Pagtuturo sa mga Alagad: Ikalawang Bahagi

Liksyon 8, Ikatlong Trimestre, Agosto 17-23, 2024

img rest_in_christ
Ibahagi ang Liksyong ito
Download Pdf

Hapon ng Sabbath Agosto 17

Talatang Sauluhin:

“ Sapagka't ang Anak ng tao rin naman ay hindi naparito upang paglingkuran, kundi upang maglingkod, at ibigay ang kaniyang buhay na pangtubos sa marami.” KJV - Marcos 10:45


“Ang tunggalian sa kung sino ang nararapat na maging pinakadakila ay tila nababangon na namang muli sa kanila, nang tinawag sila ni Jesus, at sinabi, “Nalalaman ninyo na yaong mga inaaring mga pinuno ng mga Gentil ay nangapapapanginoon sa kanila; at ang sa kanila'y mga dakila ay nagsisigamit ng kapamahalaan sa kanila. Datapuwa't sa inyo ay hindi gayon.” DA 550.1

“Sa kaharian sa sanlibutan, ang posisyon ay katumbas ng pagpaparangal sa sarili. Na ang mga tao ay umiiral para sa kapakinabangan ng mga taong namumuno. Ang impluwensya, kayamanan, edukasyon, ay mga kaparaanan upang magkaroon ng kapangyarihan na kontrolin ang masa para sa ikapapakinabang ng mga namumuno. Na ang mga nasa matataas na posisyon ay yaong magpapasya, magpapakasaya, at mamumuno; at ang mga nasa mababang antas ay susunod at maglilingkod. Ang relihiyon, tulad ng ibang bagay, ay nagbibigay importansya din sa awtoridad. Ang mga tao ay inaasahang maniwala at tanggapin nakasanayan ng mga namumuno. Ang karapatan ng tao bilang tao, na mag-isip at kumilos para sa kanyang sarili, ay ganap na hindi kinikilala. DA 550.2

“Si Cristo ay nagtatag ng isang kaharian na may taglay na ibang prinsipyo. Tinawag Niya ang mga tao, hindi sa awtoridad, kundi sa paglilingkod, ang malalakas upang pasanin ang mga kahinaan ng mahihina. Ang kapangyarihan, posisyon, talento, edukasyon, ay naglalagay sa mga nagmamay-ari dito sa ilalim ng mas malaking obligasyong maglingkod sa kanyang kapwa. Maging sa pinakamababa sa mga ‘lingkod ni Cristo ay sinasabi, “Sapagka't ang lahat ng mga bagay ay dahil sa inyo. 2 Corinto 4:15 . DA 550.3

“Sapagka't ang Anak ng tao rin naman ay hindi naparito upang paglingkuran, kundi upang maglingkod, at ibigay ang kaniyang buhay na pangtubos sa marami.” Sa Kanyang mga alagad, si Cristo ay isang tagapag-alaga, ang tagapagbata ng pasanin. Nakibahagi Siya sa kanilang kahirapan, Siya ay nagsagawa ng pagtanggi sa sarili para sa kanila, Siya ay nauna sa kanila upang padaliin ang mas mahihirap na tatahakin, at sa huli ay Kanyang gagawin ang Kanyang gawain sa lupa sa pamamagitan ng pag-aalay ng Kanyang buhay. Ang prinsipyo na kumilos kay Cristo ay ang siya ring kikilos sa mga miyembro ng iglesia na Kanyang kinakatawan. Ang plano at batayan ng kaligtasan ay pag-ibig. Sa kaharian ni Cristo ang mga pinakadakila ay yaong sumusunod sa halimbawang ibinigay Niya, at kumikilos bilang mga pastol ng Kanyang kawan. DA 550.4

“Ang mga salita ni Pablo ay naghahayag ng tunay na dignidad at karangalan ng buhay Kristiyano: “ Bagaman ako ay malaya sa lahat ng mga tao, ay napaalipin ako sa lahat,” “na hindi ko hinahanap ang aking sariling kapakinabangan, kundi ang sa marami, upang sila'y mangaligtas.” 1 Corinto 9:19 ; 10:33 . DA 550.5

“Ukol sa konsensiya, ang kaluluwa ay nararapat na maging malaya. Walang sinuman ang maaaring kumokontrol sa isipan ng iba, humatol para sa iba, o mag-atas ng kanyang tungkulin. Binibigyan ng Diyos ang bawat kaluluwa ng kalayaang mag-isip, at sumunod sa kanyang sariling mga paniniwala. “Ang bawa't isa sa atin ay magbibigay sulit sa Dios ng kaniyang sarili..” Walang sinuman ang may karapatang ianib ang kanyang sariling pagkatao sa iba. Sa lahat ng bagay kung saan nasasangkot ang prinsipyo, “hayaang ang bawa't isa'y magtibay sa kaniyang sariling pagiisip.” Roma 14:12, 5 . Sa kaharian ni Cristo ay walang panginoon na pang-aapi, walang pamimilit sa paraan. Ang mga anghel ng langit ay hindi pumupunta sa lupa upang mamuno, at para bigyang karangalan, kundi bilang mga mensahero ng awa, upang makipagtulungan sa mga tao sa pagtataas sa sangkatauhan.” DA 550.6

Linggo, Agosto 18

Ang Panukala ng Diyos Para sa Pag-aasawa


Basahin Marcos 10:1-12, gayundin ang Genesis 1:27 at Genesis 2:24. Anong bitag ang nagtatago sa ilalim ng katanungan ng mga Fariseo tungkol sa diborsiyo, at anong mga aral ang itinuro ni Jesus sa Kaniyang tugon?

“Sa kaisipan ng isang kabataan, ang pag-aasawa ay nababalot ng pag-iibigan o romansa, at mahirap iwaksi ang katangiang ito, kung saan ang imahinasyon ay sumasaklaw dito, at mahirap ding ikintal sa isipan ang kaakibat na mabibigat na responsibilidad na kasangkot sa panata ng kasal. Ang panatang ito ay nag-uugnay sa tadhana ng dalawang indibiduwal na walang ibang makapaghihiwalay kundi kamatayan lamang.” 4T 506.3

“Ang bawat kasal na pakikipag-ugnayan ay dapat na maingat na isaalang-alang, dahil ang kasal ay isang hakbang na panghabang-buhay. Ang lalaki at babae ay dapat na maingat na pag-isipan kung sila ay makakaugnay sa isa't isa sa kabila ng anumang mga pagbabago sa buhay hangga't silang dalawa ay nabubuhay pa.” 11LtMs, Lt 17, 1896, par. 8

“ Sa mga Hudyo, pinahihintulutan ang isang lalaki na hiwalayan ang kanyang asawa dahil sa pinakamaliit na pagkakasala, at ang babae kung gayon ay malayang mag-asawang muli. Ang gawaing ito ay humantong sa malaking kahabag-habag at kasalanan. Sa Sermon sa Bundok ay malinaw na ipinahayag ni Jesus na hindi maaaring maputol ang ugnayan ng kasal, maliban sa kaso ng hindi katapatan sa panata ng kasal. Sabi Niya, “Datapuwa't sinasabi ko sa inyo, na ang sinomang lalake na ihiwalay ang kaniyang asawa, liban na lamang kung sa pakikiapid ang dahil, ay siya ang sa kaniya'y nagbibigay kadahilanan ng pangangalunya: at ang sinomang magasawa sa kaniya kung naihiwalay na siya ay nagkakasala ng pangangalunya.” Matt 5:32 RV MB 63.1

“Nang tanungin Siya ng mga Pariseo tungkol sa pagiging matuwid ng diborsiyo, itinuro ni Jesus ang Kanyang mga tagapakinig pabalik sa institusyon ng kasal na itinakda sa paglikha. “Sinabi niya sa kanila, Dahil sa katigasan ng inyong puso ay ipinaubaya sa inyo ni Moises na inyong hiwalayan ang inyong mga asawa: datapuwa't buhat sa pasimula ay hindi gayon.” Mateo 19:8 . Tinuro Niya sila sa mapagpalang mga araw sa Eden, nang ipahayag ng Diyos ang lahat ng bagay na “napakabuti.” Ang kasal at ang Sabbath sa pasimula, ay kambal na institusyon na itinatag para sa kaluwalhatian ng Diyos sa kapakinabangan ng sangkatauhan. At nang ang Manlilikha ay nagsanib sa mga kamay ng banal na mag-asawa sa pag-aasawa, na nagsasabing, “Kaya't iiwan ng lalake ang kaniyang ama at ang kaniyang ina, at makikipisan sa kaniyang asawa: at sila'y magiging isang laman.” ( Genesis 2:24 ), Kanyang sinabi ang batas ng kasal para sa lahat ng mga anak ni Adan hanggang sa katapusan ng panahon. Ang sinabi mismo ng Amang Walang Hanggan na mabuti ay ang batas ng pinakamataas na pagpapala at pag-unlad para sa tao. MB 63.2 “Si Jesus ay naparito sa ating mundo upang ituwid ang mga pagkakamali at ibalik ang moral na imahe ng Diyos sa tao. Ang mga maling kaisipan tungkol sa kasal ay nakahanap ng puwang sa isipan ng mga nagtuturo sa Israel. Winawalang bisa nila ang sagradong institusyon ng kasal. Ang mga lalaki ay nagiging napakatigas ng puso, na sa mabababaw na dahilan, ay humihiwalay sa kanyang asawa, o, kung pipiliin niya, ay ihihiwalay niya ito sa mga anak at paalisin siya. Ito ay itinuturing na isang malaking kahihiyan, at kadalasang sinasamahan ng pinaka matinding pagdurusa sa bahagi ng inihiwlay.” 14LtMs, Ms 16, 1899, par. 10

“Si Cristo ay naparito hindi upang sirain ang kautusan, kundi upang tuparin ang bawat detalye nito. Siya ay naparito upang wakasan at wasakin ang mga gawa ng pang-aapi na nasusumpungan sa lahat ng dako. Ito ay ganap na naaayon sa Kanyang katangian at gawain upang ipaalam ang katotohanan na ang kasal ay isang sagrado at banal na institusyon.” 14LtMs, Ms 16, 1899, par. 31

Monday, August 12

Jesus and Children


Read Mark 10:13-16. What did Jesus do for those who brought children to Him?

“Sa kaisipan ng isang kabataan, ang pag-aasawa ay nababalot ng pag-iibigan o romansa, at mahirap iwaksi ang katangiang ito, kung saan ang imahinasyon ay sumasaklaw dito, at mahirap ding ikintal sa isipan ang kaakibat na mabibigat na responsibilidad na kasangkot sa panata ng kasal. Ang panatang ito ay nag-uugnay sa tadhana ng dalawang indibiduwal na walang ibang makapaghihiwalay kundi kamatayan lamang.” 4T 506.3

“Ang bawat kasal na pakikipag-ugnayan ay dapat na maingat na isaalang-alang, dahil ang kasal ay isang hakbang na panghabang-buhay. Ang lalaki at babae ay dapat na maingat na pag-isipan kung sila ay makakaugnay sa isa't isa sa kabila ng anumang mga pagbabago sa buhay hangga't silang dalawa ay nabubuhay pa.” 11LtMs, Lt 17, 1896, par. 8

“ Sa mga Hudyo, pinahihintulutan ang isang lalaki na hiwalayan ang kanyang asawa dahil sa pinakamaliit na pagkakasala, at ang babae kung gayon ay malayang mag-asawang muli. Ang gawaing ito ay humantong sa malaking kahabag-habag at kasalanan. Sa Sermon sa Bundok ay malinaw na ipinahayag ni Jesus na hindi maaaring maputol ang ugnayan ng kasal, maliban sa kaso ng hindi katapatan sa panata ng kasal. Sabi Niya, “Datapuwa't sinasabi ko sa inyo, na ang sinomang lalake na ihiwalay ang kaniyang asawa, liban na lamang kung sa pakikiapid ang dahil, ay siya ang sa kaniya'y nagbibigay kadahilanan ng pangangalunya: at ang sinomang magasawa sa kaniya kung naihiwalay na siya ay nagkakasala ng pangangalunya.” Matt 5:32 RV MB 63.1

“Nang tanungin Siya ng mga Pariseo tungkol sa pagiging matuwid ng diborsiyo, itinuro ni Jesus ang Kanyang mga tagapakinig pabalik sa institusyon ng kasal na itinakda sa paglikha. “Sinabi niya sa kanila, Dahil sa katigasan ng inyong puso ay ipinaubaya sa inyo ni Moises na inyong hiwalayan ang inyong mga asawa: datapuwa't buhat sa pasimula ay hindi gayon.” Mateo 19:8 . Tinuro Niya sila sa mapagpalang mga araw sa Eden, nang ipahayag ng Diyos ang lahat ng bagay na “napakabuti.” Ang kasal at ang Sabbath sa pasimula, ay kambal na institusyon na itinatag para sa kaluwalhatian ng Diyos sa kapakinabangan ng sangkatauhan. At nang ang Manlilikha ay nagsanib sa mga kamay ng banal na mag-asawa sa pag-aasawa, na nagsasabing, “Kaya't iiwan ng lalake ang kaniyang ama at ang kaniyang ina, at makikipisan sa kaniyang asawa: at sila'y magiging isang laman.” ( Genesis 2:24 ), Kanyang sinabi ang batas ng kasal para sa lahat ng mga anak ni Adan hanggang sa katapusan ng panahon. Ang sinabi mismo ng Amang Walang Hanggan na mabuti ay ang batas ng pinakamataas na pagpapala at pag-unlad para sa tao. MB 63.2 “Si Jesus ay naparito sa ating mundo upang ituwid ang mga pagkakamali at ibalik ang moral na imahe ng Diyos sa tao. Ang mga maling kaisipan tungkol sa kasal ay nakahanap ng puwang sa isipan ng mga nagtuturo sa Israel. Winawalang bisa nila ang sagradong institusyon ng kasal. Ang mga lalaki ay nagiging napakatigas ng puso, na sa mabababaw na dahilan, ay humihiwalay sa kanyang asawa, o, kung pipiliin niya, ay ihihiwalay niya ito sa mga anak at paalisin siya. Ito ay itinuturing na isang malaking kahihiyan, at kadalasang sinasamahan ng pinaka matinding pagdurusa sa bahagi ng inihiwlay.” 14LtMs, Ms 16, 1899, par. 10

“Si Cristo ay naparito hindi upang sirain ang kautusan, kundi upang tuparin ang bawat detalye nito. Siya ay naparito upang wakasan at wasakin ang mga gawa ng pang-aapi na nasusumpungan sa lahat ng dako. Ito ay ganap na naaayon sa Kanyang katangian at gawain upang ipaalam ang katotohanan na ang kasal ay isang sagrado at banal na institusyon.” 14LtMs, Ms 16, 1899, par. 31

Lunes , Agosto 12

Si Jesus at ang mga Bata


Basahin ang Marcos 10:13-16. Ano ang ginawa ni Jesus para sa mga nagdala ng mga bata sa Kanya?

“Si Jesus ay umiibig sa mga bata. Tinanggap niya ang kanilang parang bata na pakikiramay at ang kanilang bukas, at wagas na pag-ibig. Ang nagpapasalamat na papuri mula sa kanilang dalisay na mga labi ay musika sa Kanyang mga tainga, at nagpapaginhawa sa Kanyang espiritu kapag Siya ay sinisiil ng mga tuso at mapagkunwaring mga tao. Saanman maparoon ang Tagapagligtas, ang kagandahang-loob ng Kanyang mukha, at ang Kanyang banayad, at mabait na pakikitungo ay pumupukaw sa pag-ibig at pagtitiwala ng mga bata. DA 511.1

“Sa mga Hudyo ay nakaugalian na ang mga bata ay dalhin sa ilang rabi, upang maipatong niya ang kanyang mga kamay sa kanila bilang pagpapala; ngunit iniisip ng mga alagad ng Tagapagligtas na ang Kanyang gawain ay masyadong mahalaga upang maantala sa ganitong paraan. Nang ang mga ina ay lumapit sa Kanya kasama ang kanilang maliliit na bata, ang mga disipulo ay tumingin sa kanila nang may hindi pagsang-ayon. Inisip nila na napakabata pa ng mga batang ito para makinabang sa pagbisita kay Jesus, at napagpasyahan nila na hindi Siya malulugod sa kanilang presensya. Ngunit hindi Siya nasiyahan sa ginawang ito ng mga alagad. Nauunawaan ng Tagapagligtas ang pangangalaga at pasanin ng mga ina na naghahangad na sanayin ang kanilang mga anak ayon sa salita ng Diyos. Narinig Niya ang kanilang mga panalangin. Siya mismo ang nagdala sa kanila sa Kanyang presensya. DA 511.2

“Isang ina kasama ang kanyang anak ang umalis sa kanyang tahanan upang hanapin si Jesus. Sa daan ay sinabi niya sa isang kapitbahay ang kanyang gawain, at nais ng kapitbahay na pagpalain ni Jesus ang kanyang mga anak. Kaya’t nagsama-sama ang ilang mga ina, kasama ang kanilang mga anak. Ang ilan sa mga bata ay lumampas sa mga taon ng kamusmusan hanggang sa pagkabata at kabataan. Nang ipaalam ng mga ina ang kanilang naisin, narinig ni Jesus ng may simpatiya ang nangingimi nilang pagsusumamo. Ngunit hinintay Niya kung paano sila pakikitunguhan ng mga alagad. Nang makita Niya na pinaalis nila ang mga ina, na iniisip na bigyan Siya ng isang pabor, ipinakita Niya sa kanila ang kanilang pagkakamali, na sinasabi, “Pabayaan ninyong magsilapit sa akin ang maliliit na bata, at huwag ninyo silang pagbawalan: sapagka't sa mga ganito nauukol ang kaharian ng Dios.” Kinalong Niya ang mga bata, ipinatong Niya ang Kanyang mga kamay sa kanila, at ibinigay sa kanila ang pagpapala na kanilang sinadya. DA 511.3

“Ang mga ina ay naaliw. Umuwi sila sa kanilang mga tahanan na may bagong lakas at pinagpala sa mga salita ni Cristo. Nahikayat silang batahin ang kanilang pasanin nang may bagong kagalakan, at gumawa nang may pag-asa para sa kanilang mga anak. Ang mga ina sa ngayon ay dapat tumanggap ng Kanyang mga salita nang may parehong pananampalataya. Si Cristo ay tunay na isang personal na Tagapagligtas ngayon gaya noong Siya ay nagkatawang-tao at namuhay sa gitna ng mga tao. Siya ay tunay na katuwang ng mga ina ngayon gaya noong tinipon Niya ang maliliit na bata sa Kanyang mga bisig sa Judea. Ang ating mga anak ay mga tinubos ng Kanyang dugo gaya ng mga anak noong unang panahon. DA 512.1

“Alam ni Jesus ang pasanin ng puso ng bawat ina. Siya na may ina na dumanas ng kahirapan at kasalatan ay nakauunawa sa pinagdadaanan sa bawat ina sa kanyang mga paghihirap. Siya na tumungo sa mahabang paglalakbay upang maibsan ang pagkabalisa ng puso ng isang babaeng Canaanita ay gagawa ng gayon din para sa mga ina sa panahon ngayon. Siya na nagbalik sa balo ng Nain ng kanyang kaisa-isang anak na lalaki, at na sa Kanyang paghihirap sa krus ay naalaala ang Kanyang sariling ina, ay naantig ngayon sa kalungkutan ng mga ina. Sa bawat kalungkutan at bawat pangangailangan Siya ay magbibigay ng aliw at tulong. DA 512.2

“Hayaan ang mga ina na lumapit kay Jesus dala ang kanilang mga pasanin. Sila ay makasusumpong ng sapat na biyaya upang tulungan sila sa pagpapalaki sa kanilang mga anak. Ang mga pintuan ay bukas para sa sinumang ina na maglalagay ng kanyang mga pasanin sa paanan ng Tagapagligtas. Siya na nagsabing, “Pabayaan ninyong magsilapit sa akin ang maliliit na bata, at huwag ninyo silang pagbawalan,” ay patuloy na nagaanyaya sa mga ina na akayin ang kanilang maliliit na bata upang pagpalain Niya. Maging ang sanggol sa mga bisig ng kanyang ina ay maaaring manahan sa ilalim ng anino ng Makapangyarihan sa pamamagitan ng pananampalataya ng nagdarasal na ina. Si Juan Bautista ay napuspos ng Banal na Espiritu mula sa kanyang kapanganakan. Kung mamumuhay tayo sa pakikipag-isa sa Diyos, makaaasa rin tayo na ang banal na Espiritu ang gagabay sa ating maliliit na anak, kahit na mula pa sa kanilang pinakamaagang sandali. DA 512.3

“Sa mga bata na nadala sa Kanya, nakikita ni Jesus ang mga lalaki at babae na dapat maging tagapagmana ng Kanyang biyaya at mga sakop ng Kanyang kaharian, at ang ilan sa kanila ay magiging mga martir para sa Kanyang kapakanan. Alam Niya na ang mga batang ito ay makikinig sa Kanya at tatanggap sa Kanya bilang kanilang Manunubos nang higit pa kaysa sa mga matatandang tao, na marami sa kanila ay mga makamundo at matigas ang puso. Sa Kanyang pagtuturo ay bumaba Siya sa kanilang antas. Siya, ang Kamahalan ng langit, ay hindi hinamak na sagutin ang kanilang mga tanong, at pinasimple ang Kanyang mahahalagang aral upang matugunan ang kanilang pagkaunawang bata. Itinanim Niya sa kanilang isipan ang mga binhi ng katotohanan, na sa paglipas ng mga taon ay sisibol, at magbubunga tungo sa buhay na walang hanggan. DA 512.4

“Tunay nga na ang mga bata ang mas madaling tumanggap sa mga turo ng ebanghelyo; ang kanilang mga puso ay bukas sa mga banal na impluwensya, at may sapat na lakas upang panatilihin ang mga aral na natanggap. Ang maliliit na bata ay maaaring mga Kristiyano, na may karanasan ayon sa kanilang edad. Kailangan silang turuan sa espirituwal na mga bagay, at dapat bigyan sila ng mga magulang ng lahat ng mabuting bagay, upang sila ay magkaroon ng mga katangian ayon sa pagkakatulad ng katangian ni Cristo. ” DA 515.1

Martes, Agosto 20

Ang Pinakamabuting Pamumuhunan


Basahin ang Marcos 10:17-31. Anong mahahalagang aral tungkol sa pananampalataya at halaga ng pagiging alagad—para sa sinuman, mayaman o mahirap—ang inilalahad dito?

“Binigyan ni Cristo ng pagsubok ang taong ito. Tinawag siya upang pumili sa pagitan ng makalangit na kayamanan at makamundong kadakilaan. Ang makalangit na kayamanan ay tiniyak sa kanya kung susundin niya si Cristo. Ngunit ang sarili ay dapat magpasakop; ang kanyang kalooban ay dapat isuko sa kontrol ni Cristo. Ang mismong kabanalan ng Diyos ay inialay sa batang pinuno. Nagkaroon siya ng pribilehiyong maging anak ng Diyos, at kasamang tagapagmana ni Cristo sa makalangit na kayamanan. Ngunit kailangan niyang pasanin ang krus, at sundin ang Tagapagligtas sa landas ng pagtanggi sa sarili. DA 519.5

“Ang mga salita ni Cristo ay tunay na paanyaya sa pinuno, “Piliin ninyo sa araw na ito kung sino ang inyong paglilingkuran.” Josue 24:15 . Ang pagpili ay nasasa kanya. Si Jesus ay nagnanais para sa kanyang pagbabagong loob. Inihayag Niya sa kanya ang problemang iyon sa kanyang pagkatao, at may malalim na interes Kaniyang tinunghayan ang binata habang tinitimbang-timbang ang katanungan! Kung magpasya siyang sumunod kay Cristo, dapat niyang sundin ang Kanyang mga salita sa lahat ng bagay. Dapat niyang talikuran ang kanyang mga ambisyosong proyekto. Sa anong marubdob na pananabik, pag-ibig sa kaluluwang iyon, ang Tagapagligtas ay tumingin sa binata, umaasa na siya ay susuko sa paanyaya ng Espiritu ng Diyos! DA 520.1

“Binigay ni Cristo ang tanging mga termino na maaaring magdulot sa pinuno upang makamit ang dalisay na katangiang Kristiyano. Ang kanyang mga salita ay mga salita ng karunungan, bagaman ang mga ito ay tila mabigat. Ang pagtanggap at pagsunod sa mga ito ang tanging pag-asa ng pinuno tungo sa kaligtasan. Ang kanyang mataas na posisyon at mga ari-arian ay nagdudulot ng hindi nahahalatang masamang impluwensya sa kanyang pagkatao. Kung hindi iwawaksi, hahalili ang mga ito sa kanyang pag-ibig sa Diyos. Ang pag-iwas ng kaunti o lubha mula sa Diyos ay ang pag-iingat sa mga bagay na makapagpapababa sa moral na lakas at kahusayan; sapagkat kung ang mga bagay sa sanlibutang ito ay iibigin, gaano man ito kalaki o kaliit, ang mga ito ay makapagpapahina sa atin. DA 520.2

“ Mabilis na naunawaan ng tagapamahala ang lahat ng nakapaloob sa mga salita ni Cristo, at nalungkot siya. Kung napagtanto lamang niya ang halaga ng inialay na kaloob, agad sana niyang itinala ang sarili bilang isa sa mga tagasunod ni Cristo. Siya ay isang miyembro ng pinararangalang konseho ng mga Hudyo, at siya ay tinutukso ni Satanas sa pamamagitan ng magagandang alok sa hinaharap. Ibig niya ang makalangit na kayamanan, ngunit iniibig din niya ang mga temporal na mga pakinabang na idudulot sa kanya ng kanyang kayamanan. Ikinalulungkot niya na ang gayong mga kondisyon ay umiral; ninanais niya ang buhay na walang hanggan, ngunit ayaw niyang magsakripisyo. Ang kapalit ng buhay na walang hanggan ay tila napakalaki, at siya ay umalis na malungkot; “sapagka't siya'y isang may maraming pag-aari.” DA 520.3

“Ang kanyang pag-aangkin na sinunod niya ang utos ng Diyos ay isang panlilinlang. Ipinakita niya na ang kayamanan ang kanyang diyus-diyosan. Hindi niya kayang sundin ang mga utos ng Diyos kung ang sanlibutan ay una sa kanyang iniibig. Minahal niya ang mga kaloob ng Diyos nang higit pa sa pagmamahal niya sa Tagabigay. Inalok ni Cristo ang binata ng pakikiisa sa Kanya. “Sumunod ka sa Akin,” sabi niya. Ngunit ang Tagapagligtas ay hindi kasing halaga ng kanyang posisyon o ang pagkilala sa kanya ng mga tao o ng kanyang mga tinatangkilik. Ang pagsuko sa kanyang makalupang kayamanan, na nakikita, kapalit ng makalangit na kayamanan, na hindi nakikita, ay napakalaking pagsubok sa kanya. Tinanggihan niya ang alok ng buhay na walang hanggan, at umalis, at magpakailanman ay tatanggapin ng mundo ang kanyang pagsamba. Libu-libo ang dumaraan sa gayunding pagsubok, na tinitimbang ang importansya ni Cristo laban sa alok ng mundo; at marami ang pumipili sa mundo. Tulad ng batang pinunong ito, tumatalikod sila sa Tagapagligtas, na sinasabi sa kanilang mga puso, Hindi ko magiging pinuno ang Taong ito. DA 520.4

“Ang pakikitungo ni Cristo sa binata ay nagpapakita ng isang aral. Binigyan tayo ng Diyos ng tuntunin ng pag-uugali na dapat sundin ng Kanyang mga lingkod. Ang pagsunod sa Kanyang kautusan ay hindi lamang ayon sa legal na pagsunod dito, kundi isang pagsunod na na sumasakop sa pamumuhay, at ito ay nahahayag sa pamamagitan ng pagkatao. Ang Diyos ay nagtakda ng pamantayan ng pagkatao para sa lahat ng magpapasailalim sa Kanyang kaharian. Tanging ang mga magiging kamanggagawa ni Cristo, tanging ang magsasabing, Panginoon, ang lahat ng mayroon ako at ang lahat ng ako ay sa Iyo, ang kikilalanin bilang mga anak ng Diyos. Dapat isaalang-alang ng lahat kung ano ang ibig sabihin ng paghahangad sa langit, ngunit tumalikod naman sa mga kondisyong hinihingi nito. Isipin kung ano ang ibig sabihin ng pagsasabi ng “Hindi” kay Cristo. Sinabi ng pinuno, Hindi, hindi ko maibibigay sa Iyo ang lahat. Ganoon din ba ang ating masasabi? Nag-aalok ang Tagapagligtas na maging kabahagi sa gawaing ibinigay sa atin ng Diyos. Nag-aalok Siya na ipagamit sa atin ang mga yamang ipinagkaloob ng Diyos upang isulong ang Kanyang gawain sa sanlibutan. Sa ganitong paraan lamang Niya tayo maililigtas. DA 523.1

“ Ang mga ari-arian ng pinuno ay ipinagkatiwala sa kanya upang mapatunayan niya ang kanyang sarili na isang tapat na katiwala; dapat niyang ibigay ang mga yamang ito para sa pagpapala ng mga nangangailangan. Kaya't ngayon ay ipinagkakatiwala ng Diyos sa mga tao ang yaman, ng mga talento at pagkakataon, upang sila ay maging Kanyang mga kinatawan sa pagtulong sa mga dukha at sa mga nagdurusa. Siya na gumagamit sa mga kaloob na ito sa paraang itinalaga ng Diyos ay nagiging kamanggagawa ng Tagapagligtas. Siya ay nakapagdadala ng mga kaluluwa kay Cristo, sapagka’t siya ay isang kinatawan ng Kanyang katangian. DA 523.2

“Sa mga taong, tulad ng batang pinuno, na nasa matataas na posisyon at may malalaking pag-aari, maaaring tila napakalaking sakripisyo upang isuko ang lahat ng ito upang sumunod kay Cristo. Ngunit ito ang tuntunin para sa lahat ng magiging alagad Niya. Walang anumang pagsunod na hindi ganap ang tatanggapin. Ang pagsuko sa sarili ang pinakabuod ng katuruan ni Cristo. Kadalasan ito ay inilalahad at iniuutos sa wikang tila may awtoridad, dahil walang ibang paraan upang iligtas ang tao kundi ang iwaksi ang mga bagay na, kung patuloy na tatamasahin ay magpapapahina sa moral ng buong pagkatao. DA 523.3

“Kapag ang mga tagasunod ni Cristo ay nagbabalik ng ukol sa Panginoon, sila ay nag-iipon ng kayamanan na ibibigay sa kanila kapag narinig nila ang mga salitang, “Mabuting gawa, mabuti at tapat na alipin... pumasok ka sa kagalakan ng iyong panginoon.” “na siya dahil sa kagalakang inilagay sa harapan niya ay nagtiis ng krus, na niwalang bahala ang kahihiyan, at umupo sa kanan ng luklukan ng Dios.” Mateo 25:23 ; Hebreo 12:2 . Ang kagalakang masaksihan ang katubusan ng mga kaluluwa, ang mga kaluluwang walang hanggang iniligtas, ay ang gantimpala ng lahat ng sumusunod sa Kanyang mga yapak na nagsabi, “Sumunod ka sa Akin.” DA 523.4

Huwebes , Agosto 22

“Ano ang Ibig Mong Gawin Ko Para sa Iyo?”


Basahin ang Marcos 10:46-52. Ano ang naging reaksiyon ni Bartimeo sa pagdaan ni Jesus?

“At sumagot sa kaniya si Jesus, at sinabi, Ano ang ibig mong gawin ko sa iyo? At sinabi ng lalaking bulag, Raboni, na tanggapin ang aking paningin.” KJV - Marcos 10:51

“Tanging kapag naunawaan ng isang makasalanan ang pangangailangan niya sa isang Tagapagligtas, na ang kanyang puso ay sasakanya na makakatulong sa kanya. Nang si Jesus ay lumakad sa gitna ng mga tao, ang mga maysakit ang nagnanais ng isang manggagamot. Ang mga dukha, ang nagdadalamhati at naghihirap, ay sumunod sa kanya, upang tumanggap ng tulong at kaaliwan na hindi nila mahanap sa ibang lugar. Ang bulag na si Bartimeo ay naghihintay sa tabi ng daan; matagal na siyang naghintay para makilala si Cristo. Ang mga pulutong ng mga tao na nagtataglay ng kanilang mga paningin ay dumadaan sa paroo't parito, ngunit wala silang pagnanais na makita si Jesus. Ang isang tingin ng pananampalataya ay makaaantig sa kanyang puso ng pag-ibig, at magdadala sa kanila ng mga pagpapala ng kanyang biyaya; ngunit hindi nila batid ang sakit at kahirapan ng kanilang mga kaluluwa, at hindi nila nararamdaman ang pangangailangan kay Cristo. Hindi ganoon sa kawawang bulag. Ang tanging pag-asa niya ay na kay Hesus. Habang naghihintay at nagmamasid, naririnig niya ang yapak ng maraming paa, at may pananabik siyang nagtatanong, Ano ang ibig sabihin nitong ingay ng paglalakbay? Sumasagot ang mga nakatayo na “Si Jesus na taga-Nazaret ay dumaraan.” Sa pananabik ng matinding pagnanasa, sumigaw siya, “Jesus, ikaw na anak ni David, mahabag ka sa akin.!” Sinubukan nilang patahimikin siya, ngunit lalo siyang sumigaw, “Anak ni David, mahabag ka sa akin!” Dininig ang samo na ito. Ang kanyang matiyagang pananampalataya ay ginantimpalaan. Hindi lamang naibalik ang pisikal na paningin, ngunit ang mga mata ng kanyang pang-unawa ay nabuksan. Kay Cristo ay nakita niya ang kanyang Manunubos, at ang Araw ng katuwiran ay sumisikat sa kanyang kaluluwa. Ang lahat ng nakadarama ng kanilang pangangailangan kay Cristo gaya ng bulag na si Bartimeo, at magiging kasing taimtim at determinado gaya niya, ay, tulad niya, ay tatanggap ng pagpapalang hinahangad nila. RH Marso 15, 1887, par. 3

“Ang mga nagdurusa, naghihirap na nagsaliksik kay Cristo bilang kanilang tulong, ay nabighani ng banal na kasakdalan, ang kagandahan ng kabanalan, na nagniningning sa kanyang pagkatao. Ngunit ang mga Pariseo ay hindi makakita ng kagandahan sa kanya na dapat nila siyang hangarin. Ang kanyang simpleng kasuotan, at mapagpakumbabang buhay, na walang panlabas pagmamataas, ay tila isang ugat sa tuyong lupa para sa kanila.” RH Marso 15, 1887, par. 4

“ Ang mga tumatanggap kay Cristo sa pamamagitan ng pananampalataya ay tatanggap din ng kapangyarihang upang maging mga anak ng Diyos.” 72 SD 126.5

Biyernes, Agosto 23

Karagdagang Kaisipan

Upang maging isang Kristiyano sa paningin ng Diyos hindi mo dapat purihin ang iyong sarili, ngunit purihin ang Diyos at ang Kanyang kabutihan. Huwag kailanman ipagmalaki ang iyong sariling mga interes at tagumpay, ngunit ipagmalaki ang sa Diyos. Huwag subukang itaas ang iyong sariling interes, ngunit laging subukang itaas ang sa Diyos. Huwag kailanman manalangin para sa liwanag upang malaman kung ano ang gagawin, at kung saan pupunta upang ang iyong negosyo, ang iyong mga interes ay umunlad, bagkus manalangin para sa liwanag na tulungan ka ng Diyos na gawin ang bagay o pumunta sa lugar kung saan ka pinakamahusay na makagaganap sa Kanyang layunin, na pamunuan ka Niya at turuan kung paano isulong ang Kanyang kaharian. Sa gayong paraan mo lamang, makikita na hindi ka maliligaw! Anumang motibo maliban dito ay magdadala sa iyo sa lugar na hindi itinalaga ng Diyos sa iyo, kung saan iyong babatahin ang mga sariling pasanin na hiwalay sa Kanya.

Kapag ang mga bagay ay sumasalungat sa kalooban at paraan ng isang tao ngayon, karamihan sa mga Kristiyano ay nagpapalagay na dahil ito sa Diyablo. Tanging kapag ang mga bagay ay naaayon sa kanilang kagustuhan, sila ay nagbibigay ng papuri sa Diyos! Maging si Balaam ay natuwa nang ang daan ay bumukas para sa kanya upang pumunta kay Balak, ngunit nang harangin ng anghel ng Panginoon ang daang kanyang tinatahak, si Balaam, ay nagalit at sinaktan ang asno.

Hindi, walang iba kundi ikaw mismo ang makakahadlang sa mga plano ng Diyos para sa iyo. Maging ang iyong mga kaibigan o iyong mga kaaway, maging ito ay mga hayop o mga hari, silang lahat ay maaaring gamitin nang hindi sinasadya man o sinasadya para sa iyong ikabubuti sa halip na para sa iyong pinsala kung ginagawa mo ang utos ng Diyos. Napakayamang mapagkukunan ng Langit! At sino ang nakakaalam nito!

Alalahanin mo ngayon, na anuman ang maaaring humadlang sa iyong daan, maging ang Dagat na Pula o ang Ilog ng Jordan, maging ito ay isang bundok o maging isang disyerto, ito ay magiging iyong pinakatuntunang bato.

Tulad nito ang katuwiran ng Panginoon, at maaari mong makuha ito kapalit ng iyong sariling katuwiran. Pagkatapos ay masusumpungan mo ang mga daan ng Panginoon na mas mataas kaysa sa iyo gaya ng mas mataas ang Langit kaysa sa lupa. Kapag nangyari ito, doon mo mauunawaan at masasabi, “Ang Panginoon ang ating Katuwiran.”

“Iyong iingatan siya sa lubos na kapayapaan, na ang pagiisip ay sumasa iyo: sapagka't siya'y tumitiwala sa iyo. Magsitiwala kayo sa Panginoon magpakailan man: sapagka't nasa Panginoong Jehova ang walang hanggang bato. Sapagka't ibinaba niya sila na nagsisitahan sa itaas, na mapagmataas na bayan: kaniyang ibinaba, ibinaba hanggang sa lupa: kaniyang ibinagsak hanggang sa alabok.Yayapakan ng paa, sa makatuwid baga'y ng mga paa ng dukha, at ng mga hakbang ng mapagkailangan.”Isa. 26:3-6.