Ang Misyon ng Diyos sa Atin: Unang Bahagi

Aralin 1, 4th Quarter Setyembre 30 – Oktubre 6, 2023

img rest_in_christ
Ibahagi ang Liksyong ito

Hapon ng Sabbath,  Setyembre 30

Talatang Sauluhin:

“At tinawag ng Panginoong Dios ang lalake at sa kaniya'y sinabi, Saan ka naroon?” KJV - Genesis 3:9


“Sa mga naninirahan sa Eden ay ipinagkatiwala ang pangangalaga sa halamanan, “upang alagaan at ingatan.” Ang kanilang gawain ay hindi nakakapagod, ngunit kaaya-aya at nakapagpapalakas. Itinakda ng Diyos ang paggawa bilang isang pagpapala sa tao, upang sakupin ang kanyang isip, upang palakasin ang kanyang katawan, at paunlarin ang kanyang mga kakayahan. Sa mental at pisikal na aktibidad natagpuan ni Adan ang isa sa pinakamataas na kasiyahan ng kanyang banal na pagkalalang. At nang dahil sa kanyang pagsuway, siya ay pinalayas mula sa kanyang magandang tahanan, at pinilit na magpagal sa sinumpang lupa upang makakuha ng kanyang pang-araw-araw na pagkain, ang kanyang paggawa, bagaman higit na naiiba sa kanyang kaaya-ayang gawain sa halamanan, ay nagsilbing isang pananggalang laban sa tukso at isang pinagkukunan ng kaligayahan...” PP 50.1

“Habang nananatili silang tapat sa Diyos, si Adan at ang kanyang kasama ay mamumuno sa lupa. Binigyan sila ng walang limitasyong pamamahala sa bawat bagay na may buhay...” PP 50.2

“Ang banal na mag-asawa ay hindi lamang mga anak sa ilalim ng makaamang pangangalaga ng Diyos kundi mga magaaral na tumatanggap ng tagubilin mula sa Lumikha. Sila ay binibisita ng mga anghel, at pinagkalooban ng pakikipag-ugnayan sa kanilang Lumikha, na walang nakatakip na tabing sa pagitan. Sila ay napupuspos ng lakas na ibinibigay ng punungkahoy ng buhay, at ang kanilang intelektuwal na kapangyarihan ay mababa lamang ng kaunti kaysa sa mga anghel...” PP 50.3

“Pagkatapos ng kanilang pagkahulog sa kasalanan sina Adan at Eva ay hindi na maaaring manahan sa Eden... PP 61.4

“Sa kababaang-loob at di-matatawarang kalungkutan, sila ay nagpaalam sa kanilang magandang tahanan at humayo upang manirahan sa lupa, kung saan naroroon ang sumpa ng kasalanan. Ang kapaligiran, na dati'y banayad at pare-pareho ang temperatura, ay napapailalim na ngayon sa kapansin-pansing pagbabago, at ang Panginoon sa Kanyang awa ay nagbigay sa kanila ng isang damit na balat bilang isang proteksyon mula sa matinding init at lamig. ” PP 61.5

Linggo, Oktubre 1

Ang Diyos na Umaabot sa Atin


Zacarias 12:8 – “Sa araw na yaon ay ipagsasanggalang ng Panginoon ang mga mananahan sa Jerusalem, at siyang mahina sa kanila sa araw na yaon ay magiging gaya ni David; at ang sangbahayan ni David ay magiging parang Dios, parang anghel ng Panginoon sa harap nila..”

Bukod sa pagbibigay sa atin ng katiyakan na ipagsasanggalang ng Panginoon ang Kanyang bayan, inihalintulad din sila ng Inspirasyon kay David at sa Diyos. Maging ang mahihina ay “magiging gaya ni David; at ang sangbahayan ni David ay magiging gaya ng Diyos,” “gaya ng anghel ng Panginoon sa harap nila.” Napakahusay at kahanga-hangang pahayag! O napakalaking pribilehiyo na maihalintulad sa Diyos Mismo!

Ngayon, upang malaman natin kung ano ang ibig sabihin ng maging “parang Diyos,” kailangan nating pag-aralan kung ano ang Diyos. Sa simula, hindi lamang Niya nilikha at pinuno ng sagana ang lupa ng bawat mabubuting bagay para sa Kanyang mga nilalang, ngunit nagtanim din Siya ng halamanan (tahanan) para sa tao. Kaya gumawa Siya ng huwarang tahanan para sa lahat ng tao na mabubuhay pagkatapos noon. Tinuruan niya si Adan kung paano pangalagaan ang tahanan at kung paano ito ingatan. Tinuruan niya siyang magsalita at makilala ang kalikasan sa pagitan ng isang hayop at ng isa pa, upang pangalanan sila nang naaayon. Pinagkalooban ng Diyos ang tao ng kaalaman at buhay upang siya ay mapasaya, at maging kapaki-pakinabang sa paggawa sa mundo kung ano ang nararapat. Kahit na pagkatapos na ang banal na mag-asawa ay nahulog sa pagkakasala, ang Diyos ay interesado pa rin sa kanila tulad ng dati - kaya't, sa katunayan, agad Niyang sinimulan silang turuan kung paano maligtas, at makapanumbalik sa kanilang walang hanggang tahanan. Mula sa araw na iyon hanggang ngayon ay nagpapatuloy Siya sa pagtuturo sa pamilya ng tao.

Upang gawin ang gawaing ito ng pagliligtas, ipinadala ng Diyos ang Espiritu ng Katotohanan, nagpadala Siya ng mga propeta at mga anghel, gayundin ang Kanyang bugtong na Anak – ang lahat ng mga guro ng pagtubos. Maging Siya Mismo ay bumaba sa Sinai at kahit na pinatay nila ang halos lahat ng Kanyang mga lingkod kabilang ang Kanyang anak, gayunpaman, ang Kanyang hindi nagkukulang na interes sa sangkatauhan ay nagpapatuloy hanggang sa mismong araw na ito. Sa kabila ng ating mga pagkukulang, ang Kanyang pangako na dalhin tayo pabalik sa halamanan ng Eden doon upang mamuhay na kasama Niya kung tayo ay magsisisi, ay nananatili pa ring tiyak na gaya ng araw.

Ngayon ay nakikita na natin kung ano ang Diyos, at kung tayo ay magiging “parang Diyos,” kung gayon dapat ay ganoon din tayo. Nangangahulugan iyon na dapat tayong maging kasing interesado sa isa't isa at sa pagpapatibay ng Kanyang Kaharian gaya ng Kanyang interes. Dapat tayong maging hindi makasarili gaya Niya. Dapat nating itinuro sa iba ang lahat ng Kanyang itinuro sa atin. Dapat nating gawin ang lahat ng ating makakaya upang mapabuti ang kalagayan ng pamumuhay ng iba. Dapat nating gawing mas mabuti ang mundo kaysa sa kung wala tayo dito. Sa sanglinggo ng paglikha, ginawa ng Diyos ang Kanyang bahagi. Ngayon ay dapat nating gampanan ang ating bahagi sa paglikha kung tayo ay magiging tulad ng Diyos.

Anumang magandang bagay na mayroon tayo, ito man ay isang gawain o ibang kaloob na nararapat na taglayin natin ay dapat maging kasing tapat tayo dito at kasing sabik na ituro ito sa iba kung gaano katapat at kasabik ang Diyos na ituro ito sa atin. Kung pababayaan natin ang tungkuling ito, hindi lamang tayo mabibigo na maging tulad ng Diyos, kundi kakailangan pa nga nating magbigay ng pananagutan sa ating naging kapabayaan.

Itinuro ng Panginoon sa mga ibon kung paano mamuhay at kung paano gumawa ng mga pugad, at kung paano palakihin ang kanilang mga anak. Kung gayon, hindi ba natin dapat tulungan ang iba na magtayo at mapabuti ang kanilang mga tahanan at pamumuhay? Alalahanin ang sinabi ni Jesus, “At sinomang magpainom sa isa sa maliliit na ito ng kahit isang sarong tubig na malamig, dahil sa pangalang alagad, katotohanang sinasabi ko sa inyo na hindi mawawala ang ganti sa kaniya.” Matt. 10:42.

Kung ang Diyos ay hindi kung ano Siya, hindi Siya magiging Diyos; at kung magpapatuloy tayo ng gaya sa dati, hindi tayo magiging “parang Diyos.”

Lunes , Oktubre 2

Ang Diyos na Naghahangad na Makasama Tayo


Basahin ang Genesis 17:7, Genesis 26:3, at Genesis 28:15. Ano ang pangunahing tuon ng pangako ng Diyos kay Abraham at sa lahat ng kanyang lahi sa mga talatang ito?

“Mga kapatid na lalake at mga magulang, mangakinig kayo: Ang Dios ng kaluwalhatia'y napakita sa ating amang si Abraham, nang siya'y nasa Mesapotamia, bago siya tumahan sa Haran, At sinabi sa kaniya, Umalis ka sa iyong lupain, at sa iyong kamaganakan, at pumaroon ka sa lupaing ituturo ko sa iyo.” Mga Gawa 7:2, 3. “Kaya't yumaon si Abram, ayon sa sinalita sa kaniya ng Panginoon.” (Gen. 12:4), at nagtungo sa Kanyang pangunguna sa Canaan, kung saan siya nanirahan, bagaman “hindi siya pinamanahan ng anoman doon, kahit mayapakan ng kaniyang paa: at siya'y nangakong yao'y ibibigay na pinakaari sa kaniya, at sa kaniyang binhi pagkatapos niya, nang wala pa siyang anak.” Mga Gawa 7:5.

Nang maglaon, nilayon ng Panginoon na akayin si Jacob at ang kanyang sambahayan palabas ng lupain ng Canaan, pababa sa Ehipto. Gayunpaman, sa pagkaalam na ang mga anak ni Jacob ay hindi yayaon tulad ng ginawa ni Abraham, sa pamamagitan lamang ng Kanyang pagsasabi sa kanila, kung gayon sa Kanyang probidensya ay inilagay Niya sa puso ni Jacob ang isang higit na pagmamahal kay Jose kaysa sa iba pa niyang mga anak. Nagbunga ito sa kanila ng inggit at paninibugho, na nagbunga naman ng poot at kasakiman, na lumalabas sa kanilang malupit na pagtrato at pagbebenta kay Jose, na nagresulta sa pagkakadala sa kanya bilang isang alipin sa Ehipto.

Makalipas ang ilang taon nang ang mga kapatid ni Jose ay pumunta sa Ehipto upang kumuha ng pagkain sa panahon ng pitong taong taggutom, si Jose, na nakilala ang plano ng Probidensya sa kakaibang drama ng kanyang buhay mula sa pagkaalipin tungo sa pagluklok sa trono, ay nagsabi sa kanyang mga kapatid habang “ipinakikilala niya ang kanyang sarili” sa kanila: “huwag kayong magdalamhati, o magalit man sa inyong sarili na inyo akong ipinagbili rito: sapagka't sinugo ako ng Dios sa unahan ninyo upang magadya ng buhay....at... upang papanatilihin kayong pinakalahi sa lupa, at upang iligtas kayong buhay sa pamamagitan ng dakilang pagliligtas.” Gen. 45:1, 5, 7

Sa gayon ay itinaas ng Panginoon si Jose upang makibahagi sa trono ng Ehipto upang maimpluwensyahan si Faraon na bigyan ng pahintulot ang Israel na makapasok sa lupain.

Sunod, upang dalhin sila doon, dinala Niya ang pitong taon ng kasaganaan, na sinundan ng pitong taon ng taggutom. Kung saan nagpadala Siya ng balita kay Jacob na si Jose ay buhay pa. Sa napakasayang balita, umusbong sa ama ang isang hindi mapigilang pagnanais na makita ang kanyang anak. Ito at ang gutom na kumikitil ng buhay sa mga kapatid ni Jose, ang nagtulak sa kanila na lumipat sa lupain ng sagana ni Faraon, kung saan sila namuhay na parang mga hari.

Gayunpaman, hindi nilalayon na iwan sila doon magpakailanman, hindi hinayaan ng Panginoon na ang kanilang pamumuhay ay magpatuloy na kasing ganda ng una, at baka tumanggi silang makinig kay Moises kapag siya ay dumating na may salita na ang oras ay dumating na para sa kanila upang umalis at umuwi na. Ngunit nagdulot Siya ng isa pang nagliligtas na probidensya, sa pagkakataong ito ay pinahintulutan ang hindi mabata na paghihirap na dumating sa kanila, upang kapag tinawag sila ay tumugon sila nang may kagalakan. Kaya't kinailangan nilang maging mga alipin: at mas masahol pa, kinailangan nilang mawalan ng kanilang mga anak na lalaki, pagkatapos ay walang-awang itaboy ng malupit na paghampas sa kanilang mga likod upang makagawa ng higit pang mga laryo.

Kaya’t ang kapangyarihan ng Espiritu na sinamahan ng kakila-kilabot na pagdurusa mula sa kanilang mahirap na pagkaalipin sa Ehipto, ay isang napakalakas na puwersa na nag-udyok sa kanila na talikuran ang paganong lupain at bumalik sa kanilang sariling lupain.

Pagkatapos, sa kanilang pagbabalik ay nakatagpo sila ng isa pang probidensya--ang kanilang mahabang pamamalagi sa ilang, apatnapung taon sa kabuuan--na pinahintulutan ng Diyos para sa malinaw na layunin ng ihiwalay mula sa kanila ang mga walang paniniwala, mga hindi tapat na karamihan na sumama sa Kilusan palabas ng Ehipto. Sa pagkawasak ng mga ito, ang mga nakaligtas ay mahimalang tumawid sa Jordan, gaya ng kanilang ginawang pagtawid sa Dagat na Pula. Doon ay inalis sa kalagitnaan nila ang isang makasalanan, si Achan, at pumasok sila sa Lupang Pangako at naging pinakamaluwalhating kaharian sa kanilang panahon. Ang mga alipin ay naging mga hari—tunay na isang himala!

Martes, Oktubre 3

Ang Diyos na naging Isa sa Atin


Basahin ang salaysay ng kapanganakan ni Jesus sa Mateo 1:18-23. Anong mga mahahalagang bagay ang sinasabi sa atin ng ulat na ito patungkol sa Diyos? Basahin ang Juan 1:14-18. Ano ang matututuhan mo sa pagkakatawang-tao ni Cristo patungkol sa misyon ng Diyos sa atin?

Dahil ang gawain ni Jesus ay may napakalaking kahalagahan at may malaking kahihinatnan, ang Diyos ay lubhang partikular sa angkan ni Jesus. Dahil dito, pinili Niya ang angkan ni Abraham (isang mabuting puno), ni Isaac, Jacob, Judas, Jesse, David, at hanggang sa linya ng angkan ni Jose, na naging asawa ni Maria. Kahit na si Jose ay itinalaga lamang na tagapag-alaga kay Jesus, ang Diyos ay partikular sa pagpili sa kanya. (Matt 1:2-16)

At kung gaano kaingat ang Diyos sa kung sino ang dapat maging tagapag-alaga ni Jesus, mas partikular Siya sa pagpili sa magiging ina para kay Jesus. Kaya pinili ng Diyos ang ina ng Tagapagligtas mula sa lahi ni Jose, ang anak ni Jacob.

Paano [natin] nalaman kung ano ang angkan ng magulang ni Jesus? –Nalalaman natin ang angkan ng kanyang foster father mula sa kronolohiya na ibinigay ni Mateo. At ang angkan ng Kanyang ina ay nalalaman [natin] mula sa propesiya ni Moises na mababasa [natin] ngayon: “Si Jose ay sangang mabunga, Sangang mabunga na nasa tabi ng bukal; Ang kaniyang mga sanga'y gumagapang sa pader. Pinamanglaw siya ng mga mamamana, At pinana siya, at inusig siya: Nguni't ang kaniyang busog ay nanahan sa kalakasan, At pinalakas ang mga bisig ng kaniyang mga kamay, Sa pamamagitan ng mga kamay ng Makapangyarihan ni Jacob, (Na siyang pinagmulan ng pastor, ang bato ng Israel).” Gen. 49:22-24 .

Hindi lamang maingat na pinili ang angkan ng magulang ni Jesus, kundi pati ang lahi ng bawat lingkod ng Diyos na pinagkatiwalaan ng mabibigat na responsibilidad. Tanong ko sa inyo, bakit gagawin ang mga ganitong pag-iingat kung hindi hawak ng mga magulang ang pinakamahalagang bahagi sa buhay ng mga anak?

Apoc. 20:1 – “At nakita ko ang isang anghel na nananaog mula sa langit, na may susi ng kalaliman at isang malaking tanikala sa kaniyang kamay..”

Dito ay sinasabi sa atin na ang makapangyarihang anghel na ito, ang kaaway ni Satanas, ay may “susi ng kalaliman.” Kung mayroon Siya nito, kung gayon sa Kanya tiyak na “ibinigay” ang susi. Ang Bituin na tumanggap ng susi, samakatuwid, ay simbolo ng anghel na ito.

Isa pa, pansinin natin na nang binuksan ng susi ang kalaliman, nangagsilabas ang mga balang. (Apoc 9:3) Sa wakas, ang katotohanan na ang mga balang ay mga kaaway ng mga taong walang tatak ng Diyos sa kanilang mga noo, kung gayon ang "Bituin" (anghel) na nagmula sa langit at nagbukas sa kalaliman upang palayain ang mga balang ay isang kaibigan sa kanila at isang makapangyarihang kaaway ni Satanas. Kaya't walang makatatanggi sa konklusyong ito: Ang makalangit na Bituin ay kumakatawan sa isang nilalang na ipinadala ng langit, ang kaparehong “anghel,” na kung saan ay muli nating mababasa sa kabanata 20:1, at ang mga balang ay ang iniligtas na karamihan ng Langit. Sino pa, kung gayon, ang maaaring katawanin ng “Bituin” at ng mga balang kundi si Cristo at ang mga Kristiyano? Ikinulong ni Satanas sa napakalalim na hukay ang buong bansang Hudyo, – ang tanging bansa na dating nakalabas sa hukay. Kaya nga si Cristo ay naparito upang buksan ang kalaliman at palayain ang mga bihag. Sa gayong daigdig ay ipinadala ang Panginoon ng Langit, at nang Siya ay dumating ay agad Niyang ipinahayag:

Lucas 4:18, 19 – “Sumasa akin ang Espiritu ng Panginoon, Sapagka't ako'y pinahiran niya upang ipangaral ang mabubuting balita sa mga dukha: Ako'y sinugo niya upang itanyag sa mga bihag ang pagkaligtas, At sa mga bulag ang pagkakita, Upang bigyan ng kalayaan ang nangaaapi, Upang itanyag ang kaayaayang taon ng Panginoon.”

Narito sa koda ng mistisismo ng Inspirasyon, na bagong ibinunyag na si Jesucristo ay tunay na isang Nilalang na ipinadala ng langit, ang Tagapagligtas ng mundo.

Miyerkules , Oktubre 4

Ang Diyos na patuloy na Sumasaatin


Paano nakikitang magka-ugnay ang pag-ibig at misyon ng Diyos sa Juan 3:16? Ano ang pangakong makikita natin sa Dakilang Gawain sa Mateo 28:18-20?

Ang misyon na iligtas ang mundo ay hindi maaaring mas mahalaga kaysa sa misyon na iligtas ang iglesia. Ang pagpapalago ng kasapian o miyembro ng iglesya sa ilalim ng kasalukuyang nangingibabaw na malahiningang kalagayan ng Laodicea, ay hindi makapagsusulong sa Kaharian ni Cristo kaysa sa nagawa sa ilalim ng mga kalagayan sa simbahang Judio noong mga araw ng Kanyang unang pagparito. Sa pag-unawa sa tunay na sitwasyon sa iglesia, si Juan Bautista at si Cristo Mismo at maging ang mga apostol noong una, ay nakisangkot sa gawain, hindi para sa mundo sa pangkalahatan, ngunit para lamang sa interes ng kanilang mga kapatid sa iglesia.

Kung paanong ang parehong paglayo kay Cristo ay umiiral sa loob ng simbahan ngayon tulad ng nangyari noon ( Testimonies , Vol. 5, p. 217), kakailanganin ng mas higit na malaking pagsisikap upang iligtas ang bayan mula sa “malungkot na pagkalinlang” sa Laodicea ( Testimonies , Vol. 3, p. 253), kaysa kung sila ay nasa pagano. Sapagka't sa Laodicea ay pinaniniwalaan nila na nasa kanila ang lahat ng katotohanang dapat maabot, na sila’y mayaman, at nagkamit ng kayamanan, at hindi nangangailangan ng anoman – na ang kanilang kaligtasan ay walang hanggang panatag hangga't sila'y kaanib sa iglesia! Kaya't may mas malaking panganib na mawala ang kanilang mga kaluluwa sa simbahang “malahininga” at malapit nang isuka, kaysa kung manatili sila sa mundo hanggang sa magising ang simbahan mula sa kanyang pagkakatulog, at pahiran ang sarili ng pampahid sa mata (Katotohanan) --makita ang tama, gumawa ng tama, at pinangungunahan at pinapakain ng tama ang kawan.

Hayaang magtanong ang bawat tapat na miyembro, Kung ang simbahan mismo ay hindi ligtas ( Testimonies , Vol. 3, p. 253), na hindi sumusunod kay Cristo na kanyang Lider ( Testimonies , Vol. 5, p. 217 ) at “ naging patutot” ( Testimonies , Vol. 8, p. 250) , paano niya maililigtas ang iba? Ang pinakamalaking pangangailangan kung gayon ay iligtas muna ang mga nasa simbahan, pagkatapos ay ang mga nasa mundo. Ang “espesyal na gawain ng pagdadalisay, ng pag-aalis ng kasalanan, sa gitna ng bayan ng Diyos” ( The Great Controversy, p. 425 ), “ang pagsasarang gawain para sa simbahan, ang panahon ng pagtatatak ng isang daan at apatnapu't apat na libo" ( Testimonies , Vol. 3, p. 266) , ay dapat mauna, pagkatapos ay susunod ang pagtatatak ng mga nasa mundo.

Higit pa rito, dahil hindi tayo, kundi si Cristo na "naghahawak ng renda sa Kanyang sariling mga kamay" (Testimonies to Ministers, p. 300), hindi natin tungkulin na sabihin sa Kanya kung aling gawain ang dapat gawin, at alin ang hindi dapat gawin, ngunit hayaan ang bawat tagasunod Niya na matanto na Siya ay "gagawa sa paraang lubhang hindi ayon sa karaniwang pagkakasunud-sunod ng mga bagay, at sa paraang salungat sa anumang pagpaplano ng tao."-- Testimonies to Ministers , p. 300.

Huwag maging katulad ng klase na "nagkukuwestiyon at pumupuna sa lahat ng nangyayari sa paglalahad ng katotohanan" ( Testimonies , Vol. 5, p. 690 ), ngunit maging tulad ng mga taong "hinahayaang magabayan ng Langit."-- Testimonies to Ministers , p. 475.

Ang utos sa atin ay: “Humiyaw ka ng malakas, huwag kang magpigil, ilakas mo ang iyong tinig na parang pakakak, at iyong ipahayag sa aking bayan ang kanilang pagsalangsang, at sa sangbahayan ni Jacob ang kanilang mga kasalanan.” Isa. 58:1.

“Kayo'y magsidaan, kayo'y magsidaan sa mga pintuang-bayan; inyong ihanda ang lansangan ng bayan; inyong patagin; inyong patagin ang maluwang na lansangan; inyong pulutin ang mga bato; mangagtaas kayo ng watawat na ukol sa mga bayan. Narito, ang Panginoon ay nagtanyag hanggang sa wakas ng lupa, Inyong sabihin sa anak na babae ng Sion, Narito, ang iyong kaligtasan ay dumarating; narito, ang kaniyang kagantihan ay nasa kaniya, at ang kaniyang ganti ay nasa harap niya.” Isa. 62:10, 11.

Huwebes , Oktubre 5

Ang Diyos na Babalik para sa Atin


Sa anong mga paraan nauugnay ang Juan 14:1-3 sa mensahe sa huling panahon na masusumpungan sa Kasulatan?

Ang milenyal na panahon ng kapayapaan, samakatuwid, ay malinaw na gugulin, hindi sa lupa, kundi sa “mga mansyon” sa itaas, dahil ang pangako ng Panginoon ay: “Sapagka't ako'y paroroon upang ipaghanda ko kayo ng dakong kalalagyan. At kung ako'y pumaroon at kayo'y maipaghanda ng kalalagyan, ay muling paririto ako, at kayo'y tatanggapin ko sa aking sarili; upang kung saan ako naroroon, kayo naman ay dumoon.” Juan 14:2, 3 .

Kaya, sa ikalawang pagparito ni Cristo, ang lahat ng matuwid at lahat ng masasama ay tatanggap ng kanilang mga gantimpala: ang matuwid na patay ay ibabangon sa buhay na walang hanggan, at ang matuwid na buhay ay mababago sa kawalang-kamatayan sa isang kisap-mata, at pagkatapos ay kasama ng mga nabuhay na mag-uli ay aakyat sa langit ( 1 Cor. 15:52, 53; 1 Tes. 4:15-17 ) habang ang masasamang buhay ay papasok sa kanilang mga libingan ( 2 Tes. 2:8; Isa. 11:4; Heb. 10:27; Luc. 19:27). At dahil mula sa muling pagkabuhay ng lahat ng matuwid hanggang sa muling pagkabuhay ng lahat ng masasama (Apoc. 20:5), ay umaabot ng isang libong taon (isang milenyo), ang panahong ito, maliwanag, kung gayon, ay hindi maaaring maging panahon ng pagtanggap ng mga gantimpala, ngunit sa halip ay isang panahon kung saan ang mga matuwid ay nagtatamasa sa langit ng mga gantimpala na natanggap na, at kung saan ang masasama ay nagpapahinga sa kanilang mga libingan.

“Ako'y paroroon” sabi ni Jesus, “upang ipaghanda ko kayo ng dakong kalalagyan. At kung ako'y pumaroon at kayo'y maipaghanda ng kalalagyan, ay muling paririto ako, at kayo'y tatanggapin ko sa aking sarili; upang kung saan ako naroroon, kayo naman ay dumoon.” Juan 14:2, 3. Maliwanag na silang nabubuhay sa panahon ng milenyo ay nabubuhay kasama ni Cristo sa mga mansyon sa itaas. At pagkatapos ng isang libong taon, ay isiniwalat ni Juan, “At ibinigay ng dagat ang mga patay na nasa kaniya; at ibinigay ng kamatayan at ng Hades ang mga patay na nasa kanila: at sila'y hinatulan bawa't tao ayon sa kanikaniyang mga gawa..”

Higit pa rito, habang ang mga buhay at ang nabuhay na mag-uling mga banal ay dinala upang "mabuhay at maghari kasama ni Cristo," at habang ang lahat ng mga hinatulan sa isang malaking luklukang maputi ay hinatulan habang patay, ang katotohanan ay namumukod-tangi nang higit at mas malinaw na walang masasamang buhay sa loob ng isang libong taon. Tunay ngang hindi, sapagkat ang lupa at langit ay tumakas noon, na naalis sa orihinal na globo, naging walang laman at sira ( Isa. 24:1-6; Jer. 4:23-26 ), isang “kalaliman” (Apoc. 20:1) na walang sinumang makatatayo. Ang mga banal , ang mga natira, ay nabuhay at naghari ng isang libong taon kasama ni Cristo sa Langit ng mga langit, kung saan naroon ang “maraming mansyon ”. Sa pagtatapos ng isang libong taon, bumababa ang Banal na Lungsod, ang mga mansyon, ang Bagong Jerusalem, at ang mga banal na kasama nito (Apoc. 21:2). Mula noon ang mga banal ay hindi nabuhay kasama ni Cristo ngunit Siya ay nabuhay kasama nila (Apoc. 21:3).

Biyernes, Oktubre 6

Karagdagang Kaisipan

“Kapag ang mensahe ng katotohanan ay iniharap sa ating panahon, marami ang, magiging tulad ng mga Hudyo na sisigaw, Magpakita ng isang tanda. Gumawa kami ng isang himala. Si Cristo ay hindi gumawa ng himala sa kahilingan ng mga Pariseo. Wala siyang ginawang himala sa ilang bilang sagot mga panunukso ni Satanas. Hindi niya ibinigay ang kapangyarihang ipagtanggol ang ating sarili o upang matugunan ang mga hinihingi ng kawalan ng pananampalataya at pagmamataas. Ngunit ang ebanghelyo ay mayroong palatandaan ng banal na pinagmulan nito. Hindi ba't isang himala na makawala tayo sa pagkaalipin ni Satanas? Ang pagkapoot laban kay Satanas ay hindi likas sa puso ng tao; ito ay itinanim ng biyaya ng Diyos. Kapag ang isa na nakokontrol ng pagiging matigas ng ulo, suwail na kalooban ay napalaya, at buong pusong ibinigay ang kanyang sarili sa dikta ng makalangit na mga ahensya ng Diyos , isang himala ang nagaganap; gayon din kapag ang isang tao na nasa ilalim ng matinding pagkalinlang ay nagkaroon ng pangunawa sa moral na katotohanan. Sa tuwing ang isang kaluluwa ay nagbabalik-loob, at natututong mahalin ang Diyos at sundin ang Kanyang mga utos, ang pangako ng Diyos ay natutupad, “Bibigyan ko rin naman kayo ng bagong puso, at lalagyan ko ang loob ninyo ng bagong diwa.” Ezekiel 36:26 . Ang pagbabago sa puso ng tao, ang pagbabago ng mga karakter ng tao, ay isang himala na naghahayag ng isang nabubuhay na Tagapagligtas, na gumagawa upang iligtas ang mga kaluluwa. Ang patuloy na pamumuhay kay Cristo ay isang malaking himala. Sa pangangaral ng salita ng Diyos, ang tanda na dapat na mahayag ngayon at palagi ay ang presensya ng Banal na Espiritu, upang magawa na ang bawat salita ay magkaroon ng kapangyarihan sa mga nakikinig. Ito ang saksi ng Diyos sa harap ng mundo sa banal na misyon ng Kanyang Anak.” DA 407.1