Advanced Sabbath School Lesson Commentary

Liksyon 5, Unang Semestre Enero 27- Pebrero 2, 2024

img rest_in_christ
Ibahagi ang Liksyong ito
Download Pdf

Hapon ng Sabbath, Enero 27

Talatang Sauluhin:

“Paanong aawitin namin ang awit sa Panginoon sa ibang lupain?” KJV - Awit 137:4


Sa mga naging pag-uusig, tunggalian at kadiliman sa mga lumipas na siglo, hindi pinabayaan ng Diyos ang Kanyang iglesia. Wala ni isang ulap ang bumagsak dito na hindi Niya napaghandaan; walang anumang puwersa na sumasalungat sa Kanyang gawain ang hindi Niya nalalaman. Ang lahat ng mga bagay ay nagaganap sangayon sa Kanyang inihula. Hindi Niya pinabayaan ang Kanyang iglesia, at sa halip ay inihayag sa propesiya kung ano ang magaganap, at kung anong mga bagay ang binigyang inspirasyon ng Kanyang espiritu upang ihula ng mga propeta. Ang lahat ng Kanyang layunin ay maisasakatuparan. Ang Kanyang kautusan ay nakaugnay sa Kanyang trono, at walang kapangyarihan ng kasamaan ang makakasira dito. Ang katotohanan ay kinasihan at iniingatan ng Diyos; at ito ay magtatagumpay laban sa lahat ng pagsalungat . AA 11.3

Sa panahon ng espirituwal na kadiliman ang iglesia ng Diyos ay naging isang lungsod na nakalagay sa isang burol. Sa paglipas ng panahon, sa sunud-sunod na henerasyon, ang mga dalisay na doktrina ng langit ay lumaganap sa loob ng mga hangganan nito. Bagaman tila nanghihina, ang iglesia ay pinagkalooban ng Diyos ng isang espesyal na kahulugan ng Kanyang pinakamataas na pagpapahalaga. Ito ang teatro ng Kanyang biyaya, kung saan Niya malugod na inihahayag ang Kanyang kapangyarihan na makapagpapabago sa puso. AA 12.1

Linggo, Enero 28

Ang mga araw ng kasamaan


Basahin ang Awit 74:18-22 at Awit 79:5-13. Ano ang nakataya dito?

“Mula sa mga tapat sa Israel, na matagal nang naghihintay sa pagdating ng Mesiyas, ang tagapagpauna ni Cristo ay ibinangon. Ang matandang saserdoteng si Zacarias at ang kaniyang asawang si Elisabeth ay 'parehong matuwid sa harap ng Diyos;' at sa kanilang tahimik at banal na pamumuhay ang liwanag ng pananampalataya ay sumikat na parang bituin sa gitna ng kadiliman ng masasamang araw na iyon. Sa maka-Diyos na magasawang ito ay ibinigay ang pangako ng isang anak na lalaki, na “magpapauna sa unahan ng mukha ng Panginoon, upang ihanda ang kaniyang mga daan.” DA 97.1

“Sa huling malaking tunggalian laban kay Satanas, makikita ng mga tapat sa Diyos kapag inalis na sa lupa ang lahat ng pagiingat dito. Dahil tumanggi silang labagin ang Kanyang batas kaysa sumunod sa makalupang kapangyarihan, sila ay pagbabawalan na bumili o magbenta. At sa wakas ay ipapasya na sila ay papatayin. Tingnan ang Apocalipsis 13:11-17 . Ngunit sa mga tatalima ay ibinigay ang pangako, “Siya'y tatahan sa mataas, ang kaniyang dakong sanggalangan ay ang mga katibayan na malalaking bato: ang kaniyang tinapay ay mabibigay sa kaniya; ang kaniyang tubig ay sagana.” Isaias 33:16 . Sa pamamagitan ng pangakong ito ang mga anak ng Diyos ay mabubuhay. Kapag ang lupa ay hinagupit ng taggutom, sila ay pakakanin. “Hindi sila mangapapahiya sa panahon ng kasamaan: at sa mga kaarawan ng kagutom ay mangabubusog sila.” Awit 37:19 . Sa panahong iyon ng kabagabagan ay umasa ang propetang si Habakkuk, at ang kanyang mga salita ay nagpapahayag ng pananampalataya ng iglesia: “ Sapagka't bagama't ang puno ng igos ay hindi namumulaklak, Ni magkakaroon man ng bunga sa mga puno ng ubas; Ang bunga ng olibo ay maglilikat. At ang mga bukid ay hindi magbibigay ng pagkain; Ang kawan ay mahihiwalay sa kulungan, At hindi na magkakaroon ng bakahan sa mga silungan: Gayon ma'y magagalak ako sa Panginoon, Ako'y magagalak sa Dios ng aking kaligtasan.” Habakuk 3:17, 18 .” DA 121.3

“Si Satanas ay isang masigasig na magaaral ng Bibliya. Batid niya na ang kanyang oras ay maikli lamang, at sinisikap niyang kontrahin ang bawat gawain ng Panginoon sa mundong ito. Imposibleng makapagbigay ng anumang ideya ukol sa karanasan ng bayan ng Diyos na mabubuhay sa lupa kapag ang kaluwalhatiang selestiyal at ang pag-uulit ng mga pag-uusig sa nakaraan ay paghaluin. Sila ay lalakad sa liwanag na nagmumula sa trono ng Diyos. Sa pamamagitan ng mga anghel ay magkakaroon ng patuloy na komunikasyon sa pagitan ng langit at lupa. At si Satanas, na napapalibutan ng masasamang anghel, at nag-aangking Diyos, ay gagawa ng lahat ng uri ng mga himala, upang linlangin, kung maaari, maging ang mismong mga hinirang. Ang bayan ng Diyos ay hindi makakasumpong ng kanilang kaligtasan sa mga himala, sapagkat si Satanas ay gagawa ng mga huwad na himala. Ang mga sinubok at napatunayang bayan ng Diyos ay makakatagpo ng kanilang kapangyarihan sa tanda na binanggit sa Exodo 31:12-18 . Dapat silang manindigan sa buhay na salita: “Nasusulat.” Ito ang tanging pundasyon kung saan maaari silang manindigan nang ligtas. Yaong mga lumabag sa kanilang tipan sa Diyos ay sa araw na iyon ay walang Diyos at walang pag-asa .” 9T 16.1

Lunes , Enero 29

Sa Pintuan ng Kamatayan


Basahin ang Awit 41:1-4; Awit 88:3-12; at Awit 102:3-5, 11, 23, 24. Anong mga karanasan ang inilalarawan ng mga talatang ito? Sa paanong paraan ka makakaugnay sa sinasabi rito?

“Hindi baga ang magbahagi ng iyong tinapay sa gutom, at dalhin mo sa iyong bahay ang dukha na walang tuluyan? pagka nakakakita ka ng hubad, na iyong bihisan; at huwag kang magkubli sa iyong kapuwa-tao?” Isa. 58:7.

Ang hamon na ito, Mga Kapatid, ay hindi matutugunan maliban kung ang lahat ay matalinong tumulong sa anumang kapasidad na posible, na inaalala na walang ibang pagsisikap maliban yaong may kalakip na sakripisyo ang gagantimpalaan...

Kapag ganap na nagising ang Kristiyanismo sa malaking pangangailangang ito at kumilos, “ kung magkagayon ,” pangako ng Panginoon, “Sisikat ang iyong liwanag na parang umaga, at ang iyong kagalingan ay biglang lilitaw; at ang iyong katuwiran ay mangunguna sa iyo; ang kaluwalhatian ng Panginoon ay magiging iyong bantay likod. Kung magkagayo'y tatawag ka, at ang Panginoon ay sasagot; ikaw ay dadaing, at siya'y magsasabi, Narito ako. Kung iyong alisin sa gitna mo ang atang, ang pagtuturo, at ang pagsasalita ng masama: At kung magmamagandang-loob ka sa gutom, at iyong sisiyahan ng loob ang nagdadalamhating kaluluwa; kung magkagayo'y sisilang ang iyong liwanag sa kadiliman, at ang iyong kadiliman ay magiging parang katanghaliang tapat; At papatnubayan ka ng Panginoon na palagi, at sisiyahan ng loob ang iyong kaluluwa sa mga tuyong dako, at palalakasin ang iyong mga buto; at ikaw ay magiging parang halamang nadilig, at parang bukal ng tubig, na ang tubig ay hindi naglilikat.” Isa. 58:8-11

“Sa gitna ng kanyang maunlad na paghahari, si Haring Hezekias ay biglang tinamaan ng isang nakamamatay na karamdaman. “May sakit na ikamamatay,” ang kanyang kalagayan ay hindi kayang solusyunan ng tao. At ang huling bakas ng pag-asa ay tila naalis nang magpakita sa harap niya ang propetang si Isaias na may dalang mensahe, “Ganito ang sabi ng Panginoon, Ayusin mo ang iyong sangbahayan; sapagka't ikaw ay mamamatay, at hindi mabubuhay.” Isaias 38:1 . PK 340.1

“Ang kalagayan ay tila lubos na mapanglaw; gayunpaman, ang hari ay maaari pa ring manalangin sa Isa na noon pa man ay naging kaniyang “ampunan at kalakasan, handang saklolo sa kabagabagan.” Awit 46:1 . “Nang magkagayo'y kaniyang ipinihit ang kaniyang mukha sa panig ng bahay, at nanalangin sa Panginoon, na nagsasabi, Idinadalangin ko sa iyo, Oh Panginoon, na iyong alalahanin, kung paanong ako'y lumakad sa harap mo sa katotohanan, at may dalisay na puso at gumawa ng mabuti sa iyong paningin. At si Ezechias ay umiyak na mainam.” 2 Hari 20:2, 3 . PK 340.2

“ Mula sa panahon ni David ay walang ibang hari na gumawa ng gayong kasigasigan ukol sa pagtatatag ng kaharian ng Diyos sa panahon ng apostasiya at panghihina ng loob gaya ng kay Hezekias. Ang naghihingalong pinuno ay tapat na naglingkod sa kanyang Diyos, at pinatibay ang pagtitiwala ng mga tao kay Jehova bilang kanilang Kataas-taasang Tagapamahala. At, tulad ni David, ay maaaring magsumamo: PK 340.3

“Masok ang aking dalangin sa iyong harapan: ikiling mo ang iyong pakinig sa aking daing: Sapagka't ang aking kaluluwa ay lipos ng mga kabagabagan, at ang aking buhay ay nalalapit sa Sheol.” Awit 88:2, 3 . PK 341.1

Martes, Enero 30

Nasaan ang Diyos?


Basahin ang Awit 41:1-3, Awit 63:1, at Awit 102:1-7. Ano ang sanhi ng matinding pighati sa mang-aawit?

“Kinakailangan ng panalangin,—pinaka taimtim, at nagsusumamong panalangin,—gaya ng panalanging inialay ni David nang kaniyang ibulalas: “Kung paanong humihingal ang usa sa pagkauhaw sa tubig ng mga batis, gayon humihingal ang aking kaluluwa sa pagkasabik sa iyo, Oh Dios.” “Narito, ako'y nanabik sa iyong mga tuntunin;” “Ang kaluluwa ko'y aasamasam, oo, nanglulupaypay sa mga looban ng Panginoon; ang puso ko't laman ay dumadaing sa buhay na Dios.” “Ang puso ko'y nadudurog sa pananabik na tinatamo sa iyong mga kahatulan.” Ito ang diwa ng panalanging nakikipaglaban, tulad ng taglay ng maharlikang mangaawit. 4T 534.2

“Nanalangin si Daniel sa Diyos, na hindi nagtaas ng sarili o nag-aangkin ng anumang kabutihan: “Oh Panginoon, dinggin mo; Oh Panginoon, patawarin mo; Oh Panginoon, iyong pakinggan at gawin; huwag mong ipagpaliban, alangalang sa iyong sarili, O aking Diyos.” Ito ang tinatawag ni Santiago na mabisa at taimtim na panalangin. Tungkol kay Cristo ay sinabi: “ At nang siya'y nanglulumo ay nanalangin siya ng lalong maningas.” O anong laking kaibahan sa pamamagitan na ginagawang ito ng Kamahalan ng langit, ang mahina at walang pusong mga panalangin na iniaalay sa Diyos. Marami ang nasisiyahan sa tipo ng paglilingkod na nasa kanilang labi lamang, ngunit kakaunti ang mayroong tapat, taimtim, at magiliw na pananabik sa Diyos.” 4T 534.3

“Sa kanyang naging mahabang buhay ay hindi nakasumpong si David ng lugar ng kapahingahan sa lupang ito. Siya ay naging isang pugante, na nakatagpo ng kanlungan sa mga bato at kuweba sa ilang, at siya ay sumulat: ST Hulyo 22, 1908, par. 1

“Oh Dios, ikaw ay Dios ko; hahanapin kitang maaga: kinauuhawan ka ng aking kaluluwa, pinananabikan ka ng aking laman, sa isang tuyo at uhaw na lupa na walang tubig...Sapagka't naging katulong kita, at sa lilim ng mga pakpak mo'y magagalak ako.. ” ST Hulyo 22, 1908, par. 2

Miyerkules , Enero 31

Nabigo ba ang Kanyang pangako magpakailanman?


Basahin ang Awit 77. Anong karanasan ang pinagdadaanan ng may-akda?

“Babanggitin ko ang mga gawa ng Panginoon; sapagka't aalalahanin ko ang mga kabagabagan mo ng una. Bubulayin ko ang lahat ng iyong gawa, at magmumuni tungkol sa iyong mga gawa.” Awit 77:11, 12 . CTr 153.1

“Mag-ingat kung paano binibigyang kahulugan ang Kasulatan. Basahin ito nang may pusong bukas sa pagpasok ng Salita ng Diyos, at ito ay magpapahayag ng liwanag ng Langit, na magbibigay ng pang-unawa sa mga simpleng tao. Hindi ito nangangahulugan ng mahina ang pag-iisip ngunit yaong hindi pinipilit ang kanilang sarili nang higit sa kanilang sukat at kakayahan sa pagsisikap na maging orihinal at independiyente sa pag-abot ng kaalaman na higit sa kung ano ang bumubuo ng tunay na kaalaman.... CTr 153.2

“Ang salmistang si David sa kaniyang karanasan ay nagkaroon ng maraming pagbabago sa isip. Habang nakakatanggap siya ng mga pangunawa tungkol sa kalooban at mga paraan ng Diyos, siya ay lubhang nadadakila. At nang makita niya ang kabaligtaran ng awa at walang pagbabagong pag-ibig ng Diyos, ang lahat ay tila nabalot ng ulap ng kadiliman.... Nang pagnilayan niya ang mga kahirapan at panganib sa kanyang buhay, inakala niyang siya ay pinabayaan ng Diyos dahil sa kanyang mga kasalanan. Nakita niya ang tindi ng kanyang kasalanan kaya't napabulalas siya, “Magtatakuwil ba ang Panginoon magpakailan man? At hindi na baga siya lilingap pa?” CTr 153.3

“Habang siya ay umiiyak at nagdarasal, nagkaroon siya ng mas malinaw na pangunawa sa katangian ng Diyos, at dahil tinuruan siya ng mga ahensya ng langit, napagpasiyahan niya na ang kanyang mga ideya tungkol sa katarungan at kalupitan ng Diyos ay naging labis.... Habang isinasaalang-alang ni David ang mga pangako at tipan ng Diyos sa kanila [Israel], sa pangunawang ang mga ito ay para sa lahat na nangangailangan ng mga ito gaya ng para sa Israel, inilaan niya ang mga ito sa kanyang sarili.... CTr 153.4

“ Habang inilalaan ni David ang mga pangako at pribilehiyong ito sa kanyang sarili, nagpasiya siya na hindi na siya magmamadali sa paghatol, manghihina ang loob at ilalagay ang sarili sa kawalan ng pag-asa. Ang kanyang kaluluwa ay nagkaroon ng lakas ng loob habang pinag-iisipan niya ang pangkalahatang katangian ng Diyos na ipinakita sa Kanyang pagtuturo, sa Kanyang pagtitiis, sa Kanyang napakalaking kadakilaan at awa, at nakita niya na ang mga gawa at mga kababalaghan ng Diyos ay hindi dapat magkaroon ng limitadong aplikasyon. CTr 153.5

“Ngunit muling nagbago ang karanasan ni David. Habang nakikita niya na ang mga lumalabag at makasalanan ay pinahintulutan na tumanggap ng mga pagpapala at mga pabor, samantalang ang mga tunay na nagmamahal sa Diyos ay napapaligiran ng mga kahirapan at kaguluhan na wala sa hayag na makasalanan, inisip niya na ang mga paraan ng Diyos ay hindi makatarungan....“ Sapagka't ako'y nanaghili sa hambog, nang aking makita ang kaginhawahan ng masama..... Sila'y wala sa kabagabagan na gaya ng ibang mga tao.” CTr 153.6

“Hindi ito maintindihan ni David “hanggang sa siya'y pumasok sa santuario ng Dios, at nagunita ang kanilang huling wakas.” Tunay na iyong inilagay sila sa mga madulas na dako: iyong inilugmok sila sa kapahamakan... Nguni't mabuti sa akin na lumapit sa Dios.”— Manuscript 4, 1896 .” CTr 153.7

Huwebes , Pebrero 1

Upang Hindi matukso ang Matuwid


Basahin ang Awit 37:1-8; Awit 49:5-7; Awit 94:3-7; at Awit 125:3. Anong pakikibaka ang kinakaharap ng mangaawit?

“Sinasabi ng mangaawit, “Tumiwala ka sa Panginoon, at gumawa ka ng mabuti; tumahan ka sa lupain, at gawin mong kumain sa kaniyang pagkatapat.” Awit 37:3 . “Tumiwala ka sa Panginoon.” Ang bawat araw ay may kanya-kanyang mga pasanin, mga alalahanin at kaguluhan; at kapag nagkikita ang mga tao, sila ay laging handang pagusapan ang kanilang mga paghihirap at pagsubok. Napakaraming alalahaning walang saysay ang pinahihintulutang pumasok, napakaraming pangamba ang nahahayaan, napakaraming pagkabalisa ang ipinahahayag, na maaaring ipagpalagay ng iba na wala tayong mahabagin, at mapagmahal na Tagapagligtas na handang makinig sa lahat ng ating mga kahilingan at maging isang kasalukuyang tulong sa bawat oras ng ating pangangailangan. .” SC 121.2

“Sa ikaapatnapu't siyam na awit ay mababasa natin: “Silang nagsisitiwala sa kanilang kayamanan, at nangaghahambog sa karamihan ng kanilang mga kayamanan; Wala sa kaniyang makatutubos sa ano pa mang paraan sa kaniyang kapatid, ni magbibigay man sa Dios ng pangtubos sa kaniya: (Sapagka't ang katubusan ng kanilang kaluluwa ay mahal, at ito'y naglilikat magpakailan man.) Kung isasaisip ng lahat, at kahit sa maliit na antas ay pahalagahan ang napakalaking sakripisyong ginawa ni Cristo, makakaramdam sila ng pagsaway dahil sa kanilang takot at sa kanilang matinding pagkamakasarili. Ang aming Dios ay darating at hindi tatahimik; isang apoy na mamumugnaw sa harap niya, at magiging totoong malaking bagyo sa palibot niya. Siya'y tatawag sa langit sa itaas, at sa lupa upang mahatulan niya ang kaniyang bayan: Pisanin mo ang aking mga banal sa akin; yaong nangakikipagtipan sa akin sa pamamagitan ng hain.” Dahil sa pagkamakasarili at pag-ibig sa mundo, ang Diyos ay nakalimutan, at marami ang may kahungkagan ng kaluluwa, at umiiyak: “Namamatay ako, namamayat ako.” Ang Panginoon ay nagpahiram ng yaman sa Kanyang bayan upang subukin sila, upang subukin ang lalim ng kanilang inaangking pag-ibig sa Kanya. Ang ilan ay pipiliing bitiwan Siya at ang kanilang makalangit na kayamanan kaysa bawasan ang kanilang mga ari-arian sa lupa at makipagtipan sa Kanya sa pamamagitan ng sakripisyo. Nananawagan siya sa kanilang magsakripisyo; ngunit ang pag-ibig sa sanlibutan ay nagsasara sa kanilang mga tainga, at hindi sila makakarinig.” 2T 197.2

“Sa kanyang pakikitungo sa mga Filisteo, ipinakita ng Diyos kung gaano kadali sa kanyang itinakdang panahon na maaari niyang ibagsak ang kuta ng pamahiin, at tangayin ang kanlungan ng mga kasinungalingan. Madalas na ginagamit ng Panginoon ang kanyang pinakamapait na mga kaaway upang parusahan ang kawalang katapatan ng kanyang inaangking bayan. Ang masasama ay maaaring magtagumpay sa isang panahon habang nakikita nila ang Israel na dumaranas ng pagkastigo; ngunit hayaan silang makatiyak na ang poot ng Diyos ay malapit nang bumagsak na may mabigat na kabigatan sa kanila. Gayunpaman ang makasalanan ay maaaring magalak ngayon sa mga gantimpala ng kalikuan, ang mga bulag na mata ay makakakita pa, ang matigas na puso balang araw ay makadarama ng bigat, na mauunawaang ang isang buhay ng paghihimagsik laban sa Diyos ay isang kakila-kilabot na pagkakamali.” ST Enero 12, 1882, Art. A, par. 8

Basahin ang Awit 73:1-20, 27. Ano ang magiging wakas ng mga taong nagtitiwala sa mga bagay na walang kabuluhan?

“Ang salmistang si David ay nagkaroon ng ganitong karanasan. Nang tingnan niya ang umuunlad na kalagayan ng masasama, siya ay nainggit sa kanilang tagumpay, at sinabi, “Narito, ang mga ito ang masama; at palibhasa'y laging tiwasay nagsisilago sa mga kayamanan, Tunay na sa walang kabuluhan ay nilinis ko ang aking puso, at hinugasan ko ang aking mga kamay sa kawalaang sala; Sapagka't buong araw ay nasalot ako.” Ngunit nang siya ay pumasok sa santuwaryo, at nakipag-usap sa Panginoon, hindi na niya ninais ang bahagi ng masasama; sapagka't nagunita niya ang kanilang wakas. Nakita niya na ang kanilang daan ay humahantong sa pagkawasak sa huli, at ang kanilang kasiyahan ay para lamang sa isang panahon. Wala nang puwang ang inggit sa kanyang puso. Ang kanyang mapaghimagsik na espiritu ay yumukod sa mapagpakumbabang pagpapasakop sa kanyang Diyos, at ipinahayag niya, “Iyong papatnubayan ako ng iyong payo, at pagkatapos ay tatanggapin mo ako sa kaluwalhatian.” Nakita niya na ang patnubay ng Panginoon ay may walang katapusang higit na halaga kaysa sa lahat ng temporal na kaunlaran ng mundo; sapagkat ang daan ng Panginoon ay nagpapanatili ng mga paa sa mga landas ng katuwiran na patungo sa walang hanggang kaluwalhatian. ” ST Pebrero 3, 1888, par. 3

Biyernes, Pebrero 2

Karagdagang Kaisipan

“Ang ilan ay palaging natatakot, at nagaalala ng walang saysay. Araw-araw ay napapaligiran sila ng mga tanda ng pag-ibig ng Diyos; araw-araw ay tinatamasa nila ang mga biyaya ng Kanyang paglalaan; ngunit hindi nila pinapansin ang kasalukuyang mga pagpapalang ito. Ang kanilang isipan ay patuloy na nananahan sa mga bagay na hindi kanais-nais na kanilang kinatatakutan na maaaring dumating; o ilang kahirapan na nararanasan, na bagaman maliit ay nagsasara sa kanilang mga mata upang makita ang maraming bagay na dapat ipagpasalamat. Ang mga paghihirap na kanilang nararanasan, sa halip na itaas sa Diyos, na tanging pinagmumulan ng kanilang tulong, ay nagiging dahilan upang malayo sila sa Kanya dahil pinipili nilaang pagiral ng kabalisahan at kaligaligan. SC 121.3

“Mabuti ba na tayo ay maging di-mananampalataya? Bakit tayo magiging nga walang utang na loob at walang pagtitiwala? Si Hesus ay ating kaibigan; ang buong kalangitan ay interesado sa ating kapakanan. Hindi natin dapat pahintulutan ang mga kalituhan at alalahanin ng pang-araw-araw na buhay na magpabalisa sa ating isipan at magpakunot sa ating noo. Kung hahayaan ito, palagi tayong makakasumpong ng mga bagay na ikagagalit at ikaiinis. Hindi tayo dapat magpanatili ng mga bagay na tanging nakakainis at nakakapagpapagod sa atin, at hindi nakakatulong sa atin na maging matiisin sa mga pagsubok. SC 122.1

“Maaaring naliligalig ka sa negosyo; ang iyong mga inaasam-asam ay maaaring tila mahirap abutin at maaaring may banta ng pagkalugi; ngunit huwag panghinaan ng loob; itaas mo sa Diyos ang iyong alalahanin, at manatiling kalmado at masayahin. Manalangin para sa karunungan upang matulungan na mapamahalaan ang iyong mga gawain nang may mahusay na pangunawa at sa gayon ay maiwasan ang pagkalugi at kapahamakan. Gawin ang lahat ng iyong makakaya sa iyong bahagi upang magdala ng mga kanais-nais na resulta. Ipinangako ni Jesus ang Kanyang tulong, ngunit kinakailangan din ang ating pagsisikap. Kapag, umaasa sa ating Katuwang, at nagawa na ang lahat ng ating makakaya, maging handa na tanggapin ang magiging resulta nang maluwag sa kalooban.” SC 122.2