Misyon sa mga Hindi Pa Naaabot: Ikalawang Bahagi

Liksyon 11, 4th Quarter Disyembre 9-15, 2023.

img rest_in_christ
Ibahagi ang Liksyong ito
Download Pdf

Hapon ng Sabbath, Disyembre 9

Talatang Sauluhin:

“Nang magkagayo'y sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya, Oh babae, malaki ang pananampalataya mo: mangyari sa iyo ayon sa ibig mo. At gumaling ang kaniyang anak mula sa oras na yaon..” KJV - Mateo 15:28


“Ang kahalagahan ng paggawa sa mga malalaking lungsod ay nalalagay sa aking harapan. Sa loob ng maraming taon, ang Panginoon ay nanghihimok sa atin sa tungkuling ito, gayunpaman ay nakikita na maliit ang naisasakatuparan sa malalaking sentrong ito ng populasyon. Kung hindi natin gagawin ang gawaing ito sa mahusay na kaparaanan, pararamihin ni Satanas ang mga balakid na hindi madaling malampasan. Naaantala ang mga gawaing dapat sanang naisagawa sa mga matagal nang napapabayaang mga lunsod na ito. Ang gawain ay magiging mas mahirap ngayon kaysa sa mga taong nakalipas. Ngunit kung ating gagawin ang gawain sa pangalan ng Panginoon, ang mga hadlang ay maiwawaksi, at ang mga tagumpay ay tiyak na mapapasaatin. MM 301.5

“Sa gawaing ito, ang mga manggagamot at mga ministro ng ebanghelyo ay kinakailangan. Dapat nating itaas ang ating mga petisyon sa Panginoon at gawin ang ating makakaya, sumulong nang buong lakas upang makapagbukas ng oportunidad sa malalaking lungsod. Kung tumalima tayo noon sa mga plano ng Panginoon, marami sana sa mga ilaw na namamanglaw ngayon ang magliliwanag.” Letter 148, 1909. MM 302.1

Linggo, Disyembre 10

Pagmimisyon sa mga Rehiyon sa Kabilang Ibayo


Basahin ang Hukom 3:1-6, 1 Hari 5:1-12, at 1 Hari 11:1-6. Paano nakakatulong ang mga talatang ito sa atin na unawain nang kaunti ang kaligiran ng mga lungsod na ito?

“Napagtanto ng mga mananampalataya sa Antioquia na ang Diyos ay handang gumawa sa kanila maging sa pagnanasa at sa paggawa, ayon sa kaniyang mabuting kalooban.” Filipos 2:13 . Namumuhay, gaya nila, sa gitna ng mga taong tila walang malasakit sa mga bagay na walang hanggan ang halaga, hinangad nilang makuha ang atensyon ng mga tapat ang puso, at magbigay ng positibong patotoo tungkol sa Kanya na kanilang minahal at pinaglingkuran. Sa kanilang mapagpakumbabang ministeryo, natutunan nilang umasa sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu upang magkaroon ng epekto ang salita ng buhay. At kaya, sa iba't ibang antas ng pamumuhay, araw-araw silang nagpapatotoo sa kanilang pananampalataya kay Cristo. AA 158.1

“Ang halimbawa ng mga tagasunod ni Cristo sa Antioquia ay dapat maging inspirasyon sa bawat mananampalataya na naninirahan sa mga malalaking lungsod sa sanlibutan ngayon. Bagama't nasa utos ng Diyos na ang mga piling manggagawa ng pagtatalaga at talento ay dapat ilagay sa mahahalagang sentro ng populasyon upang mamuno sa pampublikong pagsisikap, layunin din Niya na gamitin ang mga miyembro ng iglesia na naninirahan sa mga lungsod na ito upang ang kanilang mga talento mula sa Diyos ay magamit para sa mga kaluluwa. May mga masaganang pagpapala na nakalaan para sa mga ganap na tatalima sa tawag ng Diyos. Habang ang gayong mga manggagawa ay nagsisikap na makapagdala ng mga kaluluwa kay Jesus, makikita nila na marami sa mga tila hindi maaaring maabot sa anumang paraan ay handang tumugon sa mga personal na pagsisikap. AA 158.2

“Ang gawain ng Diyos sa sanlibutan ngayon ay nangangailangan ng buháy na mga kinatawan ng katotohanan ng Bibliya. Ang mga itinalagang ministro ay hindi sapat o tutumbas sa gawain ng pagbibigay-babala sa mga malalaking lungsod. Ang Diyos ay nananawagan hindi lamang sa mga ministro, kundi pati na rin sa mga manggagamot, nurse, colporteur, manggagawa ng Bibliya, at iba pang mga miyembro na may iba't ibang talento at kaalaman sa salita ng Diyos at alam ang kapangyarihan ng Kanyang biyaya, upang isaalang-alang ang mga pangangailangan sa mga hindi pa nabalaang mga lungsod. Mabilis na lumilipas ang panahon, at marami pa ang kinakailangang gawin. Ang bawat kawani ay dapat na kumilos, upang mapabuti ang mga kasalukuyang pagkakataon. AA 158.3

Lunes, Disyembre 11

Paghahanap sa Lubhang Karamihan


Basahin ang Mateo 9:35-38. Ano ang itinuturo nito sa atin tungkol sa pagmimisyon sa lubhang karamihan, saanman natin sila mahahanap?

Ang pagmimisyon upang iligtas ang sanlibutan ay hindi maaaring mas mahalaga kaysa sa pagmimisyon para sa kaligtasan ng iglesia. Ang pagpaparami ng mga myembro ng iglesya sa ilalim ng nangingibabaw na pagkamalahiningang kalagayan ng Laodicea ay hindi makapagsusulong sa Kaharian ni Cristo gaya ng kung papaanong hindi ito naisakatuparan sa ilalim ng kalagayan ng simbahang Judio noong kapanahunan ng Kanyang unang pagdating. Sa pagkaunawa sa tunay na sitwasyon ng iglesyan, si Juan Bautista at si Cristo Mismo at maging ang mga apostol noong una, ay sumangkot sa gawain, hindi para sa sanlibutan sa pangkalahatan, ngunit para lamang sa interes ng kanilang mga kapatiran sa iglesia.

Kung paanong ang parehong paghiwalay kay Cristo ay umiiral sa loob ng iglesia ngayon tulad ng nangyari noon ( Testimonies , Vol. 5, p. 217) , mas higit na malaking pagsisikap ang kakailanganin upang iligtas ang mga tao mula sa kanilang “malungkot na pagkalinlang” ( Testimonies , Vol. 3, p. 253) , kaysa kung sila ay nasa pagkapagano. Sapagka't sa Laodicea ay pinaniniwalaan nila na nasa kanila na ang lahat ng katotohanang dapat maabot, na sila'y mayaman, at nagkamit ng kayamanan, at hindi nangangailangan ng anoman –na ang kanilang kaligtasan ay tiyak na hangga't sila'y kaanib sa iglesia! Kaya't may mas malaking panganib na mawala ang kanilang mga kaluluwa sa iglesia habang ito ay “malahininga” at malapit nang isuka, kaysa kung nananatili sila sa sanlibutan hanggang sa magising ang iglesia mula sa kanyang pagkakatulog, at pahiran ang sarili ng pampahid sa mata (Katotohanan) --makakita ng tama, gumagawa ng tama, at pangunahan at pakainin ng tama ang kawan.

Hayaang magtanong ang bawat tapat na miyembro, kung ang iglesia mismo ay hindi ligtas ( Testimonies , Vol. 3, p. 253), hindi sumusunod kay Cristo na kanyang Lider ( Testimonies , Vol. 5, p. 217 ) at “naging patutot” ( Testimonies , Vol. 8, p. 250) , paano niya maililigtas ang iba? Ang pinakamalaking pangangailangan kung gayon ay iligtas muna ang mga nasa iglesia, pagkatapos ay ang mga nasa sanlibutan. Ang “espesyal na gawain ng pagdadalisay, ng pag-aalis ng kasalanan, sa gitna ng bayan ng Diyos" ( The Great Controversy, p. 425 ), “ang panghuling gawain para sa iglesia, sa panahon ng pagtatatak sa isang daan at apatnapu't apat na libo" ( Testimonies , Vol. 3, p. 266) , ang mauuna, pagkatapos ay susunod ang pagtatatak sa mga nasa sanlibutan.

Ang mga tao at mga salaping nakatalaga para sa gawaing misyonero para sa sanlibutan ay napakarami kumpara sa kakarampot na mga pasilidad na magagamit para sa pagdadala ng mensahe sa mga taga-Laodicea, bagama't ang iglesia ang may higit na pangangailangan kaysa sa sanlibutan.

Matapos na magising ang iglesia at tumigil sa pangangarap na siya ay “mayaman, at nagkamit ng kayamanan,” malalaman niyang siya ay nangangailangan ng lahat ng bagay, maglalagay ng kanyang lakas sa pamamagitan ng pagbaling kay Cristo na kanyang Lider, magbibihis ng kasuotan ng Kanyang katuwiran, at hindi na hahayaang pumasok sa kanya ang anumang marumi (Isa. 52:1), kung magkagayo'y ang kaniyang katuwiran ay lilitaw na parang ningning, at ang kaniyang kaligtasan ay parang ilawan na nagniningas. At makikita ng mga bansa ang kanyang katuwiran, at ng lahat na hari ang kanyang kaluwalhatian (Isa. 62:1, 2). Ang kanyang mga pintuang-bayan ay mabubukas na lagi; hindi masasara sa araw o sa gabi man; upang ang mga tao ay mangagdala sa kanya ng kayamanan ng mga bansa, at ang kanilang mga hari ay makakasama nila. Sapagka't yaong bansa at kaharian na hindi maglilingkod sa kanya ay mamamatay; oo, ang mga bansang yaon ay malilipol na lubos.” Isa. 60:11, 12. 

Martes, Disyembre 12

Sa Tiro at Sidon


Basahin ang Mateo 15:22-28 at Marcos 7:24-30. Ano ang kaibahang nakikita ninyo kung paano inilarawan ang babae?

“Ang Tagapagligtas ay nalugod. Sinubukan Niya ang kanyang pananampalataya sa Kanya. Sa pamamagitan ng Kanyang naging pakikitungo sa kanya, ipinakita Niya na siya na itinuturing na isang tapon mula sa Israel ay hindi na isang taga-ibang bayan, kundi isang anak sa sambahayan ng Diyos. Bilang anak, pribilehiyo niya na makibahagi sa mga kaloob ng Ama . Pinagbigyan ngayon ni Cristo ang kanyang kahilingan, at tinapos ang aralin sa mga alagad. Bumaling sa kanya nang may habag at pagmamahal, sinabi Niya, “Oh babae, malaki ang pananampalataya mo: mangyari sa iyo ayon sa ibig mo.” At gumaling ang kaniyang anak mula sa oras na yaon. Hindi na siya ginulo ng demonyo. Umalis ang babae na kinikilala ang kanyang Tagapagligtas, at masaya sa naging pagtugon sa kanyang panalangin. DA 401.3

“Ito ang tanging himala na ginawa ni Jesus habang nasa paglalakbay na ito. Sa pagganap ng gawaing ito, Siya’y naparoon sa mga hangganan ng Tiro at Sidon. Nais Niyang bigyan ng kaginhawahan ang naghihirap na babae, at kasabay nito ay mag-iwan ng halimbawa sa gawain ng Kanyang awa sa isa sa mga hamak na tao para sa kapakanan ng Kanyang mga alagad kapag hindi na nila Siya kapiling. Nais niyang akayin sila mula sa kanilang pagiging eksklusibong Hudyo tungo sa pagkakaroon ng interes na gumawa para sa iba bukod sa kanilang sariling bayan. DA 402.1

Sa ilalim ng dispensasyon ng isang espesyal na mensahe sa iglesia, tulad ng ipinadala ni Cristo sa simbahan ng mga Hudyo sa loob ng tatlo at kalahating taon at tulad ng ating bahagi na nararapat dalhin sa iglesia ng SDA ngayon, hindi natin nauunawaan na gawain ng mga nagdadala ng ganoong mensahe na ipagpatuloy ang programa ng Ebanghelyo para sa buong mundo nang kasabay nito.

Hindi tayo iniwan ng Panginoon sa kadiliman tungkol sa kung ano ang dapat nating maging posisyon sa bagay na ito. Si Jesus ay “nagpapahayag” sa mga miyembro ng iglesia “sa mga hangganan ng Tiro at Sidon" nang ang babae na “isang Griega, isang Sirofenisa, ayon sa lahi,” ay "dumating at nagpatirapa sa Kanyang paanan," na nagsusumamo “sa kaniya na palabasin sa kaniyang anak ang demonio. At sinabi niya sa kaniya, Pabayaan mo munang mangabusog ang mga anak: sapagka't hindi marapat na kunin ang tinapay ng mga anak at itapon sa mga aso. Datapuwa't siya'y sumagot at sinabi sa kaniya, Oo, Panginoon; kahit ang mga aso sa ilalim ng dulang ay nagsisikain ng mga mumo ng mga anak. At sinabi niya sa kaniya, dahil sa sabing ito humayo ka; nakaalis na ang demonio sa iyong anak.” (Mark. 7:26-29.)

Kaya naman nakikita natin na bagaman tayo ay inatasan na pakainin ang mga anak, at huwag humayo sa paghahanap sa mga Gentil, tayo ay sinabihan din na huwag ipagkait ang katotohanan sa kanila, kapag sila ay kusang lumapit at may pananampalataya na naghahanap ng mga mumo. 

Miyerkules, Disyembre 13

“Paalisin Mo Siya”


Basahin ang Mga Gawa 10:9-16, 28, 34, 35. Paano mo bubuurin ang aral na itinuro dito ng Banal na Espiritu?

Ang pag-uukol ng ating panahon sa pag-eebanghelyo sa sanlibutan habang nagpapabaya sa iglesia ay isang krimen na gawain, isa sa pinakamataas na pagtataksil sa Diyos at sa Kanyang bayan. Ang iglesia ay dapat munang maligtas mula sa kanyang Laodicean na kalagayan na “aba at maralita at dukha at bulag at hubad.” Siya, at hindi ang sanlibutan, ang malapit nang isuka. Siya “ang tanging bagay sa lupa kung saan ipinagkaloob Niya ang Kanyang pinakamataas na pagpapahalaga.”-- Testimonies to Ministers , p. 15.

Ngunit sa kanyang kasalukuyang nakalulungkot na kalagayan ng pagkabulag at paghihirap na inilantad ng Tapat na Saksi (Apoc. 3:14-18), siya ay lubos na hindi karapat-dapat para sa gawaing iniatas sa kanya, at kailangang iligtas mula sa kanyang malungkot na pagkalinlang bago siya maging ligtas na kanlungan at isang nakapagliligtas na impluwensya sa mga sasali sa kanyang hanay. Kung pababayaan siya ng Diyos sa kalagayang Laodicean kung saan siya ngayon ay nanghihina, hindi lamang siya mismo ang mawawala kundi, bilang resulta, gayundin ang buong sanlibutan kasama niya. Samakatuwid, dapat Niya siyang gisingin o kung hindi ay magbangon ng isa pa upang gawin ang gawaing dapat gawin.

Isipin kung anong klaseng kagalakan para sa Kanya na italaga siya at magamit siya sa Kanyang kaluwalhatian, sa halip na siya’y talikuran! Kaya't bago kailanganing magbangon ng isa pa bilang huling kaparaanan, sinisikap Niyang iligtas siya, at ililigtas Niya siya, gaya ng Kanyang ipinangako:

“Gagawa si Satanas ng kanyang mga himala upang manlinlang, itatakda niya ang kanyang kapangyarihan bilang pinakamataas. Ang iglesia ay tila malapit nang bumagsak, ngunit hindi ito babagsak. Ito ay mananatili, habang ang mga makasalanan sa Sion ay sasalain. Ang ipa ay ihihiwalay mula sa mahalagang trigo. Ito ay isang kakila-kilabot na pagsubok, ngunit gayunpaman ito ay dapat mangyari. Walang iba kundi ang yaong mga nagtagumpay sa pamamagitan ng dugo ng Cordero at ang salita ng kanilang patotoo ay matatagpuan kasama ng tapat at totoo, walang dungis o kasalanan, na walang kasinungalingan sa kanilang mga bibig. Ang nalabi na nagdadalisay sa kanilang mga kaluluwa sa pamamagitan ng pagsunod sa katotohanan ay nagtitipon ng lakas mula sa proseso ng pagsubok, na nagpapakita ng kagandahan ng kabanalan sa gitna ng nakapalibot na apostasiya....

“Ang malaking isyu na nalalapit na ay magaalis sa mga hindi itinalaga ng Diyos, at Siya ay magkakaroon ng dalisay, totoo, at banal na ministeryo na handa para sa huling ulan.”—B-55-1886.

Kung ang Panginoon--Na Siya Mismo noong narito sa lupa ay gumugol ng lahat ng Kanyang panahon sa eksklusibong pagsisikap na iligtas ang Kanyang nawawalang iglesia noon—ay magsusugo kaya sa atin sa sanlibutan kaysa sa Kanyang naliligaw na iglesia ngayon, hindi lamang Niya madadala ang mga inosente sa kapahamakan kasama ng mga nagkakasala, ngunit lubusan ding mababaligtad ang Kanyang sariling gawain at masasalungat ang Kanyang sariling mga utos sa Kanyang mga apostol na ipangaral muna nila ang presenteng katotohanan sa iglesia. (Mat. 10:5, 6).

Samakatuwid, sa awa at ayon sa Kanyang walang hanggang pamamaraan, nilayon Niya na “habang ang investigative judgment ay nagpapatuloy sa langit, habang ang mga kasalanan ng nagsisisi na mananampalataya ay inaalis sa santuwaryo, ay magkakaroon ng isang espesyal na gawain ng pagdadalisay, ng pag-aalis ng kasalanan, sa [Kanyang] bayan sa lupa.” Natatanging gawain Niya ito. “Kung gayon ang iglesia na...sa Kanyang pagparito ay tatanggapin [Niya] sa Kanyang sarili ay magiging isang maluwalhati, na walang dungis o kulubot o anomang gayong bagay.”-- The Great Controversy , p. 425.

“Ang Panginoon ay hindi kumikilos ngayon upang dalhin ang maraming kaluluwa sa katotohanan,” dagdag na sabi ng Espiritu ng Katotohanan, “dahil sa mga miyembro ng iglesia na hindi pa napagbagong loob, at sa mga dating nagbalik-loob ngunit tumalikod. Ano ang magiging impluwensya ng mga di-konsagradong miyembrong ito sa mga bagong kumbertido? Hindi ba nila mapapawalang bisa ang mensaheng ibinigay ng Diyos na dapat dalhin ng Kanyang bayan?"-- Testimonies , Vol. 6, p. 371.

Ngunit kapag ang mga tumalikod at hindi napagbagong loob, at ang mga pangsirang damo ay inalis, “siya ay titinging parang umaga, maganda na parang buwan, maliwanag na parang araw, kakilakilabot na parang hukbo na may mga watawat.” -- The Great Controversy , p. 425.

Oo, ang mga tapat na pagano ay dapat maebanghelyuhan, ngunit ang “tupang nangawaglit sa bahay ni Israel” (Mat. 10:6) ay kailangang hanapin muna. Gaano kalaki ang kanilang magiging pasasalamat, kung gayon, at gaano sila makikipagtulungan, kapag kanilang napagtanto na sa halip na sila’y mayaman at at nagkamit ng kayamanan, at hindi nangangailangan ng anoman, sila pala’y tunay na “aba at maralita at dukha at bulag at hubad”--na nangangailangan ng lahat ng bagay; at ang Panginoon ay naghihintay na sila ay magising sa katotohanan upang magawa Niya sa kanila kung ano ang nararapat.

Para sa mga kadahilanang ito, sinasabi ng Diyos na kinakailanang gumawa ngayon sa loob ng kongregasyon ng Laodicea kaysa sa labas. At kung ano ang Kanyang sinasabi, iyon ang Kanyang ibig sabihin, at hindi tayo dapat mangahas na sumuway, anuman ang maaaring sabihin o gawin ng mga tao. 

Huwebes, Disyembre 14

Pananampalataya sa Lupa


Basahin ang Mateo 8:10, 13; Mateo 9:2; Mateo 20:29-34; Marcos 2:5; Marcos 10: 46-52; Lucas 18:35-43. Sa mga talatang ito, sino ang inilalarawan ni Jesus na nagtataglay ng pananampalataya?

Kabaligtaran sa pahayag sa Lucas 18:8 ay ang mga salita ni Isaias: “Dahil sa Sion ay hindi ako tatahimik, at dahil sa Jerusalem ay hindi ako magpapahinga, hanggang sa ang kaniyang katuwiran ay lumitaw na parang ningning, at ang kaniyang kaligtasan ay parang ilawan na nagniningas. At makikita ng mga bansa ang iyong katuwiran, at ng lahat na hari ang inyong kaluwalhatian; at ikaw ay tatawagin sa bagong pangalan, na ipangangalan ng bibig ng Panginoon. Ikaw naman ay magiging putong ng kagandahan sa kamay ng Panginoon, at diademang hari sa kamay ng iyong Dios. Hindi ka na tatawagin pang Pinabayaan; hindi na rin tatawagin pa ang iyong lupain na Giba: kundi ikaw ay tatawaging Hephzi-bah, at ang iyong lupain ay Beulah: sapagka't ang Panginoon ay nalulugod sa iyo, at ang iyong lupain ay tatangkilikin...

.... At tatawagin nila sila Ang banal na bayan, Ang tinubos ng Panginoon: at ikaw ay tatawagin Hinanap, Bayang hindi pinabayaan.” Isa. 62:1-4, 12 . “At itatayo ng mga taga ibang lupa ang iyong mga kuta, at ang kanilang mga hari ay magsisipangasiwa sa iyo: sapagka't sa aking poot ay sinaktan kita, nguni't sa aking biyaya ay naawa ako sa iyo. Ang iyo namang mga pintuang-bayan ay mabubukas na lagi; hindi masasara sa araw o sa gabi man; upang ang mga tao ay mangagdala sa iyo ng kayamanan ng mga bansa, at ang kanilang mga hari ay makakasama nila.” Isa. 60:10, 11.

“Nakasuot ng baluti ng katuwiran ni Cristo, ang iglesia ay papasok sa kanyang huling labanan. ‘Maganda na parang buwan, maliwanag na parang araw, kakilakilabot na parang hukbo na may mga watawat,’ siya ay hahayo sa buong mundo, na yumaong nagtatagumpay, at upang magtagumpay.” – Prophets and Kings," p. 725.

Habang pinabulaanan ng mga kasulatang ito, kasama ng iba pa, ang ideya na kapag dumating si Cristo sa ikalawang pagkakataon ay halos walang masusumpungang tapat, ang magaaaral ng Salita ay maaari lamang maghinuha na ang gayong hinuha, na hango sa Lucas 18:8, ay huwad. Kaya't ang pananalitang, "Kapag ang Anak ng tao ay dumating," upang umayon sa ibang mga talata ng Kasulatan, ay dapat ilapat sa isang pagdating na iba kaysa doon sa karaniwang iniuugnay dito.

Gayunpaman, isa pang nakalilitong tanong ang nangangailangan ng sagot: Kung ang tanong ni Cristo, “Pagparito ng Anak ng tao, makakasumpong kaya siya ng pananampalataya sa lupa?” (Lucas 18:8), gayundin ang Kanyang pahayag na, “Huwag kayong mangatakot, munting kawan” (Lucas 12:32), ay nangangahulugan na kakaunti ang maliligtas at masusumpungang buhay kapag Siya ay dumating para sa Kanyang sarili, kung gayon paano magkakaroon ng hindi mabilang na karamihan? – Bagaman sa unang tingin ang tanong ay nagmumungkahi ng isang paradox, ito ay mabilis na nalutas, at ang ideya na iilan lamang na banal na buhay ang sasalubong sa Kanya sa “hangin” ay napapabulaanan kapag isinasaalang-alang ang mga katotohanan na nagsasaad na : “Katotohana'y ang aanihin ay marami” (Mat. 9:37), na ito ang “katapusan ng sanglibutan” (Mat. 13:39), at ang mismong terminong “pag-aani” mismo ay nagpapahiwatig ng mas malaking pagtitipon kaysa sa anumang nakaraang “panahon.”

Higit pa rito, ang tanong na, “Makakasumpong kaya siya ng pananampalataya sa lupa?” ay hindi kumukuwestyon sa bilang ng mga banal sa partikular na pagdating na ito, kundi sa mismong pananampalataya. At kung sa Kanyang pagpapakita sa mga alapaap upang iuwi ang mga tapat ay wala Siyang masumpungang pananampalataya sa lupa, kung gayon paano ang Kanyang naghihintay na iglesia, na walang dungis o kulubot o anomang gayong bagay, maliit man ito o malaki?

Maliwanag na ang Kanyang pagparito na nakatala sa Lucas 18:8 ay hindi maaaring tumutukoy doon sa pagparito sa 1 Tesalonica 4:17, ang Kanyang pagdating “sa mga alapaap.” Ngunit ito’y tumutukoy sa nakatala sa Malakias 3:2, 3 , at Mateo 13:30, 47-48 , na humahantong sa Mateo 25:31-33 . Ang Kanyang pagparito sa Kanyang templo upang ihiwalay ang mga makasalanan sa mga banal, sa pagsisimula nito ay itinanong ng Inspirasyon, “Nguni't sino ang makatatahan sa araw ng kaniyang pagparito?” 

Biyernes, Disyembre 15

Karagdagang Kaisipan

“Nais ni Jesus na ihayag ang malalalim na hiwaga ng katotohanan na itinago sa loob ng maraming panahon, upang ang mga Gentil ay maging kapwa tagapagmana ng mga Judio, at “mga may bahagi sa pangako na kay Cristo Jesus sa pamamagitan ng evangelio.” Efeso 3:6 . Ang katotohanang ito ay mabagal na naunawaan ng mga disipulo, at binigyan sila ng banal na Guro ng aral sa leksiyon. Sa paggantimpala sa pananampalataya ng senturion sa Capernaum, at pangangaral ng ebanghelyo sa mga naninirahan sa Sicar, nagbigay na Siya ng katibayan na hindi Siya nakikibahagi sa hindi pagpaparaya ng mga Hudyo. Ngunit ang mga Samaritano ay may ilang kaalaman sa Diyos; at ang senturion ay nagpakita ng kagandahang-loob sa Israel. Ngayon ay dinala ni Jesus ang mga alagad sa pakikipag-ugnayan sa isang pagano, na kanilang itinuring na hamak kaysa sinuman sa kanyang bayan, na makakakuha ng pabor mula sa Kanya. Magbibigay siya ng isang halimbawa kung paano dapat tratuhin ang isang tao. Inisip ng mga disipulo na napakalaya Niyang ibinibigay ang mga kaloob ng Kanyang biyaya. Ipapakita Niya na ang Kanyang pag-ibig ay hindi dapat itakda ng ayon sa lahi o bansa. DA 402.2

“Nang sabihin Niya, “Hindi ako sinugo kundi sa mga tupang nangaligaw sa bahay ni Israel.,” sinabi Niya ang katotohanan, at sa Kanyang gawain para sa babaeng Canaanita ay tinutupad Niya ang Kanyang atas. Ang babaeng ito ay isa sa mga nawawalang tupa na dapat sana'y iligtas ng Israel. Iyon ang kanilang itinalagang gawain, ang gawain na kanilang napabayaan, na isinagawa ni Cristo.” DA 402.3