Ang mga Huling Araw

Liksyon 10, Ikatlong Trimestre Agosto 31-Setyembre 6, 2024

img rest_in_christ
Ibahagi ang Liksyong ito
Download Pdf

Hapon ng Sabbath, Agosto 31

Talatang Sauluhin:

“At kung magkagayo'y makikita nila ang Anak ng tao na napariritong nasa mga alapaap na may dakilang kapangyarihan at kaluwalhatian. At kung magkagayo'y susuguin niya ang mga anghel, at titipunin ang kaniyang mga hinirang mula sa apat na hangin, mula sa wakas ng lupa hanggang sa dulo ng langit.” — Marcos 13:26, 27 


“Si Cristo ay darating sa alapaap na may dakilang kaluwalhatian. Ang laksa-laksang anghel na nagniningning ang kasama Niya. Siya ay paparito upang buhayin ang mga patay [na banal], at babaguhin ang mga buhay na banal mula sa kaluwalhatian hanggang sa kaluwalhatian. Siya ay paparito upang parangalan ang mga umiibig sa Kanya, at tumutupad sa Kanyang mga utos, at dalhin silang kasama Niya. Hindi Niya nakakalimutan ang mga ito ni ang Kanyang pangako. Magkakaroon ng muling pagkakaisa sa pamilya. Kapag ating titignan ang mga namatay, maaari nating alalahanin ang umaga kung kailan tutunog ang pakakak ng Diyos, “at ang mga patay ay mangabubuhay na maguli na walang kasiraan, at tayo'y babaguhin.” 1 Corinto 15:52 . Ilang sandali pa, at makikita natin ang Hari sa Kanyang kaluwalhatian. Ilang sandali pa, at papahirin Niya ang lahat ng luha sa ating mga mata. Ilang sandali pa, at ihaharap Niya tayo na “walang kapintasan na may malaking galak, sa harapan ng kaniyang kaluwalhatian.” Judas 1:24 . Kaya't, nang ibigay Niya ang mga tanda ng Kanyang pagparito, sinabi Niya, “Datapuwa't kung magpasimulang mangyari ang mga bagay na ito, ay magsitingin kayo, at itaas ninyo ang inyong mga ulo; sapagka't malapit na ang pagkatubos ninyo.” DA 632.3

“Ngunit ang araw at oras ng Kanyang pagparito ay hindi ipinahayag ni Cristo. Malinaw Niyang sinabi sa Kanyang mga alagad na Siya mismo ay hindi makapagpapaalam sa araw o oras ng Kanyang ikalawang pagparito. Kung Siya ay may kalayaan na ihayag ito, bakit kailangan Niya silang payuhan na panatilihin ang kanilang saloobin ng pag-asa? May mga nagsasabing alam nila ang mismong araw at oras ng pagpapakita ng ating Panginoon. Sila ay nagsusumikap na saliksikin ang hinaharap. Ngunit binalaan sila ng Panginoon ukol sa mga bagay na ito. Ang eksaktong oras ng ikalawang pagparito ng Anak ng tao ay ang misteryo ng Diyos.” DA 632.4

Linggo, Setyembre 1

Dalawang Maliit na Barya sa Handog


Basahin Marcos 12:41-44. Magkano ang ibinigay ng balo at ano ang sinabi ni Jesus tungkol doon?

“Si Jesus ay nasa looban kung saan naroon ang mga kaban ng yaman, at pinagmamasdan Niya ang mga dumadating na naghuhulog ng kanilang mga kaloob. Marami sa mga mayayaman ang nagdala ng malalaking halaga, na kanilang inihandog ng may malaking pagpaparangal. Si Jesus ay tumingin sa kanila nang may kalungkutan, ngunit hindi nagbigay ng komento sa kanilang ginagawang mga handog. At ang Kanyang mukha ay nagliwanag nang makita Niya ang isang mahirap na bao na lumapit na may pag-aalinlangan, na tila natatakot na siya ay mapansin. Habang dumaraan ang mayayaman at mapagmataas, upang ilagak ang kanilang mga handog, siya ay umatras na parang halos hindi nangangahas na lumapit. At gayon pa man siya ay nagnanais na gumawa ng isang bagay, gaano man ito kaliit, dala ng kanyang pagibig sa gawain. Minasdan niya ang kaloob nasa kamay niya. Ito ay napakaliit kung ihahambing sa mga handog ng mga nakapaligid sa kanya, ngunit ang tanging mayroon siya. Sa pagmamasid sa kanyang pagkakataon, dali-dali niyang inihulog ang kanyang dalawang lepta, at tumalikod upang magmadali. Ngunit sa paggawa nito ay napukaw niya ang paningin ni Jesus, na mataimtim na nakatuon sa kanya. DA 614.4

“At pinalapit niya sa kaniya ang kaniyang mga alagad, at pinukaw ang kanilang pansin sa ginawa ng mahirap na bao. Ang Kanyang mga salita ay umabot sa kanyang pandinig: Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang dukhang baong babaing ito, ay naghulog ng higit kay sa lahat.” May namuong mga luha sa kanyang mga mata nang maramdaman niyang ang kanyang ginawa ay naunwaan at napahalagahan. Marami ang maaaring magpayo sa kanya na gamitin na lamang ang maliit na halaga para sa kanyang sariling; na kapag ibinigay ito sa mga kamay ng mga saserdote, ito ay hindi mapapansin at matatabunan ng ibang mamahaling kaloob na hinulog sa kabang-yaman. Ngunit naunawaan ni Jesus ang kanyang motibo. Naniniwala siya na ang paglilingkod sa templo ay itinalaga ng Diyos, at nais niyang gawin sa kanyang buong makakaya ang suportahan ito. Ginawa niya ang lahat ng kanyang makakaya, at ang kanyang ginawa ay magiging isang alaala sa kanyang buhay sa lahat ng panahon, at kanyang kagalakan sa walang-hanggan. Ang kanyang puso ay kasama sa kanyang kaloob; ang halaga nito ay sinusukat, hindi ayon sa halaga ng salapi, kundi sa pag-ibig sa Diyos at sa malasakit sa Kanyang gawain na nag-udyok sa gayong gawa. DA 615.1

“Sinabi ni Jesus tungkol sa dukhang balo, Siya ay “naghulog ng higit kaysa kanilang lahat.” Ang mayayaman ay nagkaloob mula sa kanilang kasaganaan, marami sa kanila upang makita at parangalan ng mga tao. Ang kanilang malalaking donasyon ay hindi nakaapekto sa kanilang kaginhawahan, o maging sa karangyaan; walang sakripisyo sa kanilang bahagi, at hindi maihahambing ang halaga nito sa lepta na inihulog ng balo.” DA 615.2

Lunes , Setyembre 2

Walang Bato na Nasa Ibabaw ng Isa pa


Basahin ang Marcos 13:1-13. Paano tumugon ang mga alagad sa sinabi ni Jesus tungkol sa templo, at ano ang kahalagahan ng sagot ni Jesus sa kanila?

“Habang ang atensiyon ni Cristo ay nakatuon sa karilagan ng templo, ano nga kayang mga bagay ang tumatakbo sa isipan ng Isang Tinanggihan na iyon! Tunay na maganda ang tanawin sa harapan Niya, ngunit sinabi Niya nang may kalungkutan, nakikita ko ang lahat. Ang mga gusali ay talagang kahanga-hanga. Ito ay tila mga pader na hindi masisira; ngunit makinig sa Aking mga salita: Darating ang araw na “walang matitira ditong isang bato sa ibabaw ng kapuwa bato na di ibabagsak.” DA 627.2

“Ang mga salita ni Cristo ay binigkas sa pandinig ng maraming tao; ngunit nang Siya ay nag-iisa, sina Pedro, Juan, Santiago, at Andres ay lumapit sa Kanya habang Siya ay nakaupo sa Bundok ng mga Olibo. “Sabihin mo sa amin, kailan mangyayari ang mga bagay na ito? at ano ang magiging tanda ng iyong pagparito, at ng katapusan ng sanglibutan?” Hindi sinagot ni Jesus ang Kanyang mga alagad sa pamamagitan ng paghihiwalay sa magaganap na pagkawasak ng Jerusalem at sa dakilang araw ng Kanyang pagparito. Pinaghalo niya ang paglalarawan sa dalawang pangyayaring ito. Kung Kanyang ihahayag sa mga alagad ang mga mangyayari sa hinaharap, hindi nila makakayanang pasanin ang bigat nito. Sa Kanyang awa sa kanila ay pinaghalo Niya ang paglalarawan sa dalawang malalaking krisis, at iniwan sa bahagi ng mga alagad na saliksikin ang kahulugan nito sa kanilang mga sarili. Nang tinukoy Niya ang pagkawasak ng Jerusalem, ang Kanyang makahulang mga salita ay umabot sa kabila ng pangyayaring iyon hanggang sa huling paglalagablab sa araw na iyon kung kailan ang Panginoon ay lumalabas mula sa kaniyang dako upang parusahan ang mga nananahan sa lupa dahil sa kanilang kasamaan: ililitaw naman ng lupa ang kaniyang dugo, at hindi na tatakpan ang kaniyang nangapatay.. Ang buong diskursong ito ay ibinigay, hindi lamang para sa mga alagad, kundi para sa mga nabubuhay sa panahon ng mga huling tagpo ng kasaysayan ng mundong ito.” DA 628.1

Martes, Setyembre 3

Ang Karumaldumal na Paglapastangan


Basahin ang Marcos 13:14-18. Anong pahiwatig ang ibinigay ni Jesus para mabatid kung ano ang tinutukoy ng “karumaldumal na paglapastangan”?

“At binalaan ng Tagapagligtas ang Kanyang mga tagasunod: “ Kaya nga pagkakita ninyo ng kasuklamsuklam na paninira, na sinalita sa pamamagitan ng propeta Daniel, na natatayo sa dakong banal (unawain ng bumabasa), Kung magkagayo'y magsitakas sa mga bundok ang nangasa Judea.” Mateo 24:15, 16 ; Lucas 21:20, 21 Kapag ang mga idolatrosong pamantayan ng mga Romano ay naitayo sa banal na lupain, na umaabot ng ilang estadio sa labas ng mga pader ng lungsod, kung gayon ang mga tagasunod ni Cristo ay makakahanap ng kaligtasan sa pagtakas. Kapag ang tanda ng babala ay makita, ang mga tatakas ay hindi dapat mag-antala. Sa buong lupain ng Judea, gayundin sa Jerusalem mismo, ang hudyat ng pagtakas ay dapat na agad na sundin. Siya na nagkataon na nasa bubungan ng bahay ay hindi dapat bumaba sa kanyang bahay, o subukan pang iligtas ang kanyang pinakamahalagang kayamanan. Yaong mga gumagawa sa bukid o ubasan ay huwag magbalik upang kumuha ng kaniyang balabal na kanyang itinabi habang sila ay nagpapagal sa init ng araw. Hindi sila dapat mag-alinlangan kahit isang sandali, baka sila ay masangkot sa pangkalahatang pagkawasak. ” GC 25.4

Basahin ang Daniel 9:26, 27. Sino ang “Mesiyas,” at sino ang “pinunong darating”?

Pagkatapos ng “pitong sanglinggo”, at “anim na pu't dalawang sanglinggo” [483 taon] mahihiwalay ang pinahiran,…at ang mga tao ng prinsipe [mga Romano] na darating ay gigibain ang bayan at ang santuario [na tinupad ni Titus noong 70 AD. ]; at ang wakas niyaon ay sa pamamagitan ng baha, at hanggang sa wakas ay magkakaroon ng digma; mga pagkasira ay ipinasiya na. At pagtitibayin Niya [ni Cristo] ang tipan sa marami sa isang sanglinggo [pitong taon, simula sa Kanyang bautismo]: at sa kalahati ng sanglinggo [sa gitna ng pitong taon] ay kaniyang ipatitigil ang hain at ang alay [sa pamamagitan ng pagaalay ng Kanyang sarili at sa pamamagitan ng paglipat nito sa makalangit na santuwaryo: ang Kanyang sakripisyo ang hahalili sa makalupang hain, at sa gayon ang makalangit na santuwaryo ay hahalili sa makalupang santuwaryo, kung saan si Cristo Mismo ang punong saserdote], at sa pakpak ng mga kasuklamsuklam ay paroroon ang isang maninira; [ng templo sa Jerusalem], at hanggang sa wakas, at pagkapasiya ay mabubuhos ang poot sa maninira.” Dan. 9:25-27

Miyerkules , Setyembre 4

Ang Dakilang Kapighatian


Basahin ang Marcos 13:19. Ano ang tinutukoy ng talatang ito?

“Mula sa pagkawasak ng Jerusalem, si Cristo ay nagpatuloy sa mas dakilang pangyayari, ang huling ugnayan sa tanikala ng kasaysayan ng mundong ito,—ang pagparito ng Anak ng Diyos sa kadakilaan at kaluwalhatian. Sa pagitan ng dalawang pangyayaring ito ay nabuksan sa pananaw ni Cristo ang mahabang siglo ng kadiliman, mga siglo para sa Kanyang iglesia na may marka ng dugo at luha at paghihirap. Sa mga tagpong ito ay hindi makakayanang tumingin ng Kanyang mga alagad, at dinaanan ni Jesus ang mga ito nang may maikling pagbanggit. “Sapagka't kung magkagayo'y magkakaroon ng malaking kapighatian, na ang gayo'y di pa nangyayari buhat sa pasimula ng sanglibutan hanggang ngayon, at ni hindi na mangyayari kailan man. At malibang paikliin ang mga araw na yaon, ay walang lamang makaliligtas: datapuwa't dahil sa mga hirang ay paiikliin ang mga araw na yaon.” Sa loob ng mahigit isang libong taon, ang gayong pag-uusig na hindi pa natunghayan sa mundo ay sasapit sa mga tagasunod ni Cristo. Milyun-milyon sa Kanyang tapat na mga saksi ang papatayin. Kung ang kamay ng Diyos ay hindi iniunat upang ingatan ang Kanyang bayan, ang lahat ay mapapahamak. “Datapuwa't dahil sa mga hirang ay paiikliin ang mga araw na yaon.” DA 630.5

Basahin ang Marcos 13:20-23. Anong pag-asa ang iniaalok ng Diyos sa Kaniyang bayan sa panahon ng pag-uusig, at anong babala ang ibinibigay Niya habang papatapos ito?

“Datapuwa't dahil sa mga hirang ay paiikliin ang mga araw na yaon.” DA 630.5

“Ngayon, sa hindi mapag-aalinlanganang pananalita, ang ating Panginoon ay nagsasalita tungkol sa Kanyang ikalawang pagparito, at nagbibigay Siya ng babala sa mga panganib bago ang Kanyang pagdating sa mundo. “At kung magkagayon kung may magsabi sa inyong sinomang tao, Narito, ang Cristo; o, Nariyan; huwag ninyong paniwalaan: Sapagka't may magsisilitaw na mga bulaang Cristo at mga bulaang propeta, at mangagpapakita ng mga tanda at mga kababalaghan, upang mailigaw nila, kung mangyayari, ang mga hirang. Datapuwa't mangagingat kayo: narito, ipinagpauna ko nang sinabi sa inyo ang lahat ng mga bagay. Kaya nga kung sa inyo'y kanilang sasabihin, Narito, siya'y nasa ilang; huwag kayong magsilabas: Narito, siya'y nasa mga silid; huwag ninyong paniwalaan. Sapagka't gaya ng kidlat na kumikidlat sa silanganan, at nakikita hanggang sa kalunuran; gayon din naman ang pagparito ng Anak ng tao.” Bilang isa sa mga tanda ng pagkawasak ng Jerusalem, sinabi ni Cristo, “At magsisibangon ang maraming bulaang propeta, at kanilang ililigaw ang marami.” Ang mga bulaang propeta ay bumangon, at nilinlang ang mga tao, at dinala ang napakaraming bilang sa ilang. Ang mga salamangkero at mga mangkukulam, na nag-aangkin ng mahimalang kapangyarihan, ay hinikayat ang mga tao na sumunod sa kanila sa mga pag-iisa sa bundok. Ngunit ang propesiya na ito ay sinalita din para sa mga huling araw. Ang tanda na ito ay ibinigay bilang tanda ng ikalawang pagparito. Maging ngayon ang mga bulaang kristo at mga huwad na propeta ay nagpapakita ng mga tanda at kababalaghan upang akitin ang Kanyang mga tagasunod. Hindi ba natin naririnig ang sigaw, “Narito, siya'y nasa ilang”? Hindi ba libu-libo ang nagtungo sa ilang, na umaasang mahahanap si Cristo? At mula sa libu-libong mga pagtitipon kung saan ang mga tao ay nagpapahayag na may pakikipagugnayan sa mga yumaong espiritu ay hindi ba ang tawag na naririnig ngayon, “Narito, Siya ay nasa mga lihim na silid”? Ito ang mismong pag-aangkin na ginagawa ng espiritismo. Ngunit ano ang sabi ni Cristo? 'Wag kang maniwala. Sapagka't gaya ng kidlat na kumikidlat sa silanganan, at nakikita hanggang sa kalunuran; gayon din naman ang pagparito ng Anak ng tao.” DA 631.1

Huwebes , Setyembre 5

Ang Pagdating ng Anak ng Tao


Basahin ang Marcos 13:24-32. Anong dakilang pangyayari ang inilarawan dito?

“Ang Tagapagligtas ay nagbigay ng mga palatandaan ng Kanyang pagparito, at higit pa rito, itinakda Niya ang oras kung kailan lilitaw ang una sa mga tandang ito: “Datapuwa't karakarakang pagkatapos ng kapighatian sa mga araw na yaon ay magdidilim ang araw, at ang buwan ay hindi magbibigay ng kaniyang liwanag, at mangalalaglag ang mga bituin mula sa langit, at magsisipangatal ang mga kapangyarihan sa mga langit: At kung magkagayo'y lilitaw ang tanda ng Anak ng tao sa langit: at kung magkagayo'y magsisitaghoy ang lahat ng mga angkan sa lupa, at mangakikita nila ang Anak ng tao na napaparitong sumasa mga alapaap ng langit na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian. At susuguin ang kaniyang mga anghel na may matinding pakakak, at kanilang titipunin ang kaniyang mga hinirang mula sa apat na hangin ng sanglibutan, mula sa isang dulo ng langit hanggang sa kabila.” DA 631.2

“Sa pagtatapos ng matinding pag-uusig ng kapapahan, ipinahayag ni Cristo, ang araw ay magdidilim, at ang buwan ay hindi magbibigay ng kanyang liwanag. Sunod, ang mga bituin ay mahuhulog mula sa langit. At sinabi Niya, “Sa puno ng igos nga ay pagaralan ninyo ang kaniyang talinghaga: pagka nananariwa ang kaniyang sanga, at sumusupling ang mga dahon, ay nalalaman ninyo na malapit na ang tagaraw; Gayon din naman kayo, pagka nangakita ninyo ang lahat ng mga bagay na ito, ay talastasin ninyo na siya'y malapit na, nasa mga pintuan nga.” Mateo 24:32, 33 , margin. DA 632.1

“Nagbigay si Cristo ng mga palatandaan ng Kanyang pagdating. Ipinahayag Niya na maaari nating malaman kung kailan Siya ay malapit na, maging sa mga pintuan. Sinabi niya tungkol sa mga nakakakita ng mga tandang ito, “Hindi lilipas ang lahing ito, hanggang sa mangaganap ang lahat ng mga bagay na ito.” Ang mga palatandaang ito ay lumitaw na. Ngayon ay alam na natin na ang pagdating ng Panginoon ay malapit na. “Ang langit at ang lupa ay lilipas, datapuwa't ang aking mga salita ay hindi lilipas.” DA 632.2

“Si Cristo ay darating sa alapaap na may dakilang kaluwalhatian. Ang laksa-laksang anghel na nagniningning ang kasama Niya. Siya ay paparito upang buhayin ang mga patay [na banal], at babaguhin ang mga buhay na banal mula sa kaluwalhatian hanggang sa kaluwalhatian. Siya ay paparito upang parangalan ang mga umiibig sa Kanya, at tumutupad sa Kanyang mga utos, at dalhin silang kasama Niya. Hindi Niya nakakalimutan ang mga ito ni ang Kanyang pangako. Magkakaroon ng muling pagkakaisa sa pamilya. Kapag ating titignan ang mga namatay, maaari nating alalahanin ang umaga kung kailan tutunog ang pakakak ng Diyos, “at ang mga patay ay mangabubuhay na maguli na walang kasiraan, at tayo'y babaguhin.” 1 Corinto 15:52 . Ilang sandali pa, at makikita natin ang Hari sa Kanyang kaluwalhatian. Ilang sandali pa, at papahirin Niya ang lahat ng luha sa ating mga mata. Ilang sandali pa, at ihaharap Niya tayo na “walang kapintasan na may malaking galak, sa harapan ng kaniyang kaluwalhatian.” Judas 1:24 . Kaya't, nang ibigay Niya ang mga tanda ng Kanyang pagparito, sinabi Niya, “Datapuwa't kung magpasimulang mangyari ang mga bagay na ito, ay magsitingin kayo, at itaas ninyo ang inyong mga ulo; sapagka't malapit na ang pagkatubos ninyo.” DA 632.3

Biyernes, Setyembre 6

Karagdagang Kaisipan

“Pagkatapos Niyang maibigay ang mga palatandaan ng Kanyang pagparito, sinabi ni Kristo, “pagka nangakita ninyong nangyari ang mga bagay na ito, talastasin ninyo na malapit na ang kaharian ng Dios.” “Mag-ingat kayo, magbantay at manalangin.” Ang Diyos ay palaging nagbibigay ng babala sa mga tao tungkol sa darating na mga paghuhukom. Yaong mga may pananampalataya sa Kanyang mensahe para sa kanilang panahon, at nagsagawa ng kanilang pananampalataya, sa pagsunod sa Kanyang mga utos, ay nakatakas sa mga paghatol na ibabagsak sa mga masuwayin at hindi naniniwala. Dumating ang salita kay Noe, “Lumulan ka at ang iyong buong sangbahayan sa sasakyan; sapagka't ikaw ay aking nakitang matuwid sa harap ko.” Si Noah ay sumunod at naligtas. Dumating ang mensahe kay Lot, “Magtindig kayo, magsialis kayo sa dakong ito; sapagka't gugunawin ng Panginoon ang bayan.” Genesis 7:1 ; 19:14 . Inilagay ni Lot ang kanyang sarili sa ilalim ng pangangalaga ng makalangit na mga sugo, at siya’y naligtas. Gayundin, ang mga alagad ni Cristo ay binigyan ng babala tungkol sa pagkawasak ng Jerusalem. Yaong mga naghintay para sa tanda ng darating na kapahamakan, at tumakas mula sa lungsod, ay nakatakas sa pagkawasak. Kaya ngayon ay binibigyan tayo ng babala tungkol sa ikalawang pagparito ni Cristo at sa pagkawasak na babagsak sa mundo. Ang makikinig sa babala ay maliligtas. DA 634.1

“Dahil hindi natin alam ang eksaktong oras ng Kanyang pagdating, inuutusan tayong magbantay. “ Mapapalad yaong mga alipin na kung dumating ang panginoon ay maratnang nangagpupuyat.” Lucas 12:37 . Ang mga nag-aabang sa pagdating ng Panginoon ay hindi naghihintay nang walang ginagawa. Ang mga umaasa sa pagdating ni Cristo ay may takot sa Panginoon, at takot sa Kanyang mga hatol sa pagsuway. Ito ay gigising sa kanila at magmumulat sa malaking kasalanan ng pagtanggi sa Kanyang mga alok ng awa. Ang mga nagbabantay sa Panginoon ay nagdadalisay ng kanilang mga kaluluwa sa pamamagitan ng pagsunod sa katotohanan. Kasabay ng matamang pagbabantay ay ang kanilang taimtim na paggawa. Dahil alam nila na ang Panginoon ay nasa pintuan na, ang kanilang kasigasigan ay napupukaw upang makipagtulungan sa mga banal na katalinuhan sa paggawa para sa kaligtasan ng mga kaluluwa. Ito ang mga tapat at matatalinong lingkod na nagbibigay sa sambahayan ng Panginoon ng “kanilang bahagi na pagkain sa kapanahunan.” Lucas 12:42 . Ipinapahayag nila ang katotohanan na ngayon ay partikular na naaangkop. Kung paanong sina Enoc, Noe, Abraham, at Moises ay nagpahayag ng katotohanan para sa kanilang panahon, gayundin ang mga lingkod ni Cristo ngayon ay magbibigay ng espesyal na babala para sa kanilang henerasyon.” DA 634.2