Misyon sa Nangangailangan

Liksyon 8, 4 th Quarter Nobyembre 18-24, 2023

img rest_in_christ
Ibahagi ang Liksyong ito
Download Pdf

Hapon ng Sabbath, Nobyembre 18

Talatang Sauluhin:

“At sasagot ang Hari at sasabihin sa kanila, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Yamang inyong ginawa sa isa dito sa aking mga kapatid, kahit sa pinakamaliit na ito, ay sa akin ninyo ginawa.”- Mateo 25:40


“Kung magkagayo'y sasagutin siya ng mga matuwid, na mangagsasabi, Panginoon, kailan ka namin nakitang nagutom, at pinakain ka namin? o nauuhaw, at pinainom ka? At kailan ka naming nakitang isang taga ibang bayan, at pinatuloy ka? o hubad, at pinaramtan ka? At kailan ka namin nakitang may-sakit, o nasa bilangguan, at dinalaw ka namin? At sasagot ang Hari at sasabihin sa kanila, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Yamang inyong ginawa sa isa dito sa aking mga kapatid, kahit sa pinakamaliit na ito, ay sa akin ninyo ginawa.” (Mateo 25: 37–40 ) . FW 44.3

“Kaya ipinakikita ni Cristo ang Kanyang pagmamalakasakit sa naghihirap na sangkatauhan. Bawat atensyon na ibinibigay sa Kanyang mga anak ay itinuturing Niyang personal na ginawa sa Kanya. Yaong mga nag-aangkin ng makabagong pagpapakabanal ay lalapit nang may pagmamalaki, na nagsasabing, “Panginoon, Panginoon, hindi baga nagsipanghula kami sa iyong pangalan, at sa pangalan mo'y nangagpalayas kami ng mga demonio, at sa pangalan mo'y nagsigawa kami ng maraming gawang makapangyarihan?” Ang mga taong inilalarawan dito na gumagawa ng mapagpanggap na pag-aangkin na ito, na isinasangkot si Jesus sa lahat ng kanilang mga ginagawa ay tumutukoy sa mga nag-aangkin ng modernong pagpapakabanal ngunit nilalabanan naman ang batas ng Diyos. Tinatawag sila ni Cristo na mga manggagawa ng kasamaan dahil sila ay mga manlilinlang, na nagsusuot ng mga kasuotan ng katuwiran upang itago ang kapinsalaan ng kanilang mga pagkatao, ang panloob na kasamaan ng kanilang masasamang puso.” FW 44.4

Linggo, Nobyembre 19

Ang Pananampalataya ng mga Kaibigan


Basahin ang Lucas 5:17-26. Ano ang ilan sa mga aral na makukuha natin sa kasaysayang ito tungkol sa pagmimisyon at ministeryo?

“Nakita ni Cristo na ang lalaki ay nagdurusa mula sa isang karamdaman sa katawan, at nakita din Niya na maging ang kanyang kaluluwa ay nagdurusa. Alam Niya na upang magkaroon ng kagalingan ang kanyang karamdaman ay kailangan din Niyang bigyang ginhawa ang isip at linisin ang kaluluwa mula sa kasalanan. Kailangan niya ng kalakasan ng kaluluwa bago niya pahalagahan ang kalusugan ng katawan. Hindi lingid sa Tagapagligtas ang pagsisikap na ginawa upang madala ang lalaki sa Kanya, at ang Kanyang puso na puno ng pag-ibig at awa ay naantig. “Nakita niya ang kanilang pananampalataya,” at iyon ay sapat na. “Anak, lakasan mo ang iyong loob; ang iyong mga kasalanan ay ipinatatawad na,” sabi Niya sa lalaking maysakit. Marami ang nagmamasid nang may pagkabalisa sa bawat galaw sa katakatakang pangyayaring iyon, na nadarama na ang mga salita ni Cristo ay tila isang paanyaya para sa kanila. Hindi baga sila ay may mga karamadaman sa kaluluwa? Hindi ba sila nagnanais na alisin ang kanilang pasanin ng pagkakasala?'” PrT May 25, 1899, par. 9

Josue 2:23, 24 – “Nang magkagayo'y nagsibalik ang dalawang lalake at bumaba sa bundok, at tumawid at naparoon kay Josue na anak ni Nun; at kanilang isinaysay sa kaniya ang lahat na nangyari sa kanila. At kanilang sinabi kay Josue, Tunay na ibinigay ng Panginoon sa ating mga kamay ang buong lupain; at bukod dito'y nangliliit ang lahat na nananahan sa lupain sa harap natin.”

Ito ang naging ulat ng dalawang espiya. Isang matapang na ulat iyon. Alam ng mga lingkod ng Diyos na ibinigay ng Diyos sa kanila ang lupain nang makita nilang nangliliit ang lahat na nananahan sa lupain sa harapan nila gaya ng nakatala sa patotoo ni Rahab:

Josue 2:8-11 – “At bago sila nahiga, ay sinampa niya sila sa bubungan. At sinabi niya sa mga lalake, Talastas ko na ibinigay sa inyo ng Panginoon ang lupain, at dinatnan kami ng pangingilabot sa inyo at ang lahat na nananahan sa lupain ay nauupos sa harap ninyo. Sapagka't aming nabalitaan kung paanong tinuyo ng Panginoon ang tubig sa Dagat na Mapula sa harap ninyo, nang kayo'y lumabas sa Egipto; at kung ano ang inyong ginawa sa dalawang hari ng mga Amorrheo, na nangasa dako roon ng Jordan, kay Sehon at kay Og, na inyong lubos na pinuksa.

At pagkabalita namin, ay nanglumo ang aming puso, ni walang diwa na naiwan sa kanino mang tao, dahil sa inyo; sapagka't ang Panginoon ninyong Dios, ay siyang Dios sa langit sa itaas, at sa lupa sa ibaba.”

Oo, ang mga naninirahan sa Jerico ay natalo lahat -- at iyon ang simula ng kanilang pagkatalo.

Upang ang mga Kristiyano ay maging matagumpay dapat silang magkaroon ng (1) pananampalataya -- Hebreo 11; (2) lakas ng loob -- Josue 2; (3) aksyon -- Exodo 14. 

Lunes , Nobyembre 20

Ang Pamamaraan Lamang ni Jesus


Basahin ang Juan 5:1-9, Marcos 1:23-28. Ano ang sinasabi sa atin ng sumusunod na mga kuwento tungkol sa paglilingkod sa mga nangangailangan?

“Yaong mga bilang tugon sa tawag ng oras ay pumasok sa paglilingkod sa Dalubhasang Manggagawa ay maaaring pag-aralan nang mabuti ang Kanyang mga pamamaraan sa paggawa. Sa panahon ng Kanyang ministeryo sa lupa, sinamantala ng Tagapagligtas ang mga pagkakataong natatagpuan sa kahabaan ng malalaking lansangan ng paglalakbay. Sa Capernaum nanahan si Jesus sa pagitan ng Kanyang mga pabalik-balik na paglalakbay, at ito ay nakilala bilang “Kanyang sariling lungsod.” Ang lungsod na ito ay mahusay na inangkop upang maging sentro ng gawain ng Tagapagligtas. Siya’y nasumpungan sa lansangan mula sa Damascus hanggang sa Jerusalem at Ehipto, at sa Dagat Mediteraneo, ito ay isang malaking lansangan ng paglalakbay. Ang mga tao mula sa maraming lupain ay dumadaan sa lungsod, o pansamantalang tumitigil upang magpahinga sa kanilang mga paglalakbay papunta at pabalik. Dito ay nakakatagpo ni Jesus ang lahat ng bansa at lahat ng uri, ang mayaman at dakila, gayundin ang mahihirap at mababa; at ang Kanyang mga aral ay nadadala sa ibang mga bansa at sa maraming sambahayan. Sa gayon, ang pagsasaliksik sa mga hula ay napupukaw; ang atensyon ay naitutuon sa Tagapagligtas, at ang Kanyang misyon ay nadadala sa harap ng sanlibutan. — Testimonies for the Church 9:121. ChS 126.3

“Sa mga kilalang health resort at mga sentro na puntahan ng mga turista, na punung-puno ng libu-libong taong naghahanap ng kasiyahan at pangkalusugan, dapat mayroong mga nakatalagang ministro at mga canvasser na may kakayahang pumukaw ng atensyon ng karamihan. Hayaan ang mga manggagawa na humanap ng pagkakataon para sa pagbabahagi ng mensahe sa oras na ito, at magsagawa ng mga pagpupulong kung may pagkakataong masumpungan. Hayaan silang maging mabilis na samantalahin ang mga pagkakataong makipagusap sa mga tao. Sa ilalim ng gabay ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu, hayaan silang humarap sa mga tao dala ang mensaheng ipinadala ni Juan Bautista, “Mangagsisi kayo; sapagka't malapit na ang kaharian ng langit.” Mateo 3:2 . Ang salita ng Diyos ay dapat ibahagi nang may kalinawan at kapangyarihan upang ang lahat ng may tainga ay makarinig ng katotohanan. Nang sa gayon ang ebanghelyo ng presenteng katotohanan ay mailagay sa daan ng mga hindi nakakaalam nito, at ito ay tatanggapin ng hindi kakaunti, at madala sa kanilang sariling mga tahanan sa lahat ng bahagi ng sanlibutan.— Testimonies for the Church 9 :122 . ChS 127.1

“Ang “Ministry of Healing” at “Christ's Object Lessons” ay iniangkop para magamit sa mga sentro ng turista, at lahat ng posibleng magagawa ay dapat gawin upang maibigay ang mga kopya ng mga akdang ito sa mga kamay ng mga may pagkakataon at nais magbasa.”— Testimonies for the Church 9:122. ChS 127.1

Ang mga apostol ay minsang umalis sa lambat ng ebanghelyo at tumigil sa pagiging mangingisda ng mga tao, at sila ay nangisda para sa sariling pakinabang, “at nang gabing yaon ay wala silang nahuling anoman. Sa kanila nga'y sinabi ni Jesus, Mga anak, mayroon baga kayong anomang makakain? Nagsisagot sila sa kaniya, Wala. At kaniyang sinabi sa kanila, Ihulog ninyo ang lambat sa dakong kanan ng daong, at makakasumpong kayo. Inihulog nga nila, at hindi na nila mahila dahil sa karamihan ng mga isda. (Juan 21:3-6.) Walang magiging kabiguan kapag ang utos ng Guro ay sinunod. Kung ang ministeryo ay patuloy na makikipagunayan kay Hesus kung saan at paano ihagis ang lambat, magkakaroon sana ng maraming "isda" - mga kumbertido - at hindi kailanman magkukulang sa “makakain” – mga yaman. 

Martes, Nobyembre 21

Mga Lumikas at mga Imigrante


Basahin ang Deuteronomio 10:19, Awit 146:9, Roma 12:13, at Levitico 23; 32. Ano ang mahalagang tema dito na kailangan nating tandaan?

“Upang isulong ang pagtitipon ng mga tao para sa relihiyosong paglilingkod, gayundin ang paglalaan para sa mahihirap, ang pangalawang ikapu ay kinakailangan. Tungkol sa unang ikapu, ipinahayag ng Panginoon, “At sa mga anak ni Levi, ay narito, aking ibinigay ang lahat ng ikasangpung bahagi sa Israel.” Bilang 18:21 . Ngunit tungkol sa pangalawa ay iniutos Niya, “At iyong kakanin sa harap ng Panginoon mong Dios, sa dakong kaniyang pipiliin na patatahanan sa kaniyang pangalan, ang ikasangpung bahagi ng iyong trigo, ng iyong alak at ng iyong langis, at ang mga panganay sa iyong bakahan at sa iyong kawan; upang magaral kang matakot sa Panginoon mong Dios na palagi.” Deuteronomio 14:23, 29 ; 16:11-14 . Ang ikapu na ito, o ang katumbas nito sa salapi, ay dalawang taon nilang dadalhin sa lugar kung saan itinatag ang santuwaryo. Pagkatapos maghandog ng isang handog na pasasalamat sa Diyos, at ng isang tiyak na bahagi para sa saserdote, ang mga naghandog ay dapat gamitin ang nalalabi para sa isang relihiyosong piging, kung saan ang Levita, ang taga ibang lupa, ang ulila, at ang balo ay dapat makibahagi. Sa gayo'y binigay ang probisyon para sa mga handog na pasasalamat at mga kapistahan sa taunang mga kapistahan, at ang mga tao ay inilapit sa samahan ng mga saserdote at mga Levita, upang sila ay makatanggap ng pagtuturo at pampatibay-loob sa paglilingkod sa Diyos. PP 530.1

“Gayunpaman, tuwing ikatlong taon, ang ikalawang ikapu na ito ay gagamitin sa tahanan, sa pagpapasaya sa Levita at sa taga ibang lupa, gaya ng sinabi ni Moises, “upang sila'y makakain sa loob ng iyong mga pintuang-daan, at mabusog.” Deuteronomio 26:12 . Ang ikapu na ito ay magsisilbing pondo para sa gawain ng kawanggawa at mabuting pakikitungo. PP 530.2

“At ang karagdagang paglalaan ay ginawa para sa mahihirap. Walang iba, pagkatapos ng kanilang pagkilala sa mga pag-aangkin ng Diyos, na higit na nagpapakilala sa mga batas na ibinigay ni Moises kaysa sa pagiging mapagbigay, malambing, at mapagpatuloy na espiritu na ipinag-uutos para sa mga dukha. Bagama't dakila ang pangako ng Diyos na pagpapalain Niya ang Kanyang bayan, hindi Niya layunin na ang kahirapan ay hindi nila makilala. Ipinahayag niya na hindi mawawalan ng dukha sa lupain kailan man. Na ang Kanyang bayan ay tatawagin upang magsagawa ng pakikiramay, pagibig, at kagandahang-loob. Noon hanggang ngayon, ang mga tao ay napapailalim sa kasawian, pagkakasakit, at pagkawala ng ari-arian; gayunpaman hanggang sinusunod nila ang tagubiling ibinigay ng Diyos, walang masusumpungang pulubi sa kanila, ni sinuman ang magdusa sa kawalan ng pagkain. PP 530.3

“Ang batas ng Diyos ay nagbigay sa mga dukha ng karapatan sa isang tiyak na bahagi sa ani ng lupa. Kapag nagugutom, ang isang tao ay malayang pumunta sa bukid o taniman o ubasan ng kanyang kapitbahay, at kumain ng butil o prutas upang ibsan ang kanyang gutom. Alinsunod sa pahintulot na ito kung kaya’t ang mga disipulo ni Jesus ay pumitas at kumain ng uhay habang sila ay dumaraan sa isang trigohan sa araw ng Sabbath. PP 531.1

“Ang lahat ng napupulot na ani sa bukid, taniman, at ubasan, ay nakalaan para sa mga dukha. “Pagka iyong aanihin ang iyong ani sa bukid, at nakalimot ka ng isang bigkis sa bukid,” ang sabi ni Moises, “ay huwag mong pagbabalikang kunin.... Pagka iyong papaspasan ang iyong puno ng olibo, ay huwag mong pagbabalikan ang mga nalagpasan.... Pagka ikaw ay namimitas sa iyong ubasan, ay huwag mong pupulutin ang nasa likuran mo; magiging sa taga ibang bayan, sa ulila, at sa babaing bao. At iyong aalalahanin na naging alipin ka sa lupain ng Egipto” Deuteronomio 24:19-22 ; Levitico 19:9, 10 . PP 531.2

Tuwing ikapitong taon ay ginagawa ang espesyal na probisyon para sa mga dukha. Ang sabbatical year, gaya ng tawag dito, ay nagsisimula sa katapusan ng pag-aani. Sa panahon ng pagtatanim, kasunod ng pagtitipon, ang mga tao ay hindi dapat maghasik; hindi nila dapat linangin ang ubasan sa tagsibol; at hindi sila dapat umasa sa anumang ani. Yaong kusang nagmula sa lupa ay maaari nilang kainin habang sariwa, ngunit hindi nila dapat iimbak ang anumang bahagi nito sa kanilang mga kamalig. Ang ani ng taong ito ay magiging libre para sa mga taga ibang lupa, ulila, at balo, at maging sa mga nilalang sa kaparangan. Exodo 23:10, 11 ; Levitico 25:5 .” PP 531.3

Miyerkules , Nobyembre 22

Upang Tulungan ang Nasasaktan


Ano ang itinuturo sa atin ng Lucas 4:18 tungkol sa ginawa ni Jesus at kung ano rin ang magagawa natin sa ating lugar para sa mga nangangailangan sa ating kapaligiran?

At ngayon, sa pagbabalik sa Isaias 58, makikita natin na kapag ang Kristiyanismo ay ganap na nagising sa malaking pangangailangang ito at kumilos para dito, “ kung gayo’y ,” pangako ng Panginoon na, “sisikat ang iyong liwanag na parang umaga, at ang iyong kagalingan ay biglang lilitaw; at ang iyong katuwiran ay mangunguna sa iyo; ang kaluwalhatian ng Panginoon ay magiging iyong bantay likod. Kung magkagayo'y tatawag ka, at ang Panginoon ay sasagot; ikaw ay dadaing, at siya'y magsasabi, Narito ako. Kung iyong alisin sa gitna mo ang atang, ang pagtuturo, at ang pagsasalita ng masama: At kung magmamagandang-loob ka sa gutom, at iyong sisiyahan ng loob ang nagdadalamhating kaluluwa; kung magkagayo'y sisilang ang iyong liwanag sa kadiliman, at ang iyong kadiliman ay magiging parang katanghaliang tapat; At papatnubayan ka ng Panginoon na palagi, at sisiyahan ng loob ang iyong kaluluwa sa mga tuyong dako, at palalakasin ang iyong mga buto; at ikaw ay magiging parang halamang nadilig, at parang bukal ng tubig, na ang tubig ay hindi naglilikat.” Isa. 58:8-11.

Ngayon ang maliwanag na katotohanan ay kung magtatagal ang panahon, at kung tayo ay mananatili sa landas ng tunay na Kristiyanismo kung saan ang liwanag ay nagniningning, kung gayon ang lahat ay dapat gumawa ng isang bagay tungkol sa lubhang napabayaang gawaing ito ng pangangalaga sa nangangailangan, sapagkat hindi ito maisasakatuparan mula sa isang sentral na lokasyon, ngunit kinakailangang ma-localize sa bawat estado at bansa saanman ang napapanahong mensaheng ito ay “maguugat uli sa ilalim, at magbubunga sa itaas.” Isa. 37:31. 

Huwebes, Nobyembre 23

Higit na Dakilang Pag-ibig


Basahin ang Juan 15:13. Paano natin maiaangkop ang prinsipyong ito sa ating ministeryo para sa iba?

“Kung ang Kamahalan ng langit ay maaaring gumawa ng labis upang ipakita ang Kanyang pagmamahal sa tao, bakit hindi rin gawin ng tao ang tulungan ang isa't isa mula sa hukay ng kadiliman at pagdurusa! Sabi ni Cristo, “na kayo'y mangagibigan sa isa't isa: na kung paanong iniibig ko kayo;” hindi sa higit na pagmamahal; sapagkat “Walang may lalong dakilang pagibig kay sa rito, na ibigay ng isang tao ang kaniyang buhay dahil sa kaniyang mga kaibigan.” Ang ating pag-ibig ay madalas na makasarili, dahil karaniwan tayong nagtatakda ng limitasyon dito. Kapag nalapit tayo sa pagkakaisa at pakikisama kay Cristo, ang ating pagmamahal at pakikiramay at ang ating mga gawa ng kabutihan ay lalalim at lalawak at lalakas sa pamamagitan ng pagsasagawa dito. Ang pag-ibig at interes ng mga tagasunod ni Cristo ay dapat kasing lawak ng sanlibutan. Ang mga nabubuhay para lamang sa “ako at sa akin” ay mabibigo sa langit. Tinatawag kayo ng Diyos bilang isang pamilya na linangin ang pagmamahalan, na bawasan ang pagiging sensitibo para sa sarili at sa halip ay maging mas sensitibo sa mga pagdadalamhati at pagsubok ng iba. Ang makasariling espiritung ito na iyong itinatangi sa buong buhay mo ay wastong kinakatawan ng saserdote at ng Levita na dinaanan lamang ang mga kapus-palad sa kabilang panig. Nakita nila na kailangan niya ng tulong, ngunit sadyang iniwasan nila siya . 3T 529.2

“Kailangan ng bawat isa na gumising at labanan ang pagkamakasarili. Pagbutihin ang maikling panahon ng pagsubok na ibinigay sa iyo sa pamamagitan ng paggawa nang buong lakas upang makabawi sa mga kabiguan ng iyong nakaraang buhay. Inilagay ka ng Diyos sa isang mundo na may pagdurusa upang subukin ka, upang makita kung ikaw ay masusumpungan na karapat-dapat sa kaloob na buhay na walang hanggan. May mga nakapaligid sa iyo na may mga paghihirap, na nangangailangan ng mga salita ng pakikiramay, pagmamahal, at lambing, at ang ating mapagpakumbaba at nakikiramay na mga panalangin. Ang ilan ay nagdurusa sa ilalim ng kamay na bakal ng kahirapan, ang ilan ay may sakit, at ang iba ay may dalamhati, kawalang-pag-asa, at kalungkutan. Tulad ni Job, dapat kang maging mga mata sa bulag at mga paa sa pilay, at dapat kang magtanong sa dahilan na hindi mo alam at hanapin ito nang may layuning maibsan ang kanilang mga pangangailangan at tumulong kung saan sila higit na nangangailangan ng tulong.” 3T 530.1

Biyernes, Nobyembre 24

Karagdagang Kaisipan

Ang relihiyon ni Cristo ay higit sa salita lamang. Ang katuwiran ni Cristo ay binubuo ng mga tamang kilos at mabubuting gawa mula sa dalisay at di-makasariling mga motibo. Ang panlabas na katuwiran, habang ang panloob na palamuti ay nagkukulang, ay walang pakinabang. “At ito ang pasabing aming narinig sa kaniya at sa inyo'y aming ibinabalita, na ang Dios ay ilaw, at sa kaniya'y walang anomang kadiliman. Kung sinasabi nating tayo'y may pakikisama sa kaniya at nagsisilakad tayo sa kadiliman, ay ngagbubulaan tayo, at hindi tayo nagsisigawa ng katotohanan: Nguni't kung tayo'y nagsisilakad sa liwanag, na gaya niyang nasa liwanag, ay may pakikisama tayo sa isa't isa, at nililinis tayo ng dugo ni Jesus na kaniyang Anak sa lahat ng kasalanan.” Kung wala tayong liwanag at pagmamahal ng Diyos ay hindi tayo mga anak Niya. Kung hindi tayo nagtitipon kasama ni Cristo, tayo ay makakalat. Lahat tayo ay may impluwensya, at ang impluwensyang iyon ay may kinalaman sa kapalaran ng iba para sa kanilang kabutihan sa kasalukuyan at hinaharap o para sa kanilang walang hanggang pagkawala. 3T 528.