Dinakip at Nilitis

Liksyon 11, Ikatlong Trimestre Setyembre 7-13, 2024

img rest_in_christ
Ibahagi ang Liksyong ito
Download Pdf

Hapon ng Sabbath Setyembre 7

Talatang Sauluhin:

“At kaniyang sinabi, Abba, Ama, may pangyayari sa iyo ang lahat ng mga bagay; ilayo mo sa akin ang sarong ito: gayon ma'y hindi ang ayon sa ibig ko, kundi ang ayon sa ibig mo.” KJV - Marcos 14:36


“Si Cristo ay nasa yugto kung kailan magaganap ang transisyon sa pagitan ng dalawang dakilang kapistahan. Siya, bilang isang walang bahid na Kordero ng Diyos, ay malapit nang ihain ang Kanyang sarili bilang isang handog para sa kasalanan, na magwawakas sa lahat ng seremonya at sistema sa tipo na ginunita sa loob ng apat na libong taon na tumutukoy sa Kanyang magiging kamatayan. Sa pagkain Niya sa kordero ng Paskuwang iyon kasama ang Kanyang mga alagad, pinasimulan Niya ang kahalili ng paglilingkod na magiging alaala ng Kanyang dakilang sakripisyo. Ang pambansang kapistahan ng mga Judio ay lilipas magpakailanman. Ang paglilingkod na itinatag ni Cristo ay dapat sundin ng Kanyang mga tagasunod sa lahat ng lupain at sa lahat ng panahon.” DA 652.2

“Sa pamamagitan ng mga turo ng sacrificial service, si Cristo ay maitataas sa harap ng lahat ng mga bansa, at ang lahat ng umaasa sa Kanya ay magkakamit ng buhay. Si Cristo ang pundasyon ng kalakaran ng mga Hudyo. Ang buong sistema ng mga tipo at simbolo ay isang pinagsama-samang propesiya ng ebanghelyo, isang pagtatanghal kung saan nakabulid ang mga pangako ng pagtubos.” AA 14.1

Linggo, Setyembre 8

Hindi Malilimutan


Basahin Marcos 14:1-11. Anong dalawang kwento ang magkakaugnay dito, at paano nila pinalalakas ang isa't isa?

Nang nasa Betania nga si Jesus sa bahay ni Simon na ketongin, Ay lumapit sa kaniya ang isang babae na may dalang isang sisidlang alabastro ng unguento na lubhang mahalaga, at ibinuhos sa kaniyang ulo, samantalang siya'y nakaupo sa pagkain.” Mateo 26:6, 7 . CTr 252.1

Ang pangyayaring ito ay puno ng mga pagtuturo. Si Jesus, ang Manunubos ng sanlibutan, ay nalalapit na sa oras ng gagawin Niyang pag-aalay ng Kanyang buhay para sa isang makasalanang mundo. Gayunpaman, gaano nga kaliit ang pagkaunawa ng Kanyang mga alagad ukol sa bagay na mawawala sa kanila. Hindi magawang maunawaan ni Maria ang paksang ito. Ang kanyang puso ay puno ng dalisay at banal na pag-ibig. Ang damdamin ng kanyang puso ay ukol sa kung “Ano ang aking ibabayad sa Panginoon dahil sa lahat niyang kabutihan sa akin?” Ang unguento na lubhang mahalaga ayon sa tantiya ng mga alagad ay isa lamang maliit na pagpapahayag ng kanyang pagmamahal sa kanyang Guro. Ngunit pinahahalagahan ni Cristo ang regalong ito bilang isang pagpapahayag ng kanyang pag-ibig, at ang puso ni Maria ay napuno ng dalisay na kapayapaan at kaligayahan. CTr 252.2

“Nalulugod si Cristo sa marubdob na pagnanais ni Maria na gawin ang kalooban ng kanyang Panginoon. Tinanggap Niya ang kayamanan ng dalisay na pagmamahal na hindi nagawang maunawaan ng Kanyang mga alagad.... Ang pamahid ni Maria ay kaloob ng pag-ibig, at ito ang nagbigay ng halaga nito sa mga mata ni Cristo.... Nakita ni Jesus na umiwas si Maria na nahihiya, na inaasahang makarinig ng pagsaway mula sa Isa na kanyang minamahal at sinasamba. Ngunit sa halip na ito ay nakarinig siya ng mga salita ng papuri. “Bakit ninyo binabagabag ang babae? sapagka't gumawa siya sa akin ng mabuting gawa. Sapagka't laging nangasa inyo ang mga dukha; datapuwa't ako'y hindi laging nasa inyo. Sapagka't sa pagbubuhos niya nitong unguento sa aking katawan, ay ginawa niya ito upang ihanda ako sa paglilibing. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Saan man ipangaral ang evangeliong ito sa buong sanglibutan, ay sasaysayin din ang ginawa ng babaing ito sa pagaalaala sa kaniya.” Walang ibang pagpapahid na matatanggap si Jesus, sapagkat malapit na ang Sabbath, at iniingatan nila ang Sabbath ayon sa utos.... ang pagnanais ni Maria na gawain ang serbisyong ito para sa Panginoon ay mas mahalaga kaysa sa anumang mahahalagang pamahid sa sanlibutan dahil ipinahayag nito ang kanyang pagpapahalaga sa Manunubos. Ang pag-ibig ni Cristo ang nakapagpasakop sa kanya.... CTr 252.3

“Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu, nakita ni Maria na si Jesus ay ang Siyang naparito upang hanapin at iligtas ang mga kaluluwang mapapahamak. Ang bawat alagad ay dapat na magtaglay din ng ganoong debosyon.— Manuscript 28, 1897 .” CTr 252.4

“Nang ipagkanulo ni Hudas ang kanyang Guro, hindi niya inaasahan na papayag si Cristo na madakip Siya. Gaano kadalas nga niyang nakita ang mga eskriba at Pariseo na tinatamaan sa mga pagtuturo ni Jesus ng katotohanan sa pamamagitan ng mga talinghaga. Nang ang mga tanong ay ibinigay para sa kanilang desisyon, sila ay nagpahayag ng paghatol laban sa kanila mismong sarili, na humahatol sa landas na kanilang tinatahak. Gaano nga kadalas na tinukoy sila sa mga Salita ng Diyos, at ipinakita na sila ang Kanyang inilalarawan sa harap ng mga tao, at sa gitna ng malilinaw na katotohanan, sila ay umuwi na may galit at sa kanilang kahihiyan at kamangmangan nagawa nilang maghagis ng mga bato sa Manunubos ng sanlibutan! Maraming pagkakataon na maaari Siyang mamatay kung hindi lamang dahil sa mga makalangit na anghel na gumagabay sa Kanya at nagiingat sa Kanyang buhay hanggang sa umabot sa panahon na ang kaso ng mga Hudyo bilang isang bansa ay pagpapasiyahan. Ang buhay na ito ay iingatan ng kapangyarihan ng Diyos hanggang sa sumapit sa araw na ang Kanyang gawain ay magtapos. 12LtMs, Ms 28, 1897, par. 5

“Ngunit si Judas ay hindi nangatuwiran ayon sa layunin ng Diyos. Naisip niya na kung nagawang matakasan ni Cristo ang napakaraming patibong na itinakda upang lipulin Siya, tiyak na hindi Niya hahayaan ang Kanyang sarili na madakip ng mga Pariseo at Saduceo. Siya, si Judas, ay gagawa ng kanyang bahagi sa pagkakanulo sa kanyang Panginoon at magkakamit ng kanyang gantimpala, habang ang mga tao ay madadaya sa kanilang salapi. Maging hanggang sa katapusan ng kanyang pakikisama sa mga alagad si Hudas ay hindi nila pinaghinalaan ng masamang layunin sa kanyang puso. Alam ng Panginoong Jesus ang katangian ni Hudas.” 12LtMs, Ms 28, 1897, par. 6

Lunes , Setyembre 9

Ang Huling Hapunan


Basahin ang Marcos 14:22-31 at Exodo 24:8. Anong malaking kahalagahan sa pananampalatayang Kristiyano ang matatagpuan sa mga talatang ito?

“At samantalang sila'y nagsisikain, ay dumampot si Jesus ng tinapay, at pinagpala, at pinagputolputol; at ibinigay sa mga alagad, at sinabi, Kunin ninyo, kanin ninyo; ito ang aking katawan. At dumampot siya ng isang saro, at nagpasalamat, at ibinigay sa kanila, na nagsasabi, Magsiinom kayong lahat diyan; Sapagka't ito ang aking dugo ng tipan, na nabubuhos dahil sa marami, sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan.

Datapuwa't sinasabi ko sa inyo, na buhat ngayon ay hindi na ako iinom nitong bunga ng ubas, hanggang sa araw na yaon na inumin kong panibago na mga kasalo ko kayo sa kaharian ng aking Ama.” DA 653.3

“Naroon si Judas na taksil sa paglilingkod sa sakramento. Tinanggap niya mula kay Hesus ang mga sagisag ng Kanyang katawan at ang Kanyang dugong dadanak. Narinig niya ang mga salitang, “Gawin ninyo ito sa pagaalaala sa akin.” Siya’y nakaupo roon sa mismong presensya ng Kordero ng Diyos, ang nagkanulo ay nagmuni-muni sa sarili niyang madilim na layunin, at itinatangi ang kanyang masama at mapaghiganting kaisipan. DA 653.4

“Sa paghuhugas ng paa, si Cristo ay nagbigay ng patunay na naunawaan Niya ang katangian ni Hudas. “Hindi kayong lahat ay malilinis.” ( Juan 13:11 ), sabi Niya. Ang mga salitang ito ay nagpahiwatig sa huwad na alagad na nagagawang basahin ni Cristo ang kanyang lihim na layunin. At ngayo’y nagsalita si Cristo nang mas malinaw. Habang sila ay nakaupo sa hapag, sinabi Niya, na tinitingnan ang Kanyang mga alagad, “Hindi ko sinasalita tungkol sa inyong lahat: nalalaman ko ang aking mga hinirang: nguni't upang matupad ang kasulatan, Ang kumakain ng aking tinapay ay nagtaas ng kaniyang sakong laban sa akin.” DA 653.5

“Bagaman nakilala ni Jesus si Hudas sa simula pa ay Kanya pa ring hinugasan ang kanyang mga paa. At ang nagkanulo ay binigyan din ng pribilehiyong makiisa kay Cristo sa pakikibahagi sa sakramento. Ang Isang matiising Tagapagligtas ay naghandog ng lahat ng posibleng paraan ng panghihikayat sa makasalanan na tanggapin Siya, magsisi, at malinis mula sa karumihan ng kasalanan. Ang halimbawang ito ay para sa atin. Kapag inaakala natin na ang isang tao ay nasa pagkakamali at kasalanan, hindi natin dapat ihiwalay ang ating sarili sa kanya. Ang walang ingat na paghiwalay sa sarili ay hindi nararapat at maging ang pagiwan sa isang tao na patuloy na maging biktima ng tukso, o ang pagtaboy sa kanya tungo sa bitag ni Satanas. Hindi ito ang paraan ni Cristo. Sa kadahilanang ang mga alagad ay nagkakamali at nagkakasala kaya hinugasan Niya ang kanilang mga paa, at ang lahat maliban sa isa sa labindalawa ay nagkaroon ng pagsisisi.” DA 655.4

“Habang tinatanggap natin ang tinapay at alak na sumisimbolo sa sirang katawan ni Cristo at dumanak na dugo, tayo sa ating imahinasyon ay nakikiisa sa tagpo ng Komunyon sa silid sa itaas. Tila tayo ay dumaraan sa hardin na inilaan sa paghihirap Niya na nagpasan ng mga kasalanan ng sanlibutan. Nasaksihan natin ang pakikibaka kung saan nakamit ang ating pakikipagkasundo sa Diyos. Si Cristo ay ipinako sa krus kasama natin. DA 661.1

“At pagkaawit nila ng isang himno, ay nagsiparoon sila sa bundok ng mga Olivo. Dahan-dahan silang nagpatuloy, ang bawat isa ay abala sa kanyang sariling mga iniisip. Nang sila ay nagsimulang bumaba patungo sa bundok, sinabi ni Jesus, sa tono ng matinding kalungkutan, “Kayong lahat ay mangagdaramdam sa akin sa gabing ito: sapagka't nasusulat, Sasaktan ko ang pastor, at mangangalat ang mga tupa ng kawan.” Mateo 26:31 . Ang mga alagad ay nakinig nang may kalungkutan at pagkamangha. Naalala nila kung paano sa sinagoga sa Capernaum, nang sabihin ni Cristo na Siya ang tinapay ng buhay, marami ang nangatisod, at tumalikod sa Kanya. Ngunit ang labindalawa ay hindi nagpakita ng anumang hindi katapatan. Si Pedro, na nagsasalita para sa kanyang mga kapatid, ay nagpahayag ng kanyang katapatan kay Cristo. Pagkatapos ay sinabi ng Tagapagligtas, “Hindi baga hinirang ko kayong labingdalawa, at ang isa sa inyo ay diablo?” Juan 6:70 . Sa silid sa itaas, sinabi ni Jesus na isa sa labindalawa ang magkakanulo sa Kanya, at ikakaila Siya ni Pedro. Ngunit ngayon sa Kanyang mga salita ay kasama na silang lahat. DA 673.1

“At ngayon ay narinig ang tinig ni Pedro na marubdob na tumututol, “Bagama't mangatitisod ang lahat, nguni't ako'y hindi.” Sa silid sa itaas ay ipinahayag niyang, “Ibibigay ko ang aking buhay alang-alang sa Iyo.” Binalaan siya ni Jesus na itatanggi niya sa gabing iyon ang kanyang Tagapagligtas. Ngayon ay inulit ni Cristo ang babala: “Katotohanang sinasabi ko sa iyo, na ngayon, sa gabi ring ito, bago tumilaok ang manok ng makalawa, ay ikakaila mo akong makaitlo.” Ngunit si Pedro ay tumugon “Datapuwa't lalo nang nagmatigas siya na sinabi, Kahima't kailangang mamatay akong kasama mo, ay hindi kita ikakaila. At sinabi rin naman ng lahat ang gayon din.” Marcos 14:29, 30, 31 . Sa kanilang pagtitiwala sa sarili ay tinanggihan nila ang paulit-ulit na pahayag ng Panginoon na Siyang nakakaalam ng lahat ng bagay. Hindi sila handa para sa pagsubok na darating; kapag dumating sa kanila ang tukso, mauunawaan nila ang kanilang sariling kahinaan. DA 673.2

“Nang sabihin ni Pedro na nakatalaga siyang sumama sa Panginoon sa bilangguan at sa kamatayan man, bukal sa kalooban niya ang mga salitang ito; ngunit hindi niya lubos na kilala ang kanyang sarili. Sa loob ng kanyang puso ay nakatago ang mga elemento ng kasamaan na maaaaring bumangon dala ng mga kaganapan sa buhay. Kinakailangan na siya’y bigyang babala dahil kung hindi ay matutungo siya sa kapahamakan. Nakita ng Tagapagligtas sa kanya ang isang likas na maibigin sa sarili at katiyakan na higit pa sa kanyang pagmamahal kay Cristo. Karamihan sa mga kahinaan, mga kasalanang hindi pa napapanagumpayan, espiritu ng kawalan ng pagiingat, hindi banal na pa-uugali, kawalang-ingat sa pagpasok sa tukso, ay nakita sa kanyang naging karanasan. Ang taimtim na babala ni Cristo ay isang taos-pusong panawagan. Kinakailangang matutunan ni Pedro na hindi magtiwala sa kanyang sarili, at magkaroon ng mas malalim na pananampalataya kay Cristo. Kung tinanggap niya ng may pagpapakumbaba ang babala, maaari sanang magsumamo siya sa Pastol ng kawan na ingatan ang Kanyang mga tupa. Nang malapit na siyang lumubog sa Dagat ng Galilea, sumigaw siya, “Panginoon, iligtas mo ako.” Mateo 14:30 . Pagkatapos ay iniunat ni Cristo ang Kanyang kamay upang hawakan siya. Kung gaya noon ay nagsumamo siya kay Hesus na Iligtas siya buhat sa kanyang sarili, siya sana ay naingatan. Sa halip, ang naramdaman ni Pedro ay tila siya ay hindi pinagkakatiwalaan at siya’y nasaktan. Siya’y natisod, at naging mas matigas sa pagtitiwala sa sarili.” DA 673.3

Martes, Setyembre 10

Getsemane


Basahin ang Marcos 14:32-42. Ano ang ipinagdasal ni Jesus sa Getsemane at paano tinugon ang panalangin?

“Sa Kanyang pagtalikod, hinanap Niyang muli ang kaginhawahang nagmumula sa Ama, at nagpatirapa, Siya na nababalot ng kadiliman. Ang pagkakatawang-tao ng Anak ng Diyos ay nanginginig sa pagsubok sa oras na iyon. Hindi Siya nanalangin ngayon para sa Kanyang mga alagad na ang kanilang pananampalataya ay hindi mabigo, ngunit para sa Kanyang sariling tinutukso at, naghihirap na kaluluwa. Dumating na ang kakila-kilabot na sandali—ang sandaling iyon na magpapasya sa kapalaran ng sanlibutan. Ang kapalaran ng sangkatauhan ay tinitimbang sa balanse. Maaaring ngayon ay tumanggi si Cristo na inumin ang saro na ibinigay sa Kanya para sa mga taong nagkakasala. Hindi pa huli ang lahat. Maaaring punasan Niya ang madugong pawis sa Kanyang noo, at iwanan ang tao na mapahamak sa kanilang kasamaan. Maaaring sabihin niya, Hayaan ang lumabag na tanggapin ang kaparusahan ng kanyang kasalanan, at Ako ay babalik sa Aking Ama. Iinumin ba ng Anak ng Diyos ang mapait na saro ng kahihiyan at paghihirap? Daranasin ba ng isang walang sala ang kahihinatnan ng sumpa ng kasalanan, upang iligtas ang may kasalanan? Nanginginig na lumabas ang mga salita mula sa maputlang labi ni Jesus, “Ama ko, kung di mangyayaring makalampas ito, kundi ko inumin, mangyari nawa ang iyong kalooban.” DA 690.2

“Tatlong beses Niyang binigkas ang panalanging iyon. Tatlong beses na ang kanyang pagkakatawang-tao ay nagsumamo sa huling sakripisyong iyon. Ngunit ngayon ang kasaysayan ng sangkatauhan ay nahayag sa harap ng Manunubos ng mundo. Nakikita niya na ang mga lumalabag sa utos, kung hahayaan sa kanilang sarili, ay mapupunta sa kapahamakan. Nakikita niya ang kawalan ng kakayahan ng tao. Nakikita niya ang kapangyarihan ng kasalanan. Ang mga paghihirap at panaghoy ng isang mapapahamak na mundo ay nahahayag sa harap Niya. Nakikita Niya ang nalalapit na kapalaran nito, at ang Kanyang desisyon ay nabuo. Ililigtas Niya ang sangkatauhan sa anumang katumbas na halaga. Tinatanggap Niya ang Kanyang bautismo sa dugo, upang sa pamamagitan Niya ang milyun-milyong nawawaglit ay magkaroon ng buhay na walang hanggan. Iniwan niya ang mga korte ng langit, kung saan ang lahat ay kadalisayan, kaligayahan, at kaluwalhatian, upang iligtas ang isang nawawalang tupa, ang isang mundong nahulog sa pamamagitan ng paglabag. At hindi Siya tatalikod sa Kanyang misyon. Siya ay magiging pantubos sa isang lahing nagkakasala. Ang Kanyang panalangin ngayon ay ukol sa pagpapasakop: “kung di mangyayaring makalampas ito, kundi ko inumin, mangyari nawa ang iyong kalooban.” DA 690.3

“Pagkatapos ng Kanyang naging pasya, Siya ay nahulog na naghihingalo sa lupa kung saan Siya ay bahagyang bumangon. Nasaan na ngayon ang Kanyang mga alagad, upang magiliw na ilagay ang kanilang mga kamay sa ilalim ng ulo ng kanilang nanghihina na Guro, at punasan ang kilay na iyon, na talagang nagirap kaysa sa mga anak ng tao? “Niyapakan Niyang magisa ang alilisan ng alak; at sa mga bayan ay walang isang sumasa sa Kanya.” DA 693.1

“Ngunit naghirap ang Diyos kasama ng Kanyang Anak. Nasaksihan ng mga anghel ang paghihirap ng Tagapagligtas. Nakita nila ang kanilang Panginoon na napapaligiran ng mga hukbo ng satanikong pwersa, ang Kanyang likas ay nabibigatan at nababalot ng kakaibang takot. Nagkaroon ng katahimikan sa langit. Walang alpa ang pinatugtog. Kung makikita lamang ng mga mortal ang pagkagilalas ng hukbo ng mga anghel na sa tahimik na kalungkutan ay pinagmamasdan nila ang Ama na inihiwalay ang Kanyang mga sinag ng liwanag, pag-ibig, at kaluwalhatian mula sa Kanyang pinakamamahal na Anak, mas mauunawaan ng bawat tao kung gaano kasakit sa Kanyang paningin ang kasalanan. DA 693.2

“Ang mga daigdig na hindi nahulog sa kasalanan at ang makalangit na mga anghel ay nakamasid nang may matinding interes habang ang labanan ay malapit nang matuldukan. Si Satanas at ang kanyang mga katuwang sa kasamaan, ang mga hukbo ng apostasiya, ay matamang nagmamasid sa malaking krisis na ito sa gawain ng pagtubos. Ang kapangyarihan ng mabuti at masama ay naghintay upang makita kung anong tugon ang darating sa tatlong beses na paulit-ulit na panalangin ni Cristo. Ang mga anghel ay nagnanais na magdala ng kaginhawahan sa banal na nagdurusa, ngunit hindi ito maaari. Wala ng maaaring ibang paraan para sa pagtakas ng Anak ng Diyos. Sa kakila-kilabot na krisis na ito, kung saan ang lahat ay nakataya, nang ang mahiwagang saro ay nanginig sa kamay ng nagdurusa, nabuksan ang langit, isang liwanag ang sumikat sa gitna ng kadiliman sa oras ng krisis na iyon, at ang makapangyarihang anghel na nakatayo sa harapan ng Diyos, na pumuno sa posisyon kung saan nahulog si Satanas, ay tumungo sa tabi ni Cristo. Ang anghel ay dumating hindi upang kunin ang saro mula sa kamay ni Cristo, ngunit upang palakasin Siya na inumin ito, na may dalang katiyakan ng pag-ibig ng Ama. Siya ay naparito upang magbigay ng kapangyarihan sa banal na nagkatawang-tao na nagsusumamo. Itinuro Niya Siya sa bukas na langit, na sinasabi sa Kanya ang tungkol sa mga kaluluwang maliligtas bilang resulta ng Kanyang mga pagdurusa. Tiniyak Niya sa Kanya na ang Kanyang Ama ay mas dakila at mas makapangyarihan kaysa kay Satanas, na ang Kanyang kamatayan ay magbubunga ng lubos na pagkabalisa ni Satanas, at ang kaharian ng mundong ito ay ibibigay sa mga banal ng Kataas-taasan. Sinabi Niya na makikita Niya ang paghihirap ng Kanyang kaluluwa, at masisiyahan, sapagkat makikita Niya ang karamihan ng sangkatauhan na maliligtas, sa walang hanggang kaligtasan. DA 693.3

“Ang paghihirap ni Cristo ay hindi naalis, ngunit ang Kanyang panlulumo at panghihina ng loob ay nawala sa Kanya. Ang delubyo ay hindi humina, ngunit Siya na nasa gitna nito ay pinalakas upang harapin ang galit nito. Siya ay nagkaroon ng katahimikan. Isang makalangit na kapayapaan ang bumalot sa Kanyang mukha na nababahiran ng dugo. Binata Niya ang bagay na hindi kayang batahin ng sinumang tao; sapagkat natikman Niya ang pagdurusa ng kamatayan para sa bawat tao.” DA 694.1

Miyerkules , Setyembre 11

Iniwan ang Lahat Upang Tumakas mula kay Jesus


Basahin ang Marcos 14:43-52. Ano ang nangyayari dito na napakahalaga sa panukala ng kaligtasan?

“Malungkot na tumingin Siya sa kanila at sinabi, “Mangatulog na kayo, at mangagpahinga: narito, malapit na ang oras, at ang Anak ng tao ay ipinagkakanulo sa mga kamay ng mga makasalanan.” DA 694.3

“Habang sinasabi ang mga salitang ito, narinig Niya ang mga yapak ng mga mandurumog na naghahanap sa Kanya, at sinabi, “Magsitindig kayo, hayo na tayo: narito, malapit na ang nagkakanulo sa akin.” DA 694.4

“Walang bakas ng Kanyang kamakailang paghihirap ang nakita nang humakbang si Jesus upang salubungin ang sa Kanya’y nagkanulo. Nakatayo sa unahan ng Kanyang mga alagad ay sinabi Niya, “Sino ang hinahanap ninyo?” Sumagot sila, “Si Jesus na taga-Nazaret.” Sumagot si Jesus, “Ako nga Siya.” Habang binibigkas ang mga salitang ito, ang anghel na kamakailan ay naglingkod kay Jesus ay lumipat sa pagitan Niya at ng mga mandurumog. Isang banal na liwanag ang nagliwanag sa mukha ng Tagapagligtas, at isang mala-kalapati na anyo ang tumakip sa Kanya. Sa presensya ng banal na kaluwalhatiang ito, ang pulutong ng mandurumog ay hindi makatayo kahit isang sandali. Napaatras sila. Ang mga pari, matatanda, kawal, at maging si Judas, ay bumagsak na parang mga patay na tao sa lupa. DA 694.5

“At nang umalis ang anghel ang liwanag ay nawala. Si Jesus ay may pagkakataong tumakas, ngunit Siya ay nanatili, at kalmado. Siya na niluluwalhati ay nakatayo ngayon sa gitna ng mga ito, na walang magagawa. Ang mga alagad ay tumingin ng tahimik na may pagkamangha. DA 694.6

Ngunit mabilis na nagbago ang eksena. Ang mga mandurumog ay nagpasimula sa kanilang pakay. Ang mga sundalong Romano, ang mga pari at si Judas, ay pumalibot kay Cristo. Tila nahihiya sila sa kanilang kahinaan, at natatakot na Siya ay makatakas. Muli ang tanong ng Manunubos, “Sino ang hinahanap ninyo?” Mayroon silang katibayan na Siya na nakatayo sa harapan nila ay ang Anak ng Diyos, ngunit hindi sila kumbinsido. Sa tanong na, “Sino ang hinahanap ninyo?” Muli silang sumagot, “Si Jesus na taga-Nazaret.” Pagkatapos ay, “Sumagot si Jesus, Sinabi ko sa inyo na ako nga; kung ako nga ang inyong hinahanap, ay pabayaan ninyo ang mga ito na magsiyaon sa kanilang lakad.”—na itinuturo ang mga alagad. Alam Niya kung gaano kahina ang kanilang pananampalataya, at nais Niyang protektahan sila mula sa tukso at pagsubok. Para sa kanila ay handa Siyang isakripisyo ang Kanyang sarili. DA 695.1

“Hindi nakalimutan ni Judas na taksil ang bahaging dapat niyang gawin. Nang pumasok ang mga mandurumog sa hardin, pinangunahan niya ang daan, na sinundan ng mataas na saserdote. “Ang nagkanulo nga sa kaniya ay nagbigay sa kanila ng isang hudyat, na sinasabi, Ang aking hagkan, ay yaon nga: hulihin ninyo siya." Mateo 26:48 . Ngayon ay nagpapanggap siyang walang kinalaman sa kanila. Paglapit kay Jesus, hinawakan niya ang Kanyang kamay gaya ng isang pamilyar na kaibigan. Sa mga salitang, “Magalak, Rabi; at siya'y hinagkan ng paulit-ulit na tila naiiyak sa awa dahil sa panganib na dumating sa Kanya. DA 695.2

“At sinabi sa kaniya ni Jesus, Gawin mo ang dahil ng pagparito mo?” Nanginginig sa kalungkutan ang Kanyang tinig habang idinagdag Niya, “Judas, sa isang halik baga ay ipinagkakanulo mo ang Anak ng tao?” Ang apela na ito ay dapat na pumukaw sa budhi ng nagkanulo, at humipo sa kanyang matigas na puso; ngunit tinalikuran niya ang karangalan, katapatan, at pagibig sa kapwa. Siya ay nakatayong matapang at mapanghamon, na hindi nagpapakita ng awa. Ibinigay niya ang kanyang sarili kay Satanas, at wala siyang kapangyarihang labanan siya. Hindi tinanggihan ni Hesus ang halik ng nagkanulo sa Kanya. DA 696.1

“Ang mga mandurumog ay naging matapang nang makita nilang hinawakan ni Judas ang katauhan Niya na kamakailan lamang ay niluwalhati sa kanilang mga mata. Hinawakan nila si Jesus, at ginapos ang Kanyang mga kamay, mga kamay na ginamit lamang sa paggawa ng mabuti. DA 696.2

“Inakala ng mga alagad na hindi hahayaan ng kanilang Guro na madakip Siya. Inakala na kung paanong ang kapangyarihan na naging dahilan ng pagbagsak ng mga mandurumog gaya ng mga patay na tao ay maaaring gamitin upang panatilihin silang ganoon hanggang sa makatakas si Jesus at ang Kanyang mga kasama. Sila ay nabigo at nagalit nang makita nila ang mga gapos na dinala upang igapos ang mga kamay Niya na kanilang minamahal. Si Pedro, sa kanyang galit, ay padalus-dalos na binunot ang kanyang tabak at sinubukang ipagtanggol ang kanyang Panginoon, ngunit natagpas lamang niya ang isang tainga ng lingkod ng mataas na saserdote. Nang makita ni Jesus ang nangyari, kinalagan Niya ang mga kamay, habang mahigpit na hawak ng mga sundalong Romano, ay nagsabi, “Pabayaan ninyo sila hanggang dito,” at hinipo Niya ang sugatang tainga, at agad itong gumaling. Pagkatapos ay sinabi Niya kay Pedro, “Isauli mo ang iyong tabak sa kaniyang lalagyan: sapagka't ang lahat ng nangagtatangan ng tabak ay sa tabak mangamamatay. O inaakala mo baga na hindi ako makapamamanhik sa aking Ama, at padadalhan niya ako ngayon din ng mahigit sa labingdalawang pulutong na mga anghel?—isang pulutong para sa bawat isa sa mga alagad. Iniisip ng mga alagad, na bakit hindi Niya tayo inililigtas at ang Kanyang sarili? Bilang tugon sa kanilang iniisip, idinagdag Niya, “Kung gayo'y paano bagang mangatutupad ang mga kasulatan, na ganyan ang nauukol na mangyari?” “ang sarong sa akin ay ibinigay ng Ama, ay hindi ko baga iinuman?” DA 696.3

“Natakot ang mga alagad nang makita nilang pinahintulutan ni Jesus ang Kanyang sarili na dakpin at igapos. Sila ay nasaktan na Siya ay dapat magdusa ng kahihiyang ito. Hindi nila maintindihan ang Kanyang inasal, at sinisi nila Siya sa pagpapasakop sa mga mandurumog. Sa kanilang galit at takot, iminungkahi ni Pedro na iligtas nila ang kanilang sarili. Kasunod ng mungkahing ito, “iniwan siya ng lahat, at nagsitakas.” Ngunit inihula ni Cristo ang pagiwan na ito, “Narito,” ang sabi Niya, “ang oras ay dumarating, oo, dumating na, na kayo'y mangangalat, ang bawa't tao sa kanikaniyang sarili, at ako'y iiwan ninyong magisa: at gayon ma'y hindi ako nagiisa, sapagka't ang Ama ay sumasa akin.” Juan 16:32 .” DA 697.2

Huwebes , Setyembre 12

Sino Ka?


Basahin ang Marcos 14:60-72. Ihambing kung paano tumugon si Jesus sa mga pangyayari na kakaiba sa ginawa ni Pedro. Anong mga aral ang matututuhan natin mula sa pagkakaibang ito?

“Sa wakas, itinaas ni Caifas ang kanyang kanang kamay patungo sa langit, at nagsalita kay Jesus sa anyo ng isang taimtim na panunumpa: “Kita'y pinapanunumpa alangalang sa Dios na buhay, na sabihin mo sa amin kung ikaw nga ang Cristo, ang Anak ng Dios.” DA 706.3

“Sa panawagang ito ay hindi maaaring manahimik si Cristo. May panahon para sa pananahimik, at may panahon para magsalita. Hindi siya nagsalita hanggang sa puntong ito ng direktang katanungan. Alam Niya na ang pagtugon ngayon ay tiyak na magbubunsod sa Kanyang kamatayan. Ngunit ang panawagan ay ginawa ng pinakamataas na kinikilalang awtoridad ng bayan, at sa pangalan ng Kataas-taasan. Hindi magkukulang si Cristo na magpakita ng wastong paggalang sa kautusan. Higit pa rito, ang Kanyang kaugnayan sa Ama ang pinag-uusapan. Dapat Niyang malinaw na ipahayag ang Kanyang katangian at misyon. Sinabi ni Jesus sa Kanyang mga disipulo, “Kaya't ang bawa't kumikilala sa akin sa harap ng mga tao, ay kikilalanin ko naman siya sa harap ng aking Ama na nasa langit.” Mateo 10:32 . Ngayon sa pamamagitan ng Kanyang sariling halimbawa ay inulit Niya ang aralin.” DA 706.4

“Buhat ngayon ay inyong makikita ang Anak ng tao na nakaupo sa kanan ng Kapangyarihan, at pumaparitong nasa mga alapaap ng langit.” Sa mga salitang ito ay ipinakita ni Cristo ang kabaligtaran ng eksenang nagaganap noon. Siya, ang Panginoon ng buhay at kaluwalhatian, ay uupo sa kanan ng Diyos. Siya ang magiging hukom ng buong lupa, at mula sa Kanyang pasiya ay walang magiging apela. Pagkatapos, ang bawat lihim na bagay ay ilalagay sa liwanag ng mukha ng Diyos, at ang paghatol ay ipapasa sa bawat tao ayon sa kanyang mga gawa. ” DA 707.3

“Ang eksena ay dumaan sa pananaw ng saserdote. Ang mga salita ni Cristo ay tumagos sa kanya na Saduceo. Itinatanggi ni Caifas ang doktrina ng muling pagkabuhay, paghatol, at buhay sa hinaharap. Kaya ngayo’y nakadarama siya ng satanikong galit. Ang tao bang ito, na isang bilanggo sa harapan niya, ay umaatake sa kanyang pinaka-itinatangi na mga teorya? Nang magkagayo'y hinapak ng dakilang saserdote ang kaniyang mga damit, na sinasabi, Nagsalita siya ng kapusungan: ano pa ang kailangan natin ng mga saksi? narito, ngayo'y narinig ninyo ang kapusungan: Ano ang akala ninyo? Nagsisagot sila at kanilang sinabi, Karapatdapat siya sa kamatayan.” DA 708.2

“Nang hinapak ni Caifas ang kaniyang kasuutan, ang kaniyang ginawa ay mahalaga ukol sa magiging kalalagayan ng mga Judio bilang isang bansa patungkol sa Diyos. Ang dating pinapaboran na bayan ng Diyos ay humihiwalay mula sa Kanya, at mabilis na naging isang bayang itinatakwil ni Jehova. Nang si Cristo sa krus ay sumigaw ng, “Naganap na” ( Juan 19:30 ), at ang tabing ng templo'y nahapak na nagkadalawa, ipinahayag ng Banal na Tagabantay na tinanggihan Siya ng mga Hudyo na siyang antitype ng lahat ng kanilang tipo [type] , ang tinutukuyan ng lahat ng mga bagay. Ang Israel ay humiwalay sa Diyos. Ang paghapak ni Caifas sa kaniyang opisyal na kasuotan, na nangangahulugan na siya bilang isang kinatawan ng dakilang Mataas na Saserdote; ay wala ng anumang kahulugan para sa kanya o para sa bayan. Hinapak ng mataas na saserdote ang kanyang mga kasuotan sa katakutan para sa kanyang sarili at para sa bansa.” DA 709.4

“Ikinubli ni Pedro ang sarili upang ang kanyang tunay na pagkatao ay hindi makilala. Sa pagpapanggap na wala siyang kinalaman o interes, inilagay niya ang kanyang sarili sa lupa ng kaaway, at siya ay naging isang madaling biktima ng tukso. Kung siya ay tinawag upang ipaglaban ang kanyang Guro, siya ay magiging isang matapang na kawal; ngunit nang ang daliri ng panunuya ay itinuro sa kanya, siya ay naging isang duwag. Marami sa mga hindi umaatras sa aktibong pakikibaka para sa kanilang Panginoon ang nagagawang itanggi ang kanilang pananampalataya dahil sa himok ng panlilibak. Sa pakikisama sa mga dapat nilang iwasan, inilalagay nila ang kanilang sarili sa daan ng tukso. Inaanyayahan nila ang kaaway na tuksuhin sila, at naaakay na sabihin at gawin ang bagay na sa ilalim ng ibang mga pangyayari ay hindi nila kailanman gagawin. Ang alagad ni Cristo na sa ating panahon ay itinatago ang kanyang pananampalataya dahil sa pangamba sa pagdurusa o panunuya ay itinatanggi ang kanyang Panginoon gaya ng ginawa ni Pedro sa bulwagan ng paghuhukom.” DA 712.1

“ Habang sariwa pa sa mga labi ni Pedro ang mapanghamak na mga pagtanggi, ang matinis na pagtilaok ng manok ay umaalingawngaw sa kanyang mga tainga, at ang Tagapagligtas ay tumalikod sa mga nakasimangot na mga hukom, at tinitigan nang mabuti ang Kanyang kaawa-awang alagad. Kasabay nito, ang mga mata ni Pedro ay natuon sa kanyang Guro. Sa maamo niyang mukha ay nabasa niya ang matinding awa at kalungkutan, ngunit walang galit doon. DA 712.4

“Ang pananaw sa maputla, nagdurusa na mukha, ang nanginginig na mga labi, ang hitsura ng habag at pagpapatawad, ay tumusok sa kanyang puso na parang pana. Napukaw ang kanyang konsensya. Ang isipan ay nabuhayan. Naalala ni Pedro ang pangakong kanyang binitiwan ilang oras pa lamang ang nakalilipas na sinabing siya ay sasama sa kanyang Panginoon sa bilangguan at sa kamatayan man. Naalala niya ang kanyang naging kalungkutan nang sabihin sa kanya ng Tagapagligtas sa silid sa itaas na ikakaila niya ang kanyang Panginoon nang tatlong beses nang gabi ring iyon. Kakasabi lamang ni Pedro na hindi niya nakikilala si Jesus, ngunit napagtanto niya sa puntong iyon kung gaano siya kakilala ng kanyang Panginoon, at kung gaano Niyang nabasa nang tumpak ang kanyang puso, maging ang kasinungalingan na hindi alam kahit sa kanyang sarili.” DA 713.1

Biyernes, Setyembre 13

Karagdagang Kaisipan

“Nang ang paghatol kay Jesus ay binigkas ng mga hukom, isang satanikong galit ang sumakop sa mga tao. Ang dagundong ng mga tinig ay parang sa mababangis na hayop. Ang mga tao ay sumugod kay Hesus, sumisigaw, Siya ay nagkasala, patayin Siya! Kung hindi dahil sa mga sundalong Romano, hindi na aabot ang buhay ni Jesus para ipako sa krus ng Kalbaryo. Siya ay papatayin nila sa harap ng Kanyang mga hukom, kung hindi lamang namagitan ang awtoridad ng Roma, at sa pamamagitan ng puwersa ng mga armas ay napigilan ang karahasan ng mga mandurumog. DA 715.1

“Nagalit ang mga pagano sa malupit na pagtrato sa isang taong walang napatunayang pagkakasala. Ipinahayag ng mga opisyal ng Roma na ang mga Hudyo sa pagbigkas ng paghatol kay Jesus ay nilalabag ang kapangyarihan ng Roma, at na labag pa nga sa batas ng mga Judio na hatulan ang isang tao ng kamatayan dahil sa kanyang sariling patotoo. Ang interbensyong ito ay nagdulot ng panandaliang paghina sa mga paglilitis; datapuwa't ang mga pinunong Judio ay pareparehong walang awa at kahihiyan. DA 715.2

“Nakalimutan ng mga saserdote at pinuno ang dignidad ng kanilang katungkulan, at inabuso ang Anak ng Diyos nang may masasamang tawag. Tinuya nila Siya sa Kanyang mga magulang. Ipinahayag nila na ang Kanyang pagpapahayag ng Kanyang sarili bilang Mesiyas ay naging karapat-dapat sa Kanya sa pinakakahiya-hiyang kamatayan. Ang pinaka-malupit na mga tao na nakibahagi sa karumal-dumal na panunuya sa Tagapagligtas. Isang lumang damit ang itinapon sa Kanyang ulo, at ang Kanyang mga mang-uusig ay sinampal Siya sa mukha, na nagsasabi, “Hulaan mo sa amin, ikaw Cristo: sino ang sa iyo'y bumubugbog?” Nang matanggal ang damit, isang dukha ang dumura sa Kanyang mukha. DA 715.3

“Tapat na itinala ng mga anghel ng Diyos ang bawat mapang-insultong tingin, salita, at kilos laban sa kanilang minamahal na Komandante. Isang araw, ang mga hamak na tao na nanunuya at dumura sa kalmado at maputlang mukha ni Cristo ay titingnan ito sa kanyang kaluwalhatian, na nagniningning na mas maliwanag kaysa sa araw. DA 715.4