, ngunit maniwala ka dahil napatunayan mo sa iyong sarili na ito ay katotohanan. ” RH Abril 21, 1891, par. 1
Juan 1:47–51. Paano hinikayat ni Jesus si Nataniel kung sino Siya, at ano ang tugon ni Nataniel?
Gaano nga kadaling nanampalataya si Nataniel! At laking kasiyahang pinagmasdan ni Jesus ang kanyang tapat at walang dayang pananampalataya! “Si Jesus ay sumagot at sinabi sa kaniya, Dahil baga sa sinabi ko sa iyo, Kita'y nakita sa ilalim ng puno ng igos, kaya ka sumasampalataya? makikita mo ang mga bagay na lalong dakila kay sa rito. At sinabi niya sa kaniya, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa iyo, Makikita ninyong bukas ang langit, at ang mga anghel ng Dios na nagmamanhik-manaog sa ulunan ng Anak ng tao.” Hindi kailanman pinararangalan ng Diyos ang kawalan ng pananampalataya at pagdududa. Kapag Siya ay nagsalita, ang Kanyang salita ay dapat kilalanin at isakatuparan sa pang-araw-araw na gawa. At kung ang puso ng tao ay may buhay na kaugnayan sa Diyos, ang tinig na nagmumula sa itaas ay makikilala.” CSW 26.2
“Nakita ni Jesus si Nataniel na lumalapit sa kaniya, at sinabi ang tungkol sa kaniya, Narito, ang isang tunay na Israelita, na sa kaniya'y walang daya! Sinabi sa kaniya ni Natanael, Saan mo ako nakilala? Si Jesus ay sumagot at sinabi sa kaniya, Bago ka tinawag ni Felipe, nang ikaw ay nasa ilalim ng puno ng igos, ay nakita kita.” DA 140.3
“Ito ay sapat na. Ang banal na Espiritu na nagpatotoo kay Nataniel sa kanyang nag-iisang panalangin sa ilalim ng puno ng igos ay nagsalita na ngayon sa kanya sa mga salita ni Jesus. Bagama't may pag-aalinlangan, at kaunting pagtatangi, si Nataniel ay lumapit kay Cristo na may tapat na pagnanais para sa katotohanan, at ngayon ay natugunan ang kanyang hangarin. Ang kanyang pananampalataya ay higit pa kaysa sa isa na nagdala sa kanya kay Jesus. Sumagot siya at sinabi, Rabi, ikaw ang Anak ng Dios; ikaw ang Hari ng Israel.” DA 140.4
Basahin ang Juan 3:1–21. Paano sinusuportahan ng patotoo ni Nicodemo ang tema ng Ebanghelyo ni Juan?
“Sa presensiya ni Cristo, si Nicodemo ay nakadama ng kakaibang panghihina ng loob, na sinikap niyang itago sa ilalim panlabas na karangalan at dignidad. “Rabi, nalalaman naming ikaw ay isang guro na nagbuhat sa Dios; sapagka't walang makagagawa ng mga tanda na iyong ginagawa, maliban na kung sumasa kaniya ang Dios.” Sa pagsasalita tungkol sa mga natatanging kaloob ni Cristo bilang isang guro, at gayundin sa Kanyang kahanga-hangang kapangyarihang gumawa ng mga himala, ninanais niyang mabigyang daan ang kanyang mga katanungan. Ang kanyang mga salita ay idinisenyo upang ipahayag at mag-anyaya ng pagtitiwala; ngunit sa katunayan ay nagpapahayag ito ng kawalan ng paniniwala. Hindi niya kinilala na si Jesus ang Mesiyas, ngunit isang guro lamang na ipinadala ng Diyos. DA 168.3
“Sa halip na tukuyin ang pagbating ito, itinuon ni Jesus ang Kanyang mga mata sa nagsasalita, na parang binabasa ang kanyang kaluluwa. Sa Kanyang walang hanggang karunungan ay nakita Niya sa Kanyang harapan ang isang naghahanap ng katotohanan. Alam Niya ang layunin ng pagdalaw na ito, at sa pagnanais na palalimin ang pananalig na nasa isipan ng Kanyang tagapakinig, diretso Siya sa punto, sinabi nang taimtim, ngunit may kabaitan na, “Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa iyo, Maliban na ang tao'y ipanganak na muli, ay hindi siya makakakita ng kaharian ng Dios.” Juan 3:3 .” DA 168.4
Basahin ang Juan 3:3–21. Ano ang sinabi ni Jesus kay Nicodemo upang ipakita na nababasa niya ang nasasa loob niya?
Si Nicodemo ay lumapit sa Panginoon upang makipagdiskusyon sa Kanya, ngunit inihayag ni Jesus ang pundasyon ng mga alituntunin ng katotohanan. Sinabi niya kay Nicodemo na hindi teoretikal na kaalaman ang kinakailangan sa halip ay ang maigting na espirituwal na pagbabagong-buhay. Hindi kailangang matugunan ang iyong kuryusidad, sa halip ay magkaroon ng bagong puso. Kinakailangang makatanggap ng bagong buhay mula sa itaas bago mapahalagahan ang mga bagay sa langit. Maliban sa maganap ang pagbabagong ito, na ginagawang bago ang lahat ng bagay, walang magiging mabuting resulta ang iyong pakikipagdiskusyon sa Akin, sa Aking awtoridad o sa Aking misyon. DA 171.1
“Siya’y nagulat at sumagot kay Cristo sa mga salitang puno ng kabalintunaan, “Paanong maipanganganak ang tao kung siya'y matanda na?” Tulad ng marami pang iba kapag ang talas ng katotohanan ay nakakapukaw sa budhi, inihayag niya ang katotohanan na ang likas ng tao ay hindi tumatanggap ng mga bagay ng Espiritu ng Diyos. Wala sa kanyang tumutugon sa mga espirituwal na bagay; sapagka't ang mga bagay na espirituwal ay nakikilala sa espiritu. DA 171.4
“Ngunit ang Tagapagligtas ay hindi nakipagtalo sa argumento. Itinaas ang Kanyang kamay nang may solemne, at tahimik na dignidad, at binigyang-diin Niya ang katotohanan nang may higit na katiyakan, “Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa iyo, Maliban na ang tao'y ipanganak ng tubig at ng Espiritu, ay hindi siya makapapasok sa kaharian ng Dios.” Alam ni Nicodemo na tinutukoy dito ni Cristo ang bautismo sa tubig at ang pagpapanibago ng puso sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos. Siya ay naniwala na siya ay tunay na nasa harapan ng Isa na inihula ni Juan Bautista.” DA 171.5
“Sa mga araw na ito na kasama ni Cristo ang Kanyang mga alagad, sila ay nagkaroon ng bagong karanasan. Nang marinig nila ang kanilang minamahal na Guro na nagpapaliwanag ng mga Kasulatan sa liwanag ng lahat ng nangyari, ang kanilang pananampalataya sa Kanya ay ganap na natatag. Narating nila ang posisyon kung saan masasabi nilang, “nakikilala ko yaong aking sinampalatayanan.” 2 Timoteo 1:12 . Sinimulan nilang matanto ang kalikasan at lawak ng kanilang gawain, upang kanilang ipahayag sa mundo ang mga katotohanang ipinagkatiwala sa kanila. Ang mga pangyayari sa buhay ni Cristo, ang Kanyang kamatayan at pagkabuhay na mag-uli, ang mga propesiya na nagtuturo sa mga pangyayaring ito, ang mga misteryo ng plano ng kaligtasan, ang kapangyarihan ni Jesus para sa kapatawaran ng mga kasalanan—sa lahat ng bagay na ito ay naging mga saksi sila, at kinakailangang ihayag din nila ang mga bagay na ito sa sanlibutan. Dapat nilang ipahayag ang ebanghelyo ng kapayapaan at kaligtasan sa pamamagitan ng pagsisisi at sa ilalim ng kapangyarihan ng Tagapagligtas.” AA 27.1