Mga Kontrobersya sa Jerusalem

Liksyon 9, Ikatlong Trimestre Agosto 24-30, 2024

img rest_in_christ
Ibahagi ang Liksyong ito
Download Pdf

Hapon ng Sabbath Agosto 24

Talatang Sauluhin:

“At kailan man kayo'y nangakatayong nagsisipanalangin, mangagpatawad kayo, kung mayroon kayong anomang laban sa kanino man; upang ang inyong Ama naman na nasa langit ay patawarin kayo ng inyong mga kasalanan.” KJV - Marcos 11:25


“Ang mga Saduceo ay nagaangkin na sila ang mas mahigpit na sumunod sa Kasulatan kaysa sa ibang tao. Ngunit inilahad ni Jesus na hindi nila lubos na nauunawaan ang tunay nitong kahulugan. Ang kaalamang iyon ay dapat tumagos sa puso sa pamamagitan ng pagliliwanag ng Banal na Espiritu. Ang kanilang di-pagkaunawa sa Kasulatan at di-pagkilala sa kapangyarihan ng Diyos ang isiniwalat Niyang mga dahilan ng kanilang kalituhan at kadiliman sa pananampalataya. Sinisikap nilang ilahad ang mga misteryo ng Diyos sa pamamagitan ng kanilang may hangganang kaisipan. Si Cristo ay nanawagan sa kanila upang kanilang buksan ang kanilang isipan sa mga sagradong katotohanan na magpapalawak at magpapalakas ng kanilang pang-unawa. Libu-libo ang nawawalan ng pananampalataya dahil hindi nila maarok ang mga misteryo ng Diyos. Hindi nila maipaliwanag ang kahanga-hangang pagpapakita ng banal na kapangyarihan sa Kanyang mga probidensya, at samakatuwid ay tinatanggihan nila ang mga katibayan ng gayong kapangyarihan, at iniuugnay ang mga ito sa mga ilang likas na ahensya na hindi nila gaanong nauunawaan. Ang tanging susi sa mga misteryong nakapaligid sa atin ay ang kilalanin ang lahat ng presensya at kapangyarihan ng Diyos. Kailangang kilalanin ng mga tao ang Diyos bilang ang Maylalang ng sansinukob, ang Isa na nag-uutos at tumutupad ng lahat ng bagay. Kailangan nila ng mas malawak na pananaw ukol sa Kanyang katangian, at sa misteryo ng Kanyang mga ahensya.” DA 605.5

Linggo, Agosto 25

Ang Matagumpay na Pagpasok


Basahin Marcos 11:1-11 at Zacarias 9:9, 10. Ano ang nangyayari rito?

“Unang araw ng linggo nang isagawa ni Cristo ang Kanyang pagpasok sa Jerusalem. Maraming mga tao na dumagsa upang makita Siya sa Betania ang ngayon ay sumama sa Kanya, na sabik na masaksihan ang pagtanggap sa Kanya. Marami sa mga tao ang patungo sa lunsod upang ipagdiwang ang Paskuwa, at ang mga ito ay sumama sa karamihang tumatanggap kay Jesus. Ang lahat ng kalikasan ay tila nagagalak din. Ang mga punungkahoy ay nararamtan ng luntian, at ang kanilang mga bulaklak ay nagsaboy ng halimuyak sa hangin. Isang bagong buhay at kagalakan ang nagpasigla sa mga tao. Ang pag-asa sa isang bagong kaharian ang muling sumisibol sa kanilang damdamin.” DA 569.3; Juan 12:12

“Si Cristo ay sumunod sa kaugalian ng mga Hudyo ukol sa isang maharlikang pagpasok. Ang hayop na Kanyang sinakyan ay yaong sinasakyan ng mga hari ng Israel, at natupad ayon sa hula ukol sa gayong pagdating ng Mesiyas sa Kanyang kaharian. Nang makasakay sa asno ay isang malakas na sigaw ng tagumpay ang pumailanlang sa hangin. Pinuri Siya ng karamihan bilang Mesiyas, ang kanilang Hari. Tinanggap na ngayon ni Jesus ang pagpupugay na hindi Niya kailanman pinahintulutan noon, at tinanggap ito ng mga alagad bilang patunay na ang kanilang masayang pag-asa ay matutupad sa pamamagitan ng pagkakita sa Kanya na naitatag sa trono. Ang mga tao ay naniniwala na ang oras ng kanilang pagpapalaya ay malapit nang maganap. Sa kanilang imahinasyon ay nakikita nila ang mga hukbong Romano na itinataboy mula sa Jerusalem, at ang Israel ay muling magiging isang malayang bansa. Ang lahat ay masaya at nasasabik; ang mga tao ay naguunahan sa isa't isa sa pagbibigay-pugay sa Kanya. Hindi man nila maipakita ang panlabas na karangyaan at karilagan, ngunit ibinigay nila sa Kanya ang pagsamba ng maligayang puso. Hindi nila nagawang bigyan Siya ng mga mamahaling kaloob, ngunit inilatag nila ang kanilang mga kasuotan bilang isang alpombra sa Kanyang landas, at ikinalat din nila ang madahong mga sanga ng olibo at ng palma sa daan. Naisagawa nila ang prusisyon ng tagumpay na iyon na bagaman wala sa pamantayan ng hari, ngunit pinutol nila ang kumakalat na mga sanga ng palma, ang sagisag ng tagumpay ng Kalikasan, at iwinagayway ang mga ito nang mataas na may malalakas na pagbubunyi at mga hosanna.” DA 570.1

“Hindi kailanman sa Kanyang buhay sa lupa ay pinahintulutan ni Jesus ang gayong pagpapakita. Nauunawaan Niya ang magiging resulta. Na ito ang magdadala sa Kanya sa krus. Ngunit layunin Niya na lantarang ilahad sa madla ang Kanyang sarili bilang isang Manunubos. Ninanais Niyang pukawin ang kanilang pansin tungo sa sakripisyo na magpaparangal sa Kanyang misyon sa makasalanang sanlibutang ito. Habang ang mga tao ay nagtitipon sa Jerusalem upang ipagdiwang ang Paskuwa, Siya, ang antitipikong Kordero, sa pamamagitan ng isang kusang-loob na gawain ay ibinukod ang Kanyang sarili bilang isang alay. Kinakailangan na ang Kanyang iglesya sa lahat ng susunod na panahon ay gawing paksa ng malalim na pag-iisip at pag-aaral ang Kanyang ginawang kamatayan para sa mga kasalanan sa mundo. Ang bawat katotohanang nauugnay dito ay dapat na saliksikin at alamin nang walang pag-aalinlangan. Kinakailangan, kung gayon, na ang mga mata ng lahat ng tao ay matuon sa Kanya; at sa mga pangyayaring naganap kaugnay sa Kanyang dakilang sakripisyo. Pagkatapos ng gayong demonstrayon ng pagtanggap sa Kanyang pagpasok sa Jerusalem, susundan ng lahat ng mata ang mabilis na katuparan ng mga pangyayari hanggang sa mga huling yugto ng Kanyang misyon. DA 571.2

“ Ang mga kaganapang nauugnay sa demonstrayon ng pagtanggap na ito ay magiging usapan ng bawat dila, at magdadala kay Jesus sa harap ng bawat isip. Pagkatapos ng Kanyang pagpapako sa krus, marami ang maaalala ang mga pangyayaring ito sa kanilang kaugnayan sa Kanyang pagsubok at kamatayan. Maaakay sila sa pagsasaliksik ng mga propesiya, at makukumbinsi sila na si Jesus ang Mesiyas; at sa lahat ng lupain ay dadami ang mga magbabalik-loob sa pananampalataya.” DA 571.3

Lunes , Agosto 26

Isang Isinumpang Puno at Nilinis na Templo


Basahin ang Marcos 11:12-26. Ano ang kahalagahan ng mga pangyayaring inilahad dito?

“Buong gabing nanalangin si Jesus, at sa umaga ay bumalik Siya sa templo. Sa daan ay nadaanan Niya ang isang taniman ng igos. Siya ay nagugutom, “at pagkatanaw niya sa malayo ng isang puno ng igos na may mga dahon, ay lumapit siya, na baka sakaling makasumpong doon ng anoman: at nang siya'y malapit sa kaniya ay wala siyang nasumpungang anoman kundi mga dahon; sapagka't hindi panahon ng mga igos.” DA 581.3

“Hindi pa panahon ng hinog na igos, maliban sa ilang lugar; at sa mga kabundukan sa palibot ng Jerusalem ay masasabing totoo, “hindi pa panahon ng igos.” Ngunit sa halamanan kung saan dumating si Jesus, ang isang puno ay tila nauuna sa lahat ng iba pa. Natatakpan na ito ng mga dahon. Ito ay likas na katangian ng puno ng igos na bago bumukas ang mga dahon, ang mga lumalaking bunga ay lilitaw. Kung kaya’t ang punong ito na balot ng dahon ay nagbibigay ng pangako ng pagkakaroon ng bunga. Ngunit ang hitsura nito ay mapanlinlang. Nang hanapin ni Jesus ang mga sanga nito, mula sa pinakamababang sanga hanggang sa pinakamataas na sanga, “wala siyang nakita kundi mga dahon.” Ito ay isang masa ng mapagpanggap na mga dahon, at wala nang iba pa. DA 581.4

“Si Cristo ay bumigkas laban dito ng isang nakatutuyong sumpa. “Sinomang tao'y hindi kakain ng iyong bunga mula ngayon at magpakailan man,” sabi Niya. Kinaumagahan, habang ang Tagapagligtas at ang Kanyang mga alagad ay muling patungo sa lungsod, ang mga nabasag na sanga at nalalatag na mga dahon ay nakakuha ng kanilang atensyon. “Guro,” sabi ni Pedro, “narito, ang puno ng igos na Iyong isinumpa ay natuyo.” DA 582.1

“Ang pagsumpa sa puno ng igos ay isang talinghaga. Ang tigang na punong iyon, na nagpapamalas ng mapagpanggap na mga dahon sa mismong harapan ni Cristo, ay isang simbolo ng bansang Judio. Nais ng Tagapagligtas na ipaliwanag sa Kanyang mga alagad ang dahilan at ang katiyakan ng kapahamakan ng Israel. Para sa layuning ito, binigyan Niya ang puno ng mga katangiang moral, at ginawa itong tagapagpaliwanag ng banal na katotohanan. Ang mga Hudyo ay tumatayong naiiba sa lahat ng iba pang mga bansa, na nagpapahayag ng katapatan sa Diyos. Sila ay espesyal na pinagkalooban Niya, at inaangkin nila ang katuwiran na sila ay angat sa lahat ng iba pang mga tao. Ngunit sila ay nabahiran ng pag-ibig sa sanlibutan at ng kasakiman sa pakinabang. Ipinagmamalaki nila ang kanilang kaalaman, ngunit hindi nila nauunawaan ang mga requirement ng Diyos, at sila ay puno ng pagkukunwari. Gaya ng tigang na punungkahoy, ikinakalat nila ang kanilang mapagpanggap na mga sanga sa itaas, malagong hitsura, at maganda sa mata, ngunit sila ay nagbunga ng “walang anuman kundi mga dahon.” Ang relihiyong Judio, kasama ang maringal na templo nito, ang mga sagradong altar nito, ang mga pari na may miter at kahanga-hangang mga seremonya, ay talagang makatarungan sa panlabas na anyo, ngunit kulang sa pagpapakumbaba, pag-ibig, at kabaitan. DA 582.4

“Lahat ng puno sa taniman ng igos ay walang bunga; ngunit ang walang dahon na mga puno ay hindi nagbigay ng anumang pag-asa, at hindi nagdulot ng pagkabigo. Sa pamamagitan ng mga punong ito ang mga Gentil ay kinakatawan. Sila ay hungkag gaya ng mga Hudyo sa kabanalan; ngunit hindi sila nagpapahayag na naglilingkod sa Diyos. Wala silang ginawang mapagmataas na pagpapanggap sa kabutihan. Wala silang nalalaman sa gawa at paraan ng Diyos. Sa kanila ang panahon ng mga igos ay hindi pa. Naghihintay pa rin sila ng araw na magbibigay sa kanila ng liwanag at pag-asa. Ang mga Hudyo, na tumanggap ng mas malalaking pagpapala mula sa Diyos, ay may pananagutan sa kanilang pag-abuso sa mga kaloob na ito. Ang mga pribilehiyong ipinagmamalaki nila ay nagpapataas lamang ng kanilang pagkakasala.” DA 583.1

“Ang babala ay para sa lahat ng panahon. Ang ginawa ni Cristo sa pagsumpa sa puno na nilikha ng Kanyang sariling kapangyarihan ay nagsisilbing isang babala sa lahat ng mga simbahan at sa lahat ng mga Kristiyano. Walang sinuman ang makapamumuhay sa batas ng Diyos nang hindi naglilingkod sa iba. Ngunit marami ang hindi nabubuhay sa mahabagin, at hindi makasariling buhay ni Cristo. Ang ilan na nagaangking mahuhusay na Kristiyano ay hindi nakauunawa kung ano ang tunay na paglilingkod sa Diyos. Sila ay nagpaplano at nag-aaral para sa kanilang sarili. Sila ay kumikilos lamang ayon sa sarili. Ang oras ay may halaga lamang sa kanila kung magagamit sa pakinabang ng sarili. Sa lahat ng mga gawain sa buhay ito ang kanilang layunin. Hindi para sa iba kundi para sa kanilang sarili sila ay naglilingkod. Nilikha sila ng Diyos upang mamuhay sa isang daigdig kung saan dapat gawin ang di-makasariling paglilingkod. Dinisenyo niya silang tulungan ang kanilang kapwa sa lahat ng posibleng paraan. Ngunit ang sarili ay napakalaki na wala silang nakikitang iba. Hindi sila nakikipag-ugnayan sa sangkatauhan. Yaong mga nabubuhay para sa sarili lamang ay tulad ng puno ng igos, na gumagawa ng madaming pagpapanggap ngunit walang bunga. Sinusunod nila ang mga anyo ng pagsamba, ngunit walang pagsisisi o pananampalataya. Inaangkin na iginagalang nila ang batas ng Diyos, ngunit kulang sa pagsunod. Sinasabi nila, ngunit hindi ginagawa. Sa sumpa na binibigkas sa puno ng igos ay ipinakita ni Cristo kung gaano kasuklam-siklam sa Kanyang mga mata ang walang kabuluhang pagpapanggap na ito. Ipinahayag niya na ang hayagang makasalanan ay hindi gaanong nagkasala kaysa sa nag-aangking naglilingkod sa Diyos, ngunit hindi nagbubunga sa Kanyang kaluwalhatian. ” DA 584.1

“Sa simula ng Kanyang ministeryo, itinaboy ni Cristo mula sa templo ang mga dumudungis dito sa pamamagitan ng kanilang hindi banal na pangangalakal; at ang Kanyang mabagsik at mala-diyos na pag-uugali ay nagdulot ng takot sa mga puso ng mga mapanlinlang na mangangalakal. Sa pagtatapos ng Kanyang misyon muli Siyang nagtungo sa templo, at nakitang nilalapastangan pa rin ito gaya ng dati. Ang kalagayan ng mga bagay ay mas malala pa kaysa dati. Ang panlabas na patyo ng templo ay parang isang malawak na bakuran ng baka. Kasabay ng mga hiyawan ng mga hayop at ng makalasing na pag-iingay ng barya ay naghalo ang tunog ng galit na pagtatalo sa pagitan ng mga mangangalakal, at sa gitna nila ay naririnig ang mga tinig ng mga lalaking nasa sagradong katungkulan. Ang mga dignitaryo ng templo ay mismong nakikibahagi sa pagbili at pagbebenta at pagpapalitan ng pera. Gayon na lamang sila napapasailalim ng kanilang kasakiman sa pakinabang na sa paningin ng Diyos ay hindi sila mas mabuti kaysa sa mga magnanakaw.” DA 589.1

“Sa paglilinis ng templo mula sa mga bumibili at nagtitinda sa sanlibutan, inihayag ni Jesus ang Kanyang misyon na linisin ang puso mula sa karumihan ng kasalanan,—mula sa makalupang pagnanasa, makasariling pagnanasa, masasamang ugali, na sumisira sa kaluluwa.” DA 161.1

“Hindi tayo dapat maanod sa mga makamundong daluyan. Isaalang-alang ang paglilinis ng templo sa simula ng ministeryo ni Cristo, at sa pagtatapos ng kanyang buhay, ang kanyang mga personal na gawain sa panahong nagkatawang-tao Siya. Sino ang nakita niyang may layunin na kumita? Ginawa ng mga Hudyo ang mga korte ng templo na isang tanawin ng mapang-abusong trapiko. Ginawa nila ang sinauna at sagradong institusyon ng Paskuwa na isang paraan para sa masamang kita. SpTA07 54.1

Ngayon ang kalapastanganang gawaing ito ay nauulit. May mga mensaheng dadalhin; at yaong mga tumanggi sa mga mensaheng ipinadala ng Diyos, ay makakarinig ng maraming mga nakakagulat na pahayag. Kaakibat ang Banal na Espiritu sa mga paghahayag ng kabanalang ito na magiging kakila-kilabot sa mga tainga ng mga nakakarinig sa mga pagsusumamo ng walang hanggang pag-ibig, at sa mga hindi tumugon sa mga alok ng pagpapatawad at kapatawaran. Magsasalita ang nasugatan at nainsultong Diyos, na ihahayag ang mga kasalanang nakatago. Kung paanong ang mga saserdote at mga pinuno, na puno ng galit at takot, ay naghanap ng kanlungan sa pagtakas sa huling tagpo ng paglilinis ng templo, gayon din ang mangyayari sa gawain para sa mga huling araw na ito. Ang mga paghihirap na ipahahayag sa mga may liwanag mula sa langit, ngunit hindi ito pinakinggan, mararamdaman nila, ngunit walang kapangyarihang kumilos. ” SpTA07 54.2

Sa gayon, dalawang beses Siyang nagbigay ng babala sa tipo o type,...dalawang beses din Niyang lilinisin ang Kanyang simbahan sa pagsasara ng Kristyanong dispensasyon: una sa pagtatatak ng mga unang bunga ang 144,000, at muli sa pagtatatak ng pangalawang bunga, ang “lubhang karamihan. ” Apoc. 7:1-9. 

Martes, Agosto 27

Sinong Nagsabi na Maaari Mong Gawin Iyon?


Basahin ang Marcos 11:27-33. Anong hamon ang dinala ng mga lider ng relihiyon kay Jesus at paano Siya tumugon?

“Sa anong kapamahalaan ginagawa mo ang mga bagay na ito? o sino ang sa iyo'y nagbigay ng kapamahalaang ito upang gawin mo ang mga bagay na ito? Inaasahan nila na Kanyang sasabihin na ang Kanyang awtoridad ay mula sa Diyos. Ang ganoong pagangkin ay pinaplano nilang tutulan. Ngunit tumugon si Jesus sa pamamagitan ng isang tanong na tila may kinalaman sa ibang paksa, at idinisenyo Niya na ang kanyang sagot ay nakabase sa kanilang magiging tugon sa tanong na ito, “Ang bautismo ni Juan, sabi Niya, ito ba ay mula baga sa langit, o sa mga tao?” DA 593.3

“Nakita ng mga pari na sila ay nalagay sa alanganing sitwasyon na mahirap lusutan. Kung sasabihin nila na ang bautismo ni Juan ay mula sa langit, ang kanilang hindi pagkakatugma ay mahahalata. Maaaring sabihin ni Cristo na, Bakit hindi kayo sumampalataya sa kanya kung ganoon? Si Juan ay nagpatotoo tungkol kay Cristo, “Narito, ang Cordero ng Dios, na nagaalis ng kasalanan ng sanglibutan.” Juan 1:29 . Kung naniniwala ang mga kaparian sa patotoo ni Juan, paano nila matatanggihan ang pagiging Mesiyas ni Cristo? Kung kanilang isiwalat ang kanilang tunay na paniniwala, na ang ministeryo ni Juan ay sa mga tao, sila ay makatatanggap ng isang unos ng galit; sapagkat ang mga tao ay naniniwala na si Juan ay isang propeta. DA 593.4

“Ang karamihan ay matimtimang nagaantay sa kanilang magiging tugon at desisyon. Alam nila na ang mga pari ay nagpahayag na tinatanggap nila ang ministeryo ni Juan, at inaasahan nilang kikilalanin nila nang walang pag-aalinlangan na siya ay sugo mula sa Diyos. Ngunit pagkatapos ng lihim na pagsasanggunian, nagpasya ang mga pari na huwag magangkin ng anuman. May pagpapaimbaba na kanilang sinabi, “Hindi namin nalalaman.” “At sinabi ni Jesus sa kanila, Hindi ko rin sasabihin sa inyo kung sa anong kapamahalaan ginagawa ko ang mga bagay na ito..” DA 594.1

“Ang mga eskriba, pari, at pinuno ay natahimik lahat. Nalilito at nabigong tumayo sila nang nakababa ang mga kilay, at hindi nangahas na magtanong pa kay Cristo. Sa ipinamalas nilang kaduwagan at pag-aalinlangan ay nawalan ng respeto ang mga taong nakatayo sa paligid nila, at namanghang makita ang mga mapagmataas at mapagmatuwid na mga lalaking ito na tila talo at bigo.” DA 594.2

Basahin ang Marcos 12:1-12. Paano sinundan ni Jesus ang Kanyang pagtangging sumagot, at ano ang naging epekto nito?

“Pakinggan ninyo ang isa pang talinghaga: May isang tao, na puno ng sangbahayan, na nagtanim ng isang ubasan, at binakuran niya ng mga buhay na punong kahoy sa palibot, at humukay roon ng isang pisaan ng ubas, at nagtayo ng isang bantayan, at ipinagkatiwala yaon sa mga magsasaka, at napasa ibang lupain. At nang malapit na ang panahon ng pamumunga, ay sinugo ang kaniyang mga alipin sa mga magsasaka, upang tanggapin ang kaniyang bunga. At pinaghawakan ng mga magsasaka ang kaniyang mga alipin, at hinampas nila ang isa, at ang isa'y pinatay, at ang isa'y binato. Muling sinugo niya ang ibang mga alipin, na mahigit pa sa nangauna; at ginawa rin sa kanila ang gayon ding paraan. Datapuwa't pagkatapos ay sinugo niya sa kanila ang kaniyang anak na lalake, na nagsasabi, Igagalang nila ang aking anak. Datapuwa't nang makita ng mga magsasaka ang anak, ay nangagusapan sila, Ito ang tagapagmana; halikayo, siya'y ating patayin, at kunin natin ang kaniyang mana. At siya'y hinawakan nila, at itinaboy siya sa ubasan, at pinatay siya. Pagdating nga ng panginoon ng ubasan, ano kaya ang gagawin sa mga magsasakang yaon? DA 596.2; Matt 21:33-40

“Si Jesus ay nagsalita sa lahat ng taong naroroon; ngunit sumagot ang mga pari at mga pinuno. “Sinabi nila sa kaniya, Pupuksaing walang awa ang mga tampalasang yaon, at ibibigay ang ubasan sa mga ibang magsasaka, na sa kaniya'y mangagbibigay ng mga bunga sa kanilang kapanahunan.” Ang mga nagsalita ay hindi agad naunawaan ang aplikasyon ng talinghaga, ngunit ngayon ay napagtanto nila na sila ay nagpahayag ng paghatol sa kanilang sarili. Sa talinghaga, ang puno ng sangbahayan ay kumakatawan sa Diyos, sa ubasan sa bansang Judio, at sa bakod ang banal na kautusan na kanilang proteksyon. Ang tore ay isang simbolo ng templo. Ginawa ng panginoon ng ubasan ang lahat ng kailangan para sa ikauunlad nito. “Ano pa ang magagawa ko sa aking ubasan na hindi ko nagawa?” Isaias 5:4 . Sa gayon ay kinakatawan ang walang humpay na pangangalaga ng Diyos para sa Israel. At kung paanong ang mga magsasaka ay ibabalik sa panginoon ang bahaging angkop ayon sa mga bunga ng ubasan, gayon din ang bayan ng Diyos ay dapat parangalan Siya sa pamamagitan ng isang buhay na naaayon sa kanilang mga sagradong pribilehiyo. Ngunit kung paanong pinatay ng mga magsasaka ang mga alipin na ipinadala sa kanila ng panginoon para sa bunga, gayon din naman pinatay ng mga Hudyo ang mga propetang sinugo ng Diyos upang tawagin sila sa pagsisisi. Ang mga mensaherong isnisugo ay kanilang pinatay. Sa ngayon ang kaangkupan ng talinghaga ay hindi maaaring kuwestiyunin, at gayon ding ang mga sumunod dito. Sa pinakamamahal na anak na sa wakas ay ipinadala ng panginoon ng ubasan sa kanyang mga suwail na alipin, na kanilang dinakip at pinatay, nakita ng mga saserdote at mga pinuno ang isang natatanging larawan ni Jesus at ang Kanyang nalalapit na kapalaran. Nagpaplano nga silang patayin Siya na isinugo sa kanila ng Ama bilang huling panawagan. Sa kaparusahan na ipinataw sa mga walang utang na loob na mga magsasaka ay inilarawan ang kapahamakan na sasapit sa mga pumatay kay Cristo. ” DA 596.3

Miyerkules , Agosto 28

Mga Tungkuling Panlupa at Makalangit na Resulta


Basahin ang Marcos 12:13-27. Ano ang nangyayari dito, at ano ang mga katotohanang itinuturo ni Jesus?

“Ang mga Pariseo ay nahihirapan sa ilalim ng patakarang Romano ukol sa pagbabayad ng buwis. Ang pagbabayad ng tributo na pinaniniwalaan nilang salungat sa batas ng Diyos. At ngayon ay nakakita sila ng pagkakataon na maglagay ng silo para kay Jesus. Lumapit sa Kanya ang mga espiya, na tila baga mga tunay na nagnanais na makaalam ng kanilang tungkulin, at nagsabi, “Guro, nalalaman namin na ikaw ay nagsasabi at nagtuturo ng matuwid, at wala kang itinatanging tao, kundi itinuturo mo ang katotohanan ng daan ng Dios. Matuwid bagang kami ay bumuwis kay Cesar, o hindi? DA 601.2

“Ang mga salitang, “nalalaman namin na ikaw ay nagsasabi at nagtuturo ng matuwid,” ay isa sanang napakagandang patotoo kung ito ay winika ng bukal sa kalooban. Ngunit ito ay sinalita upang manlinlang; gayunpaman ang kanilang patotoo ay tama. Alam ng mga Pariseo na tama ang sinasabi at itinuturo ni Cristo, at sa kanilang sariling patotoo sila ay hahatulan. DA 602.1

“Inakala ng mga nagtanong kay Jesus na matagumpay nilang naikubli ang tunay nilang layunin; ngunit nabasa ni Jesus ang kanilang mga puso gaya ng isang bukas na aklat, at isiniwalat ang kanilang pagkukunwari. “Bakit mo Ako tinutukso?” sabi Niya; at sa gayon ay binigyan sila ng tanda na hindi nila hiniling, sa pamamagitan ng pagpapakita na ng Kanyang kakayahan basahin ang kanilang itinatagong layunin. Lalo pa silang naguluhan nang sinabi Niyang, “Pagpakitaan ninyo ako ng isang denario. .” Dinala nila ito, at tinanong Niya sila, “Kanino ang larawan at ang nasusulat dito? At sinabi nila, Kay Cesar.” Sa pagtukoy sa inskripsiyon sa denario, sinabi ni Jesus, “Ibigay ninyo kay Cesar ang kay Cesar, at ang sa Dios ang sa Dios..” DA 602.2

“Inaasahan ng mga espiya na direktang sasagutin ni Jesus ang kanilang tanong. Kung sasabihin Niyang, Labag sa batas ang pagbibigay ng tributo kay Caesar, Siya ay maaaring iulat sa mga awtoridad ng Roma at arestuhin dahil sa pag-uudyok ng paghihimagsik. Ngunit kung sakaling ipahayag Niya na ayon sa batas ang pagbabayad ng tributo, pinaplano nilang akusahan Siya sa mga tao bilang sumasalungat sa batas ng Diyos. Ngayon ay nakakadama sila ng pagkalito at pagkatalo. Nasira ang kanilang mga plano. Ang buod na paraan kung saan tinugon ang kanilang tanong ay di na nakapagbukas ng ibang daan para kuwestyunin ito." DA 602.3

“Ang pagkabuhay na mag-uli ang paksang pinili nila upang kuwestyunin Siya. Kung Siya ay sumang-ayon sa kanila, Siya ay makapagpapayamot sa mga Pariseo. Kung Siya ay may pagkakaiba sa kanila, pinaplano nilang libakin ang Kanyang turo.” DA 605.2

“Nangatuwiran ang mga Saduceo na kung ang katawan ay binubuo ng parehong mga partikulo ng materyal sa kanyang imortal na kalagayan tulad ng sa kanyang mortal na kalagayan, kung gayon kapag nabuhay na maguli siya mula sa mga patay ito ay dapat na may laman at dugo, at ipagpapatuloy sa walang hanggang mundo ang buhay ay naputol sa lupa. Sa puntong iyon ay pinagpapalagay nila na ang mga makalupang relasyon ay magpapatuloy, ang mag-asawa ay muling magsasama, ang mga pag-aasawa ay gagawin, at ang lahat ng bagay ay magpapatuloy tulad ng bago ang kamatayan, ang mga kahinaan at mga hilig ng buhay na ito ay magpapatuloy sa buhay sa hinaharap. DA 605.3

“Bilang sagot sa kanilang mga tanong, inalis ni Jesus ang tabing mula sa hinaharap na buhay. “Sapagka't sa pagkabuhay na maguli ay hindi na mangagaasawa, ni mga papagaasawahin pa, kundi gaya ng mga anghel sa langit..” Ipinakita niya na mali ang paniniwala ng mga Saduceo. Ang kanilang pinaniniwalaan ay mali. “Nangagkakamali kayo, sa hindi pagkaalam ng mga kasulatan, ni ng kapangyarihan man ng Dios.” Hindi Niya sila pinaratangan, gaya ng paratang Niya sa mga Fariseo, ng pagpapaimbabaw, kundi ng maling paniniwala.” DA 605.4

“Si Cristo ay nagpahayag sa Kanyang mga tagapakinig na kung walang muling pagkabuhay ng mga patay, ang mga Kasulatan na kanilang inaangkin na pinaniniwalaan ay magiging walang kabuluhan. Sinabi niya, “Datapuwa't tungkol sa pagkabuhay na maguli ng mga patay, hindi baga ninyo nabasa ang sinalita sa inyo ng Dios, na nagsasabi, Ako ang Dios ni Abraham, at ang Dios ni Isaac, at ang Dios ni Jacob? Ang Dios ay hindi Dios ng mga patay, kundi ng mga buhay.” Binibilang ng Diyos ang mga bagay na hindi tulad ng dati. Nakikita Niya ang wakas mula sa simula, at minamasdan ang resulta ng Kanyang gawain na parang naganap na ang mga iyon. Ang mga banal na namatay, mula kay Adan hanggang sa huling banal na namatay, ay maririnig ang tinig ng Anak ng Diyos, at lalabas mula sa libingan tungo sa walang hanggang buhay. Ang Diyos ay magiging kanilang Diyos, at sila ay magiging Kanyang bayan. Magkakaroon ng malapit at magiliw na relasyon sa pagitan ng Diyos at ng mga banal na nabuhay na mag-uli. Ang kalagayang ito, na inaasahan sa Kanyang layunin, ay nakikita Niya na tila ito ay nagaganap na. Ang mga patay na banal ay mabubuhay sa Kanya. ” DA 606.1

Huwebes , Agosto 29

Ang Pinakadakilang Utos


Basahin ang Marcos 12:28-34. Ano ang malalim na tanong na itinanong ng palakaibigang eskriba, at anong dobleng tugon ang ibinigay ni Jesus?

“Itinataas ng mga Pariseo ang unang apat na kautusan, na nagtuturo sa tungkulin ng tao sa kanyang Lumikha, bilang mas may higit na kahihinatnan kaysa sa anim na ibang utos, na tumutukoy sa tungkulin ng tao sa kanyang kapwa. Bilang resulta, sila ay lubhang nabigo sa praktikal na kabanalan. Ipinakita ni Jesus sa mga tao ang kanilang malaking pagkukulang, at itinuro ang pangangailangan sa mabubuting gawa, na ipinahayag na ang puno ay nakikilala ayon sa mga bunga nito. Dahil dito, Siya ay pinaparatangan ng higit na pagdakila sa huling anim na utos kaysa sa unang apat na kautusan. DA 606.4

“Nilapitan ng isang tagapagtanggol si Jesus na may direktang tanong, “Guro, alin baga ang dakilang utos sa kautusan?” Ang sagot ni Cristo ay tuwiran: “Ang pangulo ay, Pakinggan mo, Oh Israel; Ang Panginoon nating Dios, ang Panginoon ay iisa: At iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pagiisip mo, at ng buong lakas mo.” Ang pangalawa ay katulad ng una, sabi ni Cristo; sapagkat ito ay umaagos mula rito, “Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili. Walang ibang utos na hihigit sa mga ito.” “Sa dalawang utos na ito'y nauuwi ang buong kautusan, at ang mga propeta.” DA 607.1

“Ang unang apat sa Sampung Utos ay buod sa isang dakilang tuntunin, 'Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo.' Ang huling anim ay kasama sa ibang bahai, “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.” Ang parehong mga utos na ito ay isang pagpapahayag ng prinsipyo ng pag-ibig. Hindi maaaring maganap ang unang bahagi at ang pangalawa ay hindi, at gayundin hindi maaaring ang pangalawa ay maganap samantalang ang una hindi. Kapag ang Diyos ay nananahan sa puso, ang ating kapwa ay magkakalugar din sa ating puso. Mamahalin natin siya gaya ng ating sarili. Magagawa lamang nating mahalin ang ating kapwa kapag tayo ay lubos na nagmamahal sa Diyos unang una. DA 607.2

“At dahil ang lahat ng mga utos ay nabubuod sa pag-ibig sa Diyos at sa kapwa, nangangahulugan na walang isang tuntunin ang maaaring sirain nang hindi nilalabag ang alituntuning ito. Kaya't itinuro ni Cristo sa Kanyang mga tagapakinig na ang batas ng Diyos ay hindi napakaraming magkahiwalay na mga tuntunin, na ang ilan sa mga ito ay may malaking kahalagahan, habang ang iba ay maliit ang kahalagahan at maaaring hindi sundin nang walang parusa. Inihayag ng ating Panginoon ang unang apat at huling anim na utos bilang isang banal na kabuuan, at itinuturo na ang pagmamahal sa Diyos ay maipapakita sa pamamagitan ng pagsunod sa lahat ng Kanyang mga kautusan. DA 607.3

“Ang eskriba na nagtanong kay Jesus ay may mahusay na kaalaman sa batas, at siya ay namangha sa Kanyang mga salita. Hindi Niya inaasahan na Siya ay magpapakita ng napakalalim at lubusang kaalaman sa Kasulatan. Nagkaroon siya ng mas malawak na pananaw sa mga prinsipyong pinagbabatayan ng mga sagradong tuntunin. Sa harap ng mga nagtitipon na mga saserdote at mga pinuno ay matapat niyang kinilala na si Cristo ay nagbigay ng tamang interpretasyon sa batas, na nagsasabi: DA 607.4

“Sa katotohanan, Guro, ay mabuti ang pagkasabi mo na siya'y iisa; at wala nang iba liban sa kaniya: At ang siya'y ibigin ng buong puso, at ng buong pagkaunawa, at ng buong lakas, at ibigin ang kapuwa niya na gaya ng sa kaniyang sarili, ay higit pa kay sa lahat ng mga handog na susunugin at mga hain.” DA 607.5

“Ang karunungan sa sagot ni Cristo ay nagdulot ng kombinksyon sa eskriba. Alam niya na ang relihiyong Judio ay binubuo ng mga panlabas na seremonya sa halip na panloob na kabanalan. Nadama niya ang walang kabuluhang mga seremonyal na pag-aalay lamang, at ang walang pananampalatayang pagbuhos ng dugo para sa pagbabayad-sala sa kasalanan. Ang pag-ibig at pagsunod sa Diyos, at walang pag-iimbot na paggalang sa tao, ay higit na mas halaga sa Kanya kaysa sa lahat ng mga ritwal na ito. Ang kahandaan ng taong ito na kilalanin ang kawastuhan ng pangangatwiran ni Cristo, at ang kanyang pasya at mabilis na pagtugon sa harap ng mga tao, ay nagpakita ng isang espiritu na lubos na naiiba sa espiritu ng mga saserdote at mga pinuno. Ang puso ni Hesus ay napukaw ng habag sa matapat na eskriba na nangahas na harapin ang mga pagsimangot ng mga pari at ang mga pananakot ng mga pinuno upang sabihin ang mga pananalig ng kanyang puso. “At nang makita ni Jesus na siya'y sumagot na may katalinuhan, ay sinabi niya sa kaniya, Hindi ka malayo sa kaharian ng Dios.” DA 608.1

“ Ang eskriba ay hindi malayo sa kaharian ng Diyos, dahil kinilala niya ang mga gawa ng katuwiran bilang higit na katanggap-tanggap sa Diyos kaysa sa mga handog na sinusunog at mga hain. Ngunit kailangan niyang kilalanin ang banal na katangian ni Cristo, at sa pamamagitan ng pananampalataya sa Kanya ay tumanggap ng kapangyarihan na gawin ang mga gawa ng katuwiran. Ang ritwal na paglilingkod ay walang kabuluhan, maliban kung konektado kay Cristo sa pamamagitan ng buhay na pananampalataya. Maging ang batas moral ay mabibigo sa layunin nito, maliban kung ito ay nauunawaan sa kaugnayan nito sa Tagapagligtas. Paulit-ulit na ipinakita ni Cristo na ang kautusan ng Kanyang Ama ay naglalaman ng isang bagay na mas malalim kaysa sa makapangyarihang mga utos lamang. Sa batas ay nakapaloob ang parehong prinsipyo na inihayag sa ebanghelyo. Itinuturo ng batas ang tungkulin ng tao at ipinapakita sa kanya ang kanyang pagkakasala. At kay Cristo siya dapat humingi ng kapatawaran at ng kapangyarihang gawin ang ipinag-uutos ng kautusan.” DA 608.2

Biyernes, Agosto 30

Karagdagang Kaisipan

“Ang mga Pariseo ay nagtipon malapit kay Jesus habang sinasagot Niya ang tanong ng eskriba. Sa Kanyang paglingon Siya ay nagtanong sa kanila: “Ano ang akala ninyo tungkol kay Cristo? kanino bagang anak siya?” Ang tanong na ito ay dinisenyo upang subukin ang kanilang paniniwala hinggil sa Mesiyas,—upang suriin kung itinuturing nila Siya bilang isang tao lamang o bilang Anak ng Diyos. Sumagot sila at sinabi, “Ang Anak ni David.” Ito ang titulo na ibinigay ng propesiya sa Mesiyas. Nang ihayag ni Jesus ang Kanyang pagka-Diyos sa pamamagitan ng Kanyang makapangyarihang mga himala, nang pagalingin Niya ang mga maysakit at ibangon ang mga patay, ang mga tao ay nagtanungan, “Hindi ba ito ang Anak ni David?” Ang babaeng Syrophoenician, ang bulag na si Bartimeo, at marami pang iba ay humingi ng tulong sa Kanya, “Kahabagan mo ako, Oh Panginoon, ikaw na Anak ni David;.” Mateo 15:22 . Habang nakasakay tungong Jerusalem Siya ay binati ng masayang sigaw, “Hosana sa Anak ni David: Mapalad ang pumaparito sa pangalan ng Panginoon.” Mateo 21:9 . At ang mga maliliit na bata sa templo ay inulit ng araw na iyon ang masyang askripsyon. Ngunit maraming tumatawag kay Hesus na Anak ni David na hindi nakakilala sa Kanyang pagka-Diyos. Hindi nila naunawaan na ang Anak ni David ay Anak din ng Diyos. DA 608.3

“Bilang tugon sa pahayag na si Cristo ay Anak ni David, sinabi ni Jesus, “Kung gayo'y bakit tinatawag siya ni David na Panginoon, sa espiritu, na nagsasabi, Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon, Maupo ka sa aking kanan, Hanggang sa ilagay ko ang iyong mga kaaway sa ilalim ng iyong mga paa? Kung tinatawag nga siya ni David na Panginoon, paanong siya'y kaniyang anak? At wala sinomang nakasagot sa kaniya ng isang salita, ni wala sinomang nangahas buhat sa araw na yaon na tumanong pa sa kaniya ng anomang mga tanong.” DA 609.1