“Sapagka't ano ang pakikinabangin ng tao, kung makamtan niya ang buong sanglibutan at mawawalan siya ng kaniyang buhay? o ano ang ibibigay ng tao na katumbas sa kaniyang buhay?” KJV - Mateo 16:26
Ang tanging walang hanggang kapalaran ay maaaring maabot ng tao sa katuwiran sa pamamagitan lamang ng kaparaanan ng Diyos at sa Kanyang tinakdang panahon. Ang matagumpay na buhay ay hindi nakabase sa nakamit na yaman at katanyagan sa buhay na ito at kawalan naman sa buhay sa hinaharap. Ang tunay na matagumpay ay yaong nagiingat sa walang hanggang kayamanan sa pamamagitan ng araw-araw na paglakad at pagtahak sa tuwid na landas at sa gayon ay natitiyak din ang mga tagumpay sa kasalukuyan. Nasa kontrol ng Diyos ang pamamahagi ng mga kayamanan at hindi Niya ito ibinibigay sa Kanyang bayan bilang isang pagpapala kung sila ay makasarili. Kung ang gayong mga tao ay makakuha ng kayamanan, ito nga ay magiging isang sumpa sa kanila.
Alalahanin na si Job ay isang napakayamang tao dahil marahil siya ang pinakamatalik na kaibigan ng Diyos sa lupa noong panahong iyon. At nainggit sa kanya ang Diyablo at sinabi sa Panginoon na si Job ay hindi kasingbuting tao gaya ng inaakala ng Panginoon, at mapapatunayan niya ito kung hahayaan siyang magdala ng problema at paghihirap sa kanya. At matatandaan na pinahintulutan ng Panginoon ang Diyablo na gawin ang anumang naisin niya kay Job, maliban na lamang na kitilin ang kanyang buhay. Sa gitna ng kanyang marami at mabigat na pagdurusa ay ipinahayag ni Job, "Bagaman ako'y patayin niya, akin ding pagtitiwalaan siya." Job 13:15. Dahil hindi nabigo si Job, sa huli ay mas naging mayaman siya nang maraming beses kaysa noong una. Ang bayan ng Diyos ay hindi yayaman sa anumang aspeto kung magiging hangal. Hindi rin nakakatulong sa kanila ang magpadala sa self-pity sa panahon ng kahirapan. Kapag ang isang tao ay naaawa sa kanyang sarili , dinadala niya ang kanyang sarili sa isang estado na hindi maaaring makausad kung hindi man ay sa tahasang pagkatalo. Walang sinuman sa bayan ng Diyos, gaano man kalaki ang mga paghihirap na kanilang pinagdadaanan, ang nakadama na ang mga sakripisyong ito ay napakalaki. Ibig sabihin, ang lahat ng taong ito ay nagtataglay ng isang matatag na kapangyarihan na mahirap ipaliwanag maliban sa pagpapalagay na ito ay isang kaloob ng Diyos na Kanyang ipinagkakaloob sa mga taong malapit at nakikiisa sa Kanya.
Basahin ang Daniel 4. Ano ang nangyari sa hari dito, at ano ang sinasabi nito sa atin tungkol sa pagdating ng kaligtasan sa isa sa pinakamakapangyarihang tao sa sanlibutan?
Si Nebukadnezar ay nakakita ng isang pangitain. Sa kanyang pagkabagabag dito, ipinatawag niya ang mga pantas sa kanyang kaharian upang sabihin sa kanya ang interpretasyon nito. Dumating sila ngunit wala silang magagawa. Sa wakas ay dinala si Daniel sa harap ng hari. Matapos marinig ang kwento ng hari tungkol sa panaginip, sinabi ni Daniel:
Dan. 4:24-26, 28 – “Ito ang kahulugan, Oh hari, at siyang pasiya ng kataastaasan na sumapit sa aking panginoon na hari: Na ikaw ay mahihiwalay sa mga tao, at ang iyong tahanan ay mapapasama sa mga hayop sa parang, at ikaw ay pakakanin ng damo na gaya ng mga baka, at mababasa ka ng hamog ng langit, at makapitong mangyayari sa iyo; hanggang sa iyong maalaman na ang kataastaasan ay nagpupuno sa kaharian ng mga tao, at nagbibigay niyaon sa kanino mang ibigin niya. At yamang kanilang iniutos na iwan ang tuod ng mga ugat ng kahoy; ang iyong kaharian ay tunay na magiging iyo, pagkatapos na iyong maalaman na ang mga langit ay nagpupuno... ito'y sumapit sa haring Nabucodonosor.”
Narinig ng hari ang kahulugan nito, at naunawaan niya ang utos. Gayunpaman, ayaw niyang aminin na may Isang mas dakila kaysa sa kanya. Pagkatapos ito ay nangyari na–
Mga Talata 29, 30 – “Sa katapusan ng labing dalawang buwan ay lumalakad siya sa palacio ng hari sa Babilonia. Ang hari ay nagsalita, at nagsabi, Hindi baga ito ang dakilang Babilonia na aking itinayo na pinaka tahanang hari, sa pamamagitan ng lakas ng aking kapangyarihan at sa ikaluluwalhati ng aking kamahalan?
Anong laking pahayag pagkatapos na marinig ang utos ng Diyos! Kinakailangang maunawaan ng hari na ang Diyos ang namamahala sa mga bansa, nagtatalaga ng mga hari at nagpapatalsik sa mga hari. Pakinggan natin ngayon ang sagot ng Diyos sa kahangalan ng hari:
Mga talatang 31-33 – “Samantalang ang salita ay nasa bibig pa ng hari, ay may isang tinig na nanggaling sa langit, na nagsasabi, Oh haring Nabucodonosor, sa iyo'y sinalita: Ang kaharian ay mahihiwalay sa iyo. At ikaw ay palalayasin sa mga tao; at ang iyong tahanan ay mapapasama sa mga hayop sa parang; ikaw ay pakakanin ng damo na gaya ng mga baka; at makapitong mangyayari sa iyo; hanggang sa iyong maalaman na ang Kataastaasan ay nagpupuno sa kaharian ng mga tao, at ibinibigay sa kanino mang kaniyang ibigin.Nang oras ding yaon ay natupad ang bagay kay Nabucodonosor: at siya'y pinalayas sa mga tao, at kumain ng damo na gaya ng mga baka, at ang kaniyang katawan ay nabasa ng hamog ng langit, hanggang sa ang kaniyang buhok ay lumagong parang balahibo ng mga aguila, at ang kaniyang mga kuko ay parang mga kuko ng mga ibon.
Ang ilan maging hanggang ngayon ay hindi nauunawaan na ang Diyos ang namamahala, na ang mga tao ay hindi hiwalay sa Kanya bagama't sila ay pinahihintulutang pumili kung maglilingkod sa Kanya o hindi. Hindi kinakailangan para sa haring Caldeo na tumira kasama ng mga hayop sa parang, ngunit dahil hindi niya matutunan ang kanyang aral sa pamamagitan ng mga salita, sa madaling paraan, siya ay tinanggal mula sa kanyang palasyo at inilagay sa isang kural, doon upang matuto sa pamamagitan ng karanasan, sa mahirap na paraan. Sa pagtatapos ng pitong taon, pagkatapos niyang makagraduate, ika nga, mula sa paaralan ng Diyos, ang hari ay naglakad pabalik sa kanyang palasyo, at nagsabi:
Mga talata 34-37 – “At sa katapusan ng mga kaarawan, akong si Nabucodonosor ay nagtaas ng aking mga mata sa langit, at ang aking unawa ay nanumbalik sa akin, at aking pinuri ang Kataastaasan, at aking pinuri at pinarangalan ko siya na nabubuhay magpakailan man; sapagka't ang kaniyang kapangyarihan ay walang hanggang kapangyarihan, at ang kaniyang kaharian ay sa sali't saling lahi;At ang lahat na mananahan sa lupa ay nabilang sa wala; at kaniyang ginagawa ang ayon sa kaniyang kalooban sa hukbo ng langit, at sa mga mananahan sa lupa; at walang makahahadlang sa kaniyang kamay, o makapagsasabi sa kaniya, Anong ginagawa mo? Sa oras ding yaon ay nanumbalik sa akin ang aking unawa; at sa ikaluluwalhati ng aking kaharian, ay nanumbalik sa akin ang aking kamahalan at kakinangan; at hinanap ako ng aking mga kasangguni at mga mahal na tao; at ako'y natatag sa aking kaharian, at marilag na kadakilaan ay nadagdag sa akin. Ngayo'y akong si Nabucodonosor ay pumupuri, at nagbubunyi, at nagpaparangal sa Hari ng langit; sapagka't ang lahat niyang gawa ay katotohanan, at ang kaniyang mga daan ay kahatulan; at yaong nagsisilakad sa kapalaluan ay kaniyang mapabababa.”
Dahil sa kanyang pagmamataas at pagtataksil sa Diyos, ginawa ni Nabucodonosor na miserable ang kanyang buhay, ngunit sa wakas ay nagising siya.
Basahin ang 2 Hari 5:1-19. Ano ang makukuha natin sa kuwentong ito tungkol sa pag-abot sa mga tao para sa Panginoon?
“Si Naaman nga, na punong kawal ng hukbo ng hari sa Siria, ay dakilang lalake sa kaniyang panginoon, at marangal, sapagka't sa pamamagitan niya'y nagbigay ang Panginoon ng pagtatagumpay sa Siria: siya rin nama'y malakas na lalake na may tapang, nguni't may ketong.” PK 244.1
“Natalo ni Benhadad, hari ng Syria, ang mga hukbo ng Israel sa labanan na nagresulta sa pagkamatay ni Ahab. Mula noon ay nagkaroon ng patuloy na border warfare sa pagitan ng mga Siryano at Israel, at sa isa sa kanilang mga pagsalakay ay dinala nila ang isang dalagita na sa lupain ng kanyang pagkabihag, ay “ naglingkod sa asawa ni Naaman.” Isang alipin na malayo sa kanyang tahanan, ang dalagitang ito gayunpaman ay isa sa mga saksi ng Diyos, na walang kamalay-malay na kanya palang tinutupad ang layunin kung saan pinili ng Diyos ang Israel bilang Kanyang bayan. Habang siya ay naglilingkod sa paganong tahanan, ang kanyang mga pakikiramay ay napukaw sa ngalan ng kanyang panginoon; at, sa pag-alaala sa mga kahanga-hangang himala ng pagpapagaling na ginawa sa pamamagitan ni Eliseo, sinabi niya sa kanyang maybahay, “Mano nawa ang aking panginoon ay humarap sa propeta na nasa Samaria! kung magkagayo'y pagagalingin niya siya sa kaniyang ketong.” Alam niya na ang kapangyarihan ng Langit ay na kay Eliseo, at naniniwala siya na sa pamamagitan ng kapangyarihang ito ay maaaring gumaling si Naaman. PK 244.2
“Ang katangian ng bihag na kasambahay na ito, ang kanyang paguugali sa tahanan ng mga pagano, ay isang malakas na patotoo sa kapangyarihan ng maagang pagsasanay sa tahanan. Walang mas mataas na pagtitiwala kaysa yaong ibinibigay sa mga ama at ina sa pangangalaga at pagsasanay sa kanilang mga anak. Ang mga magulang ay may kinalaman sa mismong pundasyon ng mga paguugali at pagkatao. May malaking epektong dulot ang kanilang halimbawa at pagtuturo sa kung ano ang magiging kinabukasan ng kanilang mga anak.” PK 245.1
“Narinig ni Naaman ang mga salita na sinabi ng dalagita sa kanyang panginoon; at, nang magkaroon ng pahintulot mula sa hari, humayo siya upang humingi ng pagpapagaling, na may dalang “sangpung talentong pilak, at anim na libong putol na ginto, at sangpung pangpalit na bihisan.” Nagdala rin siya ng sulat mula sa hari ng Syria para sa hari ng Israel, kung saan nakasulat ang mensahe, “Narito, aking ... sinugo si Naaman na aking lingkod sa iyo, upang iyong pagalingin siya sa kaniyang ketong..” Nang basahin ng hari ng Israel ang sulat, “na kaniyang hinapak ang kaniyang suot at nagsabi, Ako ba'y Dios upang pumatay at bumuhay, na ang lalaking ito ay nagsugo sa akin upang pagalingin ito sa kaniyang ketong? nguni't talastasin mo, isinasamo ko sa iyo, at tingnan mo kung paanong siya'y humahanap ng dahilan laban sa akin.” PK 246.2
“ Dumating kay Eliseo ang balita ukol sa bagay, at nagsugo siya sa hari, na nagsasabi, Bakit mo hinapak ang iyong mga kasuutan? paparituhin mo siya sa akin, at kaniyang malalaman na may isang propeta sa Israel.” PK 246.3
“Sa gayo'y naparoon si Naaman na dala ang kaniyang mga kabayo at ang kaniyang mga karo, at tumayo sa pintuan ng bahay ni Eliseo." Sa pamamagitan ng isang sugo ay iniutos sa kanya ng propeta, “ikaw ay yumaon, at maligo sa Jordan na makapito, at ang iyong laman ay sasauli sa iyo, at ikaw ay magiging malinis.” PK 246.4
“Si Naaman ay umasa na makakita ng ilang kamangha-manghang pagpapakita ng kapangyarihan mula sa langit. “Aking inakala,” sabi niya, “walang pagsalang lalabasin niya ako, at tatayo, at tatawag sa pangalan ng Panginoon niyang Dios, at pagagalawgalawin ang kaniyang kamay sa kinaroroonan, at mapapawi ang ketong. Nang sinabihan siyang maghugas sa Jordan, naantig ang kanyang pagmamataas, at sa pagkapahiya at pagkabigo ay bumulalas siya, “Hindi ba ang Abana at ang Pharphar, na mga ilog ng Damasco, ay mainam kay sa lahat ng tubig sa Israel? hindi ba ako makapaliligo sa mga yaon, at maging malinis? Sa gayo'y pumihit siya at umalis sa paginit.” PK 246.5
“Ang mapagmataas na espiritu ni Naaman ay naghimagsik laban sa pagsunod sa landas na binalangkas ni Eliseo. Ang mga ilog na binanggit ng kapitan ng Sirya ay pinaganda ng mga nakapaligid na kakahuyan, at marami ang dumadagsa sa mga pampang ng magagandang batis na ito upang sambahin ang kanilang mga diyus-diyosan. Walang magiging malaking kahihiyan sa kaluluwa ni Naaman na bumaba sa isa sa mga batis na iyon. Ngunit sa pamamagitan lamang ng pagsunod sa mga tiyak na tagubilin ng propeta siya makakahanap ng kagalingan. Ang kusang pagsunod lamang ang magdadala ng ninanais niyang resulta. PK 249.1
“Ang mga lingkod ni Naaman ay nakiusap sa kanya na tuparin ang mga utos ni Eliseo: “Kung ipinagawa sa iyo ng propeta ang anomang mahirap na bagay, hindi mo ba gagawin? gaano nga kung sabihin niya sa iyo, Ikaw ay maligo, at maging malinis?” Ang pananampalataya ni Naaman ay sinusubok, habang ang pagmamataas ay nakikipaglaban para sa karunungan. Ngunit nanaig ang pananampalataya, at ang mapagmataas na Syriano ay nagwaksi sa kanyang pagmamataas at yumukod sa pagpapasakop sa inihayag na kalooban ni Jehova. Nang magkagayo'y lumusong siya at sumugbong makapito sa Jordan, ayon sa sabi ng lalake ng Dios. At ang kanyang pananampalataya ay pinarangalan; “At ang kaniyang laman ay nagsauling gaya ng laman ng isang munting bata, at siya'y naging malinis.” PK 249.2
“ May pasasalamat na siya'y bumalik sa lalake ng Dios, siya at ang buong pulutong niya, “Narito ngayon, aking talastas na walang Dios sa buong lupa, kundi sa Israel.” PK 249.3
Basahin ang Juan 3:1-12. Ano ang ipinapahayag ng kuwentong ito tungkol sa mga pangangailangang espiritwal ni Nicodemo at kung paano agad na tinutugunan ni Jesus ang mga ito?
Mga talata 4-8 – “Sinabi sa kaniya ni Nicodemo, Paanong maipanganganak ang tao kung siya'y matanda na? makapapasok baga siyang bilang ikalawa sa tiyan ng kaniyang ina, at ipanganak? Sumagot si Jesus, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa iyo, Maliban na ang tao'y ipanganak ng tubig at ng Espiritu, ay hindi siya makapapasok sa kaharian ng Dios. Ang ipinanganak ng laman ay laman nga; at ang ipinanganak ng Espiritu ay espiritu nga. Huwag kang magtaka sa aking sinabi sa iyo, Kinakailangan ngang kayo'y ipanganak na muli. Humihihip ang hangin kung saan niya ibig, at naririnig mo ang kaniyang ugong, nguni't hindi mo nalalaman kung saan nanggagaling, at kung saan naparoroon: gayon ang bawa't ipinanganak ng Espiritu.”
Ang pagkilala ni Nicodemo na si Jesus ay ang Anak ng Diyos ay lalong nagpalala sa kanyang kaso. Sa pagkakilala kung sino si Jesus, hindi niya dapat ikahiya na makita sa Kanyang piling, ni matakot man sa Kanyang mga kaaway. Dapat sana'y ituring niyang isang pribilehiyo ang makihalubilo sa Anak ng Diyos, sa isang Nilalang sa Langit. Ngunit dahil nahihiya si Nicodemo na makitang kasama Niya, at ipinagmamalaki naman ang makasama ang mga Pariseo, kailangan niyang ilibing ang “dating pagkatao,” at magbangon sa panibagong buhay – kailangang ipanganak na muli.
Sa tanong na, “Paanong maipanganganak ang tao kung siya'y matanda na?” Sumagot si Jesus, Maliban na ang tao'y ipanganak ng tubig at ng Espiritu, ay hindi siya makapapasok sa kaharian ng Dios. Kailangang mabinyagan si Nicodemo, kailangang hayagan niyang kilalanin si Jesus bilang Anak ng Diyos, at tanggapin ang Espiritu ng Katotohanan.
At ang ilustrasyon na, “Humihihip ang hangin kung saan niya ibig, at naririnig mo ang kaniyang ugong, nguni't hindi mo nalalaman kung saan nanggagaling, at kung saan naparoroon: gayon ang bawa't ipinanganak ng Espiritu.,” ay tiyak na nagtuturo na upang talagang malaman kung ano ang kapanganakan ng Espiritu ay ang pagkakaroon ng karanasan ng pagiging isa sa Kanyang mga disipulo, ng pagiging puspos ng Banal na Espiritu, at ng pagpapahayag ng Kanyang Katotohanan. Si Jesus, sa paghahambing sa Kanyang mga tagasunod, sa mga ipinanganak na muli, sa hangin, ay ginagawang mas malinaw pa ang katotohanang ito; sapagkat kung ang Kanyang mga disipulo ay tulad ng hangin, kung walang nakakaalam kung saan sila nanggaling at kung saan sila pupunta, kung gayon ang tanging paraan upang malaman ito ay ang maging isa sa kanila.
Upang si Jesus ay maging kaisa sa atin, kailangan Niyang ipanganak na muli; Kailangan niyang magkatawang tao. At para tayo ay maging kaisa Niya, kailangan nating ipanganak na muli, ipanganak sa Espiritu. Ang kaibahan ay si Jesus ay unang isinilang bilang isang espirituwal, isang Banal na nilalang, at pangalawa bilang isang tao; samantalang tayo ay mga unang ipinanganak na tao, at pangalawang espirituwal na nilalang.
Basahin ang Mateo 19:16-22. Anong mga aral ang matututuhan natin sa kuwentong ito, kung saan, kabaligtaran ni Nicodemo, ang isang taong ito ay hindi tumanggap kay Jesus?
Si Jesus ay hinarap ng mayamang batang pinuno, na nagsabi sa Kanya, Tinupad ko ang mga utos. Ano pa ang kailangan kong gawin upang makapasok sa buhay na walang hanggan? Narito ang sumusunod sa sagot:
Lucas 18:22 – “At nang marinig ito ni Jesus, ay sinabi niya sa kaniya, Isang bagay pa ang kulang sa iyo: ipagbili mo ang lahat mong tinatangkilik, at ipamahagi mo sa mga dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit: at pumarito ka, sumunod ka sa akin..”
Upang maunawaan ang banal na kasulatang ito, dapat nating basahin ang isa pang nasusulat kasama nito:
Juan 3:1-3 – “May isang lalake nga sa mga Fariseo, na nagngangalang Nicodemo, isang pinuno ng mga Judio:Ito rin ay naparoon sa kaniya nang gabi, at sa kaniya'y nagsabi, Rabi, nalalaman naming ikaw ay isang guro na nagbuhat sa Dios; sapagka't walang makagagawa ng mga tanda na iyong ginagawa, maliban na kung sumasa kaniya ang Dios. Sumagot si Jesus at sa kaniya'y sinabi, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa iyo, Maliban na ang tao'y ipanganak na muli, ay hindi siya makakakita ng kaharian ng Dios.”
Ang mayaman na binata at si Nicodemus ay parehong mga pinuno, at bagaman hindi magsingyaman, si Nicodemo ay hindi mahirap. Ngunit bakit ang isa ay hiniling na ipamahagi ang kanyang kayamanan sa mga mahihirap, at ang isa naman ay sinabihan na ipanganak muli? Bakit hindi pareho ang naging kabayaran ng dalawa para sa kaligtasan? Narito ang mga dahilan:
Upang maiwasang makita sa piling ni Jesus, si Nicodemo ay lumapit sa Kanya, hindi sa araw, ngunit lihim sa gabi, samantalang ang batang pinuno ay lumapit kay Jesus hindi lamang hayag sa araw, kundi pati na rin habang ang maraming tao ay kasama Niya. Samakatuwid, ang pangunahing hadlang sa mayamang batang pinuno ay ang kanyang kayamanan, at ang pangunahing hadlang kay Nicodemo ay ang kanyang pagmamalaki. Malinaw, kung gayon, ang karamdaman ng isa ay nangangailangan ng isang uri ng paggamot, at ang isa pang karamdaman ay nangangailangan ng isa pang uri ng paggamot.
Hindi kailanman hiniling ni Jesus sa sinuman na kunin ang Kanyang relihiyon, ngunit hiniling Niya sa kanila na “sumunod” sa Kanya, upang maging isa sa Kanyang mga disipulo. Ang mayamang batang pinuno ay hindi makasunod sa Panginoon dahil ang kanyang puso ay nakasentro sa kanyang sariling kayamanan. At si Nicodemo ay hindi makasunod sa Panginoon dahil siya ay masyadong mapagmataas upang makita sa piling ng hindi kilala at kinapopootan na si Hesus na sinusundan ng mga hamak na mangingisda. Upang alisin ang mga hadlang, ang isa ay kailangang alisin ang kanyang kayamanan, at ang isa ay kailangang alisin ang kanyang pagmamataas. Upang mapuksa ang pagmamataas, ang isa ay dapat ipanganak na muli, dapat maging isang bagong nilalang. Ngunit upang mapuksa ang pagmamahal sa pera ay dapat ibigay ng isang tao ang kanyang pera sa mga talagang nangangailangan nito.
Ang Kasulatan ay nagpapatotoo na si Abraham ay napakayaman. Ngunit siya ay tinatawag na “kaibigan ng Diyos.” Ang kayamanan sa kanilang sarili, samakatuwid, ay maaaring maging isang pagpapala, bagaman mas madalas itong maging isang sumpa. Ang pagmamataas, gayunpaman, ay hindi kailanman mabuti.
Basahin ang Mateo 27:57-60. Ano ang sinasabi ng kwentong ito sa kung paano ginamit ng Panginoon ang isang mayamang tao na malinaw na naimpluwensyahan ni Jesus?
“Si Jose ay tagasunod ni Cristo, ngunit noong una ay hindi siya nagpakilalang kasama Niya dahil sa takot sa mga Judio. Siya ngayon ay nagpunta nang buong tapang kay Pilato, at hiningi [ang] katawan ni Jesus. Siya ay isang mayaman na tao, at ito ay nagbigay sa kanya ng impluwensya sa gobernador. Kung siya ay naantala, ang katawan ng Tagapagligtas ay mailalagay na kasama ng mga katawan ng mga magnanakaw sa isang walang karangalang libingan.” 12MR 419.2
Isa. 45:1 – “Ganito ang sabi ng Panginoon sa kaniyang pinahiran ng langis, kay Ciro, na ang kanang kamay ay aking hinawakan, upang magpasuko ng mga bansa sa harap niya; at aking kakalagan ang mga balakang ng mga hari; upang magbukas ng mga pintuan sa unahan niya, at ang mga pintuang-bayan ay hindi masasarhan.”
Si Ciro, na sa kanyang pamumuno ay nagmartsa ang hukbong Medo-Persia sa Babilonya, ay hindi pa isinilang nang isulat ni propeta Isaias ang tungkol sa kanya. Ngunit inalala ng Diyos ang Kanyang pangako at nang madama ni Belshazzar ang ganap na katiwasayan sa gabi ng pagsasaya at nakamamatay na kahalayan, binuksan ng Diyos sa harap ni Ciro ang mga pintuan at ginawang posible ang pagbihag sa kaharian. Doon ay nakilala ng mga Medo at Persian si Daniel at ang kanyang mga kasama, na pumukaw sa pansin ni Ciro sa Kasulatan na hindi lamang hinulaan ang kanyang tagumpay, kundi inihula pa ang kanyang pangalan. Nang makita at madama ang kapangyarihan ng Diyos, nakilos si Cyrus na mag-utos:
Ezra 1:2-11 – “Ganito ang sabi ni Ciro na hari sa Persia, Ibinigay sa akin ng Panginoon, ng Dios ng langit, ang lahat na kaharian sa lupa; at ibinilin niya sa akin na ipagtayo ko siya ng isang bahay sa Jerusalem, na nasa Juda. Sinoman sa inyo sa kaniyang buong bayan, sumakaniya nawa ang kaniyang Dios, at umahon siya sa Jerusalem, na nasa Juda, at itayo ang bahay ng Panginoon, ng Dios ng Israel, (siya'y Dios,) na nasa Jerusalem. At sinomang naiwan sa alinmang dako na kaniyang pinakikipamayanan, tulungan siya ng mga lalake sa kaniyang kinaroroonan ng pilak, at ng ginto, at ng mga pag-aari, at ng mga hayop, bukod sa kusang handog sa bahay ng Dios na nasa Jerusalem. Nang magkagayo'y nagsibangon ang mga pangulo ng mga sangbahayan ng mga magulang ng Juda at Benjamin, at ang mga saserdote, at ang mga Levita, sa makatuwid baga'y lahat na ang diwa'y kinilos ng Dios na magsiahong itayo ang bahay ng Panginoon na nasa Jerusalem.At lahat na nangasa palibot nila ay nangagpatibay sa kanilang mga kamay ng mga sisidlang pilak, ng ginto, ng mga pag-aari, at ng mga hayop, at ng mga mahalagang bagay, bukod pa sa lahat na kusang inihandog. Inilabas din naman ni Ciro na hari ang mga sisidlan ng bahay ng Panginoon na inilabas ni Nabucodonosor sa Jerusalem, at inilagay sa bahay ng kaniyang mga dios; Sa makatuwid baga'y yaong mga inilabas ni Ciro na hari sa Persia sa pamamagitan ng kamay ni Mitridates na tagaingat-yaman, at mga binilang kay Sesbassar, na prinsipe sa Juda.At ito ang bilang ng mga yaon: tatlong pung pinggang ginto, at isang libong pinggang pilak, dalawang pu't siyam na sundang; Tatlong pung mangkok na ginto, mga mangkok na pilak na ikalawang ayos ay apat na raan at sangpu, at ang ibang mga sisidlan ay isang libo.Lahat na sisidlang ginto at pilak ay limang libo at apat na raan. Ang lahat ng mga ito ay ipinaahon ni Sesbassar, nang silang sa pagkabihag ay ipagahong mula sa Babilonia hanggang sa Jerusalem.”
Hindi mahirap makita na kung ang mga pinuno ng imperyo ng Medo-Persia ay nagpatuloy sa pamamahala sa parehong espiritu tulad ng kay Ciro, maaaring ang kaharian ay mananatili hanggang sa araw na ito. Gayunman, ang kahariang iyon ay nagbigay daan sa Grecia; at ang Grecia sa Roma; at ang Roma sa mga bansa ngayon. Malinaw na nakikita na ang mga kaharian sa ngayon ay nakatayo pa rin dahil ito ay nilayon ng Diyos.
“Plans for the High Classes Will Reach All —Dalhin ang inyong isipan sa kadakilaan ng gawain. Ang iyong makitid na mga plano, ang iyong limitadong mga ideya ay hindi dapat makapasok sa iyong mga pamamaraan ng paggawa. Kailangang magkaroon ng reporma sa puntong ito, at magkakaroon ng mas maraming paraan upang maiangat ang gawain tungo sa mataas na posisyon na kaya nitong abutin. Magkakaroon ng mga taong may yaman na makikilala ang isang bagay sa katangian ng gawain, bagaman wala silang lakas ng loob na pasanin ang krus at batahin ang kadustaan na binabato sa mga unpopular truth. Abutin ang mga mayayaman kung maaari, ngunit hindi dapat pabayaan ang mga mabababa o mahihirap. Ev 553.2
"Ngunit ito ang karaniwang nagaganap na ang mga plano at mga gawain sa maraming mga bukirin ay sa mahihirap lamang nakaaabot. Ngunit maaaring gumawa ng mga paraan upang maabot ang mga nasa mataas na estado na nangangailangan ng liwanag ng katotohanan gayundin ang nasa mababang estado. Nakikita ng mga ito ang katotohanan, ngunit sila, ay nasa pagkaalipin ng kahirapan, at nakikita nila ang gutom sa harap nila kung tatanggapin nila ang katotohanan. Magplano upang abutin ang matataas na mga klase, at hindi ka mabibigo na maabot ang mas mababang mga klase. Letter 14, 1887.” Ev 553.3