“Oo, kaniyang sinasabi, Totoong magaan ang bagay na ikaw ay naging aking lingkod upang ibangon ang mga lipi ng Jacob, at isauli ang iningatan ng Israel, ikaw ay aking ibibigay na pinakailaw sa mga Gentil upang ikaw ay maging aking kaligtasan hanggang sa wakas ng lupa.” KJV - Isaias 49:6
“Sa pabor na ipinakita sa kanila ni Ciro, halos limampung libo sa mga anak ng pagkabihag ang nakinabang sa utos na nagpapahintulot sa kanilang pagbalik. Gayunpaman, kung ihahambing ang mga ito sa daan-daang libo na napangalat sa buong Medo-Persia, ito ay iilan lamang. Pinili ng karamihan sa mga Israelita na manatili sa lupain na iyon sa halip na dumanas ng kahirapan sa paglalakbay pabalik at muling pagtatatag ng kanilang mga natiwangwang na mga lungsod at tahanan. PK 598.1
“Halos dalawampung taon o higit pa ang lumipas nang si Dario, ang namumuno sa panahong iyon, ay naglabas sa pangalawang utos na kasing pabor ng nauna. Sa gayon, ang Diyos sa Kanyang awa ay nagbigay ng isa pang pagkakataon para sa mga Hudyo na nasa sakop ng Medo-Persia na makabalik sa lupain ng kanilang mga ninuno. Nakita ng Panginoon ang maligalig na mga panahon na susunod sa panahon ng pamumuno ni Xerxes,—ang Assuero sa aklat ni Esther,—at hindi lamang Siya nagdulot ng pagbabago ng damdamin sa mga puso ng mga taong may awtoridad, ngunit binigyan din ng inspirasyon si Zacarias na makiusap sa tapon na bayan na manumbalik.” PK 598.2
“Layunin pa rin ng Panginoon, gaya noong simula, na ang Kanyang bayan ay maging isang papuri sa lupa, sa ikaluluwalhati ng Kanyang pangalan…” PK 599.2
Basahin ang Daniel 1:1-12, Daniel 3:1-12, at Daniel 6:1-9. Gaano man kakaiba ang bawat sitwasyon, ano ang inilalahad ng mga kwentong ito tungkol sa mga hamon na maaaring kaharapin ng bayan ng Diyos sa paninirahan sa isang banyagang kultura?
“Marami ang sangkot sa desisyong ito. Itinuturing silang mga alipin, ngunit sila ay nabigyan ng pabor dahil sa kanilang natatanging katalinuhan at kagandahang asal. At nagpasya sila na ang anumang pagkukunwari, kahit na ang umupo sa hapag ng hari at kumain ng pagkain o tumanggap ng alak, kahit na hindi nila ito inumin, ay isang pagtanggi sa kanilang relihiyosong pananampalataya.... Hindi nila pinipiling maginong ganoon ngunit kinakailangang gawin, dahil kung hindi, sila ay masisira at malalantad sa bawat uri ng tukso sa pagkain at pag-inom sa mga korte ng Babilonia. Ang mga masasamang impluwensyang ito ay mag-aalis ng kanilang pananggalang, at kanilang malalapastangan ang Diyos at sisira sa kanilang sariling mga karakter. .—Manuscript 122, 1897.” CTr 173.6
“Ang mga sangkot sa linya ng pagnenegosyo ay dapat maging maingat laban sa pagkahulog sa pagkakamali sa pamamagitan ng maling mga prinsipyo o pamamaraan. Ang kanilang rekord ay dapat maging gaya ng kay Daniel sa mga korte ng Babilonia. Kapag ang lahat ng kanyang mga transaksyon sa negosyo ay sumailalim sa pagsisiyasat ay wala ni isang pagkukulang o sirang bagay ang masusumpungan. Ang talaan ng kanyang buhay pagnenegosyo, bagaman hindi kumpleto, ay naglalaman ng mga aral na karapat-dapat pag-aralan. Ibinubunyag nito ang katotohanan na ang isang negosyante ay hindi kinakailangang maging isang tusong tao. Na maaari siyang maging isang tao na natuturuan ng Diyos sa bawat hakbangin. Si Daniel, habang itinalagang pinuno sa buong lalawigan ng Babilonia, ay isang propeta ng Diyos, na tumatanggap ng liwanag ng makalangit na inspirasyon. Ang kanyang buhay ay isang paglalarawan sa kung ano ang nararapat maging katangian ng isang Kristiyanong negosyante. 7T 248.2
“Hindi tinatanggap ng Diyos ang pinakamaringal na paglilingkod maliban kung ang sarili ay ihain sa altar, bilang isang haing buhay. Ang ugat ay nararapat maging banal, kung hindi ay wala itong magiging malakas, at malusog na bunga, na tanging katanggap-tanggap sa Diyos. Ang puso ay dapat italaga at maging kumbertido. Ang motibo ay nararapat ding maging tama. Ang panloob na ilawan ay dapat punuin ng langis na dumadaloy mula sa mga mensahero ng langit sa pamamagitan ng mga gintong tubo na nakakonekta sa gintong taza [golden bowl]. Ang pakikipag-usap ng Panginoon ay hindi kailanman dumarating sa tao nang walang kabuluhan. 7T 248.3
“Ang mga mahahalagang katotohanan ay nakaugnay sa panghabang-buhay na kapakanan ng tao kapwa sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan na nagbubukas sa ating harapan.“ Pakabanalin mo sila sa katotohanan: ang salita mo'y katotohanan.” Juan 17:17 . Ang salita ng Diyos ay dapat isabuhay. Ito ay mabubuhay at mananatili magpakailanman. Samantalang ang mga makamundong ambisyon, mga makamundong proyekto, at ang pinakadakilang mga plano at layunin ng mga tao ay maglalaho tulad ng damo, “At silang pantas ay sisilang na parang ningning ng langit; at silang mangagbabalik ng marami sa katuwiran ay parang mga bituin magpakailan man.” Daniel 12:3 .” 7T 249.1
Basahin ang Esther 2:1-9. Ano ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa atin tungkol sa sitwasyon nina Mordecai at Esther?
“Mayroong alinlangan na ang hari, matapos ikonsidera ang mga bagay, ay nadama pang si Vasthi ay karapat-dapat parangalan, sa halip na tratuhin siya kung ano siya. 3BC 1139.8
“Walang batas ng diborsiyo, na ginawa ng mga tao na sa loob ng maraming araw ay nag-inom ng alak, mga lalaking walang pagpipigil sa panlasa, ang maaaring bigyang halaga sa mata ng Hari ng mga hari. Ang mga lalaking ito ay walang kakayahang mabigay ng mabuti at marangal na pangangatuwiran. Wala silang pagkaunawa sa totoong sitwasyon. 3BC 1139.9
“Gaano man kataas ang kanilang katungkulan, ang mga tao ay dapat sumunod sa Diyos. Ang dakilang kapangyarihan na inaangkin ng mga hari ay kadalasang humahantong sa sukdulan ng pagdadakila sa sarili. At ang walang kabuluhang mga panata na ginagawa upang mapagtibay ang mga batas na nagwawalang-bahala sa mas mataas na mga batas ng Diyos ay nagdudulot ng kawalang-katarungan. 3BC 1139.10
“Ang mga gawa ng pagpapalayaw tulad ng nakalarawan sa unang kabanata ng Esther ay hindi lumuluwalhati sa Diyos. Gayunpaman, nagagawa paring tuparin ng Panginoon ang Kanyang kalooban sa pamamagitan ng mga tao na ito na nakapaglilihis sa iba. Kung hindi iniunat ng Diyos ang Kanyang nagpipigil na kamay ay mayroong mga kakaibang presentasyon na makikita. Ngunit gumagawa ang Diyos sa isipan ng mga tao upang maisakatuparan ang Kanyang layunin, bagaman ang taong ginagamit ay nagpapatuloy sa maling gawi. Nagagawang isakatuparan ng Panginoon ang Kanyang mga plano sa pamamagitan ng mga taong hindi kumikilala sa Kanyang mga aral ng karunungan. Ang puso ng bawat hari ay nasa kamay ng Panginoon na parang mga batis: kumikiling saan man niya ibigin. (Kaw. 21:1) 3BC 1139.11
“Sa pamamagitan ng karanasang na nagdala kay Esther sa trono ng Medo-Persia, ang Diyos ay kumikilos para sa pagsasakatuparan ng Kanyang mga layunin para sa Kanyang bayan. Yaong naisagawa sa ilalim ng impluwensiya ng alak ay lumabas na nakakabuti para sa Israel. ( Manuscript 39, 1910 ).” 3BC 1139.12
Basahin ang Esther 3:1-15. Anong nangyari dito, at bakit?
“Sa pamamagitan ni Aman na Agageo, isang walang prinsipyong tao na mataas ang awtoridad sa Medo-Persia, kumilos si Satanas sa panahong ito upang labanan ang mga layunin ng Diyos. Si Aman ay may kinikimkim na mapait at masamang hangarin laban kay Mordecai na isang Judio. Si Mordecai ay walang ginawang masama kay Aman, maliban sa kanyang pagtanggi na yumukod sa kanya. “Inakala niyang walang kabuluhan na pagbuhatan ng kamay si Mordecai na magisa,” kaya’t nagplano si Aman na “inisip na lipulin ang lahat na Judio na nangasa buong kaharian ni Assuero, sa makatuwid baga'y ang bayan ni Mordecai.” Esther 3:6 . PK 600.2
“Dahil sa maling mga pahayag ni Aman, si Xerxes ay naudyukan na maglabas ng isang utos na naglalaan ng pagpaslang sa lahat ng mga Judio na “nakakalat at nakasabog sa gitna ng mga bayan sa lahat ng mga lalawigan ng kaharian ” ng Medo-Persia. Talata 8 . May isang araw na itinakda kung saan ang mga Judio ay lilipulin at ang kanilang mga ari-arian ay kukumpiskahin. Hindi napagtanto ng hari ang malalang resulta na kaakibat ng pagpapatupad ng atas na ito. Si Satanas mismo, ang nakatagong pasimuno ng panukala na ito, ay nagsisikap na burahin sa lupa ang mga nag-iingat sa kaalaman sa tunay na Diyos.” PK 600.3
“Sa pagkabulag ng hari, siya ay makagagawa ng isang bagay na magdudulot ng pagdurusa at pang-aapi sa isang bayan na kumikilala sa Panginoon at naglingkod sa Kanya. Si Satanas ay gumagawa sa iba't ibang paraan sa pamamagitan ng masasamang tao upang magdulot ng pagdurusa sa bayan ng Panginoon. Ang mga ahensya ni Satanas ay nagsisikap na lipulin ang mga Judio, ngunit ang layunin ng kaaway ay nahadlangan. Tungkulin ng mga nasasakupan ng Panginoon, anuman ang mangyari sa kanilang sarili, na maging tapat sa Kanya.” 25LtMs, Ms 39, 1910, par. 33
“Ang utos na ilalabas laban sa bayan ng Diyos ay magiging katulad ng inilabas ni Assuero laban sa mga Judio noong panahon ni Esther. Ang utos ay nagmula sa masamang hangarin ni Aman kay Mordecai. Hindi dahil sa ginawan siya ng masama ni Mordecai, ngunit tumanggi siyang yumukod sa kanya o ibigay ang galang na tanging nauukol sa Diyos. Ang desisyon ng hari laban sa mga Judio ay nakuha sa ilalim ng maling mga pahayag sa pamamagitan ng maling representasyon laban natatanging bayang iyon. Pinasimulan ni Satanas ang panukala upang burahin sa lupa ang mga nag-iingat sa kaalaman sa tunay na Diyos. Ngunit ang kanyang mga pakana ay natalo ng isang kapangyarihan na naghahari sa mga anak ng tao. Ang mga anghel na napakahusay sa lakas ay inatasang protektahan ang bayan ng Diyos, at ang mga pakana ng kanilang mga kalaban ay bumalik sa kanilang sariling mga ulo. Ang mundo ng mga Protestante ngayon ay nakikita sa maliit na grupo na pinangangalagaan ang Sabbath ang isang Mordecai sa pintuang-daan. Ang Kanyang pagkatao at pag-uugali, na nagpapahayag ng paggalang sa batas ng Diyos, ay isang pagsuway sa mga taong nagtakwil ng takot sa Panginoon at yumuyurak sa Kanyang Sabbath; ang hindi kanais-nais na nanghihimasok ay dapat maalis sa daan.” ” 5T 450.1
Basahin ang Esther 4:1-14. Bakit itinuturing na ang pagkakataong ito’y angkop para kay Esther na ipakilala ang kanyang sarili bilang isang Judio?
““Dahil sa maling mga pahayag ni Aman, si Xerxes ay naudyukan na maglabas ng isang utos na naglalaan ng pagpaslang sa lahat ng mga Judio na “nakakalat at nakasabog sa gitna ng mga bayan sa lahat ng mga lalawigan ng kaharian ” ng Medo-Persia. Talata 8 . May isang araw na itinakda kung saan ang mga Judio ay lilipulin at ang kanilang mga ari-arian ay kukumpiskahin. Hindi napagtanto ng hari ang malalang resulta na kaakibat ng pagpapatupad ng atas na ito. Si Satanas mismo, ang nakatagong pasimuno ng panukala na ito, ay nagsisikap na burahin sa lupa ang mga nag-iingat sa kaalaman sa tunay na Diyos.” PK 600.3
“ At sa bawa't lalawigan, na kinararatingan ng utos ng hari at ng kaniyang pasiya, ay nagkaroon ng malakas na panangisan sa gitna ng mga Judio, at ng pagaayuno, at ng iyakan at ng taghuyan; at marami ay nagsipanamit ng kayong magaspang at mga abo.” Esther 4:3 . Ang utos ng mga Medes at Persian ay hindi maaaring bawiin; tila walang pag-asa; ang lahat ng mga Israelita ay matutungo sa tiyak na kapahamakan. PK 601.1
“Ngunit ang mga pakana ng kaaway ay natalo ng isang Kapangyarihang naghahari sa mga anak ng tao. Sa ilalim ng probisyon ng Diyos, si Esther, isang Judio na may takot sa Kataas-taasan, ay ginawang reyna ng kaharian ng Medo-Persia. Si Mordecai ay isang malapit niyang kamag-anak. Sa kanilang kasukdulan ay nagpasya silang magsumamo kay Xerxes sa ngalan ng kanilang bayan. Si Esther ay makikipagsapalaran sa kanyang harapan bilang isang tagapamagitan. “Sino ang nakakaalam ,” sabi ni Mordecai, “na kung kaya ka pinasapit sa kaharian ay dahil sa bagay na ito?” Talata 14 . PK 601.2
“ Ang krisis na kinaharap ni Esther ay nangangailangan ng mabilis at taimtim na pagkilos; ngunit kapwa nila napagtanto ni Mordecai na maliban kung ang Diyos ay gagawa nang may kapangyarihan para sa kanila, ang kanilang sariling mga pagsisikap ay hindi magiging kapaki-pakinabang. Kaya't si Esther ay naglaan ng panahon para sa pakikipag-usap sa Diyos, ang pinagmumulan ng kanyang lakas. “Ikaw ay yumaon,” ang utos niya kay Mordecai, “pisanin mo ang lahat na Judio, na nangakaharap sa Susan, at ipagayuno ninyo ako, at huwag kayong magsikain o magsiinom man na tatlong araw, gabi o araw; ako naman at ang aking mga dalaga ay mangagaayuno ng gayon ding paraan; at sa gayo'y papasukin ko ang hari, na hindi ayon sa kautusan: at kung ako'y mamatay ay mamatay.” Talata 16 . PK 601.3
Basahin ang Esther 9:1-12. Ano ang resulta ng pagsisikap ni Esther?
“Ang mga pangyayaring naganap na sunod-sunod ,— ang pagpapakita ni Esther sa harap ng hari, ang tandang pabor na ipinakita sa kanya, ang mga piging ng hari at reyna kasama si Aman bilang tanging panauhin, ang maligalig na pagtulog ng hari, ang pampublikong karangalan na ipinakita kay Mordecai, at ang kahihiyan at pagbagsak ni Aman nang matuklasan ang kaniyang masamang balak,—lahat ito ay bahagi ng isang pamilyar na kuwento. Ang Diyos ay gumawa ng kamangha-mangha para sa Kanyang nagsisising bayan; at isang kontrang-utos na inilabas ng hari, na nagpapahintulot sa kanila na makipaglaban para sa kanilang buhay ay mabilis na ipinaalam sa bawat bahagi ng kaharian ng mga nakasakay na mga mensahero, na “na nangagmamadali at nangagtutumulin sa utos ng hari.” “At sa bawa't lalawigan, at sa bawa't bayan, saan man dumating ang utos ng hari at pasiya niya, ay nagkaroon ang mga Judio ng kasayahan at kagalakan, ng kapistahan at mabuting araw. At marami na mula sa mga bayan ng lupain ay naging mga Judio; sapagka't ang takot sa mga Judio ay suma kanila.” Esther 8:14, 17 . PK 602.1
“Sa araw na itinakda para sa kanilang pagkalipol, “ang mga Judio ay nagpipisan sa kanilang mga bayan sa lahat na lalawigan ng haring Assuero, upang magbuhat ng kamay sa mga nagbabanta ng kanilang kapahamakan: at walang makatayo sa kanila; sapagka't ang takot sa kanila ay nahulog sa lahat ng mga bayan.” Ang mga anghel na napakahusay sa lakas ay inatasan ng Diyos na protektahan ang Kanyang bayan habang sila ay “ipinagsanggalang ang kanilang buhay.” Esther 9:2, 16 . PK 602.2
“Si Mordecai ay binigyan ng posisyon ng karangalan na dating inookupahan ni Aman. Siya ay “pangalawa sa haring Assuero, at dakila sa gitna ng mga Judio, at kinalulugdan ng karamihan ng kaniyang mga kapatid: ” ( Esther 10:3 ); at hinangad niyang itaguyod ang kapakanan ng Israel. Sa gayon ay muling dinala ng Diyos ang Kanyang piniling bayan sa pabor sa hukuman ng Medo-Persia, na naging posible na maisakatuparan ang Kanyang layunin na ibalik sila sa kanilang sariling lupain. Ngunit ilang taon pa ang lumipas, noong ikapitong taon ni Artaxerxes I, ang kahalili ni Xerxes the Great, na ang malaking bilang ay nakapanumbalik sa Jerusalem, sa ilalim ni Ezra. PK 602.3
“Ang mga pagsubok na karanasan na dumating sa bayan ng Diyos noong panahon ni Esther ay hindi natatangi sa panahong iyon lamang. Ang tagapaghayag, na tumitingin sa mga kapanahunan hanggang sa katapusan ng panahon, ay nagpahayag, “At nagalit ang dragon sa babae, at umalis upang bumaka sa nalabi sa kaniyang binhi, na siyang nagsisitupad ng mga utos ng Dios, at mga may patotoo ni Jesus:.” Apocalipsis 12:17 . Ang ilan sa nabubuhay ngayon sa lupa ay makakakita sa katuparan ng mga salitang ito. Ang parehong espiritu na sa nakalipas na mga panahon ay umakay sa mga tao upang usigin ang tunay na iglesya, ang sa hinaharap ay magdudulot din sa pagtahak sa ganoon ding landas laban sa mga nagpapanatili ng kanilang katapatan sa Diyos. Maging ngayon, may mga paghahanda na isinasagawa para sa huling malaking tunggaliang ito.” PK 605.1
“Ang utos na sa wakas ay lalabas laban sa nalalabing bayan ng Diyos ay magiging katulad ng inilabas ni Assuero laban sa mga Judio. Ngayon, ang mga kaaway ng tunay na iglesia ay nakikita sa maliit na pulutong na tumutupad sa utos ng Sabbath, ng isang Mordecai sa pintuang-daan. Ang paggalang ng bayan ng Diyos sa Kanyang kautusan ay isang pagsuway sa mga nagtakwil ng takot sa Panginoon at yumuyurak sa Kanyang Sabbath. PK 605.2
“Pupukawin ni Satanas ang galit laban sa minority na ito na tumatangging tumanggap ng mga popular na mga kaugalian at tradisyon. Ang mga taong may katungkulan at reputasyon ay makikiisa sa mga makasalanan at masasama upang kumuha ng payo laban sa bayan ng Diyos. Ang kayamanan, kahenyuhan, edukasyon, ay magsasama-sama upang palibutan sila ng pagkapahamak. Ang umuusig na mga pinuno, mga ministro, at mga miyembro ng iglesia ay magsasabwatan laban sa kanila. Sa pamamagitan ng boses at panulat, sa pamamagitan ng pagmamayabang, pagbabanta, at pangungutya, sisikapin nilang ibagsak ang kanilang pananampalataya. Sa pamamagitan ng mga huwad na representasyon at galit na panawagan, pupukawin ng mga tao ang damdamin ng mga tao. Dahil wala silang pinanghahawakan na naaayon sa “kung ano ang sabi ng mga Kasulatan” para ilaban sa mga tagapagtaguyod ng Sabbath ng Bibliya, sila ay gagamit ng mapang-aping mga pagsasabatas. Upang matiyak ang katanyagan at pagtangkilik sa kanila, ang mga mambabatas ay magpapahinuhod sa mga kahilingan na isulong ang Sunday Law. Ngunit ang mga may takot sa Diyos ay hindi maaaring tumanggap ng isang institusyon na lumalabag sa isang tuntunin ng Dekalogo. Sa labanang ito ng digmaan ay ipaglalaban ang huling malaking tunggalian sa kontrobersya sa pagitan ng katotohanan at kamalian. At hindi tayo mangmang hinggil sa isyu na ito. Ngayon, tulad noong mga araw nina Esther at Mordecai, ipagtatanggol ng Panginoon ang Kanyang katotohanan at ang Kanyang bayan. ” PK 605.3