Ang Panawagan na Manindigan

Aralin 12, 3rd Quarter Setyembre 9-15, 2023

img rest_in_christ
Ibahagi ang Liksyong ito
005 facebook
001 twitter
004 whatsapp
007 telegram
Download Pdf

Sabbath Afternoon, Setyembre 9

Talatang Sauluhin:

“ Sa katapustapusa'y magpakalakas kayo sa Panginoon, at sa kapangyarihan ng kaniyang kalakasan. Mangagbihis kayo ng buong kagayakan ng Dios, upang kayo'y magsitibay laban sa mga lalang ng diablo.” KJV — Efeso 6:10, 11


Mikas 6:5 – “Oh bayan ko, alalahanin mo ngayon kung ano ang isinangguni ni Balac na hari sa Moab, at kung ano ang isinagot sa kaniya ni Balaam na anak ni Beor; alalahanin mo mula sa Sittem hanggang sa Gilgal, upang iyong maalaman ang mga matuwid na gawa ng Panginoon.”

Dito sinabi sa atin na upang malaman ang katuwiran ng Panginoon ay kinakailangang alalahanin ang naging pakikitungo ng Diyos sa ating mga ninuno, sapagkat ang Kanyang pagmamahal sa atin ay hindi mas mababa kaysa sa kanila. Ipinaaalaala Niya sa atin ang pangyayari nang inupahan ni Balak si Balaam upang sumpain ang Israel, at kung paano Niya pinayagang magsalita si Balaam para sa Kanya at pagpalain ang Kanyang bayan, na alang-alang sa kanila ay winalang bisa Niya ang layunin ng hari at ginawang ipahayag ni Balaam kay Balak: “At ngayon, narito, ako'y paroroon sa aking bayan: parito ka nga, at aking ipahahayag sa iyo ang gagawin ng bayang ito sa iyong bayan sa mga huling araw... Lalabas ang isang bituin sa Jacob, At may isang setro na lilitaw sa Israel, At sasaktan ang mga sulok ng Moab, At lilipulin ang lahat ng mga anak ng kaguluhan. At ang Edom ay magiging pag-aari niya. Ang Seir man ay magiging pag-aari niya, na siyang dating kaniyang mga kaaway; Samantalang ang Israel ay magpapakatapang.” Mga Blg. 24:14, 17, 18.

Sa diwa, sinabi ni Balaam sa hari ng Moab: “Sinikap kong matamo ang iyong pabor at sumpain ang Israel, ngunit ang Diyos ay nanaig. Nanagumpay ang Israel; ikaw at ako ay natalo. At isa pa, hayaan mong ipahayag ko sa iyo ang gagawin ng bayang ito sa iyong bayan sa mga huling araw: Siya na mamumuno sa Israel ay sasaktan ang mga sulok ng Moab, at ang Israel ay magpapakatapang.

Kaya napilitan si Balaam na hulaan ang kapanganakan ni Cristo at ang Kanyang paghahari, na magiging dahilan upang ang Israel ay gumawa ng buong tapang laban sa Moab at sa kanyang mga kalapit na bayan sa mga huling araw.

Ang malaman ang lahat ng ito ay ang pagkilala sa Panginoon na ating katuwiran; na kung Siya ay sumasaatin kung gayo’y walang sinuman ang maaaring manaig sa anumang bagay laban sa atin; na ang labanan ay sa Panginoon; na hindi natin kailangang matakot sa ating mga kaaway; na anuman ang ating gawin ay uunlad sinuman ang pabor o laban sa atin.

Linggo, Setyembre 10

Talumpati sa Labanan


Pag-aralan ang mataginting na pagtatapos ni Pablo ng kanyang liham, Efeso 6:10-20. Ano ang ibig sabihin ng sigaw ng labanan ni Pablo sa atin ngayon, bilang mga mandirigma sa malaking tunggalian?

“Ikaw ay bumangon, sumilang ka: sapagka't ang iyong liwanag ay dumating, at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay sumikat sa iyo. Sapagka't narito, tatakpan ng kadiliman ang lupa, at ng salimuot na dilim ang mga bayan: nguni't ang Panginoon ay sisikat sa iyo, at ang kaniyang kaluwalhatian ay makikita sa iyo. At ang mga bansa ay paroroon sa iyong liwanag, at ang mga hari sa ningning ng iyong sikat.” Isa. 60:1-3.

Sa paghahari-o-pagwawasak, pakikidigma, mga mapangwasak sa sarili na landas ng sangkatauhan, sa galit at sakuna na mga kaguluhan at paglaganap ng mga elemento ng kalikasan, at sa pinagsama-samang katuparan ng mabilis na paglalahad ng mga propesiya sa Salita ng Diyos, ang mga palatandaan ng mga panahon ay nagpapatunog sa babalang panawagan na tayo ay bumangon sa liwanag ng Diyos at magmadaling iligtas ang Kanyang bayan mula sa mga karamdamang nagbabanta na wasakin ang mundo. Kung hindi ganoon ang dakilang misyon at tungkulin ng Iglesia sa oras ng krisis na ito, ano nga ang pangangailangan ng Panginoon at ng mundo sa kanya? Ngunit ano ang magagawa ng Iglesia maliban na ang kanyang mga miyembro, kapwa layko at klerikal, ay sama-samang bumangon bilang isang bayan, at gawin ang lahat para kanilang pakikipagtunggali?

Yamang alam natin ang sagot sa mga katanungang ito, ano pa nga ang maidadahilan natin upang hindi natin gisingin ngayon ang ating sarili at ang lahat ng mga banal sa Sangkakristiyanuhan kasama natin na gawin ang iniuutos ng ebanghelyo? Gaano man kahanga-hanga ang mga demonstrasyon na maaaring gawin ng simbahan, hindi lihim na kahit na hindi siya itulak palabas sa anumang lugar o bansa, sa kasalukuyan niyang pamamaraan at bilis ng pangangaral ng ebanghelyo ng Kaharian ay hindi sasapat sa kanya maging ang temporal na milenyo upang balaan ang mundo, tapusin ang gawain, at dalhin ang Kaharian. At lahat ng naliliwanagang isipan ay nakaaalam sa katotohanang ito.

Tingnan na lamang ang malupit na pwersa na kumakawala at nagkukubli sa lahat ng dako, at nagiging sanhi upang ang buong daigdig ay mapuno ng mga karahasan, kaguluhan at takot. Katotohanang ginagawa nilang “manlupaypay ang mga tao dahil sa takot, at dahil sa paghihintay ng mga bagay na darating sa ibabaw ng sanglibutan ….” Lucas 21:26. Hindi ba mapupukaw ang lahat ng mga Kristiyano sa lahat ng dako sa mga bagay na ito upang “magbihis ng buong kagayakan ng Dios” at “kunin… ang tabak ng Espiritu” (Efe. 6:11, 17) habang sumusunod sa Panginoon sa Kaniyang pangunguna? Kung hindi, tiyak na ang Iglesia at ang Mundo ay walang pag-asa na mapapahamak. Gayunpaman, tiyak na ang iilan na mapupukaw sa pagbibigay ng buong pagsuko na hinihingi ng kapahanuhan ay ililigtas ng Diyos sa darating na apoy.

Paano nga Niya ililigtas ang sinumang hindi nakikinig sa mga palatandaan ng mga panahon, ang mga nakakatakot na kulog ng tambol ng Araw ng Katapusan, na ngayon ay dumadaan sa ating mga mata at dumadagundong sa ating mga tainga na may babala na higit na kakila-kilabot kaysa sa nagniningas na mga kulog ng Sinai? Hindi, hindi na Niya kayang iligtas ang gayong may espirituwal na pagkabulag, bingi, at pipi na walang lunas.

Lunes, Setyembre 11

Nakasumpong ng Kalakasan Kay Cristo


Basahing muli ang Efeso 6:10-20. Paano mo nakikita ang katotohanan ng malaking tunggalian, na kinasasangkutan ng literal na supernatural na kapangyarihan, bilang sentro ng punto ni Pablo? Bakit napakahalagang panatilihin ang mahalagang katotohanang ito sa ating harapan sa ating pang-araw-araw na paglakad kasama ng Diyos?

“At nang mabautismuhan si Jesus, pagdaka'y umahon sa tubig: at narito, nangabuksan sa kaniya ang mga langit, at nakita niya ang Espiritu ng Dios na bumababang tulad sa isang kalapati, at lumalapag sa kaniya; At narito, ang isang tinig na mula sa mga langit, na nagsasabi, Ito ang sinisinta kong Anak, na siya kong lubos na kinalulugdan.” Mat. 3:16, 17

Nang mabautismuhan sa pamamagitan ng paglulubog, at pag-ahon mula sa tubig, si Jesus ay agad na dinala upang tuksuhin ng Diyablo.

“Nang magkagayo'y inihatid ng Espiritu Santo si Jesus sa ilang upang siya'y tuksuhin ng diablo. At nang siya'y makapagayunong apat na pung araw at apat na pung gabi, sa wakas ay nagutom siya. At ang manunukso ay dumating at nagsabi sa kaniya, Kung ikaw ang Anak ng Dios, ay ipagutos mo na ang mga batong ito ay maging mga tinapay. Datapuwa't siya'y sumagot, at sinabi, Nasusulat, Hindi sa tinapay lamang mabubuhay ang tao, kundi sa bawa't salitang lumalabas sa bibig ng Dios. Nang magkagayo'y dinala siya ng diablo sa bayang banal; at inilagay siya sa taluktok ng templo, At sa kaniya'y sinabi, Kung ikaw ang Anak ng Dios, ay magpatihulog ka: sapagka't nasusulat, Siya'y magbibilin sa kaniyang mga anghel tungkol sa iyo: at, Aalalayan ka ng kanilang mga kamay, Baka matisod ka ng iyong paa sa isang bato. Sinabi sa kaniya ni Jesus, Nasusulat din naman, Huwag mong tutuksuhin ang Panginoon mong Dios. Muling dinala siya ng diablo sa isang bundok na lubhang mataas, at ipinamalas sa kaniya ang lahat ng mga kaharian sa sanglibutan, at ang kaluwalhatian nila; At sinabi niya sa kaniya, Lahat ng mga bagay na ito ay ibibigay ko sa iyo, kung ikaw ay magpapatirapa at sasambahin mo ako. Nang magkagayo'y sinabi sa kaniya ni Jesus, Humayo ka, Satanas: sapagka't nasusulat, Sa Panginoon mong Dios sasamba ka, at siya lamang ang iyong paglilingkuran. Nang magkagayo'y iniwan siya ng diablo; at narito, nagsidating ang mga anghel at siya'y pinaglingkuran.” Matt. 4:1-11.

Narito ang halimbawa para sa atin. Pagkatapos ng bautismo sa tubig, ang mga tukso at tagumpay ay magiging kapalaran din natin. Nakita n'yo na si Jesus ay kinaharap ang Diyablo ng: “Ganito ang sabi ng Panginoon,” kasama ng nasusulat. Kung hindi natin maiinteresan ang Bibliya gaya ng pagkainteresado Niya rito, kung hindi tayo mag-aaral para malaman kung ano ang gusto Niyang gawin natin, kung gayon, paano natin haharapin ang mga panunukso sa atin at paano nga makakapanagumpay? Nakapagtataka pa ba na marami pagkatapos ng bautismo ay naliligaw? Ang mismong bagay na magpapalakas sa kanila sa pananampalataya na makikita nila ang pagbibigay ng Diyos ng maluwalhating tagumpay, ay iniiwasan nila, na hindi nila alam na pagkatapos ng unos ng ulan at hangin ay darating ang sikat ng araw at kakalmahan. Si Job ay sinubukan hanggang sa kaniyang limitasyon, ngunit nakamit ang tagumpay, at pagkatapos ay tumanggap ng doble sa lahat ng nawala sa kaniya. Hindi ba natin makakaya ang ganoon din?

Sa pananagumpay laban sa mga tukso, si Jesus ay hindi na muling ginulo ng Diyablo. At si Job at lahat ng dakilang tao ng Diyos sa karanasan ay nakatagpo ng parehong kaginhawahan laban kay Satanas.

Ang ating paninindigan laban sa kasalanan, kung gayon, ay dapat na maging tiyak, nang walang kaunting pag-aalinlangan. Dapat din nating ipaalam sa Diyablo na tayo ay seryoso at titindig sa paninindigan kung sakaling makasumpong tayo ng kapayapaan.

“Kaya't tayo'y tumigil na ng pagsasalita ng mga unang simulain ng aral ni Cristo, at tayo'y mangagpatuloy sa kasakdalan; na huwag nating ilagay na muli ang kinasasaligan ng pagsisisi sa mga patay na gawa, at ng pananampalataya sa Dios, Ng aral na tungkol sa mga paglilinis, at ng pagpapatong ng mga kamay, at ng pagkabuhay na maguli ng mga patay, at ng paghuhukom na walang hanggan. At ating gagawin ito, kung ipahihintulot ng Dios. Sapagka't tungkol sa mga minsang naliwanagan at nakalasap ng kaloob ng kalangitan, at mga nakabahagi ng Espiritu Santo, At nakalasap ng mabuting salita ng Dios, at ng mga kapangyarihan ng panahong darating, At saka nahiwalay sa Dios ay di maaaring baguhin silang muli sa pagsisisi; yamang kanilang ipinapapakong muli sa ganang kanilang sarili ang Anak ng Dios, at inilalagay na muli siya sa hayag na kahihiyan.” Heb. 6:1-6. Ang pagpapadala sa kasalanan ay parang paghukay ng sarili mong walang hanggang libingan.

Martes, Setyembre 12

Ang Malaking Tunggalian sa Mga Sulat ni Pablo


Basahin ang Roma 13:11-14, 1 Tesalonica 5:6-8 at 2 Corinto 10:3-6. Paano ihahambing ang mga talatang ito sa Efeso 6:10-20? Sa iyong palagay, bakit ginamit ni Pablo ang paglalarawang ito?

Upang ang mga Kristiyano ay maging matagumpay dapat silang magkaroon ng (1) pananampalataya -- Hebreo 11; (2) lakas ng loob -- Joshua 2; (3) aksyon -- Exodo 14.

Ex.14:11-16 – “At kanilang sinabi kay Moises, Dahil ba sa walang libingan sa Egipto, kung kaya dinala mo kami rito upang mamatay sa ilang? bakit ka gumawa ng ganito sa amin, na inilabas mo kami sa Egipto? Di ba ito ang sinalita namin sa iyo sa Egipto, na sinasabi, Pabayaan mo kami na makapaglingkod sa mga Egipcio? Sapagka't lalong mabuti sa amin ang maglingkod sa mga Egipcio kay sa kami ay mamatay sa ilang. At sinabi ni Moises sa bayan, Huwag kayong matakot, tumigil kayo, at tingnan ninyo ang pagliligtas ng Panginoon na gagawin sa inyo ngayon: sapagka't ang mga Egipcio na inyong nakikita ngayon, ay hindi na ninyo uli makikita magpakailan man. Ipakikipaglaban kayo ng Panginoon, at kayo'y tatahimik. At sinabi ng Panginoon kay Moises, Bakit humihibik ka sa akin? salitain mo sa mga anak ni Israel na sila'y magpatuloy na yumaon. At itaas mo ang iyong tungkod, at iunat mo ang iyong kamay sa ibabaw ng dagat, at hawiin mo; at ang mga anak ni Israel ay dadaan sa gitna ng dagat sa ibabaw ng lupang tuyo.”

Dito ay makikita natin ang isang larawan ng buong Israel na walang lakas ng loob sa mismong panahong kailangan nila ito. Upang malutas ang kanilang problema, inutusan ba sila ng Diyos na maupo at manalangin? -- Hindi, ang iniutos sa kanila ay upang humayo sila, na iangat muna ni Moises ang kanyang tungkod at iunat ang kanyang kamay upang hatiin ang dagat, at ang karamihan ay dumaan. Para sa lahat ng pangangatwiran ng tao ang utos na ito ay tila ganap na kahangalan sa harap ng kanilang kalalagayan, ngunit alam ng Diyos ang lahat tungkol dito. Alam Niya kung ano ang ginagawa Niya noong pinangunahan Niya sila roon. Malapit na niyang isakatuparan ang napakalaking pangyayari na magdadala ng takot sa mga pagano at sa gayo'y tutulong na maging posible ang pagsakop ng bayan ng Diyos sa kanilang lupang pangako, gayundin para matakasan nila ang tumutugis na mga Ehipsiyo.

Ang aral na ito ay nagpapakita na ang hindi nagkukulang na pananampalataya, katapangan, at pagkilos ay ang pagtutulungan na kinakailangan mula sa napagbagong loob na Kristiyano sa bawat hakbang sa pamumuno ng Diyos, at ito ay laging magdudulot ng tagumpay.

Nawalan din ng lakas ng loob ang mga Midianita at sila ay natalo. Oo, ang panghihina ng loob ay nagdudulot ng pagkatalo. Ang panghihina ng loob ay isa sa mga patibong ng Diyablo na magdudulot ng pagkatalo sa bayan ng Diyos kung papayagan nila ito.

Sa mga araw ni Haring Belshazzar ay nagkaroon ng digmaan kung saan ang mga Medes at Persian ay nagnais na sirain ang mga pader ng Babylonya at supilin siya sa ilalim ng kanilang pamamahala. Maaalala na ang mga taga-Babylonya ay biglang natalo dahil sa kanilang sobrang kumpiyansa. Oo, inilagay nila ang lahat ng kanilang pagtitiwala sa kanilang matibay na mga pader!

Upang dalhin ang aral na ito sa ating panahon, makikita natin mula sa Banal na Kasulatan na ang dahilan ng pagbagsak ng mga Laodicean ay dahil din sa ganoong parehong prinsipyo na nagdulot ng pagkatalo ng Babylonya– ang labis na pagtitiwala o over-confidence. Oo, sinasabi nila na sila ay mayaman sa Katotohanan at hindi na nangangailangan ng anupaman kahit na sinasabi ng Diyos na sila ay "aba, at kahabag-habag, at dukha, at bulag, at hubad." Kaya sila ay nahulog sa bitag ng Diyablo para sa kanila.

Sa pakikipaglaban, batid natin na ang bawat panig ay nagsisikap na lituhin ang kanilang kaaway at sirain ang kanilang moral sa pagnanais na mapahina ang kaaway at sa gayon ay mapadali ang pagkakamit ng tagumpay. At sa pagpaplano nila ng kanilang mga pag-atake at pagsalakay ay tinatangka nilang target-in ang lugar na sa tingin nila ay hindi maghihinala ang kanilang kaaway.

Sa espirituwal na digmaan ang Kalaban ng mga Kristiyano ay hindi umiidlip. Siya rin ay naghahanap ng kanyang pagkakataon na sirain ang kanilang lakas ng loob at moral at sa gayo'y siguraduhing maisakatuparan ang kanilang pagkatalo gaya ng nakita natin sa mga halimbawang nabanggit. At huwag isipin kahit isang sandali na hindi niya hinahanap ang ating kahinaan, na maaari siyang sumalakay at magdulot sa ating pagkatalo. Asahan ang kanyang pag-atake sa mga lugar na hindi natin inaasahan. Kaya, maliban na alam natin ang ating mga kahinaan paano natin malalaman kung saan tayo sasalakayin ng Diyablo?

Miyerkules , Setyembre 13

Nakatayo sa Sinaunang Larangan ng Labanan


Basahin ang Efeso 6:10-20, pansinin ang bawat pagkakataon na ginamit ni Pablo ang ilang anyo ng pandiwa na manindigan . Bakit napakahalaga ng ideyang ito sa kanya?

“ Sinisikap ng mga ahente ni Satanas na linlangin ang mga tagasunod ni Cristo at akitin sila mula sa kanilang katapatan. Binabaluktot nila ang Kasulatan upang maisakatuparan ang kanilang layunin. Ang espiritu na nagpapatay kay Cristo ay nagpapakilos sa masasama upang sirain ang Kanyang mga tagasunod. Ang lahat ng ito ay inilarawan sa unang hulang iyon: “At papagaalitin ko ikaw at ang babae, at ang iyong binhi at ang kaniyang binhi.” GrH_c 5.5

“Bakit walang naging malaking pagtutol kay Satanas? Sapagkat ang mga sundalo ni Cristo ay may napakaliit na tunay na kaugnayan sa kanya. Ang kasalanan ay hindi kasuklam-suklam sa kanila gaya ng sa kanilang Guro. Hindi nila ito natutugunan nang may determinadong pagtutol. Nabulag sila sa katangian ng prinsipe ng kadiliman. Hindi alam ng maraming tao na ang kanilang kaaway ay isang makapangyarihang heneral na nakikipagdigma laban kay Cristo. Kahit na ang mga ministro ng ebanghelyo ay hindi pinapansin ang mga katibayan ng kanyang aktibidad. Tila hindi nila pinapansin ang mismong pag-iral niya. GrH_c 5.6

“Ang mapagbantay na kalaban na ito ay pinapasok ang kanyang presensya sa bawat sambahayan, sa bawat lansangan, sa mga simbahan, sa mga pambansang konseho, sa mga hukuman ng hustisya, nanlilito, nanlilinlang, nang-aakit, kahit saan ay sinisira ang mga kaluluwa at katawan ng mga lalaki, babae, at mga bata. Sinisira niya ang mga pamilya, naghahasik ng poot, alitan, sedisyon, at pagpatay. At tila itinuring ng sanlibutan ang mga bagay na ito na para bang ang Diyos ang nagtalaga sa kanila at dapat silang umiiral. Ang lahat ng hindi desididong mga tagasunod ni Cristo ay mga lingkod ni Satanas. Kapag pinipili ng mga Kristiyano ang samahan ng mga hindi makadiyos, inilalantad nila ang kanilang sarili sa tukso. Itinatago ni Satanas ang kanyang sarili sa paningin at itinatakip ang kanyang mapanlinlang na takip sa kanilang mga mata. GrH_c 5.7

“Ang pagsang-ayon sa makamundong mga kaugalian ay nagkoconvert sa simbahan tungo sa mundo, at hindi kailanman ang mundo tungo kay Cristo. Ang pagiging pamilyar sa kasalanan ay magiging dahilan upang magmukha itong hindi gaanong kasuklam-suklam. Kapag sa ating paglilingkod ay dinala tayo sa pagsubok makatitiyak tayo na poprotektahan tayo ng Diyos; ngunit kung ilalagay natin ang ating sarili sa ilalim ng tukso ay mahuhulog tayo dito sa madaling panahon. GrH_c 6.1

“Ang manunukso ay kadalasang pinakamatagumpay na gumagawa sa pamamagitan ng mga hindi pinaghihinalaang nasa ilalim ng kanyang pagkontrol. Ang talento at talino ay mga kaloob ng Diyos; ngunit kapag ang mga ito ay umakay palayo sa Kanya, sila ay nagiging isang silo. Ang tao na may talino at kaaya-ayang pag-uugali ay isang makintab na instrumento sa mga kamay ni Satanas. GrH_c 6.2

“Huwag kalimutan ang inspiradong babala na umaalingawngaw sa mga siglo hanggang sa ating panahon: “Kayo'y maging mapagpigil, kayo'y maging mapagpuyat; ang inyong kalaban na diablo, na gaya ng leong umuungal, ay gumagala na humahanap ng masisila niya: “Mangagbihis kayo ng buong kagayakan ng Dios, upang kayo'y magsitibay laban sa mga lalang ng diablo.” 1 Pedro 5:8 ; Efeso 6:11 . Ang ating dakilang kaaway ay naghahanda para sa kanyang huling labanan. Ang lahat ng sumusunod kay Jesus ay sasalungat sa kalaban na ito. Habang sinisikap ng Kristiyano na gayahin ang banal na Huwaran, mas tiyak na magkakaroon siya ng marka sa kanyang sarili para sa mga pag-atake ni Satanas. GrH_c 6.3

“Sinalakay ni Satanas si Cristo sa pamamagitan ng mabangis at tusong mga tukso; ngunit siya ay itinakwil sa bawat tunggalian. Dahil sa mga tagumpay na iyon, posible tayong manalo. Si Cristo ay magbibigay ng lakas sa lahat ng naghahanap nito. Walang tao ang maaaring madaig ni Satanas ng wala niyang sariling pahintulot. Ang manunukso ay walang kapangyarihan na kontrolin ang kalooban o pilitin ang kaluluwa na magkasala. Maaari siyang magdulot ng pagkabalisa, ngunit hindi ng dungis. Ang katotohanan na si Cristo ay nagtagumpay ay dapat magbigay ng inspirasyon sa Kanyang mga tagasunod na may lakas ng loob na labanan ang tunggalian laban sa kasalanan at kay Satanas.” GrH_c 6.4

Huwebes , Setyembre 14

Pakikipagbuno Laban sa Masasamang Kapangyarihan


Ano sa palagay mo ang layunin ni Pablo sa paglilista ng iba't ibang mga titulo para sa masasamang kapangyarihang espirituwal na inilalarawan sa Efeso 1:21, Efeso 3:10, at Efeso 6:10-20?

“Tayo ay mga kawal ni Cristo; at yaong mga sumasali sa Kanyang hukbo ay inaasahang gagawa ng mahirap na gawain, gawaing magpapahirap sa kanilang lakas nang sukdulan. Dapat nating maunawaan na ang buhay ng isang sundalo ay isang agresibong pakikidigma, ng tiyaga at pagtitiis. Alang-alang kay Cristo dapat tayong magtiis ng mga pagsubok. Hindi tayo kakaharap ng mga simpleng labanan. Kailangan nating kaharapin ang pinakamakapangyarihang mga kalaban; sapagkat Sapagka't ang ating pakikibaka ay hindi laban sa laman at dugo, kundi laban sa mga pamunuan, laban sa mga kapangyarihan, laban sa mga namamahala ng kadilimang ito sa sanglibutan, laban sa mga ukol sa espiritu ng kasamaan sa mga dakong kaitaasan.' Efeso 6:12 . Dapat nating hanapin ang ating lakas kung saan natagpuan ng unang mga alagad ang kanilang lakas: ‘Ang lahat ng mga ito'y nagsisipanatiling matibay na nangagkakaisa sa pananalangin. “at nangapuspos silang lahat ng Espiritu Santo, at kanilang sinalita na may katapangan ang salita ng Dios. At ang karamihan ng mga nagsisampalataya ay nangagkakaisa ang puso at kaluluwa '” Mga Gawa 1:14 ; 4:31, 32 . 6T 140.2

“Habang papalapit tayo sa panahon na ang mga pamunuan at mga kapangyarihan at espirituwal na kasamaan sa dakong kataasan ay dadalhin sa pakikidigma laban sa katotohanan, kapag ang mapanlinlang na kapangyarihan ni Satanas ay magiging napakalakas na ano pa't ililigaw, kung maaari, pati ng mga hirang, kailangan ang ating mga kaunawaan ay mapatalas ng banal na kaliwanagan, upang ating makilala ang espiritu na mula sa Diyos, upang hindi tayo maging mangmang sa mga silo ni Satanas. Ang pagsisikap ng tao ay dapat pagsamahin sa banal na kapangyarihan upang maisakatuparan natin ang pangwakas na gawain para sa panahong ito. ” 2SM 15.3

“Hindi sinabi ni Cristo sa Kanyang mga disipulo na magiging madali ang kanilang gawain. Ipinakita niya sa kanila ang malawak na samahan ng kasamaan na nakahanay laban sa kanila. Kailangan nilang makipaglaban “laban sa mga pamunuan, laban sa mga kapangyarihan, laban sa mga namamahala ng kadilimang ito sa sanglibutan, laban sa mga ukol sa espiritu ng kasamaan sa mga dakong kaitaasan.” Efeso 6:12 . Ngunit hindi sila pababayaang lumaban nang mag-isa. Tiniyak Niya sa kanila na Siya ay makakasama nila; at na kung sila ay hahayo nang sa pananampalataya, sila ay kikilos sa ilalim ng kalasag ng Makapangyarihan. Sinabi niya sa kanila na maging matapang at malakas; sapagkat ang isang mas makapangyarihan kaysa sa mga anghel ay nasa kanilang hanay—ang Heneral ng mga hukbo ng langit. Gumawa Siya ng buong probisyon para sa pag-uusig sa kanilang gawain at inako sa Kanyang Sarili ang responsibilidad ng tagumpay nito. Hangga't sinusunod nila ang Kanyang salita, at gumagawa na may kaugnayan sa Kanya, hindi sila mabibigo. Pumunta sa lahat ng mga bansa, iniutos Niya sa kanila. Pumunta sa pinakamalayong bahagi ng matitirahan sa globo at makatitiyak na ang Aking presensya ay makakasama mo kahit doon. Gumawa sa pananampalataya at pagtitiwala; dahil hindi darating ang panahon na iiwan kita. Lagi kitang sasamahan, tutulungan kang gampanan ang iyong tungkulin, gagabay, aaliw, magpapabanal, aalalay sa iyo, magbibigay sa iyo ng tagumpay sa pagsasalita ng mga salita na magdadala sa atensyon ng iba sa langit.” AA 29.1

Biyernes, Setyembre 15

Karagdagang Kaisipan

Naglalagay ba si Satanas ng isang espesyal na katitisuran sa harap ng simbahan bilang isang katawan, o sinasalakay lamang ang mga miyembro nito nang paisa-isa?

Sagot:--- Mula noong kalunos-lunos na araw sa Eden noong ipinakilala niya ang kasalanan sa mundo at naging sanhi ng pagkahulog ng tao, si Satanas ay naghahagis sa daan ng bawat Mapagtubos na Kilusan, ng iba't ibang batong katitisuran kung saan maraming tao ang natisod at nahulog. Samakatuwid ay dapat siyang asahan na magdudulot ng ilang kakaibang panganib sa ating landas ngayon. Tayo, gayunpaman, na may napakalaking bentahe sa panahong ito na nakaaalam sa kani-kanilang mga naging patibong na napatunayang nakamamatay sa karamihan sa mga nakaraang Movement, ay daranas ng mas malaking paghatol at kaparusahan kung mabibigo tayong kilalanin ang sa atin. At higit pa, kung mabigo tayo, sa pamamagitan nito ay masasaksihan natin sa sansinukob na tayo ang pinakamahina sa lahat ng mahihina. Dapat tayong tumayo --tumayo laban sa pinaka mapanlikha na espesyal na bitag na itinakda ng Masama! Ngunit paano natin ito gagawin kung hindi natin alam kung ano ito o kung nasaan ito?

Upang mahanap ang panganib kung saan ito talagang nagkukubli, magbalik-tanaw tayo sa mga nakaraang bitag, ayon sa mga panahon kung saan naganap ang mga ito, simula sa unang naitala na Movement ng simbahan:

Ang Noatic Movement ay inutusan na magtayo ng arka bilang babala sa paparating na delubyo at bilang kanlungan mula rito. Ang espesyal na batong katitisuran na inihagis ni Satanas sa daan ng mga tao noong panahong iyon, ay kinuha niya o inisip mula sa katotohanang hindi kailanman sa lahat ng kalikasan ay nakakita ang tao ng anumang bagay na makapagbibigay ng maliit na katibayan sa posibilidad na magkaroon ng gayong kababalaghan sa pamamagitan ng ulan. Alinsunod dito, sa pagsandig sa kanilang may hangganang kaalaman sa kalikasan at sa mga potensyal nito, kinutya nila ang siyensya ni Noe at ang kanyang babala tungkol sa paparating na kapahamakan, at nagpatuloy silang “nagsisikain at nagsisiinom, at nangagaasawa at pinapapagaasawa, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa daong, At hindi nila nalalaman hanggang sa dumating ang paggunaw, at sila'y tinangay na lahat." Matt. 24:38, 39.

Ang pinagtitiwalaan nilang siyensya ng tao at ang pagwawalang-bahala sa banal na agham, samakatuwid, ang naging espesyal na patibong sa mga antediluvians. Ang kanilang kapalaran ay mataimtim na nagbababala sa atin upang maiwasan ang kanilang pagkakamali.

Sa Abrahamic Movement, ang ama ng mga tapat ay tinawag upang lisanin ang mga lungsod ng sinaunang mundo, sa pag-asang balang araw ay matagumpay na aangkinin ng movement na ito ang lupang pangako. Ganap na nababatid ang katotohanang ito, si Satanas ay gumawa nang buong lakas upang sikaping ilihis ang Movement na ito tungo sa mga lungsod ng mga bansa. Sa batong katitisuran na ito nahulog si Lot, na ang naging resulta nang sa wakas ay inagaw siya ng Panginoon mula sa pagkawasak ng Sodoma, bilang isang dupong na naagaw sa apoy, siya ay lumabas na pinakamahirap sa mga dukha.

Kaya't ang mga makamundong lungsod ay ang naging kumunoy sa mga unang postdiluvians. Nawa'y huwag mawala ang lahat sa atin doon gaya ng nangyari kay Lot.

Ang Mosaic Movement ay pinangunahan palabas ng Egipto upang angkinin ang lupang pangako, at doon ay maging isang kaharian. Sa tusong iniangkop ni Satanas ang kanyang mga tukso sa kanilang mga disposisyon, binigyang-inspirasyon ni Satanas ang mga nasa hustong gulang nang umalis sa lupain ng Faraon, sa patuloy na pagbubulung-bulungan, pagrereklamo, paghahanap ng katungkulan at paghihimagsik, at sa wakas ay matakot sa mga higanteng naninirahan sa lupang pangako. Dahil sa kanilang kabiguang makita na ang kanilang lakas ay ang malakas na kamay ng Panginoon, napilitan silang maglakbay sa loob ng apatnapung taon sa ilang, at doon iniwan ang mga buto ng lahat maliban sa dalawa sa kanilang mga miyembro na nasa edad nang umalis sila sa Ehipto.

Ang kawalan ng paniniwala, katigasan ng ulo, kawalan ng tiwala sa Banal na pamumuno, at paghahanap ng katungkulan ang apat na ulo ng halimaw na lumamon sa mga tao ng Exodo. At lalamunin din ng mga ito ang bawat mananampalataya sa Present-truth na naliligaw sa kanilang pugad.

Ang Canaan Movement sa ilalim ng pamumuno ni Josue ay inalisan ng makasalanan at inatasang ariin ang lupain, palayasin ang mga pagano, at itayo ang isang walang hanggang kaharian. Sa pagkaalam na ang pagpapatuloy nito ay nakasalalay sa kanilang pagsunod sa mga tagubilin ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta, hinimok ni Satanas ang mga tao na tuyain ang mga mensahero ng Diyos, hamakin ang Kanyang mga salita, at gamitin sa maling paraan ang Kanyang mga propeta, “hanggang sa ang pagiinit ng Panginoon ay bumugso laban sa kaniyang bayan hanggang sa mawalan ng kagamutan.” (2 Cron. 36:16), at ibinalik Niya sila sa pagkabihag.

Kaya naman sa mga sakop ng kaharian, ang mga propeta ay naging malaking bato ng pagkakasala--isang bato kung saan walang kapanahunan noon o mula noon ay malaya sa pagkakatisod. Kung gayon, ang matatalino ngayon ay “hindi hahamakin ang mga panghuhula.” 1 Thess. 5:20.

Ang Apostolic Movement ay inilabas upang ipahayag ang paglilipat ng makalupang santuwaryo na paglilingkod sa makalangit na “tunay na tabernakulo, na itinayo ng Panginoon, hindi ng tao. " (Heb. 8:2), at upang magbautismo “sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo.” (Mat. 28:19) sa lahat ng magsisisi sa kanilang mga kasalanan. Ngunit upang biguin ang layunin nito, si Satanas ay nagsimulang gumawa ng panibagong panlilinlang, at sa paglisan ng mga apostol ay mabilis siyang nagtagumpay na maiwaksi sa paningin ng simbahan ang katotohanan ng pagkasaserdote ni Cristo at ang katotohanan ng pagbabautismo, at nagtatag sa kanilang kahalili ng isang makalupang kaparian at pagbibinyag sa sanggol.

Sa kanilang pagkaakay tungo sa kawalan ng paniniwala at pagbabaliwala sa mga serbisyo sa santuwaryo at bautismo, ang kanilang mismong kaligtasan, ang simbahang Kristiyano ay nahulog sa patibong ni Satanas tungo sa pagkakamali. At ang patibong na iyon ay nakatakda pa rin para sa lahat ng hindi nag-iingat—o sa lahat ng nagwawalang-bahala at nagwawalang-halaga sa patuloy na sumusulong na Katotohanan na inilalahad sa espesyal na mensahe ng pagtatatak sa kapanahunan ngayon.

Ang Protestant Movement ay itinayo upang ipahayag at pagibayuhin ang Bibliya, sapagka’t ang mundo bago ang repormasyon ay nakatali sa kadiliman ng hindi inspiradong pamumuno ng relihiyon ng tao, na hindi pinahihintulutan ang mga karaniwang tao sa karapatang magkaroon ng Bibliya, at nagdudulot sa kanilang pagdepende sa mga pribadong interpretasyon nito. Kaya't dumating ang mga simbahang Protestante sa kanilang pagkakasunud-sunod, upang ibalik ang nayurakang Katotohanan, ang bawat isa ay tumututol laban sa mga pang-aabuso at pang-aagaw ng mga karapatang pantao, bawat isa ay tinawag upang ipaunawa sa mundong Kristiyano ang pangangailangan ng tunay na Inspirasyon at ng kalayaan sa relihiyon, ang karapatang magmay-ari ng Bibliya at mag-aral para sa kanilang sarili, at ang tungkuling gawin ang Bibliya at ang Bibliya lamang bilang tuntunin ng kanilang pananampalataya.

Gayunpaman, dahil sa determinasyon ng kaaway na mapawalang bisa ang Repormasyon, si Satanas mula pa sa pasimula nito ay patuloy na gumagawa upang ang bawat miyembro ng simbahan ay malingat sa mga pribadong interpretasyon ng Kasulatan at sa mga karagdagang teorya sa Bibliya. Dahil dito, ang Protestantismo sa ngayon ay nasusumpungan na sumusunod hindi lamang sa paraan ng hindi kinasihang mga interpretasyon ng Bibliya ng isang tao kundi sa mga paraan ng di-kinasihang interpretasyon ng libu-libong tao! At ang resulta ay ang Sangkakristiyanuhan ay napupuno ng pagkakahati-hati at kalituhan na walang kapantay sa kasaysayan—mga patunay na ang dakilang gawain ng mga tagapagtatag na mga ama ng Protestanteng Repormasyon ay binaluktot at naging isang puwersang nagpapahina para sa pagkabigo ng espesyal na disenyo ng Diyos para sa simbahan ngayon.

Kaya't nakikita natin na ang Repormasyon na orihinal na nasa ilalim ng direksyon ng mga inspiradong tao, na nag-angat sa simbahan mula sa pagkakalubog, sa kalaunan ay napasailalim ng direksyon ng mga taong hindi inspirado, na nagpalubog sa kanyang muli, kung saan siya ay nahirapan mula noon. At maliban kung hayaan natin na alisin tayo ng Katotohanan mula sa nakamamatay na lusak ng kalituhan, hindi natin matatalo ang Kaaway ng Inspirasyon sa kanyang walang pagod at makapangyarihang pagsisikap na baluktutin ang sandata ng ating kaligtasan at gawin itong mga kagamitan para sa ikawawasak.

Ang Seventh-day Adventist Movement ay hinirang upang ipahayag ang gawain sa santuwaryo na: “Magbigay kaluwalhatian sa kaniya; sapagka't dumating ang panahon ng kaniyang paghatol [pag-aani]” (Apoc. 14:7) upang alisin mula sa Aklat ng Buhay ang mga pangalan ng mga hindi nangagdala ng langis sa kanilang mga sisidlan (Mat. 25:3), at ang mga hindi nagsuot ng damit-pangkasal (Mat. 22:11), gayundin ang mga hindi nadoble ang kanilang mga talento. ( Mat. 25:14-30 ); at gayundin upang alisin ang mga panirang damo sa gitna ng trigo (Mat. 13:30).

Ang pagpapahayag na ito tungkol sa mga patay ay upang ihanda ang mga buhay para sa kanilang nalalapit na paghuhukom. Para sa kadahilanang ito, ginamit ni Satanas ang lahat ng kanyang paraan upang hikayatin ang mga Adventista na maging mga tagapakinig at mangangaral lamang ngunit hindi tagatupad ng Salita; sa pagbibigay ng ikapu ng yerbabuena, at ng anis at ng komino, ngunit inalis ang mas mahahalagang bagay sa kautusan. Sa madaling salita, dinulot niya na sila ay maging aba at maralita at dukha at bulag at hubad dahil sa kanilang pagkabigo na maging tapat sa kanilang mga sarili sa paggawa ng kung ano ang kanilang itinuturo sa iba na gawin at hindi dapat gawin. At upang pigilan silang magising sa "kakila-kilabot na panlilinlang" na ito ( Testimonies, Vol 3, p. 254) , pinananatili niya silang malahininga, na kampante na nangangarap na maging mayaman sa katotohanan at walang pangangailangan, bagama't sa katunayan sila ay nasa paghihirap at nangangailangan ng lahat.

Maliwanag kung gayon na ang pagiging malahininga at maling pagaakala na sila’y mayaman ay mga natatanging kamalian ng Laodicea, at mga panganib na kung hindi makikilala at maalis ay magreresulta sa wakas sa pagsuka sa kanila ng Diyos sa Kanyang bibig (Apoc. 3:16).

Kaya muli, ang Panginoon ay nagsusumamo sa mga mananampalataya sa Present-truth na lumakad sa liwanag at umiwas sa pagiging malahininga, baka bumalik sila sa pag-iisip na sila ay mayaman at nagkamit ng kayamanan at walang pangangailangan, at muling maging dukha at nangangailangan ng lahat. Kaya't nakikita natin na bagaman hindi nagawang ibagsak ni Satanas ang bawat indibidwal na miyembro, gayunpaman, nagawa niyang ibagsak ang bawat Movement magpahanggang ngayon.

Ang Eleventh-hour Movement, bilang ang pinakahuli ay ang nasa pinakamalaking panganib sa lahat. Anong tinding pangangailangan nga, kung gayon, na panatilihin nating dilat ang ating mga mata at baka tayo rin ay mahulog! Ang Movement na ito, bilang ang huling pagsisikap sa ebanghelyo ay dapat na “magbigay ng kapangyarihan at lakas” sa Mensahe ng Ikatlong Anghel at “paliwanagin ang lupa ng kaniyang kaluwalhatian (Apoc. 18:1); dapat itong magtagumpay, bagaman ang bawat Movement bago nito ay nabigo. Ito ay itinadhana hindi “upang manghula para sa “maraming bansa” (Apoc. 10:11), kundi para sa “lahat”. At dahil ito ay susuguin sa mga hindi nangakarinig sa Kanyang kabantugan at upang dalhin sa bahay ng Panginoon ang lahat ng mga banal "mula sa lahat ng mga bansa" (Isa. 66:19, 20), ito ay itinalaga upang makapanagumpay. Upang maisakatuparan ang paunang natukoy na layuning ito, ang Diyos ngayon ay kumukuha ng renda sa Kanyang sariling mga kamay (Testimonies to Ministers, p. 300), upang dalisayin ang simbahan sa pamamagitan ng pag-aalis mula rito ng mga pangsirang damo, at upang mapanatili itong malaya mula sa kanila mula ngayon upang ito ay makatayo sa Bundok ng Sion kasama ng Kordero (Apoc. 14:1).