Misyon sa Aking Kapwa

Liksyon 7, 4 th Quarter Nobyembre 11-17, 2023

img rest_in_christ
Ibahagi ang Liksyong ito
Download Pdf

Hapon ng Sabbath, Nobyembre 11

Talatang Sauluhin:

At pagsagot niya'y sinabi, Iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong lakas mo, at ng buong pagiisip mo; at ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili.” Lucas 10:27


“Upang maging mga kandidato sa langit kailangan nating matugunan ang mga requirement ng kautusan: “Iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong lakas mo, at ng buong pagiisip mo; at ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili.”( Lucas 10:27 ). Magagawa lamang natin ito kapag nauunawaan natin sa pamamagitan ng pananampalataya ang katuwiran ni Cristo. Sa pagtingin kay Jesus tayo ay nakatatanggap ng isang buhay, at dakilang prinsipyo sa puso, at ang Banal na Espiritu ay nagpapatuloy sa pagkilos, at ang mananampalataya ay lumalago mula sa biyaya tungo sa biyaya, kalakasan tungo kalakasan, mula sa katangian tungo sa katangian. Siya ay umaayon sa larawan ni Cristo, hanggang sa espirituwal na paglago ay maabot ang sukat ng pangangatawan ng kapuspusan ni Cristo. Sa gayon ay winakasan ni Cristo ang sumpa ng kasalanan, at pinalalaya ang kaluluwang nananampalataya mula sa pagkilos at epekto nito.” 1SM 395.1

“ Iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong lakas mo, at ng buong pagiisip mo; at ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili.” ( Lucas 10:27 ). Binubuo ng mga salitang ito ang buong katungkulan ng tao. Tinutukoy nito ang pagtatalaga ng buong pagkatao, katawan, kaluluwa, at espiritu sa paglilingkod sa Diyos. Paano masusunod ng mga tao ang mga salitang ito habang sila ay nagpapatuloy sa gawaing nagaalis sa kanilang kapwa ng kalayaan sa pagkilos? At paano ito masusunod, kung sila ay magpapatuloy sa gawaing nagnanakaw sa mga mahihirap ng mga bagay na nararapat sa kanila, na pumipigil sa kanila sa pagbili o pagbebenta, maliban sa ilalim ng ilang mga kundisyon? ' Letter 26, 1903.” 2SM 143.4

Linggo, Nobyembre 12

Ang Tanong ng mga Tanong


Basahin ang Lucas 10:25. Ano ang tinanong ng abogadong ito at bakit niya ito tinanong?

“Nang lumapit ang batang pinunong ito kay Jesus, ang kanyang katapatan at sinseridad ay nakalugod sa puso ng Tagapagligtas. At “pagtitig sa kaniya ni Jesus, ay giniliw siya”. Sa kabataang ito ay nakita Niya ang potensyal ng isang taong maaaring maglingkod bilang mangangaral ng katuwiran. Maaari Niyang tanggapin ang talentado at marangal na kabataang ito kung paano ang naging pagtanggap Niya sa mga mahihirap na mangingisda na sumunod sa Kanya. Kung inilaan lamang ng binata ang kanyang kakayahan sa gawain ng pagliligtas ng mga kaluluwa, maaari sanang siya ay naging masigasig at matagumpay na manggagawa para kay Cristo. COL 392.2

“Ngunit kailangan muna niyang tanggapin ang mga kondisyon ng pagiging alagad. Dapat niyang ibigay ang kanyang sarili nang walang pag-aalinlangan sa Diyos. Sa panawagan ng Tagapagligtas, sina Juan, Pedro, Mateo, at ang kanilang mga kasamahan ay “iniwan ang lahat at nagtindig at sumunod sa kaniya.” Lucas 5:28 . Ang ganoong uri ng pagtatalaga ay kinakailangan sa batang pinuno. At dito si Cristo ay hindi humingi ng mas malaking sakripisyo kaysa sa ginawa Niya mismo. “Na bagaman siya'y mayaman, gayon ma'y nagpakadukha dahil sa inyo, upang sa pamamagitan ng kaniyang karukhaan ay magsiyaman kayo.” 2 Corinto 8:9 . Na ang binata ay susunod lamang sa daan na pinangugunahan ni Cristo.” COL 393.1

“Si Zaqueo ay lubos na namangha sa pag-ibig at pagpapakababa ni Cristo para sa isang tulad niya na hindi karapat-dapat. At sa ngayon, ang pag-ibig at katapatan sa kanyang bagong natagpuang Guro ay nasumpungan sa kanyang mga labi. Kanyang ihahayag ang kanyang katapatan at pagsisisi. DA 554.2

“Sa harap ng karamihan, “Si Zaqueo ay nagtindig, at sinabi sa Panginoon, Narito, Panginoon, ang kalahati ng aking mga pag-aari ay ibinibigay ko sa mga dukha; at kung sakali't nakasingil akong may daya sa kanino mang tao, ay isinasauli ko ng makaapat. DA 555.1

“At sinabi sa kaniya ni Jesus, Dumating sa bahay na ito ngayon ang pagkaligtas, sapagka't siya'y anak din naman ni Abraham.”DA 555.2

“Nang ang mayamang batang pinuno ay tumalikod kay Jesus, ang mga alagad ay nangagtaka sa sinabi ng kanilang Guro, “Kay hirap na magsipasok sa kaharian ng Dios ang mga may kayamanan!” At sila'y nangagtatakang lubha na nangagsabi, Sino nga kaya ang makaliligtas? Ngayon, sila ay nagkaroon ng isang pagpapatotoo sa mga salita ni Cristo, “Datapuwa't sinabi niya, Ang mga bagay na di mangyayari sa mga tao ay may pangyayari sa Dios.” Marcos 10:24, 26 ; Lucas 18:27 . Nakita nila kung paanong sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos ang isang tao ay makapapasok sa kaharian.” DA 555.3

Lunes , Nobyembre 13

Ang Pamamaraan at Tugon ni Jesus


Basahin ang Mateo 26:56, Gawa 17:11, 1 Corinto 15:3, at 2 Timoteo 3:16. Paano makakatulong ang mga talatang ito na maunawaan ang tugon ni Jesus sa dalubhasa sa kautusan sa Lucas 10:26?

Tandaan din na nang tanungin ng mayamang kabataang pinuno kung ano ang dapat niyang gawin para magkaroon ng buhay na walang hanggan, ang sagot ni Jesus ay: “Ingatan mo ang mga utos.” At ang Kanyang sagot magpahanggang ngayon ay ganoon din. (Tingnan sa Apoc. 22:14) Nang magtanong ang pinuno kung alin sa mga utos ang dapat niyang sundin, malinaw na sinabi sa kanya ng Panginoon: " Huwag kang papatay, Huwag kang mangangalunya, Huwag kang magnanakaw, Huwag sasaksi sa di katotohanan, Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina; at, Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili.” Mat. 19:18, 19.

Dito makikita na ang moral law at ang "kautusan" ay magkasingkahulugan. "Huwag ninyong isipin," Sabi Niya, " na ako'y naparito upang sirain ang kautusan o ang mga propeta: ako'y naparito hindi upang sirain, kundi upang ganapin. [ang mga propesiya patungkol sa Akin at sa Aking gawain] . Sapagka't katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hanggang sa mangawala ang langit at ang lupa [ito’y mananatili], ang isang tuldok o isang kudlit, sa anomang paraan ay hindi mawawala sa kautusan, hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay. Kaya't ang sinomang sumuway sa isa sa kaliitliitang mga utos na ito, at ituro ang gayon sa mga tao, ay tatawaging kaliitliitan sa kaharian ng langit: datapuwa't ang sinomang gumanap at ituro, ito'y tatawaging dakila sa kaharian ng langit...Narinig ninyo na sinabi sa mga tao sa una, Huwag kang papatay; at ang sinomang pumatay ay mapapasa panganib sa kahatulan: Datapuwa't sinasabi ko sa inyo, na ang bawa't mapoot sa kaniyang kapatid ay mapapasa panganib sa kahatulan; at ang sinomang magsabi sa kaniyang kapatid, Raca, ay mapapasa panganib sa Sanedrin; at ang sinomang magsabi, Ulol ka, ay mapapasa panganib sa impierno ng apoy.” Mat. 5:17-19, 21, 22.

Tandaang mabuti na ang mga kautusan ay isinulat mismo ng Diyos sa dalawang tapyas na bato. Ang una ay naglalaman ng unang apat na utos -- yaong humihingi ng pag-ibig sa Diyos -- at ang pangalawa ay naglalaman ng huling anim na utos - - yaong humihingi ng pagmamahal sa ating kapwa. Ang dalawang tapyas na ito na naglalaman ng sampung utos -- apat sa isa at anim sa kabila, ang mga ito ay binuod ng Panginoon sa dalawang utos at ipinahayag na ang mga ito ay ang mga dakilang utos. Ang lahat ng sampung utos, samakatuwid, ay dakila, walang pagkakaiba sa pagitan ng bawat isa. Kaya't sa mga utos na ito ay nakapaloob ang batas at ang mga propeta -- ang buong Bibliya -- na kung ang mga utos na ito ay mabibigo kung gayon ang buong Bibliya ay mabibigo, at dahil ang Bibliya ay hindi maaaring mabigo ni ang mga utos ay mabibigo, ngunit siya na hindi magsisisi sa pagsuway sa mga ito, at hindi titigil sa pagsuway ay tiyak na mahuhulog sa kailaliman ng hukay.

“Ito ang wakas ng bagay; lahat ay narinig: ikaw ay matakot sa Dios, at sundin mo ang kaniyang mga utos; sapagka't ito ang buong katungkulan ng tao. Sapagka't dadalhin ng Dios ang bawa't gawa sa kahatulan, pati ng bawa't kubling bagay, maging ito'y mabuti o maging ito'y masama." Eccles. 12:13, 14 .

Martes, Nobyembre 14

Upang Magmana ng Buhay na Walang Hanggan


Basahin ang Lucas 10:27 28. Ano ang tugon ng dalubhasa sa kautusan sa sarili niyang katanungan?

"Milyun-milyong tao sa ating mundo ang gumagawa ng pagpili gaya ng ginawa ng batang pinuno. Sila ay mayroong katalinuhan, ngunit hindi sila makapagpasiya na maging tapat na mga katiwala ng mga bagay ng Panginoon. Marami ang nagsasabi, “Pagpapalain ko at luluwalhatiin ang aking sarili; Ako ay pararangalan bilang isang tao na higit sa kanyang kapwa.” Binayaran ni Jesus ang halaga para sa kanilang katubusan; alang-alang sa kanila siya ay nagpakadukha, upang sila ay magsiyaman; gayunpaman, bagama't lubos silang nakadepende sa kanya para sa lahat ng kanilang tinatangkilik, tinatanggihan nilang gawin ang kanyang kalooban na magpakita ng pagmamahal sa kanilang kapwa. Hindi sila handang tugunan ang mga pangangailangan ng mga nakapaligid sa kanila sa pamamagitan ng yaman na inilagay ng Panginoon sa kanilang mga kamay para sa layuning ito. Tumatanggi silang ibigay ang kapital ng Panginoon para sa kapakanan ng iba, at mahigpit na hinahawakan ang kanilang mga ari-arian. Tulad ng batang pinuno, tinatanggihan nila ang makalangit na kayamanan, at pinipili ang naaayon sa nais ng kanilang sarili. Sa gayong pagkamakasarili pinatutunayan nilang hindi sila karapatdapat sa walang hanggang kayamanan. Ipinakikita na sila ay hindi karapat-dapat para sa kaharian ng Diyos; na kung sila ay pahihintulutang pumasok doon, sila, tulad ng dakilang apostata, ay aangkinin ang lahat na para bang sila ang lumikha nito, at sisirain ang langit sa pamamagitan ng kanilang kaimbutan. RH December 14, 1897, par. 7

“Si Moises ay tinawag upang pumili sa pagitan ng sanlibutan at ng Diyos. Dalawang magkasalungat na bagay ang inilagay sa kanyang harapan. Ang mga kayamanan ng Ehipto, ang karangalan ng isang makalupang korona, at lahat ng makamundong pakinabang na kasangkot sa pagpiling ito ay inihain ng prinsipe ng mundong ito. Ang kabilang dako ay ipinakita ng Prinsipe ng Liwanag, ang Manunubos ng sanlibutan. Inilahad niya ang gantimpala, ang hindi maaarok na kayamanan ni Cristo, at ipinakita rin ang landas ng paghihirap, pagtanggi sa sarili, at pagsasakripisyo na dapat tahakin ng lahat ng magtatangkang kamtin ang mga gantimpalang ito.” RH December 14, 1897, par. 8

“Ang pagdedesisyon ay na kay Moises. Siya ay may kalayaang pumili. Ang buong kalangitan ay nakatutok sa bagay na ito. Ano ang kanyang magiging pagpili?— ang pagsunod sa Diyos, na may walang hanggang gantimpala, o pagsunod sa kung anong naaayon sa hilig ng sarili niyang kalooban? Sa pananampalataya, nang lumaki na si Moises, ay tumanggi siyang tawaging anak ng anak na babae ni Faraon; Na pinili pa ang siya'y tampalasanin na kasama ng bayan ng Dios, kay sa magtamo ng nagsisikupas na kaligayahan sa pagkakasala; Na inaring malaking kayamanan ang kadustaan ni Cristo, kay sa mga kayamanan ng Egipto: sapagka't ang kaniyang tinititigan ay ang gantingpalang kabayaran.” RH December 14, 1897, par. 9

Miyerkules , Nobyembre 15

Pagmamahal sa Kapwa gaya ng Pagmamahal Natin sa Ating Sarili.


Basahin ang Mateo 22:37-40. Paano maihahambing ang sinabi mismo ni Jesus sa Kanyang tugon sa abogado sa Lucas 10:27, 28?

“Sinabi ng abogado, “Iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong lakas mo, at ng buong pagiisip mo; at ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili. At sinabi niya sa kaniya, Matuwid ang sagot mo: gawin mo ito, at mabubuhay ka.” COL 377.2

“Ang abogado ay hindi kontento sa posisyon at mga gawa ng mga Pariseo. Pinag-aaralan niya ang mga banal na kasulatan nang may hangaring malaman ang tunay na kahulugan ng mga ito. Siya ay may malaking interes sa bagay na iyon, at nagtanong siya nang may katapatan, “Ano ang nararapat kong gawin?” Sa kanyang tugon tungkol sa mga hinihiling ng kautusan, hindi nya tinukoy ang mga seremonyal at ritwal na mga tuntunin. Sa mga ito ay hindi siya nakasumpong ng halaga, ngunit inilahad ang dalawang dakilang prinsipyo kung saan nauuwi ang buong kautusan, at ang mga propeta. Ang tugon ng Tagapagligtas ay naglagay sa Kanya sa mabuting posisyon na hindi nila Siya matututulan. COL 377.3

“Gawin mo ito, at mabubuhay ka”, sabi ni Cristo. Sa Kanyang pagtuturo ay ipinakita Niya ang kautusan bilang isang banal na pagkakaisa, na nagpapakita na imposibleng sundin ang isang tuntunin at suwayin ang isa; sapagkat parehong prinsipyo ang kumikilos sa mga ito. Ang kapalaran ng tao ay matutukoy sangayon sa kanyang magiging pagsunod sa buong kautusan. COL 377.4

“Alam ni Cristo na walang sinuman ang makakasunod sa kautusan sa sarili niyang lakas. Nais niyang akayin ang abogado tungo sa mas malinaw at mas kritikal na pagsasaliksik upang masumpungan niya ang katotohanan. Sa pamamagitan lamang ng pagtanggap sa katangian at biyaya ni Cristo natin masusunod ang kautusan. Ang paniniwala sa pagtubos sa kasalanan ang nagbibigay-daan sa nahulog na tao na mahalin ang Diyos nang buong puso at ang kanyang kapwa gaya ng kanyang sarili. COL 378.1

“Alam ng abogado na hindi niya nasunod ang unang apat o ang huling anim na utos. Siya ay hinatulan sa ilalim ng mapanuring salita ni Cristo, ngunit sa halip na ipagtapat ang kanyang kasalanan ay sinubukan niyang maghanap ng excuse para dito. Sa halip na kilalanin ang katotohanan ay pinili niyang palabasin na mahirap tuparin ang kautusan. Pinigilan ang paniniwala at pinili ang ipagtanggol ang sarili sa harap ng mga tao. Ang mga salita ng Tagapagligtas ay nagpakita na ang kanyang tanong ay hindi kinakailangan dahil siya mismo ay nakaaalam sa mga sagot dito. Ngunit nagtanong pa siya ng isa pang tanong, “Sino ang aking kapwa ?” COL 378.2

Huwebes , Nobyembre 16

Ang Kuwento ng Mabuting Samaritano Ngayon


Basahin ang Lucas 10:30-37. Paano mo bubuurin ang kahulugan ni Jesus sa kuwento ito?

“ Sa pagbibigay ng aral na ito, tuwirang inilahad ni Cristo ang mga prinsipyo ng kautusan na nagpapakita sa Kanyang mga tagapakinig na sila ay nagpabaya sa pagganap sa mga alituntunin nito. Ang kanyang mga salita ay napaka-tiyak at matalas kaya’t ang mga tagapakinig ay hindi makahanap ng pagkakataon na pulaan ito. Walang nakitang bagay ang abogado sa aralin na maaari niyang punahin. Ang kanyang prejudice tungkol kay Cristo ay napawi. Ngunit hindi niya napanagumpayan at lubusang naialis ang kanyang pagkamuhi para bigyang puri ang pangalan ng Samaritano. Nang magtanong si Cristo, “Sino sa tatlong ito, sa akala mo, ang nagpakilalang kapuwa tao sa nahulog sa kamay ng mga tulisan? Ang nagkaawanggawa sa kaniya" COL 380.1

“'Pagkatapos ay sinabi sa kanya ni Jesus, humayo ka, at gayon din ang gawin mo.' Ipakita ang parehong magiliw na kabaitan sa mga nangangailangan. Sa gayon ay makapagbigay ng katibayan na sinusunod mo ang buong kautusan.” COL 380.2

“Marami ang sa ngayon ang nakagagawa ng ganitong pagkakamali. Hinihiwalay nila ang kanilang mga tungkulin sa dalawang magkaibang bahagi. Ang isang uri ay binubuo ng mga dakilang bagay na kinokontrol ng batas ng Diyos; ang kabilang banda naman ay binubuo ng tinatawag na maliliit na bagay, kung saan ang utos ay, “Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili, “ay nawawalang bahala. Ang lawak ng gawain ay naiwan sa kapritso, pagpapasailalim sa hilig o udyok. Kaya't ang katangian ay nasisira, at ang relihiyon ni Cristo ay hindi nabibigyan ng wastong reprrentasyon. COL 382.2

“May mga ilan na nag-iisip na nakakababa sa kanilang dignidad ang magministeryo sa mga naghihirap sa sanlibutan. Marami ang nagwawalang-bahala at naghahamak sa mga naglalagay sa templo ng kaluluwa sa pagkawasak. Ang iba ay pinababayaan ang mga mahihirap dahil sa ibang motibo. Ayon sa kanilang paniniwala, sila ay gumagawa sa layunin ni Cristo na naghahangad na magtaguyod ng ilang mahahalagang gawain. Pakiramdam nila ay gumagawa sila ng mabuting gawain, at hindi nila nabibigyang-pansin ang mga pangangailangan ng mga dukha at nababagabag. Sa pagsusulong sa kanilang inaakalang dakilang gawain ay nangyayari na kanilang napipighati ang mga dukha. Maaaring nailalagay nila sila sa mahirap na kalagayan, o naipagkakait ang kanilang mga karapatan, o pagpapabaya sa kanilang mga pangangailangan. Gayunpaman, nadarama nila na ang lahat ng ito ay makatwiran dahil sila, gaya ng iniisip nila, ay nakapagsusulong sa layunin ni Cristo. COL 382.3

“Marami ang magpapabaya sa isang kapatid o kapitbahay na makipagunyagi sa mahirap na kalagayan ng walang natatanggap na tulong. Sapagka't sila'y nag-aangking Kristiyano maaari niyang isipin na sa kanilang pagkamakasarili ay kinakatawanan nila si Cristo. Dahil ang mga nag-aangking mga lingkod ng Panginoon ay hindi nakikipagtulungan sa Kanya, ang pag-ibig ng Diyos, na dapat sana’y dumaloy mula sa kanila patungo sa kanilang kapwa ay lubhang nahaharangan. At ang dakilang mga papuri at pasasalamat mula sa puso ng tao at labi ng tao ay napipigilang dumaloy patungo sa Diyos. Siya ay nananakawan ng kaluwalhatian nauukol sa Kanyang banal na pangalan. Siya ay nananakawan ng mga kaluluwang pinagpakamatayan ni Cristo, mga kaluluwang inaasam-asam Niyang madala sa Kanyang kaharian upang manahan sa Kanyang harapan sa walang katapusang kapanahunan.” COL 383.1

Biyernes , Nobyembre 17

Karagdagang Kaisipan

Ang mayamang binata at si Nicodemus ay parehong mga pinuno at bagaman hindi kasing yaman ni Nicodemus ang binata ay hindi siya masasabing mahirap. Ngunit bakit nga ba ipinagutos sa binata na ipamigay niya ang kanyang yaman sa mahihirap samantalang sa isa ay sinabihan na kailangan niyang ipanganak na maguli? Bakit di pareho ang kanilang kabayaran para makamit ang kaligtasan? Narito ang mga kadahilanan:

Upang maiwasan ni Nicodemus na makita siyang kasama ni Jesus ay hindi siya lumalapit sa Kanya sa araw at sa halip ay palihim na nakikipagkita sa gabi, samantalang ang batang pinuno ay lumapit ng lantaran kay Jesus at sa harap pa ng karamihan. Samakatuwid ang nagiging balakid sa batang pinuno ay ang kanyang yaman, at kay Nicodemus naman ay ang kanyang pagmamalaki o pride. Makikita nga dito na ang karamdaman ng isa ay nangangailangan isang lunas at sa isa naman ay may nararapat ding ibang lunas.

Ni kailanman ay hindi hiningi ni Jesus sa sinuman ang umanib sa Kanyang relihiyon ngunit Kanya silang hinihiling na sumunod sa Kanya upang maging isa Niyang alagad. Ang batang pinuno ay hindi makasunod sa Diyos sapagkat ang kanyang puso ay nasa kanyang kayamanan. Si Nicodemus naman ay hindi makasunod ng dahil sa kanyang ‘pride’ kaya iniiwasan niyang makita siyang kasama ang mga hindi kilalang tao at sa pagkadisgusto niya na si Jesus ay sinusundan ng mga mahihirap na mangingisda.

Upang alisin ang mga balakid, ang isa ay kinakailangang talikdan ang kanyang yaman at ang isa naman ay ang kanyang pride. Upang maalis ang pride ay kailangan niyang ipanganak na maguli upang maging bagong nilalang. Ngunit upang alisin ang pagibig sa salapi ay kailangang ipamigay niya ito sa mga nangangailangan.

Sa kasulatan ay nakalahad na si Abraham ay napakayaman. At sa kabila nito ay tinatawag siyang ‘kaibigan ng Diyos’. Ang yaman ay maaring maging pagpapala, ngunit kadalasan ay nagiging sumpa. Samantalang ang pride ay kailanman ay hindi mabuting bagay.