“Ang matuwid ay nagsidaing, at dininig ng Panginoon, at iniligtas sila sa lahat nilang mga kabagabagan.” KJV - Awit 34:17
“Ang ating Ama sa langit ay naghihintay na ipagkaloob sa atin ang kabuuan ng Kanyang pagpapala. Pribilehiyo nating uminom mula sa bukal ng walang hanggang pag-ibig. Katakataka na sa kabila nito, tayo ay hindi mapanalanginin! Ang Diyos ay handang makinig sa taimtim na panalangin ng Kanyang mga nagpapakumbabang anak, gayunpaman, may nasusumpungang malaking pag-aatubili sa atin na ipaalam ang ating mga naisin sa Diyos. Ano nga ang maaaring isipin ng mga anghel sa langit ukol sa mga kaawa-awang taong ito, na napapailalim sa tukso, kung saan ang puso ng Diyos ng walang katapusang pag-ibig ay nananabik sa kanila, na handang magbigay sa kanila ng higit pa sa kanilang hinihiling o iniisip, gayunpaman sila ay nagdarasal nang napakakaunti at gayundin sa kanilang pananampalataya? Ibig ng mga anghel na yumukod sa harap ng Diyos; gusto nilang maging malapit sa Kanya. Itinuturing nila ang pakikipag-isa sa Diyos bilang kanilang pinakamataas na kagalakan; gayunpaman ang mga tao sa mundo, na lubhang nangangailangan ng tulong na tanging ang Diyos lamang ang makapagbibigay ay tila nasisiyahang lumakad nang walang liwanag mula sa Kanyang Espiritu na kasama ng Kanyang presensya.” SC 94.1 - Ellen G White
Basahin ang Awit 139:1-18. Paano nito masining na inilalarawan ang kapangyarihan ng Diyos (Awit 139:1-16), presensya (Awit 139:7-12), at kabutihan (Awit 139:13-18) ng Diyos? Ano ang sinasabi ng kadakilaan ng Diyos tungkol sa mga pangako?
“Ang Maylikha ng lahat ng bagay ang nag-ordena sa kahanga-hangang pag-angkop ng mga yaman, at ang panustos sa mga pangangailangan. Siya ang nagtakda sa materyal na mundo upang ang bawat naisin ay matugunan. Siya ang lumikha ng kaluluwa ng tao, na may kakayahang matuto at magmahal. At hindi Niya ibig na hindi tugunan ang pangangailangan ng kaluluwa na hindi nasisiyahan. Walang anumang bagay ang makakatugon sa mga pangangailangan at inaasam ng mga tao sa buhay na ito na puno ng pakikibaka sa kasalanan at kalungkutan at pighati. Hindi sapat na maniwala sa mga batas at puwersa, sa mga bagay na walang habag, at hindi kailanman nakikinig sa mga humihingi ng tulong. Kailangan nating makilala ang isang makapangyarihang bisig na hahawak sa atin, ng isang walang hanggang Kaibigan na naaawa sa atin. Kailangan nating kumapit, upang magtiwala sa isang pusong puno ng pagibig. At gayon ipinahayag ng Diyos sa Kanyang salita ang Kanyang sarili. ” Ed 133.2
“Nakikita ng Diyos ang makasalanan. Ang mata na hindi kailanman natutulog ay nakakaalam sa lahat ng ating ginagawa. Nakatala ito sa kanyang aklat. Maaaring itago ng isang tao ang kanyang kasalanan mula sa kanyang ama, ina, asawa, at mga kaibigan, gayunpaman ang lahat ay bukas sa harap ng Diyos, at itinatala sa kanyang aklat ng talaan. Ang kadiliman, paglilihim, panlilinlang, at krimen na idinadagdag ay hindi nakakapawi sa talaan. Si David ay isang taong nagsisisi, at bagama't ipinagtapat at kinasusuklaman niya ang kanyang kasalanan, hindi niya ito malilimutan. Sumigaw siya, “Saan ako paroroon na mula sa iyong Espiritu? O saan ako tatakas na mula sa iyong harapan? Kung sumampa ako sa langit, nandiyan ka: kung gawin ko ang aking higaan sa Sheol, narito, ikaw ay nandoon. Kung aking kunin ang mga pakpak ng umaga, at tumahan sa mga pinakadulong bahagi ng dagat; Doon ma'y papatnubayan ako ng iyong kamay, at ang iyong kanang kamay ay hahawak sa akin.... Ang kadiliman man ay hindi nakakukubli sa iyo, kundi ang gabi ay sumisilang na parang araw.” RH May 24, 1887, par. 5
“Anong saganang pagpapala ang mga ito! Sa pamamagitan ng Salmista ay masasabi kong, “ Pagka mahalaga rin ng iyong mga pagiisip sa akin, Oh Dios! Pagka dakila ng kabuoan nila! Kung aking bibilangin, higit sila sa bilang kay sa buhangin: pagka ako'y nagigising ay laging nasa iyo ako.” [ Awit 139:17, 18 .] Ang huling mga salita ay nagpapahayag ng aking damdamin at karanasan. Sa aking paggising, ang unang iniisip at pagpapahayag ng aking puso ay, Purihin ang Panginoon! Mahal kita, O Panginoon; Alam Mong mahal kita. Mahal na Tagapagligtas , tinubos Mo ako sa halaga ng Iyong sariling dugo. Itinuring Mo akong mahalaga, kung hindi ay hindi Mo sana ito tinumbasan ng walang katapusang halaga para sa aking kaligtasan. Ikaw na aking Manunubos ay nagbigay ng Iyong buhay para sa akin, at hindi Ka namatay para sa akin nang walang kabuluhan. Ibibigay ko ang buhay na iyon sa Iyo, upang makipagtulungan sa Iyo sa pagliligtas ng aking kaluluwa.” 7LtMs, Lt 2d, 1892, par. 4
Basahin ang Awit 40:1-3, Awit 50:15, Awit 55:22, at Awit 121. Paano nasasangkot ang Diyos sa ating pang-araw-araw na gawain?
Kung gayon, kapag ginawa mong pangunahing interes ang Kaharian ng Diyos, tiyak na masusumpungan mo ang iyong sarili sa tamang landas sa tamang panahon, na gumagawa ng mga tamang bagay at aanihin ang pinakamayamang pagpapala ng Diyos. Nasa iyo ang katiyakan na bubuksan Niya ang daan at dadalhin ka kung saan ka nararapat kahit na kailanganin ka Niyang buhatin mula sa balon, at sabihin sa mga Ismaelita na dalhin ka sa Ehipto at ibigay upang maglingkod sa bahay ni Potiphar. Maaaring dalhin ka rin Niya sa bilangguan bago ka Niya iluklok kasama si Paraon sa trono. O maaari Niyang palayasin ka mula sa Ehipto at gawing tagapag-alaga ng mga tupa sa paligid ng Bundok ng Horeb. Maaaring dalhin ka niya sa Dagat na Pula habang hinahabol ka ng mga Ehipsiyo. Maaari ka niyang dalhin sa disyerto kung saan walang tubig o pagkain. Ang leon at ang oso ay maaaring dumating upang kunin ang iyong mga tupa, si Goliath upang patayin ang iyong bayan, at ang hari ay maaaring ihagis ka sa nagniningas na hurno, o sa yungib ng mga leon.
Oo, daan-daan at libu-libong mga bagay ang maaaring mangyari, ngunit siya na nagtitiwala sa Diyos at gumagawa ng Kanyang gawain ng mabuti ay makakatagpo sa lahat ng tinatawag na mga hadlang o mga sakuna na ito upang matunghayan lamang ang mga kamangha-manghang mga pagliligtas, at mga daan sa tagumpay, at makita na ang lahat ay nagaganap sangayon sa kahanga-hangang plano ng Diyos, at ang kaparaanan ng Diyos upang dalhin ka tungo sa magandang bagay patungo sa isa pa. Kapag ikaw ay nasa pangangalaga ng Diyos at nasa ilalim ng Kanyang pangangasiwa, huwag mong sabihing ginawa ng Diyablo ito o iyon anuman ito, dahil wala siyang magagawa maliban kung mapahintulutan siyang gawin ito. Laging ibigay sa Diyos ang kredito.
Kapag ang mga bagay ay sumasalungat sa kalooban at paraan ng isang tao ngayon, karamihan sa mga Kristiyano ay nagbibigay ng kredito sa Diyablo. Sila ay nagbibigay lamang ng papuri sa Diyos kapag ang mga bagay ay naaayon sa kanilang kagustuhan! Maging si Balaam din ay natuwa nang ang daan ay bumukas para sa kanya upang pumunta kay Balak, ngunit nang harangin ng anghel ng Panginoon ang daang kanyang tinatahak, si Balaam, ay nagalit at hinampas ang asno.
“ Hindi, walang iba kundi ikaw mismo ang makakasira sa mga plano ng Diyos para sa iyo. Maging ang iyong mga kaibigan o iyong mga kaaway, maging ito ay mga hayop o mga hari, makikita mo silang lahat nang hindi sinasadya o sinasadya man na gumagawa para sa iyong ikabubuti sa halip na para sa iyong pinsala kung sinusunod mo ang utos ng Diyos. Napakayamang mapagkukunan ang Langit! At sino ang nakakaalam nito!"
Hindi, walang hayop o tao man na maaaring kumitil sa iyong buhay o mandaya sa iyo kung gagawin mo ang utos ng Diyos, kung kinikilala mo na Siya na nag-iingat sa Israel ay hindi natutulog (Awit 121:3, 4); na alam Niya ang lahat tungkol sa iyo, sa iyong mga kaibigan, sa bawat sandali ng araw at gabi; na Kanyang nalalaman maging ang mga buhok na nalalagas mula sa iyong mga ulo; na anumang nagaganap sa iyo ay sariling kalooban ng Diyos para sa iyong ikabubuti. Sinasabi ko na kung kinikilala ninyo at naniniwala kayo na Siya ang Diyos at ang Tagapag-ingat ng inyong mga katawan at kaluluwa, kung gayon anuman ang mangyari sa inyo, kayo ay maging masaya at ibigay ang papuri sa Diyos para dito, hindi nagbubulung-bulungan, ngunit nagmamapuri kahit na sa gitna ng inyong mga pagsubok at mga pagdurusa.
Basahin ang Awit 17:7-9, Awit 31:1-3, at Awit 91:2-7. Ano ang ginagawa ng mangaawit sa panahon ng kaguluhan?
“Nauunawaan ng mga matuwid ang pamamahala ng Diyos at magtatagumpay nang may banal na kagalakan sa walang hanggang proteksyon at kaligtasan na tinitiyak ni Cristo sa pamamagitan ng Kanyang mga merito para sa kanila. Alalahanin nawa ng lahat, at huwag kalimutan na ang masasama na hindi tumatanggap kay Cristo bilang kanilang personal na Tagapagligtas ay hindi makauunawa sa Kanyang probidensya. Hindi nila pinili ang daan ng katuwiran at hindi nila kinikilala ang Diyos. Sa kabila ng lahat ng mga pagpapala na Kanyang ipinagkaloob sa kanila, kanilang inaabuso ang Kanyang awa sa pamamagitan ng pagpapabaya sa pagkilala sa Kanyang kabutihan at awa sa pagpapakita sa kanila ng mga pabor na ito. 16LtMs, Ms 151, 1901, par. 12 - Ellen G White
“Sa anumang sandali ay maaaring bawiin ng Diyos ang mga tanda ng Kanyang kamangha-manghang awa at pag-ibig sa mga taong hindi nagsisisi. Nawa'y isipin ng mga tao kung ano ang magiging tiyak na resulta ng kanilang kawalan ng pasasalamat at ng kanilang pagwawalang-bahala sa walang hanggang kaloob ni Cristo sa ating mundo! Kung patuloy nilang iibigin ang paglabag nang higit kaysa pagsunod, ang kasalukuyang mga pagpapala at ang dakilang awa ng Diyos na kanilang tinatamasa ngayon, ngunit mga hindi pinahahalagahan, ay magiging kanilang kapahamakan sa bandang huli. Maaaring ilang sandali ay piliin nilang makisangkot sa mga makamundong paglilibang at makasalanang kasiyahan, sa halip na suriin ang kanilang sarili sa kanilang makasalanang landasin, at mamuhay para sa Diyos at para sa karangalan ng Kamahalan ng langit; ngunit kapag huli na para sa kanila na makita at maunawaan yaong kanilang ipinagwalang-bahala, mauunawaan nila kung ano ang ibig sabihin ng mawalan ng Diyos at pag-asa. Pagdaka’y kanilang mahihinuha kung ano ang nawala sa kanila sa ginawa nilang pagpili na maging hindi tapat sa Diyos at manindigan sa paghihimagsik laban sa Kanyang mga utos. Noon ay nilabanan nila ang Kanyang kapangyarihan at tinanggihan ang Kanyang awa; sa wakas ang Kanyang mga paghatol ay babagsak sa kanila. Pagkatapos ay malalaman nila na nawala sa kanila ang kaligayahan—ang buhay, buhay na walang hanggan, sa mga korte sa langit. Tiyak na sasabihin nila, "Ang aming buhay ay puno ng kahibangan laban sa Diyos, at ngayon kami ay tuluyang nawala!" 16LtMs, Ms 151, 1901, par. 13 - Ellen G White
“ Sa panahon na ang mga paghatol ng Diyos ay bumagsak nang walang awa, oh, magiging kainggit inggit sa masasama ang posisyon ng mga tumatahan “sa lihim na dako ng Kataastaasan” [ talata 1 ] —ang pabilyon kung saan ikinukubli ng Panginoon ang lahat na nagmahal sa Kanya at sumunod sa Kanyang mga utos! Ang kapalaran ng mga matuwid ay talagang nakakainggit sa panahong iyon para sa mga nagdurusa dahil sa kanilang mga kasalanan. Ngunit ang pintuan ng awa ay sarado na sa masasama, wala nang mga panalangin ang ihahandog para sa kanila pagkatapos ng probasyon.” 16LtMs, Ms 151, 1901, par. 14 - Ellen G White
Basahin ang 1 Corinto 10:1-4. Paano inilarawan ni Pablo ang kasaysayan ng Exodo? Anong espirituwal na aral ang hinahangad niyang ipaunawa rito? Basahin ang Awit 114, paano inilarawan dito ang banal na pagliligtas ng bayan ng Israel mula sa Ehipto?
Simulan natin ang ating pagsusuri kay Moises ang ‘nakikitang’ pinuno ng kilusan. Lumaki sa mga korte ni Paraon, tumanggap ng pinakamataas na edukasyon sa sanlibutan. At dahil naunawaan niya na siya ang magpapalaya sa kanyang mga kapatid mula sa pagkaalipin sa Ehipto, ipinagpalagay niya na may kakayahan siyang gampanan ito.
Alalahanin ang kuwento kung paano niya sinubukang pasimulan ang pagliligtas sa kanila bagaman hindi pa sya inatasang gawin ito. Pinatay niya ang isang Ehipsiyo, nakipag-away sa isa sa mga Hebreo, at pagkatapos ay tumakas para sa kanyang buhay. At sa dako ng Midian ay nakakuha siya ng trabaho, naging pastol, at pinakasalan ang anak ng kaniyang amo. Sa loob ng apatnapung taon ng pagiging pastol ay nakalimutan niya ang wika sa Ehipto, at gayundin kasama nito ang mga natutunan sa lugar na iyon. Ngunit kapalit nito, natutunan niyang mabuti ang pangangalaga sa mga tupa. At inalis niya sa kanyang isipan ang ideya ukol sa pagliligtas sa bayan ng Diyos mula sa kanilang pagkaalipin sa Ehipto. Sa puntong ito nakita ng Dios na siya ay malakas at may kakayahan, at inutusan siyang bumalik sa Egipto at ilabas doon ang Kanyang mga dumadaing na bayan. Alalahanin na si Moses ay nagprotesta laban sa ideya at nangatuwiran na siya ay nabigo sa kanyang unang pagtatangka, noong siya ay bata pa at may sapat na kaalaman at ngayong nasa huling yugto ng kanyang buhay ay hindi na siya susubok muli, na ni hindi na niya kayang magsalita ng kanilang wika. Pagkatapos ng mahabang pag-uusap, inalis ng Diyos ang kanyang mga pagtutol sa pamamagitan ng pangakong ibibigay sa kanya ang kanyang kapatid na si Aaron, upang maging kanyang tagapagsalita, at sa wakas ay pumayag si Moises na bumalik sa Ehipto.
Doon sa pamamagitan ng kanyang tungkod ay gumawa siya ng maraming tanda at kababalaghan sa harap ng mga Ehipsiyo at ng mga Hebreo. Alalahanin kung ano ang nangyari noong gabi ng Paskuwa, noong gabi bago sila umalis sa Ehipto: Ipinahayag ni Moises sa buong lupain na sa bawat tahanan kung saan walang dugo na masusumpungan sa poste ng pinto, sa gabing iyon, ang mga panganay sa bawat gayong tahanan ay mamamatay.
Yaong mga sumuway sa Banal na utos ay abalang umuungol at inililibing ang kanilang mga patay sa sumunod na araw, habang ang mga tumalima dito ay masaya at matiwasay na nagmamartsa palabas ng mga lungsod. Oo, tanging ang mga may kakayahang tumanggap ng mga utos ang pinalaya mula sa pagkaalipin. Samakatuwid, kinakailangan na matuto tayong tumanggap ng mga utos kung nais nating matanggap ang selyo ng Diyos sa ating mga noo.
Gayunpaman, huwag kalimutan na ang mga anak ni Israel ay umalis sa Ehipto nang may matinding sigasig at mataas na pag-asa. Ngunit nang makita nila ang Dagat na Pula sa unahan nila, at ang hukbo ni Paraon sa likuran nila, sila ay napuno ng pangingilabot. Nakita nila ang kanilang mga sarili sa isang bitag ng kamatayan bagaman sila ay nasa bingit ng isa pang kamangha-manghang pagpapalaya. Pagkatapos ay bumaling sila kay Moises at inakusahan siya na dinala sila sa dagat, na ginawang ganap na imposible ang kanilang pagtakas mula sa kanilang mga kaaway.
Sa pananaw ng tao sa sitwasyon, sila ay nasa isang tiyak na suliranin. Sa sandaling iyon ay nakalimutan nila ang kanilang naging mahimalang pagkaligtas mula sa mga tagapagpagawa ni Paraon at ang kanilang mga mata ay sumara sa kamangha-manghang ulap sa araw at haliging apoy sa gabi na umakay sa kanila sa lahat ng landasin. Sa kanilang paningin, napakalaki ng ebidensya laban sa kakayahan ni Moises na pangunahan silang ligtas. Sa kanilang pag-aalala, ang buong pakikipagsapalaran ay tila tiyak na mabibigo. Ang pag-asa na magpatuloy o kahit pa ang bumalik sa pinanggalingan ay nawala sa kanila, at ang lahat ng ito ay dahil inakala nilang si Moises, at hindi ang Diyos, ang kanilang tagapagligtas! Gaano kakitid na pananaw, hindi matatag, mapagduda, at malilimuting bayan! Ang karanasan sa gawain ng ebanghelyo ay nagturo sa akin na ang bayan ng Diyos sa ngayon ay may parehong manunukso na kailangang harapin, at katulad na mga tuksong dapat panagumpayan kung gusto nilang matanggap ang selyo ng Diyos.
Magiging napakalaking pagkakaiba sana kung ang mga Israelita ay naniwala lamang na ang Diyos, at hindi si Moises, ang kanilang Pinuno, na ang tila bitag ng kanilang kamatayan ay maaaring maging mismong pintuan ng kanilang pag-asa. Hayaan ang kanilang karanasan na magturo sa atin na alalahanin na ang Diyos ay alin lamang sa dalawa – na Siya ang mismong umaakay sa atin o hindi sa kabuuan, na ang Kanyang mga daan ay hindi ang ating mga paraan, at kung ano ang maaaring tila mukhang pinakamalaking hadlang ay maaaring maging ang ating pinakamalaking pagpapala.
Makikita na ang tunay na panganib ng Israel ay hindi nakabatay sa ginawa ni Moises, kundi sa kanilang kawalan ng paniniwala na ang renda ay nasa mismong mga kamay ng Diyos, sa kanilang hindi pagkilala na ang Kanyang mga paraan ay taliwas ng sa atin. Nabigo silang makita na ang Diyos ay maaaring muli at muling gumawa ng mga himala upang iligtas sila mula sa kamay ng kanilang kaaway, na maaari Niyang tuyuin ang karagatan nang kasingdali ng pagpapabaha Niya sa lupa.
Sa pagkakahayag ng kanilang mga kabiguan sa ating harapan, dapat nating gamitin ito bilang mga hakbang tungo sa tagumpay. Kaya't buong pusong paniwalaan na ang Diyos ang namamahala sa ating kaligtasan, sa ating buhay at sa ating kamatayan. Na kaya Niyang dalhin tayo sa kaligtasan kahit na ang lupa ay mawala sa kalawakan, na hindi tayo mamamatay kung gusto Niyang buhayin tayo, at hindi tayo mabubuhay kung gusto Niyang mamatay tayo. Lagi nating isaisip na tayo mismo ay walang alam tungkol sa mga plano ng Diyos maliban sa sinabi sa pamamagitan ng Kanyang hinirang na mga lingkod, ang mga propeta, at habang nasasaksihan natin ang mga ito araw-araw. Kung araw-araw tayong lalakad kasama ng Diyos, kung ipagkakatiwala natin ang lahat sa Kanya, kung gayon ang lahat ay nakasalalay sa Kanya.
Ang Diyos, sa Kanyang karunungan, ay dinala ang Israel sa Dagat na Pula para sa kanilang sariling kapakanan, at kahit na hindi nila ito makita sa Kanyang paraan, gayunpaman, alang-alang sa Kanyang Pangalan, hinati Niya ang dagat, dinala silang ligtas sa pagtawid, at kasabay nito, sa tabi ng parehong himala, pinatay ang kanilang mga kaaway!
Kung si Moises ay nag-alinlangan sa kapangyarihan at pamumuno ng Diyos tulad ng mga taong kasama niya, ano kaya ang magiging epekto ng kanyang tungkod nang hinampas niya ang dagat? - Wala. Kung ang Paghatol ng Walang-hanggan ay kapareho ng paghatol ng taong may hangganan, kung gayon ang hukbo ni Paraon ay maaaring pumatay o umalipin muli sa Israel.
Samakatuwid, ang kanilang makapangyarihang pagliligtas ay nararapat na magtatag ng ating pagtitiwala sa Diyos magpakailanman, at dapat tumayo bilang walang hanggang alaala na ang karunungan ng mga tao ay kamangmangan sa Diyos, at ang pananampalataya sa Kanya ay aktwal na nag-aalis ng mga bundok at dagat, din.
Basahin ang Awit 3:4; Awit 14:7; Awit 20:1-3; Awit 27:5; Awit 36:8; Awit 61:4; at Awit 68:5, 35. Saan nagmumula ang tulong sa mga tekstong ito?
““Ang parehong pagtitiwala ay inihinga sa mga salitang isinulat noong, ang isang pinatalsik sa trono at walang koronang hari, na si David ay tumakas mula sa Jerusalem sa paghihimagsik ni Absalom. Dala ng kalungkutan at pagod sa kanyang pagtakas, siya at ang kanyang mga kasama ay nanatili sa tabi ng Jordan sa loob ng ilang oras na pahinga. Nagising siya sa tawag ng agarang pagtakas. Sa dilim, ang daanan ng malalim at mabilis na agos ng batis ay kailangang suungin ng buong pangkat ng mga kalalakihan, kababaihan, at maliliit na bata; sapagka't humahabol sa kanila ang mga puwersa ng taksil na anak. Ed 164.7
“Si Satanas ay laging handa upang ibuyo sa atin na ang panalangin ay isang anyo lamang, na walang pakinabang. Hindi niya kayang matunghayan ang pagsusumamo sa kanyang makapangyarihang karibal. Sa tunog ng taimtim na panalangin, nanginginig ang mga hukbo ng kadiliman. Sa takot na baka makatakas ang kanilang bihag, gumawa sila ng pader sa paligid niya, upang hindi maabot ng liwanag ng Langit ang kanyang kaluluwa. Ngunit kung sa gitna ng kagipitan at kawalan ng kakayahan, ang makasalanan ay tumingin kay Jesus, na nagsusumamo sa mga kabutihan ng kanyang dugo, ang ating mahabagin na Manunubos ay makikinig sa taimtim, at matiyagang panalangin ng pananampalataya, at magpapadala muli ng anghel para sa kanyang ikaliligtas. At nang ang mga anghel na ito, na makapangyarihan, na nararamtan ng sandata ng langit, ay dumating upang tumulong sa nanghihina, at tinutuksong kaluluwa, ang mga anghel ng kadiliman ay babagsak, nalalaman nilang talo sila sa labanan, at ang isa pang kaluluwa ay nakatakas mula sa kapangyarihan ng kanilang impluwensya.— Signs of the Times, November 18, 1886. PH048 35.3 - Ellen G White
“ Awit 20:1, 2, 6 : Ang Panginoon ay sumasagot sa iyo sa araw ng kabagabagan; itaas ka sa mataas ng pangalan ng Dios ni Jacob; Saklolohan ka mula sa santuario, at palakasin ka mula sa Sion... Talastas ko ngayon na inililigtas ng Panginoon ang kaniyang pinahiran ng langis; sasagutin niya siya mula sa kaniyang banal na langit ng pangligtas na kalakasan ng kaniyang kanang kamay.” PH048 36.1 - Ellen G White
“Kung ang mga matuwid ay pababayaang maging biktima ng kanilang mga kaaway, ito ay magiging isang tagumpay para sa prinsipe ng kadiliman. Ang sabi ng salmista: “Sapagka't sa kaarawan ng kabagabagan ay iingatan niya ako na lihim sa kaniyang kulandong: sa kublihan ng kaniyang tabernakulo ay ikukubli niya ako” Awit 27:5 . Sinalita ni Cristo: “Ikaw ay parito, bayan ko, pumasok ka sa iyong mga silid, at isara mo ang iyong mga pintuan sa palibot mo: magkubli kang sangdali, hanggang sa ang galit ay makalampas; Sapagka't, narito, ang Panginoon ay lumalabas mula sa kaniyang dako upang parusahan ang mga nananahan sa lupa dahil sa kanilang kasamaan.” Isaias 26:20, 21 . Maluwalhati ang magiging pagliligtas ng mga matiyagang naghintay sa Kanyang pagdating at ang kanilang mga pangalan ay nakatala sa aklat ng buhay.” GC 634.1 - Ellen G White
“Nakakabagbag-damdaming pigura ito! Napakagandang ideya ang ibinibigay nito sa atin ukol sa mapagbantay na pangangalaga ni Cristo para sa lahat ng nagtitiwala sa Kanya. Hinahangad ni Cristo na tipunin ang Israel sa ilalim ng Kanyang namamagitang mga pakpak...” 16MR 276.1 - Ellen G White
Anong mga espirituwal na aral ang matututuhan mula sa kasaysayan ng Exodo?
Madalas na iniisip ng mga Kristiyano na ang mga Israelita ay napakasama at masuwayin na bayan, ngunit pagkatapos na matunghayan ang kanilang mga karanasan upang ating pakinabangan, isipin kung gaano tayo magiging masama kung gagawin din natin ang kanilang ginawa! Kung hindi tayo gagawa ng mas mahusay kaysa sa kanila, paano natin aasahan na maging karapat-dapat para sa selyo at para sa Kaharian na hindi nila natanggap?
Sa kasaganaan ng buhay, naisip ni Moises na kaya niyang iligtas ang bayan ng Israel. Ngunit sinabi sa probidensya: "Hindi ka angkop para sa gawain, lumabas ka at gagawin kitang angkop." At lumabas si Moses.
Hindi niya kailangan ang pagsasanay ni Paraon para magawa ang gawain ng Diyos. Ito ay isang hadlang sa kanya! Bakit? Dahil ito ay nagdulot sa kanya ng pagtitiwala sa sarili, na hiwalay sa Diyos. Ang gayong tao na inaakalang nararapat upang umakay sa bayan ay maglalayo sa kanila sa Kanya at tungo sa kasalanan, at ang inaakalang maling tao ang aakay tungo sa Diyos at palayo sa kasalanan.
Gaano katotoo ang pahayag sa Mga Patotoo , Vol. 5, pg. 80: “…Sa huling solemneng gawain ay kakaunti lamang ang mga dakilang tao na makikisangkot. Sila ay may kasapatan sa sarili, na hiwalay sa Diyos, at hindi niya sila magagamit. Ang Panginoon ay may tapat na mga lingkod, na sa pagliliglig, sa panahon ng pagsubok ay ihahayag upang makita.”
Matutulungan lamang ng Diyos yaong nakababatid na hindi sila sapat para sa kanilang gawain, ang mga taong alam na kailangan nila ang Kanyang tulong. Kaya, kung gayon, ang mga nag-aakalang makakagawa sila ng mga kababalaghan ay sila mismo ang walang magawa kundi ang makapinsala.
Malinaw na yaong mga gagamitin ng Diyos sa Kanyang huling gawain, sa panahon ng wakas, ay hindi yaong katulad ng prinsipe ng Ehipto, hindi anumang katulad ng edukadong si Moises. Yaong mga matututong mag-alaga at magpakain ng mga tupa ng mabuti at madaling tumanggap ng mga utos ay ang mga maaaring turuan kung paano alagaan at pakainin ang bayan ng Diyos.
Ang asawa ni Moises ay ang tanging taga-Etiopia sa buong grupo. Dahil dito inisip ng ilan na mas mataas sila sa kanya. Inisip nila na si Moises ay nakagawa ng hindi mapapatawad na kasalanan sa pamamagitan ng pag-aasawa sa labas ng kanyang bayan, na para bang ang lahi ay may kinalaman sa paggawa ng mga tao na mas mataas o mas mababa. Ang sariling kapatid ni Moises, si Miriam, ay nahuli sa kasalanang iyon. Naroon siya, sinusubukang sirain ang kanyang pamilya, ngunit nanalangin si Moises para sa kanyang paggaling nang siya ay magkaroon ng ketong.
Sino ang nakaabot sa lupang pangako? – Lahat maliban sa mga nagbubulung-bulungan. Inaakala mo ba na kung iyong hahayaan ang ganoong parehong espiritu ng pagbubulung-bulungan at pagrereklamo ay makatatanggap ka ng tatak? – O anong kamangmangan ang gayong pag-iisip! Hindi makatarungan para sa isang makatarungang Diyos na wasakin ang mga masuwayin sa araw na iyon, ngunit iligtas ang mga masuwayin sa araw na ito.
Ano ang dahilan kung bakit naging karapat-dapat ang isang grupo na tumawid sa Jordan? – Ito ay dahil sa kanilang pagtitiwala sa Diyos, kinilala na Siya ang kanilang Punong Pinuno. Kinilala nila sina Moses at Josue bilang mga instrumento ng Diyos upang makipagusap sa kanila. Tinuring sila kung sino talaga sila. May kasiyahan sila sa kani-kanilang bahagi. Tumatalima sa anumang utos na ibibigay sa kanila. Kaya't sila lamang ang nakapasok sa lupain.