Pagtalikod at Pamamagitan

Liksyon 11, Pangatlong Semestre, Setyembre 6-12, 2025

img rest_in_christ
Ibahagi ang Liksyong ito
sharethis sharing button
copy sharing button
email sharing button
whatsapp sharing button
facebook sharing button
twitter sharing button
telegram sharing button
messenger sharing button
line sharing button
wechat sharing button
vk sharing button
tencentqq sharing button
weibo sharing button
kakao sharing button
Download PDF

Hapon ng Sabbath Setyembre 6

Talatang Sauluhin:

““Kaya’t bumalik si Moises sa Panginoon, at sinabi, ‘O, ang bayang ito’y nagkasala ng malaking kasalanan; at gumawa sila para sa kanilang sarili ng mga diyos na ginto. Ngunit ngayon, kung maaari ay patawarin Mo ang kanilang kasalanan—at kung hindi, ay burahin Mo ako sa aklat na isinulat Mo.”— Exodo 32:31, 32


Ipinakita ni Moises ang kanyang dakilang pag-ibig sa bayan sa pamamagitan ng kanyang pagsusumamo sa Panginoon na patawarin ang kanilang kasalanan, o kung hindi, ay burahin na lamang ang kanyang pangalan sa aklat na Kanyang isinulat. Ang kanyang pamamagitan dito ay nagpapakita ng pag-ibig at pamamagitan ni Cristo para sa makasalanang lahi. Tumanggi ang Panginoon na si Moises ang magdusa para sa mga kasalanan ng kanyang likong bayan. Kanyang ipinahayag na ang mga nagkasala laban sa Kanya ang Siya mismong buburahin mula sa aklat na Kanyang isinulat; sapagkat ang matuwid ay hindi dapat magdusa dahil sa kasalanan ng makasalanan. Ang aklat na tinutukoy dito ay ang aklat ng mga talaan sa langit, kung saan nakatala ang bawat pangalan, gayundin ang kanilang mga gawa, kanilang mga kasalanan, at kanilang pagsunod na tapat na isinulat. Kapag ang sinuman ay gumagawa ng mga kasalanang labis na mabigat upang mapatawad pa ng Panginoon, ang kanilang mga pangalan ay binubura mula sa aklat, at sila ay nakatakdang lipulin. Bagaman nauunawaan ni Moises ang kakila-kilabot na kapalaran ng mga pangalan na mabubura mula sa aklat ng Diyos, malinaw niyang ipinahayag sa harap ng Diyos na kung ang pangalan ng kanyang nagkamaling bayang Israel ay buburahin at hindi na aalalahanin pa kailanman, ninais niyang mabura rin ang kanyang pangalan kasama nila. Sapagkat hindi niya kayang tiisin na makita ang kaganapan ng poot na darating sa bayan ay gumawa siya ng gayong mga kababalaghan.

Linggo Setyembre 7 

Nabigong Pamumuno


Basahin ang Exodo 32:1–6. Paano nangyari na ang pamumuno ni Aaron ay nabigo nang napakalubha?

Samantalang wala si Moises, ipinagkatiwala kay Aaron ang kapangyarihang humatol, at isang napakalaking pulutong ang nagtipon sa paligid ng kanyang tolda na may ganitong kahilingan: “Igawa mo kami ng mga dios na mangunguna sa amin: sapagka't tungkol sa Moises na ito, na lalaking nagsampa sa amin mula sa lupain ng Egipto ay hindi namin maalaman kung anong nangyari sa kaniya.” Ayon sa kanila, ang ulap na dati’y gumagabay sa kanilang paglalakbay ay ngayon ay nananatiling nakapirmi sa bundok; hindi na ito gumagalaw upang sila’y akayin. Kaya’t kinakailangan nilang magkaroon ng isang larawan na papalit dito; at kung, gaya ng iminungkahi, sila ay magpapasyang bumalik sa Egipto, madali nilang makakamtan ang pabor ng mga Egipcio kung dadalhin nila ang larawang ito sa unahan nila at kikilalanin itong kanilang diyos. PP 316.1

“Ang ganitong krisis ay nangangailangan ng isang taong matibay, may kapasyahan, at may tapang na hindi natitinag—isang taong mas inuuna ang karangalan ng Diyos kaysa sa papuri ng karamihan, sariling kaligtasan, o maging ang buhay mismo. Ngunit ang kasalukuyang pinuno ng Israel ay hindi nagtaglay ng gayong mga katangian. Mahina ang pagtutol ni Aaron sa bayan, at ang kanyang pag-aalinlangan at pagkaduwag sa oras ng panganib ay lalo lamang nagpatibay ng kanilang pasya. Lalong lumakas ang kaguluhan. Isang bulag at walang katuturang pagkahibang ang bumalot sa karamihan. May iilang nanatiling tapat sa kanilang tipan sa Diyos, ngunit ang nakararami ay sumama sa apostasiya. Ang ilan na naglakas-loob na tuligsain ang gagawing larawan bilang pagsamba sa diyus-diyosan ay marahas na sinugod, at sa gitna ng kaguluhan at kagulantaan ay tuluyan nilang ikinamatay. PP 316.2

Nangamba si Aaron para sa kanyang kaligtasan; at sa halip na marangal na manindigan para sa karangalan ng Diyos, siya ay nagpasakop sa kagustuhan ng karamihan. Una niyang iniutos na tipunin ang mga gintong hikaw ng bayan at dalhin ang mga iyon sa kanya, umaasang ang kanilang kapalaluan ay magtutulak sa kanila upang tumanggi. Ngunit maluwag nilang ibinigay ang kanilang mga palamuti, at mula rito ay gumawa siya ng isang gintong guya, ginaya mula sa mga diyos ng Egipto. Ipinahayag ng bayan, “Ang mga ito ang maging iyong mga dios, Oh Israel, na nagsampa sa iyo mula sa lupain ng Egipto.” At si Aaron, sa napakababa at kahiya-hiyang paraan, ay pinahintulutan ang insultong ito laban kay Jehova. Higit pa ang kanyang ginawa. “At nang makita ito ni Aaron, ay nagtayo siya ng isang dambana sa harapan niyaon: at itinanyag ni Aaron at sinabi, Bukas ay pista sa Panginoon.” Ang anunsiyo ay sinabayan pa ng pagtunog ng mga pakakak mula sa isang pangkat patungo sa iba sa buong kampo. “At sila'y bumangong maaga nang kinabukasan, at naghandog ng mga handog na susunugin, at nagdala ng mga handog tungkol sa kapayapaan; at ang bayan ay umupong kumain at uminom, at tumindig upang magkatuwa.” Sa tila pagdaos ng “isang pista para kay Jehova,” ibinigay nila ang kanilang sarili sa katakawan at sa maruruming kalayawan. PP 317.1; Exo 32

Ilang ulit, sa ating kapanahunan, ang pag-ibig sa kalayawan ay tinatakpan ng “anyo ng kabanalan”! Ang isang relihiyon na nagpapahintulot sa tao, habang nagsasagawa ng mga seremonya ng pagsamba, na ialay ang sarili sa makasarili o mahalay na kasiyahan, ay kasing-kinawiwilihan pa rin ng karamihan ngayon gaya noong panahon ng Israel. At mayroon pa ring mga Aaron na marupok, na bagama’t may hawak na kapangyarihan sa iglesia, ay nagpapasakop sa mga nais ng hindi banal, at sa gayon ay hinihikayat sila sa kasalanan. PP 317.2

Lunes Setyembre 8 

Pagsamba sa Diyus-diyosan at Kasamaan


Basahin ang Exodo 32:6. Saan sila mabilis na inakay ng kanilang pagsamba sa diyus-diyosan? (Tingnan din ang Awit 115:4–8; Awit 135:15–18; Isaias 44:9, 10).

Ilang araw pa lamang ang lumipas mula nang ang mga Hebreo ay nakipagtipan nang may kasolemnehan sa Diyos na sila’y susunod sa Kanyang tinig. Sila’y nakatayong nanginginig sa takot sa paanan ng bundok, nakikinig sa mga salita ng Panginoon: “Huwag kang magkakaroon ng ibang mga diyos sa harap Ko.” Ang kaluwalhatian ng Diyos ay nananatili pang nakalambong sa ibabaw ng Sinai sa paningin ng buong kapulungan; ngunit sila’y tumalikod at humiling ng ibang mga diyos. “Sila'y nagsigawa ng guya sa Horeb, at nagsisamba sa larawang binubo. Ganito nila pinapagbago ang kanilang kaluwalhatian sa wangis ng baka.” (Awit 106:19, 20). Ano pa kayang higit na malaking kawalang utang na loob ang maipapakita, o mas matinding paglapastangan ang maiaalay, laban sa Kanya na nagpakilala sa kanila bilang isang mahabaging Ama at isang makapangyarihang Hari! PP 317.3

Sa anong mga paraan ang pagtalikod dahil sa gintong guya ay nagpapakita ng nakasulat sa Roma 1:22–27?

Habang nasa bundok si Moises, siya’y binalaan ukol sa apostasiya na nagaganap sa kampo at pinagsabihang bumalik agad. “Yumaon ka, bumaba ka, sapagka't ang iyong bayan, na iyong isinampa mula sa lupain ng Egipto ay nangagsisama: Sila'y humiwalay na madali sa daan na aking iniutos sa kanila: sila'y gumawa ng isang guyang binubo, at kanilang sinamba.” Kung nanaisin ng Diyos, maaari Niyang mapigil agad ang kilusang iyon sa pasimula pa lamang; ngunit hinayaan Niyang umabot ito sa ganoong antas upang sa pamamagitan ng Kanyang parusa ay magturo Siya ng isang aral tungkol sa pagtataksil at apostasya. PP 317.4

Sa karunungan ng tao, hindi maaaring lubos na makilala ang Diyos. Ang mga pantas ng sanlibutan ay kumakalap ng hindi ganap na kaalaman tungkol sa Diyos mula sa Kanyang mga nilikha, at sa kanilang kamangmangan ay itinataas nila ang kalikasan at ang mga batas ng kalikasan higit pa sa Diyos ng kalikasan. “Ang mga walang kaalaman tungkol sa Diyos sa pamamagitan ng pagtanggap sa Kanyang pahayag ng sarili Niya kay Cristo ay makakamtan lamang ang di-ganap na pagkakilala sa Kanya sa pamamagitan ng kalikasan; at ang ganitong kaalaman, sa halip na magdala ng mataas na pag-unawa tungkol sa Diyos at magtulak sa buong pagkatao na umayon sa Kanyang kalooban, ay magbubunga lamang ng pagsamba sa mga diyus-diyosan. Sa pag-aakalang sila’y marurunong, sila’y naging mga mangmang.” 1SM 295.1

Martes Setyembre 9 

Sinisira ang Kanilang Sarili


Basahin ang Exodo 32:7, 8. Bakit pinabalik ng Diyos si Moises sa kampo ng Israel?

Habang nasa bundok si Moises, siya’y binalaan ukol sa apostasiya na nagaganap sa kampo at pinagsabihang bumalik agad. “Yumaon ka, bumaba ka, sapagka't ang iyong bayan, na iyong isinampa mula sa lupain ng Egipto ay nangagsisama: Sila'y humiwalay na madali sa daan na aking iniutos sa kanila: sila'y gumawa ng isang guyang binubo, at kanilang sinamba.” Kung nanaisin ng Diyos, maaari Niyang mapigil agad ang kilusang iyon sa pasimula pa lamang; ngunit hinayaan Niyang umabot ito sa ganoong antas upang sa pamamagitan ng Kanyang parusa ay magturo Siya ng isang aral tungkol sa pagtataksil at apostasya. PP 317.4

Ang tipan ng Diyos sa Kanyang bayan ay napawalang-bisa, at sinabi Niya kay Moises: “Bayaan mo nga ako upang ang aking pagiinit ay magalab laban sa kanila, at upang aking lipulin sila: at ikaw ay aking gagawing dakilang bansa.” Ang bayang Israel, lalo na yaong halo-halong karamihan, ay may hilig na maghimagsik laban sa Diyos. Sila rin ay palaging nagbubulung-bulong laban sa kanilang pinuno, at nagdudulot sa kanya ng dalamhati dahil sa kanilang kawalan ng pananampalataya at katigasan ng ulo; at magiging isang mabigat at nakakapagod na gawain ang pamunuan sila patungo sa Lupang Pangako. Ang kanilang mga kasalanan ay nakapag-alis na sa kanila ng pabor ng Diyos, at hinihingi ng katarungan ang kanilang paglipol. Kaya’t iminungkahi ng Panginoon na sila’y lipulin, at gawin si Moises na isang makapangyarihang bansa. PP 318.1

Kung hindi sana sumama sa paglabas mula sa Egipto noong panahon ni Moises ang halo-halong karamihan, ang kilusang Exodo ay nakapasok na sana sa Lupang Pangako sa loob lamang ng ilang linggo. “Ngunit dahil sa pagsubok na dumating sa Kilusan ay marami ang sumama na may diwang kaiba sa kay Caleb at Josue, ang Kilusan ay naantala ng apatnapung taon bago makapasok sa Lupang Pangako!”

Miyerkules Setyembre 10 

Ang Makatuwirang Galit ng Diyos


Basahin ang Exodo 32:9–29. Ano ang reaksyon ni Moises sa banta ng Diyos na puksain ang Israel?

“Pabayaan mo Ako, ... upang sila’y Aking lipulin,” ito ang mga salita ng Diyos. Kung ipinasiya ng Diyos na lipulin ang Israel, sino pa kaya ang makapamamagitan para sa kanila? Kakaunti lamang ang hindi iiwan ang mga makasalanan sa kanilang kapalaran! Kakaunti ang hindi matutuwa na ipagpalit ang isang buhay ng pagpapagal, pasanin, at sakripisyo—na sinusuklian lamang ng kawalang utang na loob at pagbubulung-bulungan—para sa isang kalagayang magaan at marangal, lalo na’t ang Diyos Mismo ang nag-aalok ng paglaya. PP 318.2

Ngunit nakita ni Moises ang dahilan para umasa, sa kabila ng anyo ng kabiguan at poot. Ang mga salita ng Diyos na “Pabayaan mo Ako” ay naunawaan niyang hindi bilang pagbabawal, kundi bilang isang paanyaya na mamagitan; na ipinahihiwatig na wala nang makapagliligtas sa Israel maliban sa mga panalangin ni Moises, at na kung siya ay mananalangin, kaaawaan ng Diyos ang Kanyang bayan. “At dumalangin si Moises sa Panginoon niyang Dios, at sinabi, Panginoon, bakit ang iyong pagiinit ay pinapagaalab mo laban sa iyong bayan, na iyong inilabas sa lupain ng Egipto sa pamamagitan ng dakilang kapangyarihan at ng makapangyarihang kamay?” PP 318.3; Exo 32:11

Habang bumababa sina Moises at Josue mula sa bundok—ang una’y may dala ng “mga tapyas ng patotoo”—narinig nila ang mga hiyawan at sigawan ng nagkakagulong pulutong, na malinaw na nasa isang ligaw na kaguluhan. Para kay Josue na isang kawal, ang unang pumasok sa isip ay isang pag-atake ng kanilang mga kaaway. “May ingay ng digmaan sa kampo,” wika niya. Ngunit mas wastong nahatulan ni Moises ang tunay na kalikasan ng kaguluhan. Ang tunog ay hindi sa labanan, kundi sa kalayawan. “Hindi ingay ng pagtatagumpay, o ingay man ng pagkatalo, kundi ingay ng mga umaawit ang aking naririnig..” PP 319.3

Nang sila’y lumapit sa kampo, nakita nila ang bayan na sumisigaw at sumasayaw sa palibot ng kanilang diyus-diyosan. Isa itong tanawin ng pagsasaya ng mga pagano, isang panggagaya sa mga kapistahan ng pagsamba sa diyus-diyosan ng Egipto; subalit kay layo sa banal at magalang na pagsamba sa Diyos! Lubos na nabigla si Moises. Kagagaling lamang niya mula sa presensiya ng kaluwalhatian ng Diyos, at bagaman siya’y binalaan na tungkol sa nagaganap, hindi pa rin siya nahanda sa nakapanlulumong tanawin ng pagbagsak ng Israel. Nag-apoy ang kanyang galit. Upang ipakita ang kanyang matinding pagkasuklam sa kanilang kasalanan, kanyang ibinagsak ang mga tapyas na bato, at iyon ay nabasag sa paningin ng buong bayan—na nagpapahiwatig na kung paanong kanilang binali ang kanilang tipan sa Diyos, gayon din binali ng Diyos ang Kanyang tipan sa kanila. PP 320.1

Pagpasok sa kampo, dumaan si Moises sa gitna ng nagkakagulong pulutong, at kanyang dinampot ang diyus-diyosan, itinapon ito sa apoy, at pagkatapos ay giniling hanggang maging alabok. Inihagis niya ang alabok sa batis na bumababa mula sa bundok, at ipinainom sa mga tao. Sa ganitong paraan ipinakita ang ganap na kawalang-silbi ng diyus-diyosan na kanilang sinamba. PP 320.2

Pagkatapos ay ipinatawag ng dakilang pinuno ang kanyang nagkasalang kapatid at mahigpit na tinanong: “Anong ginawa ng bayang ito sa iyo, na dinalhan mo sila ng isang malaking sala?” Sinikap ni Aaron na ipagtanggol ang sarili sa pamamagitan ng paglalahad ng kagustuhan ng bayan; na kung hindi niya sinunod ang kanilang nais, tiyak siyang papatayin nila. “Huwag maginit ang galit ng aking panginoon: iyong kilala ang bayan, na sila'y mahilig sa kasamaan. Sapagka't kanilang sinabi sa akin, Igawa mo kami ng mga dios na mangunguna sa amin: sapagka't tungkol sa Moises na ito, na lalaking nagsampa sa amin mula sa lupain ng Egipto ay hindi namin maalaman kung anong nangyari sa kaniya. At aking sinabi sa kanila, Sinomang may ginto, ay magalis; na anopa't kanilang ibinigay sa akin: at aking inihagis sa apoy at lumabas ang guyang ito.” Sinikap niyang paniwalain si Moises na isang himala ang naganap—na nang itapon ang ginto sa apoy, sa pamamagitan ng kapangyarihang supernatural ay naging guya ito. Subalit ang kanyang mga palusot at pagsisinungaling ay walang halaga. Siya ay patas na tinuring bilang pangunahing nagkasala. PP 320.3

Huwebes Setyembre 11 

Pamamagitan


Basahin ang Exodo 32:30–32. Gaano kalayo ang naabot ni Moises sa kanyang panalangin ng pamamagitan para sa mga makasalanan?

Ngunit nakita ni Moises ang dahilan para umasa, sa kabila ng anyo ng kabiguan at poot. Ang mga salita ng Diyos na “Pabayaan mo Ako” ay naunawaan niyang hindi bilang pagbabawal, kundi bilang isang paanyaya na mamagitan; na ipinahihiwatig na wala nang makapagliligtas sa Israel maliban sa mga panalangin ni Moises, at na kung siya ay mananalangin, kaaawaan ng Diyos ang Kanyang bayan. “At dumalangin si Moises sa Panginoon niyang Dios, at sinabi, Panginoon, bakit ang iyong pagiinit ay pinapagaalab mo laban sa iyong bayan, na iyong inilabas sa lupain ng Egipto sa pamamagitan ng dakilang kapangyarihan at ng makapangyarihang kamay?” PP 318.3

“Ipinahayag ng Diyos na itinatakwil Niya ang Kanyang bayan, tinawag Niya silang, ‘ang iyong bayan na iyong inilabas mula sa Egipto.’ Ngunit mapagpakumbabang itinanggi ni Moises ang pamumuno sa Israel. Ang sabi niya, sila’y hindi kanya kundi sa Diyos—‘Iyong bayan na Iyong inilabas … sa pamamagitan ng Iyong dakilang kapangyarihan at makapangyarihang kamay.’ At kanyang idinugtong, ‘Bakit ipahihintulot Mong sabihin ng mga Egipcio, “Sa kasamaan Niya sila inilabas, upang patayin sa mga bundok at lipulin mula sa balat ng lupa”?’” PP 318.4

“Sa loob lamang ng ilang buwan mula nang lumisan ang Israel mula sa Egipto, ang ulat ng kanilang kamangha-manghang pagliligtas ay kumalat sa lahat ng karatig-bansa. Natakot at nangamba ang mga pagano, at pinagmamasdan nila kung ano ang gagawin ng Diyos ng Israel para sa Kanyang bayan. Kung lilipulin sila ngayon, magtatagumpay ang kanilang mga kaaway at madadungisan ang pangalan ng Diyos. Aangkinin ng mga Egipcio na totoo ang kanilang paratang—na sa halip na dalhin ang Kanyang bayan sa ilang upang maghandog, sila mismo ang naging handog. Hindi nila isasaalang-alang ang kasalanan ng Israel; ang paglipol sa bayang pinarangalan ng Diyos ay magiging kahihiyan sa Kanyang pangalan. Kaylaki ng pananagutan ng mga binigyan ng Diyos ng mataas na karangalan—na gawin ang Kanyang pangalan na papuri sa lupa! Kaya’t napakahalaga na umiwas sila sa kasalanan, upang hindi dumating ang Kanyang hatol at upang hindi malapastangan ng mga makasalanan ang Kanyang pangalan.” PP 319.1

“Habang nananalangin si Moises para sa Israel, nawala ang kanyang pagkamahiyain dahil sa matinding malasakit at pagmamahal sa mga taong, sa pamamagitan ng Diyos, ay kanyang napaglingkuran ng malaki. Dininig ng Panginoon ang kanyang daing at pinagbigyan ang kanyang taos-pusong panalangin. Sinubok ng Diyos ang Kanyang lingkod—ang kanyang katapatan at pagmamahal sa bayang nagkakamali at walang utang na loob—at matagumpay na hinarap ni Moises ang pagsubok. Ang kanyang malasakit ay hindi bunga ng pansariling hangarin. Ang ikabubuti ng bayang pinili ng Diyos ay higit na mahalaga sa kanya kaysa sariling karangalan, higit pa kaysa pribilehiyo na maging ama ng isang makapangyarihang bansa. Nalugod ang Diyos sa kanyang katapatan, sa kanyang payak at tapat na puso, at sa kanyang integridad. Kaya’t ipinagkatiwala sa kanya ng Diyos, bilang isang tapat na pastol, ang dakilang tungkuling pangunahan ang Israel patungo sa Lupang Pangako.” PP 319.2

Biyernes Setyembre 12 

Karagdagang Kaisipan

“Ang katotohanang si Aaron ay pinagpala at pinarangalan nang higit kaysa sa bayan ang siyang lalong nagpatindi sa bigat ng kanyang kasalanan. Si Aaron, na tinawag na ‘banal ng Panginoon’ (Awit 106:16), ang mismong gumawa ng diyus-diyusan at naghayag ng kapistahan. Siya na itinalaga bilang tagapagsalita ni Moises, at tungkol sa kanya’y mismong Diyos ang nagpahayag, ‘Alam Ko na siya’y mahusay magsalita’ (Exodo 4:14), ang siyang nabigong hadlangan ang mga sumasamba sa diyus-diyusan sa kanilang matinding pagsuway. Siya na ginamit ng Diyos upang magdala ng mga hatol laban sa mga Egipcio at sa kanilang mga diyos, ay walang pakialam nang ipahayag sa harap ng ginawang larawan: ‘Ito ang iyong mga diyos, O Israel, na naglabas sa iyo mula sa lupain ng Egipto.’ Siya na nakasama ni Moises sa bundok at nakakita sa kaluwalhatian ng Panginoon, at nakasaksi na sa kaluwalhatiang iyon ay walang bagay na maaaring gawing larawan, ang siyang nagpalit ng kaluwalhatiang iyon sa wangis ng isang guya. Siya na pinagkatiwalaan ng Diyos na mamahala sa bayan habang wala si Moises ay nasumpungang pinahihintulutan ang kanilang paghihimagsik. ‘At ang Panginoo'y totoong nagalit kay Aaron na siya sana'y papatayin’ (Deuteronomio 9:20). Subalit sa taimtim na panalangin ni Moises, siya’y nakaligtas, at sa kanyang pagsisisi at pagpapakumbaba dahil sa malaking kasalanan, siya’y muling tinanggap ng Diyos.” (PP 320.4)

“Kung si Aaron ay nagpakita ng tapang na ipaglaban ang katuwiran, anuman ang maging kahihinatnan, napigilan sana ang apostasiya. Kung buong tatag niyang pinanatili ang kanyang katapatan sa Diyos, pinaalalahanan ang bayan tungkol sa panganib na nakita nila sa Sinai, at binalikan ang kanilang taimtim na tipan na susundin ang Kanyang kautusan, napigil sana ang kasamaan. Ngunit ang kanyang pakikiayon sa kagustuhan ng bayan, at ang kapanatagan kung paano niya isinagawa ang kanilang mga plano, ang siyang nag-udyok sa kanila na magpatuloy at lumalim pa sa kasalanan na hindi nila dating inisip.” (PP 323.1)

“Nang bumalik si Moises sa kampamento at hinarap ang mga mapanghimagsik, ang kanyang mahigpit na mga saway at ang galit na ipinakita niya sa pagbabasag ng mga banal na tapyas ng kautusan ay inihambing ng mga tao sa magiliw na pananalita at mahinahong kilos ng kanyang kapatid, kaya’t napalapit ang kanilang simpatiya kay Aaron. Upang mailigtas ang sarili, sinikap ni Aaron na ipasa ang sisi sa bayan dahil sa kanyang kahinaan na sumang-ayon sa kanilang kahilingan; gayunman, sila’y humanga pa rin sa kanyang pagiging banayad at matiisin. Ngunit hindi tulad ng tao ang nakikita ng Diyos. Ang mahinahong ugali at pagnanais ni Aaron na makipagkasundo ay nagbulag sa kanya sa bigat ng kasalanang kanyang pinahintulutan. Ang kanyang pakikiisa sa kasalanan sa Israel ang nagdulot ng kamatayan ng libu-libo. Lubhang salungat dito ang halimbawa ni Moises, na habang tapat na ipinapatupad ang mga hatol ng Diyos ay ipinakita na higit niyang pinahahalagahan ang kapakanan ng Israel kaysa sa sariling karangalan, tagumpay, o buhay.” (PP 323.2)

“Sa lahat ng kasalanang parurusahan ng Diyos, walang mas mabigat sa Kanyang paningin kaysa sa mga kasalanang nag-uudyok sa iba na gumawa ng kasamaan. Ibig ng Diyos na patunayan ng Kanyang mga lingkod ang kanilang katapatan sa pamamagitan ng tapat na pagsaway sa pagsuway, gaano man ito kasakit. Ang mga pinarangalan ng banal na tungkulin ay hindi dapat maging mahina o sunod-sunuran sa panahon. Hindi sila dapat maghangad ng sariling kapurihan, ni iwasan ang mga tungkuling mahirap gawin, kundi dapat nilang ganapin ang gawain ng Diyos nang may matatag na katapatan.” (PP 323.3)

“Bagaman sinagot ng Diyos ang panalangin ni Moises na iligtas ang Israel sa ganap na pagkawasak, ang kanilang apostasiya ay dapat parusahan nang hayagan. Ang kawalang-batas at paghihimagsik na pinahintulutan ni Aaron, kung hindi agad mapipigil ay magbubunga ng matinding kasamaan at magdadala sa bansang Israel sa walang hanggang kapahamakan. Sa pamamagitan ng mabigat na kahigpitan, dapat alisin ang kasamaan. “Tumayo nga si Moises sa pintuang-daan ng kampamento, at nagsabi, Sinomang sa Panginoon ang kiling ay lumapit sa akin..’ Ang mga hindi nakibahagi sa apostasiya ay pumuwesto sa kanan ni Moises; yaong mga nagkasala ngunit nagsisi ay sa kaliwa. Sumunod ang bayan. Nalaman na ang tribo ni Levi ay hindi nakilahok sa pagsamba sa diyus-diyusan. Sa iba pang mga tribo, marami ang, bagama’t nagkasala, ay naghayag ng kanilang pagsisisi. Ngunit isang malaking grupo, karamihan mula sa halo-halong pulutong na siyang nag-udyok sa paggawa ng guya, ay matigas na nanatili sa kanilang paghihimagsik. Sa pangalan ng ‘Panginoong Diyos ng Israel,’ iniutos ngayon ni Moises sa mga nasa kanyang kanan, na nanatiling malinis sa pagsamba sa diyus-diyusan, na isuot ang kanilang mga espada at patayin ang lahat ng patuloy na nagrerebelde. ‘Nabuwal sa bayan ng araw na yaon, ang may tatlong libong katao.’ Walang pinili, kahit posisyon, kamag-anak, o kaibigan—ang mga nanguna sa kasamaan ay pinatay; ngunit ang lahat ng nagsisi at nagpakumbaba ay naligtas.” (PP 324.1)