Ang Papel ng Biblia

Liksyon 4, Ikalawang Semestre, Abril 18–24, 2026

img rest_in_christ
Share this Lesson
Download PDF

Hapon ng Sabbath, Abril 18

Memory Text:

“ Sapagka't ang salita ng Dios ay buhay, at mabisa, at matalas kay sa alin mang tabak na may dalawang talim, at bumabaon hanggang sa paghihiwalay ng kaluluwa at espiritu, ng mga kasukasuan at ng utak, at madaling kumilala ng mga pagiisip at mga haka ng puso.” — Hebreo 4:12


“Ang pag-aaral ng Biblia ay nagbibigay ng lakas sa isipan. Ayon sa mang-aawit, ‘Ang bukas ng iyong mga salita ay nagbibigay ng liwanag; nagbibigay ng unawa sa walang muwang.’ (Awit 119:130.) Madalas akong tanungin, ‘Dapat bang ang Biblia ang maging pangunahing aklat sa ating mga paaralan?’ Ito ay isang mahalagang aklat—isang kahanga-hangang aklat. Isa itong kayamanan na naglalaman ng mga hiyas na may napakalaking halaga. Isa rin itong kasaysayan na nagbubukas sa atin ng mga nagdaang siglo. Kung wala ang Biblia, mapipilitan tayong umasa sa mga haka-haka at kathang-isip tungkol sa mga pangyayari ng nakalipas. Sa lahat ng mga aklat na lumaganap sa mundo—gaano man kahalaga ang mga ito—ang Biblia ang pinakadakilang aklat at siyang higit na karapat-dapat pag-aralan nang masusi at bigyang-pansin. Ibinibigay nito hindi lamang ang kasaysayan ng paglikha ng mundong ito, kundi pati ang paglalarawan ng mundong darating. Naglalaman ito ng mga katuruan tungkol sa mga hiwaga ng sansinukob, at inihahayag nito sa ating pag-unawa ang Maylikha ng langit at lupa. Ipinapakita nito ang isang payak ngunit ganap na sistema ng teolohiya at pilosopiya. Ang mga masigasig na nag-aaral ng salita ng Diyos, sumusunod sa Kanyang mga tagubilin, at umiibig sa Kanyang mga payak na katotohanan ay uunlad sa pag-iisip at pag-uugali. Ito ay kaloob ng Diyos na dapat magbangon sa bawat puso ng taos-pusong pasasalamat, sapagkat ito ang kapahayagan ng Diyos sa tao.” (CE 105.2)

“Ang Biblia ay isang aklat na naghahayag ng mga simulain ng katuwiran at katotohanan. Nilalaman nito ang lahat ng kinakailangan para sa kaligtasan ng kaluluwa, at kasabay nito, ito ay angkop upang patibayin at sanayin ang isipan. Kung gagamitin bilang aklat-aralin sa ating mga paaralan, ito ay mapatutunayang higit na mabisa kaysa sa alinmang aklat sa mundo—sa matalinong paggabay sa mga gawain ng buhay na ito, at sa pagtulong sa kaluluwa na umakyat sa hagdan ng pag-unlad na umaabot hanggang sa langit. Pinahahalagahan tayo ng Diyos bilang mga nilalang na may pag-iisip, kaya ibinigay Niya ang Kanyang salita bilang ilawan sa ating mga paa at liwanag sa ating landas. ‘Ang bukas ng iyong mga salita ay nagbibigay ng liwanag; nagbibigay ng unawa sa walang muwang.’ (Awit 119:130.) Hindi sapat ang basta pagbabasa lamang ng salita upang makamit ang layunin ng Langit; ang katotohanang inihahayag ng salita ng Diyos ay kailangang pumasok at manahan sa puso upang makamtan ang kabutihang nilayon nito.” (CE 108.1)

Linggo Abril 19 

Ang Pinakamakapangyarihang Sandata


Kahit na minsan ay pagabu-bago at hindi matatag ang ating relasyon sa Diyos, ang Diyos ay kahanga-hangang matatag, tulad ng sinasabi sa atin sa Panaghoy 3:22 , 23. Ano ang napapansin mo sa mga talatang ito, at paano ito naiiba o nagkakatulad sa ating likas bilang tao?

“Ipinakita ng Diyos ang Kanyang malasakit sa mga nagkasalang tao sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng isang Tagapagligtas. Nakipagtipan Siya na hindi agad paiiralin ang Kanyang galit laban sa katigasan at pagsuway ng Kanyang mga anak, ni parurusahan sila sa bugso ng Kanyang poot, hangga’t naibibigay sa kanila ang bawat pagkakataon sa buong panahon ng kanilang pagsubok. At kahit tanggihan nila ang Kanyang mga babala, ang Kanyang mga paanyaya, at ang paghahayag ng Kanyang katuwiran—kahit magpatuloy sila sa pagkakasala sa kabila ng liwanag at malinaw na katibayan—hindi pa rin Siya agad magpapakita ng Kanyang matinding galit laban sa kanila. Ipinagkatiwala Niya ang lahat ng paghuhukom sa Kanyang Anak, na Kanyang ibinigay bilang handog para sa kasalanan ng sanlibutan.” (RH, Disyembre 1, 1896, par. 16)

“May masidhing hangarin ang Diyos na iligtas ang mga tinubos ng dugo ni Cristo mula sa tiyak na bunga ng maling landas; sapagkat ang kasalanan, kung patuloy na isasagawa ay magdadala sa kanila sa poot ng Korderong tinanggihan. Ang habag na sagana at walang bayad ay inihandog sa pamamagitan ng kaloob ng katuwiran ni Cristo. Ngunit ang mga humahamak sa mahalagang handog na ito—ang mga tumatanggi at nagtatakwil sa Tagapagligtas, at hindi tumatanggap sa paanyayang, ‘O manghawak sana siya sa aking lakas, upang siya'y makipagpayapaan sa akin; oo, makipagpayapaan siya sa akin’ —ay tinatanggihan ang mga katangiang huhubog sa kanila bilang mga anak ng Diyos. Sapagkat, ‘ang lahat ng tumanggap sa Kanya ay binigyan Niya ng kapangyarihang maging mga anak ng Diyos, samakatuwid baga’y ang mga sumasampalataya sa Kanyang pangalan [Anong pangalan?—Emmanuel, ang Anak ng Diyos]; na ipinanganak hindi sa dugo, ni sa kalooban ng laman, ni sa kalooban ng tao, kundi ng Diyos. At ang Salita ay nagkatawang-tao at tumahan sa ating kalagitnaan (at nakita ang Kanyang kaluwalhatian, kaluwalhatiang gaya ng sa bugtong na Anak ng Ama), puspos ng biyaya at katotohanan.’” (RH, Disyembre 1, 1896, par. 17)

“Ang Salita ang ating tagapagturo. Ang lahat ng tunay na sumusunod at nagsasagawa ng Salita nang may katapatan at katotohanan ay makakakita ng Kanyang kaluwalhatian—‘ang kaluwalhatiang gaya ng sa bugtong na Anak ng Ama, puspos ng biyaya at katotohanan.’ Sa gayon ay nagkakaroon ng tunay na bagong kapanganakan at pagbabago ng pagkatao. ‘Mula sa Kanyang kapuspusan ay tumanggap tayong lahat, at biyaya sa ibabaw ng biyaya.’ Dahil dito, tayo ay nagiging mga buhay na sulat, ‘na nakikilala at nababasa ng lahat ng tao.’ ‘Ang tumanggap sa Kanyang patotoo ay nagpapatunay na ang Diyos ay totoo. Sapagkat ang sinugo ng Diyos ay nagsasalita ng mga salita ng Diyos; sapagkat ibinibigay ng Diyos ang Espiritu sa Kanya nang hindi sinusukat. Iniibig ng Ama ang Anak, at ibinigay ang lahat ng bagay sa Kanyang kamay. Ang sumasampalataya sa Anak ay may buhay na walang hanggan; ngunit ang hindi sumasampalataya sa Anak ay hindi makakakita ng buhay, kundi ang poot ng Diyos ay nananatili sa kanya.’” (RH, Disyembre 1, 1896, par. 18)

Lunes Abril 20 

Ang Awtoridad ng Biblia


Ang awtoridad at tungkulin ng Biblia ay malinaw na ipinahayag sa mga pahina nito. Basahin at kopyahin ang 2 Timoteo 3:15–17 . Pansinin kung ano ang sinasabi ng mga talatang ito sa tungkulin ng Biblia.

Ang lahat ng mga kasulatan na kinasihan ng Dios ay mapapakinabangan din naman sa pagtuturo, sa pagsansala, sa pagsaway, sa ikatututo na nasa katuwiran: Upang ang tao ng Dios ay maging sakdal, tinuruang lubos sa lahat ng mga gawang mabuti.” (2 Timoteo 3:16–17)

“Na maalaman muna ito, na alin mang hula ng kasulatan ay hindi nagbuhat sa sariling pagpapaliwanag. Sapagka't hindi sa kalooban ng tao dumating ang hula kailanman: kundi ang mga tao ay nagsalita buhat sa Dios, na nangaudyokan ng Espiritu Santo.” (2 Pedro 1:20–21)

Sa positibong pahayag, ang buong Kasulatan—hindi lamang ang isang bahagi nito—ay kinasihan ng Diyos. Sa negatibong pahayag naman, walang bahagi nito ang maaaring bigyang-kahulugan ayon sa sariling palagay lamang, sapagkat ito ay nagmula hindi sa tao kundi sa Diyos. Dahil dito, ang wastong pagpapakahulugan ng Kasulatan ay magagawa lamang ng tao ayon sa pamamatnubay at kapasyahan ng Espiritu ng Diyos. Kaya’t bawat titik at bahagi ng Kasulatan, pati ang wastong pagpapaliwanag nito, ay bunga ng inspirasyon, at lubos na kapaki-pakinabang upang gabayan ang tao ng Diyos sa aral, sa pagsaway, sa pagtutuwid, at sa matuwid na pagsasanay—hanggang sa ganap na pag-unlad ng pananampalataya at mga gawa. 

Kaya’t makipagtipan tayo sa Panginoon na mula ngayon ay hindi tayo tatanggap ni magpapalaganap bilang ipinahayag na katotohanan ang anumang pansariling pagpapakahulugan ng Kasulatan. At upang mapanatili nating buo at may wastong pag-unawa ang banal na pangakong ito sa Panginoon, kinakailangan muna nating maunawaan…

“Ang salita ng Diyos ang pamantayan ng pagkatao. Sa pagbibigay Niya sa atin ng Kanyang salita, ipinagkaloob na rin Niya ang lahat ng katotohanang kailangan para sa kaligtasan. Libu-libo na ang umiinom mula sa bukal na ito ng buhay, ngunit hindi nababawasan ang suplay. Libu-libo na ang naglagay sa Panginoon sa kanilang harapan, at sa pagtingin sa Kanya ay nababago sa Kanyang wangis. Ngunit hindi pa rin nauubos ng mga nagsasaliksik na ito ang mga dakila at banal na paksang ito. Libu-libo pa ang maaaring makibahagi sa gawain ng pagsasaliksik sa mga hiwaga ng kaligtasan.” (GW 250.4)

“Habang pinag-aaralan ng manggagawa ang buhay ni Cristo at pinagninilayan ang katangian ng Kanyang misyon, bawat bagong pagsasaliksik ay magbubunyag ng higit pang lalim at kagila-gilalas na katotohanan kaysa sa nauna nang naunawaan. Ang paksang ito ay hindi kailanman mauubos. Ang pag-aaral tungkol sa pagkakatawang-tao ni Cristo, ang Kanyang handog na pantubos, at ang Kanyang gawaing tagapamagitan ay patuloy na sasakop sa isipan ng masipag na mag-aaral hangga’t may panahon; at sa pagtingin sa langit na may di-mabilang na mga taon, siya ay mapapabulalas, ‘Dakila ang hiwaga ng kabanalan!’ (1 Timoteo 3:16)” (GW 251.1)

Martes Abril 21 

Katotohanan ng Biblia


Basahin nang mabagal ang tatlong sumusunod na talata, at pagkatapos ay basahin muli ang mga ito sa pangalawang beses. Ano ang napapansin mo sa tungkol sa mga mensaheng ito?

Juan 17:17
“Kung pag-aaralan at susundin, ang salita ng Diyos ay kumikilos sa puso, pinapasuko ang bawat di-banal na ugali. Dumarating ang Espiritu Santo upang maghatol sa kasalanan, at ang pananampalatayang sumisibol sa puso ay kumikilos sa pamamagitan ng pag-ibig kay Cristo, na umaayon sa atin—sa katawan, kaluluwa, at espiritu—ayon sa Kanyang sariling larawan. Sa gayon, magagamit tayo ng Diyos upang isagawa ang Kanyang kalooban. Ang kapangyarihang ibinibigay sa atin ay kumikilos mula sa loob palabas, at umaakay sa atin na ibahagi sa iba ang katotohanang ipinahayag na sa atin.” (COL 100.1)

“Ang mga katotohanan ng salita ng Diyos ay tumutugon sa pangunahing pangangailangan ng tao—ang pagbabagong-loob ng kaluluwa sa pamamagitan ng pananampalataya. Ang mga dakilang simulain na ito ay hindi dapat ituring na napakataas o napakabanal upang maisabuhay sa pang-araw-araw na buhay. Ang mga ito ay mga katotohanang umaabot hanggang langit at sumasaklaw sa kawalang-hanggan, ngunit ang kanilang mahalagang impluwensiya ay dapat maisama sa karanasan ng tao. Dapat nilang mapuspos ang lahat—maging ang malalaki at maliliit na bahagi ng buhay.” (COL 100.2)

“Kapag tinanggap sa puso, ang lebadura ng katotohanan ay mag-aayos ng mga pagnanasa, magpapadalisay ng mga kaisipan, at magpapalambot ng disposisyon. Pinabibilis nito ang kakayahan ng isip at ang lakas ng kaluluwa, at pinalalawak ang kakayahang makadama at magmahal.” (COL 101.1)

Kawikaan 30:5–6
“Hindi natin ginagawa ang kalooban ng Diyos kapag tayo’y nag-iisip-isip o nanghuhula tungkol sa mga bagay na pinili Niyang hindi ihayag sa atin. Ang tanong na dapat nating pag-aralan ay: ‘Ano ang katotohanan—ang katotohanan para sa panahong ito—na dapat nating ingatan, mahalin, igalang, at sundin?’ Ang mga tagasunod ng agham ay nabigo at nanghina sa kanilang pagsisikap na lubos na makilala ang Diyos. Ang dapat nilang itanong sa panahong ito ay: ‘Ano ang katotohanang magdadala sa atin sa kaligtasan ng ating mga kaluluwa?’” (8T 317.1)

Awit 12:6
“Sa Kanyang salita, ipinagkatiwala ng Diyos sa tao ang kaalamang kinakailangan para sa kaligtasan. Ang Banal na Kasulatan ay dapat tanggapin bilang may awtoridad at hindi nagkakamaling kapahayagan ng Kanyang kalooban. Ito ang pamantayan ng pagkatao, tagapaghayag ng mga aral, at panukat ng karanasan. “Ang lahat ng mga kasulatan na kinasihan ng Dios ay mapapakinabangan din naman sa pagtuturo, sa pagsansala, sa pagsaway, sa ikatututo na nasa katuwiran: Upang ang tao ng Dios ay maging sakdal, tinuruang lubos sa lahat ng mga gawang mabuti.’ (2 Timoteo 3:16–17)” (GC vii.1)

Basahin 1 Tesalonica 2:13 ; Awit 33:4 , 5 ; at Efeso 1:13 . Ano ang Mensahe doon?

Ang Biblia ay tinig ng Diyos na nagsasalita sa atin na tila ba naririnig natin Siya mismo. Ang salita ng buhay na Diyos ay hindi lamang nakasulat kundi ipinahahayag. Tinatanggap ba natin ang Biblia bilang mismong pahayag ng Diyos? Kung tunay nating nauunawaan ang kahalagahan nito, gaano kaya tayo magbubukas nito nang may pagpipitagan, at gaano kasigasig nating sisiyasatin ang mga utos nito! Ang pagbasa at pagninilay ng Kasulatan ay dapat ituring na pakikipagtagpo sa Kataas-taasan.” (HP 134.2)

“Ang salita ng Diyos ay isang mensahe para sa atin na dapat sundin, isang aklat na dapat masusing pag-aralan na may pusong handang tumanggap ng mga katotohanang nakasulat bilang babala sa mga nabubuhay sa huling panahon. Hindi ito dapat ipagpalit o pabayaan dahil sa ibang aklat. Kapag binubuksan natin ang Biblia, ihambing natin ang ating buhay sa mga hinihingi nito, at sukatin ang ating pagkatao ayon sa dakilang pamantayan ng katuwiran.” (HP 134.3)

Miyerkules Abril 22 

Mga Pag-angkin ng Biblia


Ano ang payo ni David sa Awit 119:11 , at paano mo ito maisasabuhay? (Tingnan din ang Heb. 4:12 .)

Ang Biblia ang ating tuntunin ng pananampalataya at doktrina. Wala nang higit na makapagpapasigla sa isipan at makapagpapalakas sa talino kaysa sa pag-aaral ng salita ng Diyos. Walang ibang aklat ang kasing bisa sa pagpapataas ng kaisipan at pagbibigay-lakas sa kakayahan ng isip tulad ng malalawak at mararangal na katotohanan ng Biblia. Kung ang salita ng Diyos ay pag-aaralan nang ayon sa nararapat, ang tao ay magkakaroon ng lawak ng pag-iisip, marangal na pagkatao, at matatag na layunin—mga katangiang bihira nang makita sa panahong ito.” (GW 249.2)

“Libu-libong mga nangangaral sa pulpito ang nagkukulang sa mahahalagang katangian ng isip at pagkatao sapagkat hindi nila inilaan ang kanilang sarili sa masusing pag-aaral ng Kasulatan. Nasiyahan na sila sa mababaw na kaalaman tungkol sa mga katotohanan ng salita ng Diyos, at mas pinipili pa nilang magpatuloy sa ganitong kalagayan—na maraming nawawala sa kanila—kaysa magsikap na hanapin ang nakatagong kayamanan.” (GW 249.3)

“Ang buhay ng Diyos, na nagbibigay-buhay sa sanlibutan, ay nasa Kanyang salita. Sa pamamagitan ng Kanyang salita, pinagaling ni Jesus ang mga may sakit at pinalayas ang mga demonyo. Sa pamamagitan ng Kanyang salita, pinatahimik Niya ang dagat at binuhay ang mga patay; at pinatunayan ng mga tao na ang Kanyang salita ay may kapangyarihan. Ipinahayag Niya ang salita ng Diyos gaya ng Kanyang pagpapahayag nito sa mga manunulat ng Lumang Tipan. Ang buong Biblia ay isang kapahayagan ni Cristo. Ito ang ating tanging pinagmumulan ng kapangyarihan.” (GW 250.2)

“Ang salitang ito ay hindi pumipigil sa pagkilos; sa halip, binubuksan nito sa masikap na naghahanap ang maraming landas ng gawain. Hindi nito iniiwan ang tao sa pag-aalinlangan o walang layunin, kundi inilalagay sa harap niya ang pinakamataas na adhikain—ang maakay ang mga kaluluwa kay Cristo. Inilalagay nito sa kanyang kamay ang isang ilawan na nagbibigay-liwanag sa landas patungo sa langit. Ipinahahayag nito ang mga kayamanang di-masiyasat at higit pa sa anumang halaga.” (GW 250.3)

“Ang salita ng Diyos ang pamantayan ng pagkatao. Sa pagbibigay Niya nito sa atin, ipinagkaloob na rin Niya ang lahat ng katotohanang kinakailangan para sa kaligtasan. Libu-libo na ang uminom mula sa bukal na ito ng buhay, ngunit hindi nababawasan ang suplay. Libu-libo na ang naglagay sa Panginoon sa kanilang harapan, at sa pagtingin sa Kanya ay nababago sa Kanyang wangis. Ngunit hindi pa rin nauubos ng mga nagsasaliksik na ito ang mga dakila at banal na paksang ito. Libu-libo pa ang maaaring makibahagi sa gawain ng pagsasaliksik sa mga hiwaga ng kaligtasan.” (GW 250.4)

Huwebes Abril 23 

Kalagayan ng Puso


Ang ating kakayahang tumanggap ng aral mula sa Salita ng Diyos ( Job 22:22 ) ay nakadepende sa kalagayan ng ating puso kapag binabasa natin ang Biblia. Paano ito ipinaliwanag sa 1 Corinto 2:14 ?

“Basahin din ang ikatlong kabanata ng aklat na ito, at pag-aralan at ipanalangin ang mga salitang ito. Bilang isang bayan, ang ating pananampalataya at gawain ay dapat pasiglahin ng Espiritu Santo. Walang kapangyarihang namumuno na pumipilit sa tao na sumunod sa mga dikta ng limitadong pag-iisip ang dapat pairalin. ‘Layuan ninyo ang tao, na ang hinga ay nasa kaniyang mga butas ng ilong,’ ang utos ng Panginoon. Kapag inaakay natin ang isipan ng tao na umasa sa karunungan ng tao, naglalagay tayo ng tabing sa pagitan ng Diyos at ng tao, kaya’t hindi nila nakikita ang Isa na hindi nakikita.” (TM 483.2)

“Sa ating personal na karanasan, tayo ay dapat matuto sa Diyos. Kapag hinanap natin Siya nang may tapat na puso, ipahahayag natin sa Kanya ang ating mga kakulangan sa pagkatao; at ipinangako Niyang tatanggapin ang lahat ng lumalapit sa Kanya nang may pagpapakumbaba. Ang sinumang nagpapasakop sa mga kahilingan ng Diyos ay magkakaroon ng nananatiling presensya ni Cristo, at ang pakikisamang ito ay magiging napakahalaga sa kanya. Sa pagyakap sa banal na karunungan, siya ay makakaiwas sa katiwaliang nasa sanlibutan dahil sa masamang pagnanasa. Araw-araw ay higit niyang matututuhan kung paano dalhin ang kanyang mga kahinaan sa Isa na nangakong maging handang saklolo sa bawat oras ng pangangailangan.” (TM 483.3)

Kaya, mahalaga ang ating saloobin sa Biblia at ang paraan ng ating pagbabasa nito para sa paglago ng ating relasyon sa Diyos. Paano ito ipinaliwanag ni Pablo sa 1 Tesalonica 2:13 ?

Ang Biblia ay tinig ng Diyos na nagsasalita sa atin na tila ba naririnig natin Siya mismo. Ang salita ng buhay na Diyos ay hindi lamang nakasulat kundi ipinahahayag. Tinatanggap ba natin ang Biblia bilang mismong pahayag ng Diyos? Kung tunay nating nauunawaan ang kahalagahan nito, gaano kaya tayo magbubukas nito nang may banal na paggalang, at gaano kasigasig nating sisiyasatin ang mga utos nito! Ang pagbasa at pagninilay ng Kasulatan ay dapat ituring na pakikipagtagpo sa Kataas-taasan.” (HP 134.2)

“Ang salita ng Diyos ay isang mensahe para sa atin na dapat sundin, isang aklat na dapat masusing pag-aralan, na may pusong handang tumanggap ng mga katotohanang isinulat bilang babala para sa mga nabubuhay sa mga huling araw. Hindi ito dapat pabayaan dahil sa anumang ibang aklat. Kapag binubuksan natin ang Biblia, ihambing natin ang ating buhay sa mga hinihingi nito, at sukatin ang ating pagkatao ayon sa dakilang pamantayan ng katuwiran.” (HP 134.3)

“Ang buhay ni Cristo, na nagbibigay-buhay sa sanlibutan, ay nasa Kanyang Salita. Sa pamamagitan ng Kanyang salita, pinagaling ni Jesus ang mga maysakit at pinalayas ang mga demonyo; sa pamamagitan ng Kanyang salita, pinatahimik Niya ang dagat at binuhay ang mga patay; at pinatunayan ng mga tao na ang Kanyang salita ay may kapangyarihan. Ipinahayag Niya ang Salita ng Diyos gaya ng Kanyang pagsasalita sa lahat ng mga propeta at guro ng Lumang Tipan. Ang buong Biblia ay isang kapahayagan ni Cristo. Ito ang ating pinagmumulan ng kapangyarihan.” (HP 134.4)

Biyernes Abril 24 

Karagdagang Kaisipan

“Ang Biblia ay hindi naibibigay ang nararapat na pagpapahalaga, gayong napakahalaga nito para sa mga kaluluwa ng tao. Sa pagsasaliksik sa mga pahina nito, tila tayo’y dumaraan sa mga dakila at walang hanggang tagpo. Nakikita natin si Jesus, ang Anak ng Diyos, na dumating sa ating sanlibutan at nakipaglaban sa mahiwagang tunggalian na nagapi ang mga kapangyarihan ng kadiliman. O, gaano kahanga-hanga—halos hindi kapani-paniwala—na ang walang hanggang Diyos ay pumayag sa pagpapakababa ng Kanyang minamahal na Anak! Pagbulayan ng bawat nag-aaral ng Kasulatan ang dakilang katotohanang ito, at hindi siya lalabas sa ganitong pagninilay na hindi napapataas, nalilinis, at napapaging marangal ang kanyang pagkatao.” (FE 131.1)

“Ang Biblia ay isang aklat na naghahayag ng mga simulain ng katuwiran at katotohanan. Nilalaman nito ang lahat ng kinakailangan para sa kaligtasan ng kaluluwa, at kasabay nito’y angkop upang patibayin at sanayin ang isipan. Kung gagamitin bilang aklat-aralin sa ating mga paaralan, mapatutunayang higit itong mabisa kaysa alinmang aklat sa mundo—sa matalinong paggabay sa mga gawain ng buhay na ito at sa pagtulong sa kaluluwa na umakyat sa hagdan ng pag-unlad na umaabot hanggang sa langit. Pinahahalagahan tayo ng Diyos bilang mga nilalang na may pag-iisip, at ibinigay Niya ang Kanyang salita bilang ilawan sa ating mga paa at liwanag sa ating landas. ‘Ang bukas ng iyong mga salita ay nagbibigay ng liwanag; nagbibigay ng unawa sa walang muwang.’ Hindi sapat ang basta pagbabasa lamang ng salita upang matamo ang layuning itinakda ng Langit; ang katotohanang inihahayag sa salita ng Diyos ay kailangang pumasok at manahan sa puso upang makamtan ang kabutihang nilayon nito.” (FE 131.2)

“Ang mga pinakamahusay na naturuan sa agham ay hindi laging nagiging pinakamabisang kasangkapan sa paggamit ng Diyos. Marami ang naiiwan, samantalang ang iba na may kakaunting pagkakataon sa pag-aaral ng mga aklat ang siyang pumapalit sa kanila, sapagkat ang huli ay may kaalamang praktikal na mahalaga sa pang-araw-araw na buhay; samantalang ang mga nag-aakalang sila’y marurunong ay madalas tumitigil sa pagkatuto, nagiging kampante sa sarili, at ayaw nang magpaturo—kahit pa kay Jesus, na siyang pinakadakilang Guro na nakilala ng sanlibutan. Ngunit ang mga lumago at nahubog, na ang kakayahang mag-isip ay napayabong sa pamamagitan ng masusing pagsasaliksik ng Kasulatan upang makilala ang kalooban ng Diyos ay papasok sa mga katayuang kapaki-pakinabang; sapagkat ang salita ng Diyos ay pumasok sa kanilang buhay at pagkatao. Kailangang magampanan nito ang natatangi nitong gawain—hanggang sa tumagos ito sa kaibuturan ng pagkatao, na naghihiwalay maging ng mga kasukasuan at utak at buto, at nakikilala ang mga iniisip at layunin ng puso. Ang salita ng Diyos ang dapat maging pagkain na magpapalakas sa Kristiyano—sa espiritu at sa isipan—upang siya’y makipaglaban para sa katotohanan at katuwiran.” (FE 132.1)