Pamumuhay Kasama si Cristo

Liksyon 11, Unang Semestre, Marso 7–13, 2026

img rest_in_christ
Share this Lesson
Download PDF

Sabbath Afternoon March 7

Memory Text:

“ At sa ibabaw ng lahat ng mga bagay na ito ay mangagbihis kayo ng pagibig na siyang tali ng kasakdalan.” — Colosas 3:14


“Sa pagsisikap ng isang Cristiano na maabot ang mithiin ng Diyos para sa kanya, hindi siya dapat mawalan ng pag-asa kailanman. Ang moral at espirituwal na kasakdalan, sa pamamagitan ng biyaya at kapangyarihan ni Cristo, ay ipinangako sa lahat. Si Jesus ang pinagmumulan ng kapangyarihan at ang bukal ng buhay. Dinadala Niya tayo sa Kanyang Salita, at mula sa punongkahoy ng buhay ay inihahandog Niya sa atin ang mga dahon para sa ikagagaling ng mga kaluluwang may sakit dahil sa kasalanan. Inaakay Niya tayo sa trono ng Diyos at inilalagay sa ating bibig ang isang panalangin na naglalapit sa atin sa Kanya. Para sa atin, pinakikilos Niya ang makapangyarihang mga ahensiya ng langit. Sa bawat hakbang, nadarama natin ang Kanyang buhay na kapangyarihan.”

“Hindi nililimitahan ng Diyos ang pag-unlad ng mga nagnanais na ‘mapuspos ng kaalaman ng Kanyang kalooban sa buong karunungan at espirituwal na pagkaunawa.’ Sa pamamagitan ng panalangin, pagbabantay, at patuloy na paglago sa kaalaman at pagkaunawa, sila ay ‘palalakasin ng buong kapangyarihan ayon sa Kanyang maluwalhating lakas.’ Sa gayon, sila ay nahahandang gumawa para sa iba. Layunin ng Tagapagligtas na ang mga tao, na nilinis at pinabanal, ay maging Kanyang katuwang na kamay. Dahil sa dakilang pribilehiyong ito, magpasalamat tayo sa Kanya na ‘ginawa tayong karapat-dapat na makibahagi sa mana ng mga banal sa liwanag; na nagligtas sa atin mula sa kapangyarihan ng kadiliman, at naglipat sa atin sa kaharian ng Kanyang minamahal na Anak.’” AA 478.3

Linggo Marso 8

Makalangit na Pag-iisip


Basahin ang Colosas 3:1–4 . Anong kondisyon ang ipinahayag ni Pablo na kailangan upang magkaroon tayo ng makalangit na pag-iisip? Ano sa palagay mo ang kahulugan nito?

“ Ang sinumang magpasyang pumasok sa espirituwal na kaharian ay makikita na ang lahat ng pagnanasa at kapangyarihan ng kanyang likas na pagkatao—na hindi pa nababago ng biyaya ng Diyos—kasama ang mga puwersa ng kaharian ng kadiliman, ay lalaban sa kanya. Kaya araw-araw ay kailangan niyang panibaguhin ang kanyang pagtatalaga sa Diyos at araw-araw ding makipaglaban sa kasamaan. Ang mga dating nakasanayan at maging ang mga namamanang hilig sa paggawa ng mali ay pipilit na manaig. Dahil dito, dapat siyang laging magbantay at magsikap, sa pamamagitan ng lakas ni Cristo, upang makamtan ang tagumpay. (AA 476.3)

Isinulat ni Pablo sa mga taga-Colosas: “Patayin nga ninyo ang inyong mga sangkap ng katawang nangasa ibabaw ng lupa — Na inyo ring nilakaran nang una, nang kayo'y nangabubuhay pa sa mga bagay na ito. Datapuwa't ngayon ay inyo namang layuan ang lahat ng mga ito: galit, kapootan, paghihinala, panunungayaw, mga salitang kahalay-halay na mula sa inyong bibig. Mangagbihis nga kayo gaya ng mga hinirang ng Dios, na mga banal at minamahal, ng isang pusong mahabagin, ng kagandahangloob, ng kababaan, ng kaamuan, ng pagpapahinuhod: Mangagtiisan kayo sa isa't isa, at mangagpatawaran kayo sa isa't isa, kung ang sinoman ay may sumbong laban sa kanino man; na kung paanong pinatawad kayo ng Panginoon, ay gayon din naman ang inyong gawin: At sa ibabaw ng lahat ng mga bagay na ito ay mangagbihis kayo ng pagibig na siyang tali ng kasakdalan. At maghari sa inyong puso ang kapayapaan ni Cristo, na diya'y tinawag din naman kayo sa isang katawan; at kayo'y maging mapagpasalamat.” (AA 477.1) Col 3:7-15

Ang liham sa mga taga-Colosas ay puno ng mahahalagang aral para sa lahat ng naglilingkod kay Cristo. Ipinakikita nito na ang isang tunay na kumakatawan sa Tagapagligtas ay may malinaw na layunin at mataas na mithiin sa buhay. Tinatanggihan niya ang anumang makahahadlang sa kanyang pag-unlad sa espirituwal na landas at ang anumang maaaring maging sanhi ng pagkatisod ng iba sa makitid na daan. Sa kanyang pang-araw-araw na pamumuhay, makikita ang habag, kabaitan, kapakumbabaan, kaamuan, pagtitiis, at higit sa lahat, ang pag-ibig ni Cristo. (AA 477.2)

Lunes Marso 9

Wakasan ang Pagiging Makamundo


Basahin ang Colosas 3:5 , 6 (tingnan din ang Roma 6:1–7 ). Paano natin mararanasan kung ano ang kahulugan na maging patay sa sarili at sa pagkamakamundo at maging buhay sa “mga bagay na nasa itaas” ( Col. 3:1 )?

“ Noong sila’y mahikayat at mabautismuhan, nangako ang mga mananampalataya sa Colosas na tatalikuran nila ang mga paniniwala at gawaing dati nang bahagi ng kanilang buhay, at mananatiling tapat sa kanilang katapatan kay Cristo. Sa kanyang liham, pinaalalahanan sila ni Pablo tungkol dito at nakiusap na huwag nilang kalimutan na upang matupad ang kanilang pangako, kailangan nilang patuloy na magsikap laban sa mga kasamaan na nagnanais manaig sa kanila. Sinabi niya, “Kung kayo nga'y muling binuhay na kalakip ni Cristo, ay hanapin ninyo ang mga bagay na nangasa itaas, na kinaroroonan ni Cristo, na nakaupo sa kanan ng Dios. Ilagak ninyo ang inyong pagiisip sa mga bagay na nangasa itaas, huwag sa mga bagay na nangasa ibabaw ng lupa. Sapagka't kayo'y nangamatay na, at ang inyong buhay ay natatagong kasama ni Cristo sa Dios.” (AA 475.3) Col 3:1-3

“Kung ang sinuman ay na kay Cristo, siya ay bagong nilalang; ang mga dating bagay ay lumipas na, at narito, ang lahat ay naging bago.” (2 Corinto 5:17). Sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Cristo, maraming lalaki at babae ang nakalaya sa tanikala ng makasalanang bisyo. Tinalikuran nila ang pagiging makasarili. Ang dating walang galang ay naging may paggalang; ang lasing ay naging mahinahon; ang imoral ay naging malinis. Ang mga kaluluwang dating nagtataglay ng larawan ni Satanas ay nabago upang maging kawangis ng Diyos. Ang pagbabagong ito ay isang himala sa kanyang sarili—isa sa pinakadakilang hiwaga ng Salita. Isang pagbabagong ginagawa ng Salita ng Diyos na hindi lubos maunawaan, kundi dapat lamang sampalatayanan. Gaya ng sinasabi ng Kasulatan, ito ay “ si Cristo na nasa inyo, na pagasa ninyo sa kaluwalhatian.” (AA 476.1)

Kapag ang Espiritu ng Diyos ang naghahari sa isip at puso, ang isang taong nahikayat ay umaawit ng bagong awit. Ito’y dahil natitiyak niya sa kanyang karanasan na natupad ang pangako ng Diyos—na ang kanyang mga pagsuway ay pat ang kanyang mga kasalanan ay pinatawad na. Siya ay nagsisi sa Diyos dahil sa paglabag sa banal na kautusan at sumampalataya kay Cristo na namatay para sa kanyang pag-aaring-ganap. “Yaman nga na mga inaaring-ganap sa pananampalataya, mayroon tayong kapayapaan sa Dios sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesucristo.” (Roma 5:1). (AA 476.2)

Ang kapangyarihan ng isang mas mataas, mas dalisay, at mas marangal na buhay ang ating malaking pangangailangan. Labis ang atensyon ang naibibigay sa mga bagay ng sanlibutan, at kulang naman sa kaharian ng langit. (AA 478.1)

Tuesday March 10

Nabago sa Kaalaman


Basahin ang Colosas 3:6–11. Paano nagpatuloy si Pablo sa ganitong linya ng kaisipan?

“Kayo ay patay na sa mga makalamang pagnanasa—patay na sa matitinding damdaming sumisira sa pag-ibig, kaamuan, kabaitan, at tunay na pag-uugaling Cristiano. Hindi sapat para sa isang Cristiano na sabihing, “Ako ay dating nahikayat.” Marami ang ibinabatay ang kanilang pananampalataya at pag-asa hindi sa kanilang kasalukuyang kalagayan, kundi sa kanilang karanasan noong una nilang tinanggap si Cristo. Ngunit kung ang pagkahikayat ay hindi magdadala sa atin sa isang bagong kalagayan sa harap ng Diyos—isang pagbabagong sumasaklaw sa buong pagkatao—ano ang silbi nito sa atin?

Ang taong tunay na ipinanganak na muli ay makapagsasabi: Ang mga dating ugali—ang madaliing magalit at mainiting ulo, ang poot, inggit, paghihiganti, diwa ng pagganti, kapalaluan, at pagnanais na nangingibabaw—ay mapagtatagumpayan. Ang mga ito ay aalisin sa aking puso at hindi na makikita sa aking buhay. (2LtMs, Ms 2, 1875, par. 10)

Magkakaroon ba ng tukso ang isang taong nahikayat na magsalita at kumilos nang mali? Oo. Ang diyablo ay patuloy na manunukso sa kanya. Kaya dapat niyang armasan ang kanyang sarili ng pananampalataya at panalangin upang makapanindigan laban dito. May malakas na agos na pilit siyang ibabalik sa dati niyang buhay ng kasalanan—upang sundin ang likas na pagnanasa ng pusong hindi pa lubos na nababago. Walang pusong mananatiling malinis kung hindi ito patuloy na napupuspos ng biyaya ng Diyos. Walang taong mananatiling tapat sa kanyang pagkahikayat kung hindi siya magbabantay sa panalangin, mananatiling malapit kay Cristo, magtitiwala sa Kanya sa bawat sandali, at magsisikap lumapit patungo sa langit laban sa agos ng makasalanang pagnanasa—na parang nagsasagwan laban sa hangin at alon, gamit ang dalawang sagwan: pananampalataya at gawa.

Ang tunay na pagkahikayat ay nangangahulugan ng paglalaan ng lahat ng ating kakayahan sa paglilingkod sa Tagapagligtas—Siya na iniwan ang Kanyang kaluwalhatian, karangalan, at kayamanan upang pumarito sa sanlibutan at iligtas ang tao. Inibig Niya ang sangkatauhan ng walang hanggang pag-ibig at ibinigay ang Kanyang buhay para sa mga makasalanan. Ano pa ang magagawa ng Diyos na hindi pa Niya nagawa para sa tao? Ngayon, ano naman ang gagawin ng tao bilang tugon—para sa kanyang sariling kaligtasan at para sa kaligtasan ng iba—upang ipakita na pinahahalagahan niya ang sakripisyo at habag na ipinagkaloob sa kanya? Dahil sa napakadakilang pag-ibig na ito, hindi ba’t dapat siyang kumapit sa Tagapagligtas nang may tuloy-tuloy at matatag na katapatan? (2LtMs, Ms 2, 1875, par. 11)

Ano ang ibig sabihin ni Pablo sa "dating pagkatao" kumpara sa "bagong pagkatao"? Tingnan ang Mga Taga-Roma 6:6 at Mga Taga-Efeso 4:22–24 .

“ Ang “lumang pagkatao” ay tumutukoy sa dating makasalanang likas—ang mga gawi, pagnanasa, at pag-iisip na hiwalay sa Diyos. Ang “bagong pagkatao” naman ay ang binagong buhay kay Cristo—isang pusong patuloy na pinapanibago at hinuhubog ayon sa larawan ng Maylalang.

Malaki ang pananagutang kaakibat ng mga nabautismuhan sa pangalan ng Ama, ng Anak, at ng Espiritu Santo. Sikapin ninyong maunawaan ang kahulugan ng mga salitang: “Kayo’y namatay na, at ang inyong buhay ay nakatago na kasama ni Cristo sa Diyos.” Sa bagong buhay na inyong tinanggap, kayo ay nangakong ipapakita sa inyong pamumuhay ang buhay ni Cristo. Yamang inyong “isinuot ang bagong pagkatao,” na patuloy na pinapanibago sa kaalaman ayon sa larawan ng Lumikha, dapat itong makita sa inyong araw-araw na kilos at pananalita. (19MR 236.1)

Ang mga pumipiling maging bahagi ng maharlikang pamilya—mga anak ng makalangit na Hari—ay dapat magpatunay ng kanilang pagpili sa pamamagitan ng pag-aayon ng kanilang mga salita at gawa sa mga prinsipyong kanilang ipinahahayag. Kapatid ko, ang kaharian ba ng Diyos ay tunay nang naghahari sa iyong puso sa pamamagitan ng pananatili ni Cristo roon? O ang sarili pa rin ba ang namamayani? Kanino ka ba tunay na nagpapasakop? Kung ang makasariling espiritu ang patuloy na humahadlang sa iyo sa paglilingkod kay Cristo, manalangin ka nang taos-puso: “Dumating nawa ang Iyong kaharian. Matupad nawa ang Iyong kalooban dito sa lupa, gaya ng sa langit.” (18MR 105.1)

Wednesday March 11

Katangian ng Bagong Buhay


Basahin ang Colosas 3:12–14. Paano inilarawan ang mga mananampalataya at paano ito sa palagay mo nauugnay sa mga katangian na dapat nilang “ibihis”?

“Ang mga salitang ito ay tuwiran, malinaw, at walang palamuti. Walang sinuman ang kailangang mahulog sa bitag na inihanda ni Satanas para sa mga pabaya at hindi nagbabantay. Ang mga nagnanais maging katulad ni Cristo ay dapat manalangin nang may pananampalataya at magbantay sa panalangin. Pagkatapos, habang sumasampalataya, umawit sila ng mga awit ng papuri at pasasalamat. (20LtMs, Lt 225, 1905, par. 13)

Nakikita ng Panginoong Jesus ang Kanyang mga nagpapahayag na mananampalataya na nagkakatipon bilang iglesia, ngunit hindi lahat sa kanila ay may katotohanan. Hindi lahat ay sumusunod sa mga utos. Sa maraming pagkakataon, may ilan na tumalikod na sa pananampalataya. Kung nagpatuloy lamang sana silang makilala ang Panginoon, mauunawaan nila ang lalim at tindi ng pag-ibig ng Diyos para sa bawat kaluluwa.

“Sapagka't gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan, na ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang sinomang sa kaniya'y sumampalataya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. Sapagka't hindi sinugo ng Dios ang Anak sa sanglibutan upang hatulan ang sanglibutan; kundi upang ang sanglibutan ay maligtas sa pamamagitan niya. Ang sumasampalataya sa kaniya ay hindi hinahatulan; ang hindi sumasampalataya ay hinatulan na, sapagka't hindi siya sumampalataya sa pangalan ng bugtong na Anak ng Dios. At ito ang kahatulan, na naparito ang ilaw sa sanglibutan, at inibig pa ng mga tao ang kadiliman kay sa ilaw; sapagka't masasama ang kanilang mga gawa. Sapagka't ang bawa't isa na gumagawa ng masama ay napopoot sa ilaw, at hindi lumalapit sa ilaw, upang huwag masaway ang kaniyang mga gawa. Datapuwa't ang gumagawa ng katotohanan ay lumalapit sa ilaw, upang mahay.” (Juan 3:16–21) (20LtMs, Lt 225, 1905, par. 14)

Napakalaking gawain ang nasa ating harapan. Hindi natin nakikita ang wakas mula sa pasimula. Kaya kailangan nating magpatuloy sa pagkilala sa Panginoon sa bawat hakbangin. Siya ang nangunguna sa atin, at bibigyan Niya tayo ng higit pang liwanag. (par. 15)

May ilan na kailangang gumawa ng malinaw at tiyak na pagbabago sa kanilang buhay. Hindi nila sinusunod ang landas ng katotohanan at katuwiran. Humihina ang kanilang interes sa gawain ng Diyos at nanlalamig ang kanilang debosyon, sapagkat hindi sila lumalakad ayon sa payo ng Diyos; sa halip, sa maraming paraan ay sumusunod sila sa takbo ng sanlibutan. Hindi nila iningatang maging malinis, dalisay, at banal ang kanilang mga kaisipan. Hindi sila napaliligiran ng mabangong impluwensiyang espirituwal na magpapakilala sa kanila bilang mga umiibig sa Diyos at tumutupad sa Kanyang mga utos. (par. 16)

Maaari pa silang makalaya mula sa bitag ng kaaway kung kikilalanin nilang nilalabag nila ang kautusan ng Diyos at magsisisi sila sa harap ng Diyos at ni Jesu-Cristo. Kapag muling nabuhay ang kanilang espirituwal na pakiramdam, makikita nila na hindi nila naparangalan ang Diyos ayon sa hinihingi ng Kanyang kautusan. Sinasabi ng Diyos sa kanila: Ang inyong pang-unawa ay kailangang padalisayin ng banal na biyaya, upang malinis mula sa bawat dungis ng karumihan sa isip, salita, o gawa. (par. 17)

Huwebes Marso 12

Ipinamumuhay ang Bagong Buhay


Basahin ang Colosas 3:16, 17. Ano ang partikular na nagpapahintulot kay Cristo na mangibabaw, at ano ang papel ng musika sa lahat ng ito?

“Ang lumang makasalanang pamumuhay ay patay na. Ang bagong buhay ay tinanggap natin kasama ni Cristo sa pamamagitan ng panatang ginawa sa bautismo. Kaya isabuhay ninyo ang mga katangian ng Tagapagligtas. Hayaang ang Kanyang Salita ay manahan nang sagana sa inyo, na may buong karunungan—kayo’y magturo at magpaalalahanan sa isa’t isa sa pamamagitan ng mga salmo, himno, at mga awiting espirituwal, na umaawit nang may biyaya at pasasalamat sa inyong mga puso sa Panginoon. At anuman ang inyong gawin—sa salita man o sa gawa—gawin ninyo ang lahat sa pangalan ng Panginoong Jesus, na nagpapasalamat sa Diyos Ama sa pamamagitan Niya. (19MR 236.2)

Ang mga aral na ito ay dapat maipakita at maipamuhay sa mga iglesia. Ang pag-ibig, habag, at kahinahunan ay dapat makita sa ating samahan. Bilang mga hinirang ng Diyos, isuot ninyo ang awa at kabaitan. Ang mga kasalanang ginagawa bago ang pagkahikayat ay dapat tuluyang iwanan kasama ng “lumang pagkatao.” Sa halip, isuot ninyo ang “bagong pagkatao” kay Cristo Jesus—kabaitan, kapakumbabaan ng isip, kaamuan, at mahabang pagtitiis. (19MR 236.3)

Ang mga nabuhay na kasama ni Cristo upang mamuhay sa panibagong buhay ay mga hinirang ng Diyos. Sila ay nakatalaga sa Panginoon at kinikilala Niya bilang Kanyang minamahal. Dahil dito, sila ay nasa isang banal na tipan na ipakita ang tunay na kapakumbabaan. Dapat nilang isuot ang kasuotan ng katuwiran. Hiwalay sila sa sanlibutan—sa espiritu nito at sa mga gawain nito—at dapat nilang ipakita na sila’y natututo mula sa Kanya na nagsabing, “Ako’y maamo at mapagpakumbaba ang puso.”

Kung kanilang kinikilala na sila’y namatay na kasama ni Cristo at tapat na tinutupad ang kanilang panata sa bautismo, mawawalan ng kapangyarihan ang sanlibutan na sila’y ilayo at akayin upang itakwil si Cristo. Kung isinasabuhay nila ang buhay ni Cristo dito sa lupa, sila’y makikibahagi sa banal na kalikasan. At kapag si Cristo—na ating buhay—ay mahayag, sila rin ay mahahayag na kasama Niya sa kaluwalhatian. (19MR 236.4)

Ang bayan ng Diyos ay dapat magmahalan bilang tunay na magkakapatid. Dapat silang maging mabait, magalang, at mapagpatawad, gaya ng pagpapatawad ni Cristo sa kanila. Sa lahat ng bagay, sundin nila ang Kanyang halimbawa, sapagkat ang kanilang buhay ay nakatago kasama Niya sa Diyos.

Mga kapatid, pag-isipan ninyo ang dakilang posibilidad ng ganitong uri ng pamumuhay. Ang pagkakaisang Cristiano ay isang napakadakila at kahanga-hangang biyaya—kaya ito’y pagsikapan ninyo. “Kung paanong Siya na tumawag sa inyo ay banal, maging banal din kayo sa lahat ng inyong pamumuhay; sapagkat nasusulat, ‘Kayo’y maging banal, sapagkat Ako ay banal.’ Yamang nilinis ninyo ang mga kaluluwa sa inyong pagtalima sa katotohanan, sa pagibig na hindi pakunwari sa mga kapatid, ay mangagibigan kayo ng buong ningas ng inyong puso sa isa't isa: Yamang ipinanganak kayong muli, hindi sa binhing nasisira, kundi sa walang kasiraan, sa pamamagitan ng salita ng Dios na nabubuhay at namamalagi.” (1 Pedro 1:15, 22, 23) (19MR 237.1)

Biyernes Marso 13

Karagdagang Kaisipan

“Mga kapatid, hindi ba ninyo pakikinggan ang panawagang ito? Kapag ito ay binasa sa mga kaanib ng mga iglesia ng sinumang hahalili sa akin—sapagkat hindi ako makakasama ninyo nang personal—nawa’y tumugon ang mga mananampalataya. Lumuhod kayo sa harap ng Diyos at aminin ang inyong pagtalikod at pagkukulang. Sa pagpapakumbaba, tanggapin ninyo ang mga salita ni Cristo: “Kung ang sinomang tao'y ibig sumunod sa akin ay tumanggi sa kaniyang sarili, at pasanin ang kaniyang krus, at sumunod sa akin.” “ Pasanin ninyo ang aking pamatok, at magaral kayo sa akin; sapagka't ako'y maamo at mapagpakumbabang puso: at masusumpungan ninyo ang kapahingahan ng inyong mga kaluluwa. Sapagka't malambot ang aking pamatok, at magaan ang aking pasan.” [Matthew 11:29, 30]. 19MR 237.2

Kailangan nating magtulungan at makiisa kay Cristo upang hindi tayo malayo sa pananampalataya. Noong gabi, ipinahayag ko ang mga salitang ito sa mga iglesia sa Melbourne upang idiin ang pangangailangang maghanda para sa pagdating ni Cristo. Kailangang maging masigasig tayo ngayon, sapagkat marami nang panahon ang nasayang dahil ang ating mga buhay ay hindi nakasentro kay Cristo. Habang ipinahahayag ko ang mga bagay na ito, naramdaman ang malakas na pagkilos ng Espiritu ng Diyos at nagkaroon ng liwanag sa pagtitipon. May mga mapagpakumbabang pag-amin na ginawa. Ang ilan na sa simula ay tila walang pakialam ay napaluha, inamin ang kanilang mga kasalanan, at nagsimula ang pagbabago.

Isinusulat ko ang mga bagay na ito sa inyo sapagkat naniniwala akong makatutulong ito upang kayo’y mailabas mula sa kadiliman tungo sa liwanag. —Liham 32, 1907.