“Ang Dios na gumawa ng sanglibutan at ng lahat ng mga bagay na naririto, siya, palibhasa'y Panginoon ng langit at ng lupa, ay hindi tumatahan sa mga templong ginawa ng mga kamay.” KJV – Mga Gawa 17:24
“Ang lungsod ng Atenas ay “puno ng mga diyus-diyosan”. Dito ay hindi nakasalamuha ni Pablo ang mga mangmang at mapaniwalaing mga tao tulad ng sa Listra, ngunit nakatagpo siya ng mga tao na kilala sa kanilang katalinuhan at kultura. Saanman ay makikita ang mga estatwa ng kanilang mga diyus-diyosan at mga bayani ng kasaysayan, habang ang kahanga-hangang arkitektura at mga pinta ay kumakatawan sa kaluwalhatian ng bansa at ng tanyag nitong pagsamba sa mga paganong diyos. Ang mga tao ay nabibighani sa kagandahan at karilagan ng sining. Sa lahat ng dako ay may mga naglalakihang mga santuwaryo at templo na hindi mawari ang halaga. Ang tagumpay ng mga almas at gawa ng mga bantog na tao ay ginugunita sa pamamagitan ng eskultura at mga dambana. Ang lahat ng ito ay nagdulot sa Atenas na maging tila isang malaking galerya ng sining.” AA 233.4
“Ang apostol ay hindi nalinlang sa kanyang nakita sa sentrong ito ng pagaaral. Ang kanyang espirituwal na likas ay buhay na buhay sa pagmamahal sa makalangit na mga bagay kung kaya’t ang kanyang kagalakan at kaluwalhatian sa mga yamang hindi napapawi ay nagdulot sa kanya na hindi pahalagahan ang maririlag na mga bagay na nakapalibot sa kanya. Nang makita niya ang karilagan ng Atenas natanto niya ang mapang-akit na kapangyarihan nito sa mga mahilig sa sining at agham, at ang kanyang isipan ay labis na napukaw sa kahalagahan ng gawaing nasa kanyang harapan.” AA 234.2
Basahin ang Mga Gawa 17:1-16. Paano napunta si Pablo sa Atenas, at paano siya tumugon sa kanyang nasumpungan doon?
“ Ang mga hindi sumasampalataya na mga Judio sa Tesalonica, na napuspos ng paninibugho at pagkapoot sa apostol, at hindi nasisiyahan sa pagpapalayas sa kanila sa kanilang sariling lungsod, ay sumunod sa kanila hanggang sa Berea, at napukaw sa mababang uri ng nasa laban sa kanya. Sa takot na ang karahasan ay gagawin kay Pablo kung mananatili siya roon, ipinadala siya ng mga kapatid sa Atenas, kasama ng ilan sa mga taga-Berea na bagong tumanggap ng pananampalataya.” AA 232.3
“Sa dakilang lungsod na ito, kung saan ang Diyos ay hindi sinasamba, si Pablo ay nabagabag ng isang pakiramdam ng pag-iisa, at siya’y nanabik sa pakikiramay at tulong ng kanyang mga kapwa manggagawa. Kung tungkol sa pagkakaibigan ng tao, siya nga ay lubhang nakaramdam ng pag-iisa. Sa kanyang liham sa mga taga-Tesalonica, ipinahayag niya ang kanyang damdamin sa mga salitang, “Naiwang nangagiisa sa Atenas.” 1 Tesalonica 3:1 . Ang mga balakid na tila hindi malalampasan ay nalatag sa kanyang harapan, na pakiwari ay tila wala ng pagasa para sa kanya na subukang abutin ang puso ng mga tao.” AA 234.3
“Hindi nagtagal ay nalaman ng mga dakilang tao sa Atenas ang tungkol sa presensya sa kanilang lungsod ng isang natatanging guro na naghahayag sa mga tao ng bago at kakaibang mga doktrina. Ang ilan sa mga ito ay hinanap si Pablo at nakipag-usap sa kanya. Kalaunan ay may pulutong ng mga nakikinig ang nagtipon sa kanila. Ang ilan ay handang kutyain ang apostol bilang isa na mas mababa sa kanila sa lipunan man o sa intelektwal, at ang mga ito ay nagsabi ng panunuya sa kanilang sarili, “Anong ibig sabihin ng masalitang ito?” Ang iba nama’y nagsabi, “sapagka't ipinangangaral niya si Jesus at ang pagkabuhay na maguli, parang siya'y tagapagbalita ng mga ibang dios.” AA 235.1
“Kabilang sa mga nakipagtalo kay Pablo sa pamilihan ay “mga pilosopong Epicureo at Estoico; ngunit sila, at lahat ng iba pa na nakipag-usap sa kanya ay agad na nakapansin na siya ay may isang kaalaman na higit sa kanila. Ang kanyang kapangyarihang intelektwal ay nagbangon ng paggalang mula sa mga edukado; habang ang kanyang maalab, lohikal na pangangatwiran at ang kapangyarihan ng kanyang pananalita ay nakakuha ng atensyon ng lahat. Napagtanto ng kanyang mga tagapakinig na siya ay hindi baguhan, at na siya ay may kakayahan na magbigay ng mga matitibay na argumento sa lahat ng uri ng kanyang nakakasalamuha bilang tugon sa kanyang itinuturong doktrina. Kaya ang apostol ay tumindig ng walang takot, na hinaharap ang mga sumasalungat sa kanya sa kanila mismong lupain, na nagbibigay ng lohika pangtapat sa lohika, ng pilosopiya pangtapat sa pilosopiya, at kahusayan sa pagsasalita pagtapat sa kahusayan sa pagsasalita.” AA 235.2
Basahin ang Mga Gawa 17:18-21. Ano ang ilan sa kakaibang pamamaraan na tumugon ang mga pagano sa pamilihan sa pananalita at pagtatanong ni Pablo?
“Ang mga pagano na sumasalungat sa kanya ay kumuha sa kanyang atensyon ukol sa naging kapalaran ni Socrates, na, dahil siya ay isang tagapagpahayag ng mga ibang diyos, ay hinatulan ng kamatayan, at pinayuhan nila si Pablo na huwag ilagay sa panganib ang kanyang buhay sa parehong paraan. Ngunit ang mga talumpati ng apostol ay pumukaw sa atensyon ng mga tao, at ang kanyang hindi naapektuhang karunungan ay nagbangon sa kanilang paggalang at paghanga. Hindi siya napatahimik ng agham o ng kabalintunaan ng mga pilosopo, at pinatunayan ang kanyang determinasyon na tuparin ang kanyang tungkulin sa kanila, sa kabila ng lahat ng mga panganib, upang ihayag ang kanyang kuwento, nagpasya silang bigyan siya ng isang patas na pagdinig. AA 236.1
“At dinala nila siya sa gitna ng Areopago. Ito ay isa sa mga pinakasagradong lugar sa buong Atenas, at ang mga alaala at mga asosasyon nito ay naging dahilan upang ito ay ituring na may relihiyosong paggalang na sa isipan ng ilan ay nakatatakot. Sa lugar na ito madalas na maingat na isinasaalang-alang ang mga bagay na may kaugnayan sa relihiyon ng mga taong nagsisilbing mga hukom sa lahat ng mas mahahalagang moral gayundin sa sibil na mga katanungan. AA 236.2
“Dito, malayo sa lahat ng ingay at kaabalahan sa masikip na mga lansangan, at sa kaguluhan ng malaswang talakayan, ang apostol ay mapakikinggan nang walang balakid. Sa paligid niya ay nagtipon ang mga makata, pintor, at pilosopo—ang mga iskolar at pantas ng Atenas, na nagsabi sa kanya: “Mangyayari bagang maalaman namin kung ano itong bagong aral, na sinasalita mo? Sapagka't naghahatid ka ng mga kakaibang bagay sa aming mga tainga: ibig nga naming maalaman kung ano ang kahulugan ng mga bagay na ito.” AA 236.3
“Sa solemeng oras na iyon ang apostol ay kalmado at may kapanatagan sa sarili. Ang kanyang puso ay nabibigatan sa isang mahalagang mensahe, at ang mga salitang lumalabas sa kanyang mga labi ay nakakumbinsi sa kanyang mga tagapakinig na siya ay hindi hamak na masalitang tao lamang. “Kayong mga lalaking taga Atenas,” ang sabi niya, “sa lahat ng mga bagay ay napapansin kong kayo'y lubhang relihioso. Sapagka't sa aking pagdaraan, at sa pagmamasid ng mga bagay na inyong sinasamba, ay nakasumpong din naman ako ng isang dambana na may sulat na ganito, SA ISANG DIOS NA HINDI KILALA. Yaon ngang inyong sinasamba sa hindi pagkakilala, siya ang sa inyo'y ibinabalita ko.” Sa lahat ng kanilang katalinuhan at pangkalahatang kaalaman, sila ay walang kaalaman sa Diyos na lumikha ng sansinukob. Gayunpaman, may ilan na naghahangad ng higit na liwanag. Nagtatangkang abutin ang Walang-hanggan. ” AA 237.1
Basahin ang Mga Gawa 17:22, 23. Ano ang ginagawa ni Pablo dito sa kanyang pagsisikap na abutin ang mga taong ito ng Ebanghelyo?
“Kanyang iniunat ang kanyang kamay doon sa templo na puno ng mga diyus-diyosan, at ibinuhos ni Pablo ang pasanin ng kanyang kaluluwa, at inilantad ang mga kamalian ng relihiyon ng mga taga-Atenas. Ang pinakamatalino sa kaniyang mga tagapakinig ay namangha habang nakikinig sa kaniyang pangangatuwiran. Ipinakita niya ang kanyang pagkapamilyar sa kanilang mga gawa ng sining, kanilang panitikan, at kanilang relihiyon. Itinuro ang kanilang estatwa at mga diyus-diyosan, at ipinahayag na ang Diyos ay hindi maihahalintulad sa mga anyo ng pag-iisip ng tao. Ang mga larawang inanyuan na ito ay hindi maaaring kumatawan sa kaluwalhatian ni Jehova. Ipinaalala niya sa kanila na ang mga larawang ito ay walang buhay, ngunit mga kinokontrol lamang ng mga kapangyarihan ng tao, na gagalaw lamang kapag ginalaw ng mga kamay ng mga tao; at samakatuwid ang mga sumasamba sa kanila ay nakahihigit sa kanilang sinamba. AA 237.2
“Dinala ni Pablo ang mga isipan ng kaniyang idolatrosong mga tagapakinig sa isang bagay na lagpas sa limitasyon ng kanilang mga huwad na relihiyon sa isang tunay na pagkakilala sa Diyos, na kanilang tinawag na “Di-Kilalang Diyos.” Ang Nilalang na ito, na ngayon ay ipinahayag niya sa kanila, ay hiwalay sa tao, hindi nangangailangan ng anuman mula sa mga kamay ng tao upang magdagdag sa Kanyang kapangyarihan at kaluwalhatian. AA 237.3
“Ang mga tao ay nadala sa paghanga sa marubdob at lohikal na paglalahad ni Pablo ng mga katangian ng tunay na Diyos—ng Kanyang kapangyarihang lumikha at nangingibabaw na probisyon. Sa marubdob na pagsasalita ay ipinahayag ng apostol, “Ang Dios na gumawa ng sanglibutan at ng lahat ng mga bagay na naririto, siya, palibhasa'y Panginoon ng langit at ng lupa, ay hindi tumatahan sa mga templong ginawa ng mga kamay; Ni hindi rin naman pinaglilingkuran siya ng mga kamay ng mga tao, na para bagang siya'y nangangailangan ng anomang bagay, yamang siya rin ang nagbibigay sa lahat ng buhay, at ng hininga, at ng lahat ng mga bagay.” Maging ang langit man ay hindi sapat upang taglayin ang Diyos, gaano pa kaya ang mga templo na ginawa lamang ng mga kamay ng tao!" AA 238.1
Basahin ang Mga Gawa 17:24-27. Anong pamamaraan ang ginagawa ni Pablo dito sa pagsisikap na maabot ang mga taong ito?
“Sa panahong iyon ng caste system, kung kailan ang mga karapatan ng tao ay madalas na hindi kinikilala, si Pablo ay naglahad ng dakilang katotohanan ng kapatiran ng tao, na ipinahayag na, “ginawa ng Diyos sa isa ang bawa't bansa ng mga tao upang magsipanahan sa balat ng buong lupa.” Sa paningin ng Diyos ang lahat ay nasa pagkakapantay-pantay, at sa Lumikha ang bawat tao ay dapat magukol ng pinakamataas na katapatan. At ipinakita ng apostol kung paanong sa lahat ng pakikitungo ng Diyos sa tao, ang Kanyang layunin ng biyaya at awa ay kumikilos tulad ng isang sinulid na ginto. Kanyang “itinakda ang kanilang talagang ayos ng mga kapanahunan at ang mga hangganan ng kanilang tahanan; Upang kanilang hanapin ang Dios baka sakaling maapuhap nila siya at siya'y masumpungan, bagaman hindi siya malayo sa bawa't isa sa atin.” AA 238.2
“Ayon sa marangal na mga halimbawa ng pagkatao, gamit ang mga salitang hiram sa sarili nilang makata, kanyang inilarawan ang walang hanggang Diyos bilang isang Ama, na kung saan sila ay mga anak. “Sapagka't sa kaniya tayo'y nangabubuhay, at nagsisikilos, at mayroon tayong pagkatao,” pahayag niya; “na gaya naman ng sinabi ng ilan sa inyong sariling mga manunula, Sapagka't tayo nama'y sa kaniyang lahi. Yamang tayo nga'y lahi ng Dios, ay hindi marapat nating isipin na ang pagka Dios ay katulad ng ginto, o ng pilak, o ng bato, na inukit ng kabihasnan at katalinuhan ng tao.” AA 238.3
“Ang mga panahon ng kahangalan ay pinalipas na nga ng Dios; datapuwa't ngayo'y ipinaguutos niya sa mga tao na mangagsisi silang lahat sa lahat ng dako.” Sa panahon ng kadiliman bago ang pagdating ni Cristo, ang banal na Tagapamahala ay pinalampas ang idolatriya ng mga pagano; ngunit ngayon, sa pamamagitan ng Kanyang Anak, ipinadala Niya sa mga tao ang liwanag ng katotohanan; at Siya ay umaasa mula sa lahat ng pagsisisi tungo sa kaligtasan, hindi lamang mula sa mahihirap at mapagpakumbaba, kundi mula sa palalong pilosopo at mga prinsipe ng mundo. “Sapagka't siya'y nagtakda ng isang araw na kaniyang ipaghuhukom sa sanglibutan ayon sa katuwiran sa pamamagitan ng lalaking kaniyang itinalaga; na ito'y pinatunayan niya sa lahat ng mga tao, nang siya'y buhayin niyang maguli sa mga patay.” Habang binabanggit ni Pablo ang pagkabuhay na mag-uli mula sa mga patay, nanglibak ang ilan; datapuwa't sinabi ng mga iba, Pakikinggan ka naming muli tungkol dito.” AA 239.1
“Sa gayo'y nagtapos ang mga gawain ng apostol sa Atenas, ang sentro ng paganong pag-aaral, dahil ang mga taga-Atenas, na patuloy na kumapit sa kanilang idolatriya, ay tumalikod sa liwanag ng tunay na relihiyon. Kapag ang isang bayan ay ganap na nasisiyahan sa kanilang mga tinataglay, kakaunti lamang ang maaaring asahan mula sa kanila. Bagaman ipinagmamalaki ang pagkatuto at pagiging pino, ang mga taga-Atenas ay patuloy na nagiging mas tiwali at mas kontento sa malabong misteryo ng idolatriya. ” AA 239.2
Basahin ang Gawa 17:24-34. Paano nagpapatuloy si Pablo sa pagsaksi?
“Ang ilan sa mga nakinig sa mga salita ni Pablo ay nakatanggap ng katotohanan sa kanilang mga isipan na nagdulot ng pananalig, ngunit hindi nila magawang ibaba ang kanilang sarili na kilalanin ang Diyos at tanggapin ang plano ng kaligtasan. Walang kagalingan sa pananalita, walang lakas ng argumento, ang makapagpapabago sa makasalanan. Tanging ang kapangyarihan lamang ng Diyos ang makapagtitimo ng katotohanan sa puso. Siya na patuloy na tumatalikod sa kapangyarihang ito ay hindi maaaring maabot. Ang mga Griego ay naghanap ng karunungan, ngunit ang mensahe ng krus ay tila kamangmangan sa kanila dahil mas pinahahalagahan nila ang kanilang sariling karunungan kaysa sa karunungan na nagmumula sa itaas. AA 239.3
“Sa kanilang pagmamalaki sa talino at karunungan ng tao maaaring matagpuan ang dahilan kung bakit ang mensahe ng ebanghelyo ay nakatanggap lamang ng maliit na tagumpay sa mga taga-Atenas. Ang makamundong-matalino na mga tao na lumalapit kay Cristo bilang kaawa-awa at nawawalang mga makasalanan, ay magiging matalino tungo sa kaligtasan; ngunit yaong mga lumalapit bilang mga kilalang tao, na nagpupuri sa kanilang sariling karunungan, ay mabibigo sa pagtanggap ng liwanag at kaalaman na Siya lamang ang makapagbibigay. AA 240.1
“ Sa gayo'y nakita ni Pablo ang paganismo noong kanyang panahon. Ang kanyang gawain sa Atenas ay hindi lubos na walang kabuluhan. Si Dionisio, isa sa mga pinakakilalang mamamayan, at ang iba pa, ay tumanggap ng mensahe ng ebanghelyo at lubusang nakiisa sa mga mananampalataya.” AA 240.2
“Narito, aking pinapagmatigas ang iyong mukha laban sa kanilang mga mukha, at pinatigas ko ang iyong ulo laban sa kanilang mga ulo. Ginawa kong parang isang diamante na lalong matigas kay sa pingkiang bato ang iyong ulo: huwag mo silang katakutan, o manglupaypay man sa kanilang tingin, bagaman sila'y mapanghimagsik na sangbahayan. Lahat ng aking mga salita na aking sasalitain sa iyo ay tanggapin mo sa iyong puso, at dinggin mo ng iyong mga pakinig. At yumaon ka, pumaroon ka... at saysayin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios; sa didinggin man nila, o sa itatakuwil man nila.” Ezek. 3:8-11.
Sa panahon ni Cristo, kinalaban ng mga nagdududa sa Inspirasyon ang mga mensahero at ang kanilang mga mensahe sa panahong iyon. Sa isang banda ay hinanapan nila ng kamalian si Juan Bautista dahil ang kaniyang pagkain ay mga balang at pulot-pukyutan. (Mat. 3:4). Sapagka't naparito si Juan na hindi kumakain o umiinom man, at sinasabi nila, Siya'y mayroong demonio. Matt. 11:18. Samantala sa kabilang banda, dahil si Cristo ay “naparito na kumakain at umiinom,” Siya’y inakusahan nilang “isang matakaw na tao at isang manginginom ng alak, isang kaibigan ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan " Mat. 11:19. Itinatanggi na Siya ay isinugo ng Diyos, mapanuksong tinanong nila Siya: “Sa anong kapamahalaan ginagawa mo ang mga bagay na ito? o sino ang nagbigay sa iyo ng kapamahalaang ito?” Lucas 20:2.
At ngayon sa Kanyang iglesia sa mga huling araw na ito, ang Kanyang Espiritu ay nagpapahayag: “Ang propesiya ay matutupad.” Sinabi ng Panginoon: “Narito, aking susuguin sa inyo si Elias na propeta bago dumating ang dakila at kakilakilabot na kaarawan ng Panginoon.” May darating sa espiritu at kapangyarihan ni Elias, at kapag siya’y dumating, sasabihin ng mga tao: 'Masyado kang masigasig, hindi mo binibigyang-kahulugan ang Kasulatan sa wastong paraan. Hayaan mong sabihin ko sa iyo kung paano ituro ang iyong mensahe.” -- Testimonies to Ministers, p. 475.
Sa mga nag-aalinlangan sa posibilidad na ang isang mensahe ay naglalaman ng pawang katotohanan, ibinigay ang babala: “Ang Diyos at si Satanas ay hindi kailanman gagawa ng magkasama. Ang mga patotoo ay maaari lamang magtagalay ng dalawang bagay -- tatak ng Diyos o ng kay Satanas. ... Hindi maaari na ang mabuting punong kahoy ay magbunga ng masama.”-- Testimonies, Vol. 5, p. 98. “Naniniwala kami sa mga pangitain,” sabi ng mga nagdududa sa Inspirasyon, “ngunit si Sister White, sa pagsulat sa mga ito, at paglalagay ng kanyang sariling mga salita, at kami ay maniniwala sa bahagi na inaakala naming sa Diyos, at hindi papansinin ang iba .”-- Testimonies, Vol. 1, p. 234.