Pagtuturo sa mga Alagad: Unang Bahagi

Liksyon 7, Ikatlong Trimestre Agosto 10-16, 2024

img rest_in_christ
Ibahagi ang Liksyong ito
Download Pdf

Hapon ng Sabbath Agosto 10

Talatang Sauluhin:

“ At pinalapit niya sa kaniya ang karamihan pati ng kaniyang mga alagad, at sa kanila'y sinabi, Kung ang sinomang tao ay ibig sumunod sa akin, ay tumanggi sa kaniyang sarili, at pasanin ang kaniyang krus, at sumunod sa akin..” KJV - Marcos 8:34


“ Ang mga tagpong Kanyang kakaharapin ay lingid pa sa kaalaman ng mga piling taong kasama Niya sa Kanyang pagmiministeryo ngunit malapit na ang panahon kung kailan kanilang mamamalas ang Kanyang magiging paghihirap. Masasaksihan nila na ang kanilang minahal at pinagtiwalaan ay mabibigay sa mga kamay ng Kanyang mga kaaway, at ipapako sa krus ng Kalbaryo. Sa madaling panahon ay iiwanan Niya sila upang harapin ang sanlibutan nang wala ang Kanyang literal na presensya. Batid Niya kung gaano sila uusigin ng matinding poot at kawalan ng pananampalataya, at ninanais Niyang ihanda sila para mga pagsubok na ito.” DA 410.3

“Ninanais Niyang sabihin sa kanila ang pagdurusa na naghihintay sa Kanya. Ngunit una sa lahat, Siya ay umalis na mag-isa, at pinanalangin upang ang kanilang mga puso ay maging handa na tanggapin ang Kanyang mga salita. Sa pagsama sa kanila, hindi Niya kaagad ipinaalam ang nais Niyang ibahagi. Bago gawin ito, binigyan Niya sila ng pagkakataong ipahayag ang kanilang pananampalataya sa Kanya upang sila ay mapalakas para sa darating na pagsubok. Tinanong niya, “Ano baga ang sabi ng mga tao kung sino ang Anak ng tao?” DA 411.2

“Si Jesus ay nagbigay ng pangalawang tanong, na may kinalaman sa mga disipulo mismo: “Datapuwa't, ano ang sabi ninyo kung sino ako?” At sumagot si Simon Pedro at sinabi, Ikaw ang Cristo, Ang anak ng Dios na buhay.” DA 411.4

“At sumagot si Jesus at sa kaniya'y sinabi, Mapalad ka, Simon Bar-Jonas: sapagka't hindi ipinahayag sa iyo ito ng laman at ng dugo, kundi ng aking Ama na nasa langit.” DA 412.2

“Pagkatapos ng pagtatapat ni Pedro, inutusan ni Jesus ang mga alagad na huwag sabihin kanino man na Siya ang Cristo. Ang utos na ito ay ibinigay dahil sa determinadong pagsalansang ng mga eskriba at mga Pariseo laban sa kanya. Higit pa rito, ang mga tao, at maging ang mga alagad, ay may maling pagkaunawa ukol sa Mesiyas kung kaya’t ang lantarang paghahayag nito ay hindi makatutulong na magbigay sa kanila ng tunay na ideya ng Kanyang katangian o Kanyang gawain. Ngunit araw-araw ay inihahayag Niya ang Kanyang sarili sa kanila bilang Tagapagligtas, at sa gayon ay ninais Niyang bigyan sila ng tamang kaunawaan ukol sa Kaniyang pagiging Mesiyas. ” DA 414.4

Linggo, Agosto 11

Nakikita ng Malinaw


Basahin ang Marcos 8:22-30. Bakit nangangailangan si Jesus ng dalawang paghipo upang pagalingin ang bulag, at anong mga aral ang lumabas sa salaysay na ito?

“At sa pagdaraan niya, ay nakita niya ang isang lalaking bulag mula sa kaniyang kapanganakan. At itinanong sa kaniya ng kaniyang mga alagad, na nangagsasabi, Rabi, sino ang nagkasala, ang taong ito, o ang kaniyang mga magulang, upang siya'y ipanganak na bulag? Sumagot si Jesus, Hindi dahil sa ang taong ito'y nagkasala, ni ang kaniyang mga magulang man: kundi upang mahayag sa kaniya ang mga gawa ng Dios... Nang masabi niya ang ganito, siya'y lumura sa lupa, at pinapagputik ang lura, at pinahiran ang mga mata niya ng putik, At sinabi sa kaniya, Humayo ka, maghugas ka sa tangke ng Siloe (na kung liliwanagin ay Sinugo). Siya nga'y humayo, at naghugas, at nagbalik na nakakakita.” DA 470.3; Juan 9:1-3, 6-7

“Ang paniniwala ng mga Hudyo tungkol sa kaugnayan ng kasalanan at pagdurusa ay pinanghahawakan din ng mga alagad ni Cristo. Habang itinutuwid ni Jesus ang kanilang pagkakamali, hindi Niya ipinaliwanag ang dahilan ng paghihirap ng lalaki, ngunit sinabi sa kanila kung ano ang magiging resulta. Dahil dito ang mga gawa ng Diyos ay mahahayag. “Samantalang ako'y nasa sanglibutan, ako ang ilaw ng sanglibutan.” Nang magkagayo'y pinahiran niya ang mga mata ng lalaking bulag, at sinugo niya siya upang maghugas sa lawa ng Siloe, at ang paningin ng lalake ay nanumbalik. Kaya't sinagot ni Jesus ang tanong ng mga alagad sa praktikal na paraan, gaya ng karaniwan Niyang sinasagot sa mga tanong na ibinibigay sa Kanya. Ang mga alagad ay hindi nilaan upang talakayin ang tanong kung sino ang nagkasala o hindi nagkasala, ngunit upang maunawaan ang kapangyarihan at awa ng Diyos sa pagbibigay ng paningin sa mga bulag. Malinaw na walang nakapagpapagaling na birtud sa luwad, o sa tangke kung saan ang lalaking bulag ay sinugo upang maghugas, ngunit ang kabutihan ay na kay Cristo. DA 471.4

“Ang mga Pariseo ay hindi napigilang mamangha sa pagpapagaling. Ngunit sila ay higit na napuno ng poot; sapagkat ang himala ay ginawa sa araw ng Sabbath. DA 471.5

“Ang mga kapitbahay nga, at ang nangakakita sa kaniya nang una, na siya'y pulubi, ay nangagsabi, Hindi baga ito ang nauupo at nagpapalimos?” Sila ay tumingin sa kanya ng may pagdududa; sapagkat nang ang kanyang mga mata ay idilat, ang kanyang mukha ay nagbago at lumiwanag, at siya ay tila ibang tao. Mula sa isa't isa ay umusbong ang tanong. Sinabi ng mga iba, Siya nga: sinabi ng mga iba, Hindi, kundi nakakamukha niya. Sinabi niya, Ako nga.” Pagkatapos ay sinabi niya sa kanila ang tungkol kay Jesus, at sa paanong paraan siya ay gumaling, at sila ay nagtanong, “Saan naroon siya? Sabi niya, Hindi ko nalalaman.” DA 471.6

Lunes , Agosto 12

Ang Halaga ng Pagiging Alagad


Basahin ang Marcos 8:31-38. Ano ang itinuturo ni Jesus tungkol sa halaga ng pagsunod kay Cristo?

“Mula ng panahong yao'y nagpasimulang ipinakilala ni Jesus sa kaniyang mga alagad, na kinakailangang siya'y pumaroon sa Jerusalem, at magbata ng maraming bagay sa matatanda at sa mga pangulong saserdote at sa mga eskriba, at siya'y patayin, at muling ibangon sa ikatlong araw.” DA 415.2; Mateo 16:21

“Ang mga alagad ay nakikinig ng may pagdadalamhati at pagkamangha. Tinanggap ni Cristo ang pagkilala ni Pedro sa Kanya bilang Anak ng Diyos; at ngayon ang Kanyang mga salita na tumuturo sa Kanyang pagdurusa at kamatayan ay tila hindi kaunaunawa. Hindi nakayanan ni Pedro na manahimik. Hinawakan niya ang kanyang Guro, na tila hinihila siya palayo sa Kanyang nalalapit na kapahamakan, na nagsasabi, “Panginoon, malayo ito sa iyo: kailan man ay hindi mangyayari ito sa iyo.” DA 415.3

“Sinusubukan ni Satanas na pahinain ang loob ni Jesus, at ilihis Siya sa Kanyang misyon; at si Pedro, sa kanyang bulag na pag-ibig, ay nagbibigay ng tinig sa tukso. Ang prinsipe ng kasamaan ang may-akda ng pag-iisip na iyon. Ang sulsol niya ang nasa likod ng naging pabigla-biglang apela. Sa ilang, inialok ni Satanas kay Cristo ang kapangyarihan sa mundo bilang kahalili sa landas ng kahihiyan at sakripisyo. Ngayon ay hinahain niya ang parehong tukso sa alagad ni Cristo. Sinisikap niyang ituon ang tingin ni Pedro sa makalupang kaluwalhatian, upang hindi niya makita ang krus kung saan nais ni Jesus na ibaling ang kanyang mga mata. At sa pamamagitan ni Pedro, muling idiniin ni Satanas ang tukso kay Jesus. Ngunit hindi ito dininig ng Tagapagligtas; Ang Kanyang kaisipan ay para sa Kanyang mga alagad. Si Satanas ay namagitan sa pagitan ni Pedro at ng kanyang Guro, upang ang puso ng alagad ay hindi maantig sa pangitain ng kakaharaping kahihiyan ni Cristo para sa kanya. Ang mga salita ni Cristo ay sinabi, hindi kay Pedro, kundi sa isa na nagsisikap na ihiwalay siya sa kanyang Manunubos. “Lumagay ka sa likuran ko, Satanas.” Huwag humarang sa pagitan Ko at ng Aking alagad. Hayaan akong humarap kay Pedro, upang maihayag Ko sa kanya ang misteryo ng Aking pag-ibig. DA 416.1

“Ito ay isang mapait na aral kay Pedro, at isa na natutunan niya ng dahan-dahan, na ang landas ni Cristo sa lupa ay landas ng paghihirap at kahihiyan. Ang alagad ay nanliit sa pakikisama sa kanyang Panginoon sa pagdurusa. Ngunit sa init ng apoy ng pugon ay kanyang matututunan ang pagpapalang kapalit nito. Pagkaraan ng ilang panahon, nang ang kanyang aktibong anyo ay yumuko dala ng pasanin ng mga taon at pagpapagal, isinulat niya, “Mga minamahal, huwag kayong mangagtaka tungkol sa mahigpit na pagsubok sa inyo, na dumarating sa inyo upang kayo'y subukin, na waring ang nangyayari sa inyo'y di karaniwang bagay: Kundi kayo'y mangagalak, sapagka't kayo'y mga karamay sa mga hirap ni Cristo; upang sa pagkahayag ng kaniyang kaluwalhatian naman ay mangagalak kayo ng malabis na galak.” 1 Pedro 4:12, 13 . DA 416.2

“Ipinaliwanag ngayon ni Jesus sa Kanyang mga alagad na ang Kanyang sariling buhay ng pagpapakasakit sa sarili ay isang halimbawa kung ano ang nararapat sa kanila. Sa pagtawag Niya, kasama ng mga alagad, sa mga taong nakapalibot, sinabi Niya, “Kung ang sinomang tao'y ibig sumunod sa akin ay tumanggi sa kaniyang sarili, at pasanin ang kaniyang krus, at sumunod sa akin.” Ang krus ay nauugnay sa kapangyarihan ng Roma. Ito ang instrumento ng pinakamalupit at nakakahiyang anyo ng kamatayan. Ang pinakamababang kriminal ay kinakailangang pasanin ang krus hanggang sa lugar ng pagbitay; at kadalasan nang ito ay ipinapatong sa kanilang mga balikat, sila ay lumaban nang may desperadong karahasan, hanggang sa sila ay madaig, at ang instrumento ng pagpapahirap ay igapos sa kanila. Ngunit inuutusan ni Jesus ang Kanyang mga tagasunod na pasanin ang krus at batahin ito at sumunod sa Kanya. Sa mga alagad, ang Kanyang mga salita, bagama't hindi pa lubusang nauunawaan, ay tumutukoy sa kanilang pagpapasakop sa pinakamapait na kahihiyan,—pagsuko maging hanggang sa kamatayan alang-alang kay Cristo. Wala nang iba pang ganap na pagsuko sa sarili ang mailarawan ng mga salita ng Tagapagligtas. Ngunit ang lahat ng ito ay tinanggap Niya para sa kanila. Hindi muna ibinilang ni Jesus ang langit bilang isang lugar na nais habang ang sangkatauhan ay nawawaglit pa. Iniwan niya ang mga korte sa langit para sa isang buhay ng kadustaan at insulto, at isang kamatayang may kahihiyan. Siya na mayaman sa walang-hanggang kayamanan ng langit, ay naging mahirap, upang sa pamamagitan ng Kanyang kahirapan ay yumaman tayo. Tayo ay tatahak din sa landas na Kanyang tinahak. DA 416.3

Ang pag-ibig sa mga kaluluwa kung para kanino namatay si Cristo ay nangangahulugan ng pagpapako sa sarili. Sinumang anak ng Diyos mula ngayon ay dapat tumingin sa kanyang sarili bilang isang kawing sa tanikala na ibinababa upang iligtas ang mundo, kaisa ni Cristo sa Kanyang plano ng awa, humayo kasama Niya upang hanapin at iligtas ang mga nawawaglit. Dapat matanto ng Kristyano na itinalaga niya ang kanyang sarili sa Diyos, at sa pagkatao niya ay dapat niyang ihayag si Cristo sa sanlibutan. Ang pag-aalay ng sarili, ang pakikiawa, at ang pag-ibig, na ipinakita sa buhay ni Cristo ay muling makikita sa buhay ng manggagawa para sa Diyos. DA 417.1

“Sapagka't ang sinomang magibig iligtas ang kaniyang buhay ay mawawalan nito: at ang sinomang mawalan ng kaniyang buhay dahil sa akin ay makakasumpong niyaon.” Ang pagkamakasarili ay kamatayan. Walang organ ng katawan ng tao ang mabubuhay kung maglilingkod lamang sa sarili nito. Ang puso, kapag ito ay hindi nakapagpadala ng dugo sa kamay o ulo ay mabilis na mawawalan ng kapangyarihan. Bilang ating dugong-buhay, gayundin ang pag-ibig ni Cristo na lumaganap sa bawat bahagi ng Kanyang katawan. Tayo ay mga miyembro ng bawat isa, at ang kaluluwang tumatangging magbahagi ay mapapahamak. Sabi ni Jesus, “Sapagka't ano ang pakikinabangin ng tao, kung makamtan niya ang buong sanglibutan at mawawalan siya ng kaniyang buhay? o ano ang ibibigay ng tao na katumbas sa kaniyang buhay?” DA 417.2

Martes, Agosto 13

Ang Bundok at ang Karamihan


Basahin ang Marcos 9:1-13. Ano ang nakita nina Pedro, Santiago, at Juan isang gabi kasama si Jesus?

“Malapit na ang gabi nang tawagin ni Jesus sa Kanyang tabi ang tatlo sa Kanyang mga alagad, sina Pedro, Santiago, at Juan, at inakay sila sa pagtawid sa mga bukid, at sila'y dinalang bukod sa isang mataas na bundok. Ang Tagapagligtas at ang Kanyang mga alagad ay gumugol ng maghapon sa paglalakbay at pagtuturo, at ang pag-akyat sa bundok ay nakadagdag sa kanilang pagkapagod. Pinapawi ni Cristo ang mga pasanin sa isip at katawan ng maraming nagdurusa; Siya ay nagbibigay kalakasan sa kanilang nanghihinang katawan; ngunit maging Siya ay nababalutan ng pagkakatawang-tao, at kasama ng Kanyang mga alagad Siya ay napagod sa pag-akyat.” DA 419.1

“Kasalukuyan ay sinasabi sa kanila ni Cristo na hindi na sila lalayo pa. Lumayo Siya ng kaunti sa kanila, at ibinuhos ng Panginoon ang Kanyang mga pagsusumamo nang may malakas na pagtangis at luha. Siya ay nananalangin para sa lakas upang matiis ang pagsubok alang-alang sa sangkatauhan. Siya rin mismo ay dapat magkaroon ng panibagong kalakasan mula sa walang hanggang kalakasan, dahil sa gayong paraan lamang Niya mamumuni ang Kanyang kakaharapin. At ibinubuhos Niya ang Kanyang pusong pananabik para sa Kanyang mga alagad, upang sa oras ng kapangyarihan ng kadiliman ay hindi mabigo ang kanilang pananampalataya. Ang hamog ay bumagsak sa Kanyang nakayukong anyo, ngunit hindi Niya ito alintana. Ang mga anino ng gabi ay nagtitipon sa palibot Niya, ngunit hindi Niya pinapansin ang kanilang kadiliman. Kaya dahan-dahang lumipas ang mga oras. Sa una ay pinag-iisa ng mga alagad ang kanilang mga panalangin sa Kanya na may tapat na debosyon; ngunit pagkaraan ng ilang panahon ay nanaig ang pagod, at, kahit na sinusubukang panatilihin ang kanilang interes sa kanilang nasasaksihan, sila ay nakatulog. Sinabi sa kanila ni Jesus ang Kanyang mga pagdurusa; Dinala Niya sila kasama Niya upang sila ay makiisa sa Kanya sa panalangin; at maging sa mga oras na iyon ay ipinagdarasal Niya sila. Nakita ng Tagapagligtas ang kalumbayan ng Kanyang mga alagad, at nagnanais na pagaanin ang kanilang kalungkutan sa pamamagitan ng isang katiyakan na ang kanilang pananampalataya ay hindi nawalan ng kabuluhan. Hindi lahat, maging sa labindalawa, ay makakatanggap ng paghahayag na nais Niyang ibigay. Ang tatlo lamang na makakasaksi sa Kanyang paghihirap sa Getsemani ang napiling makasama Niya sa bundok. Ngayon ang pasanin ng Kanyang panalangin ay upang sila ay mabigyan ng kapahayagan ng kaluwalhatiang taglay Niya kasama ng Ama bago sa harap ng sanlibutan, upang ang Kanyang kaharian ay maihayag sa mga mata ng tao, at upang ang Kanyang mga alagad ay mapalakas upang makita ito. Nagsusumamo Siya na masaksihan nila ang pagpapakita ng Kanyang kabanalan na magpapaginhawa sa kanila sa oras ng Kanyang matinding paghihirap sa kaalaman na Siya ay tiyak na Anak ng Diyos at na ang Kanyang kahiya-hiyang kamatayan ay bahagi ng plano ng pagtubos. ” DA 419.4

“Ang kanyang panalangin ay dininig. Habang Siya ay nakayuko sa kababaang-loob sa mabatong lupa, biglang bumukas ang langit, ang mga gintong pintuang-bayan ng lungsod ng Diyos ay binuksan, at ang banal na ningning ay bumaba sa bundok, na bumabalot sa anyo ng Tagapagligtas. Ang pagkadiyos mula sa loob ay kumikislap sa sangkatauhan, at nakakatugon sa kaluwalhatiang nagmumula sa itaas. Sa pagbangon mula sa Kanyang nakahandusay na posisyon, si Cristo ay tumindig ng may mala-diyos na kamahalan. Ang paghihirap ng kaluluwa ay napawi. Ang Kanyang mukha ngayon ay nagniningning “gaya ng araw,” at ang Kanyang mga kasuotan ay “maputi na parang liwanag.” DA 421.1

Ang mga alagad, na nagising, ay namasdan ang paglaganap ng kaluwalhatian na nagliliwanag sa bundok. Sa takot at pagkamangha ay tinitigan nila ang nagniningning na anyo ng kanilang Guro. Habang nasasaksihan nila ang kamangha-manghang liwanag, nakita nila na hindi nag-iisa si Jesus. Sa tabi Niya ay may dalawang makalangit na nilalang, na malapit na nakikipag-usap sa Kanya. Sila ay sila Moises, na siyang nakipag-usap sa Diyos sa Sinai; at si Elijah, na pinagkalooban ng mataas na pribilehiyo—na hindi mapasailalim sa kapangyarihan ng kamatayan. DA 421.2

“Si Jesus ay nararamtan ng liwanag ng langit, kung paanong Siya ay magpapakita kapag Siya ay dumating “sa ikalawang pagkakataon na hiwalay sa kasalanan, sa ikaliligtas.” Sapagkat Siya ay darating “sa kaluwalhatian ng Kanyang Ama kasama ng mga banal na anghel.” Hebreo 9:28 ; Marcos 8:38 . Ang pangako ng Tagapagligtas sa mga alagad ay natupad na ngayon. Sa ibabaw ng bundok, ang kaharian ng kaluwalhatian sa hinaharap ay inilarawan sa maliit na larawan,—si Cristo na Hari, si Moises na kinatawan ng mga banal na nabuhay na mag-uli, at si Elias ng hindi nakaranas ng kamatayan. DA 421.4

“Hindi pa nauunawaan ng mga alagad ang eksena; ngunit sila ay nagagalak na ang matiyagang Guro, ang maamo at mababang-loob, na naglalakbay gaya sa isang kaawa-awang estranghero, ay pinararangalan ng mga pinapaboran sa langit. Naniniwala sila na si Elias ay dumating upang ipahayag ang paghahari ng Mesiyas, at ang kaharian ni Cristo ay itatatag sa lupa. Ang alaala ng kanilang takot at pagkabigo ay kanilang iwinaksi magpakailanman. Dito, kung saan nahayag ang kaluwalhatian ng Diyos, ay pinananabikan nilang manatili. Si Pedro ay bumulalas, “Rabi, mabuti sa atin ang tayo'y dumito: at magsigawa kami ng tatlong tabernakulo; isa ang sa iyo, at isa ang kay Moises, at isa ang kay Elias.” Ang mga alagad ay nagiisip na sina Moises at Elias ay isinugo upang protektahan ang kanilang Guro, at itatag ang Kanyang awtoridad bilang hari.” DA 422.1

Miyerkules , Agosto 14

Sino ang Pinakadakila?


Basahin ang Marcos 9:30-41. Ano ang kakaiba sa pangalawang hula ni Jesus tungkol sa Kanyang kamatayan at pagkabuhay na mag-uli (ihambing sa Marcos 8:31) ? Gayundin, ano ang pinagtatalunan ng mga alagad, at anong tagubilin ang ibinigay ni Jesus?

“Sa paglalakbay sa Galilea, muling sinubukan ni Cristo na ihanda ang isipan ng Kanyang mga alagad para sa mga kaganapang kanilang haharapin. Sinabi Niya sa kanila na Siya ay aakyat sa Jerusalem upang patayin at muling mabuhay. At idinagdag Niya ang kakaiba at solemne na pahayag na Siya ay ipagkakanulo sa mga kamay ng Kanyang mga kaaway. Ang mga disipulo ay hindi man lamang naunawaan ang Kanyang mga salita. Bagama't ang anino ng matinding kalungkutan ay bumalot sa kanila, isang diwa ng tunggalian ang nakahanap ng puwang sa kanilang mga puso. Nagtatalo sila sa kanilang sarili kung sino ang dapat ituring na pinakadakila sa kaharian. Ang pag-aaway na ito ay kanilang inisip na ilihim kay Jesus, at sila, taliwas sa ng nakagawian, ay hindi nagsilapit sa Kaniyang tagiliran, kundi namalagi sa likuran, kaya't Siya ay nauuna sa kanila nang sila ay pumasok sa Capernaum. Nabasa ni Jesus ang kanilang mga iniisip, at nais Niyang payuhan at turuan sila. Ngunit para dito ay naghintay Siya ng isang tahimik at tamang oras, kung kailan ang kanilang mga puso ay bukas upang tanggapin ang Kanyang mga salita. ” DA 432.2

“Nang si Cristo at ang mga alagad ay nag-iisa sa bahay, habang si Pedro ay tumungo sa dagat, tinawag ni Jesus ang iba sa Kanya, at tinanong, “Ano ang pinagkakatuwiranan ninyo sa daan?” Ang presensya ni Jesus, at ang Kanyang tanong, ay nagbunyag sa bagay na iyon sa ibang anggulo kumpara sa kung paano nila ito tinitingnan. Ang kahihiyan at pagkondena sa sarili ang nagpatahimik sa kanila. Sinabi sa kanila ni Jesus na Siya ay mamamatay para sa kanila, at ang kanilang makasariling ambisyon ay hindi naaayon sa Kanyang di-makasariling pag-ibig. DA 434.5

“Nang sabihin sa kanila ni Jesus na Siya ay papatayin at muling mabubuhay, sinikap Niyang akayin sila sa pakikipag-usap tungkol sa magiging malaking pagsubok sa kanilang pananampalataya. Kung naging handa lamang silang tanggapin ang mga nais Niyang ipaalam sa kanila, maliligtas sana sila mula sa mapait na dalamhati at kawalan ng pag-asa. Ang Kanyang salita ay makapagdudulot sana ng kaaliwan sa oras ng pangungulila at pagkabigo. Bagaman ang Kanyang mga salita ay malinaw patungkol sa Kanyang magiging pagdurusa, ang pagbanggit Niya sa gagawing pagbabalik sa Jerusalem ay muling nagdulot sa kanilang umasa sa kahariang itatayo. At ito ay nagbunsod sa kanilang pagtatanong ng kung sino ang dapat pumuno sa mga pinakamataas na posisyon. Sa pagbabalik ni Pedro mula sa dagat, sinabi sa kanya ng mga alagad ang tanong ng Tagapagligtas, at sa wakas ay naglakas-loob ang isa na tanungin si Jesus, “Sino ang pinakadakila sa kaharian ng langit?” DA 435.1

“Tinipon ng Tagapagligtas ang Kanyang mga alagad sa palibot Niya, at sinabi sa kanila, “Kung sinoman ang ibig na maging una, ay siyang mahuhuli sa lahat, at lingkod ng lahat.” Sa mga salitang ito ay may kataimtiman at kahanga-hangang hindi maunawaan ng mga alagad. Ang naunawaan ni Cristo ay hindi nila nauunawaan. Hindi nila naunawaan ang kalikasan ng kaharian ni Cristo, at ang kamangmangan na ito ang maliwanag na dahilan ng kanilang pagtatalo. Ngunit mas malalim ang tunay na dahilan. Sa pagpapaliwanag ng kalikasan ng kaharian, maaaring pansamantalang napawi ni Cristo ang kanilang alitan; ngunit hindi nito masosolusyunan ang tunay na sanhi. Kahit na pagkatapos nilang matanggap ang ganap na kaalaman, anumang tanong ay maaaring magbangon muli ng alitan. Kaya't ang kapahamakan ay magaganap sa iglesia pagkatapos ng paglisan ni Cristo. Ang alitan para sa pinakamataas na lugar ay ang pagkilos ng parehong espiritu na siyang pasimula ng malaking tunggalian sa mga sanlibutan sa itaas, na nagdulot kay Cristo mula sa langit upang mamatay. May bumangon sa harap Niya ng isang pangitain ni Lucifer, ang “anak ng umaga,” sa kaluwalhatian na nakahihigit sa lahat ng mga anghel na nakapalibot sa trono, at nagkakaisa sa pinakamalapit na kaugnayan sa Anak ng Diyos. Sinabi ni Lucifer, “Ako'y magiging gaya ng Kataastaasan.” ( Isaias 14:12, 14 ); at ang pagnanais na itaas ang sarili ang nagdulot ng tunggalian sa mga korte ng langit, at nagpabagsak sa maraming hukbo ng Diyos. Kung talagang ninanais ni Lucifer na maging katulad ng Kataas-taasan, hindi niya kailanman tatalikuran ang kanyang itinakdang posisyon sa langit; sapagkat ang espiritu ng Kataas-taasan ay nahahayag sa di-makasariling ministeryo. Hinangad ni Lucifer ang kapangyarihan ng Diyos, ngunit hindi ang Kanyang katangian. Hinangad niya para sa kanyang sarili ang pinakamataas na posisyon, at ang sinumang nilalang na pinakikilos ng parehong espiritu ay gagawa rin ng gayon. Kaya hindi maiiwasan ang pagwawatak-watak, hindi pagkakasundo, at alitan. Ang kapangyarihan ang nagiging premyo ng pinakamalakas. Ang kaharian ni Satanas ay isang kaharian ng pamumuwersa; itinuturing ng bawat isa ang bawat isa bilang isang balakid sa daan ng kanyang sariling pag-unlad, o isang tuntungan kung saan siya mismo ay maaaring umakyat sa mas mataas na lugar.” DA 435.2

“Napaka-magiliw, ngunit may taimtim na diin, ganyan sinubukan ni Jesus na ituwid ang kasamaan. Ipinakita niya kung ano ang prinsipyong may kapangyarihan sa kaharian ng langit, at kung ano ang tunay na kadakilaan, ayon sa sukat ng pamantayan ng mga hukuman sa itaas. Ang mga kinikilos ng pagmamataas at pagmamahal sa pagtatangi ay iniisip lamang ang kanilang sarili, at ang mga gantimpala na kanilang matatamo, sa halip na kung paano nila ibabalik sa Diyos ang mga kaloob na kanilang natanggap. Wala silang lugar sa kaharian ng langit, dahil sila ay kinikilala sa hanay ni Satanas. DA 436.2

“Bago ang karangalan ay nauuna ang pagpapakumbaba. Upang punan ang isang mataas na posisyon sa harap ng mga tao, pinipili ng Langit ang manggagawa na, tulad ni Juan Bautista, na nagpakababa sa harap ng Diyos. Ang alagad na pinakatulad ng musmos ay ang pinakamahusay sa paglilingkod sa Diyos. Ang makalangit na katalinuhan ay maaaring makipagtulungan sa sinumang naghahangad, hindi para itaas ang sarili, kundi iligtas ang mga kaluluwa. Siya na lubos na nakadarama ng kanyang pangangailangan ng banal na tulong ay magsusumamo para dito; at ang Banal na Espiritu ay magbibigay sa kanya ng mga sulyap kay Jesus na magpapalakas at magpapasigla sa kaluluwa. Mula sa pakikipag-isa kay Cristo ay hahayo siya upang gumawa para sa mga nawawaglit sa kasalanan. Siya ay itinalaga para sa kanyang misyon; at siya ay magtatagumpay kung saan marami sa mga matatalino ang mabibigo.” DA 436.3

Huwebes , Agosto 15

Ang Malusog na Tao sa Impiyerno


Basahin ang Marcos 9:42-50. Ano ang nagbibigkis sa mga turo ni Jesus sa talatang ito?

“Hindi sapat para sa mga alagad ni Jesus na maturuan tungkol sa kalikasan ng Kanyang kaharian. Ang kailangan nila ay pagbabago ng puso na magdadala sa kanila sa pagkakaisa sa mga prinsipyo nito. At pinalapit niya sa kaniya ang isang maliit na bata, at inilagay sa gitna nila,; pagkatapos ay magiliw na niyakap ang maliit sa Kanyang mga bisig, at sinabi Niya, “Malibang kayo'y magsipanumbalik, at maging tulad sa maliliit na bata, sa anomang paraan ay hindi kayo magsisipasok sa kaharian ng langit.” Ang pagiging simple, ang pagkalimot sa sarili, at ang mapagtiwalaang pagmamahal ng isang maliit na bata ay mga katangiang pinahahalagahan ng Langit. Ito ang mga katangian ng tunay na kadakilaan.” DA 437.1

“Ang mga salita ng Tagapagligtas ay gumising sa mga alagad ng isang pakiramdam ng kawalan ng tiwala sa sarili. Walang sinumang partikular na tinukoy sa tugon; ngunit nagdulot ito kay Juan upang itanong kung sa isang kaso ang kanyang aksyon ba ay naging tama. Sa espiritu ng isang bata ay inilatag niya ang bagay kay Jesus. “Guro,” ang sabi niya, “may nakita kaming nagpapalayas ng mga demonio sa pangalan mo; at aming pinagbawalan siya, sapagka't siya'y hindi sumasama sa atin..” DA 437.5

“Inisip nina Santiago at Juan na sa pagsuri sa taong ito ay nasa kanila ang karangalan ng kanilang Panginoon; nagsimula nilang makita na sila ay naninibugho para sa kanilang sarili. Inamin nila ang kanilang pagkakamali, at tinanggap ang pagsaway ni Jesus, “Huwag ninyong pagbawalan siya: sapagka't walang taong gumagawa ng makapangyarihang gawa sa pangalan ko, na pagdaka'y makapagsasalita ng masama tungkol sa akin.” Walang sinumang naghahayag sa sarili na mabuti kay Cristo ay ang dapat itakwil. Marami ang lubhang naantig sa katangian at gawain ni Cristo, at ang mga puso ay nabubuksan sa Kanya sa pananampalataya; at ang mga alagad, na hindi nakababasa ng mga motibo, ay dapat na mag-ingat na huwag panghinaan ng loob ang mga kaluluwang ito. Nang si Jesus ay hindi na nila personal na kasama at ang gawain ay naiwan na sa kanilang mga kamay, hindi sila dapat magtaglay ng makitid, at nagtatanging espiritu, at sa halip ay magpakita ng malawak na awa na gaya ng nakita nila sa kanilang Guro. DA 437.6

“Ang katotohanan na ang isang tao ay hindi umaayon sa lahat ng ating mga personal na ideya o opinyon ay hindi magiging katwiran para siya ay pagbawalang gumawa para sa Diyos. Si Cristo ang Dakilang Guro; hindi tayo dapat humatol o mag-utos, ngunit sa pagpapakumbaba ang bawat isa ay mauupo sa paanan ni Jesus, at matututo sa Kanya. Ang bawat kaluluwa sa Diyos na may bukal sa kalooban ay isang daluyan kung saan ihahayag ni Cristo ang Kanyang mapagpatawad na pag-ibig. Dapat nga tayong maging maingat upang hindi natin mapanghinaan ng loob ang isa sa mga tagapagdala ng liwanag ng Diyos, at sa gayo'y mahadlangan ang mga sinag na nais Niyang bigyang liwanag sa sanlibutan! DA 438.1

“ Ang kalupitan o kawalang-sigla na ipinakikita ng isang alagad sa isang kaluluwa na pinalalapit ni Cristo—tulad ng ginawa ni Juan sa pagbabawal sa isang tao na gumawa ng mga himala sa pangalan ni Cristo—ay maaaring magresulta sa pagbaling ng mga paa sa landas ng kaaway, at maging sanhi ng pagkawala ng isang kaluluwa. Sa halip na gawin ito ng isa, ang sabi ni Jesus, “may pakikinabangin pa siya kung bitinan ang kaniyang leeg ng isang malaking batong gilingan, at siya'y ilubog sa kalaliman ng dagat.” At idinagdag pa Niya, “At kung ang kamay mo ay makapagpapatisod sa iyo, ay putulin mo: mabuti pa sa iyo ang pumasok sa buhay na pingkaw, kay sa may dalawang kamay kang mapasa impierno, sa apoy na hindi mapapatay. At kung ang paa mo'y makapagpapatisod sa iyo, ay putulin mo: mabuti pa sa iyo ang pumasok kang pilay sa buhay kay sa may dalawang paa kang mabulid sa impierno.” Marcos 9:43-45 , RV DA 438.2

"Bakit sinabi ang maalab na wikang ito, na walang sinuman ang maaaring maging mas malakas? Dahil “ang Anak ng tao ay naparito upang iligtas ang nawaglit.” Magpapakita ba ang Kanyang mga alagad ng mas mababang pagpapahalaga sa mga kaluluwa ng kanilang kapwa tao kaysa sa ipinakita ng Kamahalan ng langit? Ang bawat kaluluwa ay tinubos ng walang hanggang kahalagahan, at gaano kalaking kasalanan nga ang ilayo ang isang kaluluwa mula kay Cristo, at ano pa’t ang pag-ibig at kahihiyan at paghihirap ng Tagapagligtas ay magiging walang kabuluhan.” DA 438.3

Biyernes, Agosto 16

Karagdagang Kaisipan

Kung iyong gagawing pinakamahalagang bagay ang Kaharian ng Diyos, tiyak na masusumpungan mo ang iyong sarili sa tamang lugar at sa tamang panahon, na ginagawa ang tamang bagay at aani ng pinakamayamang pagpapala ng Diyos. Makakaasa ka na magbubukas Siya ng daan at dadalhin ka sa kung saan ka nararapat tumungo, kaya Niyang palayain ka mula sa balon, at sabihin sa mga Ismaelita na dalhin ka sa Ehipto at patrabahoin ka sa bahay ni Potiphar. O kaya naman ay maaaring kailanganin ka pa Niyang dalhin sa bilangguan bago ka Niya paupuin kasama ni Paraon sa trono. O maaari Niyang palayasin ka mula sa Ehipto at pagpastulin ng tupa sa paligid ng bundok ng Horeb. Maaaring dalhin ka niya sa Dagat na Pula habang hinahabol ka ng mga Ehipsiyo. Maaari ka niyang dalhin sa disyerto kung saan walang tubig o pagkain. Ang leon at ang oso ay maaaring dumating upang kunin ang iyong mga tupa, si Goliath upang patayin ang iyong bayan, at ang hari ay maaaring ihagis ka sa maapoy na hurno, o sa yungib ng mga leon.

Oo, daan-daan at libu-libong mga bagay ang maaaring mangyari, ngunit siya na nagtitiwala sa Diyos at gumagawa ng Kanyang gawain ng mabuti ay makakasumpong sa lahat ng mga hadlang o mga sakuna na ito bilang mga daan tungo sa kamangha-manghang mga pagliligtas, at mga daan sa tagumpay, lahat ay naaayon sa mga kamangha-manghang plano ng Diyos, at ang paraan ng Diyos para sa iyong promosyon mula sa isang magandang bagay patungo sa isa pa. Kapag ikaw ay nasa pangangalaga ng Diyos at nasa Kanyang kontrol, huwag mong sabihing ginawa ng Diyablo ito o iyon anuman ito, dahil wala siyang magagawa maliban na siya’y pahintulutan. Laging ibigay sa Diyos ang kredito.