Ang Misyon ng Diyos sa Atin: Ikalawang Bahagi

Liksyon 2, Ika-apat na Semestre, Oktubre 7-13, 2023

img rest_in_christ
Ibahagi ang Liksyong ito
Download Pdf

Hapon ng Sabbath, Oktubre 7

Talatang Sauluhin:

“ Dahil dito magsiyaon nga kayo, at gawin ninyong mga alagad ang lahat ng mga bansa, na sila'y inyong bautismuhan sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo.” KJV — Mateo 28:19


Pinagkalooban ng Diyos ang tao ng kaalaman at buhay upang siya ay magkaroon ng kagalakan, at maging kapaki-pakinabang at makatulong upang maisulong ang layunin sa pagkalikha sa mundo. Bagaman ang banal na mag-asawa ay nahulog sa kasalanan, ang Diyos ay interesado pa rin sa kanila tulad ng dati - kaya't, sa katunayan, agad Niyang sinimulang turuan sila ukol sa kanilang kaligtasan, at kung paano sila makababalik sa kanilang walang hanggang tahanan. Mula noong araw na iyon hanggang ngayon ay nagpapatuloy Siya sa pagtuturo sa pamilya ng tao.

Upang gawin ang gawaing ito ng pagtubos, ipinadala ng Diyos ang Espiritu ng Katotohanan, ang mga propeta at mga anghel, gayundin ang Kanyang kaisa-isang Anak – ang lahat ng mga guro ng pagtubos. Maging Siya Mismo ay bumaba sa Sinai at kahit na pinatay nila ang halos lahat ng Kanyang mga lingkod kabilang ang Kanyang anak, gayunpaman, ang Kanyang hindi nagbabagong interes sa sangkatauhan ay nagpatuloy hanggang sa mismong araw na ito. Sa kabila ng ating mga pagkukulang, ang Kanyang pangako na dadalhin tayo pabalik sa Eden upang doon ay mamuhay na kasama Niya kung tayo ay magsisisi ay nananatili pa ring tiyak na gaya ng araw.

Ngayon ay nakikita natin kung ano ang Diyos, at kung tayo ay magiging “tulad ng Diyos,” ay nararapat na maging ganoon din tayo. Nangangahulugan iyon na dapat tayong maging kasing interesado sa isa't isa at sa pagpapatibay ng Kanyang Kaharian gaya ng Kanyang interes. Dapat tayong maging hindi makasarili gaya Niya. Dapat tayong magalak na ituro sa iba ang lahat ng Kanyang itinuro sa atin. Dapat nating gawin ang lahat ng ating makakaya upang mapabuti ang kalagayan ng pamumuhay ng iba. Dapat nating gawing mas maganda ang mundo kaysa sa kung wala tayo dito. Sa sanglinggo ng paglikha, ginawa ng Diyos ang Kanyang bahagi. Ngayon ay dapat nating gawin ang ating bahagi sa paglikha kung tayo ay magiging “tulad ng Diyos.”

Linggo, Oktubre 8

Ang Tatlong-isang Diyos: Ang Pinagmulan ng Misyon


Basahin ang Juan 20:21, 22. Paano dapat hubugin ng pagkaunawang ang misyon ay nagmula sa Ama, Anak, at Banal na Espiritu ang ating misyon?

Kaya’t natanggap ng mga alagad ang kanilang atas. Dapat silang magturo at mangaral sa ngalan ni Cristo. Ang tagubiling ibinigay sa kanila ay nagtataglay ng mahalaga, at espirituwal na paghinga na nasa kay Cristo. Siya lamang ang makapagbibigay sa kanila ng langis na nararapat nilang taglayin upang maging matagumpay sila sa gawain. Ang larawan ni Cristo ay dapat makita sa kanila. Magtatagumpay lamang sila kapag kanilang pinag-aralan ang katangian ng kanilang Guro at sinunod ang kanyang halimbawa. RH June 13, 1899, Art. A, par. 5

“Ang Banal na Espiritu ay ang hininga ng buhay sa kaluluwa. Ang paghinga ni Cristo sa kanyang mga alagad ay ang hininga ng tunay na espirituwal na buhay. Ang mga alagad ay dapat na makaunawa na ito ay ang pagkikintal ng mga katangian ng Tagapagligtas, na sa pamamagitan ng kadalisayan, pananampalataya, at pagsunod, ay kanilang maitataas ang kautusan, at gawin itong marangal. Ang kautusan ng Diyos ay ang pagpapahayag ng kanyang pagkatao. Sa pagsunod dito ay natutugunan natin ang pamantayan ng Diyos sa pagkatao. Kaya’t ang mga alagad ay dapat magdala ng patotoo para kay Cristo. RH June 13, 1899, Art. A, par. 6

“Ang pagkakaloob ng Espiritu ay ang pagbibigay ng mismong buhay ni Cristo, na magiging daan upang maging karapat-dapat ang mga alagad para sa kanilang misyon. Kung wala ang kwalipikasyong ito ay hindi maisasakatuparan ang kanilang gawain. Kaya’t dapat nilang gampanan ang mga opisyal na tungkulin na may kaugnayan sa simbahan. Ngunit ang Banal na Espiritu ay hindi pa ganap na nahayag, sapagkat si Cristo ay hindi pa naluluwalhati. Ang mas masaganang pagkakaloob ng Banal na Espiritu ay hindi naganap hanggang pagkatapos ng pag-akyat ni Cristo sa langit. RH June 13, 1899, Art. A, par. 7

“Sinomang inyong patawarin ng mga kasalanan, ay ipinatatawad sa kanila; sinomang hindi ninyo patawarin ng mga kasalanan, ay hindi pinatatawad.” Ang aral na ibinigay dito sa mga alagad ay nangangahulugan na ang mga pantas na tao, na tunay na naturuan sa Diyos, na nagtataglay ng panloob na gawa ng Banal na Espiritu, ay dapat kumilos bilang mga kinatawan ng mga tao, mga halimbawa ng buong katawan ng mga mananampalataya. Ang mga ito ay dapat magpakita ng kakayahang mapanatili ang kaayusan sa iglesia; at ang Banal na Espiritu ay magbibigay ng kombiksyon sa kasalanan, sa katuwiran, at sa paghatol. At nauunawaang tanging ang Diyos lamang ang may karapatang maggawad ng kapatawaran ng mga kasalanan. Ang mga babala sa ikapitong kabanata ng Mateo ay nagbabawal sa mga tao na magpahayag ng paghatol sa kanilang kapwa tao. Hindi binigyan ng Diyos ang kanyang mga lingkod ng kapangyarihang magpabagsak o manira. Hindi kayang alisin ng mga apostol ang pagkakasala sa sinumang kaluluwa. Sila ay dapat magdala ng mensahe mula sa Diyos: Nasusulat—sinabi ng Panginoon—ang ganito at gayon patungkol sa pagsisinungaling, paglabag sa Sabbath, pagdadala ng patotoo ng kasinungalingan, pagnanakaw, pagsamba sa mga diyus-diyosan.” RH June 13, 1899, Art. A, par. 8

Lunes , Oktubre 9

Paggawa ng mga Alagad: Ang Pokus ng Misyon


Basahin ang Mateo 28:16-20. Anong mga katangian ng pagiging alagad ang makikita mo sa talatang ito?

“Na ang pangangaral ng ebanghelyo sa ilalim ng atas na ito ay hindi nagwakas sa sinaunang simbahan ay makikita sa pangakong, “At narito, ako'y sumasa inyong palagi, hanggang sa katapusan ng sanglibutan..” Hindi niya sinabing, Ako ay kasama ninyo, mga apostol, sa lahat ng dako, hanggang sa katapusan ng sanglibutan; ngunit ‘ako'y sumasa inyong palagi, hanggang sa katapusan ng sanglibutan, o kapanahunan. Hindi maaari na tinutukuyan dito ang panahon ng mga Hudyo dahil nagwakas na iyon sa krus. Kung gayon, nauunawaan ko na ang pangangaral at ang paniniwala ng sinaunang ebanghelyo ay palaging dadaluhan ng parehong espirituwal na tulong. Ang komisyon ng mga apostol ay kabilang sa kapanahunan ng Kristiyano,na yumakap sa kabuuan nito. Dahil dito ang mga kaloob ay nawala lamang sa pamamagitan ng apostasiya, at mabubuhay lamang muli sa muling pagkabuhay ng sinaunang pananampalataya at gawain .” EW 135.1

“Sa kabila ng malawakang paghina ng pananampalataya at kabanalan, may mga tunay na tagasunod ni Cristo sa mga simbahang ito. Bago ang huling paghuhukom ng Diyos sa lupa ay magkakaroon sa gitna ng bayan ng Panginoon ng gayong muling pagkabuhay ng sinaunang kabanalan na hindi pa nasaksihan mula noong panahon ng mga apostol. Ang Espiritu at kapangyarihan ng Diyos ay ibubuhos sa Kanyang mga anak. Sa panahong iyon, marami ang maghihiwalay sa kanilang mga sarili mula sa mga simbahan kung saan ang pag-ibig sa mundong ito ay pumalit sa pag-ibig sa Diyos at sa Kanyang salita. Marami, kapwa mga ministro at mga tao, ang malugod na tatanggapin ang mga dakilang katotohanang iyon na ipinahayag ng Diyos sa panahong ito upang ihanda ang isang bayan para sa ikalawang pagparito ng Panginoon. Ang kaaway ng mga kaluluwa ay nagnanais na hadlangan ang gawaing ito; at bago dumating ang oras para sa naturang kilusan, sisikapin niyang pigilan ito sa pamamagitan ng pagpapakilala ng isang huwad. Sa mga simbahang iyon na maaari niyang madala sa ilalim ng kanyang mapanlinlang na kapangyarihan ay ipapakita niya na ang natatanging pagpapala ng Diyos ay nabuhos na; sa kanyang panlilinlang ay palalabasin niya ang isang aakalaing dakilang interes na pangrelihiyon. Maraming tao ang magbubunyi na ang Diyos ay gumagawa ng kamangha-mangha para sa kanila, sa kabila ng katotohanan na ibang espiritu ang kumikilos sa kanila. Sa ilalim ng relihiyosong pagkukunwari, sisikapin ni Satanas na palawakin ang kaniyang impluwensiya sa sanlibutang Kristiyano.” GC 464.1

Martes, Oktubre 10

Ang Walang Hanggang Ebanghelyo: Ang Mensahe ng Misyon


Basahin ang Apocalipsis 14:6, 7. Anong mga aspeto ng misyon ng Diyos ang makikita mo sa “walang hanggang ebanghelyo” na ipinakita ng unang anghel sa tatlong mensahe ng mga anghel?

“Dapat nating iwaksi ang ating makitid, at makasariling mga plano, na inaalala na mayroon tayong isang gawain na may pinakamalaking lawak at pinakamataas na kahalagahan. Sa paggawa ng gawaing ito ay pinatutunog natin ang una, ikalawa, at ikatlong mga mensahe ng mga anghel, at sa gayon ay inihahanda para sa pagdating ng isa pang anghel na iyon mula sa langit na magpapaliwanag sa lupa ng kanyang kaluwalhatian.” 6T 406.5

“At nakita ko ang ikatlong anghel. Sabi ng aking kasamang anghel, “'Nakakatakot ang kanyang gawain. Kakila-kilabot ang kanyang misyon. Siya ang anghel na pipili ng trigo mula sa mga panirang damo, at magtatatak, o magtitipon, sa mga trigo para sa makalangit na bangan. Ang mga bagay na ito ay dapat na makintal sa buong isip, at kumuha sa buong atensyon.” EW 118.1

“Nakakita ako ng mga anghel na nagmamadaling magparoo't parito sa langit, bumababa sa lupa, at muling umaakyat sa langit, na naghahanda para sa katuparan ng isang mahalagang pangyayari. Pagkatapos ay nakita ko ang isa pang makapangyarihang anghel na inutusang bumaba sa lupa, upang ipagsanib ang kanyang tinig sa ikatlong anghel, at bigyan ng kapangyarihan at puwersa ang kanyang mensahe. Dakilang kapangyarihan at kaluwalhatian ang ibinigay sa anghel na ito, at sa kanyang pagbaba, ang lupa ay pinaliwanagan ng kanyang kaluwalhatian. Ang liwanag na sumasalamin sa anghel na ito ay tumagos sa lahat ng dako, “At siya'y sumigaw ng malakas na tinig, na nagsasabi, Naguho, naguho ang dakilang Babilonia, at naging tahanan ng mga demonio, at kulungan ng bawa't espiritung karumaldumal, at kulungan ng bawa't karumaldumal at kasuklamsuklam na mga ibon.” Ang mensahe ng pagbagsak ng Babylonya, tulad ng ibinigay ng pangalawang anghel, ay inulit, kasama ang karagdagang pagbanggit ng mga katiwalian na pumapasok sa mga simbahan mula noong 1844. Ang gawain ng anghel na ito ay dumating sa tamang panahon upang sumanib sa huling dakilang gawain ng mensahe ng ikatlong anghel habang ito ay umuusad patungo sa Loud Cry. At sa gayon, ang bayan ng Diyos ay handang tumindig sa oras ng tukso, na malapit na nilang kaharapin. Nakita ko ang isang dakilang liwanag na dumapo sa kanila, at sila ay nagkaisa na walang takot na ipahayag ang mensahe ng ikatlong anghel. EW 277.1

“Ang mga anghel ay isinugo upang tulungan ang makapangyarihang anghel mula sa langit, at narinig ko ang mga tinig na tila umaalingawngaw sa lahat ng dako, “Mangagsilabas kayo sa kaniya, bayan ko, upang huwag kayong mangaramay sa kaniyang mga kasalanan, at huwag kayong magsitanggap ng kaniyang mga salot: Sapagka't ang kaniyang mga kasalanan ay umabot hanggang sa langit at naalaala ng Dios ang kaniyang mga katampalasanan.” Ang mensaheng ito ay tila isang karagdagan sa ikatlong mensahe, na sumanib dito kung paanong ang sigaw ng hatinggabi [midnight cry] ay sumanib sa mensahe ng ikalawang anghel noong 1844. Ang kaluwalhatian ng Diyos ay napasa mga matiyaga, at naghihintay na mga banal, at walang takot silang nagbigay ng huling solemneng babala, na nagpapahayag ng pagkagguho ng Babilonya at nananawagan sa bayan ng Diyos na lumabas sa kanya upang makatakas sila sa kanyang nakakatakot na kapahamakan. ” EW 277.2

Miyerkules , Oktubre 11

Bayan ng Diyos: Ang Daluyan ng Misyon


Basahin ang Genesis 12:1-3 at Deuteronomio 7:6, 11, 12. Ano ang orihinal na layunin ng Diyos para sa Kanyang bayan sa Lumang Tipan?

“Ang mga anak ni Israel ay nilayong masakop ang lahat ng teritoryo na itinalaga sa kanila ng Diyos. Yaong mga bansang tumanggi sa pagsamba at paglilingkod sa tunay na Diyos ay aalisin. Ngunit layunin ng Diyos na sa pamamagitan ng paghahayag ng Kanyang katangian sa pamamagitan ng Israel ay mapalapit ang mga tao sa Kanya. Sa buong mundo ang paanyaya sa ebanghelyo ay dapat ibigay. Sa pamamagitan ng pagtuturo ng paglilingkod sa pag-aalay, si Cristo ay itataas sa harap ng mga bansa, at lahat ng umaasa sa Kanya ay mabubuhay. Lahat na, tulad ni Rahab na Canaanita at Ruth na Moabita, na tumalikod mula sa idolatriya tungo sa pagsamba sa tunay na Diyos ay makikiisa sa Kanyang piniling bayan. Habang dumarami ang bilang ng Israel, kanilang palalawakin ang kanilang mga hangganan hanggang sa ang kanilang kaharian ay sumakop sa mundo.” PK 19.1

“Yaong nilayon ng Diyos na isakatuparan para sa mundo sa pamamagitan ng Israel, ang piniling bansa, sa wakas ay Kanyang tutuparin sa pamamagitan ng Kanyang iglesia sa lupa sa kasalukuyang panahon. Kanyang “ibibigay ang ubasan sa mga ibang magsasaka,” maging sa Kanyang bayang tumutupad sa tipan, na sa kaniya'y tapat na mangagbibigay ng mga bunga sa kanilang kapanahunan.” Kailanman ay hindi nawalan ang Diyos ng mga tunay na kinatawan sa mundong ito na gumaganap sa Kanyang mga nais. Ang mga saksing ito para sa Diyos ay nabibilang sa espirituwal na Israel, at sa kanila ay matutupad ang lahat ng tipan na ipinangako ni Jehova sa Kaniyang sinaunang bayan. PK 713.1

“Ngayon ang iglesia ng Diyos ay malayang magpatuloy upang makumpleto ang banal na plano para sa kaligtasan ng isang nahulog na lahi. Sa loob ng maraming siglo ang bayan ng Diyos ay nagdusa sa paghihigpit sa kanilang mga kalayaan. Ang pangangaral ng ebanghelyo sa kadalisayan nito ay ipinagbawal, at ang pinakamatinding parusa ay sumapit sa mga nangahas na sumuway sa mga utos ng mga tao. Bilang resulta, ang dakilang moral na ubasan ng Panginoon ay halos walang tao. Ang bayan ay pinagkaitan ng liwanag ng salita ng Diyos. Ang kadiliman ng kamalian at pamahiin ay nagbanta na papawiin ang kaalaman sa tunay na relihiyon. Ang iglesia ng Diyos sa lupa ay nasa pagkabihag sa mahabang panahon ng walang humpay na pag-uusig kung paanong ang mga anak ni Israel ay nabihag sa Babylonya noong panahon ng pagkabihag. PK 714.1

“Ngunit, salamat sa Diyos, ang Kanyang iglesia ay wala na sa pagkaalipin. Sa espirituwal na Israel naibalik ang mga pribilehiyong ipinagkaloob sa bayan ng Diyos sa panahon ng kanilang pagkaligtas mula sa Babilonya. Sa bawat bahagi ng mundo, ang mga kalalakihan at kababaihan ay tumutugon sa mensaheng ipinadala ng Langit na ipinropesiya ni Juan na tagapaghayag na ipahahayag bago ang ikalawang pagparito ni Cristo: “Matakot kayo sa Dios, at magbigay kaluwalhatian sa kaniya; sapagka't dumating ang panahon ng kaniyang paghatol.” Apocalipsis 14:7 .” PK 714.2

Huwebes, Oktubre 12

Ang Sanlibutan: Ang Arena ng Misyon


Basahin ang Apocalipsis 7:9, 10. Ano ang ipinahihiwatig ng talatang ito patungkol sa malawak na heograpikong saklaw ng misyon ng Diyos?

“Napakahalaga sa Diyos ang Kanyang gawain sa lupa. Si Cristo at ang mga anghel sa langit ay binabantayan ito sa bawat sandali. Habang nalalapit tayo sa muling pagparito ni Cristo, ang mga misyonerong gawain ay magiging parami nang parami. Ang mensahe ng nagpapanibagong kapangyarihan ng biyaya ng Diyos ay dadalhin sa bawat bansa, hanggang ang katotohanan ay magbigkis sa mundo. Mula sa bilang ng mga natatatakan ay manggagaling yaong mga nagmula sa bawat bansa at lahi at wika at mga tao. Mula sa bawat bansa ay titipunin ang mga lalaki at babae na tatayo sa harap ng trono ng Diyos at sa harap ng Kordero, na sumisigaw, “Ang pagliligtas ay sumaaming Dios na nakaupo sa luklukan, at sa Cordero.” Apocalipsis 7:10 . Ngunit bago maisakatuparan ang gawaing ito, kailangan nating maranasan dito sa ating sariling bansa ang gawain ng Banal na Espiritu sa ating mga puso.” CT 532.1

“Nakita ko ang mga lumalabas na liwanag na nagniningning mula sa mga lungsod at nayon, at mula sa matataas na dako at mababang lugar ng lupa. Ang salita ng Diyos ay nasunod, at bilang resulta ay nagkaroon ng mga alaala para sa Kanya sa bawat lungsod at nayon. Ang Kanyang katotohanan ay ipinahayag sa buong mundo. ” 9T 28.4

“Nakita ko na ang Diyos ay may mga anak na hindi nakakakita at nangingilin ng Sabbath. Hindi nila tinanggihan ang liwanag dito. At sa pagsisimula ng panahon ng kabagabagan, napuspos kami ng Espiritu Santo nang humayo kami at ipinahayag ang Sabbath nang mas ganap. [Tingnan sa pahina 85 .] Ito ay nagpagalit sa mga simbahan at mga nominal Adventist, [Tingnan din sa Appendix .] dahil hindi nila mapabulaanan ang katotohanan ng Sabbath. At sa panahong ito ay nakita ng lahat ng mga pinili ng Diyos na nasa atin ang katotohanan, at sila ay lumabas at nagtiis ng pag-uusig kasama natin...” EW 33.2

“At mangyayari sa mga huling araw, na ang bundok ng bahay ng Panginoon ay matatatag sa taluktok ng mga bundok, at magiging mataas sa mga burol; at lahat ng bansa ay magsisiparoon doon. At maraming bayan ay magsisiyaon at mangagsasabi, Halina kayo, at tayo'y magsiahon sa bundok ng Panginoon, sa bahay ng Dios ni Jacob; at tuturuan niya tayo ng kaniyang mga daan, at tayo'y magsisilakad sa kaniyang mga landas: sapagka't mula sa Sion ay lalabas ang kautusan, at ang salita ng Panginoon ay mula sa Jerusalem. At siya'y hahatol sa gitna ng mga bansa, at sasaway sa maraming tao: at kanilang pupukpukin ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod, at ang kanilang mga sibat ay maging mga karit: ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa, o mangagaaral pa man sila ng pakikipagdigma.” – KJV - Isaias 2:4

“Sapagka't, narito, ang Panginoon ay darating na may apoy, at ang kaniyang mga karo ay magiging parang ipoipo; upang igawad ang kaniyang galit na may kapusukan, at ang kaniyang saway na may ningas ng apoy. Sapagka't sa pamamagitan ng apoy makikipagpunyagi ang Panginoon, at sa pamamagitan ng kaniyang tabak, sa lahat ng mga tao: at ang mapapatay ng Panginoon ay magiging marami. At ako'y maglalagay ng tanda sa gitna nila, at aking susuguin ang mga nakatanan sa kanila sa mga bansa, sa Tarsia, Pul, at Lud, na nagsisihawak ng busog, sa Tubal at Javan, sa mga pulong malayo na hindi nangakarinig ng aking kabantugan, o nakakita man ng aking kaluwalhatian; at sila'y mangagpapahayag ng aking kaluwalhatian sa gitna ng mga bansa. At kanilang dadalhin ang lahat ninyong mga kapatid mula sa lahat na bansa na pinakahandog sa Panginoon, na nasasakay sa mga kabayo, at sa mga karo, at sa mga duyan, at sa mga mula, at sa mga maliksing hayop, sa aking banal na bundok na Jerusalem, sabi ng Panginoon, gaya ng pagdadala ng mga anak ni Israel ng kanilang handog sa malinis na sisidlan sa bahay ng Panginoon.” KJV — Isaias 66:15, 16, 19, 20

Biyernes , Oktubre 13

Karagdagang Kaisipan

Pagkatapos ng pagkabigo [disappointment] noong taong 1844 ang mga mensahero ng Katotohanan kay Cristo ay sinabihan na “Humiyaw ka pa uli” (patuloy na mangaral), na iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Ang aking mga bayan ay sasagana dahil sa pagkasulong; at aaliwin pa ng Panginoon ang Sion, at pipiliin pa ang Jerusalem.” – Zac 1:17

Kaya't sa sandaling lumipas ang itinakdang petsa noong 1844 at nabigo ang pag-asa ng mga tao, pinasigla sila ng Panginoon sa pamamagitan ng pagbibigay kay Sister White ng isang pangitain tungkol sa pagtitipon ng mga unang bunga, ang 144,000, ang unang makakarating sa Bundok Sion at doon tatayo kasama ng Kordero (Apoc. 14:1), ang kaaliwan ng Sion at ng Jerusalem. Kaya't nagsimula silang muli sa isang itinakdang layunin na tipunin ang 144,000 na walang dungis na mga lingkod ng Diyos, yaong mga gagamitin para sa pagtitipon ng mga pangalawang bunga, ang di-mabilang na lubhang karamihan mula sa lahat ng mga bansa (Apoc. 7:9). Ngunit sa paglipas ng panahon sa halip na gumawa kasama ng Diyos ang Denominasyon ay tumalikod sa pamamagitan ng kawalan ng paniniwala sa Spirit of Prophecy ( Testimonies , Vol. 5, pg. 217) at sa gayon ay nawala sa paningin ang Katotohanan na hindi pa nabubunyag, at ang sa ngayon ay dinala sa liwanag.

Kaya't sa sandaling sumapit ang pagkabigo noong 1844, na kinakatawan ng pagiging mapait ng maliit na aklat pagkatapos na kainin, ang anghel ay nagpahayag: “Dapat kang manghulang muli sa maraming mga bayan at mga bansa at mga wika at mga hari..” Rev. 10:10, 11. Ang second advent movement ay muling inorganisa at ang titulong Seventh-day Adventists ay ibinigay dito. Kaya't inatusan ng Panginoon ang Kanyang mga mensahero na “humiyaw pa uli,” upang magpahayag muli, na magpatuloy sa pangangaral ng karagdagang liwanag - ang Judgment for the Dead; . ang paglilinis ng santuwaryo (Dan. 8:14), ang pagdadalisay na gagawin sa pamamagitan ng pagaalis sa mga aklat (Dan. 7:10) ng mga pangalan ng mga hindi karapat-dapat na bumangon sa unang pagkabuhay na maguli, ang muling pagkabuhay ng ang mga banal (Apoc. 20:5, 6).

Dito makikita na ang Inspirasyon ay hindi minsanang nagpaliwanag sa ating landas hanggang sa wakas, ngunit ginagawa Nito ito nang hakbang-hakbang; na ang Katotohanan ng Diyos ay progresibo; na hindi natin maaaring sabihin na nasa atin na ang lahat ng Katotohanan na makapagdadala sa atin sa pinerlasang pintuan.